c. Paano makilatis ang mga anticristo
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Paano inilalarawan ng Diyos ang mga anticristo? Bilang iyong mga namumuhi sa katotohanan at sumasalungat sa Diyos—mga kaaway sila ng Diyos! Ang pagsalungat sa katotohanan, pagkamuhi sa Diyos, at pagkamuhi sa lahat ng positibong bagay—hindi ito ang panandaliang kahinaan o kahangalan na makikita sa mga ordinaryong tao, ni ang pagpapakita ng mga maling kaisipan at pananaw na lumilitaw sa isang sandali ng baluktot na pagkaarok; hindi ito ang problema. Ang problema ay na sila ay mga anticristo, ang mga kaaway ng Diyos, na namumuhi sa lahat ng positibong bagay at sa buong katotohanan; sila ay mga karakter na namumuhi at sumasalungat sa Diyos. Ano ang tingin ng Diyos sa gayong mga karakter? Hindi sila inililigtas ng Diyos! Hinahamak at kinamumuhian ng mga taong ito ang katotohanan, may kalikasang diwa sila ng mga anticristo. Nauunawaan ba ninyo ito? Ang inilalantad dito ay kabuktutan, kalupitan, at pagkamuhi sa katotohanan. Ito ang pinakamalala sa mga satanikong disposisyon sa mga tiwaling disposisyon, na kumakatawan sa mga pinakakaraniwan at pinakaesensiyal na katangian ni Satanas, hindi ang mga tiwaling disposisyon na ipinapakita ng ordinaryong tiwaling sangkatauhan. Ang mga anticristo ay isang puwersang laban sa Diyos. Maaari nilang guluhin at kontrolin ang iglesia, at mayroon silang kapasidad na lansagin at gambalain ang gawain ng pamamahala ng Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang gawin ng mga ordinaryong tao na may tiwaling disposisyon; ang mga anticristo lang ang may kapabilidad na gumawa ng gayong mga kilos. Huwag ninyong maliitin ang bagay na ito.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikaanim na Aytem
Bago nagkatawang-tao ang Diyos, ang sukatan kung nilalabanan ng isang tao ang Diyos ay batay sa kung sinasamba at tinitingala niya ang hindi nakikitang Diyos sa langit. Ang kahulugan ng “paglaban sa Diyos” sa panahong iyon ay hindi ganoon kapraktikal, dahil hindi makita ng mga tao ang Diyos, at hindi nila alam kung ano ba talaga ang wangis ng Diyos o kung paano ba talaga Siya gumawa at nagsalita. Walang anumang kuru-kuro ang mga tao tungkol sa Diyos, at nanampalataya sila sa Diyos mula sa kalagayan ng pagiging malabo, dahil hindi pa nagpapakita ang Diyos sa tao. Samakatwid, paano man nanampalataya ang mga tao sa Diyos batay sa kanilang mga imahinasyon, hindi sila kinondena ng Diyos o hindi Siya humingi ng masyadong matataas na kahilingan sa kanila, dahil ganap na hindi nila makita ang Diyos. Kapag nagkakatawang-tao ang Diyos at pumaparito para gumawa sa gitna ng mga tao, nakikita Siya ng lahat at naririnig ang Kanyang mga salita, at nakikita ang mga gawa ng Diyos sa katawang-tao, kung kailan ang mga kuru-kuro ng lahat ay pumuputok na parang mga bula. Para sa mga nakakakita sa Diyos na nagpapakita sa katawang-tao, hindi sila kokondenahin kung sinasadya nilang magpasakop sa Kanya, samantalang ang mga sadyang lumalaban sa Kanya ay ilalarawan bilang mga taong lumalaban sa Diyos. Ang gayong mga tao ay mga anticristo, mga kaaway na sadyang lumalaban sa Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos
Ang sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang demonyo at, higit pa rito, ay masasawi. Iyong mga nananampalataya ngunit hindi nagsasagawa ng katotohanan, iyong mga hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos, at iyong mga hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos kahit kaunti ay iyong mga masasawi. Ang lahat ng maaaring manatili ay mga taong dumaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao ito na tunay na dumaan sa mga pagsubok. Ang sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, ang sinumang hindi kumikilala sa nagkatawang-taong Diyos—nasa loob man siya o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Kung nananampalataya ka sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi ka kailanman nagpasakop sa Kanya, at hindi mo tinatanggap ang kabuuan ng mga salita Niya, at sa halip ay hinihingi mo sa Diyos na magpasakop Siya sa iyo at kumilos Siya ayon sa mga kuru-kuro mo, kung gayon ay ikaw ang pinakamapanghimagsik sa lahat, isa kang hindi mananampalataya. Paano makapagpapasakop ang ganitong mga tao sa gawain at mga salita ng Diyos na hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao? Ang pinakamapaghimagsik sa lahat ay ang mga sadyang tumatangging sumuko sa Diyos at lumalaban sa Diyos. Sila ang mga kaaway ng Diyos, ang mga anticristo. Palagi silang nagkikimkim ng saloobin ng pagkamapanlaban sa bagong gawain ng Diyos; hindi sila kailanman nagkaroon ng ni katiting na kagustuhang magpasakop, ni hindi sila kailanman malugod na nagpasakop o nagpakumbaba. Sa harap ng iba, sila ang pinakamapagpahalaga sa sarili, at hindi sila kailanman nagpapasakop sa sinuman. Sa harap ng Diyos, itinuturing nila ang mga sarili nila na pinakamahusay sa pangangaral ng “mga sermon” at ang pinakabihasa sa paggawa ng gawain sa iba. Hindi nila kailanman binibitiwan ang mga “kayamanang” nasa pag-aari nila; sa halip, itinuturing nila ang mga ito bilang mga pamana ng pamilya na dapat sambahin at ipangaral sa iba, at ginagamit nila ang mga ito para sermunan ang mga hangal na umiidolo sa kanila. Tunay ngang may ilang taong tulad nito sa loob ng iglesia. Masasabing sila ay “isang dinastiya ng mga hindi matitinag na bayani,” na bawat salinlahi ay pansamantalang nananahan sa sambahayan ng Diyos. Itinuturing nilang pinakamataas na tungkulin ang pangangaral ng mga “sermon” (mga doktrina). Bawat taon, bawat salinlahi, mahigpit nilang isinasagawa ang “sagrado at hindi nalalabag” na tungkulin nila. Walang nangangahas na salingin sila; wala kahit isang tao ang nangangahas na lantarang sawayin sila. Nagiging “mga hari” sila sa sambahayan ng Diyos, kumikilos nang walang pakundangan habang sinisiil nila ang iba sa bawat kapanahunan. Naghahangad ang pangkat ng masasamang demonyong ito na magsanib-puwersa para gibain ang gawain Ko; paano Ko mapahihintulutang umiral ang mga buhay na diyablong ito sa harap ng mga mata Ko? Kahit ang mga kalahating mapagpasakop lamang ay hindi makapagpapatuloy hanggang sa katapusan, lalong hindi itong mga maniniil na wala ni katiting na pagpapasakop sa mga puso nila! Hindi madaling makakamit ng tao ang gawain ng Diyos. Kahit na ginagamit ang lahat ng lakas na mayroon siya, isang bahagi lamang nito ang makakamit ng tao, na sa huli ay magpapahintulot sa kanya na maperpekto. Paano naman ang mga inapo ng arkanghel, na naghahangad na wasakin ang gawain ng Diyos? Hindi ba’t lalo silang walang pag-asang makamit ng Diyos?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Nagpapasakop sa Diyos Nang May Tunay na Puso ay Tiyak na Makakamit ng Diyos
May mga nagbabasa ng Bibliya sa malalaking simbahan at nagbibigkas ng mga sipi buong araw, pero wala ni isa man sa kanila ang nakakaunawa sa layunin ng gawain ng Diyos, ni wala rin sa kanila ang nakakakilala sa Diyos—lalong walang sinumang makaaayon sa mga layunin ng Diyos. Silang lahat ay mga walang kuwenta at ubod ng samang tao, na nagmamataas para pangaralan ang “Diyos.” Sila ay mga taong kumikilos sa ilalim ng bandera ng Diyos pero sadyang lumalaban sa Diyos, na nagdadala ng tatak ng pananampalataya sa Diyos habang kumakain ng laman ng tao at umiinom ng dugo ng tao. Ang lahat ng gayong tao ay masasamang diyablo na lumalamon sa kaluluwa ng tao, mga punong demonyo na sadyang nanggugulo sa mga tao sa pagtahak sa tamang landas, at mga balakid na humahadlang sa mga tao sa paghahanap sa Diyos. Maaaring mukhang “matipuno ang pangangatawan” nila, pero paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga anticristo na umaakay sa mga tao para lumaban sa Diyos? Paano malalaman ng mga tagasunod nila na sila ay mga buhay na diyablo na nakatuon sa paglamon sa kaluluwa ng tao?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Lahat ng Taong Hindi Nakakakilala sa Diyos ay mga Taong Lumalaban sa Diyos
Masdan mo ang mga lider ng bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at ang kanilang mga interpretasyon sa Bibliya ay hindi batay sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at kaya nilang mangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano kunin ang loob ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Kaya nililinlang nila ang mga tao at dinadala nila ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay nananampalataya sa Diyos, ngunit sa realidad, sumusunod sila sa mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangan kong konsultahin ang aking lider tungkol sa mga usapin ng pananalig.” Tingnan kung paanong kailangan pa ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananampalataya sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba’t nakakaabala ito? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba’t sila ay naging mga Pariseo, huwad na mga pastol, at mga anticristo? Hindi ba’t sila ay naging mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang gayong mga tao ay kapareho ng uri ni Pablo.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Naipangaral na natin ang ebanghelyo nang paulit-ulit sa maraming lider sa mundo ng relihiyon, subalit paano man tayo magbahagi sa kanila tungkol sa katotohanan, hindi nila tinatanggap ito. Bakit ganito? Dahil naging kalikasan na nila ang kanilang kayabangan, at wala nang puwang ang Diyos sa puso nila. Maaaring sabihin ng ilang tao, “Ang mga taong nasa ilalim ng pamumuno ng ilang pastor sa mundo ng relihiyon ay lubos na masigasig sa kanilang pananampalataya; parang nasa piling nila ang Diyos.” Naniniwala ka na ang tila masigasig nilang pananampalataya sa Diyos ay nangangahulugang nasa piling nila ang Diyos. Kuru-kuro at imahinasyon mo ito. Gaano man katayog pakinggan ang mga teorya ng mga sermon ng mga pastor na iyon, kilala ba nila ang Diyos? Kung talagang may takot sila sa Diyos sa kaibuturan ng kanilang puso, hihikayatin ba nila ang mga tao na sumunod sa kanila at itaas sila? Magagawa ba nilang kontrolin ang iba, pinapanatili ang mga ito na nakabitag sa kanilang mga kamay? Mangangahas ba silang hadlangan ang iba na hanapin ang katotohanan at siyasatin ang tunay na daan? Kung naniniwala sila na talagang kanila ang mga tupa ng Diyos, at dapat ay makinig lahat ang mga ito sa kanila, hindi ba nila itinuturing ang kanilang sarili bilang Diyos? Mas matindi pang lumalaban ang gayong mga tao sa Diyos kaysa sa mga Pariseo. Hindi ba’t mga tunay silang anticristo?
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Mayabang na Kalikasan ng Tao ay ang Ugat ng Kanyang Paglaban sa Diyos
Ang mga pastor at elder ng mundo ng relihiyon ay pawang mga taong pinag-aaralan ang biblikal na kaalaman at teolohiya; sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo na lumalaban sa Diyos. … Ang mga nasa Kristiyanismo at Katolisismo ba na nag-aaral ng Bibliya, teolohiya, at maging ng kasaysayan ng gawain ng Diyos ay mga tunay na mananampalataya? Naiiba ba sila sa mga mananampalataya at tagasunod ng Diyos na tinutukoy ng Diyos? Sa mga mata ng Diyos, mga mananampalataya ba sila? Hindi, pinag-aaralan nila ang teolohiya, pinag-aaralan nila ang Diyos, pero hindi sila sumusunod sa Diyos o nagpapatotoo sa Kanya. Ang pag-aaral nila sa Diyos ay kapareho ng pag-aaral ng kasaysayan, pilosopiya, batas, biyolohiya, o astronomiya na ginagawa ng iba. Hindi nga lang nila gusto ang siyensiya o ang iba pang paksang-aralin—partikular nilang gustong pag-aralan ang teolohiya. Hinahanap nila ang maliliit na piraso ng gawain ng Diyos para pag-aralan ang Diyos, pero ano ang kalalabasan ng kanilang pag-aaral? Matutuklasan ba nila ang pag-iral ng Diyos? Hindi, hindi kailanman. Mauunawaan ba nila ang mga layunin ng Diyos? (Hindi.) Bakit? Dahil namumuhay sila sa mga salita, sa kaalaman, sa pilosopiya, sa isip ng tao, at sa mga kaisipan ng tao; hindi nila kailanman makikita ang Diyos o matatamo ang kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Paano sila inilalarawan ng Diyos? Bilang mga hindi mananampalataya, bilang mga walang pananampalataya. Ang mga walang pananampalataya at hindi mananampalatayang ito ay nakikihalubilo sa tinatawag na komunidad ng mga Kristiyano, kumikilos bilang mga mananampalataya sa Diyos, bilang mga Kristiyano, pero sa realidad, may tunay ba silang pagsamba sa Diyos? May tunay ba silang pagpapasakop? (Wala.) Bakit ganoon? Isa lang ang sigurado: Marami sa kanila ay hindi naniniwala sa puso nila na umiiral ang Diyos; hindi sila naniniwalang ang Diyos ang lumikha sa mundo at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, at lalo nang hindi sila naniniwalang puwedeng maging tao ang Diyos. Ano ang ibig sabihin ng di-paniniwalang ito? Nangangahulugan itong magduda at magkaila. Nagkakaroon pa nga sila ng isang saloobing hindi umaasang matutupad o mangyayari ang mga propesiyang binigkas ng Diyos, lalo na iyong tungkol sa mga kalamidad. Ito ang saloobin nila sa pananampalataya sa Diyos, at ito ang diwa at totoong mukha ng kanilang diumano ay pananalig. Pinag-aaralan ng mga taong ito ang Diyos dahil partikular silang interesado sa paksang-aralin at sa kaalaman sa teolohiya, at sa mga katunayan ng kasaysayan ng gawain ng Diyos; sila ay talagang isang grupo ng mga intelektuwal na pinag-aaralan ang teolohiya. Hindi naniniwala ang mga intelektuwal na ito sa pag-iral ng Diyos, kaya paano sila tumutugon kapag gumagawa na ang Diyos, kapag natutupad na ang mga salita ng Diyos? Ano ang una nilang reaksiyon kapag narinig nilang ang Diyos ay naging tao at nagsimula na ng isang bagong gawain? “Imposible!” Ang sinumang nangangaral ng bagong pangalan ng Diyos at ng bagong gawain ng Diyos ay kinokondena nila, at gusto pa nga nilang patayin o paslangin ito. Anong klase ng pagpapamalas ito? Hindi ba’t pagpapamalas ito ng isang tipikal na anticristo? Anong pagkakaiba nila sa mga sinaunang Pariseo, punong pari, at mga eskriba? Mapanlaban sila sa gawain ng Diyos, sa paghatol ng Diyos sa mga huling araw, sa pagiging tao ng Diyos, at bukod pa roon, mapanlaban sila sa pagsasakatuparan ng mga propesiya ng Diyos. Naniniwala silang, “Kung hindi ka naging tao, kung nasa anyo ka ng isang espirituwal na katawan, ikaw ay diyos; kung nagkatawang-tao ka at ikaw ay naging isang tao, ibig sabihin ay hindi ka diyos, at hindi ka namin kinikilala.” Ano ang ipinahihiwatig nito? Ibig sabihin nito ay hangga’t narito sila, hindi nila hahayaang maging tao ang Diyos. Hindi ba’t ganito ang isang tipikal na anticristo? Isa itong tunay na anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)
May isa pang pagpapamalas ng mga anticristo sa kanilang pagtrato sa Diyos na nagkatawang-tao: Sinasabi nila, “Sa sandaling makita ko si cristo na isang ordinaryong tao, nagkaroon ako ng mga kuru-kuro sa aking isipan. Ang Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay isang pagpapahayag ng diyos; ito ang katotohanan, at inaamin ko ito. Mayroon akong kopya ng Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao, at sapat na iyon. Hindi ko na kailangang makipag-ugnayan kay cristo. Kung may mga kuru-kuro, pagkanegatibo, o kahinaan ako, kaya kong lutasin ang mga ito sa pamamagitan lamang ng pagbabasa ng salita ng diyos. Madaling magkaroon ng mga kuru-kuro kung nakikipag-ugnayan ako sa diyos na nagkatawang-tao, at ipapakita nito na masyado akong malalim na ginawang tiwali. Kung sakaling ako ay kokondenahin ng diyos, wala na akong pag-asang maligtas. Kaya, mas mabuti na mag-isa ko na lang basahin ang salita ng diyos. Ang diyos sa langit ang siyang makakapagligtas sa mga tao.” Ang mga kasalukuyang salita at pagbabahagi ng Diyos, lalo na ang mga salitang iyon na naglalantad sa disposisyon at diwa ng mga anticristo, ang pinakanagpapakirot sa puso ng mga anticristo at ang pinakamasakit para sa kanila. Ito ang mga salitang pinakaayaw basahin ng mga anticristo. Kaya, sa puso ng mga anticristo ay ninanais nilang umalis na agad ang Diyos sa lupa, upang sila ay makapaghari gamit ang kanilang sariling kapangyarihan sa lupa. Naniniwala sila na ang laman kung saan nagkatawang-tao ang Diyos, ang ordinaryong taong ito, ay hindi nila kailangan. Lagi nilang iniisip, “Bago makinig sa mga sermon ni cristo, pakiramdam ko ay nauunawaan ko ang lahat, at ayos ako sa lahat ng aspekto, ngunit pagkatapos makinig sa mga sermon ni cristo, iba na. Ngayon, pakiramdam ko ay wala akong anumang bagay, pakiramdam ko ay napakawalang-halaga ko at kaawa-awa ako.” Kaya, nabubuo nila ang kongklusyon na ang mga salita ni Cristo ay hindi naglalantad sa kanila kundi sa iba, at iniisip nila na hindi na kailangan pang makinig sa mga sermon ni Cristo, na ang pagbabasa sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay sapat na. Sa puso ng mga anticristo, ang pangunahing intensyon nila ay ang itatwa ang katunayan ng pagkakatawang-tao ng Diyos, ang itatwa ang katunayan na ipinapahayag ni Cristo ang katotohanan, iniisip nila na sa ganitong paraan ay may pag-asa silang maligtas sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya sa Diyos, at maaari silang mamuno bilang mga hari sa iglesia, kaya natutugunan ang kanilang unang intensyon sa pananampalataya sa Diyos. Ang mga anticristo ay may likas na paglaban sa Diyos; sila ay di-kaayon ng nagkatawang-taong Diyos, tulad ng apoy sa tubig, walang hanggan ang kanilang hindi pagkakasundo. Iniisip nila na bawat araw na naririto si Cristo ay isang araw na mahirap para sa kanila na mamukod-tangi, at sila ay nasa panganib na makondena, matiwalag, malipol, at maparusahan. Hangga’t hindi nagsasalita at hindi gumagawa si Cristo, at hangga’t ang hinirang na mga tao ng Diyos ay hindi tumitingala kay Cristo, kung gayon ang pagkakataon ng mga anticristo ay dumating na sa kanila. May pagkakataon silang ipakita ang kanilang mga abilidad. Sa isang kumpas ng kamay, maraming tao ang lilipat sa kanilang panig, at ang mga anticristo ay makakapamuno bilang mga hari. Ang kalikasang diwa ng mga anticristo ay ang pagiging tutol sa katotohanan at may pagkamuhi kay Cristo. Nakikipagkompetensiya sila kay Cristo kung sino ang mas may talento o sino ang mas magaling; nakikipagkompetensiya sila kay Cristo kung kaninong mga salita ang may higit na kapangyarihan at kaninong mga abilidad ang mas mahusay. Habang ginagawa nila ang parehong bagay na tulad ng kay Cristo, nais nilang ipakita sa iba na bagaman sila at Siya ay parehong tao, ang mga abilidad at kaalaman ni Cristo ay hindi higit sa isang ordinaryong tao. Ang mga anticristo ay nakikipagkompetensiya kay Cristo sa lahat ng paraan, nakikipagpaligsahan kung sino ang mas magaling, at sinusubukang itanggi mula sa lahat ng anggulo ang katunayan na si Cristo ay Diyos, na Siya ang pagsasakatawan ng Espiritu ng Diyos, at na Siya ang pagsasakatawan ng katotohanan. Nag-iisip din sila ng iba’t ibang paraan at hakbang sa bawat aspekto upang pigilan si Cristo na humawak ng kapangyarihan sa hinirang na mga tao ng Diyos, upang pigilan ang mga salita ni Cristo na maipakalat o maipatupad sa hinirang na mga tao ng Diyos, at pigilan pa nga ang mga bagay na ginagawa ni Cristo at ang Kanyang mga hinihingi, at mga inaasahan sa mga tao na maisakatuparan sa hinirang na mga tao ng Diyos. Para bang kapag naririto si Cristo, sila ay binabalewala, at sila ay kinokondena at tinatanggihan ng iglesia—isang grupo ng mga taong inilalagay sa madilim na sulok. Makikita natin sa iba’t ibang pagpapamalas ng mga anticristo na ayon sa diwa at disposisyon, sila ay salungat kay Cristo—hindi sila maaaring kapwa umiral! Ang mga anticristo ay kaaway na ng Diyos mula nang sila ay ipinanganak; sila ay partikular na narito upang labanan si Cristo, at nais nilang talunin at pabagsakin si Cristo. Nais nila na ang lahat ng gawain ni Cristo ay maging walang kabuluhan at walang saysay, upang sa huli, si Cristo ay hindi magkakamit ng maraming tao, at upang kahit saan man Siya gumawa, wala Siyang makukuhang resulta. Sa gayon lamang magiging masaya ang mga anticristo. Kung si Cristo ay nagpapahayag ng mga katotohanan, at ang mga tao ay nauuhaw para sa mga ito, hinahanap ang mga ito, malugod na tinatanggap ang mga ito, handang gugulin ang kanilang sarili para kay Cristo, talikdan ang lahat at ipakalat ang ebanghelyo ni Cristo, ang mga anticristo ay nasisiraan ng loob at nararamdaman nilang wala nang pag-asa para sa hinaharap, na hindi sila kailanman magkakaroon ng pagkakataon na sumikat, para bang sila ay itinapon sa impiyerno. Kung titingnan ang mga pagpapamalas na ito ng mga anticristo, ang diwa ba nilang ito na labanan ang Diyos at tratuhin Siya nang may pagkamapanlaban ay ikinintal sa kanila ng iba? Hinding-hindi; sila ay ipinanganak nang may ganito. Kaya, ang mga anticristo ay isang uri ng tao, na mula nang ipinanganak, ay ang reengkarnasyon ng diyablo, ang diyablo na dumating sa lupa. Hindi nila kailanman matatanggap ang katotohanan, at hindi nila kailanman matatanggap si Cristo, dadakilain si Cristo, o hindi sila kailanman magpapatotoo kay Cristo. Bagaman sa panlabas, hindi mo sila makikita na hayagang humuhusga o kumokondena kay Cristo, at bagaman masunurin silang gumugugol ng kaunting pagsisikap at nagbabayad ng halaga, sa sandaling magkaroon sila ng pagkakataon, kapag tamang oras na, ang pagkasalungat ng mga anticristo sa Diyos ay lilitaw. Ang katunayan na lumalaban ang mga anticristo sa Diyos at nagtatatag ng isang nagsasariling kaharian ay maisasapubliko. Ang lahat ng bagay na ito ay nangyari na dati sa mga lugar kung saan may mga anticristo, at lalong dumalas ang mga ganitong kaganapan sa mga taon na ito kung kailan ang Diyos ay gumagawa ng Kanyang gawain ng paghatol sa mga huling araw; maraming tao ang nakaranas at nakasaksi sa mga ito.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasampung Aytem (Ikaapat na Bahagi)
Ang diwa ng mga kilos ng mga anticristo ay na palagi nilang ginagamit ang iba’t ibang diskarte at pamamaraan upang matugunan ang kanilang mga ambisyon at pagnanais, upang ilihis at siluhin ang mga tao at magkamit ng mataas na katayuan para sundin at sambahin sila ng mga tao. Posibleng sa kaibuturan ng kanilang mga puso ay hindi nila sinasadyang makipag-agawan sa Diyos para sa sangkatauhan, ngunit isang bagay ang tiyak: Kahit hindi sila nakikipag-agawan sa Diyos para sa sangkatauhan, nais pa rin nilang magkaroon ng katayuan at kapangyarihan sa gitna ng mga tao. Kahit na dumating ang araw na mapagtanto nila na nakikipagkompetensiya sila sa Diyos para sa katayuan, at magpigil man sila ng kanilang sarili nang kaunti, gumagamit pa rin sila ng iba’t ibang pamamaraan para hangarin ang katayuan at reputasyon; malinaw sa kanilang puso na magkakamit sila ng lehitimong katayuan hangga’t kaya nilang makuha ang pagkilala at paghanga ng ilang tao. Sa madaling sabi, kahit na ang lahat ng ginagawa ng mga anticristo ay lumilitaw na paggampan ng kanilang mga tungkulin, ang kahihinatnan nito ay ang paglihis sa mga tao at pagdulot na pasambahin at pasunurin sa kanila ang mga ito—dahil dito, ang paggampan sa kanilang tungkulin sa ganitong paraan ay pagtataas at pagpapatotoo sa kanilang sarili. Ang kanilang ambisyon na kontrolin ang mga tao—at makakuha ng katayuan at kapangyarihan sa iglesia—ay hindi kailanman magbabago. Sila ay walang pasubaling anticristo. Kahit ano pa ang sabihin o gawin ng Diyos, at kahit anong hinihingi Niya sa mga tao, hindi ginagawa ng mga anticristo ang dapat nilang gawin o ginagampanan ang kanilang mga tungkulin sa paraang angkop sa Kanyang mga salita at kinakailangan, ni hindi rin nila isinusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan bilang resulta ng pagkaunawa sa kaunting katotohanan. Sa lahat ng pagkakataon, ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay nananatili pa rin, at umookupa pa rin sa kanilang puso at kumokontrol sa kanilang buong pagkatao, pinangungunahan ang kanilang pag-uugali at saloobin, at itinatakda ang landas na kanilang tinatahak. Sila ay totoong anticristo. Ano ang nakikita higit sa lahat sa mga anticristo? Ang ilang tao ay sinasabing, “Ang mga anticristo ay nakikipag-agawan sa Diyos para sa mga tao, hindi nila kinikilala ang Diyos.” Hindi naman sa hindi nila kinikilala ang Diyos; sa kanilang puso ay tunay na kinikilala nila Siya at naniniwala sila sa Kanyang pag-iral. Handa silang sundan Siya at nais nilang hangarin ang katotohanan, ngunit hindi nila mapigilan ang kanilang sarili, kaya gumagawa sila ng kasamaan. Bagama’t maaaring nagsasabi sila ng mga bagay na maganda kung pakikinggan, isang bagay ang hindi kailanman magbabago: Hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanais para sa kapangyarihan at katayuan. Hindi nila kailanman isusuko ang kanilang paghahangad ng kapangyarihan at katayuan dahil sa kabiguan o balakid, o dahil isinantabi na sila ng Diyos o inabandona sila. Gayon ang kalikasan ng mga anticristo. Kaya anong masasabi mo, may anticristo na bang nagbago ng kanyang mga gawi at nagsimulang maghangad sa katotohanan dahil dumanas siya ng paghihirap, o nakaunawa siya ng kaunti sa katotohanan, at nagkaroon ng kaunting kaalaman sa Diyos—may ganoon bang mga tao? Hindi pa tayo kailanman nakakita ng ganoon. Hindi kailanman magbabago ang ambisyon at paghahangad ng mga anticristo sa katayuan at kapangyarihan, at sa sandaling makahawak sila ng kapangyarihan, hinding-hindi nila ito bibitiwan; natutukoy nito nang eksakto kung ano ang kanilang kalikasang diwa. Walang ni katiting na pagkakamali sa paglalarawan ng Diyos sa ganoong mga tao bilang mga anticristo; natutukoy ito ng mismong kalikasang diwa nila. Marahil ay may ilang taong naniniwala na sinusubukan ng mga anticristong makipagkompetensiya sa Diyos para sa sangkatauhan. Gayumpaman, minsan ay hindi naman talaga kailangang makipagkompetensiya ng mga anticristo sa Kanya; ang kanilang kaalaman, pagkaunawa, at pangangailangan sa katayuan at kapangyarihan ay hindi tulad ng sa mga normal na tao. Ang mga normal na tao ay puwedeng maging hambog minsan; puwede nilang subukang makakuha ng pagkilala sa iba, subukang pangatwiranan ang kanilang sarili, at subukang makipagkompetensiya para sa magandang posisyon. Ito ang ambisyon ng mga normal na tao. Kung tatanggalin sila mula sa pamumuno, mawawala ang kanilang katayuan, magiging mahirap ito para sa kanila, pero sa pagkakaroon ng pagbabago sa kanilang kapaligiran, sa kaunting paglago ng kanilang tayog, sa pagtatamo ng kaunting pagpasok sa katotohanan, o sa pagkakamit ng mas malalim na pagkaunawa sa katotohanan, unti-unting humuhupa ang kanilang ambisyon. Nagkakaroon ng pagbabago sa landas na tinatahak nila at sa direksiyong tinutungo nila, at naglalaho ang paghahangad nila sa katayuan at kapangyarihan. Pati ang mga pagnanais nila ay unti-unting nababawasan. Gayumpaman, naiiba ang mga anticristo: Kahit kailan ay hindi nila kayang isuko ang paghahangad nila sa katayuan at kapangyarihan. Sa anumang oras, sa anumang kapaligiran, at kahit sino pang mga tao ang nasa paligid nila at kahit gaano pa katanda ang mga ito, hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon at pagnanais. Ano ang nagpapahiwatig na hindi kailanman magbabago ang kanilang ambisyon? Sabihin natin, halimbawa, na ang isang anticristo ay isang lider ng iglesia. Sa kanyang puso, palagi niyang iniisip kung paano niya makokontrol ang lahat ng tao sa iglesia. Kung ililipat siya sa isa pang iglesia kung saan hindi siya ang lider, masaya ba siyang maging normal na tagasunod? Tiyak na hindi. Iisipin pa rin niya kung paano magkakamit ng katayuan, at kung paano kokontrolin ang lahat ng tao. Saan man siya magpunta, ninanais niyang gumamit ng kapangyarihan tulad ng isang hari. Kahit na ilagay siya sa isang lugar na walang mga tao, sa isang kawan ng mga tupa, gugustuhin pa rin niyang mamuno sa kawan. Kung isasama siya sa mga aso at pusa, gugustuhin niyang maging hari ng mga aso at pusa, at maghari sa mga hayop. Nilalamon siya ng ambisyon, hindi ba? Hindi ba’t malademonyo ang disposisyon ng ganoong mga tao? Hindi ba’t ito ang disposisyon ni Satanas? Ganoon lang talaga si Satanas. Sa langit, ninais ni Satanas na maging kapantay ng Diyos, at pagkatapos itapon sa lupa, palagi nitong sinusubukang kontrolin ang sangkatauhan, para sambahin nila ito at ituring itong Diyos. Palaging ninanais ng mga anticristo na kontrolin ang mga tao dahil mayroon silang kalikasan ni Satanas; namumuhay sila ayon sa disposisyon ni Satanas, na lumagpas na sa katwiran ng mga normal na tao. Hindi ba’t medyo abnormal ito? Ano ang tinutukoy ng abnormalidad na ito? Ibig sabihin nito ay hindi dapat makita sa normal na pagkatao ang pag-uugali nila. Kaya, ano ang pag-uugaling ito? Ano ang kumokontrol dito? Kinokontrol ito ng kanilang kalikasan. Taglay nila ang diwa ng isang masamang espiritu, at hindi katulad ng normal na tiwaling sangkatauhan. Ito ang pagkakaiba. Ang katunayang gagawin ng mga anticristo ang lahat para sa paghahangad nila sa kapangyarihan at katayuan ay hindi lamang naglalantad sa kanilang kalikasang diwa, kundi nagpapakita rin sa mga tao na ang kasuklam-suklam nilang mukha ay ang mismong mukha ni Satanas at ng mga demonyo. Hindi lamang sila nakikipagkompetensiya sa mga tao para sa katayuan, nangangahas din silang makipagkompetensiya sa Diyos para sa katayuan. Makokontento lang sila kapag naangkin na nila ang hinirang na mga tao ng Diyos at ganap nang napasailalim ang mga ito sa kanilang pagkontrol. Kahit pa sa aling iglesia o grupo ng mga tao nabibilang ang mga anticristo, gusto nilang magkaroon ng katayuan, humawak ng kapangyarihan, at mapasunod ang mga tao na makinig sa kanila. Pumapayag o sumasang-ayon man ang mga tao o hindi, gusto ng mga anticristo na sila ang may huling pasya at na sundin at tanggapin sila ng mga tao. Hindi ba’t kalikasan ito ng isang anticristo? Payag ba ang mga taong makinig sa kanila? Inihahalal at nirerekomenda ba sila ng mga ito? Hindi. Pero gusto pa rin ng mga anticristo na sila ang may huling pasya. Sumasang-ayon man ang mga tao o hindi, gusto ng mga anticristong magsalita at kumilos para sa mga ito, gusto nilang mapansin. Sinusubukan pa nga nilang ipilit sa mga tao ang mga ideya nila, at kung hindi ito tatanggapin ng mga tao, pipigain ng mga anticristo ang utak nila sa pagsubok na ipatanggap ito sa mga tao. Ano ang problemang ito? Kawalan ito ng kahihiyan at pagiging garapal. Ang ganitong mga tao ay mga tunay na anticristo, at mga lider man sila o hindi, mga anticristo pa rin sila. Taglay nila ang kalikasang diwa ng isang anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikalimang Aytem: Nililihis, Hinahatak, Pinagbabantaan, at Kinokontrol Nila ang mga Tao
Pinaka-interesado ang mga anticristo sa mga materyal na bagay, pera, at katayuan. Tiyak na hindi sila katulad ng kung paano sila nagsasalita sa panlabas, “Nananampalataya ako sa diyos. Hindi ko hinahangad ang mundo, at hindi ako nag-iimbot ng pera.” Talagang hindi sila katulad nang sinasabi nila. Bakit nila hinahangad at pinananatili ang katayuan nang buo nilang lakas? Dahil gusto nilang angkinin, o kontrolin at agawin, ang lahat ng nasasakupan nila—pera at mga materyal na bagay, sa partikular. Tinatamasa nila ang pera at mga materyal na bagay na ito na para bang pakinabang ang mga ito ng kanilang katayuan. Mga tunay na inapo sila ng arkanghel, na may kalikasang diwa ni Satanas sa pangalan at sa katunayan. Ang lahat ng naghahangad sa katayuan at nagpapahalaga sa pera ay tiyak na may problema sa kanilang disposisyong diwa. Hindi ito kasing simple ng pagkakaroon lang nila ng disposisyon ng anticristo: Napaka-ambisyoso nila. Gusto nilang kontrolin ang pera ng sambahayan ng Diyos. Kung ginawa silang responsable para sa isang aytem ng gawain, kung gayon una sa lahat, hindi nila hahayaang makialam ang iba, at hindi rin sila tatanggap ng mga tanong o ng pangangasiwa mula sa ang Itaas; higit pa riyan, kapag sila ang mga superbisor ng anumang aytem ng gawain, hahanap sila ng mga paraan para magpakitang-gilas, protektahan ang sarili nila, at iangat ang sarili nila. Palagi nilang gustong mangibabaw, para maging mga taong namumuno at kumokontrol sa iba. Nais din nilang humawak at makipag-agawan para sa mas mataas na katayuan, at kontrolin pa nga ang bawat bahagi ng sambahayan ng Diyos—ang pera nito, lalo na. May espesyal na pagmamahal ang mga anticristo sa pera. Kapag nakikita nila ito, nagliliwanag ang kanilang mga mata; sa kanilang isipan, palagi silang nag-iisip tungkol sa pera at nagsusumikap para dito. Ang lahat ng ito ay mga palatandaan at senyales ng mga anticristo. Kung makikipagbahaginan ka ng katotohanan sa kanila, o susubukang malaman ang tungkol sa kalagayan ng mga kapatid, nagtatanong ng gayong mga tanong gaya ng kung ilan sa kanila ang mahina at negatibo, ano ang mga resultang nakukuha ng bawat isa sa kanila sa kanilang tungkulin, at sino sa kanila ang hindi angkop sa kanilang tungkulin, hindi magiging interesado ang mga anticristo. Subalit pagdating sa mga handog sa Diyos—ang halaga ng pera, sino ang nag-iingat nito, kung saan ito itinatago, ang mga passcode nito, at iba pa—ito ang pinakamahalaga sa kanila. May pambihirang kaalaman ang anticristo sa mga bagay na ito. Alam niya ang mga ito tulad ng likod ng kanyang kamay. Tanda rin ito ng isang anticristo. Pinakamahusay ang mga anticristo sa pagsasalita ng mga salitang kaaya-ayang pakinggan, subalit hindi sila gumagawa ng aktuwal na gawain. Sa halip, palagi silang abala sa pag-iisip tungkol sa pagtatamasa ng mga handog sa Diyos. Sabihin ninyo sa Akin, hindi ba’t imoral ang mga anticristo? Wala talaga silang pagkatao—mga diyablo sila sa bawat aspekto.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikawalong Aytem (Ikalawang Bahagi)
Paano dapat tratuhin ng mga taong hinirang ng Diyos ang mga anticristo? Dapat nilang kilatisin, ilantad, iulat, at itaboy ang mga ito. Saka lamang masisiguro ang pagsunod sa Diyos hanggang sa kahuli-hulihan at ang pagpasok sa tamang landas ng pananalig sa Diyos. Hindi mo mga lider ang mga anticristo, gaano pa man nila iniligaw ang iba na piliin sila bilang mga lider. Huwag mo silang kilalanin, at huwag mong tanggapin ang kanilang pamumuno—dapat mo silang kilatisin at itaboy, dahil hindi ka nila matutulungang maunawaan ang katotohanan, ni hindi ka nila masusuportahan o matutustusan. Ito ang mga katunayan. Kung hindi ka nila maaakay sa katotohanang realidad, hindi sila angkop na maging mga lider o manggagawa. Kung hindi ka nila maaakay na maunawaan ang katotohanan at maranasan ang gawain ng Diyos, sila ang mga lumalaban sa Diyos at dapat mo silang kilatisin, ilantad, at itaboy. Ang lahat ng ginagawa nila ay para iligaw ka na sundan sila, at para isama ka sa kanilang pangkat para sirain at guluhin ang gawain ng iglesia, para maudyukan kang tahakin ang landas ng mga anticristo, gaya nila. Nais ka nilang kaladkarin papunta sa impiyerno! Kung hindi mo makilatis kung ano talaga sila, at naniniwala kang dahil sila ang mga lider mo ay dapat mo silang sundin at pagbigyan, isa kang taong kapwa nagkakanulo sa katotohanan at sa Diyos—at ang ganoong mga tao ay hindi maliligtas. Kung nais mong maligtas, hindi mo lamang dapat mapagtagumpayan ang paghadlang ng malaking pulang dragon, at hindi mo lamang dapat makilatis ang malaking pulang dragon, makilatis ang nakakakilabot nitong mukha at ganap na maghimagsik laban dito—dapat mo ring mapagtagumpayan ang paghadlang ng mga anticristo. Sa iglesia, ang isang anticristo ay hindi lamang kaaway ng Diyos, kundi kaaway rin ng mga taong hinirang ng Diyos. Kung hindi mo makilatis ang isang anticristo, malamang na maililihis ka niya at mapapakampi ka niya sa kanya, tatahak ka sa landas ng isang anticristo, at isusumpa at parurusahan ka ng Diyos. Kung mangyari iyon, ganap na nabigo ang iyong pananalig sa Diyos. Ano ang dapat taglayin ng mga tao para magtamo ng kaligtasan? Una, dapat maunawaan nila ang maraming katotohanan, at magawang makilatis ang diwa, disposisyon, at landas ng isang anticristo. Ito ang tanging paraan para matiyak na hindi mga tao ang sasambahin o susundan habang nananampalataya sa Diyos, at ang tanging paraan para makasunod sa Diyos hanggang sa huli. Ang mga tao lamang na kayang kumilatis ng isang anticristo ang maaaring tunay na manampalataya, sumunod, at magpatotoo sa Diyos. Pagkatapos ay sasabihin ng ilan, “Ano ang gagawin ko kung sa kasalukuyan ay hindi ko taglay ang katotohanan para diyan?” Dapat mong sangkapan agad ng katotohanan ang sarili mo; dapat mong matutunang kilatisin ang mga tao at bagay-bagay. Ang pagkilatis sa isang anticristo ay hindi simpleng bagay, at nangangailangan ng kakayahang makita nang malinaw ang kanyang diwa, at mahalata ang mga pakana, panlalansi, intensiyon at layon sa likod ng lahat ng kanyang ginagawa. Sa gayong paraan ay hindi ka niya maililihis o makokontrol, at makakaya mong manindigan, ligtas at matatag na hangarin ang katotohanan, at maging matatag sa landas ng paghahangad ng katotohanan at pagtatamo ng kaligtasan. Kung hindi mo mapagtagumpayan ang paghadlang ng isang anticristo, maaaring sabihin na nasa malaking panganib ka, at malamang na mailihis at mabihag ka ng isang anticristo at madala ka na mamuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas. Posible na may ilan sa inyo na humahadlang at tumitisod sa mga taong naghahangad sa katotohanan, at sila ay mga kaaway ng mga taong iyon. Tinatanggap ba ninyo ito? May ilang hindi nangangahas na harapin ang katunayang ito, ni nangangahas na tanggapin ito bilang katunayan. Pero ang panlilihis ng mga anticristo sa mga tao ay talagang nangyayari sa mga iglesia, at madalas itong nangyayari; hindi lamang ito makilatis ng mga tao. Kung hindi mo malalagpasan ang pagsubok na ito—ang pagsubok ng mga anticristo, ikaw ay inililihis at kinokontrol ng mga anticristo o kaya naman ay pinagdurusa, pinahihirapan, itinutulak palabas, sinusupil, at inaabuso nila. Sa huli, hindi makatatagal ang kaawa-awa at napakaliit mong buhay, at malalanta ito; hindi ka na magkakaroon ng pananalig sa Diyos, at sasabihin mo, “Ni hindi nga matuwid ang diyos! Nasaan ba ang diyos? Walang katarungan o liwanag sa mundong ito, at walang pagliligtas ng diyos sa sangkatauhan. Mas mabuti pang gugulin natin ang ating mga araw na nagtatrabaho at kumikita ng pera!” Itinatatwa mo ang Diyos, lumalayo ka sa Diyos, at hindi ka na naniniwalang Siya ay umiiral; lubos nang nawala ang anumang pag-asa na matatamo mo ang kaligtasan. Kaya, kung nais mong makamit ang kaligtasan, ang unang pagsubok na kailangan mong maipasa ay ang magawang mamalayan at mahalata si Satanas, at dapat ay mayroon ka ring tapang na manindigan at ilantad at talikuran si Satanas. Nasaan, kung gayon, si Satanas? Si Satanas ay nasa iyong tabi at nasa palibot mo; maaari pa ngang namumuhay sa loob ng iyong puso. Kung nabubuhay ka na pinamumunuan ng disposisyon ni Satanas, maaaring masabi na ikaw ay kay Satanas. Hindi mo makikita o mahahawakan ang Satanas at ang masasamang espiritu ng espirituwal na mundo, ngunit ang mga Satanas at ang mga nabubuhay na diyablo na umiiral sa totoong buhay ay nasa lahat ng dako. Ang sinumang tao na tutol sa katotohanan ay masama, at ang sinumang lider o manggagawa na hindi tumatanggap sa katotohanan ay isang anticristo o huwad na lider. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay mga Satanas at nabubuhay na diyablo? Maaaring ang gayong mga tao mismo ang sinasamba at hinahangaan mo; maaaring sila ang mga taong namumuno sa iyo o mga taong matagal mo nang hinahangaan, pinagkakatiwalaan, sinasandigan, at inaasam sa iyong puso. Sa totoo lang, gayumpaman, sila ay mga hadlang sa iyong landas at pumipigil sa iyong maghangad ng katotohanan at matamo ang kaligtasan; sila ay mga huwad na lider at anticristo. Maaari nilang kontrolin ang iyong buhay at ang landas na iyong nilalakaran, at maaari nilang sirain ang pagkakataon mong matamo ang kaligtasan. Kung mabibigo kang makilatis at mahalata sila, anumang sandali ay maaari kang mailihis at mabihag. Kaya, ikaw ay nasa malaking panganib. Kung hindi mo mapapalaya ang iyong sarili mula sa panganib na ito, ikaw ay sakripisyo ni Satanas. Ano’t anuman, ang mga taong naililihis at nakokontrol, at nagiging mga tagasunod ng isang anticristo ay hindi magtatamo ng kaligtasan kailanpaman. Dahil hindi nila minamahal o hinahangad ang katotohanan, tiyak na ang magiging resulta ay maililihis sila at susunod sila sa isang anticristo.
—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikatlong Aytem: Inihihiwalay at Binabatikos Nila ang mga Naghahangad sa Katotohanan
Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula
Bakit Pinipigilan ng mga Relihiyosong Pastor ang mga Tao na Siyasatin ang Tunay na Daan?
Kaugnay na mga Patotoong Batay sa Karanasan
Nasa Bingit ng Kapahamakan
Kaugnay na mga Himno
Ang Basehan ng Diyos Para Kondenahin ang mga Tao
Yaong mga Hindi Kilala ang Diyos ay Lumalaban sa Diyos