Isa Ka ba Talagang Mananampalataya sa Diyos?

Maaaring tinahak mo na ang landas ng pananalig sa Diyos nang higit sa isa o dalawang taon, at marahil nagtiis ka ng maraming paghihirap sa buhay mo sa mga taong ito; o marahil ay hindi ka nagtiis ng anumang paghihirap, at sa halip ay nakatanggap ng maraming biyaya. Maaari ding hindi ka nakaranas ng paghihirap ni biyaya, kundi sa halip ay namuhay nang medyo ordinaryong buhay. Anupaman, tagasunod ka pa rin ng Diyos, kaya magbahaginan tayo sa paksa ng pagsunod sa Diyos. Gayunman, dapat Kong paalalahanan ang lahat ng nagbabasa sa mga salitang ito na nakatuon ang salita ng Diyos sa bawat taong kumikilala at sumusunod sa Kanya, hindi sa lahat ng tao, kinikilala man nila Siya o hindi. Kung naniniwala kang nakikipag-usap ang Diyos sa masa, sa lahat ng tao sa mundo, walang magiging bisa sa iyo ang salita ng Diyos. Kaya naman, dapat mong tandaan ang lahat ng salitang ito sa puso mo, at huwag palaging ibukod ang sarili mo sa mga ito. Ano’t anuman, pag-usapan natin ang nangyayari sa sambahayan natin.

Dapat nauunawaan na ninyong lahat ngayon ang totoong kahulugan ng pananalig sa Diyos. Nauugnay sa positibong pagpasok ninyo ang kahulugan ng pananalig sa Diyos na dati Ko nang nabanggit. Iba ngayon: Ngayon, hihimayin Ko ang diwa ng pananalig ninyo sa Diyos. Siyempre, ginagabayan kayo nito mula sa isang negatibong aspekto; kung hindi Ko ito gagawin, hindi ninyo kailanman malalaman ang tunay ninyong mukha, at magpakailanmang ipagyayabang ang pagkamaka-Diyos at katapatan ninyo. Makatarungang sabihing kung hindi Ko hinukay ang kapangitan sa kaibuturan ng puso ninyo, maglalagay ng korona sa ulo ang bawat isa sa inyo at aangkinin ninyo ang lahat ng kaluwalhatian. Ang mapagmataas at palalong mga kalikasan ninyo ang nagtutulak sa inyo na ipagkanulo ang sarili ninyong mga konsensiya, na maghimagsik laban kay Cristo at lumaban sa Kanya, at ibunyag ang inyong mga pangit na mukha, sa gayon ay inilalantad ang inyong mga intensiyon, mga kuru-kuro, mga labis-labis na pagnanais, at mga matang puno ng kasakiman. Gayumpaman ay patuloy kayong nagdedeklara ng inyong habambuhay na sigasig para sa gawain ni Cristo, at patuloy na nagsasabi at nag-uulit ng mga katotohanang matagal nang sinabi ni Cristo. Ito ang “pananalig” ninyo—ang inyong “pananalig na walang karumihan.” Iginiit Ko ang mahigpit na pamantayan sa tao mula pa man noon. Kung may kaakibat na mga intensiyon at kondisyon ang katapatan mo, mas nanaisin Ko pang wala ang tinatawag mong katapatan, sapagkat kinapopootan Ko ang mga taong nanlilinlang sa Akin gamit ang kanilang mga intensiyon at nangingikil sa Akin gamit ang mga kondisyon. Nais Ko lamang na maging lubos na tapat sa Akin ang tao, at gawin ang lahat ng bagay alang-alang sa isang salita at para patunayan ito: pananalig. Kinasusuklaman Ko ang paggamit ninyo ng mga pambobola upang subukang pasayahin Ako, sapagkat palagi Ko kayong pinakikitunguhan nang may sinseridad, at kaya ninanais Ko ring pakitunguhan ninyo Ako nang may totoong pananalig. Pagdating sa pananalig, maaaring iniisip ng marami na sumusunod sila sa Diyos sapagkat may pananalig sila, kung hindi ay hindi sila magtitiis ng gayong pagdurusa. Kaya ito ang tanong Ko sa iyo: Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit hindi mo Siya kailanman kinatatakutan? Kung naniniwala ka sa pag-iral ng Diyos, bakit wala ka ni katiting na pagkasindak sa Kanya sa puso mo? Kung kinikilala mong si Cristo ang nagkatawang-taong laman ng Diyos, bakit hinahamak mo Siya? Bakit ka lapastangang umaasal sa Kanya? Bakit lantaran mo Siyang hinuhusgahan? Bakit palagi mong minamanmanan ang Kanyang mga pagkilos? Bakit hindi ka nagpapasakop sa Kanyang mga pagsasaayos? Bakit hindi mo itinuturing ang Kanyang salita bilang pamantayan ng iyong mga kilos? Bakit ka nangingikil at nagnanakaw ng mga handog para sa Kanya? Bakit sinusubukan mong magsalita mula sa posisyon ni Cristo? Bakit mo sinusuri kung tama ba ang gawain at salita Niya? Bakit ka nangangahas na lapastanganin Siya sa Kanyang likuran? Ang mga ito ba at ang iba pa ang bumubuo sa pananalig ninyo?

Sa mga salita at pag-uugali ninyo ay nahahayag ang mga elemento ng hindi ninyo paniniwala kay Cristo. Lumalaganap ang hindi paniniwala sa mga motibo at mga layon ng lahat ng ginagawa ninyo. Maging ang ipinapamalas ng titig ninyo ay naglalaman ng hindi paniniwala kay Cristo. Maaaring sabihing sa bawat minuto, nagkikimkim ang bawat isa sa inyo ng mga elemento ng hindi paniniwala. Ibig sabihin, sa bawat sandali, kayo ay nanganganib na ipagkanulo si Cristo, sapagkat ang dugong nananalaytay sa katawan ninyo ay may halong hindi paniniwala sa Diyos na nagkatawang-tao. Samakatwid, sinasabi Kong hindi tunay ang mga yapak na iniiwan ninyo sa landas ng pananalig sa Diyos; habang tinatahak ninyo ang landas ng pananalig sa Diyos, hindi ninyo itinatayo nang matatag ang mga paa ninyo sa lupa—kayo ay wala sa loob na kumikilos lamang. Palagi ninyong hindi lubos na sinasampalatayanan ang salita ni Cristo at walang kakayahang isagawa ito kaagad. Ito ang dahilan kung bakit wala kayong pananalig kay Cristo. Ang palaging pagkakaroon ng mga kuru-kuro tungkol sa Kanya ay isa pang dahilan kaya wala kayong pananalig sa Kanya. Magpakailanmang nagdududa tungkol sa gawain ni Cristo, hinahayaang nababalewala ang salita ni Cristo, pagkakaroon ng opinyon at hindi pagkaunawa nang tama sa lahat ng ginagawa ni Cristo, nahihirapang bitiwan ang mga kuru-kuro ninyo kahit ano pang paliwanag ang matanggap ninyo, at iba pa—ang lahat ng ito ang mga elemento ng hindi paniniwalang nakahalo sa mga puso ninyo. Kahit na nasusundan ninyo ang gawain ni Cristo at hindi kailanman napag-iiwanan, masyadong maraming paghihimagsik ang nakahalo sa mga puso ninyo. Ang paghihimagsik na ito ay isang karumihan sa pananampalataya ninyo sa Diyos. Marahil ay hindi ninyo kinikilala na tama ito, ngunit kung hindi mo kayang makilala ang mga intensiyon mo mula rito, siguradong magiging isa ka sa mga mamamatay, sapagkat ginagawang perpekto lamang ng Diyos ang mga totoong nananampalataya sa Kanya, hindi iyong mga hindi lubos na nananampalataya sa Kanya, at pinakalalong hindi iyong mga atubiling sumusunod sa Kanya sa kabila ng hindi paniniwala kailanman na Siya ang Diyos.

Hindi nagmamahal sa katotohanan ang ilang tao, lalong hindi sa paghatol. Sa halip, nagmamahal sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may kapangyarihan, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na nananampalataya, at wala silang kakayahang ilaan ang buong katawan at isip nila; ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi man lang sinusulyapan si Cristo. Ang isipan nila ay puno ng mga kaisipan ng kasikatan, pakinabang, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoong kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang taong hindi kapansin-pansin ay kayang gawing perpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na ito na nasa gitna ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay sasakit ang tiyan sa kakatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga tao upang gawing perpekto, kung gayon ang mga dakilang taong iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng di-paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga walang katwirang hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, prestihiyo, at kapangyarihan, at pinahahalagahan nila ang malalaking grupo at denominasyon, at hinahamak nila ang mga pinamumunuan ni Cristo. Sila ay sadyang mga nagkakanulo na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.

Hindi mo hinahangaan ang pagpapakumbaba ni Cristo, pero pinagpipitagan mo ang mga huwad na pastol na iyon na may prominenteng katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, pero kinagigiliwan mo iyong mahahalay na nakikisabay sa karumihan ng mundo. Tinutuya mo lang ang pasakit ni Cristo dahil wala Siyang lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na nagnanakaw ng mga handog at namumuhay sa kahalayan. Hindi ka handang magdusa kasama ni Cristo, ngunit kusang-loob mong inihahagis ang sarili mo sa mga bisig ng mga walang habas at sutil na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang mga puwersa. Gayumpaman, patuloy mong tinataglay ang saloobin na nahihirapan kang tanggapin ang gawain ni Cristo at ayaw mo itong tanggapin. Ito ang tanging dahilan kung bakit sinasabi Kong wala kang pananalig na kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumusunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nagtataasan sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at kamay. Sa puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Sa puso mo, hindi Siya mahalaga magpakailanman, isa Siyang tao magpakailanman na hindi karapat-dapat na katakutan. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensiya, at malayo sa pagiging matayog.

Ano’t anuman, sinasabi Ko na ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga gayong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natanto mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang hindi paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano ang pagkakanulo mo kay Cristo? Ikaw ay Aking hinihikayat nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag kang mag-alinlangan o maging hindi buo ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi Diyos ng mundo ni ng sinumang iisang tao, kundi Diyos ng lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, ng lahat ng sumasamba sa Kanya, at ng lahat ng mga deboto at tapat sa Kanya.

Ngayon, marami pa ring hindi paniniwala ang nananatili sa loob ninyo. Tingnang mabuti ang loob ng mga sarili ninyo, at tiyak na matatagpuan ninyo ang kasagutan ninyo. Kapag natagpuan mo ang tunay na kasagutan, aaminin mong hindi ka mananampalataya sa Diyos, sa halip ay isang nanlilinlang, lumalapastangan, at nagkakanulo sa Kanya, at isang taong hindi tapat sa Kanya. Pagkatapos ay mapagtatanto mong si Cristo ay hindi tao, kundi Diyos. Kapag dumating ang araw na iyon, ikaw ay matatakot, masisindak, at tunay na magmamahal kay Cristo. Sa kasalukuyan, tatlumpung porsyento lamang ng puso ninyo ang puno ng pananalig, habang ang pitumpung porsyento ay puno ng pagdududa. Lahat ng ginagawa at sinasabi ni Cristo ay malamang na magbibigay sa inyo ng mga kuru-kuro at opinyon tungkol sa Kanya, mga kuru-kuro at opinyong nagmumula sa ganap ninyong hindi paniniwala sa Kanya. Hinahangaan lamang ninyo ang di-nakikitang Diyos na nasa langit at nasisindak lang kayo sa Kanya, at walang pagpapahalaga para sa buhay na Cristo na nasa lupa. Hindi ba’t ito rin ang hindi ninyo paniniwala? Pinananabikan lamang ninyo ang Diyos na gumanap sa gawain sa nakaraan, ngunit hindi hinaharap ang Cristo ng kasalukuyan. Ang lahat ng ito ang “pananalig,” nakahalo sa mga puso ninyo magpakailanman, ang pananalig na hindi naniniwala sa Cristo ng kasalukuyan. Hindi sa minamaliit Ko kayo, sapagkat sobra ang hindi paniniwala sa inyo, malaking bahagi ninyo ang hindi dalisay at dapat himayin. Ang mga karumihang ito ay tanda na wala kayong anumang pananalig; marka ang mga ito ng pagtakwil ninyo kay Cristo, at tinatatakan kayo ng mga ito bilang nagkanulo kay Cristo. Ang mga ito ay tabing sa pagkakilala ninyo kay Cristo, isang hadlang sa pagkakamit sa inyo ni Cristo, isang balakid sa pagiging magkaayon ninyo kay Cristo, at patunay na hindi kayo sinasang-ayunan ni Cristo. Ngayon ang panahon upang suriin ang lahat ng bahagi ng buhay ninyo! Sa paggawa nito’y makikinabang kayo sa lahat ng aspekto!

Sinundan:  Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon kay Cristo

Sumunod:  Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger