B. Tungkol sa Matuwid na Disposisyon ng Diyos
554. Sa panghuli Niyang gawain ng pagwawakas sa kapanahunan, ang disposisyon ng Diyos ay disposisyon ng pagkastigo at paghatol, kung saan ibinubunyag Niya ang lahat ng di-matuwid, upang hayagang hatulan ang masa, at gawing perpekto ang mga sinserong nagmamahal sa Kanya. Ang ganitong disposisyon lamang ang makapagwawakas sa kapanahunang ito. Dumating na ang mga huling araw. Ang lahat ng bagay ay pinagbubukod-bukod ayon sa uri ng mga ito, at hinahati sa iba’t ibang kategorya ayon sa iba’t ibang katangian ng mga ito. Ito mismo ang panahon kung kailan ibinubunyag ng Diyos ang mga kalalabasan at hantungan ng mga tao. Kung hindi mararanasan ng mga tao ang pagkastigo at paghatol, hindi malalantad ang kanilang pagiging mapaghimagsik at di-matuwid. Sa pamamagitan lamang ng pagkastigo at paghatol mabubunyag ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay. Ipinapakita lamang ng mga tao ang kanilang tunay na kulay kapag kinakastigo at hinahatulan sila. Ang masasama ay isasama sa masasama, ang mabubuti sa mabubuti, at ang mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri. Sa pamamagitan ng pagkastigo at paghatol, ang mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay mabubunyag, para maparusahan ang masasama at magantimpalaan ang mabubuti, at ang masa ay magpasailalim sa kapamahalaan ng Diyos. Ang lahat ng gawaing ito ay kailangang magawa sa pamamagitan ng matuwid na pagkastigo at paghatol. Dahil umabot na sa sukdulan ang katiwalian ng mga tao at napakalala na ng kanilang paghihimagsik, ang matuwid na disposisyon lamang ng Diyos, na pangunahing kinapapalooban ng pagkastigo at paghatol at inihahayag sa mga huling araw, ang lubusang makapagbabago at makagagawang ganap sa mga tao, at makapagbubunyag sa kasamaan, at lahat ng hindi matuwid ay mapaparusahan nang matindi. Samakatwid, ang disposisyong tulad nito ay puno ng kahalagahan ng kapanahunan. Ang disposisyon ng Diyos ay nabubunyag at nasisiwalat para sa kapakanan ng gawain ng bawat bagong kapanahunan. Hindi sa ibinubunyag ng Diyos ang Kanyang disposisyon nang basta-basta at nang walang kabuluhan. Ipagpalagay na, sa mga huling araw ng pagbubunyag sa mga kalalabasan ng mga tao, mamahalin pa rin ng Diyos ang mga tao nang may walang hanggang awa at mapagmahal na kabaitan, at patuloy na magiging mapagmahal sa kanila, hindi sila isinasailalim sa matuwid na paghatol kundi nagpapakita sa kanila ng pagpaparaya, pagtitimpi, at pagpapatawad, at papatawarin sila gaano man kalubha ang mga kasalanan nila, nang wala ni katiting na matuwid na paghatol. Kung gayon, kailan magwawakas ang buong pamamahala ng Diyos? Kailan magagawang akayin ng ganitong disposisyon ang mga tao patungo sa angkop na hantungan ng sangkatauhan? Gawing halimbawa, ang isang hukom na laging mapagmahal sa mga tao, isang mapagmahal na hukom na may maamong mukha at malambot na puso. Mahal niya ang mga tao anuman ang kanilang mga nagawang krimen, at siya ay mapagmahal at mapagparaya sa mga tao sinuman sila. Kung gayon, kailan siya makaaabot sa isang makatarungang hatol? Sa mga huling araw, ang matuwid na paghatol lamang ang makakapagbukod-bukod sa mga tao ayon sa kanilang uri at makapagdadala sa kanila sa isang bagong mundo. Sa ganitong paraan, ang buong kapanahunan ay matatapos sa pamamagitan ng matuwid na disposisyon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pangitain ng Gawain ng Diyos (3)
555. Ang Aking pangalan ay ipoproklama sa lahat ng kabahayan, sa lahat ng bansa at sa lahat ng direksyon, at isisigaw mula sa mga bibig ng kapwa matatanda at mga bata sa loob ng mundong sansinukob; ito ay isang ganap na katotohanan. Ako ang walang-katulad na Diyos Mismo at, higit pa, Ako ang kaisa-isang persona ng Diyos. Bukod pa roon, Ako, ang kabuuan ng katawang-tao, ang ganap na pagpapakita ng Diyos. Sinumang nangangahas na hindi matakot sa Akin, sinumang maglalakas-loob na magpakita ng paglaban sa kanilang mga mata, at sinumang maglalakas-loob na magsalita ng mga salita ng paglaban sa Akin ay tiyak na mamamatay mula sa Aking mga sumpa at poot (magkakaroon ng pagsumpa dahil sa Aking poot). At sinumang maglalakas-loob na hindi maging tapat o maging mabuting anak sa Akin, at sinumang maglalakas-loob na subukang manlinlang sa Akin ay tiyak na mamamatay sa Aking pagkamuhi. Ang Aking katuwiran, pagiging maharlika at paghatol ay mananatili magpakailan pa man. Noong una, Ako ay mapagmahal at mahabagin, ngunit hindi ito ang disposisyon ng Aking ganap na pagka-Diyos; katuwiran, pagiging maharlika at paghatol lamang ang bumubuo sa disposisyon Ko—ang ganap na Diyos Mismo. Noong Kapanahunan ng Biyaya, Ako ay mapagmahal at mahabagin. Dahil sa gawain na kailangan Kong tapusin, taglay Ko ang maibiging kabaitan at habag; ngunit pagkatapos, wala nang pangangailangan para sa mga ganoong bagay (at hindi na nagkaroon simula noon). Pawang katuwiran, pagiging maharlika, at paghatol, at ito ang ganap na disposisyon ng Aking normal na pagkatao kasama ang Aking ganap na pagka-Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 79
556. Upang maunawaan ang matuwid na disposisyon ng Diyos, kailangang maunawaan muna ng isang tao ang mga emosyon ng Diyos: kung ano ang Kanyang kinamumuhian, kung ano ang Kanyang kinasusuklaman, kung ano ang Kanyang minamahal, kung kanino Siya nagpaparaya at naaawa, at sa anong uri ng tao Niya ipinagkakaloob ang awang iyon. Ito ay isang pangunahing punto. Dapat ding maunawaan ng isang tao na gaano man kamapagmahal ang Diyos, gaano man karami ang habag at pagmamahal na mayroon Siya para sa mga tao, hindi hinahayaan ng Diyos ang sinuman na lumalabag sa Kanyang pagkakakilanlan at posisyon, ni hindi Niya tinutulutan ang sinuman na lumalabag sa Kanyang dignidad. Kahit mahal ng Diyos ang mga tao, hindi Niya sila kinukunsinti. Ibinibigay Niya sa mga tao ang Kanyang pagmamahal, ang Kanyang habag, at ang Kanyang pagpaparaya, ngunit hindi Niya sila kailanman kinunsinti; ang Diyos ay mayroong Kanyang mga prinsipyo at Kanyang mga hangganan. Gaano man kalaki ang naramdaman mong pagmamahal sa iyo ng Diyos, gaano man kalalim ang pagmamahal na iyon, kailanman ay hindi mo dapat tratuhin ang Diyos sa paraan ng pagtrato mo sa isa pang tao. Bagaman totoo na itinuturing ng Diyos ang mga tao na sukdulang malapit sa Kanya, kung itinuturing ng isang tao ang Diyos bilang ibang tao lamang, bilang isang taong katumbas ng isang nilikha, o bilang isang kaibigan o isang bagay ng pagsamba, itatago ng Diyos ang Kanyang mukha sa kanila at tatalikdan sila. Ito ang Kanyang disposisyon, at hindi dapat tratuhin nang walang-ingat ng mga tao ang isyung ito. Kaya, madalas nating nakikita ang mga salitang gaya nito na sinasabi ng Diyos tungkol sa Kanyang disposisyon: Gaano man karami ang mga daan na iyong nalakbay, gaano man karami ang gawain na iyong nagawa o gaano man karami ang iyong tiniis na, sa sandaling sumalungat ka sa disposisyon ng Diyos, gagantihan Niya ang bawat isa sa inyo batay sa inyong nagawa. Ibig sabihin nito ay itinuturing ng Diyos ang mga tao bilang sukdulang malapit sa Kanya, ngunit hindi dapat ituring ng mga tao ang Diyos bilang isang kaibigan o isang kaanak. Huwag tawagin ang Diyos bilang iyong “katropa.” Gaano mo man nadarama na minamahal ka ng Diyos at nagpaparaya Siya sa iyo, kailanman ay hindi mo dapat ituring ang Diyos bilang iyong kaibigan. Ito ang matuwid na disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VII
557. Ang pagiging hindi nalalabag ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa; ang poot ng Diyos ang Kanyang natatanging disposisyon; ang pagiging maharlika ng Diyos ang Kanyang natatanging diwa. Ang prinsipyo sa likod ng galit ng Diyos ay ang pagrerepresenta sa Kanyang pagkakakilanlan at katayuan na Siya lamang ang nagtataglay. Hindi na kailangang sabihin pa na ang prinsipyong ito ay sagisag din ng diwa ng natatanging Diyos Mismo. Ang disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling likas na diwa, na hindi nababago kahit kaunti ng paglipas ng panahon, o ng mga pagbabago man sa heograpikal na lokasyon. Ang Kanyang likas na disposisyon ay ang Kanyang tunay na diwa. Kanino man Niya isinasakatuparan ang Kanyang gawain, hindi nagbabago ang Kanyang diwa at maging ang Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag ginagalit ng isang tao ang Diyos, yaong ipinapahayag ng Diyos ay ang Kanyang likas na disposisyon; sa pagkakataong ito, ang prinsipyo sa likod ng Kanyang galit ay hindi nagbabago, gayundin ang Kanyang natatanging pagkakakilanlan at katayuan. Hindi Siya nagagalit dahil sa isang pagbabago sa Kanyang diwa o dahil ang Kanyang disposisyon ay nagbunga ng iba’t ibang mga elemento, kundi dahil ang paglaban ng tao sa Kanya ay sumasalungat sa Kanyang disposisyon. Ang lantarang pagpapagalit ng tao sa Diyos ay isang matinding hamon sa sariling pagkakakilanlan at katayuan ng Diyos. Sa pananaw ng Diyos, kapag hinahamon Siya ng tao, kinakalaban Siya ng tao at tinutukso ang Kanyang galit. Kapag sinasalungat ng tao ang Diyos, kapag kinakalaban ng tao ang Diyos, kapag patuloy na sinusubok ng tao ang galit ng Diyos, iyon mismo ang sandali kung kailan laganap ang kasalanan—sa gayong mga pagkakataon, ang poot ng Diyos ay likas na mabubunyag at magpapakita. Samakatwid, ang pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang poot ay isang simbolo na ang lahat ng puwersa ng kabuktutan ay titigil sa pag-iral; isa itong simbolo na ang lahat ng mapanlabang puwersa ay wawasakin. Ito ang pagiging natatangi ng matuwid na disposisyon ng Diyos at ng Kanyang poot. Kapag hinahamon ang dangal at kabanalan ng Diyos, kapag ang mga makatarungang puwersa ay hinahadlangan at hindi nakikita ng tao, ipadadala ng Diyos ang Kanyang poot. Dahil sa diwa ng Diyos, lahat ng puwersang iyon sa mundo na kumakalaban sa Diyos, sumasalungat at nakikipagtunggali sa Kanya ay buktot, tiwali at hindi makatarungan; ang mga ito ay nagmumula at nabibilang kay Satanas. Dahil makatarungan ang Diyos, at Siya ay liwanag at banal na walang-dungis, lahat ng bagay na buktot, tiwali at kay Satanas ay maglalaho kapag pinakawalan na ang poot ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
558. Kapag ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang matinding galit, napipigil ang mga puwersa ng kabuktutan at nawawasak ang mga buktot na bagay, samantalang tinatamasa ng mga makatarungan at positibong mga bagay ang pangangalaga at pag-iingat ng Diyos, at sila ay pinahihintulutang magpatuloy. Ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot dahil ang hindi makatarungan, negatibo at buktot na bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang layon ng galit ng Diyos ay hindi ang protektahan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi ingatan ang pag-iral ng makatarungan, positibo, magaganda at mabubuting mga bagay, upang pangalagaan ang mga batas at tuntunin ng normal na pananatiling buhay ng sangkatauhan. Ito ang pinag-uugatan ng poot ng Diyos. Ang matinding galit ng Diyos ay talagang nararapat, likas at tunay na pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Walang mga lihim na motibo sa Kanyang matinding galit, ni panlilinlang man o pagbabalak, o lalo na ng mga pagnanasa, katusuhan, malisya, karahasan, kabuktutan o alinman sa mga katangiang taglay ng tiwaling sangkatauhan. Bago ipadala ng Diyos ang Kanyang matinding galit, natalos na Niya ang diwa ng bawat bagay nang lubhang malinaw at ganap, at nakapagbuo na Siya ng tumpak at malinaw na mga pagtukoy at mga kongklusyon. Sa gayon, ang layon ng Diyos sa bawat bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad din ng Kanyang saloobin. Hindi magulo ang Kanyang pag-iisip; hindi Siya bulag, mapusok, o pabaya; at tiyak na may prinsipyo Siya. Ito ang praktikal na aspekto ng poot ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspektong ito ng poot ng Diyos kaya naabot ng sangkatauhan ang normal na pag-iral nito. Kung wala ang poot ng Diyos, malulugmok ang sangkatauhan sa mga hindi normal na kalagayan ng pamumuhay; at ang lahat ng bagay na makatarungan, maganda at mabuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang poot ng Diyos, ang mga batas at mga alituntunin ng pag-iral para sa mga nilikha ay masisira o maaaring tuluyang mawasak. Mula sa paglikha sa tao, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagkat ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng poot at pagiging maharlika, ang lahat ng buktot na tao, mga bagay at gamit, at lahat ng bagay na gumugulo at sumisira sa normal na pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol at nawawasak bilang resulta ng Kanyang poot. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang hampasin at wasakin ang lahat ng uri ng maruruming diyablo at masasamang mga espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at alagad ni Satanas laban sa gawain ng Diyos na pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos na pagliligtas sa tao ay laging sumusulong ayon sa Kanyang plano. Masasabi natin na dahil sa pag-iral ng poot ng Diyos, ang pinakamakatarungang mga layon sa gitna ng sangkatauhan ay hindi kailanman nawasak.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
559. Ang pakikitungo ng Diyos sa kabuuan ng sangkatauhan, hangal at mangmang man ito, ay pangunahing nakabatay sa awa at pagpaparaya. Sa kabilang banda, ang Kanyang poot ay nakatago sa mas nakararaming pagkakataon at sa mas nakararaming pangyayari, at hindi ito nalalaman ng tao. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makitang inilalabas ng Diyos ang Kanyang poot, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang poot. Dahil dito, minamaliit ng tao ang poot ng Diyos. Kapag humaharap na ang tao sa huling gawain at hakbang ng pagpaparaya at pagpapatawad sa tao ng Diyos—iyan ay kapag ang huling pagkakataon para sa awa ng Diyos at ang huling babala Niya ay dumapo sa sangkatauhan—kung gagamitin pa rin ng mga tao ang parehong mga paraan upang salungatin ang Diyos at hindi gumawa ng kahit anong pagsisikap upang magsisi, ayusin ang kanilang mga pag-uugali at tanggapin ang Kanyang awa, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagpaparaya at pasensya sa kanila. Bagkus, babawiin ng Diyos ang Kanyang awa sa panahong ito. Kasunod nito, ipadadala na lamang Niya ang Kanyang poot. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang poot sa iba’t ibang mga paraan, gaya ng kung paanong nakagagamit Siya ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.
Ang paggamit ng Diyos ng apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma ang pinakamabilis Niyang paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o ano pa mang bagay. Ang pagsusunog sa mga mamamayan ng Sodoma ay hindi lang para wasakin ang kanilang mga pisikal na katawan, higit pa rito, ito ay para wasakin ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, ang kanilang mga kaluluwa at kanilang mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay titigil sa pag-iral sa kapwa materyal na mundo at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung paano ibinubunyag ng Diyos at ipinahahayag ang Kanyang poot. Ang ganitong paraan ng pagbubunyag at pagpapahayag ay isang aspekto ng diwa ng poot ng Diyos, kung paano ring ito ay likas na pagbubunyag ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, tumitigil Siya sa pagbubunyag ng anumang awa o mapagmahal na kabaitan, ni hindi na Siya nagpapakita pa ng Kanyang pagpaparaya o pasensya; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging mapagpasensya, na muling ibigay ang Kanyang awa, at minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Kapalit ng mga bagay na ito, walang isa mang sandali ng pag-aalinlangan, ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging maharlika, ginagawa kung ano ang Kanyang nais. Isasagawa Niya ang mga bagay na ito sa isang mabilis at malinis na paraan ayon sa Kanyang sariling mga kagustuhan. Ito ang paraan kung paano ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging maharlika, na hindi dapat salungatin ng tao, at ito ay isa ring pagpapahayag ng isang aspekto ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nasasaksihan ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila napapansin ang Kanyang poot, nakikita ang Kanyang pagiging maharlika o nadarama ang Kanyang pagiging hindi nalalabag. Ang mga bagay na ito ang maling nagpapapaniwala sa mga tao na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay yaong awa, pagpaparaya at pagmamahal lamang. Gayunman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o kinamuhian ang isang sangkatauhan, ang Kanyang matinding galit sa pagwasak ng tao at ang Kanyang pagiging maharlika ang nagbibigay-daan sa mga tao na masilayan ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon, na siyang pagiging hindi nalalabag ng Diyos. Ang disposisyon ng Diyos na hindi nalalabag ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikha, at sa mga di-nilikha, walang may kakayahang panghimasukan ito o maapektuhan ito; at lalong hindi ito kayang gayahin o tularan. Sa gayon, ang aspektong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang dapat na talagang mabatid ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging Diyos Mismo ang nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon. Nagtataglay ang Diyos ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil nasusuklam Siya sa kasamaan, kadiliman, paghihimagsik at mga buktot na gawa ni Satanas—pagtitiwali at paglamon sa sangkatauhan—sapagkat kinasusuklaman Niya ang lahat ng paggawa ng kasalanan na salungat sa Kanya at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikha na hayagang salungatin o labanan Siya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o Kanyang pinili ay kailangan lamang pukawin ang Kanyang disposisyon at salangsangin ang Kanyang prinsipyo ng pagpapasensya at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na hindi nalalabag, nang walang kahit katiting na awa o pag-aalinlangan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
560. Bagaman ang pagbuhos ng poot ng Diyos ay isang aspeto ng pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon, ang galit ng Diyos ay siguradong hindi padalus-dalos sa pagpili kung sino ang layon nito, ni hindi rin ito walang prinsipyo. Sa kabaligtaran, hindi talaga madaling magalit ang Diyos, at hindi rin Niya ibinubunyag ang Kanyang poot at pagiging maharlika nang gayun-gayon lang. Dagdag pa rito, ang poot ng Diyos ay lubhang kontrolado at sukat; hindi talaga ito maikukumpara sa kung paanong ang tao ay nakasanayang magpuyos sa matinding galit o magbulalas ng kanyang galit. Maraming pag-uusap sa pagitan ng tao at ng Diyos ang nakatala sa Bibliya. Ang mga salita ng ilan sa mga indibiduwal na tao na kabilang sa mga usapan ay mabababaw, ignorante, at parang pambata, ngunit hindi sila pinabagsak ng Diyos, ni kinondena man. Isang halimbawa ay noong panahon ng pagsubok kay Job, paano pinakitunguhan ng Diyos na si Jehova ang tatlong kaibigan ni Job at ang iba pa pagkatapos Niyang marinig ang mga salitang kanilang sinabi kay Job? Kinondena Niya ba sila? Napoot ba Siya sa kanila? Wala Siyang ginawang ganoon! Sa halip sinabihan Niya si Job na magmakaawa sa kanilang ngalan, at na ipanalangin sila; at ang Diyos Mismo ay hindi dinamdam ang kanilang mga pagkakamali. Ang mga pangyayaring ito ay kumakatawan lahat sa pangunahing pinanggagalingan ng paraan ng pakikitungo ng Diyos sa sangkatauhan, tiwali at mangmang man ito. Samakatuwid, ang pagpapakawala ng poot ng Diyos ay hindi isang pagpapahayag o pagpapalabas ng lagay ng Kanyang loob, o isang paraan Niya ng pagbubulalas ng Kanyang galit. Salungat sa maling pagkakaunawa ng tao, ang poot ng Diyos ay hindi isang ganap na pagsabog ng Kanyang matinding galit. Hindi pinakakawalan ng Diyos ang Kanyang poot dahil sa hindi Niya kayang kontrolin ang Kanyang sariling damdamin o dahil ang Kanyang galit ay nakaabot na sa punto ng pagkulo at kailangan nang mailabas. Bagkus, ang Kanyang poot ay pagpapakita at isang tunay na pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon; at isa itong simbolikong pagpapahayag ng Kanyang banal na diwa. Ang Diyos ay poot, at hindi Niya kinukunsinti ang pagkakasala—hindi nito sinasabi na ang galit ng Diyos ay walang prinsipyo o hindi kumikilala sa pagkakaiba-iba ng mga layunin; ang tiwaling sangkatauhan ang tanging nag-aangkin sa walang prinsipyo at walang-pinipiling pagbulalas ng matinding galit. Ang galit na ito ay ang klase ng galit na hindi nakakikilala ng kaibhan sa pagitan ng mga layunin. Sa sandaling magkaroon ng katayuan ang isang tao, madalas ay mahihirapan na siyang kontrolin ang kanyang damdamin, kaya’t masisiyahan siyang samantalahin ang mga pagkakataon upang ipahayag ang kanyang pagkayamot at ilabas ang kanyang mga nadarama; madalas siyang magpupuyos sa matinding galit nang walang malinaw na dahilan, nang sa gayon ay maihayag ang kanyang kakayahan at maipaalam sa ibang tao na ang kanyang katayuan at pagkakakilanlan ay iba roon sa mga ordinaryong tao. Siyempre, ang mga tiwaling tao na walang anumang katayuan ay malimit ding mawalan ng kontrol. Ang kanilang galit ay kadalasang dulot ng pinsala sa kanilang mga pansariling kapakanan. Upang mapangalagaan ang kanilang sariling katayuan at dignidad, madalas nilang nailalabas ang kanilang mga nararamdaman at naibubunyag ang kanilang mapagmataas na kalikasan. Ang tao ay magpupuyos sa galit at ilalabas ang kanyang mga nadarama upang maipagtanggol at mapagtibay ang pag-iral ng kasalanan, at ang mga pagkilos na ito ang mga paraan kung paano ipinahahayag ng tao ang kanyang pagkayamot; puno ang mga ito ng karumihan, ng mga pakana at mga intriga, ng katiwalian at kabuktutan ng tao; at higit sa lahat, puno ang mga ito ng mga matayog na mithiin at pagnanasa ng tao. Kapag nakipagsagupaan ang katarungan sa kasamaan, hindi sisiklab ang galit ng tao upang ipagtanggol ang pag-iral ng katarungan; bagkus, kapag ang mga puwersa ng katarungan ay nanganganib, inuusig at inaatake, ang ginagawa ng tao ay ang di-pagpansin, pag-iwas o paglayo. Subalit, kapag humaharap naman sa mga puwersa ng kabuktutan, ang ginagawa ng tao ay ang pagpapaunlak, at labis na pagyuko. Samakatuwid, ang pagbubulalas ng tao ay isang pagtakas para sa mga puwersa ng kabuktutan, isang pagpapahayag ng talamak at hindi mapigilang buktot na ugali ng taong makalaman. Kapag ipinadadala ng Diyos ang Kanyang poot, gayon pa man, lahat ng puwersa ng kabuktutan ay mapahihinto, lahat ng kasalanang nakapipinsala sa tao ay mapipigilan, lahat ng mapanlabang puwersa na humahadlang sa gawain ng Diyos ay mabubunyag, ihihiwalay at susumpain; at lahat ng kasabwat ni Satanas na lumalaban sa Diyos ay parurusahan at aalisin. Sa kanilang kinalalagyan, ang gawain ng Diyos ay magpapatuloy nang malaya sa anumang mga hadlang; ang plano ng Diyos sa pamamahala ay magpapatuloy sa unti-unting pag-unlad ayon sa nakatakda; hindi na magugulo at maililigaw ni Satanas ang hinirang na mga tao ng Diyos; at yaong mga sumusunod sa Diyos ay masisiyahan sa pangunguna at pagtutustos ng Diyos sa tahimik at mapayapang kapaligiran. Ang poot ng Diyos ay isang pananggalang na pumipigil sa lahat ng buktot na puwersa mula sa pagdami at paglaganap, at isa rin itong pananggalang na nangangalaga sa pag-iral at paglaganap ng lahat ng matuwid at positibong mga bagay, at walang-hanggang nag-aadya sa kanila sa pagkasupil at pagkawasak.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
561. Kapag hinaharap ang bawat isang gawa ng Diyos, kailangang tiyakin mo muna na malaya mula sa anumang ibang mga elemento ang matuwid na disposisyon ng Diyos, na ito ay banal at walang kapintasan. Kasama sa mga gawang ito ang paghampas, kaparusahan at pagwasak ng Diyos sa sangkatauhan. Walang eksepsiyon, ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay ginawa sa mahigpit na pagsunod sa Kanyang likas na disposisyon at Kanyang plano—hindi kasama rito ang kaalaman, tradisyon at pilosopiya ng sangkatauhan. Ang bawat isa sa mga gawa ng Diyos ay pagpapahayag ng Kanyang disposisyon at diwa, na walang kaugnayan sa anumang bagay na kabilang sa tiwaling sangkatauhan. Sa kuru-kuro ng sangkatauhan, tanging ang pag-ibig ng Diyos, awa at pagpaparaya sa sangkatauhan ang walang-bahid, walang-halo at banal, at, walang nakaaalam na ang matinding galit ng Diyos at ang Kanyang poot ay wala ring halo; dagdag pa rito, walang nakapag-isip nang mabuti ng mga tanong tulad ng bakit hindi nalalabag ang Diyos o bakit ang Kanyang poot ay napakatindi. Bagkus, napagkakamalan ng ilan ang poot ng Diyos bilang init ng ulo, gaya ng sa tiwaling sangkatauhan, at nagkakamali ng pagkaunawa sa poot ng Diyos bilang kagaya ng matinding galit ng tiwaling sangkatauhan. Nagkakamali nga rin sila sa pagpapalagay na ang matinding galit ng Diyos ay katulad lamang ng likas na pagbubunyag ng tiwaling disposisyon ng sangkatauhan at na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay katulad lamang ng galit ng tiwaling mga tao kapag sila ay nahaharap sa isang hindi masayang sitwasyon, at naniniwala pa sila na ang pagpapalabas ng poot ng Diyos ay isang pagpapahayag ng Kanyang lagay ng loob. Pagkatapos ng pagbabahaging ito, umaasa Ako na ang bawat isa sa inyo ay hindi na magkakaroon ng anumang mga maling pagkakaintindi, mga guni-guni o mga haka-haka tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Umaasa Ako na pagkatapos ninyong marinig ang Aking mga salita, magkakaroon kayo sa inyong mga puso ng tunay na pagkakilala sa poot ng matuwid na disposisyon ng Diyos, na maisasantabi na ninyo ang anumang nakaraang nakalilinlang na pagkaunawa sa poot ng Diyos, na kaya na ninyong baguhin ang inyong mga sariling maling paniniwala at mga pananaw tungkol sa diwa ng poot ng Diyos. Dagdag pa rito, umaasa Ako na magkakaroon na kayo ng tumpak na pakahulugan sa disposisyon ng Diyos sa inyong mga puso, na hindi na kayo magkakaroon pa ng anumang pag-aalinlangan tungkol sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at na hindi na ninyo ipagpipilitan ang anumang pantaong pangangatwiran o pag-iisip tungo sa tunay na disposisyon ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay ang Kanyang sariling tunay na diwa. Hindi ito isang bagay na hinubog o isinulat ng tao. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay ang Kanyang matuwid na disposisyon at wala itong relasyon o ugnayan sa anumang nilikha. Ang Diyos Mismo ay ang Diyos Mismo. Hindi Siya kailanman magiging isang nilikha, at kahit na maging miyembro Siya ng mga nilikha, ang Kanyang likas na disposisyon at diwa ay hindi magbabago. Samakatwid, ang pagkakilala sa Diyos ay hindi pagkakilala sa isang bagay; hindi ito paghihimay sa isang bagay, ni katulad ng pag-unawa sa isang tao. Kung ginagamit ng tao ang kanyang konsepto o pamamaraan ng pagkilala sa isang bagay o pag-unawa sa isang tao upang makilala ang Diyos, hindi siya kailanman magkakamit ng kaalaman tungkol sa Diyos. Ang pagkakilala sa Diyos ay hindi nakasalalay sa karanasan o imahinasyon, at samakatwid hindi mo dapat ipagpilitan kahit kailan ang iyong karanasan o imahinasyon sa Diyos. Gaano man kayaman ang iyong karanasan at imahinasyon, may hangganan pa rin ang mga iyan. Higit pa riyan, ang iyong imahinasyon ay hindi umaayon sa mga katunayan, at lalong hindi ito umaayon sa katotohanan, at ito ay hindi kaayon ng tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Hindi ka kailanman magtatagumpay kung aasa ka lamang sa iyong imahinasyon upang maunawaan ang diwa ng Diyos. Ang tanging landas ay ito: Tanggapin ang lahat ng nagmumula sa Diyos, at pagkatapos, unti-unting danasin at unawain ito. Darating ang araw na bibigyang-liwanag ka ng Diyos upang Siya ay lubos mong maunawaan at makilala dahil sa iyong pakikipagtulungan at dahil sa iyong pagkagutom at pagkauhaw para sa katotohanan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
562. Ang Diyos ay hindi kailanman nag-aalangan o nag-aatubili sa Kanyang mga kilos; ang mga prinsipyo at mga layunin sa likod ng Kanyang mga pagkilos ay malinaw at nakikita ng lahat, dalisay at walang kapintasan, walang anumang ganap na panlilinlang o pakana na nakahalo sa loob. Sa madaling salita, walang nakahalong kadiliman o kabuktutan sa diwa ng Diyos. Nagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive sapagkat ang kanilang masasamang gawa ay umabot sa harap ng Kanyang paningin; sa panahong iyon, ang Kanyang galit ay nagmula sa Kanyang diwa. Gayunpaman, nang maglaho na ang galit ng Diyos at minsan pa ay Kanyang ipinagkaloob ang pagpaparaya sa mga taga-Ninive, lahat ng Kanyang ipinahayag ay ang Kanya pa ring sariling diwa. Ang kabuuan ng pagbabagong ito ay dahil sa pagbabago sa saloobin ng tao tungo sa Diyos. Sa loob ng buong panahong ito, ang hindi nalalabag na disposisyon ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagparayang diwa ng Diyos ay hindi nagbago; ang mapagmahal at maawaing diwa ng Diyos ay hindi nagbago. Kapag nakagawa ng masasamang gawa ang mga tao at nagkasala sa Diyos, ipadadala Niya ang Kanyang galit sa kanila. Kapag tunay na nagsisi ang mga tao, magbabago ang puso ng Diyos, at huhupa ang Kanyang galit. Kapag nagpatuloy ang mga tao sa pagmamatigas na paglaban sa Diyos, ang Kanyang matinding galit ay hindi mapipigil; ang Kanyang poot ay unti-unting ididiin sa kanila hanggang sa sila ay mawasak. Ito ang diwa ng disposisyon ng Diyos. Anuman ang ipahayag o ibunyag ng Diyos sa Kanyang disposisyon—ito man ay ang Kanyang poot o awa at mapagmahal na kabaitan—ito ay nakadepende sa asal at pag-uugali ng mga tao, gayundin sa kanilang saloobin sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso. Kung patuloy na isasailalim ng Diyos ang isang tao sa Kanyang galit, walang dudang kinakalaban ng puso ng taong ito ang Diyos. Dahil ang taong ito ay hindi kailanman tunay na nagsisi, hindi nagpakumbaba sa harap ng Diyos o nagtaglay ng tunay na paniniwala sa Diyos, hindi niya kailanman nakamit ang awa at pagpaparaya ng Diyos. Kapag ang isang tao ay madalas makatanggap ng pagkalinga ng Diyos, ng Kanyang awa, ng Kanyang pagpaparaya, walang dudang ang taong ito ay may tunay na paniniwala sa Diyos sa kanyang puso, at hindi kinakalaban ng kanyang puso ang Diyos. Madalas nagsisisi ang taong ito sa harap ng Diyos; samakatuwid, kahit na madalas bumababa sa taong ito ang pagdidisiplina ng Diyos, ang Kanyang poot ay hindi bababa.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
563. Kahit gaano man kagalit ang Diyos sa mga taga-Ninive, sa sandaling nagpahayag sila ng pag-aayuno at nagsuot ng magaspang na damit at naglagay ng mga abo, unti-unting lumambot ang Kanyang puso, at nagsimulang magbago ang Kanyang isip. Noong bago Niya iproklama sa kanila na wawasakin Niya ang syudad nila—ang sandali bago ang kanilang pangungumpisal at pagsisisi sa kanilang mga kasalanan—galit pa rin sa kanila ang Diyos. Sa sandaling nagsagawa sila ng serye ng mga gawain ng pagsisisi, unti-unting nagbago at napalitan ng awa at pagpaparaya ang galit ng Diyos sa mga taga-Ninive. Walang anumang magkasalungat sa magkaparehong paghahayag ng dalawang aspekto ng disposisyon ng Diyos sa magkaparehong pangyayari. Paano mauunawaan at malalaman ng isang tao ang ganitong kawalan ng pagkakasalungatan kung gayon? Ipinahayag at ibinunyag ng Diyos ang dalawang magkabaligtad na bahaging ito ng mga diwa bago at pagkatapos magsisi ang mga taga-Ninive, nagtutulot sa mga tao na makita ang pagiging totoo at pagiging hindi nalalabag na diwa ng Diyos. Ginamit ng Diyos ang Kanyang saloobin upang sabihin sa mga tao ang mga sumusunod: Hindi sa hindi nagpaparaya ang Diyos sa mga tao, o hindi Niya nais na maawa sa kanila; sa halip, bihira silang tunay na magsisi sa Diyos, at bihirang tunay na talikdan ang kanilang masasamang gawi at iwanan ang karahasan sa kanilang mga kamay. Sa madaling sabi, kapag nagagalit ang Diyos sa tao, umaasa Siya na tunay na makapagsisi ang tao, at umaasa Siya na makita ang tunay na pagsisisi ng tao, kung saan ay, patuloy Niyang bukas-palad na ipagkakaloob ang Kanyang awa at pagpaparaya sa tao. Ibig sabihin nito na ang masamang pag-uugali ng tao ang nagdudulot ng poot ng Diyos, samantalang ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay ipinagkakaloob sa mga nakikinig sa Diyos at tunay na nagsisisi sa harap Niya, sa mga makatatalikod sa kanilang masasamang gawi at makakabitiw sa karahasan sa kanilang mga kamay. Ang saloobin ng Diyos ay napakalinaw na ipinahayag sa Kanyang pakikitungo sa mga taga-Ninive: Ang awa at pagpaparaya ng Diyos ay hindi mahirap na makamit at ang hinihingi Niya sa isang tao ay tunay na pagsisisi nito. Hangga’t ang mga tao ay tatalikod sa kanilang masasamang gawi at tatalikdan ang kanilang karahasan, babaguhin ng Diyos ang Kanyang puso at ang Kanyang saloobin tungo sa kanila.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
564. Nang binago ng Diyos ang Kanyang puso para sa mga taga-Ninive, isang pagkukunwari lamang ba ang Kanyang awa at pagpaparaya? Siyempre hindi! Kung gayon, ano ang naipakita ng pagbabago sa pagitan ng dalawang aspektong ito ng disposisyon ng Diyos sa panahon ng pagharap ng Diyos sa isang sitwasyong ito? Ang disposisyon ng Diyos ay isang ganap na buo—hinding-hindi ito nahahati. Naghahayag man Siya ng galit o awa at pagpaparaya tungo sa mga tao, ang lahat naman ng ito ay pagpapahayag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay puno ng buhay at masigla, at binabago Niya ang Kanyang isip at saloobin batay sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. Ang pagbabago ng Kanyang saloobin tungo sa mga taga-Ninive ay nagsasabi sa sangkatauhan na mayroon Siyang sariling mga kaisipan at ideya; hindi Siya isang robot o luwad na rebulto, kundi ang buhay na Diyos Mismo. Maaari Siyang magalit sa mga mamamayan ng Ninive, kung paanong maaari rin Niyang patawarin ang kanilang mga nakaraan dahil sa kanilang mga saloobin. Maaari Siyang magpasya na magpadala ng kasawian sa mga taga-Ninive, at maaari rin Niyang baguhin ang Kanyang pagpapasya dahil sa kanilang pagsisisi. Gusto ng mga tao na mahigpit na maglapat ng mga alituntunin at gamitin ang mga ganoong alituntunin upang limitahan at ilarawan ang Diyos, tulad ng kanilang pagnanais na gumamit ng mga pormula upang subukang unawain ang disposisyon ng Diyos. Samakatwid, batay sa kayang abutin ng pag-iisip ng tao, ang Diyos ay hindi nag-iisip, ni wala Siyang anumang esensiyal na mga ideya. Ngunit sa realidad, ang mga kaisipan ng Diyos ay patuloy na nagbabago ayon sa mga pagbabago sa mga bagay-bagay at sa mga kapaligiran. Habang ang mga kaisipang ito ay nagbabago, nabubunyag ang iba’t ibang aspekto ng diwa ng Diyos. Sa prosesong ito ng pagbabago, sa mismong sandaling binabago ng Diyos ang Kanyang puso, ang totoong pag-iral ng Kanyang buhay ang ibinubunyag Niya sa sangkatauhan, at na ang Kanyang matuwid na disposisyon ay puno ng buhay at masigla. Kasabay nito, ginagamit ng Diyos ang Kanyang sariling tunay na mga pagbubunyag upang patunayan sa sangkatauhan ang katotohanan ng pag-iral ng Kanyang poot, Kanyang awa, Kanyang mapagmahal na kabaitan at Kanyang pagpaparaya. Ang Kanyang diwa ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar alinsunod sa pag-unlad ng mga bagay-bagay. May angkin Siyang poot ng isang leon at pagkahabag at pagpaparaya ng isang ina. Ang Kanyang matuwid na disposisyon ay hindi nagpapahintulot ng pagdududa, paglabag, pagbabago, o pamamaluktot ng sinumang tao. Sa lahat ng usapin at mga bagay-bagay, ang matuwid na disposisyon ng Diyos—iyon ay, ang poot ng Diyos at awa ng Diyos—ay mabubunyag sa anumang oras at saan mang lugar. Nagbibigay Siya ng puno-ng-buhay na pagpapahayag sa mga aspektong ito sa bawat sulok ng sangnilikha, at isinasakatuparan Niya ang mga iyon nang may sigla sa bawat paglipas ng sandali. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalilimitahan ng panahon o lugar, sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi ipinapahayag na parang makina o ibinubunyag ayon sa paglilimita ng mga hangganan ng panahon o lugar, kundi sa halip, ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay malayang naihahayag at nabubunyag sa lahat ng panahon at mga lugar. Kapag nakita mong binago ng Diyos ang Kanyang puso at huminto sa paghahayag ng Kanyang poot at tumigil sa pagwasak sa lungsod ng Ninive, masasabi mo ba na mahabagin at mapagmahal lamang ang Diyos? Masasabi mo ba na ang poot ng Diyos ay binubuo ng walang-saysay na mga salita? Kapag nagpupuyos ang Diyos sa matinding poot at binabawi ang Kanyang awa, masasabi mo ba na hindi Siya nakadarama ng tunay na pagmamahal sa sangkatauhan? Inihahayag ng Diyos ang matinding poot na ito bilang tugon sa masasamang gawa ng mga tao; ang Kanyang poot ay walang kapintasan. Ang puso ng Diyos ay naaantig bilang tugon sa pagsisisi ng mga tao, at ang pagsisising ito ang siyang nagdudulot ng pagbabago sa Kanyang puso. Kapag naaantig Siya, kapag may pagbabago sa Kanyang puso, at kapag nagpapakita Siya ng awa at pagpaparaya sa tao, ang lahat ng ito ay lubos na walang kapintasan; ang mga iyon ay malinis, dalisay, walang-dungis at walang-halo. Ang pagpaparaya ng Diyos ay ganoon mismo: pagpaparaya, gaya ng ang Kanyang awa ay walang-iba kundi awa. Ibinubunyag ng Kanyang disposisyon ang poot o awa at pagpaparaya ayon sa pagsisisi ng tao at sa mga pagkakaiba-iba sa asal ng tao. Kahit anuman ang Kanyang ibunyag at ipahayag, lahat ng ito ay dalisay at tuwiran; ang diwa nito ay iba mula sa diwa ng anumang nilikha. Kapag ipinahahayag ng Diyos ang mga prinsipyo sa likod ng Kanyang mga pagkilos, malaya ang mga ito sa anumang kapintasan o dungis, at gayundin ang Kanyang kaisipan, mga ideya, at bawat isang pagpapasya Niya at kilos na isinasagawa Niya. Dahil sa nakapagpasya na nang gayon ang Diyos at nakakilos na Siya nang gayon, gayon Niya rin tinatapos ang Kanyang mga gawain. Ang resulta ng Kanyang mga gawain ay tama at walang pagkakamali sapagkat ang pinagmulan ng mga iyon ay walang-kapintasan at walang-dungis. Ang poot ng Diyos ay walang-kapintasan. Gayundin, ang awa at pagpaparaya ng Diyos—na hindi taglay ng anumang mga nilikha—ay banal at walang-kapintasan, at kayang tagalan ang maingat na paglilimi at karanasan.
Sa pamamagitan ng pagkakaunawa ninyo sa kuwento ng Ninive, nakikita na ba ninyo ang kabilang panig ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Nakikita ba ninyo ang kabilang panig ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos? Mayroon bang sinuman sa sangkatauhan na nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng ganitong uri ng poot, ang poot ng Diyos? Mayroon bang sinuman na nagtataglay ng awa at pagpaparaya na tulad ng sa Diyos? Sino sa mga nilikha ang makatatawag ng gayon katinding poot at makapagpapasya na wasakin o padalhan ng sakuna ang sangkatauhan? At sino ang karapat-dapat na magkaloob ng awa sa tao, na magparaya at magpatawad, at sa gayon ay baguhin ang kanyang pasya na wasakin ang tao? Ipinahahayag ng Lumikha ang Kanyang matuwid na disposisyon sa pamamagitan ng Kanyang sariling natatanging mga pamamaraan at prinsipyo, at hindi Siya nagpapasailalim sa kontrol o mga pagbabawal ng sinumang tao, alinmang mga pangyayari o bagay-bagay. Sa Kanyang natatangi na disposisyon, walang sinuman ang nakapagpapabago sa Kanyang kaisipan at mga ideya, ni walang sinuman ang nakahihimok sa Kanya at nakapagpapabago ng alinman sa Kanyang mga pagpapasya. Ang lahat ng asal at kaisipan ng mga nilikha ay umiiral sa ilalim ng paghatol ng Kanyang matuwid na disposisyon. Walang sinumang makapipigil kung magpapahayag man Siya ng pagkapoot o pagkaawa; tanging ang diwa lamang ng Lumikha—o sa madaling salita, ang matuwid na disposisyon ng Lumikha—ang nakapagpapasya rito. Ito ang natatanging kalikasan ng matuwid na disposisyon ng Lumikha!
Sa pamamagitan ng pagsusuri at pag-unawa sa pagbabago ng saloobin ng Diyos sa mga taga-Ninive, nagagamit mo na ba ang salitang “natatangi” upang ilarawan ang awa na matatagpuan sa matuwid na disposisyon ng Diyos? Nauna na nating sinabi na ang poot ng Diyos ay isang aspekto ng diwa ng Kanyang natatanging matuwid na disposisyon. Bibigyang-kahulugan Ko ngayon ang dalawang aspekto—ang poot ng Diyos at ang awa ng Diyos—bilang Kanyang matuwid na disposisyon. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay banal; ito ay hindi nalalabag, ni hindi nito pinapalampas ang makuwestiyon ng sinuman; ito ay isang bagay na hindi taglay ng sinuman sa mga nilikha o di-nilikha. Ito ay kapwa natatangi at para lamang sa Diyos. Sinasabi nito na ang poot ng Diyos ay banal at hindi nalalabag. Sa ganito ring paraan, ang isa pang aspekto ng matuwid na disposisyon ng Diyos—ang awa ng Diyos—ay banal at hindi maaaring salungatin. Walang sinuman sa mga nilikha o hindi-nilikha ang makapapalit o kayang kumatawan sa Diyos sa paggawa ng layon Niyang maisakatuparan, ni makapapalit o kayang kumatawan sa Kanya sa pagwasak sa Sodoma o sa pagliligtas sa Ninive. Ito ang tunay na pagpapahayag ng natatanging matuwid na disposisyon ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
565. Bagama’t ang mga taong pumuno sa lungsod ng Ninive ay ganoon din katiwali, buktot at marahas katulad ng sa Sodoma, ang kanilang pagsisisi ang nagdulot sa Diyos na baguhin ang Kanyang puso at magpasya na hindi na sila wasakin. Dahil ang kanilang pagtugon sa mga salita at tagubilin ng Diyos ay nagpakita ng saloobing malinaw na kabaligtaran ng sa mga mamamayan ng Sodoma, at dahil sa kanilang tunay na pagpapasakop sa Diyos at tunay na pagsisisi, gayon din sa kanilang tunay at taos pusong pag-uugali sa lahat ng pagkakataon, ang pagpapahalaga ng Diyos sa kanila ay muling lumabas mula sa Kanyang puso, at ipinagkaloob Niya ito sa kanila. Ang ipinagkakaloob ng Diyos at ang Kanyang pagpapahalaga sa sangkatauhan ay imposibleng magaya ninuman, at walang tao ang nagtataglay ng awa ng Diyos, ang Kanyang pagpaparaya, o maging ang Kanyang sinserong damdamin sa sangkatauhan. Mayroon bang sinuman na ipinapalagay mong dakilang lalaki o babae, o maging isang makapangyarihang tao, na mula sa isang mataas na kinalalagyan ay nagsasalita bilang isang dakilang lalaki o babae, o sa pinakamataas na kalagayan ay makapangungusap ng ganitong uri ng pahayag sa sangkatauhan o sa mga nilikha? Sino sa sangkatauhan ang makaaalam ng kalagayan ng buhay ng tao na tulad ng palad ng kanilang mga kamay? Sino ang makapagdadala ng pasanin at pananagutan para sa pag-iral ng sangkatauhan? Sino ang nararapat magproklama ng pagkawasak ng isang lungsod? At sino ang nararapat magpatawad sa isang lungsod? Sino ang makapagsasabi na pinapahalagahan nila ang kanilang sariling nilikha? Tanging ang Lumikha! Tanging ang Lumikha ang nakakaramdam ng magiliw na pagmamahal para sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang nagpapakita ng masuyong pagkagiliw sa sangkatauhang ito. Tanging ang Lumikha ang may tunay na pagkagiliw para sa sangkatauhang ito na mahirap putulin. Gayundin, tanging ang Lumikha ang makapagkakaloob ng awa sa sangkatauhang ito at tanging Siya ang nagpapahalaga sa lahat ng Kanyang mga nilikha. Naaapektuhan ang Kanyang puso sa bawat isa sa mga kilos ng tao: Siya ay nagagalit, nababagabag, at nagdadalamhati sa kabuktutan at katiwalian ng tao; Siya ay nalulugod at nagagalak at nagbabago ang puso Niya at natutuwa Siya sa pagsisisi, pananampalataya, at pagpapasakop ng tao; ang bawat isa sa Kanyang mga kaisipan at mga ideya ay umiiral para sa at umiikot sa sangkatauhan; kung ano Siya at kung anong mayroon Siya ay ganap na ipinapahayag para sa kapakanan ng sangkatauhan; ang kabuuan ng Kanyang mga emosyon ay magkakaugnay sa pag-iral ng sangkatauhan. Para sa kapakanan ng sangkatauhan, naglalakbay Siya at nagmamadali; tahimik Niyang ibinibigay ang bawat parte ng Kanyang buhay; iniaalay Niya ang bawat minuto at segundo ng Kanyang buhay…. Hindi Niya kailanman nalaman kung paano pakaingatan ang Kanyang sariling buhay, ngunit lagi Niyang itinatangi ang sangkatauhan na Siya Mismo ang lumikha…. Ibinibigay Niya ang lahat ng mayroon Siya para sa sangkatauhang ito…. Iginagawad Niya ang Kanyang awa at pagtitiis nang walang kondisyon at walang inaasahang kabayaran. Ginagawa Niya ito para lang makapagpatuloy na mabuhay ang sangkatauhan sa harap ng paningin Niya at sa ilalim ng Kanyang pagtutustos ng buhay. Ginagawa lamang Niya ito upang balang araw ay magpasailalim sa harap Niya ang sangkatauhan at makilala Siya nito bilang ang Siyang nagpapalusog sa pag-iral ng tao at nagtutustos ng buhay ng buong sangnilikha.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
566. Ang habag at pagpapaubaya ng Diyos ay talagang umiiral, ngunit ang kabanalan at pagiging matuwid ng Diyos kapag pinapakawalan Niya ang Kanyang poot ay nagpapakita rin sa tao ng panig ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng pagkakasala. Kapag kaya na ng tao na sundin nang ganap ang mga utos ng Diyos at kumilos alinsunod sa mga kinakailangan ng Diyos, masagana ang habag ng Diyos sa tao; kapag ang tao ay napuno ng katiwalian, pagkamapanlaban at pagkapoot sa Kanya, napakatindi ng galit ng Diyos. Hanggang saan ang tindi ng Kanyang galit? Mananatili ang Kanyang poot hanggang hindi na nakikita ng Diyos ang pagsuway at masasamang gawa ng tao, hanggang sa mawala na ang mga ito sa Kanyang paningin. Saka lamang mawawala ang galit ng Diyos. Sa madaling salita, kahit na sino pa ang tao, kung ang kanyang puso ay naging malayo sa Diyos at tumalikod sa Diyos, hindi kailanman bumalik, kung gayon, sa lahat ng anyo o sa usapin ng kanyang mga personal na pagnanais, paano man niya nais na sumamba at sumunod at magpasakop sa Diyos sa kanyang katawan o sa kanyang pag-iisip, sa sandaling lumayo ang kanyang puso sa Diyos, ang poot ng Diyos ay pakakawalan nang walang humpay. Masasabi na kapag lubos na pinapakawalan ng Diyos ang Kanyang galit, dahil nabigyan na ng sapat na pagkakataon ang taong iyon, sa oras na pakawalan ito, wala nang paraan upang bawiin ito, at hindi na Siya kailanman pa mahahabag at magpapaubaya sa naturang tao. Ito ay isang panig ng disposisyon ng Diyos na hindi nagpapahintulot ng anumang pagkakasala. … Siya ay mapagparaya at maawain sa mga bagay na mabait at maganda at mabuti. Sa mga bagay na masama, makasalanan, at buktot, malalim ang Kanyang poot, sa paraang hindi Siya tumitigil sa Kanyang pagkapoot. Ito ang dalawang pangunahin at pinakakilalang aspekto ng disposisyon ng Diyos, at, higit pa rito, naibunyag ang mga ito ng Diyos mula simula hanggang katapusan: saganang habag at malalim na poot.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo II
567. Sinasabi ng mga tao na ang Diyos ay isang matuwid na Diyos, at hangga’t sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, tiyak na magiging patas Siya tungo sa tao, sapagkat Siya ang pinakamatuwid. Kung sinusunod Siya ng tao hanggang sa katapus-tapusan, kaya ba Niyang isantabi ang tao? Ako ay patas sa lahat ng tao, at hinahatulan ang lahat ng tao ayon sa Aking matuwid na disposisyon, gayunman mayroong akmang mga kondisyon sa mga hinihingi Ko sa tao, at iyong Aking hinihingi ay dapat na matupad ng lahat ng tao, maging sinuman sila. Wala Akong pakialam kung ano ang mga kalipikasyon mo, o kung gaano katagal mo nang taglay ang mga ito; ang pinahahalagahan Ko lamang ay kung sinusunod mo ang Aking daan, at kung umiibig ka at nauuhaw para sa katotohanan o hindi. Kung ikaw ay kulang sa katotohanan, at sa halip nagdadala ng kahihiyan sa Aking pangalan, at hindi kumikilos ayon sa Aking daan, sumusunod lamang nang walang pakialam o malasakit, kung gayon sa sandaling iyon ay hahampasin kita at parurusahan dahil sa iyong kasamaan, at ano nga ang masasabi mo sa panahong iyon? Masasabi mo bang ang Diyos ay hindi matuwid? Kung nakasunod ka sa mga salita na Aking sinabi ngayon, kung gayon ikaw ang uri ng taong Aking sinasang-ayunan. Sinasabi mo na ikaw ay laging nagdurusa habang sumusunod sa Diyos, na nakasunod ka sa Kanya sa kabila ng mga bagyo, at naibahagi sa Kanya ang mga pagkakataong mabubuti at ang masasama, ngunit hindi mo naisabuhay ang mga salitang winika ng Diyos; ninanais mo lamang na magparoo’t parito para sa Diyos at gugulin ang sarili para sa Diyos bawat araw, at kailanman ay hindi naisip na isabuhay ang isang buhay na makabuluhan. Sinasabi mo rin, “Ano’t anuman, naniniwala ako na ang Diyos ay matuwid. Nagdurusa ako para sa Kanya, nagparoo’t parito para sa Kanya, at inilalaan ko ang aking sarili sa Kanya, at kahit na wala akong anumang nakakamit, nagsusumikap ako; tiyak na tatandaan Niya ako.” Totoo na ang Diyos ay matuwid, gayunman ang pagiging matuwid na ito ay walang bahid ng anumang karumihan: Wala itong taglay na kalooban ng tao, at hindi nabahiran ng laman, o ng pantaong transaksyon. Ang lahat ng mapanghimagsik at lumalaban, ang lahat ng hindi nakaayon sa Kanyang daan, ay parurusahan; walang pinatatawad, at walang ititira! May ilang tao na nagsasabi, “Ngayon ay nagpaparoo’t parito ako para sa Iyo; kapag dumating ang katapusan, maaari Mo ba akong bigyan ng munting pagpapala?” Kaya tinatanong kita, “Nakatupad ka ba sa Aking mga salita?” Ang pagiging matuwid na iyong sinasalita ay nakasalig sa isang transaksyon. Iniisip mo lamang na Ako ay matuwid at patas sa lahat ng tao, at ang lahat ng sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay siguradong maliligtas at makakamtan ang Aking mga pagpapala. Mayroong panloob na kahulugan ang Aking mga salita na “lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay tiyak na maliligtas”: Lahat niyaong sumusunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan ay silang mga lubos Kong makakamtan, sila iyong, pagkatapos Kong malupig, ay hinahanap ang katotohanan at ginagawang perpekto. Anong mga kondisyon ang iyong natamo? Ang nakamit mo lamang ay pagsunod sa Akin hanggang sa katapus-tapusan, ngunit bukod doon ay ano pa? Ikaw ba ay nakasunod sa Aking mga salita? Natupad mo ang isa sa Aking limang hinihingi, gayunman ay wala kang intensyon na tuparin ang natitirang apat. Natagpuan mo ang pinakasimple, pinakamadaling landas, at hinangad ito nang may saloobin na umaasa lamang na maging mapalad. Sa gayong tao na katulad mo ang Aking matuwid na disposisyon ay isang disposisyon ng pagkastigo at paghatol, ito ay isa ng matuwid na pagganti, at ito ay ang matuwid na kaparusahan sa lahat ng taong gumagawa ng masama; ang lahat ng hindi sumusunod sa Aking daan ay tiyak na parurusahan, kahit na sila ay sumunod hanggang sa katapus-tapusan. Ito ang pagiging matuwid ng Diyos. Kapag ang ganitong matuwid na disposisyon ay inihayag sa kaparusahan sa tao, ang tao ay matitigilan, at nakadarama ng panghihinayang na, habang sinusunod ang Diyos, hindi siya sumunod sa Kanyang daan. “Noong panahong iyon, nagdusa lamang ako nang kaunti habang sumusunod sa Diyos, ngunit hindi ko sinunod ang daan ng Diyos. Ano ang mga maidadahilan? Wala nang ibang pagpipilian kundi ang makastigo!” Gayunman sa kanyang isipan siya ay nag-iisip, “Ano’t anuman, nakasunod naman ako hanggang sa katapus-tapusan, kaya kahit na kastiguhin Mo ako, hindi ito magiging matinding pagkastigo, at pagkatapos mailapat ang pagkastigong ito ay nanaisin Mo pa rin ako. Alam kong matuwid Ka, at hindi Mo ako pakikitunguhan nang gayon magpakailanman. Sa kabila ng lahat, hindi ako katulad niyaong mga lilipulin; iyong mga lilipulin ay makatatanggap ng matinding pagkastigo, samantalang ang aking pagkastigo ay magiging mas magaan.” Ang matuwid na disposisyon ay hindi gaya ng iyong sinabi. Hindi ito ang kaso na iyong mabubuti sa pag-amin ng kanilang mga kasalanan ay pinakikitunguhan nang maluwag. Ang pagiging matuwid ay kabanalan, at isang disposisyon na hindi nalalabag ng tao, at lahat ng marumi at hindi nabago ay ang tampulan ng pagkasuklam ng Diyos. Ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi batas, kundi atas administratibo: Ito ay atas administratibo sa kaharian, at ang atas administratibong ito ay ang matuwid na kaparusahan sa sinumang hindi nagtataglay ng katotohanan at hindi nababago, at walang palugit para sa kaligtasan. Sapagkat kapag ang bawat tao ay mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, ang mabuti ay gagantimpalaan at ang masama ay parurusahan. Iyon ang panahon na ang hantungan ng tao ay mabubunyag; ito ang panahon na ang gawain ng pagliligtas ay darating sa katapusan, pagkatapos niyon, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay hindi na gagawin, at ang paghihiganti ay ilalapat sa bawat isa sa mga gumagawa ng kasamaan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
568. Ang awa Ko ay ipinapahayag sa mga nagmamahal sa Akin at bumibitiw sa kanilang mga sarili. Samantala, ang kaparusahang sumasapit sa masama ay mismong patunay ng matuwid na disposisyon Ko at, higit pa, patotoo sa poot Ko. Kapag sumapit ang sakuna, lahat ng sumasalungat sa Akin ay mananangis habang sila’y binibiktima ng taggutom at salot. Silang nakagawa na ng lahat ng uri ng masamang gawa, ngunit sumunod na sa Akin nang maraming taon, ay hindi makatatakas sa pagbabayad para sa kanilang mga kasalanan; sila rin ay mahuhulog sa sakuna, na ang katulad ay bihirang nakita sa loob ng milyon-milyong taon, at mamumuhay sila na palaging may sindak at takot. At yaong mga tagasunod Ko na nakapagpakita na ng lubos na katapatan sa Akin ay magagalak at pupurihin ang kapangyarihan Ko. Mararanasan nila ang di-mailarawang kasiyahan at mabubuhay sa gitna ng kagalakang kailanman ay hindi Ko pa naipagkaloob sa sangkatauhan. Dahil itinuturing Kong yaman ang mabubuting gawa ng tao at kinapopootan ang kanyang masasamang gawa. Mula nang una Kong simulang pangunahan ang sangkatauhan, masugid na Akong umaasa na makamit ang isang pangkat ng mga taong kaisa Ko ng isipan. Samantala, hindi Ko kailanman nalilimutan yaong mga hindi Ko kaisa ng isipan; palagi Ko silang kinamumuhian sa puso Ko, hinihintay ang pagkakataong mapanagot sila sa kanilang masasamang gawa, na ikalulugod Kong makita. Ngayon ay dumating na sa wakas ang araw Ko, at hindi Ko na kailangan pang maghintay!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan