a. Paano makilatis ang mga mapagpaimbabaw na Pariseo

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Alam ba ninyo kung ano talaga ang isang Pariseo? Mayroon bang mga Pariseo sa paligid ninyo? Bakit tinatawag na “mga Pariseo” ang mga taong ito? Paano inilalarawan ang mga Pariseo? Sila ay mga mapagpaimbabaw, at nagkukunwari at nagpapanggap sila sa lahat ng kanilang ginagawa. Anong pagpapanggap ang ginagawa nila? Nagpapanggap silang mabuting tao, mabait, at positibo. Ganito ba sila talaga? Talagang hindi. Kung pagkukunwari ang pag-uusapan, lahat ng naipapamalas at nabubunyag sa kanila ay peke; lahat ito ay palabas lamang—hindi ito ang kanilang tunay na mukha. Saan nakatago ang tunay nilang mukha? Nakatago ito sa kaibuturan ng kanilang puso, hindi makikita ng iba kahit kailan. Ang lahat ng nasa panlabas ay isang palabas lamang, peke ang lahat. Pero gaano man kahusay ang mga tao sa paggawa ng palabas, kaya lamang nilang lansihin ang mga tao—hindi nila kayang lansihin ang Diyos. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, kung hindi nila isinasagawa at dinaranas ang mga salita ng Diyos, hindi nila tunay na mauunawaan ang katotohanan, at kaya gaano man kasarap pakinggan ang kanilang mga salita, ang mga salitang ito ay hindi ang katotohanang realidad, kundi mga salita at doktrina lamang. Ang ilang tao ay nakatuon lamang sa pagsasalita ng mga salita at doktrina, ginagaya nila ang sinumang nangangaral ng malalalim na sermon, na ang resulta ay sa loob lamang ng ilang taon, ang kanilang pagbigkas ng mga salita at doktrina ay lalo pang lumalalim, at hinahangaan at sinasamba sila ng maraming tao. Pagkatapos nito ay nagsisimula silang magpakitang-tao, at labis na binibigyang-pansin ang sinasabi at ginagawa nila, ipinapakita ang kanilang sarili bilang labis na maka-Diyos at espirituwal. Ginagamit nila ang mga tinaguriang espirituwal na teoryang ito para magpakitang-tao. Ang mga ito lamang ang tinatalakay nila saanman sila magtungo, mapanlinlang na mga bagay na akma sa mga kuru-kuro ng mga tao, ngunit walang anumang katotohanang realidad. At sa pamamagitan ng pangangaral ng mga bagay na ito—mga bagay na nakaayon sa mga kuru-kuro at panlasa ng mga tao—marami silang taong nililihis. Para sa iba, ang mga ganoong tao ay tila deboto at mapagpakumbaba, pero hindi talaga ito totoo; tila mapagparaya, matiisin, at mapagmahal sila, pero pagkukunwari talaga ito; sinasabi nilang mahal nila ang Diyos, ngunit ang totoo ay palabas lamang ito. Iniisip ng iba na ang ganoong mga tao ay banal, pero huwad talaga ito. Saan matatagpuan ang isang taong tunay na banal? Ang kabanalan ng tao ay pawang huwad. Palabas lang ang lahat, isang pagpapakitang-tao. Sa panlabas, mukha silang may debosyon sa Diyos, ngunit ang totoo ay umaarte lamang sila para makita ng iba. Kapag walang nakatingin, wala sila ni katiting na debosyon, at lahat ng ginagawa nila ay pabasta-basta. Sa panlabas, ginugugol nila ang kanilang sarili para sa Diyos at tinalikuran na nila ang kanilang pamilya at propesyon. Pero ano ang ginagawa nila nang palihim? Nagsasakatuparan sila ng sarili nilang mga operasyon at sarili nilang mga proyekto sa iglesia, nagiging palamunin ng iglesia at nagnanakaw ng mga handog sa ilalim ng pagkukunwaring gumagawa para sa Diyos…. Ang mga taong ito ang makabagong-panahong mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Saan nagmumula ang mga Pariseo? Lumilitaw ba sila sa gitna ng mga walang pananampalataya? Hindi, lahat sila ay lumilitaw sa mga mananampalataya. Bakit nagiging mga Pariseo ang mga taong ito? May tao bang dahilan kaya sila nagkaganyan? Malinaw na hindi. Ano ang dahilan? Ito ay dahil ganito ang kanilang kalikasang diwa, at ito ay dahil sa landas na kanilang tinahak. Ginagamit lang nila ang mga salita ng Diyos bilang kasangkapan upang mangaral at maging palamunin ng iglesia. Sinasandatahan nila ang kanilang isip at bibig ng mga salita ng Diyos at nangangaral sila ng mga pekeng espirituwal na teorya, nagpapanggap bilang mga banal na tao, at pagkatapos ay ginagamit nila itong kapital upang makamit ang layong maging palamunin ng iglesia. Nangangaral lamang sila ng mga doktrina, subalit hindi kailanman isinagawa ang katotohanan. Anong uri ng mga tao ang mga hindi kailanman sumusunod sa daan ng Diyos pero nangangaral ng mga salita at doktrina? Sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Ang kanilang kakarampot, diumano’y mabubuting pag-uugali at mabubuting pagpapamalas, at ang kaunting isinusuko at iginugugol nila, ay ganap na naisakatuparan sa pamamagitan ng pagpipigil ng sarili nilang kalooban at pagpapakitang-tao nila. Ganap na pagkukunwari ang mga kilos na iyon, at lahat iyon ay palabas lamang. Sa puso ng mga taong ito, wala ni katiting na pagkatakot sa Diyos, ni wala silang anumang tunay na pananampalataya sa Diyos. Higit pa riyan, sila ay mga hindi mananampalataya. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, lalakaran nila ang ganitong uri ng landas, at magiging Pariseo sila. Hindi ba nakakatakot iyon? Ang lugar na panrelihiyon kung saan nagtitipon ang mga Pariseo ay nagiging isang pamilihan. Sa mga mata ng Diyos, ito ay relihiyon; hindi ito ang iglesia ng Diyos, ni hindi ito isang lugar kung saan Siya ay sinasamba. Sa gayon, kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan, gaano man karami ang mga salita at mga doktrinang kaya nilang salitain, ito ay walang silbi.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay

Ang dahilan kung bakit mapagpaimbabaw ang mga Pariseo, ang dahilan kung bakit sila buktot, ay dahil tutol sila sa katotohanan pero minamahal nila ang kaalaman, kaya pinag-aaralan lamang nila ang mga Kasulatan at hinahangad ang kaalaman sa Kasulatan pero hindi kailanman tinatanggap ang katotohanan o ang mga salita ng Diyos. Hindi sila nananalangin sa Diyos kapag nagbabasa sila ng Kanyang mga salita, ni hinahanap o pinagbabahaginan nila ang katotohanan. Sa halip, pinag-aaralan nila ang mga salita ng Diyos, pinag-aaralan kung ano ang sinabi at ginawa ng Diyos, at sa gayon ay ginagawa nilang teorya ang mga salita ng Diyos, isang doktrinang ituturo sa iba, na tinatawag na akademikong pag-aaral. Bakit sila gumagawa ng akademikong pag-aaral? Ano ang pinag-aaralan nila? Sa mga mata nila, hindi ito mga salita ng Diyos o pagpapahayag ng Diyos, at lalong hindi ito ang katotohanan. Sa halip, isa itong klase ng pag-aaral, o maaari pa ngang sabihin na ito ay isang teolohikal na kaalaman. Sa pananaw nila, ang ipalaganap ang kaalamang ito, ang pag-aaral na ito, ay ang ipakalat ang daan ng Diyos, ang ipakalat ang ebanghelyo—ito ang tinatawag nilang pangangaral, pero ang ipinangangaral nila ay pawang teolohikal na kaalaman.

… Pinanghawakan ng mga Pariseo ang mga teolohikal na teorya na naarok nila bilang kaalaman at bilang kasangkapan para timbangin at kondenahin ang mga tao, ginamit pa nga nila ito sa Panginoong Jesus. Ganito kinondena ang Panginoong Jesus. Ang paraan ng pagtimbang o pagtrato nila sa isang tao ay hindi kailanman nakabatay sa diwa ng tao, ni sa kung ang ipinangaral ba ng isang tao ay ang katotohanan, at lalong hindi sa pinagmulan ng mga salitang sinabi ng taong iyon—ang paraan ng pagtimbang o pagkondena ng mga Pariseo sa isang tao ay nakabatay lamang sa mga regulasyon, salita, at doktrinang naarok nila sa Lumang Tipan ng Bibliya. Kahit alam ng mga Pariseo sa puso nila na ang sinabi at ginawa ng Panginoong Jesus ay hindi isang kasalanan o paglabag sa kautusan, kinondena pa rin nila ang Panginoong Jesus, dahil ang mga katotohanang ipinahayag Niya at ang mga tanda at kababalaghang ginawa Niya ay nag-udyok sa mga tao na sumunod sa Kanya at purihin Siya. Namuhi nang namuhi sa Kanya ang mga Pariseo, at gusto pa nga Siyang alisin sa eksena. Hindi nila kinilala na ang Panginoong Jesus ay ang Mesiyas na darating, ni kinilala nila na taglay ng mga salita Niya ang katotohanan, at lalo nilang hindi kinilala na alinsunod sa katotohanan ang gawain Niya. Hinusgahan nila ang Panginoong Jesus bilang nagsasalita ng mga mapangahas na salita at nagpapalayas ng mga demonyo sa pamamagitan ni Beelzebub, na prinsipe ng mga demonyo. Dahil isinisisi nila ang mga kasalanang ito sa Panginoong Jesus, ito ay nagpapakita kung gaano sila namumuhi sa Kanya. Kaya, masigasig silang gumawa para itatwa na isinugo ng Diyos ang Panginoong Jesus, at na Siya ang Anak ng Diyos, at na Siya ang Mesiyas. Ang ibig nilang sabihin ay, “Gagawin ba ng diyos ang mga bagay-bagay sa ganitong paraan? Kung nagkatawang-tao ang diyos, ipinanganak sana siya sa isang pamilyang may makapangyarihang katayuan. At kakailanganin niyang tanggapin ang pagtuturo ng mga eskriba at Pariseo. Kailangan niyang sistematikong pag-aralan ang mga Kasulatan, magkaroon ng pagkaarok sa kaalaman sa Kasulatan, at masangkapan ng lahat ng kaalaman sa mga Kasulatan bago niya makuha ang pangalang ‘nagkatawang-taong diyos.’” Pero hindi nasangkapan ang Panginoong Jesus ng ganitong kaalaman, kaya kinondena nila ang Panginoong Jesus, nagsasabing, “Unang-una, hindi ka kalipikado, kaya hindi puwedeng ikaw ang diyos; ikalawa, kung wala ka ng kaalamang ito sa Kasulatan, hindi mo magagawa ang gawain ng diyos, lalo na ang maging diyos ka; ikatlo, hindi ka dapat gumawa sa labas ng templo—hindi ka ngayon gumagawa sa loob ng templo, kundi kasama mo palagi ang mga makasalanan, kaya ang gawaing ginagawa mo ay lagpas na sa saklaw ng mga Kasulatan, kaya lalong hindi posibleng ikaw ang diyos.” Saan galing ang batayan nila ng pagkondena? Mula sa mga Kasulatan, mula sa isip ng tao, at mula sa teolohikal na edukasyong natanggap nila. Dahil punong-puno ng mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ang mga Pariseo, naniwala silang tama ang kaalamang ito, na ito ang katotohanan, na makatwiran itong batayan, at hindi kailanman masasalungat ng Diyos ang mga ito. Hinanap ba nila ang katotohanan? Hindi. Ano ang hinanap nila? Ang isang kahima-himalang diyos na nagpakita sa anyo ng isang espirituwal na katawan. Kaya, tinukoy nila ang mga hangganan ng gawain ng Diyos, itinatwa ang Kanyang gawain, at hinusgahan kung tama ba o mali ang Diyos ayon sa mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman ng tao. At ano ang naging pangwakas na resulta nito? Hindi lamang nila kinondena ang gawain ng Diyos, ipinako pa nila sa krus ang nagkatawang-taong Diyos. Ito ang nangyari sa paggamit nila ng kanilang mga kuru-kuro, imahinasyon, at kaalaman para timbangin ang Diyos, at ito ang kung ano ang buktot sa kanila.

—Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikapitong Aytem: Sila ay Buktot, Lihim na Mapanira, at Mapanlinlang (Ikatlong Bahagi)

Ang mga Pariseo ang pinakamagaling sa pangangaral ng mga doktrina at pagsigaw ng mga islogan. Madalas silang tumayo sa mga sulok ng lansangan at sumigaw, “O makapangyarihang diyos!” o “O dakilang diyos!” Sa tingin ng iba, sila ay partikular na maka-Diyos, at wala silang ginawang anumang bagay na lumabag sa kautusan, ngunit sinang-ayunan ba sila ng Diyos? Hindi. Paano Niya sila kinondena? Binigyan sila ng Diyos ng isang titulo: ang mga mapagpaimbabaw na Pariseo. Noon, ang mga Pariseo ay isang respetadong uri sa Israel, kaya bakit naging isang bansag na ang pangalang ito ngayon? Ito ay dahil ang mga Pariseo ay naging kinatawan ng isang uri ng tao. Ano ang mga katangian ng ganitong uri ng tao? Magaling sila sa pamemeke ng mga bagay-bagay, sa pagpapanggap, at sa pagkukunwari; nagkukunwari silang partikular na marangal, banal, matuwid, at bukas at tapat, at maganda sa pandinig ang mga islogan na isinisigaw nila, ngunit ang totoo, hindi nila isinasagawa ang katotohanan kahit kaunti. Anong mabubuting pag-uugali mayroon ang mga Pariseo? Nagbasa sila ng mga Kasulatan at nangaral; itinuro nila sa iba na sumunod sa kautusan at mga regulasyon, at huwag lumaban sa Diyos. Ang lahat ng ito ay mabubuting pag-uugali. Ang lahat ng sinabi nila ay magandang pakinggan, ngunit palihim silang nagnakaw ng mga handog. Sinabi ng Panginoong Jesus sa kanila: “Kayong … sumasala sa lamok ngunit lumulunok ng kamelyo” (Mateo 23:24). Nangangahulugan ito na ang mga bagay na ginawa nila ay pawang mabubuting pag-uugali sa panlabas; sumigaw sila ng mabubulaklak na islogan at nagpahayag ng mga dakila at matayog na teorya, ang kanilang mga salita ay partikular na masarap pakinggan, ngunit hindi nila maisagawa ang katotohanan kahit kaunti. Ang lahat ng kanilang sinabi at ginawa ay walang kinalaman sa katotohanan; ang lahat ng ito ay mapagpaimbabaw na pag-uugali lamang, at panlilinlang at panlilihis sa mga tao. Sa kanilang puso, hindi nila minahal ang katotohanan o ang mga positibong bagay kahit kaunti, at nasusuklam pa nga sila sa katotohanan at sa mga positibong bagay, at nasusuklam sa lahat ng nagmumula sa Diyos. Ano ang minahal nila? Minahal ba nila ang katuwiran at pagiging patas? (Hindi.) Paano mo masasabi na hindi nila minahal ang mga bagay na ito? (Nang ipangaral ng Panginoong Jesus ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, hindi lamang sila tumanggi na tanggapin ito, kundi sa halip ay kinondena nila ang Panginoong Jesus.) Kung hindi nila kinondena at nilabanan ang Panginoong Jesus, magiging posible bang masabi na hindi nila minahal ang katotohanan, at na hindi nila minahal ang katuwiran at pagiging patas? Hindi. Ang pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus ay ganap na nagbunyag sa mga Pariseo; dahil sa kanilang pagkondena at paglaban sa Panginoong Jesus kaya nakita ng iba ang kanilang pagpapaimbabaw. Kung hindi dahil sa pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus, walang sinuman ang makakakilatis sa mga Pariseo, at kung tiningnan lamang ng mga tao ang panlabas na pag-uugali ng mga Pariseo, labis pa nga silang maiinggit sa mga ito sa loob nila, at titingalain nila ang mga ito. Ginamit ng mga Pariseo ang mga huwad na mabuting pag-uugaling ito upang mapanlokong makuha ang tiwala ng mga tao—hindi ba’t ito ay hindi sinsero at mapanlinlang? Maaari bang mahalin ng mga mapanlinlang na taong ito ang katotohanan? Hinding-hindi. Ano ang layunin sa likod ng kanilang pagpapakita ng mabubuting pag-uugaling ito? Sa isang banda, ito ay upang linlangin ang mga tao. Sa kabilang banda, ito ay upang iligaw ang mga tao at kunin ang loob nila, upang ang mga tao ay magkaroon ng mataas na pagtingin sa kanila at sumamba sa kanila, at sa huli, nais din nilang magantimpalaan. Napakalaking panloloko nito! Hindi ba’t ito ay isang sopistikadong taktika? Minahal ba ng mga taong ito ang pagiging patas at katuwiran? Tiyak na hindi. Ang minahal nila ay katayuan, kasikatan at pakinabang, at ang gusto nila ay isang gantimpala at isang korona. Hindi nila kailanman isinagawa ang mga salita na itinuro ng Diyos sa mga tao, at hindi nila kailanman isinabuhay ang mga katotohanang realidad kahit kaunti. Ang ginawa lamang nila ay gumamit ng mabubuting pag-uugali upang magpanggap, at linlangin ang mga tao at kunin ang loob ng mga tao sa pamamagitan ng kanilang mga mapagpaimbabaw na pamamaraan upang tiyakin ang kanilang sariling katayuan at reputasyon, na ginamit naman nila upang makakuha ng puhunan para sa kanilang sarili at maghanapbuhay. Hindi ba’t iyon ay kasuklam-suklam? Mula sa lahat ng pag-uugali nilang ito, makikita na, sa kanilang diwa, hindi nila minahal ang katotohanan, dahil hindi nila ito kailanman isinagawa. Ano ang isang bagay na nagpapakita na hindi nila isinagawa ang katotohanan? Narito ang pinakamalinaw sa lahat: Ang Panginoong Jesus ay pumarito upang gawin ang gawain ng pagtubos, at ang lahat ng salitang sinambit ng Panginoong Jesus ay ang katotohanan at may awtoridad—paano ito tinrato ng mga Pariseo? Bagama’t kinilala nila na ang mga salita ng Panginoong Jesus ay may awtoridad at kapangyarihan, hindi lamang nila Siya hindi tinanggap, kundi kinondena at nilapastangan pa Siya. Bakit nila ginawa ito? Ito ay dahil hindi nila minahal ang katotohanan, at sa kanilang puso, tutol pa nga sila at namumuhi sa katotohanan. Kinilala nila na ang lahat ng sinabi ng Panginoong Jesus ay tama, may awtoridad at kapangyarihan, at hindi mali sa anumang paraan, at wala silang anumang magagamit laban sa Kanya. Ngunit nagpumilit silang kondenahin ang Panginoong Jesus, at nakipagsabwatan pa nga laban sa Kanya, sinasabi nila, “Ipako siya sa krus. Siya o tayo.” Ganito kumilos ang grupong iyon ng mga Pariseo bilang mga kaaway ng Panginoong Jesus. Noong panahong iyon ay walang sinuman ang nakauunawa sa katotohanan, at walang sinuman ang nakakilala na ang Panginoong Jesus ay ang Diyos na nagkatawang-tao. Ngunit mula sa pananaw ng tao, ang Panginoong Jesus ay nagpahayag ng maraming katotohanan, nagpalayas din Siya ng mga demonyo para sa mga tao at nagpagaling ng mga maysakit, gumawa ng maraming himala, at nagpakain sa 5,000 gamit ang limang tinapay at dalawang isda—gumawa Siya ng napakaraming mabuting bagay, at nagkaloob ng napakaraming biyaya sa mga tao, at napakakaunti ng mabubuti at matutuwid na tao na tulad nito. Kaya, bakit kinondena pa rin ng mga Pariseo ang Panginoong Jesus? Bakit napakatindi ng kanilang pagnanais na ipako Siya sa krus? Mas pinili nilang palayain ang isang kriminal kaysa ang Panginoong Jesus—ipinapakita nito kung gaano kabuktot at kamapaminsala ang mga Pariseo ng mundo ng relihiyon. Napakasama nila! May malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga buktot na mukha ng mga Pariseo na nalantad, at ng kanilang kunwariang panlabas na kabaitan; maraming tao ang hindi nakakilatis kung alin ang totoo at kung alin ang huwad. Ang pagpapakita at gawain ng Panginoong Jesus ay ganap na nagbunyag sa mga Pariseong ito. Napakahusay nilang magpanggap at sa panlabas ay mukhang napakamaka-Diyos sa ilalim ng mga karaniwang sitwasyon, at walang sinuman ang mag-aakala na magagawa nilang labanan at usigin ang Panginoong Jesus sa gayon kalupit na paraan. Kung hindi nabunyag ang mga Pariseo ng mga katunayan, walang sinuman ang makakaarok sa kanila. Ang pagpapahayag ng katotohanan ng Diyos na nagkatawang-tao ay labis na nagbubunyag sa tao!

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Mayroon ding ilan na may kakayahang tanggapin ang bagong liwanag, ngunit hindi nagbabago ang kanilang mga pamamaraan ng pagsasagawa. Dala nila ang dati nilang mga relihiyosong kuru-kuro habang sinusubukan nilang maunawaan ang mga salita ng Diyos ngayon, kaya ang nauunawaan nila ay doktrinang may impluwensiya pa rin ng mga relihiyosong kuru-kuro; hindi nila tinatanggap ang liwanag ngayon sa dalisay at simpleng paraan. Dahil dito, may dungis ang kanilang mga pagsasagawa; pinapalitan nila ng bagong pangalan ang mga pareho at dati nang produkto. Gaano man kahusay ang kanilang pagsasagawa, mga mapagpaimbabaw sila. Inaakay ng Diyos ang tao sa paggawa ng mga bagong bagay araw-araw, hinihingi na bawat araw ay may bago siyang mababatid at bagong mauunawaan, at hinihingi na huwag siyang maging makaluma at paulit-ulit. Kung nanampalataya ka na sa Diyos sa loob ng maraming taon, subalit hindi man lang nagbago ang iyong mga pamamaraan ng pagsasagawa, at kung masigasig at abala ka pa rin tungkol sa mga bagay na panlabas, subalit hindi ka lumalapit sa harap ng Diyos upang matamasa ang Kanyang mga salita nang may tahimik na puso, wala kang mapapala. Pagdating sa pagtanggap sa bagong gawain ng Diyos, kung hindi mo iibahin ang iyong pagpaplano, hindi ka nagsasagawa sa isang bagong paraan, at hindi ka naghahangad ng mas bagong pagkaunawa, kundi sa halip ay kumakapit ka sa lumang mga bagay at tinatanggap lamang ang kaunting limitadong bagong liwanag, nang hindi binabago ang paraan ng iyong pagsasagawa, ang mga taong katulad mo ay kasama sa daloy na ito sa pangalan lamang; ang totoo, sila ay mga relihiyosong Pariseo sa labas ng daloy ng Banal na Espiritu.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Hinggil sa Isang Normal na Espirituwal na Buhay

Ang ilang tao ay gustong magpasikat. Sa piling ng kanilang mga kapatid, maaari nilang sabihin na may pagkakautang sila sa Diyos, ngunit kapag nakatalikod sila, hindi nila isinasagawa ang katotohanan at ganap na iba ang kanilang ikinikilos. Hindi ba sila mga relihiyosong Pariseo? Ang isang taong tunay na nagmamahal sa Diyos at nagtataglay ng katotohanan ay taong tapat sa Diyos ngunit hindi niya ito panlabas na ipinapakita. Ang ganitong tao ay nakahandang isagawa ang katotohanan kapag may nangyayari at hindi nagsasalita o kumikilos sa paraang labag sa kanyang konsensiya. Nagpapakita siya ng karunungan kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, at may prinsipyo siya sa kanyang mga gawa anuman ang mga sitwasyon. Isa rin itong uri ng tao na kayang magbigay ng tunay na paglilingkod. May ilan namang madalas na hanggang salita lamang pagdating sa pagkakautang nila sa Diyos; ginugugol nila ang kanilang mga araw na nakakunot ang noo sa pag-aalala, na nagbabalatkayo, at nagkukunwaring kahabag-habag. Talagang kasuklam-suklam! Kung tatanungin mo sila, “Maaari bang sabihin mo sa akin kung paanong may pagkakautang ka sa Diyos?” wala silang maisasagot. Kung ikaw ay tapat sa Diyos, hindi mo ito ipagsasabi nang lantaran; bagkus ay ipapakita mo ang iyong pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng aktuwal na pagsasagawa, at mananalangin ka sa Kanya nang may tapat na puso. Pawang mapagpaimbabaw ang mga puro salita lang sa Diyos pero wala sa gawa! Ang ilan ay nagsasalita tungkol sa pagkakautang sa Diyos sa bawat panalangin, at nagsisimulang umiyak kapag nananalangin sila, kung kailan man iyon, kahit na walang pag-antig ng Banal na Espiritu. Namamayani sa mga taong tulad nito ang mga panrelihiyong ritwal at kuru-kuro; namumuhay sila ayon sa mga naturang ritwal at kuru-kuro, laging naniniwala na ang mga naturang kilos ay kalugud-lugod sa Diyos at ang paimbabaw na kabanalan o malulungkot na pagluha ay sinasang-ayunan ng Diyos. Magkakaroon ba ng anumang kabuluhan ang gayong mga balighong tao? Upang ipakita ang kanilang pagpapakumbaba, pakunwaring nagpapakita ng kagandahang-asal ang ilan kapag nagsasalita sila sa presensya ng iba. Ang ilan ay sadyang nagpapaalipin sa presensiya ng iba, kumikilos na gaya ng mga tupa na walang kahit anong lakas. Naaangkop ba ang ganitong asal sa mga tao ng kaharian? Ang mga tao ng kaharian ay dapat na buhay na buhay at malaya, dalisay at bukas ang kalooban, matapat at kaibig-ibig, at namumuhay sa kalagayan ng kalayaan. Dapat ay mayroon silang integridad at dignidad at kaya nilang manindigan sa kanilang patotoo saan man sila magpunta; kinalulugdan kapwa ng Diyos at ng tao ang mga ganitong tao. Ang mga baguhan sa pananampalataya ay may napakaraming panlabas na gawi; kailangan muna nilang sumailalim sa isang panahon ng pagpupungos at pagbali. Ang pagkakaroon ng pananalig sa Diyos sa kaibuturan ay hindi isang bagay na nakikita ng iba, ngunit ang mga kilos at gawa ng mga taong mayroon nito ay kapuri-puri. Ang mga ganitong tao lamang ang maituturing na nagsasabuhay sa salita ng Diyos. Kung araw-araw kang nangangaral ng ebanghelyo sa iba’t ibang tao sa pagsisikap na madala sila sa kaligtasan, ngunit sa katapusan ay namumuhay ka pa rin ayon sa mga regulasyon at doktrina, hindi mo mabibigyan ng kaluwalhatian ang Diyos kung gayon. Ang mga naturang tao ay mga relihiyosong tao, at mga mapagpaimbabaw rin. Sa tuwing nagsasama-sama ang mga tao sa mundo ng relihiyon, maaaring itanong nila, “Kapatid, kumusta ka na sa mga araw na ito?” Maaaring sumagot siya, “Pakiramdam ko ay may pagkakautang ako sa Diyos at hindi ko kayang tugunan ang Kanyang mga layunin.” Maaaring sabihin ng isa pa, “Pakiramdam ko rin ay may pagkakautang ako sa Diyos at hindi ko Siya nabibigyang-kasiyahan.” Sa ilang pangungusap at salitang ito pa lang ay nahahayag na ang ubod ng samang mga bagay na nasa kaibuturan nila; ang mga naturang salita ay lubhang nakapandidiri at lubos na kasuklam-suklam. Ang kalikasan ng mga ganitong tao ay sumasalungat sa Diyos. Ang mga nakatuon sa realidad ay nagbabahagi ng kung anuman ang nasa kanilang mga isip at ginagawa nila ito nang may bukas na puso. Hindi sila nakikibahagi sa isa mang bulaang gawa, walang pinapakitang pormalidad o mga hungkag na pakikitungo. Lagi silang prangka at walang mga sinusunod na sekular na patakaran. May mga taong may pagkahilig sa mga panlabas na pagpapakita, maging hanggang sa punto ng lubos na kawalan ng katwiran. Kapag kumakanta ang isa, nagsisimula silang sumayaw, ni hindi man lang napapansin na sunog na ang kaning nasa kanilang palayok. Ang mga naturang tao ay hindi maka-Diyos o marangal, at masyadong di-seryoso. Ang lahat ng ito ay pagpapamalas ng kakulangan ng realidad. Kapag ang ilang tao ay nagbabahagi tungkol sa mga bagay sa espirituwal na buhay, bagaman hindi nila binabanggit ang pagkakautang sa Diyos, mayroon naman silang tunay na pagmamahal sa Kanya sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Ang iyong pagkaramdam ng pagkakautang sa Diyos ay walang kinalaman sa ibang tao; may pagkakautang ka sa Diyos, hindi sa mga tao. Kaya anong silbi na parati mo itong binabanggit sa iba? Kailangang bigyan mo ng halaga ang pagpasok sa realidad, hindi ang panlabas na sigasig o pakitang-tao. Ano ang kinakatawan ng panlabas na mabuting pag-uugali ng tao? Kinakatawan nito ang laman; maging ang pinakamagagandang panlabas na gawi ay hindi kumakatawan sa buhay, at maaari lamang maipakita ng mga ito ang iyong sariling indibidwal na ugali. Hindi kayang matugunan ng mga panlabas na gawi ng tao ang mga layunin ng Diyos. Lagi mong binabanggit ang iyong pagkakautang sa Diyos, ngunit hindi mo kayang tustusan ang buhay ng iba o pukawin ang kanilang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Naniniwala ka bang mapalulugod ng mga naturang kilos mo ang Diyos? Nararamdaman mo na layunin ng Diyos na kumilos ka sa ganitong paraan at na ang mga kilos mo ay espirituwal, ngunit ang totoo ay pawang walang katuturan ang mga ito! Naniniwala ka na kung ano ang gusto mo at kung ano ang nais mong gawin ay iyon mismong mga bagay na nakalulugod sa Diyos. Kaya bang katawanin ng mga kagustuhan mo ang Diyos? Kaya bang katawanin ng personalidad ng isang tao ang Diyos? Ang gusto mo ay iyon mismong kinasusuklaman ng Diyos, at ang iyong mga gawi ay siyang itinataboy ng Diyos. Kung pakiramdam mo ay may pagkakautang ka, kung gayon ay manalangin ka sa harap ng Diyos. Hindi mo kailangang banggitin ito sa iba. Kung hindi ka nananalangin sa Diyos at sa halip ay palaging ibinibida ang iyong sarili sa presensiya ng iba, kaya ba nitong matugunan ang mga layunin ng Diyos? Kung palagi kang nakatuon sa paggawa ng mga bagay-bagay sa panlabas lang, nangangahulugan ito na ikaw ay sukdulan sa pagiging mababaw. Anong uri ng mga tao iyong mayroon lamang panlabas na mabuting pag-uugali at walang realidad? Sila ay mga mapagpaimbabaw na Pariseo at mga tao sa relihiyon! Kung hindi ninyo iwawaksi ang inyong mga panlabas na gawi at hindi ninyo kayang gumawa ng mga pagbabago, lalong lalago sa inyo ang mga elemento ng pagpapaimbabaw. Habang mas higit ang mga elemento ng pagpapaimbabaw sa inyo, mas higit ang paglaban sa Diyos. Sa katapusan, ang mga naturang tao ay siguradong ititiwalag!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananalig, Kailangang Magtuon ang Isang Tao sa Realidad—Ang Pagsasagawa ng mga Panrelihiyong Ritwal ay Hindi Pananalig

May ilang taong sinasangkapan ang kanilang sarili ng mga katotohanan para lamang gumawa at mangaral, para matustusan ang iba, hindi para lutasin ang kanilang sariling mga problema, lalong hindi para isagawa ang mga iyon. Ang sinasabi nila ay tamang pakinggan at tila alinsunod sa katotohanan, pero sadyang hindi nila ito iniuugnay sa kanilang sarili, ni hindi nila pinagninilayan o hinihimay ang sarili nilang kalagayan, lalong hindi sila nagiging bukas sa iba nang totoo. Ano ang problema rito? Sila ba ay mga taong naghahangad ng katotohanan? (Hindi.) Talaga bang natanggap na nila ang katotohanan bilang kanilang buhay? Hindi, hindi pa. Ang doktrinang ipinangangaral ng isang tao, gaano man iyon kadalisay, ay hindi nangangahulugan na taglay niya ang katotohanang realidad. Para sangkapan ang sarili ng katotohanan, dapat mismong ang tao muna ang pumasok sa katotohanang ito, at dapat niyang isagawa ang katotohanan kapag nauunawaan niya iyon. Kung hindi siya magtutuon sa sarili niyang pagpasok, bagkus ay naroon lamang para magpasikat sa pamamagitan ng pangangaral ng katotohanan sa iba, mali ang kanyang intensiyon. Maraming huwad na lider na ganito kung magtrabaho, walang tigil na nakikipagbahaginan sa iba tungkol sa mga katotohanang nauunawaan nila, nagtutustos sa mga bagong mananampalataya, nagtuturo sa mga tao na isagawa ang katotohanan, na gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin, na huwag maging negatibo. Ang mga salitang ito ay pawang maayos at mabuti, at maituturing na mapagmahal ang mga huwad na lider na ito, ngunit bakit sila mismo ay hindi nagsasagawa sa katotohanan o walang buhay pagpasok? Ano ba talaga ang nangyayari dito? Talaga bang mahal ng ganitong tao ang katotohanan? Mahirap sabihin. Ganito ipinaliwanag ng mga Pariseo ng Israel ang mga Kasulatan sa iba, subalit sila mismo ay hindi sumunod sa mga utos ng Diyos kahit kaunti. Nang magpakita at gumawa ang Panginoong Jesus, narinig nila ang tinig ng Diyos ngunit nilabanan ang Panginoon. Ipinako nila ang Panginoong Jesus sa krus at isinumpa sila ng Diyos. Samakatwid, lahat ng taong hindi tumatanggap o nagsasagawa ng katotohanan ay kokondenahin ng Diyos. Napakakahabag-habag nila! Yamang ang mga salita at doktrinang ipinangangaral nila ay nakatutulong sa iba, bakit hindi ito nakatutulong sa kanila mismo? Dapat nating tawagin ang gayong tao na isang mapagpaimbabaw na walang realidad. Tinutustusan nila ang iba ng mga salita ng katotohanan, at ipinapasagawa nila ito sa iba, ngunit hindi nila ito isinasagawa mismo kahit kaunti. Hindi ba’t walang kahihiyan ang gayong tao? Wala siyang katotohanang realidad, subalit ipinapangaral pa rin niya ang mga salita at doktrina sa iba para magkunwaring isang tao na nagtataglay ng katotohanang realidad. Hindi ba’t sadyang panlilihis at pamiminsala ito ng mga tao? Kung ibubunyag at ititiwalag ang gayong tao, sarili lang niya ang masisisi niya. Hindi siya nararapat kaawaan.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Kaugnay na mga Eksena ng Pelikula

Bakit Kasawian ang Sinapit ng mga Hipokritong Fariseo?

Sinundan:  f. Paano mapag-iiba ang pagkakaroon ng gawain ng masasamang espiritu at ang pagiging nasasapian ng masasamang espiritu

Sumunod:  b. Bakit isinumpa ng Panginoong Jesus ang mga Pariseo at ano ang diwa ng mga Pariseo

Kaugnay na Nilalaman

Tanong 8: Ang sinabi mo tungkol sa pagpunta sa impiyerno dahil sa pagkalaban sa Diyos, hindi ako naniniwala d’yan. Sino na ang nakakita sa impiyerno? Ano ang hitsura ng impiyerno? Ni hindi ko alam kung mayroon ngang Diyos. Hindi ko kinikilala na mayroong Diyos. Mayroon nga bang Diyos? Sino na ang nakakita sa Diyos? Kung ang Makapangyarihang Diyos ang tunay na Diyos, kapag desperadong tinutuligsa at inaatake ng CCP ang Makapangyarihang Diyos, bakit hindi pa ito pinupuksa ng Diyos? Kung ibubunyag ng Diyos ang Kanyang walang-hanggang kapangyarihan at pupuksain ang Communist Party, Siya nga ang tunay na Diyos. Sa gayong paraan, kailangang kilalanin ng buong sangkatauhan na ang Makapangyarihang Diyos ang tunay na Diyos, kahit ang CCP ay kailangang manikluhod at sumamba sa tunay na Diyos. Sino ang mangangahas na kalabanin ang Diyos? Pero ano ang totoong nangyari? Ang nakita ko ay inaaresto ng mga pulis ng CCP ang mga nananalig sa Diyos sa lahat ng dako. Marami sa mga nananalig sa Diyos ang ibinilanggo, pinahirapan at nilumpo. Marami sa kanila ang pinatay. Gayunman, iniligtas ba sila ng Diyos n’yo? Paano nito mapapaniwala ang isang tao na totoo ang Diyos na pinananaligan n’yo? Hindi ko talaga kayo maunawaan. Tunay ba o huwad ang Diyos na pinananaligan n’yo? Nangangamba ako na ni hindi n’yo ito alam. Kung gayon, hindi ba kahangalan ’yan? Ano ang batayan n’yo sa pagsasabi na ang Diyos na pinananaligan n’yo ang tunay na Diyos? Malinaw ba n’yong maipapaliwanag ’yan?

Sagot: May karanasan na kayo. Tungkol sa pag-iral at pangingibabaw ng Diyos, talaga bang wala kayong alam? Mula nang likhain ang mundo,...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger