1. Bakit Ginagawa ng Diyos ang gawain ng Pagliligtas sa Sangkatauhan?
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Noong simula, nasa pamamahinga ang Diyos. Walang mga tao o anumang iba pa sa lupa noong panahong iyon, at hindi pa gumawa ang Diyos ng anumang gawain. Sinimulan lamang Niya ang Kanyang gawain ng pamamahala nang umiral na ang sangkatauhan at pagkatapos maging tiwali ang sangkatauhan; mula sa puntong iyon, hindi na Siya nagpahinga, kundi sa halip ay nagsimulang magpakaabala sa gitna ng sangkatauhan. Ang katiwalian ng sangkatauhan ang dahilan kung bakit nawala sa Diyos ang Kanyang pamamahinga, at dahil na rin sa pagkakanulo ng arkanghel. Kung hindi tatalunin ng Diyos si Satanas at ililigtas ang naging tiwaling sangkatauhan, hindi Siya kailanman muling makakapasok sa pamamahinga. Kung paanong walang pamamahinga ang tao, ganoon din ang Diyos, at kapag nagpahinga na Siyang muli, ganoon din ang gagawin ng mga tao. Ang buhay na may kapahingahan ay nangangahulugan ng isang buhay na walang digmaan, walang karumihan, at walang anumang kawalan ng katuwiran. Ibig sabihin, isa itong buhay na walang mga panggugulo ni Satanas (ang salitang “Satanas” dito ay tumutukoy sa mga mapanlabang puwersa) at paggawang tiwali ni Satanas, at malaya sa panghihimasok ng anumang puwersang kumokontra sa Diyos; isa itong buhay kung saan ang lahat ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri at kayang sumamba sa Lumikha, at kung saan ang langit at lupa ay ganap na payapa. Ito ang buhay na may kapahingahan para sa mga tao. Kapag nagpahinga ang Diyos, hindi na iiral ang kawalan ng katuwiran sa lupa, ni magkakaroon ng anumang karagdagang panghihimasok mula sa mga mapanlabang puwersa, at papasok ang sangkatauhan sa isang bagong mundo—hindi na magiging isang sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, kundi isang sangkatauhang nailigtas matapos gawing tiwali ni Satanas. Ang araw ng kapahingahan ng sangkatauhan ay magiging araw din ng kapahingahan ng Diyos. Nawalan ang Diyos ng Kanyang kapahingahan dahil sa kawalan ng abilidad ng sangkatauhan na pumasok sa kapahingahan; hindi dahil sa wala Siyang kapahingahan sa simula.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Narito ang mga tunay na nangyari: Bago umiral ang mundo, ang arkanghel ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Mayroon itong kapangyarihan sa lahat ng anghel sa langit; ito ang awtoridad na ibinigay rito ng Diyos. Maliban sa Diyos, ito ang pinakadakila sa mga anghel sa langit. Kalaunan, matapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, sa lupa naman ay nagsagawa ng mas malaki pang pagkakanulo ang arkanghel laban sa Diyos. Sinasabi Ko na ipinagkanulo nito ang Diyos dahil nais nitong pamahalaan ang sangkatauhan at lampasan ang awtoridad ng Diyos. Ang arkanghel ang nanukso kay Eba na magkasala, at ginawa ito dahil nais nitong itatag ang kaharian nito sa lupa at na ipagkanulo ng sangkatauhan ang Diyos at sa halip ay sundin nila ang arkanghel. Nakita ng arkanghel na maaari itong sundin ng napakaraming bagay—magagawa iyon ng mga anghel, gayundin ng mga tao sa ibabaw ng lupa. Ang mga ibon at hayop, mga puno, kagubatan, kabundukan, mga ilog, ang lahat ng bagay sa ibabaw ng lupa ay nasa pangangalaga ng mga tao—ibig sabihin, nina Adan at Eba—samantalang sinunod nina Adan at Eba ang arkanghel. Sa gayon ay hinangad ng arkanghel na lampasan ang awtoridad ng Diyos at ipagkanulo ang Diyos. Pagkatapos niyon, pinamunuan nito ang maraming anghel na ipagkanulo ang Diyos, na kalaunan ay naging iba’t ibang uri ng maruruming espiritu. Hindi ba’t ang pagtitiwali ng arkanghel ang sanhi ng nangyari sa sangkatauhan hanggang sa araw na ito? Naging ganito lamang ang sangkatauhan ngayon dahil ipinagkanulo ng arkanghel ang Diyos at ginawang tiwali ang sangkatauhan. … Ang sangkatauhan at lahat ng nasa lupa ay nasa ilalim ngayon ng kapangyarihan ni Satanas at nasa ilalim ng kapangyarihan ng masasama. Nais ng Diyos na ibunyag ang Kanyang mga gawa sa lahat ng bagay upang makilala Siya ng mga tao, at sa gayon ay matalo si Satanas at lubos na magapi ang Kanyang mga kaaway. Ang kabuuan ng gawaing ito ay naisasakatuparan sa pamamagitan ng pagbubunyag ng Kanyang mga gawa. Lahat ng Kanyang likha ay nasa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, kaya nais ng Diyos na ibunyag sa kanila ang Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat, sa gayon ay matalo si Satanas. Kung walang Satanas, hindi Niya kakailanganing ibunyag ang Kanyang mga gawa. Kung hindi dahil sa panggugulo ni Satanas, pagkatapos likhain ng Diyos ang sangkatauhan, inakay Niya sana sila na manirahan sa Hardin ng Eden. Bakit, bago ang pagkakanulo ni Satanas, hindi kailanman ibinunyag ng Diyos ang lahat ng Kanyang mga gawa sa mga anghel o sa arkanghel? Kung, sa simula, nakilala ng lahat ng anghel at ng arkanghel ang Diyos at nagpasakop sa Kanya, hindi sana isinagawa ng Diyos ang mga walang-kabuluhang kilos na iyon ng gawain. Dahil mayroong Satanas at mga demonyo, at dahil nilabanan ng mga tao ang Diyos at punung-puno ng mga mapaghimagsik na disposisyon, ibubunyag ng Diyos kung gayon ang Kanyang mga gawa. Dahil makikipaglaban Siya kay Satanas, kailangan Niyang gamitin ang Kanyang sariling awtoridad at lahat ng Kanyang gawa upang talunin ito; sa ganitong paraan, ang gawain ng pagliligtas na Kanyang isinasagawa sa gitna ng mga tao ay tutulutan silang makita ang Kanyang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Malaman Kung Paano Umunlad ang Buong Sangkatauhan Hanggang sa Kasalukuyang Araw
Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng isang nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at nasa lilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. Sa lahat ng dako, paroo’t parito ang mga demonyo nang sama-sama sa gitna ng mga tao. Ang mga inapo ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga panahon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, ay isang tagapagtanghal na gumaganap sa imahe ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang pagsasakatawan ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na “matunog na nagpapatotoo” kay Satanas. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, ang gayong pangkat ng masamang latak, ang gayong supling ng isang tiwaling pamilya ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Mayroon bang anumang patotoo sa Akin na mababanggit? Sapagkat ang kaaway na kumakalaban sa Akin, at na ginawang tiwali ang sangkatauhan, ay naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Sa simula, nilikha Ko ang sangkatauhan; ibig sabihin, nilikha Ko ang ninuno ng sangkatauhan, si Adan. Pinagkalooban siya ng anyo at wangis, nag-uumapaw sa sigla, nag-uumapaw sa lakas, at higit pa riyan, kapiling siya ng Aking kaluwalhatian. Iyan ang maluwalhating araw nang likhain Ko ang tao. Pagkatapos niyan, ginawa si Eba mula sa katawan ni Adan, at siya man ay ninuno ng tao. Kaya, ang mga taong nilikha Ko ay puno ng Aking hininga at nag-uumapaw sa Aking kaluwalhatian. Si Adan ay orihinal na “isinilang” mula sa Aking kamay at siyang kumakatawan sa Aking wangis. Sa gayon, ang orihinal na kahulugan ng “Adan” ay isang nilalang na Aking nilikha na puspos ng Aking masiglang lakas, puspos ng Aking kaluwalhatian, may anyo at wangis, may isang espiritu at hininga. Siya lamang ang nilikha na may angking espiritu na may kapabilidad na kumatawan sa Akin at taglayin ang Aking wangis, at nakatanggap ng Aking hininga. Sa simula, si Eba ang ikalawang taong pinagkalooban ng hininga na ang paglikha ay Aking inorden, kaya ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang nilikha na magpapatuloy ng Aking kaluwalhatian, puno ng Aking sigla at higit pa riyan ay pinagkalooban ng Aking kaluwalhatian. Si Eba ay nagmula kay Adan, kaya taglay rin niya ang Aking wangis, sapagkat siya ang ikalawang taong nilalang sa Aking wangis. Ang orihinal na kahulugan ng “Eba” ay isang buhay na tao na may espiritu, laman, at buto. Siya ang ikalawang patotoo Ko at Aking ikalawang wangis sa gitna ng sangkatauhan. Sila ang mga ninuno ng sangkatauhan, ang mga mahalaga at dalisay sa sangkatauhan, at sila ay orihinal na mga buhay na nilalang na pinagkalooban ng mga espiritu. Gayunman, tinapakan at binihag ng masama ang mga inapo ng mga ninuno ng sangkatauhan, at isinadlak ang mundo ng tao sa ganap na kadiliman, at idinulot ito upang hindi na maniwala ang mga inapo sa Aking pag-iral. Mas karumal-dumal pa ay na, habang ginagawang tiwali ng masama ang mga tao at tinatapakan sila, malupit nitong inagaw ang Aking kaluwalhatian, ang Aking patotoo, ang siglang ipinagkaloob Ko sa kanila, ang hininga at ang buhay na inihip Ko sa kanila, ang Aking buong kaluwalhatian sa mundo ng tao, at lahat ng dugo ng puso na Aking ginugol sa sangkatauhan. Wala na sa liwanag ang sangkatauhan, at naiwala na ng mga tao ang lahat ng Aking ipinagkaloob sa kanila, at itinapon na nila ang kaluwalhatiang Aking ipinagkaloob sa kanila. Paano nila maaaring kilalanin na Ako ang Panginoon ng buong sangnilikha? Paano sila maniniwala sa Aking pag-iral sa langit? Paano nila matutuklasan ang mga pagpapamalas ng Aking kaluwalhatian sa ibabaw ng lupa? Paano ituturing ng mga apong lalaki at babaeng ito ang Diyos na kinatakutan ng sarili nilang mga ninuno bilang Panginoon na lumikha sa kanila? Ang kaawa-awang mga apong ito ay aktuwal na “inialay” nang may malaking pagkabukas-palad sa masama ang kaluwalhatian, ang wangis, at ang patotoong ipinagkaloob Ko kina Adan at Eba, gayundin ang buhay na ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan at kung saan sila umaasa para manatiling buhay; at hindi nila binibigyang-pansin kahit kaunti ang presensiya ng masama, at ibinibigay nila ang Aking buong kaluwalhatian dito. Hindi ba’t ito mismo ang pinagmulan ng terminong “masamang latak”? Paano tataglayin ng gayong sangkatauhan, gayong masasamang demonyo, gayong mga bangkay na naglalakad, gayong mga Satanas, gayong mga kaaway Ko ang Aking kaluwalhatian? Babawiin Ko ang Aking kaluwalhatian, babawiin Ko ang Aking patotoo sa gitna ng tao, at lahat ng orihinal na Akin at ang ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan noong unang panahon—ganap Kong lulupigin ang sangkatauhan. Gayunman, dapat mong malaman na ang mga taong Aking nilikha ay mga dalisay na tao na taglay ang Aking wangis at Aking kaluwalhatian. Hindi sila pag-aari ni Satanas, ni hindi sila natapakan nito, kundi purong pagpapamalas Ko lamang, malaya sa pinakakaunting bahid ng lason ni Satanas. Kaya naman, ipinapaalam Ko sa sangkatauhan: ang tanging nais Ko ay ang mga dalisay na nilikha ng Aking kamay, at ang minamahal Ko at hindi nabibilang sa anupamang ibang nilalang, at masisiyahan Ako sa kanila at ituturing Ko silang Aking kaluwalhatian, gayunman, ang nais Ko ay hindi ang sangkatauhang nagawang tiwali ni Satanas, na pag-aari ni Satanas ngayon, at hindi na ang Aking orihinal na likha. Dahil layon Kong bawiin ang Aking kaluwalhatian sa mundo ng tao, ganap Kong lulupigin ang nanatiling buhay sa sangkatauhan, bilang katunayan ng Aking kaluwalhatian sa pagtalo kay Satanas. Ang Aking patotoo lamang ang tinatanggap Ko bilang Aking kristalisasyon, bilang layon ng Aking kasiyahan. Ito ang Aking layunin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao