5. Tanging Ang Paghatol at Pagkastigo ng Diyos sa Mga Huling Araw ay Ang Kanyang Mahalaga, Hindi Mapasusubaliang Gawain Para sa Pagliligtas sa Sangkatauhan

Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:

“Sinasabi niya nang may malakas na tinig, ‘Matakot kayo sa Diyos, at magbigay kaluwalhatian sa Kanya; sapagkat dumarating ang panahon ng Kanyang paghatol’” (Pahayag 14:7).

“Sapagkat dumating na ang panahon ng pasimula ng paghatol sa bahay ng Diyos” (1 Pedro 4:17).

“Siya’y hahatol sa gitna ng mga bansa, at sasaway sa maraming tao” (Isaias 2:4).

“At kung ang sinumang tao’y nakikinig sa Aking mga pananalita, at hindi sumasampalataya, ay hindi Ko siya hinahatulan: sapagkat hindi Ako naparito upang humatol sa sanlibutan, kundi upang iligtas ang sanlibutan. Siya na nagtatakwil sa Akin, at hindi tumatanggap sa Aking mga salita, ay mayroong isang hahatol sa kanya: ang Daang Aking sinalita, ay siyang sa kanya’y hahatol sa huling araw” (Juan 12:47–48).

“Mayroon pa Akong maraming bagay na sa inyo ay sasabihin, ngunit ngayon ay hindi ninyo kakayanin. Gayon man ay kapag Siya, ang Espiritu ng katotohanan, ay dumating, ay papatnubayan Niya kayo sa buong katotohanan: sapagkat hindi Siya magsasalita ng mula sa Kanyang sarili; kundi ang anomang bagay na Kanyang marinig, ang mga ito ang Kanyang sasalitain: at Kanyang ipahahayag sa inyo ang mga bagay na magsisidating” (Juan 16:12–13).

Nauugnay na mga Salita ng Diyos:

Nang pumarito si Jesus sa mundo ng tao, pinasimulan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at winakasan ang Kapanahunan ng Kautusan. Sa mga huling araw, minsan pang naging tao ang Diyos, at sa pagkakatawang-taong ito ay winakasan Niya ang Kapanahunan ng Biyaya at pinasimulan ang Kapanahunan ng Kaharian. Lahat ng nagagawang tumanggap sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos ay aakayin tungo sa Kapanahunan ng Kaharian, at bukod pa riyan ay magagawang personal na tumanggap ng gabay ng Diyos. Bagama’t dumating si Jesus sa gitna ng mga tao at gumawa ng maraming gawain, kinumpleto lamang Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan at nagsilbi bilang handog para sa kasalanan ng tao; hindi Niya inalis sa tao ang lahat ng tiwaling disposisyon nito. Ang ganap na pagliligtas sa tao mula sa impluwensiya ni Satanas ay hindi lamang nangailangan na si Jesus ay maging handog para sa kasalanan at magpasan ng mga kasalanan ng tao, kundi kinailangan din nito na gumawa ang Diyos ng mas dakila pang gawain upang ganap na iwaksi sa tao ang mga disposisyon nito na ginawang tiwali ni Satanas. Kaya, pagkatapos mapatawad ang tao sa mga kasalanan nito, nagbalik ang Diyos sa katawang-tao upang akayin ang tao tungo sa bagong kapanahunan, at sinimulan Niya ang gawain ng pagkastigo at paghatol. Ang gawaing ito ay nagdala sa sangkatauhan sa isang mas mataas na antas. Lahat ng nagpapasakop sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan ay magtatamasa ng mas mataas na katotohanan at tatanggap ng mas malalaking pagpapala. Tunay silang mamumuhay sa liwanag, at makakamit nila ang katotohanan, ang daan, at ang buhay.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Minsan na Akong tinawag na Jehova, minsan din Akong nakilala ng mga tao bilang ang Mesiyas, at minsan na Akong tinawag ng mga tao na Jesus na Tagapagligtas nang may pagmamahal at paggalang. Ngayon ay hindi na Ako ang Jehova o Jesus na nakilala ng mga tao noong araw. Sa halip, Ako ang Diyos na nagbalik na sa mga huling araw, ang Diyos na magwawakas sa kapanahunan; Ako ang Diyos Mismo na bumabangon mula sa dulo ng daigdig, puspos ng Aking buong disposisyon, at puno ng awtoridad, karangalan, at kaluwalhatian. Hindi nakipag-ugnayan sa Akin ang tao kailanman, hindi Ako nakilala nito kailanman, at noon pa man ay palagi itong walang alam tungkol sa Aking disposisyon. Mula sa paglikha ng mundo hanggang ngayon, wala ni isa mang tao na nakakita sa Akin. Ito ang Diyos na nagpapakita sa mga tao sa mga huling araw ngunit nakatago sa gitna nito. Nananahan Siya sa piling ng tao, buhay at nabubuhay, tulad ng nagliliyab na araw at naglalagablab na apoy, puno ng kapangyarihan at nag-uumapaw sa awtoridad. Wala ni isa mang tao o bagay na hindi hahatulan ng Aking mga salita, at wala ni isa mang tao o bagay na hindi gagawing dalisay sa pamamagitan ng pagsunog ng apoy. Sa huli, pagpapalain ang di-mabilang na mga bayan dahil sa Aking mga salita, at dudurugin din nang pira-piraso dahil sa Aking mga salita. Sa ganitong paraan, makikita ng lahat ng tao sa mga huling araw na Ako ang Tagapagligtas na nagbalik, at na Ako ang Makapangyarihang Diyos, na lumulupig sa buong sangkatauhan. At makikita ng lahat na Ako ay minsang naging handog para sa kasalanan ng tao, ngunit sa mga huling araw ay Ako ang naging mga apoy ng naglalagablab na araw na sumusunog sa lahat ng bagay, gayundin ang Araw ng katuwiran na nagbubunyag sa lahat ng bagay. Ito ang Aking gawain sa mga huling araw. Ginagamit Ko ang pangalang ito at tinataglay Ko ang disposisyong ito upang makita ng lahat ng tao na Ako ang matuwid na Diyos, ang nagliliyab na araw, ang naglalagablab na apoy, at upang lahat ay sumamba sa Akin, ang nag-iisang tunay na Diyos, at upang makita nila ang Aking tunay na mukha: Ako ay hindi lamang ang Diyos ng mga Israelita, at hindi lamang Ako ang Manunubos, sa halip, Ako ang Diyos ng lahat ng nilalang sa buong kalangitan at sa lupa at sa karagatan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Nakabalik Na ang Tagapagligtas Sakay ng Isang “Puting Ulap”

Ang gawain sa mga huling araw ay ang bumigkas ng mga salita. May malalaking pagbabago na maidudulot sa tao sa pamamagitan ng mga salita. Ang mga pagbabagong nangyayari ngayon sa mga taong ito mula sa pagtanggap nila ng mga salitang ito ay lubhang mas malaki kaysa roon sa mga tao mula sa kanilang pagtanggap ng mga tanda at mga himala sa Kapanahunan ng Biyaya. Sapagkat, sa Kapanahunan ng Biyaya, ang mga demonyo ay pinalayas mula sa tao sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay at panalangin, ngunit ang mga tiwaling disposisyon sa loob ng tao ay nanatili pa rin. Ang tao ay pinagaling sa kanyang sakit at pinatawad sa kanyang mga kasalanan, ngunit tungkol sa kung paano maiwawaksi ng tao ang mga satanikong tiwaling disposisyon sa loob niya, ang gawaing ito ay hindi pa nagagawa sa kanya. Ang tao ay natubos at napatawad lamang sa kanyang mga kasalanan dahil sa kanyang pananalig, ngunit ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi naalis at nanatili pa rin sa loob niya. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad sa pamamagitan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ngunit hindi ito nangangahulugan na ang tao ay wala nang kasalanan sa loob niya. Ang mga kasalanan ng tao ay maaaring mapatawad sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ngunit walang paraan ang tao para lutasin ang suliranin kung paano siya hindi na muling magkakasala, kung paano ganap na maiwawaksi ang kanyang mga tiwaling disposisyon at makasalanang kalikasan, at kung paano mababago sa isang antas ang kanyang buhay disposisyon. Ang mga kasalanan ng tao ay napatawad na dahil sa gawain ng pagpapapako sa krus ng Diyos, ngunit ang tao ay patuloy na namumuhay sa dati niyang mga satanikong tiwaling disposisyon. Dahil dito, ang tao ay dapat na ganap na mailigtas mula sa kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon, ang kanyang makasalanang kalikasan ay dapat na ganap na maiwaksi, hindi na kailanman muling mabubuo, at ang kanyang disposisyon ay dapat na sumailalim sa pagbabago. Kinakailangan nito na maunawaan ng tao ang landas ng paglago sa buhay, na maunawaan ang daan ng buhay, at maunawaan ang daan upang baguhin ang kanyang disposisyon. Dagdag pa, kinakailangan din nito na magsagawa ang tao nang alinsunod sa landas na ito, nang sa gayon ang disposisyon niya ay unti-unting mababago at makakapamuhay siya sa ilalim ng sikat ng liwanag, upang ang lahat ng ginagawa niya ay maging alinsunod sa mga layunin ng Diyos, upang maiwaksi niya ang kanyang mga satanikong tiwaling disposisyon, at upang makalaya siya mula sa impluwensiya ng kadiliman ni Satanas, at sa gayon ay ganap na makaahon mula sa kasalanan. Saka lamang makakatanggap ang tao ng ganap na biyayang nagliligtas. Nang ginagawa ni Jesus ang Kanyang gawain, ang pagkakakilala ng tao sa Kanya ay malabo pa rin at hindi maliwanag. Ang tao ay laging naniwala na Siya ay ang anak ni David, at nagsabi na Siya ay isang dakilang propeta, ang maawaing Panginoon na tumubos sa mga kasalanan ng tao. Ang ilan, dahil sa lakas ng kanilang pananalig, ay gumaling sa pamamagitan lamang ng paghipo sa laylayan ng Kanyang damit; ang bulag ay nakakita at maging ang patay ay nabuhay muli. Gayunman, hindi nagawang matuklasan ng tao ang mga satanikong tiwaling disposisyon na malalim na nakaugat sa loob niya, hindi rin alam ng tao kung paano iwaksi ang mga ito. Ang tao ay nakatanggap ng masaganang biyaya, tulad ng kapayapaan at kaligayahan ng laman, ang pagpapala ng buong pamilya dahil sa pananampalataya ng isa, at ang pagpapagaling ng mga sakit, at iba pa. Ang natitira ay ang mga mabuting gawa ng tao at ang kanyang maka-Diyos na pagpapamalas; kung ang isang tao ay kayang mamuhay batay sa mga ito, siya ay itinuturing na isang mananampalatayang pasok sa pamantayan. Ang mga mananampalatayang tulad lamang nito ang maaaring pumasok sa langit pagkamatay, na nangangahulugan na sila ay nailigtas. Ngunit, sa kanilang buong buhay, hindi nila naunawaan kahit kaunti ang daan ng buhay. Ang ginawa lamang nila ay gumawa ng mga kasalanan at pagkatapos ay ikumpisal ang kanilang mga kasalanan nang paulit-ulit nang walang anumang landas sa pagbabago ng kanilang disposisyon: Ganyan ang kalagayan ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya. Ang tao ba ay nakatanggap ng ganap na kaligtasan? Hindi! Samakatwid, matapos na makompleto ang yugtong iyon ng gawain, naroon pa rin ang gawain ng paghatol at pagkastigo. Ang yugtong ito ay para dalisayin ang tao sa pamamagitan ng salita at sa gayon ay bigyan siya ng isang landas na susundan. Ang yugtong ito ay hindi magiging mabunga o makahulugan kung nagpatuloy ito sa pagpapalayas ng mga demonyo, sapagkat ang makasalanang kalikasan ng tao ay hindi maiwawaksi at ang tao ay hihinto lamang sa kapatawaran ng kanyang mga kasalanan. Sa pamamagitan ng handog para sa kasalanan, ang tao ay napatawad sa kanyang mga kasalanan, sapagkat ang gawain ng pagpapapako sa krus ay dumating na sa katapusan at ang Diyos ay nanaig laban kay Satanas. Ngunit ang mga tiwaling disposisyon ng tao ay nananatili pa rin sa loob niya at ang tao ay maaari pa ring magkasala at labanan ang Diyos, at hindi pa nakamit ng Diyos ang sangkatauhan. Kung kaya sa yugtong ito ng gawain ay ginagamit ng Diyos ang salita upang isiwalat ang mga tiwaling disposisyon ng tao, at upang makapagsagawa ang tao alinsunod sa angkop na daan. Ang gawain ng yugtong ito ay mas makabuluhan kaysa sa nauna at mas mabunga rin, dahil sa ngayon ang salita ang direktang nagtutustos para sa buhay ng tao at nagbibigay-daan upang ang disposisyon ng tao ay ganap na mapanibago; ito ay isang yugto ng gawain na mas higit na lubusan. Samakatwid, ang pagkakatawang-tao sa mga huling araw ay nakompleto ang kabuluhan ng pagkakatawang-tao ng Diyos at ganap na natapos ang plano ng pamamahala ng Diyos para sa kaligtasan ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Bago tinubos ang tao, marami sa mga lason ni Satanas ang naitanim na sa kalooban niya at, pagkatapos ng libo-libong taon ng paggawang tiwali ni Satanas, nasa kanyang kalooban ang kalikasang lumalaban sa Diyos. Samakatwid, noong tinubos ang tao, ito ay pagtubos lamang. Ibig sabihin, ang tao ay binili sa mataas na halaga, ngunit ang nakalalason na kalikasan sa kanyang kalooban ay hindi naalis. Ang tao na napakarumi ay kailangang sumailalim sa isang pagbabago bago maging karapat-dapat na maglingkod sa Diyos. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng paghatol at pagkastigo, lubusang malalaman ng tao ang marumi at tiwaling diwa sa kanyang sariling kalooban, at magagawa niyang lubos na magbago at maging dalisay. Sa ganitong paraan lamang maaaring maging karapat-dapat na bumalik ang tao sa harap ng trono ng Diyos. Lahat ng kasalukuyang gawaing ginagawa ay para madalisay at mabago ang tao; ito ay upang magawa ng tao na maiwaksi ang kanyang katiwalian at madalisay sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo ng salita, at sa pamamagitan ng pagpipino. Sa halip na ituring ang yugtong ito ng gawain bilang gawain ng pagliligtas, mas akmang sabihin na ito ay ang gawain ng pagdadalisay. Ang totoo, ang yugtong ito ay ang gawain din ng paglupig, at ang pangalawang yugto rin ng gawain ng pagliligtas. Ang tao ay nakakamit ng Diyos sa pamamagitan ng paghatol at pagkastigo gamit ang salita, at sa pamamagitan ng pagpipino, paghatol, at pagsisiwalat ng salita ganap na nabubunyag ang lahat ng karungisan, mga kuru-kuro, mga motibo, at mga personal na inaasam sa puso ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Hiwaga ng Pagkakatawang-tao (4)

Ang gawain ng Diyos sa kasalukuyang pagkakatawang-tao ay ang ipahayag ang Kanyang disposisyon pangunahin sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, at sa pundasyong ito, magdala ng mas maraming katotohanan sa tao at ituro sa tao ang mas marami pang paraan ng pagsasagawa, sa gayon ay nakakamit ang Kanyang layuning lupigin ang tao at iligtas ito mula sa mga tiwaling disposisyon nito. Ito ang nasa likod ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paunang Salita

Si Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at para himayin ang mga salita at gawa ng tao. Ang mga salitang ito ay naglalaman ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, kung paano dapat magpasakop sa Diyos ang tao, kung paano dapat maging tapat sa Diyos ang tao, kung paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang mapanlabang puwersa laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at nagpupungos Siya sa mahabang panahon. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang hinding-hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay magkakamit ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa sarili niyang paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya kayang arukin. Binigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, pati na ang matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bungang lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Sa Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ang Diyos ng mga salita upang pasimulan ang bagong kapanahunan, baguhin ang paraan ng Kanyang paggawa, at gawin ang gawain ng buong kapanahunan. Ito ang prinsipyong ginagamit ng Diyos sa paggawa sa Kapanahunan ng Salita. Siya ay naging tao at nagsasalita mula sa iba’t ibang perspektiba, nagbibigay-kakayahan sa tao na tunay na makita ang Diyos, na Siya ang Salitang nagpapakita sa katawang-tao, at mamasdan ang Kanyang karunungan at pagiging kamangha-mangha. Gumagawa ang Diyos sa ganitong paraan upang mas mainam na makamit ang mga layon ng paglupig sa mga tao, paggawang perpekto sa mga tao, at pagtitiwalag sa mga tao. Ito ang tunay na kahulugan ng paggamit ng mga salita upang gumawa sa Kapanahunan ng Salita. Sa pamamagitan ng mga salita, nakikilala ng tao ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, ang diwa ng tao, at kung ano ang nararapat pasukin ng tao. Sa pamamagitan ng mga salita, ang lahat ng gawaing nais gawin ng Diyos sa Kapanahunan ng Salita ay naisasakatuparan. Sa pamamagitan ng mga salita, ang mga tao ay ibinubunyag at itinitiwalag, at sinusubukan. Ang mga tao ay nakita na ang mga salitang ito, narinig na ang mga salitang ito, at kinilala na ang pag-iral ng mga salitang ito. Dahil dito, naniwala na sila sa pag-iral ng Diyos, sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos, at sa puso ng Diyos sa pagmamahal at pagliligtas sa tao. Ang terminong “mga salita” ay maaaring ordinaryo at simple, ngunit ang mga salitang sinambit mula sa bibig ng Diyos na nagkatawang-tao ay niyayanig ang sansinukob; binabago nila ang puso ng mga tao, binabago ang kanilang mga kuru-kuro at dating disposisyon, at binabago ang dating anyo ng buong mundo. Sa pagdaan ng mga kapanahunan, tanging ang Diyos ng kasalukuyan ang gumagawa sa ganitong paraan, at Siya lamang ang nangungusap nang gayon at nagliligtas sa tao nang gayon. Mula sa oras na ito, namumuhay ang tao sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng pagpapastol at pagtutustos ng Kanyang mga salita; namumuhay ang lahat ng tao sa mundo ng mga salita ng Diyos, sa gitna ng mga sumpa at pagpapala ng mga salita ng Diyos, at ang karamihan ng tao ay namumuhay sa ilalim ng paghatol at pagkastigo ng Kanyang mga salita. Ang mga salitang ito at ang gawaing ito ay pawang para sa kaligtasan ng tao, para matupad ang kalooban ng Diyos, at para mabago ang orihinal na anyo ng mundo ng dating paglikha. Nilikha ng Diyos ang mundo gamit ang mga salita, inaakay Niya ang lahat ng tao sa sansinukob gamit ang mga salita, nilulupig at inililigtas Niya sila gamit ang mga salita, sa huli, gagamitin Niya ang mga salita upang wakasan ang buong dating mundo, sa gayon ay makumpleto ang kabuuan ng Kanyang plano ng pamamahala. Sa buong Kapanahunan ng Kaharian, gumagamit ng mga salita ang Diyos upang gawin ang Kanyang gawain, at makamtan ang mga resulta ng Kanyang gawain. Hindi Siya gumagawa ng mga kababalaghan o nagsasagawa ng mga himala, kundi ginagawa lamang ang Kanyang gawain sa pamamagitan ng mga salita. Dahil sa mga salitang ito, napapalusog at natutustusan ang lahat ng tao, at nagkakamit ng pagkakilala at tunay na karanasan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kapanahunan ng Kaharian ay ang Kapanahunan ng Salita

Ang totoo, ang gawaing ginagawa ngayon ay upang maghimagsik ang mga tao laban kay Satanas at sa kanilang sinaunang ninuno. Ang lahat ng paghatol sa pamamagitan ng salita ay naglalayong ilantad ang mga tiwaling disposisyon ng mga tao at bigyang-kakayahan sila na maunawaan ang diwa ng buhay. Ang paulit-ulit na mga paghatol na ito ay tumatagos sa puso ng mga tao. Ang bawat paghatol ay may tuwirang kaugnayan sa kanilang kapalaran at naglalayong sugatan ang kanilang puso para kanilang mapakawalan ang lahat ng bagay na iyon at nang sa gayon ay makilala nila ang buhay, makilala ang maruming mundong ito, makilala ang karunungan at pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at makilala rin ang sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas. Habang lalong ganito ang pagkastigo at paghatol, mas masusugatan ang puso ng tao at mas magigising ang kanyang espiritu. Ang layon ng ganitong paghatol ay ang gisingin ang espiritu ng mga taong ito na napakatiwali at pinakalubhang nalinlang. Ang tao ay walang espiritu, na ibig sabihin, ang kanyang espiritu ay matagal nang namatay at hindi niya alam na may Langit, hindi niya alam na mayroong Diyos, at tiyak na hindi niya nalalamang siya ay nagpupumiglas sa abismo ng kamatayan; paano niya malalaman na siya ay namumuhay sa loob ng masamang impiyerno sa lupa? Paano niya malalaman na ang nabubulok na bangkay niyang ito ay nahulog na sa Hades ng kamatayan matapos itong gawing tiwali ni Satanas? Paano niya malalaman na ang lahat ng bagay sa lupa ay matagal nang nawasak ng sangkatauhan na hindi na maaayos? At paano niya malalaman na ang Lumikha ay pumarito sa lupa ngayon at naghahanap ng isang pangkat ng mga taong natiwali na maaari Niyang iligtas? Bagama’t naranasan na ng tao ang bawat posibleng pagpipino at paghatol, ang kanyang manhid na kamalayan ay nananatili pa ring ganap na hindi natitinag at halos hindi tumutugon. Napakatiwali ng tao! At bagama’t ang ganitong uri ng paghatol ay tulad ng mabagsik na yelong ulan na nahuhulog mula sa papawirin, mayroon itong napakalaking pakinabang sa tao. Kung hindi hahatulan nang ganito ang mga tao, hindi matatamo ang bunga, at magiging ganap na imposible na iligtas ang mga tao mula sa kailaliman ng paghihirap. Kung hindi gagawa nang ganito, magiging napakahirap para sa mga tao na lumabas mula sa Hades, dahil ang kanilang mga puso ay matagal nang namatay at ang kanilang mga espiritu ay matagal nang niyurakan ni Satanas. Ang pagliligtas sa inyo na nalubog na sa pinakamalalim na kalaliman ng pagkabulok ay nangangailangan ng pagtawag sa inyo nang buong lakas, paghatol sa inyo nang buong lakas; saka lamang maaaring magising ang mga nanlalamig ninyong puso.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging ang Nagawang Perpekto ang Makakapamuhay ng Makahulugang Buhay

Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay disposisyon ng pagkastigo at paghatol, kung saan ibinubunyag Niya ang lahat ng di-matuwid, hayagang hinahatulan ang di-mabilang na mga tao, at pineperpekto ang mga sinserong nagmamahal sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunan. Dumating na ang mga huling araw. Ang lahat ng bagay ay pinagbubukod-bukod ayon sa uri ng mga ito, at hinahati sa iba’t ibang kategorya ayon sa iba’t ibang katangian ng mga ito. Ito mismo ang panahon kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang pagkastigo at paghatol, hindi malalantad ang kanilang paghihimagsik at pagiging di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mabubunyag ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay. Ipinapakita lamang ng mga tao kung ano talaga sila kapag kinakastigo at hinahatulan sila. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay mabubunyag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at ang di-mabilang na mga tao ay magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng mga tao at napakalala na ng kanilang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing kinapapalooban ng pagkastigo at paghatol at ibinubunyag sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa mga tao, at makapagbubunyag sa kasamaan, at lahat ng hindi matuwid ay mapaparusahan nang matindi.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)

Ginagawa ng Diyos ang gawain ng paghatol at pagkastigo upang magtamo ang tao ng pagkakilala tungkol sa Kanya, at alang-alang sa Kanyang patotoo. Kung hindi sa Kanyang paghatol sa tiwaling disposisyon ng tao, hindi posibleng makilala ng tao ang Kanyang matuwid na disposisyon, na hindi nalalabag, ni hindi magagawang baguhin ng tao ang dati nitong pagkakilala sa Diyos tungo sa isang bagong pagkakilala. Alang-alang sa patotoo ng Diyos, at alang-alang sa Kanyang pamamahala, isinasapubliko Niya ang Kanyang kabuuan, na nagbibigay-daan sa tao, sa pamamagitan ng Kanyang publikong pagpapakita, na magkaroon ng pagkakilala tungkol sa Diyos, mabago ang disposisyon ng tao, at makapagbigay ito ng matunog na patotoo sa Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nakakamit sa pamamagitan ng maraming iba’t ibang uri ng gawain ng Diyos; kung wala ang gayong mga pagbabago sa kanyang disposisyon, hindi magagawa ng tao na magpatotoo sa Diyos at umayon sa mga layunin ng Diyos. Ang pagbabago ng disposisyon ng tao ay nagpapahiwatig na napalaya na ang tao mula sa pagkagapos ni Satanas at mula sa impluwensiya ng kadiliman, at tunay nang naging isang huwaran at uliran ng gawain ng Diyos, isang saksi ng Diyos, at isang taong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Ngayon, naparito na sa lupa ang Diyos na nagkatawang-tao upang gawin ang Kanyang gawain, at hinihingi Niya sa tao na magkamit ng pagkakilala sa Kanya, magpasakop sa Kanya, at magpatotoo sa Kanya—kailangang makilala ng tao ang praktikal at normal na gawain ng Diyos, kailangang magpasakop ng tao sa lahat ng Kanyang salita at gawain na hindi naaayon sa mga kuru-kuro ng tao, at kailangang magpatotoo ng tao sa lahat ng gawaing Kanyang ginagawa upang iligtas ang tao, pati na sa lahat ng gawa Niya ng paglupig sa tao. Yaong mga nagpapatotoo sa Diyos ay kailangang magkaroon ng pagkakilala sa Diyos; ang ganitong uri lamang ng patotoo ang tumpak at praktikal, at ang ganitong uri lamang ng patotoo ang maaaring magbigay-kahihiyan kay Satanas. Ginagamit ng Diyos ang mga taong nakakilala na sa Kanya sa pamamagitan ng pagsailalim sa Kanyang paghatol, pagkastigo, at pagpupungos, upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong mga nagawang tiwali ni Satanas upang magpatotoo sa Kanya. Ginagamit Niya yaong ang mga disposisyon ay nagbago na, at sa gayon ay nagkamit na ng Kanyang mga pagpapala, upang magpatotoo sa Kanya. Hindi Niya kailangang purihin Siya ng tao sa salita nito, ni hindi rin Niya kailangan ang papuri at patotoo ng kauri ni Satanas, na hindi Niya iniligtas. Yaon lamang mga nakakakilala sa Diyos ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya, at yaon lamang mga nabago na ang kanilang disposisyon ang kalipikadong magpatotoo sa Kanya. Hindi papayagan ng Diyos ang tao na sadyang bigyang-kahihiyan ang Kanyang pangalan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nakakakilala Lamang sa Diyos ang Maaaring Magpatotoo sa Diyos

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung nauunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunurin kang magpasakop sa pagkahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na masang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Iyong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring madalisay, na ibig sabihin, iyong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas malubha, at mas marami kaysa sa mga kasalanan ng mga Pariseo, sapagkat ipinagkanulo nila ang Diyos at sila ay mga rebelde laban sa Diyos. Ang mga taong ito na hindi man lang karapat-dapat na magtrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, ng isang kaparusahan na bukod pa rito ay magpasawalang hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang mga gayong tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba’t ito mismo ay isang pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t ito mismo ang layunin ng Diyos sa paghatol at pagbubunyag sa tao? Ipinapatapon ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hinahayaan Niya ang masasamang espiritung iyon na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto ng mga ito, at ang katawan ng mga taong ito ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos ang bawat isa sa mga kasalanan ng mga yaong hindi tapat at huwad na mananampalataya, huwad na apostol, at huwad na manggagawa sa kanilang mga talaan, at sa tamang panahon, itinatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hinahayaan ang maruruming espiritung iyon na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, at idinudulot na hindi na sila magreinkarnasyon muli kailanman at hindi na nila makitang muli ang liwanag kailanman. Ibinibilang ng Diyos sa masasama iyong mga mapagpaimbabaw na nagseserbisyo nang ilang panahon pero hindi nananatiling tapat hanggang sa huli, hinahayaan ang mga ito na malugmok kasama ang masasamang tao at bumuo ng isang grupo ng iba’t ibang masasamang loob, at sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos ang mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman nag-ambag ng kanilang lakas, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi sila makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinibilang ng Diyos sa mga nagseserbisyo para sa mga tao Niya ang sinumang hindi kailanman naging sinsero sa Diyos, ngunit wala nang ibang mapagpipilian kundi ang pabasta-bastang harapin Siya. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay lilipulin, kasama na ang mga taong ang pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na kaisa sa puso at isipan ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at ang mga paunang itinadhana ng Diyos na maging mga pari. Sila ang kristalisasyon ng gawain ng Diyos. Iyon namang mga hindi maikaklasipika sa anumang kategoryang itinakda ng Diyos, ibibilang sila sa hanay ng mga walang pananampalataya, at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kalalabasan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; ang landas na inyong pipiliin ay inyong sariling desisyon lamang. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang taong hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Kapag bumalik na ang bawat bansa at ang bawat taong hinirang Ko sa harap ng Aking luklukan, ipagkakaloob Ko na ang lahat ng kasaganaan ng langit sa mundo ng tao, upang, dahil sa Akin, ang mundong iyon ay mapuno ng walang-kapantay na kasaganaan. Habang umiiral ang lumang mundo, ihahagis Ko ang Aking poot sa bawat bansa at ipapahayag ang mga atas administratibo na nahayag sa buong sansinukob, at kakastiguhin ang sinumang lumalabag sa mga ito:

Kapag nagsasalita Ako sa buong sansinukob, naririnig ng lahat ng tao ang Aking tinig, ibig sabihin, nakikita ng lahat ng tao ang lahat ng gawa na isinakatuparan Ko sa buong sansinukob. Yaong mga sumasalungat sa Aking mga layunin, ibig sabihin, yaong mga kumokontra sa Akin gamit ang mga gawa ng tao, ay babagsak sa gitna ng Aking pagkastigo. Gagawin Kong panibago ang napakaraming bituin sa kalangitan; at dahil sa Akin, ang araw at ang buwan ay mapapanibago, ang kalangitan ay hindi na gaya ng dati; at lahat ng bagay sa lupa ay mapapanibago—maisasakatuparan ang lahat ng ito dahil sa Aking mga salita. Ang lahat ng bansa sa loob ng sansinukob ay muling hahati-hatiin at mapapalitan ng Aking kaharian, upang ang mga bansa sa ibabaw ng lupa ay maglaho magpakailanman, at ang matitira lang ay ang kaharian na sumasamba sa Akin; lahat ng bansa sa lupa ay mawawasak at titigil sa pag-iral. Sa mga tao sa loob ng sansinukob, ang lahat ng sa mga diyablo ay lilipulin. Ang lahat ng sumasamba kay Satanas ay babagsak sa gitna ng Aking naglalagablab na apoy—ibig sabihin, maliban doon sa mga nasa loob ng daloy ngayon, lahat ay magiging abo. Kapag kinastigo Ko ang bawat lahi ng tao, ang mga relihiyosong komunidad, sa iba’t ibang antas, ay babalik sa Aking kaharian, at malulupig sa pamamagitan ng Aking mga gawa, dahil makikita na nila na dumating na “ang Banal na nakasakay sa isang puting ulap”. Lahat ng tao ay mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, at tatanggap ng iba’t ibang pagkastigo na nararapat sa kanilang mga kilos; ang lahat ng lumaban sa Akin ay mamamatay, at, yaon namang ang kanilang mga gawa sa lupa ay walang kinalaman sa Akin, dahil sa kanilang naging pag-uugali, sila ay patuloy na iiral sa lupa sa ilalim ng pamamahala ng Aking mga anak at Aking mga tao. Magpapakita Ako sa di-mabilang na mga bansa at tao, at ipapahayag Ko ang sarili Kong tinig sa lupa, ipinoproklama ang pagkumpleto ng Aking dakilang gawain, tinutulutan ang lahat ng tao na makita ito gamit ang sarili nilang mga mata.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos Para sa Buong Sansinukob, Kabanata 26

Ang mga nakakapanindigan nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—na ibig sabihin, sa panahon ng huling gawain ng pagdadalisay—ang siyang papasok sa huling kapahingahan kasama ang Diyos; yamang ganoon, ang lahat ng papasok sa kapahingahan ay nakawala na sa impluwensiya ni Satanas at nakamit na ng Diyos pagkatapos lang na sumailalim sa Kanyang huling gawain ng pagdadalisay. Ang mga taong ito, na sa huli ay nakamit na ng Diyos, ay papasok sa huling kapahingahan. Sa diwa, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagkastigo at paghatol upang dalisayin ang sangkatauhan, at alang-alang sa huling araw ng pamamahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makakapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Sinundan:  4. Ang Layunin at Kabuluhan ng gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya

Sumunod:  6. Ang relasyon sa pagitan ng bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 13: Lahat kayo ay naniniwala sa Diyos; Ako naman ay kina Marx at Lenin. Dalubhasa ako sa pagsasaliksik ng iba’t ibang paniniwala sa relihiyon. Sa ilang taon ng pagsasaliksik ko, may nadiskubre akong isang problema. Ayon sa relihiyosong paniniwala ay mayroon talagang Diyos. Pero sa dami ng naniniwala sa Diyos, wala pa namang nakakakita sa Kanya. Ang paniniwala nila ay base sa sarili nilang nararamdaman. Kaya nga nakabuo ako ng konklusyon tungkol sa relihiyosong paniniwala: Purong imahinasyon lang ang relihiyosong paniniwala; yun ay isang pamahiin, at walang matibay na basehan sa syensya. Ang modernong lipunan, ay isang lipunan kung saan napakaunlad na ng syensya. Kailangang, nakabase ang lahat sa syensya, para hindi na magkaro’n ng kamalian. Kaming mga miyembro ng Partidong Komunista ay naniniwala sa Marxismo-Leninismo. Hindi kami naniniwalang may Diyos. Ano bang sabi sa The Internationale? “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo, o ng diyos at emperador na kailangang asahan. Upang magkaro’n ng kaligayahan ang tao, mga sarili lamang natin ang ating asahan!” Malinaw sa The Internationale na “Kailanma’y di nagkaro’n ng Tagapagligtas ang mundo.” Ang sangkatauhan ay naniwala noon sa Diyos at naging mapamahiin dahil ang sangkatauhan nung mga panahong iyon, ay humaharap sa kababalaghan ng natural na mundo na ang araw, buwan, mga bituin; hangin, ulan, kulog at kidlat, ay hindi makapagbibigay ng siyentipikong paliwanag. Samakatuwid, sumibol sa mga utak nila ang takot at pagtataka tungkol sa di-pangkaraniwang kapangyarihan. Kung kaya nabuo ang mga pinakaunang konsepto ng relihiyon. Bukod ditto, nung hindi malutas ng mga tao ang kahirapang dulot ng mga kalamidad at sakit, umasa silang makakuha ng ginhawang pangkaluluwa sa pamamagitan ng mataimtim na pagsunod sa Diyos. Ito ang dahilan kaya nabuhay ang relihiyon. Kitang-kita naman, Hindi ito makatwiran at hindi siyentipiko! Sa panahong ito, moderno na ang tao, at namamayagpag na ang siyensya. Sa mga larangang gaya ng aerospace industry, biotechnology, genetic engineering at medisina, mabilis na naging maunlad ang lahat ng tao. Noon hindi ito naintindihan ng sangkatauhan, at hindi nila kayang lutasin ang mga problema. Pero ngayon kaya ng ipaliwanag ng siyensya ang mga problemang ito, at pwede ng umasa sa siyensya para magbigay ng mga solusyon. Ngayong maunlad na ang agham at teknolohiya, kung naniniwala pa rin ang tao sa Diyos, at naging mapamahiin, hindi ba’t ito ay kabaliwan at kamangmangan? Hindi ba’t napag-iwanan na ang mga tao sa panahong ito? Ang pinakapraktikal na gawin ay ang maniwala tayo sa siyensya.

Sagot: Sabi n’yo ang relihiyosong paniniwala ay dahil sa napag-iwanan na ang tao sa siyentipikong kaalaman, at nabuo mula sa takot at...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger