Sa Pananalig, Kailangang Magtuon ang Isang Tao sa Realidad—Ang Pakikibahagi sa mga Pangrelihiyong Ritwal ay Hindi Pananalig
Gaano karaming kaugaliang pangrelihiyon ang sinusunod mo? Ilang beses mo na bang sinalungat ang salita ng Diyos at sinunod ang iyong sariling landas? Ilang beses mo na bang naisagawa ang salita ng Diyos dahil tunay mong isinasaalang-alang ang Kanyang mga pasanin at hinahangad mong bigyang-lugod ang Kanyang mga layunin? Dapat mong maunawaan ang salita ng Diyos, magsagawa nang ayon dito, maging maprinsipyo sa lahat ng iyong kilos at gawa, bagama’t hindi ito nangangahulugan na sumunod sa mga regulasyon o gumawa ng isang bagay nang labag sa kalooban bilang isa lamang palabas sa halip, ito ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng katotohanan at pamumuhay ayon sa salita ng Diyos. Tanging ang pagsasagawa na tulad nito ang nakalulugod sa Diyos. Ang anumang pagkilos na nagbibigay-kasiyahan sa Diyos ay hindi isang regulasyon, kundi isang pagsasagawa ng katotohanan. Ang ilang tao ay gustong nagpapasikat. Sa piling ng kanilang mga kapatid, maaari nilang sabihin na may utang na loob sila sa Diyos, ngunit kapag nakatalikod sila, hindi nila isinasagawa ang katotohanan at ganap na iba ang kanilang ikinikilos. Hindi ba sila mga relihiyosong Pariseo? Ang isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos at nagtataglay ng katotohanan ay taong tapat sa Diyos ngunit hindi ito ipinagyayabang. Ang ganitong tao ay nakahandang isagawa ang katotohanan kapag kinakailangan ng sitwasyon at hindi nagsasalita o kumikilos sa paraang labag sa kanyang konsensya. Nagpapakita siya ng karunungan kapag kinakailangan ng mga bagay-bagay, at may prinsipyo siya sa kanyang mga gawa anuman ang mga sitwasyon. Isa rin itong uri ng tao na kayang magbigay ng tunay na paglilingkod. May ilan namang madalas na hanggang salita lamang pagdating sa pagkakautang nila sa Diyos; ginugugol nila ang kanilang mga araw na nakakunot ang noo sa pag-aalala, na nagbabalatkayo, at nagkukunwaring kahabag-habag. Talagang kasuklam-suklam! Kung tatanungin mo sila, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung paano ka may utang na loob sa Diyos?” wala siyang maisasagot. Kung ikaw ay tapat sa Diyos, kung gayon ay hindi mo ipagsasabi iyon; bagkus ay ipapakita mo ang aktwal na pagsasagawa upang ipakita ang iyong pagmamahal sa Diyos, at manalangin ka sa Kanya nang may tapat na puso. Mga mapagpaimbabaw ang lahat ng hanggang salita lang ang sinasabi tungkol sa Diyos! Ang ilan ay nagsasalita tungkol sa pagkakautang sa Diyos sa bawat panalangin, at nagsisimulang umiyak kapag nananalangin sila, kung kailan man iyon, kahit na walang pag-antig ng Banal na Espiritu. Namamayani sa mga taong tulad nito ang mga pangrelihiyong ritwal at kuru-kuro; namumuhay sila ayon sa mga naturang ritwal at kuru-kuro, laging naniniwala na ang mga naturang kilos ay kalugud-lugod sa Diyos at ang paimbabaw na kabanalan o malulungkot na pagluha ay sinasang-ayunan ng Diyos. Magkakaroon ba ng anumang kabuluhan ang gayong mga katawa-tawang tao? Upang ipakita ang kanilang pagpapakumbaba, pakunwaring nagpapakita ng kagandahang-asal ang ilan kapag nagsasalita sila sa presensya ng iba. Ang ilan ay sinasadyang maging mapaglingkod sa presensya ng iba, kumikilos na gaya ng isang tupa na walang kahit anong lakas. Naaangkop ba ang ganitong asal sa mga tao ng kaharian? Ang mga tao ng kaharian ay dapat na buhay na buhay at malaya, dalisay at bukas ang kalooban, matapat at kaibig-ibig, at namumuhay sa kalagayan ng kalayaan. Dapat ay mayroon silang integridad at dignidad at kaya nilang manindigan sa kanilang patotoo saan man sila magpunta; kinalulugdan kapwa ng Diyos at ng tao ang mga ganitong tao. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay may napakaraming panlabas na gawi; kailangan muna nilang sumailalim sa isang panahon ng pagpupungos at pagbali. Ang pagkakaroon ng pananalig sa Diyos sa kaibuturan ay hindi isang bagay na nakikita ng iba, ngunit ang mga kilos at gawa ng mga taong mayroon nito ay kapuri-puri. Ang mga ganitong tao lamang ang maituturing na nagsasabuhay sa salita ng Diyos. Kung araw-araw kang nangangaral ng ebanghelyo sa iba’t ibang tao sa pagsisikap na madala sila sa kaligtasan, ngunit sa katapusan ay namumuhay ka pa rin ayon sa mga regulasyon at doktrina, hindi mo mabibigyan ng luwalhati ang Diyos kung gayon. Ang mga naturang tao ay mga relihiyosong tao, at mga mapagpaimbabaw rin. Sa tuwing nagsasama-sama ang mga tao sa mundo ng relihiyon, maaaring itanong nila, “Kapatid, kumusta ka na sa mga araw na ito?” Maaaring sumagot siya, “Pakiramdam ko ay may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko natutugunan ang Kanyang mga layunin.” Maaaring sabihin ng isa pa, “Pakiramdam ko rin ay may utang na loob ako sa Diyos at hindi ko Siya nabibigyang-kasiyahan.” Sa ilang pangungusap at salitang ito pa lang ay nahahayag na ang ubod ng samang mga bagay na nasa loob nila; ang mga naturang salita ay lubhang nakapandidiri at lubos na kasuklam-suklam. Ang kalikasan ng mga ganitong tao ay sumasalungat sa Diyos. Ang mga nakatuon sa realidad ay nagbabahagi ng kung anuman ang nasa kanilang mga isip at ginagawa nila ito nang may bukas na puso. Hindi sila nakikibahagi sa isa mang bulaang gawa, walang pinapakitang pagkamagalang o mga hungkag na pakikitungo. Lagi silang prangka at walang mga sinusunod na sekular na patakaran. May mga taong may pagkahilig sa mga panlabas na ugali, maging hanggang sa punto ng kawalan ng katwiran. Kapag kumakanta ang isa, nagsisimula silang sumayaw, ni hindi man lang napapansin na sunog na ang kaning nasa kanilang palayok. Ang mga naturang tao ay hindi maka-Diyos o marangal, at masyadong di-seryoso. Ang lahat ng ito ay pagpapakita ng kakulangan ng realidad. Kapag ang ilang tao ay nagbabahagi tungkol sa mga bagay sa espiritwal na buhay, bagaman hindi nila binabanggit ang pagkakautang sa Diyos, mayroon naman silang tunay na pagmamahal sa Kanya sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ang iyong pagkaramdam ng pagkakautang sa Diyos ay walang kinalaman sa ibang tao; may utang na loob ka sa Diyos, hindi sa mga tao. Kaya anong silbi na parati mo itong binabanggit sa iba? Kailangang bigyan mo ng halaga ang pagpasok sa realidad, hindi ang panlabas na sigasig o pakitang-tao. Ano ang kinakatawan ng panlabas na mabuting pag-uugali ng mga tao? Kinakatawan nito ang laman; maging ang pinakamagagandang panlabas na pagsasagawa ay hindi kumakatawan sa buhay, at maaari lamang maipakita ng mga ito ang iyong sariling indibidwal na likas na ugali. Hindi kayang matugunan ng mga panlabas na gawi ng tao ang mga layunin ng Diyos. Lagi mong binabanggit ang iyong pagkakautang sa Diyos, ngunit hindi mo kayang tustusan ang buhay ng iba o pukawin ang kanilang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Naniniwala ka bang ikalulugod ng Diyos ang mga naturang kilos mo? Sa tingin mo na layunin ng Diyos na kumilos ka sa ganitong paraan at na ang mga kilos mo ay espirituwal, ngunit ang totoo ay pawang katawa-tawa ang mga ito! Naniniwala ka na kung ano ang gusto mo at kung ano ang nais mong gawin ay iyon mismong mga bagay na nakalulugod sa Diyos. Kaya bang katawanin ng mga kagustuhan mo ang Diyos? Kaya bang katawanin ng personalidad ng isang tao ang Diyos? Ang gusto mo ay iyon mismong kinasusuklaman ng Diyos, at ang iyong mga gawi ay siyang itinataboy ng Diyos. Kung pakiramdam mo ay may utang na loob ka, kung gayon ay manalangin ka sa Diyos. Hindi mo kailangang banggitin ito sa iba. Kung hindi ka nananalangin sa Diyos at sa halip ay palaging ibinibida ang iyong sarili sa presensiya ng iba, kaya ba nitong matugunan ang mga layunin ng Diyos? Kung palagi kang nakatuon sa paggawa ng mga bagay-bagay nang pakunwari lamang, nangangahulugan ito na ikaw ay sukdulan sa pagiging mababaw. Anong uri ng mga tao iyong mayroon lamang pakunwaring mabuting pag-uugali at walang realidad? Sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo at mga tao sa mundo ng relihiyon! Kung hindi ninyo iwawaksi ang inyong mga panlabas na gawi at hindi ninyo kayang gumawa ng mga pagbabago, lalong lalago sa inyo ang mga elemento ng pagpapaimbabaw. Habang mas higit ang mga elemento ng pagpapaimbabaw sa inyo, mas higit ang paglaban sa Diyos. Sa katapusan, ang mga naturang tao ay siguradong ititiwalag!