Pangwakas na Pananalita
Bagaman ang mga salitang ito ay hindi bumubuo sa kabuuan ng mga pagpapahayag ng Diyos, ang mga ito ay sapat na upang makamit ng mga tao ang mga layunin na makilala ang Diyos at magkaroon ng pagbabago sa disposisyon. Marahil ay mayroong ilan na nag-aakala na dahil natapos na ang gawain ng Diyos sa Kalupaang Tsina, nagpapatunay ito na natapos na Niyang bigkasin ang lahat ng salitang dapat Niyang bigkasin, at na hindi na posibleng magkaroon pa Siya ng anumang bagong sasabihin, sapagkat ang kaya lamang sabihin ng Diyos ay ang mga salitang ito. Higit pa rito, may mga tao na naniniwala na Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao ay naglalaman ng lahat ng pagpapahayag ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian, at na ang makamit ang aklat na ito ay katumbas ng pagkakamit ng lahat ng mayroon ang Diyos, o na aakayin ng aklat na ito ang sangkatauhan sa hinaharap gaya ng ginawa ng Bibliya. Ako ay nagtitiwala na ang mga taong nagtataglay ng mga ganitong pananaw ay hindi kabilang sa minorya, dahil laging nais ng mga tao na magtalaga ng mga limitasyon sa Diyos. Bagaman ipinahahayag nilang lahat na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat at sumasaklaw sa lahat, pinadadali pa rin ng kanilang kalikasan na limitahan nila ang Diyos sa loob ng isang partikular na saklaw. Nilalabanan at nililimitahan ng lahat ang Diyos habang kinikilala nila Siya.
Ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian ay kasisimula pa lamang. Ang lahat ng salita ng Diyos na nilalaman sa aklat na ito ay nakatuon lamang sa mga sumunod sa Kanya sa panahong iyon, at ang mga ito ay isang bahagi lamang ng mga pagpapahayag Niya na ginawa sa Kanyang kasalukuyang pagkakatawang-tao. Hindi kinakatawan ng mga ito ang lahat ng mayroon ang Diyos, at lalo namang hindi masasabi na nasasaklawan ng mga ito ang buong gawain na nilalayong gawin ng Diyos habang nasa pagkakatawang-tao na ito. Itutuon ng Diyos ang Kanyang mga salita sa mga tao na mula sa iba’t ibang lahi at mga pinagmulan, at Kanyang lulupigin ang buong sangkatauhan at wawakasan ang lumang kapanahunan. Kaya, paano Niya matatapos ang lahat ng ito matapos na magpahayag lamang ng napakaliit na bahagi ng Kanyang mga salita? Ang gawain ng Diyos ay nahahati lamang sa iba’t ibang mga kapanahunan at iba’t ibang mga hakbang; Siya ay gumagawa nang naaayon sa Kanyang plano at nagpapahayag ng Kanyang mga salita nang naaayon sa Kanyang mga hakbang. Paanong posibleng maaarok ng tao ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan ng Diyos? Ang katunayan na nais Kong ipaliwanag dito ay ito: Kung ano ang Diyos at kung ano ang mayroon Siya ay hindi nauubos magpakailanman at walang katapusan. Ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay at ng lahat ng bagay; hindi Siya maaarok ng anumang nilikha. Panghuli, dapat Ko pa ring ipaalala sa lahat: Huwag na muling limitahan ang Diyos sa mga aklat, sa mga salita, o sa Kanyang nakaraang mga pagbigkas kahit kailan. Mayroon lamang iisang salita na naglalarawan sa tanging katangian ng gawain ng Diyos: bago. Ayaw Niyang tahakin ang lumang mga landas o ulitin ang Kanyang gawain; higit pa riyan, ayaw Niyang limitahan Siya ng mga tao sa loob ng isang partikular na saklaw sa kanilang pagsamba sa Kanya. Ito ang disposisyon ng Diyos.