Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan
Ang gawain ng mga huling araw ay ang pagbukud-bukurin ang lahat ayon sa kanilang uri, at ang tapusin ang plano ng pamamahala ng Diyos, sapagkat ang oras ay malapit na at ang araw ng Diyos ay dumating na. Dinadala ng Diyos ang lahat ng pumapasok sa Kanyang kaharian—ang lahat ng tapat sa Kanya hanggang sa katapusan—patungo sa kapanahunan ng Diyos Mismo. Subalit, bago dumating ang kapanahunan ng Diyos Mismo, ang gawain ng Diyos ay hindi ang siyasatin ang mga gawa ng tao, o mag-usisa tungkol sa pamumuhay ng tao, kundi ang hatulan ang pagiging mapaghimagsik ng tao, sapagkat dadalisayin ng Diyos ang lahat ng lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan. Lahat ng nakasunod sa mga yapak ng Diyos hanggang sa araw na ito ay yaong mga nagsisilapit sa harap ng luklukan ng Diyos, at yamang ganito, ang bawat isang taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng pagdadalisay ng Diyos. Sa ibang salita, ang lahat ng taong tumatanggap sa gawain ng Diyos sa huling yugto nito ang siyang pakay ng paghatol ng Diyos.
Sa paghatol na nagsisimula sa sambahayan ng Diyos na nasabi sa mga nagdaang panahon, ang “paghatol” sa mga salitang ito ay tumutukoy sa paghatol na isinasagawa ng Diyos ngayon sa mga lumalapit sa harap ng Kanyang luklukan sa mga huling araw. Marahil ay may mga naniniwala na pagdating ng mga huling araw ay maghahanda ang Diyos ng isang malaking mesa sa langit, na kung saan ang isang puting tapete ay ilalatag, at pagkatapos, habang nakaupo sa isang dakilang luklukan at ang lahat ng tao ay nakaluhod sa lupa, ay ilalantad Niya ang mga kasalanan ng bawat tao at doon ay tutukuyin kung ang mga ito ba ay aakyat sa langit o itatapon sa lawa ng apoy at asupre, pati na ang iba pang mga higit sa karaniwan na imahinasyon. Anuman ang mga naguguni-guni ng tao, hindi nito mababago ang diwa ng gawain ng Diyos. Ang mga naguguni-guni ng tao ay walang iba kundi ang mga nabubuo ng kaisipan ng tao; nanggagaling ang mga ito sa utak ng tao, binuod at pinagtagni-tagni mula sa mga nakita at narinig ng tao. Samakatwid ay sinasabi Ko, gaano man kaganda ang naguguni-guni ng mga tao, ang mga ito ay mga larawang-guhit lamang, at hindi maaaring humalili sa plano ng gawain ng Diyos. Kung tutuusin, ang tao ay nagawa nang tiwali ni Satanas, kaya papaano niya maaarok ang mga iniisip ng Diyos? Inaakala ng tao na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay isang bagay na kakatwa. Naniniwala ang tao na dahil ang Diyos Mismo ang gumagawa ng gawain ng paghatol, ang gawaing ito ay tiyak na sukdulan ang saklaw, at hindi maaarok ng mga mortal, at tiyak na aalingawngaw sa buong langit at yayanigin ang lupa; kung hindi, papaano ito magiging gawain ng paghatol ng Diyos? Naniniwala ang tao na dahil ito ay gawain ng paghatol, ang Diyos ay dapat na maging partikular na kapita-pitagan at maharlika habang Siya ay gumagawa, at yaong mga hinahatulan ay dapat na humahagulgol sa pag-iyak at nakaluhod na nagmamakaawa. Ang ganoong mga tagpo ay tiyak na magiging kagila-gilalas at labis na kapana-panabik…. Naiisip ng bawat tao na mapaghimala ang gawain ng paghatol ng Diyos. Pero alam mo ba na noong matagal nang sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawain ng paghatol sa gitna ng tao, ay nananatili kang nahihimlay sa pagkatulog? Na sa oras na inaakala mong ang gawain ng paghatol ng Diyos ay pormal nang nagsimula, ay nabago na ng Diyos ang langit at lupa? Sa oras na iyon, marahil ay noon mo pa lamang mauunawaan ang kahulugan ng buhay, ngunit ang walang-awang gawain ng pagpaparusa ng Diyos ay magdadala sa iyo, na mahimbing pa ring natutulog, patungo sa impiyerno. Saka ka lamang magkakaroon ng biglang pagkatanto, at saka mo lang mauunawaan na ang gawain ng paghatol ng Diyos ay natapos na.
Huwag na nating sayangin ang mahalagang oras natin, at huwag na nating pag-usapan pa itong mga kapoot-poot at kasuklam-suklam na paksa. Sa halip ay pag-usapan natin kung ano ang paghatol. Pagkabanggit sa salitang “paghatol,” malamang na maiisip mo ang mga salitang sinabi ni Jehova para tagubilinan ang mga tao sa bawat rehiyon at ang mga salitang sinabi ni Jesus para tuligsain ang mga Pariseo. Bagama’t marahas ang mga salitang ito, ang mga ito ay hindi paghatol ng Diyos sa tao; mga salita lamang ito na sinabi ng Diyos sa loob ng magkakaibang kapaligiran, na ibig sabihin, sa magkakaibang konteksto. Ang mga salitang ito ay hindi kagaya ng mga salitang sinabi ni Cristo ng mga huling araw habang hinahatulan Niya ang tao. Si Cristo ng mga huling araw ay gumagamit ng iba’t ibang katotohanan para maturuan ang tao, para ilantad ang diwa ng tao, at para himayin ang mga salita at gawa ng tao. Ang mga salitang ito ay naglalaman ng iba’t ibang katotohanan, gaya ng tungkulin ng tao, kung paano dapat magpasakop sa Diyos ang tao, kung paano dapat maging tapat sa Diyos ang tao, kung paano dapat isabuhay ng tao ang normal na pagkatao, gayundin ang karunungan at disposisyon ng Diyos. Ang mga salitang ito ay nakatuon lahat sa diwa ng tao at sa kanyang mga tiwaling disposisyon. Sa partikular, iyong mga salitang naglalantad kung paano tinatanggihan ng tao ang Diyos ay lalong mas nakatuon sa kung paanong ang tao ay isang pagsasakatawan ni Satanas, at isang puwersa ng kaaway laban sa Diyos. Sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng paghatol, hindi ganap na ipinapaliwanag ng Diyos ang kalikasan ng tao sa iilang salita; naglalantad at nagpupungos Siya sa mahabang panahon. Ang lahat ng iba’t ibang pamamaraan na ito ng paglalantad at pagpupungos ay hindi maaaring mahalinhan ng mga ordinaryong salita; sa halip, ang katotohanang hinding-hindi taglay ng tao ay ginagamit para isakatuparan ang gawaing ito ng paglalantad at pagpupungos. Ang ganitong klaseng mga pamamaraan lamang ang matatawag na paghatol; sa pamamagitan lamang ng ganitong uri ng paghatol masusupil ang tao at makukumbinsi nang husto tungkol sa Diyos, at bukod pa riyan ay magkakamit ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Ang idinudulot ng gawain ng paghatol ay ang pagkaunawa ng tao sa tunay na mukha ng Diyos at sa katotohanan tungkol sa sarili niyang paghihimagsik. Ang gawain ng paghatol ay nagbigay-kakayahan sa tao na magkamit ng malawak na pagkaunawa sa mga layunin ng Diyos, sa layunin ng gawain ng Diyos, at sa mga hiwagang hindi niya kayang arukin. Binigyang-kakayahan din nito ang tao na maunawaan at makilala ang kanyang tiwaling diwa at ang ugat ng kanyang katiwalian, pati na ang matuklasan ang kanyang pangit na mukha. Ang mga epektong ito ay bungang lahat ng gawain ng paghatol, sapagkat ang diwa ng gawaing ito ay ang mismong gawain ng pagbubukas ng katotohanan, ng daan, at ng buhay ng Diyos sa lahat ng may pananalig sa Kanya. Ang gawaing ito ay ang gawain ng paghatol na ginagawa ng Diyos. Kung hindi mo itinuturing na mahalaga ang mga katotohanang ito, kung palagi mong sinusubukang iwasan ang mga ito o palagi kang naghahanap sa labas ng mga ito ng isang bagong daan palabas, kung gayon ay sinasabi Kong lubha kang makasalanan. Kung nananampalataya ka sa Diyos, ngunit hindi mo hinahanap ang katotohanan o ang mga layunin ng Diyos, ni iniibig ang Salita na naglalapit sa iyo sa Diyos, kung gayon ay sinasabi Kong ikaw ay isang tao na sinusubukang iwasan ang paghatol, at na isa kang sunud-sunuran at taksil na tumatakas mula sa malaking puting luklukan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinuman sa mga mapanghimagsik na tumatakas sa ilalim ng Kanyang mga mata. Ang gayong mga tao ay makatatanggap ng mas mabigat pang kaparusahan. Iyong mga nagsisilapit sa harap ng Diyos upang tanggapin ang Kanyang paghatol, at higit pa rito ay nadalisay na, ay mananahan magpakailanman sa kaharian ng Diyos. Siyempre, ito ay isang bagay na nabibilang sa hinaharap.
Ang gawain ng paghatol ay sariling gawain ng Diyos, kaya natural na ang Diyos Mismo ang dapat magsagawa nito; hindi maaaring ang tao ang gumawa nito sa halip na Siya. Sapagkat ang paghatol ay ang paglupig sa sangkatauhan sa pamamagitan ng katotohanan, hindi mapag-aalinlanganan na muling nagpapakita ang Diyos sa gitna ng tao bilang nagkatawang-taong wangis upang gampanan ang gawaing ito. Ibig sabihin, gagamitin ni Cristo ng mga huling araw ang katotohanan upang turuan ang mga tao sa buong mundo at ipaalam sa kanila ang lahat ng katotohanan. Ito ang gawain ng paghatol ng Diyos. Marami ang hindi komportable tungkol sa ikalawang pagkakatawang-tao ng Diyos, dahil mahirap para sa tao na paniwalaan na ang Diyos ay magkakatawang-tao upang gawin ang gawain ng paghatol. Gayumpaman, kailangang sabihin Ko sa iyo na kadalasan, ang gawain ng Diyos ay lumalampas nang labis sa mga inaasahan ng tao, at mahirap para sa isipan ng mga tao na tanggapin ito. Sapagkat ang mga tao ay mga uod lamang sa lupa, samantalang ang Diyos ang Siyang kataas-taasang pumupuno sa sansinukob; ang isipan ng tao ay katulad ng isang balon ng maruming tubig na nagluluwal lamang ng mga uod, samantalang ang bawat yugto ng gawain na pinapatnubayan ng mga kaisipan ng Diyos ay ang bunga ng karunungan ng Diyos. Palaging sinusubukan ng mga tao na makipaglaban sa Diyos, kung saan ay sinasabi Ko na hayag na hayag kung sino ang magdurusa ng kawalan sa katapusan. Hinihikayat Ko kayong lahat na huwag ninyong ipalagay ang inyong mga sarili na mas mahalaga kaysa sa ginto. Kung kaya ng iba na tanggapin ang paghatol ng Diyos, bakit hindi mo kaya? Gaano ka ba kataas kaysa sa iba? Kung kaya ng iba na iyuko ang ulo nila sa harap ng katotohanan, bakit hindi mo rin magawa ang ganoon? Ang gawain ng Diyos ay hindi mapipigilan. Hindi na Niya uulitin ang gawain ng paghatol dahil lang sa “kontribusyon” na nagawa mo, at labis kang magsisisi dahil pinalampas mo ang gayon kagandang pagkakataon. Kung hindi mo pinaniniwalaan ang Aking mga salita, hintayin mo na lamang na hatulan ka ng malaking puting luklukan na iyon sa langit! Kailangang malaman mo na lahat ng Israelita ay tinanggihan at itinatwa si Jesus, gayunman ang katunayan ng pagtubos ni Jesus sa sangkatauhan ay umabot pa rin sa buong sansinukob at hanggang sa mga dulo ng mundo. Hindi ba’t isa itong katunayan na matagal nang isinakatuparan ng Diyos? Kung naghihintay ka pa rin na dalhin ka ni Jesus paakyat sa langit, kung gayon ay sinasabi Ko na isa kang sutil na piraso ng tuyong kahoy. Hindi kikilalanin ni Jesus ang isang huwad na mananampalataya na kagaya mo, na hindi tapat sa katotohanan at naghahangad lamang ng mga pagpapala. Sa kabaligtaran, hindi Siya magpapakita ng awa sa paghahagis sa iyo sa lawa ng apoy upang masunog sa loob ng sampu-sampung libong taon.
Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung nauunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunurin kang magpasakop sa pagkahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na masang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Iyong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring madalisay, na ibig sabihin, iyong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas malubha, at mas marami kaysa sa mga kasalanan ng mga Pariseo, sapagkat ipinagkanulo nila ang Diyos at sila ay mga rebelde laban sa Diyos. Ang mga taong ito na hindi man lang karapat-dapat na magtrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, ng isang kaparusahan na bukod pa rito ay magpasawalang hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang mga gayong tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba’t ito mismo ay isang pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t ito mismo ang layunin ng Diyos sa paghatol at pagbubunyag sa tao? Ipinapatapon ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hinahayaan Niya ang masasamang espiritung iyon na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto ng mga ito, at ang katawan ng mga taong ito ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos ang bawat isa sa mga kasalanan ng mga yaong hindi tapat at huwad na mananampalataya, huwad na apostol, at huwad na manggagawa sa kanilang mga talaan, at sa tamang panahon, itinatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hinahayaan ang maruruming espiritung iyon na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, at idinudulot na hindi na sila magreinkarnasyon muli kailanman at hindi na nila makitang muli ang liwanag kailanman. Ibinibilang ng Diyos sa masasama iyong mga mapagpaimbabaw na nagseserbisyo nang ilang panahon pero hindi nananatiling tapat hanggang sa huli, hinahayaan ang mga ito na malugmok kasama ang masasamang tao at bumuo ng isang grupo ng iba’t ibang masasamang loob, at sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos ang mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman nag-ambag ng kanilang lakas, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi sila makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinibilang ng Diyos sa mga nagseserbisyo para sa mga tao Niya ang sinumang hindi kailanman naging sinsero sa Diyos, ngunit wala nang ibang mapagpipilian kundi ang pabasta-bastang harapin Siya. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay lilipulin, kasama na ang mga taong ang pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na kaisa sa puso at isipan ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at ang mga paunang itinadhana ng Diyos na maging mga pari. Sila ang kristalisasyon ng gawain ng Diyos. Iyon namang mga hindi maikaklasipika sa anumang kategoryang itinakda ng Diyos, ibibilang sila sa hanay ng mga walang pananampalataya, at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kalalabasan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; ang landas na inyong pipiliin ay inyong sariling desisyon lamang. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang taong hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.