Kabanata 81
Napakasama at napakamapangalunya ng lumang kapanahunang ito! Lalamunin kita! Bundok ng Sion! Bumangon upang Ako’y ipagbunyi! Para sa kaganapan ng Aking plano ng pamamahala, para sa matagumpay na kaganapan ng Aking dakilang gawain, sinong nangangahas na hindi bumangon at magdiwang! Sinong nangangahas na hindi bumangon at tumalon sa galak nang walang humpay! Sila ay hahampasin ng Aking kamay! Nagsasagawa Ako ng katuwiran sa lahat, wala ni katiting na awa o mapagmahal na kabaitan, at walang ipinapakitang paboritismo. Lahat ng mga tao! Bumangon kayo upang magpuri at magbigay-kaluwalhatian sa Akin! Lahat ng walang-katapusang kaluwalhatian, mula sa kawalang-hanggan hanggang sa kawalang-hanggan, ay umiiral dahil sa Akin at itinatag sa pamamagitan Ko. Sino ang mangangahas na kunin ang kaluwalhatian para sa kanyang sarili? Sino ang mangangahas na ituring ang Aking kaluwalhatian bilang isang materyal na bagay? Hahampasin sila ng Aking kamay! O, malulupit na tao! Ako ang lumikha sa inyo at nagtustos sa inyo, at pinamunuan Ko kayo hanggang sa araw na ito, gayunma’y hindi ninyo Ako kilala nang kahit kaunti at hindi man lamang ninyo Ako minamahal. Paano Ako muling makakapagpakita ng habag sa inyo? Paano Ko kayo maililigtas? Maaari Ko lamang kayong tratuhin sa pamamagitan ng Aking poot! Susuklian Ko kayo ng pagwasak at ng walang-hanggang pagkastigo. Ito ang katuwiran; ito lang ang maaaring maging paraan nito.
Ang Aking kaharian ay matibay at matatag; hindi ito kailanman guguho. Iiral ito hanggang sa kawalang-hanggan! Ang Aking mga anak, ang Aking mga panganay na anak, at ang Aking mga tao ay magtatamasa ng magagandang pagpapala kasama Ko magpakailan pa man! Ang mga walang espirituwal na pang-unawa at hindi pinagkakalooban ng mga paghahayag mula sa Banal na Espiritu ay puputulin mula sa Aking kaharian sa malao’t madali. Hindi sila aalis sa kanilang kagustuhan kundi sapilitang palalabasin sa pamamagitan ng awtoridad ng Aking bakal na pamalo at ng Aking pagiging kapita-pitagan; higit pa rito, sila ay sisipain palabas ng Aking paa. Sila na dating sinapian ng masasamang espiritu sa ilang panahon (ibig sabihin, simula sa pagkasilang) ay malalantad lahat ngayon. Sisipain kita palabas! Natatandaan pa ba ninyo ang nasabi Ko na? Ako—ang banal at walang-bahid na Diyos—ay hindi nananahan sa isang madungis at maruming templo. Alam iyon ng mga sinapian ng masasamang espiritu sa kanilang mga sarili, at hindi Ko na kailangang linawin pa. Hindi kita paunang itinadhana! Ikaw ay isang matandang Satanas, subalit nais mong pasukin ang Aking kaharian! Hinding-hindi! Sinasabi Ko sa iyo! Ngayon ay gagawin Kong napakalinaw para sa iyo: Sila na pinili Ko sa panahon ng paglikha ng sangkatauhan ay pinuspos Ko na ng Aking kakayahan at ng Aking disposisyon; samakatuwid, ngayon sila ay tapat lamang sa Akin, kaya nilang magdala ng pasanin para sa iglesia, at handa nilang gugulin ang kanilang mga sarili para sa Akin at ialay ang kanilang buong pagkatao sa Akin. Samakatwid, ang mga hindi Ko pinili ay ginawa nang tiwali ni Satanas hanggang sa isang tiyak na antas, at hindi sila nagtataglay ng Aking kakayahan at ng Aking disposisyon. Iniisip ninyo na magkakasalungat ang Aking mga salita, ngunit ang mga salitang “Kayo ay paunang itinadhana at pinili Ko, gayunman ay dadalhin ninyo ang mga bunga ng inyong mga pagkilos” ay tumutukoy lahat sa mga Satanas. Ngayon, Aking ipapaliwanag ang isang punto: Ngayong araw na ito, sila na mga makakabangon at makakahawak ng awtoridad sa mga iglesia, makakaakay sa mga iglesia, makakapagsaalang-alang ng Aking pasanin, at makakatupad ng mga tanging tungkulin—wala ni isa sa mga taong iyon ang nagseserbisyo para kay Cristo; silang lahat ay ang Akin nang paunang itinadhana at pinili. Sinasabi Ko ito sa inyo para hindi kayo masyadong mabahala at maantala ang inyong pagsulong sa buhay. Ilan ang maaaring tumanggap sa katayuan ng panganay na anak? Maaari kayang kasingdali ito ng pagkuha ng isang diploma? Imposible! Kung hindi dahil sa paggawa Kong perpekto sa inyo, matagal na sana kayong nagawang tiwali ni Satanas hanggang sa isang tiyak na antas. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit Kong idinidiin na lagi Kong lilingapin at pangangalagaan ang mga tapat sa Akin at ipagtatanggol sila mula sa kapahamakan at pagdurusa. Ang mga hindi Ko paunang itinadhana—silang mga sinapian na ng masasamang espiritu, ang mga manhid, mapurol ang isip, at di-naliwanagan sa espirituwal na hindi kayang magpastol sa mga iglesia (ibig sabihin, sila na masigasig ngunit hindi malinaw sa kanila ang tungkol sa mga pangitain)—dapat kang maalis kaagad sa Aking paningin, at kung mas maaga ay mas mabuti para hindi Ako masuklam at magalit sa pagkakita sa iyo. Kung mabilis kang makakalayo, mas kakaunting pagkastigo ang matatanggap mo—ngunit kung mas matatagalan ka, mas malupit ang magiging pagkastigo. Nauunawaan mo ba? Huwag maging masyadong walang kahihiyan! Ikaw ay mapagpalayaw at walang pigil, walang-ingat, at walang ideya kung anong uri ka ng buhong! Bulag ka!
Sila na humahawak ng kapangyarihan sa Aking kaharian ay maingat Kong piniling lahat at sumailalim sa paulit-ulit na mga pagsubok; walang sinuman ang makakatalo sa kanila. Binigyan Ko na sila ng lakas, kaya hindi sila kailanman babagsak o maliligaw. Sila ay itinuring Kong karapat-dapat. Mula sa araw na ito, ang mga mapagpaimbabaw ay magpapakita ng kanilang totoong kulay. May kakayahan silang gawin ang lahat ng klase ng mga kahiya-hiyang bagay, ngunit sa kahuli-hulihan ay hindi nila matatakasan ang Aking kamay na kumakastigo at sumusunog kay Satanas. Ang Aking templo ay magiging banal at walang-bahid. Lahat ng ito ay patotoo sa Akin, isang pagpapamalas sa Akin, at kaluwalhatian sa Aking pangalan. Ang Aking templo ang Aking walang-hanggang tahanan at ang layon ng Aking walang-hanggang pag-ibig, patuloy Ko itong hinahaplos gamit ang kamay ng pagmamahal, inaalo ito gamit ang mga salita ng pagmamahal, binabantayan ito gamit ang mga mata ng pagmamahal, at niyayakap ito sa dibdib ng pagmamahal upang tiyak na hindi ito mahulog sa mga pakana ng masasamang tao o malansi ni Satanas. Ngayon, sila na nagseserbisyo sa Akin ngunit hindi Ko inililigtas ay Aking gagamitin sa huling pagkakataon. Bakit Ako nagmamadaling patalsikin ang mga bagay na ito mula sa Aking kaharian? Bakit Ko sila dapat itaboy mula sa Aking paningin? Kinamumuhian Ko sila mula sa Aking kaibuturan! Bakit hindi Ko sila inililigtas? Bakit Ko sila kinamumuhian? Bakit kailangan Ko silang hampasin? Bakit kailangan Ko silang lipulin? (Hindi makakapanatili sa Aking paningin ang kahit katiting sa kanila, kabilang ang kanilang mga abo.) Bakit? Ang malaking pulang dragon, ang sinaunang ahas, ang matandang Satanas, ay umaasam pa rin na maging palamunin sa Aking kaharian! Huwag nang magpantasya! Lahat sila ay ganap na mawawasak at magiging mga abo!
Wawasakin Ko ang kapanahunang ito, babaguhin ito upang maging Aking kaharian, at mamumuhay at magtatamasa kasama ng mga taong Aking minamahal hanggang sa kawalang-hanggan. Ang maruruming bagay na iyon ay hindi dapat mag-isip na makakapanatili sila sa Aking kaharian. Iniisip ba ninyong puwede ninyong samantalahin ang sitwasyon para sa inyong sariling personal na pakinabang? Kalimutan ang mga gayong pagpapantasya! Hindi ninyo alam na sinisiyasat ng mga mata Ko ang lahat ng bagay! Hindi ninyo alam na ang lahat ay pinamamatnugutan ng Aking kamay! Huwag ninyong isipin na masyado kayong marangal! Bawat isa sa inyo ay dapat lumagay sa dapat ninyong pagkalagyan. Huwag magkunwaring mapagkumbaba (tinutukoy Ko silang mga pinagpala) o manginig at matakot (tinutukoy Ko sila na nahaharap sa kapahamakan). Ngayon, dapat malaman ng lahat ng tao mismo sa loob ng kanilang mga puso. Kahit na hindi Ko binabanggit ang inyong pangalan, dapat pa rin kayong makadama ng katiyakan, dahil itinuon Ko na ang Aking mga salita sa bawat indibiduwal. Kung kayo man ay Aking hinirang o hindi, ang Aking mga salita ay nakatuon lahat sa inyong kasalukuyang sitwasyon. Ibig sabihin niyan, kung kayo ay kasama sa Aking mga hinirang, kung gayon nagsasalita Ako tungkol sa kalagayan ng Aking mga hinirang batay sa kung papaano ninyo ipinakita ang inyong mga sarili; para naman sa kanilang hindi kabilang sa Aking mga hinirang, nagsasalita rin Ako ayon sa kanilang mga kalagayan. Samakatuwid, ang Aking mga salita ay sinabi hanggang sa isang partikular na antas; bawat isa sa inyo ay dapat magkaroon ng mabuting pang-unawa tungkol diyan. Huwag dayain ang inyong mga sarili! Huwag matakot! Dahil limitado lamang sa iilan ang bilang ng mga tao, hindi uubra ang pagpepeke rito! Sinumang sinasabi Ko na hinirang ay hinirang, at gaano ka man kagaling magkunwari, wala itong silbi kung wala ang Aking kakayahan. Dahil ang Aking salita ay tiyak, hindi Ko basta na lamang ginagambala ang Aking sariling mga plano; ginagawa Ko kung anuman ang gusto Kong gawin, dahil lahat ng ginagawa Ko ay tama. Ako ang pinakamakapangyarihan, at Ako ay natatangi. Maliwanag ba ito sa inyo? Nauunawaan ba ninyo?
Ngayon, pagkatapos basahin ang Aking mga salita, sila na gumagawa ng masama at mga baliko at mapanlinlang ay nagpapagal din para maghanap ng pag-unlad at gawin ang kanilang pansariling mga pagsisikap. Nais nilang magbayad ng maliit lamang na halaga upang lihim na pasukin ang Aking kaharian. Dapat nilang isantabi ang gayong mga pag-iisip! (Ang mga taong ito ay walang pag-asa dahil hindi Ko sila binigyan ng pagkakataong magsisi.) Binabantayan Ko ang pintuan ng Aking kaharian. Naniniwala ka ba na makakapasok ang mga tao sa Aking kaharian ayon sa kanilang kagustuhan? Naniniwala ka ba na basta na lamang tatanggapin ng Aking kaharian ang anumang uri ng patapong-bagay? Na kukunin ng Aking kaharian ang anumang uri ng basurang walang halaga? Nagkakamali ka! Ngayon, sila na nasa kaharian ay sila na kasama Kong humahawak ng makaharing kapangyarihan; maingat Ko silang nilinang. Ito ay isang bagay na hindi makakamit kung gugustuhin lamang; dapat mong makuha ang Aking pagsang-ayon. Higit pa rito, hindi ito isang bagay na tinatalakay sa kahit sino; ito ay isang bagay na Ako Mismo ang nagsasaayos. Anumang sabihin Ko ay siyang nangyayari. Ang Aking mga misteryo ay ibinubunyag sa Aking mga minamahal. Sila na gumagawa ng masama—ibig sabihin, sila na hindi Ko hinirang—ay walang karapatang tumanggap ng mga iyon. Kahit pa marinig nila ang mga hiwagang iyon, hindi nila mauunawaan dahil tinakpan na ni Satanas ang kanilang mga mata at hinawakan ang kanilang mga puso, sinisira ang kanilang buong pagkatao. Bakit sinasabi na kamangha-mangha at marunong ang Aking mga pagkilos, at na minamaniobra Ko ang lahat ng bagay upang magserbisyo para sa Akin? Ipapasa Ko kay Satanas ang mga hindi Ko paunang itinadhana at hinirang para parusahan at gawin silang tiwali; at hindi Ko kakailanganing makialam dito; ganito Ako karunong! Mayroon na bang nakaisip nito? Nang walang kahirap-hirap, ang Aking dakilang gawain ay natupad na, hindi ba?