Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon
Mula nang simulan ng Diyos ang gawain Niya sa sansinukob, pauna Niyang itinadhana ang maraming tao upang paglingkuran Siya, kabilang na ang mga taong mula sa lahat ng uri ng pamumuhay, nang may layon na matugunan ang Kanyang mga layunin at maayos na makokompleto ang Kanyang gawain sa lupa—ito ang layon ng Diyos sa pagpili ng mga taong maglilingkod sa Kanya. Dapat maunawaan ng bawat taong naglilingkod sa Diyos ang layunin Niyang ito. Sa pamamagitan ng gawaing ito ng Diyos, nakikita ng mga tao nang may higit na kalinawan ang karunungan at ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain sa lupa. Sa praktikal na paraan, ang Diyos ay pumarito sa lupa upang gawin ang Kanyang gawain at makipag-ugnayan sa mga tao, upang mas malinaw nilang malaman ang Kanyang mga gawa. Ngayon, kayo—ang grupong ito ng mga tao—ay mapalad na maglingkod sa praktikal na Diyos. Ito ay di-masusukat na pagpapala para sa inyo—tunay na ito ay pagtataas ng Diyos sa inyo. Sa pagpili ng isang tao na maglilingkod sa Kanya, ang Diyos ay laging may sariling mga prinsipyo. Hinding-hindi iyon ang kaso, gaya ng iniisip ng mga tao, na ang tao ay makapaglilingkod sa Diyos hangga’t mayroon siyang kasigasigan. Ngayon, nakikita ninyo na ang lahat ng naglilingkod sa harap ng Diyos ay ginagawa ito dahil sa gabay ng Diyos, at na sila ay mayroong gawain ng Banal na Espiritu, at mga taong naghahangad ng katotohanan. Ang mga ito ang mga pinakamababang kondisyon para sa lahat ng naglilingkod sa Diyos.
Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi isang simpleng gampanin. Ang mga taong hindi nagbabago ang tiwaling disposisyon ay hindi kailanman maaaring maglingkod sa Diyos. Kung ang disposisyon mo ay hindi pa nahatulan at nakastigo ng mga salita ng Diyos, ang disposisyon mo ay kumakatawan pa rin kay Satanas, na nagpapatunay na ang paglilingkod mo sa Diyos ay ang pag-aalay mo lang ng sarili mong mabubuting intensiyon, na ang paglilingkod mo ay batay sa iyong satanikong kalikasan. Naglilingkod ka sa Diyos gamit ang likas mong karakter, at ayon sa mga personal mong kagustuhan. Dagdag pa rito, lagi mong iniisip na ang mga bagay na handa kang gawin ay ang mga bagay na nakalulugod sa Diyos, at ang mga bagay na hindi mo nais gawin ay ang mga bagay na kinapopootan ng Diyos; lubos kang gumagawa nang naaayon sa sarili mong mga kagustuhan. Matatawag ba itong paglilingkod sa Diyos? Sa huli, ang buhay disposisyon mo ay hindi magbabago ni katiting; sa halip, magiging mas mapagmatigas ito dahil sa paglilingkod mo, at sa gayon ay lubos na mapapalalim ang iyong tiwaling disposisyon, at sa gayon, mabubuo sa iyong kalooban ang mga alituntunin sa paglilingkod sa Diyos na ang pangunahing batayan ay ang sarili mong karakter, at karanasang mula sa iyong paglilingkod ayon sa sarili mong disposisyon. Ang mga ito ang karanasan at mga aral ng tao. Ito ang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ng tao. Ang mga taong tulad nito ay mga Pariseo at mga opisyal ng relihiyon. Kung hindi sila mamumulat at magsisisi ngayon, tiyak na magiging mga huwad na cristo at mga anticristo sila na nanlilihis ng mga tao sa mga huling araw. Magmumula sa ganitong mga tao ang nabanggit na mga huwad na cristo at mga anticristo. Kung ang mga naglilingkod sa Diyos ay sumusunod sa sarili nilang karakter at kumikilos ayon sa sarili nilang kalooban, nanganganib silang maitiwalag anumang oras. Ang mga umaasa sa kanilang maraming taon ng karanasan para maglingkod sa Diyos upang makuha ang loob ng ibang tao, mapangaralan at malimitahan sila, at magkaroon ng mataas na katayuan—at hindi kailanman nagsisisi, hindi kailanman nagtatapat ng kanilang mga kasalanan, hindi kailanman tinatalikuran ang mga pakinabang ng katayuan—ang mga taong ito ay babagsak sa harap ng Diyos. Sila ay mga kauri ni Pablo, nagpapalagay na nakatataas sila at ipinagmamalaki sa iba ang kanilang mga kredensiyal. Hindi ginagawang perpekto ng Diyos ang mga taong tulad nito. Ang gayong paglilingkod ay katumbas ng paggambala sa gawain ng Diyos. Ang mga tao ay palaging kumakapit sa luma. Kumakapit sila sa mga kuru-kuro ng nakalipas, sa lahat ng bagay mula sa nakaraan. Malaking sagabal ito sa kanilang paglilingkod. Kung hindi mo iwawaksi ang mga ito, sisirain ng mga bagay na ito ang buong buhay mo. Kahit na mabali ang mga binti mo sa pagpaparoo’t parito, mabali ang likod mo sa pagtatrabaho, o kahit pa maging martir ka alang-alang sa “paglilingkod” sa Diyos, hindi ka sasang-ayunan ng Diyos kahit kaunti. Sa kabaligtaran: sasabihin Niya na ikaw ay isang taong gumagawa ng masama.
Simula ngayon, pormal na gagawing perpekto ng Diyos iyong mga walang kuru-kurong panrelihiyon, na handang isantabi ang mga lumang sarili nila, at nagpapasakop sa Diyos sa simpleng paraan. Gagawin Niyang perpekto ang mga nananabik sa mga salita ng Diyos. Ang mga taong ito ay dapat tumindig at maglingkod sa Diyos. Sa Diyos, mayroong walang-katapusang kasaganaan at walang-hangganang karunungan. Ang Kanyang kahanga-hangang gawain at mahahalagang salita ay naghihintay na matamasa ng mas maraming tao. Sa ngayon, ang mga taong may mga kuru-kuro tungkol sa relihiyon, ang mga nag-aakalang nakatataas sila, at ang mga hindi maisantabi ang kanilang mga sarili ay nahihirapang tanggapin ang mga bagong bagay na ito. Walang pagkakataon ang Banal na Espiritu na gawing perpekto ang mga taong ito. Kung ang isang tao ay walang determinasyon na magpasakop, at hindi nauuhaw sa mga salita ng Diyos, wala siyang paraan para matanggap ang mga bagong bagay na ito; siya ay patuloy lamang na magiging mas mapanghimagsik, patuloy na magiging mas tuso, at dahil dito ay hahantong siya sa maling daan. Sa paggawa Niya ng Kanyang gawain ngayon, mas maraming ibabangon ang Diyos na mga tao na tunay na nagmamahal sa Kanya at kayang tumanggap ng bagong liwanag, at lubos Niyang pababagsakin ang mga opisyal ng relihiyon na nagpapalagay na nakatataas sila; hindi Niya nais ang ni isa sa gayong mga tao na matitigas ang ulo na lumalaban sa pagbabago. Nais mo bang maging isa sa mga taong ito? Naglilingkod ka ba ayon sa sarili mong mga kagustuhan o sa hinihingi ng Diyos? Isa itong bagay na dapat ay ikaw mismo ang makaalam. Isa ka bang opisyal ng relihiyon, o isa ka bang bagong-silang na sanggol na ginagawang perpekto ng Diyos? Gaano karami sa paglilingkod mo ang sinasang-ayunan ng Banal na Espiritu? Gaano karami dito ang hinding-hindi tatandaan ng Diyos? Gaano kalaking pagbabago ang naganap sa buhay mo bilang resulta ng lahat ng taon mo ng paglilingkod? Malinaw ba sa iyo ang lahat ng ito? Kung tunay kang nananalig, iwawaksi mo ang mga dati mong kuru-kurong panrelihiyon na mula pa sa nakaraan, at paglilingkuran mo nang mas mabuti ang Diyos sa isang bagong paraan. Hindi pa huli ang lahat para tumindig ngayon. Kayang mapawalan ng saysay ng mga dating kuru-kurong panrelihiyon ang buong buhay ng isang tao. Ang karanasang natatamo ng isang tao ay maaaring magdulot sa kanya na lumayo sa Diyos at umasa sa kanyang sarili sa paggawa ng mga bagay. Kung hindi mo isasantabi ang mga bagay na ito, magiging sagabal ang mga ito sa paglago mo sa buhay. Palaging ginagawang perpekto ng Diyos ang mga naglilingkod sa Kanya, at hindi Niya sila itinitiwalag nang basta-basta na lamang. Kung tunay mong tinatanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, kung kaya mong isantabi ang mga dating pagsasagawa at regulasyon ng relihiyon, at tumigil sa paggamit ng mga dati mong kuru-kurong panrelihiyon bilang panukat ng mga salita ng Diyos sa kasalukuyan, saka ka lamang magkakaroon ng anumang kinabukasang masasabi. Ngunit kung kakapit ka sa mga lumang bagay mula sa nakaraan, kung pinahahalagahan mo pa rin ang mga ito, walang paraan para mailigtas ka. Hindi pinapansin ng Diyos ang ganitong mga tao. Kung talagang handa kang magawang perpekto, dapat kang magpasya na ganap na talikuran ang lahat ng bagay mula sa nakaraan. Kahit pa tama ang nagawa noon, kahit pa ito ay ginawa ng Diyos, dapat magawa mo pa ring isantabi ito at huwag kumapit dito. Kahit pa malinaw na gawain ito ng Banal na Espiritu, tuwirang ginawa ng Banal na Espiritu, ngayon ay dapat mo itong isantabi. Hindi mo ito dapat panghawakan. Ito ang hinihingi ng Diyos. Ang lahat ng bagay ay dapat mapanibago. Sa gawain ng Diyos at mga salita ng Diyos, pare-pareho Niyang hindi binabanggit ang mga lumang bagay na naganap noon, hindi Siya sumasangguni sa lumang almanak; ang Diyos ay isang Diyos na palaging bago at hindi kailanman luma, at hindi Siya kumakapit kahit sa sarili Niyang mga salita mula sa nakaraan—na nagpapakita na ang Diyos ay hindi sumusunod sa anumang mga regulasyon. Kaya kung ikaw, bilang isang tao, ay palaging kumakapit sa mga bagay mula sa nakaraan at tumatanggi kang bitiwan ang mga ito, at mahigpit mong ginagamit ang mga ito na para bang pormula, pero ang Diyos ay hindi gumagawa gamit ang mga paraang ginamit Niya noon, hindi ba’t nakagagambala ang mga salita at kilos mo? Hindi ba’t antagonistiko ang mga ito sa Diyos? Handa ka bang hayaang masira ang buong buhay mo dahil sa mga lumang bagay na ito? Ang mga lumang bagay na ito ay gagawin kang isang taong gumagambala sa gawain ng Diyos—ito ba ang uri ng tao na nais mong maging? Kung talagang hindi mo iyon ninanais, itigil mo agad ang iyong ginagawa at ituwid ang iyong sarili; magsimula kang muli. Hindi tatandaan ng Diyos ang paglilingkod mo noon.