Tumakas Mula sa Impluwensiya ng Kadiliman, at Makakamit Ka ng Diyos
Ano ba ang impluwensiya ng kadiliman? Ang tinatawag na “impluwensiya ng kadiliman” ay ang impluwensiya ng panlilihis, pagtitiwali, paggapos, at pagkontrol ni Satanas sa mga tao; ang impluwensiya ni Satanas ay isang impluwensiyang may atmospera ng kamatayan. Lahat ng namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay tiyak na mamamatay. Paano ka makakatakas mula sa impluwensiya ng kadiliman pagkatapos mong manampalataya sa Diyos? Kapag nanalangin ka na nang taos sa Diyos, ganap na babaling ang iyong puso sa Kanya, at sa puntong ito ay maaantig ng Espiritu ng Diyos ang puso mo at magiging handa kang ganap na ibigay sa Kanya ang iyong sarili, at sa sandaling ito, nakatakas ka na mula sa impluwensiya ng kadiliman. Kung ang lahat ng ginagawa ng isang tao ay yaong nakalulugod sa Diyos at naaayon sa Kanyang mga hinihingi, siya ay isang taong namumuhay sa loob ng mga salita ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang pangangalaga at proteksyon. Kung hindi maisagawa ng mga tao ang mga salita ng Diyos, kung lagi silang kumikilos nang pabasta-basta sa Kanya, at hindi naniniwala sa Kanyang pag-iral, lahat ng ito ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Ang mga hindi naligtas ng Diyos ay pawang namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas; ibig sabihin, lahat sila ay namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Kahit yaong mga naniniwala sa pag-iral ng Diyos ay maaaring hindi namumuhay sa Kanyang liwanag, sapagkat yaong mga nananampalataya sa Kanya ay hindi tiyak na namumuhay sa loob ng Kanyang mga salita o nagagawang magpasakop sa Diyos. Ang tao ay limitado sa pananampalataya sa Diyos, at dahil wala siyang pagkakilala sa Diyos, namumuhay pa rin siya sa loob ng mga lumang regulasyon, namumuhay sa gitna ng mga patay na salita, at namumuhay ng isang buhay na madilim at malabo, nang hindi lubos na napadalisay ng Diyos ni lubos Niyang nakamit. Samakatwid, hindi na kailangang sabihin pa na yaong mga hindi naniniwala sa Diyos ay namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman; kahit ang mga taong naniniwala na umiiral ang Diyos ay maaari pa ring mamuhay sa ilalim ng impluwensiya nito dahil sa kawalan ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga walang biyaya o awa ng Diyos ay hindi kayang makita ang direksiyon ng gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga hindi kayang madama kung ang Banal na Espiritu ay gumagawa sa kanila o hindi ay pawang namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman; at karaniwan, gayon din ang mga taong nagtatamasa lamang ng biyaya ng Diyos subalit hindi Siya nakikilala. Kung ang isang tao ay nananampalataya sa Diyos subalit ginugugol niya ang malaking bahagi ng buhay niya sa pamumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, kung gayon, ang pag-iral ng taong ito ay nawalan na ng kabuluhan—at bakit pa babanggitin ang mga taong hindi naniniwala na mayroong Diyos?
Lahat niyaong hindi matanggap ang gawain ng Diyos, o tinatanggap ang gawain ng Diyos ngunit hindi makatugon sa Kanyang mga hinihingi, ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Yaon lamang mga naghahangad ng katotohanan at kayang tumugon sa mga hinihingi ng Diyos ang pagpapalain ng Diyos, at sila lamang ang nakatakas mula sa impluwensiya ng kadiliman. Ang mga hindi nakadarama ng paglaya, na palaging nalilimitahan ng ilang bagay, at hindi magawang ibigay ang kanilang puso sa Diyos ay mga taong nasa ilalim ng gapos ni Satanas na namumuhay sa gitna ng atmospera ng kamatayan. Yaong mga hindi deboto sa mga tungkuling nararapat nilang gawin, na hindi deboto sa atas ng Diyos, at hindi nagagampanan ang kanilang mga papel sa iglesia ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Yaong mga sadyang gumugulo sa buhay iglesia, na sadyang nagpapasimula ng alitan sa pagitan ng kanilang mga kapatid, o bumubuo ng mga paksyon ay higit na mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, sa gapos ni Satanas. Yaong mga hindi normal ang kaugnayan sa Diyos, na laging may mga labis-labis na pagnanasa, na laging nais na makinabang, at sadyang ayaw na maghangad ng pagbabago sa disposisyon ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Yaong mga laging walang-ingat at hindi seryoso sa kanilang pagsasagawa ng katotohanan, at hindi naghahangad na matugunan ang mga layunin ng Diyos, na nagbibigay-kasiyahan lang sa kanilang laman, ay mga tao ring namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, na nalalambungan ng kamatayan. Yaong mga gumagawa ng pagiging baliko at panlilinlang kapag gumagawa para sa Diyos, na pabasta-bastang humaharap sa Diyos, na dinadaya ang Diyos, at laging nagpaplano para sa kanilang sarili ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Lahat niyaong hindi kayang magmahal sa Diyos nang may matapat na puso, na hindi hinahangad ang katotohanan, at hindi tumutuon sa pagbabago ng kanilang mga disposisyon ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman.
Kung nais mong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos, kailangan mo munang tumakas mula sa madilim na impluwensiya ni Satanas, buksan ang iyong puso sa Diyos at ibaling ito sa Kanya nang lubusan. Ang mga bagay ba na ginagawa mo ngayon ay mga bagay na sinasang-ayunan ng Diyos? Naibaling mo na ba ang puso mo sa Diyos? Ang mga bagay ba na ginagawa mo ay mga bagay na hinihingi sa iyo ng Diyos? Naaayon ba ang mga iyon sa katotohanan? Suriin mo ang iyong sarili sa lahat ng oras at tumutok sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos; ilagay mo ang puso mo sa Kanyang harapan, mahalin mo Siya nang may sinseridad, at deboto mong gugulin ang iyong sarili para sa Diyos. Ang mga taong gumagawa nito ay tiyak na tatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos. Lahat niyaong nananampalataya sa Diyos, subalit hindi naghahangad sa katotohanan, ay walang paraan upang makatakas mula sa impluwensiya ni Satanas. Lahat niyaong hindi umaasal sa isang totoong paraan, na umaasal sa isang partikular na paraan sa harap ng iba ngunit iba ang asal pagtalikod nila, na nagpapakita ng pagpapakumbaba, pasensya, at pagmamahal bagama’t sila ay lihim na mapanira at tuso sa diwa, at walang katapatan sa Diyos—ang gayong mga tao ay tipikal na mga kinatawan niyaong mga namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman; sila ang mga kauri ng ahas. Yaong mga nagpapakana lamang para sa sarili nilang kapakanan sa kanilang pananampalataya sa Diyos, na nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba at labis na mapagpahalaga sa sarili, mapagpasikat, at pinoprotektahan ang sarili nilang katayuan ay mga taong nagmamahal kay Satanas at kumokontra sa katotohanan. Ang mga taong ito ay lumalaban sa Diyos at lubos na kay Satanas. Yaong mga hindi nagsasaalang-alang sa mga pasanin ng Diyos, na hindi naglilingkod sa Diyos nang buong-puso, na laging inaalala ang kanilang mga interes at ang interes ng kanilang pamilya, na hindi magawang talikuran ang lahat upang gugulin ang kanilang sarili para sa Diyos, at na hindi kailanman namumuhay ayon sa Kanyang mga salita ay mga taong hindi sakop ng Kanyang mga salita. Ang ganitong mga tao ay hindi makakatanggap ng pagsang-ayon ng Diyos.
Nang likhain ng Diyos ang mga tao, ito ay upang matamasa nila ang Kanyang kasaganaan at tunay Siyang mahalin; sa ganitong paraan, mamumuhay sila sa Kanyang liwanag. Ngayon, lahat niyaong hindi kayang magmahal sa Diyos, hindi kayang maging mapagsaalang-alang sa Kanyang mga pasanin, hindi magawang ibigay nang lubusan ang kanilang puso sa Kanya, hindi magawang ituring ang Kanyang puso bilang sarili nilang puso, at hindi kayang akuin ang Kanyang mga pasanin bilang sarili nila, ay hindi sinisinagan ng liwanag ng Diyos, at sa gayon ay pawang namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Ang mga taong ito ay ganap na sumasalungat sa mga layunin ng Diyos, at walang bahid ng katotohanan ang anumang kanilang ginagawa. Nakalublob sila sa burak kasama ni Satanas; sila ay mga taong namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman. Kung nagagawa mong madalas na kumain at uminom ng mga salita ng Diyos at isaalang-alang ang Kanyang mga layunin at isagawa ang Kanyang mga salita, kung gayon, ikaw ay hinirang ng Diyos, at ikaw ay isang taong namumuhay sa loob ng Kanyang mga salita. Handa ka bang tumakas mula sa kapangyarihan ni Satanas at mamuhay sa liwanag ng Diyos? Kung namumuhay ka sa loob ng mga salita ng Diyos, magkakaroon ng pagkakataon ang Banal na Espiritu na gampanan ang Kanyang gawain. Kung namumuhay ka sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, hindi magkakaroon ng gayong pagkakataon ang Banal na Espiritu. Ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu sa mga tao, ang liwanag na Kanyang pinasisikat sa kanila, at ang pananalig na ibinibigay Niya sa kanila ay tumatagal lamang nang isang saglit; kung ang mga tao ay hindi maingat at hindi nag-uukol ng pansin, lalampasan sila ng gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ang mga tao sa loob ng mga salita ng Diyos, sasakanila ang Banal na Espiritu at gagawa sa kanila. Kung hindi sila namumuhay sa loob ng mga salita ng Diyos, namumuhay sila sa gapos ni Satanas. Kung namumuhay sila sa loob ng mga tiwaling disposisyon, wala sa kanila ang presensya o gawain ng Banal na Espiritu. Kung namumuhay ka sa loob ng hangganan ng mga salita ng Diyos, at sa kalagayang hinihingi ng Diyos, kung gayon, ikaw ay isang hinirang Niya, at ang Kanyang gawain ay maisasagawa sa iyo. Kung hindi ka namumuhay sa loob ng mga hangganan ng mga hinihingi ng Diyos, kundi sa halip ay namumuhay ka sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, tiyak na namumuhay ka sa loob ng katiwalian ni Satanas. Kapag namuhay ka sa loob ng mga salita ng Diyos at ibinigay mo ang iyong puso sa Kanya, saka mo lamang matutugunan ang Kanyang mga hinihingi. Kailangan mong gawin ang sinasabi ng Diyos, gawing pundasyon ng iyong pag-iral at realidad ng iyong pang-araw-araw na buhay ang Kanyang mga salita; saka ka lamang isang tao na hinirang ng Diyos. Kung talagang nagsasagawa ka alinsunod sa mga layunin ng Diyos, gagawa Siya sa iyo, at sa gayon ay mamumuhay ka sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, sa liwanag ng Kanyang mukha; maaarok mo ang gawaing ginagawa ng Banal na Espiritu at madarama mo ang kagalakan ng presensya ng Diyos.
Para matakasan ang impluwensiya ng kadiliman, kailangan mo munang maging tapat sa Diyos at magkaroon ng pusong naghahangad ng katotohanan; saka ka lamang magkakaroon ng tamang kalagayan. Ang pamumuhay sa tamang kalagayan ang mismong paunang kailangan para matakasan mo ang impluwensiya ng kadiliman. Ang hindi pagkakaroon ng tamang kalagayan ay hindi pagiging tapat sa Diyos, at hindi pagkakaroon ng pusong naghahanap ng katotohanan, kung sa gayon, ang pagtakas mula sa impluwensiya ng kadiliman ay hindi posibleng mangyari. Ang Aking mga salita ang batayan ng pagtakas ng tao mula sa impluwensiya ng kadiliman, at ang mga taong hindi makapagsagawa alinsunod sa Aking mga salita ay hindi magagawang takasan ang gapos ng impluwensiya ng kadiliman. Ang mamuhay sa tamang kalagayan ay ang mamuhay sa ilalim ng patnubay ng mga salita ng Diyos, ang mamuhay sa kalagayan ng pagiging tapat sa Diyos, ang mamuhay sa kalagayan ng paghahanap sa katotohanan, ang mamuhay sa realidad ng taos na paggugol ng sarili para sa Diyos, at ang mamuhay sa kalagayan ng tunay na pagmamahal sa Diyos. Yaong mga namumuhay sa ganitong mga kalagayan at sa mga realidad na ito ay unti-unting magbabago habang pumapasok sila sa kailaliman ng katotohanan, at habang mas lumalalim ang gawain; at sa huli, tiyak na magiging mga tao sila na nakamit ng Diyos at nagmamahal sa Diyos nang tunay. Yaong mga nakatakas mula sa impluwensiya ng kadiliman ay unti-unting maaarok ang mga layunin ng Diyos at unti-unting mauunawaan ang mga iyon, at kalaunan ay magiging mga pinagkakatiwalaan ng Diyos. Hindi lamang sila hindi nagkikimkim ng mga kuru-kuro tungkol sa Diyos at hindi naghihimagsik laban sa Kanya, kundi mas lalo rin nilang kinamumuhian ang mga dati nilang kuru-kuro at paghihimagsik, at nagkakaroon sila ng tunay na pagmamahal sa Diyos sa kanilang puso. Ang mga taong hindi magawang tumakas mula sa impluwensiya ng kadiliman ay pawang lubos na puno ng laman at puno ng paghihimagsik; ang kanilang puso ay puno ng mga kuru-kuro at pilosopiya ng tao para sa mga makamundong pakikitungo, pati na ng kanilang sariling mga intensiyon at plano. Ang nais ng Diyos ay ang tanging pagmamahal mula sa tao; ang nais Niya ay ang mapuspos ang tao ng Kanyang mga salita at magkaroon ng pusong puno ng pagmamahal para sa Kanya. Ang mamuhay sa loob ng mga salita ng Diyos, ang hanapin sa loob ng Kanyang mga salita ang dapat hangarin ng tao, mahalin ang Diyos dahil sa Kanyang mga salita, tumakbo dahil sa Kanyang mga salita, mamuhay dahil sa Kanyang mga salita—ito ang dapat makamit ng tao. Lahat ay kailangang maitatag sa mga salita ng Diyos; saka lamang magagawang tugunan ng tao ang mga hinihingi ng Diyos. Kung ang tao ay hindi nasasangkapan ng mga salita ng Diyos, isa lamang siyang uod na nalulukuban ni Satanas! Timbangin mo ito: Gaano karaming salita ng Diyos ang nag-ugat na sa iyong kalooban? Sa aling mga bagay ka namumuhay nang alinsunod sa Kanyang mga salita? Sa aling mga bagay ka hindi namumuhay nang alinsunod sa Kanyang mga salita? Kung hindi ka lubos na napuspos ng mga salita ng Diyos, ano mismo ang pumupuspos ng iyong puso? Sa iyong pang-araw-araw na buhay, kinokontrol ka ba ni Satanas, o puno ka ba ng mga salita ng Diyos? Ang Kanya bang mga salita ang pundasyon ng iyong mga dalangin? Nakalabas ka na ba mula sa iyong negatibong kalagayan sa tulong ng kaliwanagang dulot ng mga salita ng Diyos? Ang gawing pundasyon ng iyong pag-iral ang mga salita ng Diyos—ito ang dapat pasukin ng lahat. Kung wala ang Kanyang mga salita sa iyong buhay, namumuhay ka sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, naghihimagsik ka laban sa Diyos, nilalabanan mo Siya, at inilalagay mo sa kahihiyan ang Kanyang pangalan. Ang pananampalataya sa Diyos ng gayong mga tao ay isang purong kalokohan at panggugulo! Gaano kalaking bahagi ng oras ang ipinamumuhay mo nang alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng oras ang hindi mo ipinamumuhay nang alinsunod sa Kanyang mga salita? Gaano kalaking bahagi ng hinihingi sa iyo ng salita ng Diyos ang natupad na sa iyo? Gaano kalaki ang hindi naisakatuparan sa iyo? Nasuri mo na ba nang husto ang mga bagay na ito?
Ang pagtakas mula sa impluwensiya ng kadiliman ay nangangailangan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng pakikipagtulungan ng tao sa abot ng kanyang makakaya. Bakit Ko sinasabi na wala sa tamang landas ang tao? Ang mga taong nasa tamang landas ay makakayang ibigay muna ang kanilang puso sa Diyos. Ito ay isang aral na nangangailangan ng mahabang panahon upang mapasok, sapagkat noon pa man ay palagi nang namumuhay ang sangkatauhan sa ilalim ng impluwensiya ng kadiliman, at nasa ilalim na ng gapos ni Satanas sa loob ng libo-libong taon. Samakatwid, ang pagpasok na ito ay hindi maisasakatuparan sa loob lamang ng isa o dalawang araw. Binanggit Ko ang isyu na ito ngayon upang maarok ng mga tao ang sarili nilang mga kalagayan; sa sandaling makilatis na ng mga tao kung ano ang impluwensiya ng kadiliman at kung ano ang ibig sabihin ng mamuhay sa liwanag, nagiging madali ang pagpasok. Ito ay dahil kailangan mong malaman kung ano ang impluwensiya ni Satanas bago ka makatakas mula rito; pagkatapos niyon, saka ka lamang magkakaroon ng paraan para unti-unting makalaya mula rito. Tungkol naman sa kung ano ang gagawin pagkatapos, sariling usapin na iyan ng tao. Pumasok ka sa lahat mula sa isang positibong aspekto, at huwag kang basta maghintay nang pasibo. Sa ganitong paraan ka lamang makakamit ng Diyos.