Isang Napakaseryosong Problema: Pagkakanulo (1)
Malapit na malapit nang matapos ang Aking gawain, at ang ating maraming taon ng pagsasama ay naging di-mabatang alaala. Walang tigil Kong inulit ang Aking mga salita at palagiang isinulong ang Aking bagong gawain. Siyempre, ang Aking payo ay nagsisilbing isang kinakailangang komponente sa tuwing gumagawa Ako ng gawain. Kung wala ito, lahat kayo ay maliligaw at lalo kayong lubos na matutuliro. Ang Aking gawain ay malapit nang matapos ngayon at nasa huling yugto na nito. Nais Ko pa ring gumawa ng kaunting gawain ng pagbibigay ng payo, iyon ay, ang mag-alok ng mga salita ng pagpayo para pakinggan ninyo. Umaasa lang Ako na magagawa ninyong hindi hayaang masayang ang Aking mga pagsusumikap, at, higit pa roon, na magagawa ninyong maunawaan ang Aking masisidhing layunin, at isaalang-alang ang Aking mga salita bilang pundasyon ng inyong sariling asal. Kung ang mga ito man ay ang uri ng mga salita na handa ninyong pakinggan o hindi, kung mga salita man ito na masaya ninyong tinatanggap o atubili ninyong tinatanggap, dapat ninyong seryosohin ang mga ito. Kung hindi, ang inyong mga kaswal at walang malasakit na disposisyon at asal ay lubhang makakasakit sa Akin, at higit pa rito, talagang makakaramdam Ako ng lubhang pagkakasuklam dahil sa mga ito. Lubos Akong umaasa na magagawa ninyong lahat na basahin ang Aking mga salita nang paulit-ulit—nang libo-libong beses—hanggang sa punto pa nga na maiukit ang mga ito sa inyong puso. Sa ganitong paraan lamang ninyo hindi mabibigo ang Aking mga inaasahan sa inyo. Subalit, wala sa inyo ang namumuhay nang ganito ngayon. Sa kabaligtaran, lahat kayo ay nalulubog sa isang malabis na buhay, isang buhay ng pagkain at pag-inom hanggang sa inyong ikasisiya, at wala sa inyo ang gumagamit ng Aking mga salita upang mapayaman ang inyong puso at kaluluwa. Ito ang dahilan kung bakit nabuo Ko ang konglusyon tungkol sa totoong mukha ng sangkatauhan: Kaya Akong ipagkanulo ng tao anumang oras, at walang sinuman ang maaaring maging lubos na tapat sa Aking mga salita.
“Ang tao ay lubha nang nagawang tiwali ni Satanas na wala na siyang wangis ng tao.” Ang napakalaking mayorya ng mga tao ngayon ay kumikilala nang kaunti sa pariralang ito. Sinasabi Ko ito dahil ang “pagkilala” na tinutukoy Ko ay isang uri lang ng mababaw na pag-amin, na salungat sa tunay na kaalaman. Yamang wala sa inyo ang kayang tumpak na tasahin o lubusang himayin ang inyong mga sarili, kahit kailan ay kalahati lang kayong naniniwala sa Aking mga salita. Ngunit sa pagkakataong ito, gumagamit Ako ng mga katunayan upang ipaliwanag ang pinakaseryosong problema na umiiral sa inyo. Ang problemang iyon ay ang pagkakanulo. Pamilyar kayong lahat sa salitang “pagkakanulo,” dahil karamihan sa mga tao ay nakagawa na ng isang bagay na nagkakanulo sa iba, tulad ng isang asawang lalaki na ipinagkakanulo ang kanyang asawang babae, isang asawang babae na ipinagkakanulo ang kanyang asawang lalaki, isang anak na lalaki na ipinagkakanulo ang kanyang ama, isang anak na babae na ipinagkakanulo ang kanyang ina, isang alipin na ipinagkakanulo ang kanyang amo, mga magkakaibigan na ipinagkakanulo ang isa’t isa, mga magkakamag-anak na ipinagkakanulo ang isa’t isa, mga nagbebenta na ipinagkakanulo ang mga mamimili, at iba pa. Ang lahat ng halimbawang ito ay naglalaman ng diwa ng pagkakanulo. Sa madaling salita, ang pagkakanulo ay isang uri ng pag-uugali na sumisira sa isang panata, lumalabag sa mga pamantayang moral, o kumokontra sa pantaong etika, na nagpapakita ng isang pagkawala ng pagkatao. Bilang mga tao, naaalala man ninyo na may nagawa kayo na nagkakanulo sa ibang tao, o kung naipagkanulo ninyo ang iba nang maraming beses noon, yamang isinilang sa mundong ito, lahat kayo ay nakagawa na ng isang bagay na paglabag sa katotohanan. Dahil ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iyong mga magulang o mga kaibigan, ikaw ay may kakayahang ipagkanulo ang iba, at higit pa rito, ikaw ay lalo pang may kakayahang magkanulo sa Akin at gumawa ng mga bagay na kinasusuklaman Ko. Sa ibang salita, ang pagkakanulo ay hindi lamang isang mababaw na imoral na pag-uugali, ngunit higit pa roon, isang bagay na sumasalungat sa katotohanan. Ito mismo ang pinagmumulan ng paglaban at paghihimagsik laban sa Akin ng sangkatauhan. Ito ang dahilan kung bakit nalagom Ko ito sa sumusunod na pahayag: Ang pagkakanulo ay katutubong kalikasan ng tao, at ang kalikasang ito ang likas na kaaway ng pagkakamit ng bawat tao na maging kaayon Ko.
Ang pag-uugaling hindi kayang lubusang magpasakop sa Akin ay pagkakanulo. Ang pag-uugaling hindi kayang maging tapat sa Akin ay pagkakanulo. Ang pagdaya sa Akin at paggamit ng mga kasinungalingan upang linlangin Ako ay pagkakanulo. Ang pagtataglay ng maraming kuru-kuro at pagpapakalat sa mga ito sa lahat ng dako ay pagkakanulo. Ang kawalan ng kakayahang itaguyod ang Aking mga patotoo at mga interes ay pagkakanulo. Ang paghahandog ng mga huwad na ngiti kapag malayo sa Akin ang puso ay pagkakanulo. Ang lahat ng ito ay mga gawa ng pagkakanulo na palagi na ninyong nagagawa, at ang mga ito ay karaniwan din sa inyo. Wala sa inyo ang nag-iisip na ito ay isang problema, ngunit hindi iyon ang iniisip Ko. Hindi Ko maaaring tratuhin ang pagkakanulo sa Akin ng isang tao bilang isang maliit na bagay, at lalo namang hindi Ko maaaring hindi ito pansinin. Kahit ngayon, habang Ako ay gumagawa sa gitna ninyo, kumikilos kayo sa ganitong paraan—kung darating ang isang araw na walang sinuman ang magbabantay sa inyo, hindi ba kayo magiging kagaya ng mga bandido na nagdeklarang hari sila ng kanilang mga munting teritoryo? Kapag nangyari iyon at nagsanhi kayo ng isang malaking kalamidad, sino ang naroroon upang ayusin ang problema? Kung iniisip ninyo na ang ilang kilos ng pagkakanulo ay mga paminsan-minsang pagkilos lang sa halip na inyong namimihasang pag-uugali, na hindi dapat pag-usapan nang ganito kaseryoso, na nagiging dahilan upang masaktan ang inyong pride, at kung ito ang tunay ninyong pinaniniwalaan, kung gayon ay lubos kayong walang katinuan. Kapag mas nag-iisip nang ganito ang isang tao, lalo siyang nagiging isang tipikal na halimbawa at huwaran ng paghihimagsik. Ang kalikasan ng tao ay ang kanyang buhay; ito ay isang prinsipyo kung saan siya umaasa upang manatiling buhay, at hindi niya maaaring baguhin ito. Gawing halimbawa ang kalikasan ng pagkakanulo. Kung kaya mong gumawa ng mga bagay na pagkakanulo sa sinuman sa iyong mga kamag-anak o kaibigan, ito ay nagpapatunay na bahagi ito ng iyong buhay at ipinanganak kang may ganitong kalikasan. Ito ay isang bagay na hindi maitatanggi ninuman. Halimbawa, kung nasisiyahan ang isang taong magnakaw sa iba, ang kasiyahang magnakaw na ito ay bahagi ng kanyang buhay, bagaman maaaring magnakaw siya minsan at hindi naman magnakaw minsan. Magnakaw man siya o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kanyang pagnanakaw ay isang uri lamang ng pag-uugali. Sa halip, nagpapatunay ito na ang kanyang pagnanakaw ay isang bahagi ng kanyang buhay—iyon ay, ang kanyang kalikasan. Ang ilang tao ay magtatanong: Yamang ito ay kanyang kalikasan, kung gayon bakit, kapag nakakakita siya ng magagandang bagay, hindi niya minsan ninanakaw ang mga iyon? Ang sagot ay napakasimple. Maraming kadahilanan kung bakit hindi siya nagnanakaw. Maaaring hindi niya nakawin ang isang bagay dahil masyado itong malaki para kupitin mula sa mapagbantay na mga mata, o dahil walang angkop na oras upang kumilos, o ang isang bagay ay masyadong mahal, masyadong mahigpit na nababantayan, o marahil siya ay hindi partikular na interesado rito, o hindi niya nakikita ang magiging gamit nito sa kanya, at iba pa. Ang lahat ng kadahilanang ito ay posible. Ngunit ano pa man, kung nakawin man niya ang isang bagay o hindi, hindi nito maaaring patunayan na ang kaisipang ito ay umiiral lang bilang isang panandalian at pahapyaw na saglit. Sa kabaligtaran, ito ay isang bahagi ng kanyang kalikasan—isang kalikasan na mahirap papanibaguhin. Ang ganitong tao ay hindi nasisiyahan sa pagnanakaw nang isang beses lamang; ang ganitong mga pag-iisip na angkinin ang mga pag-aari ng ibang tao bilang kanya ay nabubuo tuwing nakakatagpo siya ng isang bagay na maganda, o isang angkop na sitwasyon. Ito ang dahilan kung bakit sinasabi Ko na ang kaisipang ito ay hindi isang bagay na bastang napupulot paminsan-minsan ng taong ito, kundi isang bagay na nagmumula sa kanyang kalikasan.
Ang sinuman ay maaaring gumamit ng kanyang sariling mga salita at mga pagkilos upang katawanin ang kanyang tunay na mukha. Ang totoong mukhang ito ay, siyempre, ang kanyang kalikasan. Kung ikaw ay isang taong nagsasalita sa isang balikong paraan, ikaw ay may isang balikong kalikasan. Kung ang iyong kalikasan ay mapanlinlang, kumikilos ka sa tusong paraan, at ginagawa mong napakadali para sa iba na malansi at maloko mo. Kung ang iyong kalikasan ay mapaminsala, maaaring maging kaaya-ayang pakinggan ang iyong mga salita, ngunit hindi maitatago ng iyong mga pagkilos ang iyong mga mapaminsalang panlalansi. Kung ang iyong kalikasan ay tamad, kung gayon, sa lahat ng bagay na iyong sinasabi, susubukan mong ipawalang-sala ang iyong sarili sa pagiging pabasta-basta at tamad, at ang iyong mga pagkilos ay magiging mabagal at pabasta-basta, at napakahusay sa pagtatakip ng katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay madamayin, magiging makatwiran ang iyong mga salita, at ang mga kilos mo rin ay aayon nang maigi sa katotohanan. Kung ang iyong kalikasan ay ang maging tapat sa lahat, ang iyong mga salita ay tiyak na taos-puso at ang paraan ng iyong pagkilos ay praktikal, walang anumang magsasanhi para sa iyong amo na mabalisa. Kung ang iyong kalikasan ay mapagnasa o sakim sa pera, ang iyong puso ay kadalasang mapupuno ng mga bagay na ito, at hindi mamamalayang gagawa ka ng mga lihis at imoral na bagay na magiging mahirap para sa mga tao na makalimutan at na magpapasulasok sa kanila. Tulad ng nasabi Ko, kung mayroon kang isang kalikasan ng pagkakanulo, mahihirapan kang kumawala rito. Huwag magtaglay ng isang mentalidad kung saan sinusubok mo ang iyong suwerte, ipinagpapalagay na dahil hindi mo ginawan ng mali ang iba, wala kang kalikasan ng pagkakanulo. Kung ganoon ang iyong iniisip, ikaw nga ay talagang kasuklam-suklam. Sa tuwing nagsasalita Ako, nakatuon sa lahat ng tao ang mga salita Ko, hindi lamang sa isang tao o isang uri ng tao. Ang katunayan na hindi mo pa Ako ipinagkanulo sa isang bagay ay hindi nagpapatunay na hindi mo Ako ipagkakanulo sa anumang bagay. Kapag may mga dagok sa samahan nilang mag-asawa, nawawalan ang ilang tao ng kanilang pananalig sa paghahanap sa katotohanan. Tinatalikdan ng ilang tao ang kanilang obligasyon na maging tapat sa Akin sa panahon ng pagkasira ng pamilya. Tinatalikuran Ako ng ilang tao upang maghanap ng isang sandali ng kagalakan at katuwaan. Ang ilang tao ay mas gugustuhin pang mahulog sa isang madilim na bangin kaysa mamuhay sa liwanag at matamo ang kaluguran ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang ilang tao ay hindi pinapansin ang payo ng mga kaibigan para lang bigyang-kasiyahan ang kanilang pagnanasa sa kayamanan, at kahit ngayon ay hindi kayang kilalanin ang kanilang pagkakamali at baguhin ang kanilang landas. Ang ilang tao ay pansamantalang naninirahan lamang sa ilalim ng Aking ngalan upang matanggap ang Aking pangangalaga, habang ang iba ay labag sa loob na naglalaan lang nang kaunti sa Akin sapagkat kumakapit sila sa buhay at natatakot sa kamatayan. Hindi ba’t ang mga ito at ang iba pang mga gayong pagkilos, na mga imoral, at higit pa rito, walang integridad, ay mga pag-uugali lamang na kung saan ang mga tao ay matagal nang ipinagkanulo Ako sa kaibuturan ng kanilang mga puso? Siyempre, alam Kong hindi paunang binabalak ng mga tao ang ipagkanulo Ako, pero ang pagkakanulo nila ay isang natural na pagbubunyag ng kanilang kalikasan. Walang sinuman ang nagnanais na ipagkanulo Ako, lalong walang sinuman ang masaya dahil nakagawa sila ng isang akto ng pagkakanulo laban sa Akin. Sa kabaligtaran, nanginginig sila sa takot, hindi ba? Kaya, iniisip ba ninyo kung paano makababawi sa mga pagkakanulong ito, at kung paano babaguhin ang kasalukuyang kalagayan?