Kabanata 1
Nakarating na ang papuri sa Sion at lumitaw na ang tahanan ng Diyos. Ang maluwalhating banal na pangalan ay pinupuri ng di-mabilang na tao at lumalaganap ito. Ah, Makapangyarihang Diyos! Ang Pinuno ng sansinukob, ang Cristo ng mga huling araw—Siya ang nagniningning na Araw na sumikat sa loob ng buong sansinukob, sa itaas ng maharlika at dakilang Bundok ng Sion …
Makapangyarihang Diyos! Sumisigaw kami sa Iyo sa kagalakan; sumasayaw at umaawit kami. Tunay na Ikaw ang aming Manunubos, ang dakilang Hari ng sansinukob! Nakagawa Ka na ng isang grupo ng mga mananagumpay at natupad Mo na ang plano ng pamamahala ng Diyos. Dadaloy ang di-mabilang na tao sa bundok na ito. Luluhod ang di-mabilang na tao sa harap ng trono! Ikaw ang nag-iisa at tanging tunay na Diyos at karapat-dapat Ka sa kaluwalhatian at karangalan. Lahat ng kaluwalhatian, papuri, at awtoridad ang mapasa-trono! Dumadaloy mula sa trono ang bukal ng buhay, dinidiligan at pinakakain ang lahat ng tao ng Diyos. Nagbabago ang buhay natin araw-araw; sinusundan tayo ng bagong liwanag at mga paghahayag, patuloy na nagdudulot ng mga bagong kabatiran tungkol sa Diyos. Sa gitna ng mga karanasan, nagiging lubos na tiyak tayo tungkol sa Diyos. Ang Kanyang mga salita ay patuloy na nagpapakita, nagpapakita sa kalooban ng mga taong tama. Tunay ngang labis tayong pinagpala! Tayo ay harap-harapan sa Diyos bawat araw, nakikipagbahaginan tayo sa Diyos sa lahat ng bagay, at hinahayaan natin ang Diyos na mamahala sa lahat ng bagay. Pinagbubulay-bulayan nating mabuti ang salita ng Diyos, tumatahimik ang ating puso sa Diyos, at sa paraang ito ay lumalapit tayo sa harapan ng Diyos, kung saan natatanggap natin ang Kanyang pagtanglaw. Sa bawat araw, sa ating buhay, mga kilos, salita, kaisipan, at ideya, namumuhay tayo sa loob ng salita ng Diyos, at kaya nating kumilatis ng mga bagay-bagay sa lahat ng oras. Ang salita ng Diyos ang gumagabay sa sinulid sa butas ng karayom; nang di-inaasahan, nalalantad ang mga bagay na nakatago sa ating kalooban, nang sunod-sunod. Ang pakikipagbahaginan sa Diyos ay hindi nagpapaantala; inilalantad ng Diyos ang ating mga kaisipan at ideya. Sa bawat sandali nabubuhay tayo sa harap ng luklukan ni Cristo kung saan sumasailalim tayo sa paghatol. Nananatiling sakop ni Satanas ang bawat bahagi sa loob ng ating katawan. Ngayon, upang mabawi ang pagkahari ng Diyos, kailangang linisin ang Kanyang templo. Upang ganap na masakop ng Diyos, kailangan nating dumaan sa isang buhay at kamatayan na pakikibaka. Kapag naipako na sa krus ang dati nating sarili, saka lamang maghahari nang kataas-taasan ang muling nabuhay na buhay ni Cristo.
Nagsisimula ngayon ng isang pagsalakay ang Banal na Espiritu sa bawat sulok natin upang makidigma para mabawi tayo! Basta’t payag tayong itatwa ang ating sarili at makipagtulungan sa Diyos, tiyak na tatanglawan at dadalisayin ng Diyos ang ating kalooban sa lahat ng oras, at babawiing muli yaong nasakop na ni Satanas, nang sa gayon, tayo ay magawang ganap ng Diyos sa lalong madaling panahon. Huwag mag-aksaya ng panahon—ipamuhay ang bawat sandali sa loob ng salita ng Diyos. Mapatatag na kasama ng mga banal, madala sa kaharian, at pumasok sa kaluwalhatian kasama ng Diyos.