Kabanata 14
Ngayon mismo, gipit na sa panahon. Gumagamit ng maraming iba’t ibang pamamaraan ang Banal na Espiritu, na pawang naglalayon na akayin tayo papasok sa mga salita ng Diyos. Dapat kang masangkapan ng lahat ng katotohanan, “maitalaga bilang banal,” at tunay na mapalapit sa Akin at magkaroon ng mga pakikitungo sa Akin, at hindi ka pahihintulutang magkaroon ng anumang pagkakataon para mamili. Walang damdamin ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi nagsasaalang-alang kung anong uri ka ng tao. Hangga’t nakahanda kang maghanap at sumunod, hindi nagdadahilan, at hindi nakikipagtalo tungkol sa mga sarili mong kapakinabangan at kawalan, at naghahanap nang may gutom at uhaw para sa pagiging matuwid, liliwanagan kita. Gaano ka man kahangal at kamangmang, hindi Ako tumitingin sa mga bagay na ito. Tinitingnan Ko kung gaano ka kasipag gumawa sa positibong aspekto. Kung nakakapit ka pa rin nang mahigpit sa kuru-kuro sa sarili, nagpapaikot-ikot sa iyong sariling munting mundo, sa tingin Ko ay nasa panganib ka…. Ano ang pagkadala paitaas? Ano ang ibig sabihin ng maabandona? Paano ka dapat mamuhay ngayon sa harapan ng Diyos? Paano ka dapat na aktibong makipagtulungan sa Akin? Alisin mo ang iyong sariling mga kuru-kuro, himayin mo ang sarili mo, hubarin ang iyong maskara, tingnang mabuti ang sarili mong tunay na kulay, kamuhian ang sarili mo, magkaroon ng isang pusong naghahanap nang may gutom at uhaw para sa katuwiran, maniwala na ikaw mismo ay talagang walang halaga, maging handang bitawan ang sarili mo, makayang itigil ang lahat ng paraan mo ng paggawa ng mga bagay-bagay, patahimikin ang sarili mo sa harapan Ko, maghandog ng mas maraming panalangin, taimtim na umasa sa Akin, bumaling sa Akin, at hindi kailanman huminto sa paglapit sa Akin at pakikipagbahaginan sa Akin—sa mga bagay na ito, natatagpuan ang susi. Madalas namumuhay ang mga tao sa loob ng kanilang sarili, at samakatwid ay wala sa harapan ng Diyos.
Ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay talagang mahirap maisip ng mga tao, at pumapasok na lahat sa realidad; talagang hindi maaaring maging walang ingat tungkol dito. Kung hindi tama ang iyong mga kaisipan at ideya, hindi ka magkakaroon ng daan pasulong. Mula umpisa hanggang katapusan, kailangang mapagbantay ka sa lahat ng pagkakataon, at tiyaking hindi kailanman maging pabaya. Pinagpapala yaong mga palaging mapagbantay at naghihintay at mga tahimik sa harapan Ko! Pinagpapala yaong mga palaging bumabaling sa Akin sa kanilang mga puso, yaong mga maingat na nakikinig sa Aking tinig, mga nagbibigay-pansin sa Aking mga pagkilos, at mga nagsasagawa ng Aking mga salita! Talagang hindi na pwedeng maantala pa ang oras; lahat ng uri ng mga salot ay raragasa, na ibinubuka ang mababangis at duguang mga bibig nila upang lamunin kayong lahat tulad ng baha. Mga anak Ko! Dumating na ang panahon! Wala nang lugar para sa pagbubulay-bulay. Ang tanging paraan palabas na magdadala sa inyo sa ilalim ng Aking proteksyon ay ang bumalik sa harapan Ko. Kailangang taglayin ninyo ang lakas ng loob ng batang lalaki; huwag kayong maging mahina o panghinaan ng loob. Kailangang sumabay kayo sa mga hakbang Ko, huwag ninyong tanggihan ang bagong liwanag, at, gaya ng pagsasabi Ko sa inyo kung paano kumain at uminom ng Aking mga salita, dapat kayong magpasakop at kumain at uminom ng mga ito nang maayos. May panahon pa ba para basta-bastang maglabanan o makipagtunggali sa isa’t isa? Kaya ba ninyong makipagdigma kung hindi kayo nagpapakabusog at hindi lubusang nasasangkapan ng katotohanan? Kung nais ninyong magtagumpay laban sa relihiyon, kailangan ninyong lubusang masangkapan ng katotohanan. Kumain at uminom kayo ng Aking mga salita nang higit pa, at magbulay-bulay sa mga ito nang higit pa. Kailangan ninyong kumain at uminom ng Aking mga salita nang nakapagsasarili at magsimula sa pamamagitan ng paglapit sa Diyos. Babala! Kailangan mong mag-ingat! Yaong matatalino ay dapat madaliang gumising! Bitiwan ang anumang bagay na hindi ka handang talikuran. Muli Kong sinasabi sa iyo na ang mga bagay na ito ay talagang nakasasama sa iyong buhay, at walang kapakinabangan! Umaasa Ako na kaya mong umasa sa Akin sa iyong mga pagkilos; kung hindi, ang tanging landas pasulong ay ang landas ng kamatayan—saan ka kung gayon pupunta para hanapin ang landas ng buhay? Bawiin mo ang puso mo na sabik na sabik na gumawa ng mga panlabas na bagay! Bawiin mo ang puso mo na tumatangging sumuko sa ibang tao! Kung ang buhay mo ay hindi kayang lumago at maabandona ka, kung gayon, hindi ba’t natisod mo ang sarili mo? Ang kasalukuyang gawain ng Banal na Espiritu ay hindi tulad ng iniisip mo. Kung hindi mo kayang bitiwan ang iyong mga kuru-kuro, daranas ka ng malaking kawalan. Kung ang gawain ay kaayon ng mga kuru-kuro ng tao, makakaya ba ng iyong dating kalikasan at mga kuru-kuro na malantad? Makakaya mo bang makilala ang sarili mo? Maaaring iniisip mo pa rin na wala kang mga kuru-kuro, pero sa pagkakataong ito, malinaw na nalantad ang lahat ng iyong iba’t ibang pangit na mukha. Maingat mong tanungin ang sarili mo:
Ikaw ba ay isang taong nagpapasakop sa Akin?
Payag at handa ka bang bitiwan ang sarili mo at sumunod sa Akin?
Ikaw ba ay isang tao na naghahanap sa Aking mukha nang may dalisay na puso?
Alam mo ba kung paano lumapit sa Akin at makipagbahaginan sa Akin?
Kaya mo bang tumahimik sa harapan Ko at hanapin ang mga layunin Ko?
Isinasagawa mo ba ang mga salitang ipinamamalas Ko sa iyo?
Kaya mo bang panatilihin ang isang normal na kalagayan sa harapan Ko?
Kaya mo bang makilatis ang mga pakana ni Satanas? Nangangahas ka bang ilantad ang mga ito?
Paano mo isinasaalang-alang ang pasanin ng Diyos?
Ikaw ba ay isang taong nagsasaalang-alang sa pasanin ng Diyos?
Paano mo inaarok ang gawain ng Banal na Espiritu?
Paano ka nakikipagtulungan sa iba sa paglilingkod sa loob ng sambahayan ng Diyos?
Paano ka matibay na nagpapatotoo para sa Akin?
Paano mo ipinagbabaka ang mabuting pakikibaka para sa katotohanan?
Kailangan mong lubusang pagnilayan ang mga katotohanang ito. Sapat ang mga katunayan para patunayan na ang araw ay malapit na malapit na. Kailangan kang magawang ganap bago sumapit ang mga sakuna—ito ay isang malaking usapin na kailangang agarang malutas! Ninanais Ko na gawin kayong ganap, pero nakikita Ko na talagang medyo wala kayong pagpipigil. Mayroon kayong abilidad, pero hindi ninyo ito ginagamit kung saan ito napapakinabangan, at hindi pa ninyo naaarok ang pinakamahahalagang bagay; sa halip, ang naaarok ninyo ay puro mga walang-kabuluhang bagay. Ano ang silbi sa pananatiling nakatutok sa mga bagay na ito? Hindi ba ito isang pag-aaksaya ng panahon? Nagpapakita Ako sa inyo ng biyaya sa paraang ito, pero bigo kayong makapagpakita ng anumang pagpapahalaga; nag-aaway kayo at walang taros na gumagawa ng gulo—kaya, hindi ba’t nasayang ang lahat ng dugo ng Aking puso? Kung magpapatuloy kayo sa ganitong paraan, hindi Ako maglalaan ng panahon para himukin kayo! Makinig kayo! Maliban na lang kung magising kayo, babawiin ang gawain ng Banal na Espiritu mula sa inyo! Wala nang ibibigay sa inyo para makain, at maaari kayong manampalataya sa inaakala ninyong angkop. Lubusan Ko nang nasabi ang Aking mga salita; makinig man kayo o hindi, nasa sa inyo na iyon. Kapag dumating ang panahon na nalilito kayo, na walang daan pasulong, at hindi makita ang tunay na liwanag, sisisihin ba ninyo Ako? Anong kamangmangan! Ano ang kahihinatnan kung mahigpit kayong kakapit sa sarili ninyo, at tatanggi kayong bumitaw? Hindi ba’t magiging walang saysay ang lahat ng inyong gawain? Sobrang kahabag-habag na maabandona kapag sumapit na ang mga sakuna!
Ngayon ang napakahalagang yugto ng pagtatayo ng iglesia. Kung hindi ninyo kayang maagap na makipagtulungan sa Akin at buong-pusong ialay ang inyong sarili sa Akin, at kung hindi ninyo kayang talikuran ang lahat, daranas kayo ng kawalan. Kaya pa ba ninyong magkimkim ng ibang mga intensiyon? Nagpakita Ako sa inyo ng ganoong pagtitimpi, hinihintay kayong magsisi at magsimulang muli. Gayumpaman, talagang wala nang oras para dito, at kailangan Kong isaalang-alang ang kabuuan. Para sa kapakanan ng layunin ng plano ng pamamahala ng Diyos, kumikilos pasulong ang lahat, at lumalakad pasulong ang Aking mga hakbang bawat araw, bawat oras, bawat sandali—yaong mga hindi nakakasabay ay maaabandona. Mayroong bagong liwanag araw-araw, ginagawa ang mga bagong gawa araw-araw, at mayroong mga bagong bagay na lumilitaw araw-araw. Yaong mga hindi nakakakita sa liwanag ay bulag! Yaong mga hindi sumusunod ay ititiwalag….