Kabanata 52
Lumilitaw Ako bilang ang Araw ng pagiging matuwid, at kayo at Ako ay magkasamang nagkakamit ng kaluwalhatian at nagtatamasa ng mabubuting pagpapala, magpakailan pa man! Ito ay isang hindi mapag-aalinlanganang katunayan, at nagsimula na itong magkatotoo sa inyo. Ito ay dahil lahat ng Akin nang ipinangako ay tutuparin Ko para sa inyo; realidad ang lahat ng sinasabi Ko, at hinding-hindi babalik nang hungkag. Sumasainyo ang mabubuting pagpapalang ito, at walang ibang maaaring kumuha sa mga ito; bunga ang mga ito ng inyong paglilingkod sa pakikipagtulungan sa Akin nang nakikipagkaisa. Iwaksi ang inyong mga relihiyosong kuru-kuro; maniwala sa katunayan ng mga salita Ko at huwag maging mapagduda! Hindi Ko kayo binibiro; seryoso Ako sa Aking sinasabi. Ang mga pinagkakalooban Ko ng mga pagpapala ay tumatanggap ng mga ito, habang ang mga hindi Ko pinagkakalooban ng mga pagpapala ay hindi tumatanggap ng anuman. Ako ang nagtatakda ng lahat ng ito. Ang makamundong pagpapala ay sadyang hindi mahalaga! Sa Aking pananaw, ito ay walang iba kundi dumi, mas mababa pa ang halaga kaysa isang kusing. Kaya hindi ninyo dapat masyadong pahalagahan ang panlupang kasiyahan. Hindi ba’t ang matamasa ang panlangit na mga pagpapala kasama Ko ay labis-labis na makahulugan at labis-labis na mahalaga?
Dati, hindi naipamalas ang mga katunayan, at hindi Ako hayagang nagpakita; pinagdudahan ninyo Ako noon at hindi kayo nangahas na maging tiyak tungkol sa Akin. Gayunman, ngayon ay naipamalas na ang lahat ng bagay, at Ako ay lumitaw na bilang ang Araw ng pagiging matuwid—kaya kung nagdududa pa rin kayo, anong masasabi ninyo riyan? Noong natatakpan ng kadiliman ang lupa, mapapatawad na hindi ninyo makita ang liwanag, pero ngayong natanglawan na ng araw ang lahat ng madidilim na sulok, ang nakatago ay hindi na nakatago, at ang nakakubli ay hindi na nakakubli—kung nagdududa pa rin kayo, hindi Ko na kayo basta-basta patatawarin! Ngayon na ang panahon para maging lubusang tiyak tungkol sa Akin, ang panahon na maging handang ialay ang inyong sarili sa Akin at igugol ang inyong sarili para sa Akin. Kung lalabanan Ako ng sinuman kahit sa pinakamaliit na paraan, agad na babagsak sa kanya ang mga apoy ng paghatol nang walang pagdadalawang-isip o ni isang sandaling pagkaantala—dahil ngayon na ang panahon na dumating ang walang-awang paghatol, at para sa mga hindi tama ang mga kaisipan at ideya, magiging mabilis ang paghatol. Ito ang totoong kahulugan ng, “Tulad ng kumikislap na kidlat ang Aking gawain,” gaya ng nasabi na.
Umuusad ito nang napakabilis; hindi maiiwasang magulat ang mga tao rito, hindi maiiwasang makaramdam ng takot ang mga tao rito, hindi na ito maaaring maantala pa, at hindi na ito maaaring matigil pa. Habang mas isinasagawa ang Aking gawain, mas mabilis itong sumusulong; sinumang hindi mapagbantay at handa ay palaging nanganganib na maabandona. Hindi na kayo maaaring magkaroon ng pusong mapanubok. Ganap nang bumaba ang Aking gawain at lumalaganap patungo sa mga bayan ng Hentil at sa buong sansinukob. Ang mga apoy ng paghatol ay malupit at walang awa o mapagmahal na kabaitan sa sinuman. Kung ang mga tapat sa Diyos ay nagkikimkim ng mga maling kaisipan at ideya o kahit lumalaban lang nang kaunti, hahatulan din sila; walang duda rito. Sinumang sinisinagan ng liwanag Ko ay mabubuhay sa loob ng liwanag at kikilos sa loob ng liwanag, at maglilingkod sa Akin hanggang sa kadulu-duluhan ng daan. Ang mga hindi nabubuhay sa loob ng liwanag ay nabubuhay sa kadiliman. Gagawa Ako ng isang pasya matapos silang hatulan, ayon sa kanilang mga saloobin sa pagtatapat ng kanilang mga kasalanan.
Dumating na ang araw Ko. Ang “araw Ko,” na binanggit Ko noong nakaraan, ay nasa harap na ninyo ngayon, dahil bumaba na kayong kasama Ko. Ako kasama mo, at ikaw kasama Ko; nagkita na tayo sa himpapawid, at magkasama tayong nagkamit ng kaluwalhatian. Talaga ngang ganap nang dumating ang Aking araw!