Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Noong simula, nasa pamamahinga ang Diyos. Walang mga tao o anumang iba pa sa lupa noong panahong iyon, at hindi pa gumawa ang Diyos ng anumang gawain. Sinimulan lamang Niya ang Kanyang gawain ng pamamahala nang umiral na ang sangkatauhan at pagkatapos maging tiwali ang sangkatauhan; mula sa puntong iyon, hindi na Siya nagpahinga, kundi sa halip ay nagsimulang magpakaabala sa gitna ng sangkatauhan. Ang katiwalian ng sangkatauhan ang dahilan kung bakit nawala sa Diyos ang Kanyang pamamahinga, at dahil na rin sa pagkakanulo ng arkanghel. Kung hindi tatalunin ng Diyos si Satanas at ililigtas ang naging tiwaling sangkatauhan, hindi Siya kailanman muling makakapasok sa pamamahinga. Kung paanong walang pamamahinga ang tao, ganoon din ang Diyos, at kapag nagpahinga na Siyang muli, ganoon din ang gagawin ng mga tao. Ang buhay na may kapahingahan ay nangangahulugan ng isang buhay na walang digmaan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, walang karumihan, at walang anumang kawalan ng katuwiran. Ibig sabihin, isa itong buhay na walang mga panggugulo ni Satanas (ang salitang “Satanas” dito ay tumutukoy sa mga puwersa ng kaaway) at paggawang tiwali ni Satanas, at malaya sa panghihimasok ng anumang puwersang kumokontra sa Diyos; isa itong buhay kung saan ang lahat ay ibinubukod-bukod ayon sa kanilang uri at kayang sumamba sa Lumikha, at kung saan ang langit at lupa ay ganap na payapa. Ito ang buhay na may kapahingahan para sa mga tao. Kapag nagpahinga ang Diyos, hindi na iiral ang kawalan ng katuwiran sa lupa, ni magkakaroon ng anumang karagdagang panghihimasok mula sa mga puwersa ng kaaway, at papasok ang sangkatauhan sa isang bagong mundo—hindi na magiging isang sangkatauhang ginawang tiwali ni Satanas, kundi isang sangkatauhang nailigtas matapos gawing tiwali ni Satanas. Ang araw ng kapahingahan ng sangkatauhan ay magiging araw din ng kapahingahan ng Diyos. Nawalan ang Diyos ng Kanyang kapahingahan dahil sa kawalan ng abilidad ng sangkatauhan na pumasok sa kapahingahan; hindi dahil sa wala Siyang kapahingahan sa simula. Ang pagpasok sa kapahingahan ay hindi nangangahulugang ang aktibidad ng lahat ng bagay ay humihinto o na tumitigil ang pag-unlad ng lahat ng bagay, at hindi rin ito nangangahulugang humihinto sa paggawa ang Diyos o na humihintong mabuhay ang mga tao. Ang tanda ng pagpasok sa kapahingahan ay na nawasak na si Satanas, na naparusahan at nalipol na ang masasamang tao na nakiisa rito sa paggawa nito ng masama, at na tumigil na sa pag-iral ang lahat ng puwersang mapanlaban sa Diyos. Ang pagpasok ng Diyos sa kapahingahan ay nangangahulugang hindi na Niya isasagawa ang Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang pagpasok ng sangkatauhan sa kapahingahan ay nangangahulugan na ang buong sangkatauhan ay mabubuhay sa loob ng liwanag ng Diyos at sa ilalim ng Kanyang mga pagpapala, nang walang paggawang tiwali ni Satanas, wala nang magaganap na kawalan ng katuwiran, at ang lahat ng tao ay mamumuhay nang normal sa lupa sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos. Kapag magkasamang pumasok sa kapahingahan ang Diyos at ang sangkatauhan, nangangahulugan ito na nailigtas na ang sangkatauhan at nawasak na si Satanas, na ganap nang nakompleto ang gawain ng Diyos sa mga tao. Hindi na magpapatuloy ang Diyos na gumawa sa mga tao, at hindi na sila mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Dahil dito, hindi na magiging abala ang Diyos, at hindi na palaging aligaga ang mga tao; ang Diyos at ang sangkatauhan ay sabay na papasok sa kapahingahan. Babalik ang Diyos sa Kanyang orihinal na lugar, at babalik ang bawat tao sa kani-kanilang mga lugar. Ito ang magiging mga hantungan ng Diyos at ng mga tao sa sandaling matapos ang buong pamamahala ng Diyos. Ang Diyos ay may hantungang para sa Diyos, at ang mga tao ay may lugar na pupuntahan. Habang nagpapahinga, magpapatuloy ang Diyos sa pag-akay sa lahat ng tao na mamuhay sa lupa, at habang nasa Kanyang liwanag, sasambahin nila ang nag-iisang tunay na Diyos sa langit. Hindi mamumuhay ang Diyos kasama ng sangkatauhan, at hindi rin magagawang mamuhay ng mga tao kasama ng Diyos sa Kanyang hantungan. Hindi maaaring mamuhay sa loob ng parehong mundo ang Diyos at ang mga tao; sa halip, kapwa sila may kanya-kanyang mga sariling paraan ng pamumuhay. Ang Diyos ang Siyang umaakay sa buong sangkatauhan, at ang buong sangkatauhan ay ang kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang inaakay ay ang mga tao, at ang kanilang diwa ay hindi kapareho sa diwa ng Diyos. Ang “magpahinga” ay nangangahulugan ng pagbalik sa orihinal na lugar. Samakatwid, kapag pumasok sa pamamahinga ang Diyos, nangangahulugan itong bumalik na Siya sa Kanyang orihinal na lugar. Hindi na Siya mamumuhay sa lupa o makakasama ng sangkatauhan upang makibahagi sa kanilang kagalakan at pagdurusa. Kapag pumasok sa pamamahinga ang mga tao, nangangahulugan itong naging mga tunay na silang nilikha; sasambahin nila ang Diyos mula sa lupa, at mamumuhay sila ng mga normal na buhay ng tao. Hindi na maghihimagsik ang mga tao sa Diyos o lalaban sa Kanya, at magbabalik sila sa orihinal na buhay nina Adan at Eba. Ang mga ito ang magiging kani-kanilang buhay at hantungan ng Diyos at ng mga tao pagkatapos nilang pumasok sa pamamahinga. Ang pagkatalo ni Satanas ay isang hindi maiiwasang kalakaran ng digmaan sa pagitan nito at ng Diyos. Dahil dito, ang pagpasok ng Diyos sa pamamahinga pagkaraan na matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala at ang ganap na kaligtasan at pagpasok sa pamamahinga ng sangkatauhan ay naging mga hindi rin maiiwasang kalakaran. Nasa lupa ang pahingahan ng sangkatauhan, at nasa langit ang pahingahan ng Diyos. Sasambahin ng mga tao ang Diyos habang namamahinga sila, nang namumuhay sa lupa. Aakayin ng Diyos ang natitirang mga tao habang namamahinga Siya; aakayin Niya sila mula sa langit, hindi mula sa lupa. Ang Diyos ay mananatili pa ring ang Espiritu, habang mananatili pa ring laman ang mga tao. Namamahinga ang Diyos at ang mga tao nang may kani-kanilang mga pamamaraan ng pamamahinga. Habang nagpapahinga ang Diyos, paparito Siya at magpapakita sa gitna ng mga tao; habang nagpapahinga ang mga tao, aakayin sila ng Diyos upang dumalaw sa langit, pati na rin upang tamasahin ang buhay roon. Matapos pumasok sa pamamahinga ang Diyos at ang sangkatauhan, hindi na iiral pa si Satanas; gayundin, titigil na rin sa pag-iral iyong masasamang tao. Bago magpahinga ang Diyos at ang sangkatauhan, ang masasamang indibidwal na minsang umusig sa Diyos sa lupa, pati na rin ang mga kaaway na naging mapaghimagsik laban sa Kanya roon, ay nalipol na; napuksa na sila ng malalaking kalamidad ng mga huling araw. Sa sandaling lubusang mapuksa ang masasamang taong iyon, hindi na kailanman muling malalaman ng lupa ang panggugulo ni Satanas. Saka lamang magtatamo ang sangkatauhan ng ganap na kaligtasan, at lubusang matatapos ang gawain ng Diyos. Ito ang mga paunang kinakailangan upang makapasok sa pamamahinga ang Diyos at ang sangkatauhan.

Ang paglapit ng mga kalalabasan ng lahat ng bagay ay nagpapahiwatig ng pagkompleto ng gawain ng Diyos, pati na rin ng pagtatapos ng pag-unlad ng sangkatauhan. Nangangahulugan ito na ang mga tao, bilang ginawang tiwali ni Satanas, ay umabot na sa pagtatapos ng kanilang pag-unlad, at na nakapagparami na hanggang sa huli ang mga inapo nina Adan at Eba. Nangangahulugan din ito na imposible para sa ganitong sangkatauhan, na ginawang tiwali ni Satanas, ang patuloy na umunlad. Ang Adan at Eba sa simula ay hindi nagawang tiwali, subalit ang Adan at Eba na itinaboy mula sa Hardin ng Eden ay ginawang tiwali ni Satanas. Kapag ang Diyos at ang mga tao ay magkasamang pumasok sa pamamahinga, sina Adan at Eba—na itinaboy mula sa Hardin ng Eden—at ang mga inapo nila ay magtatapos na. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay bubuuin pa rin ng mga inapo nina Adan at Eba, ngunit hindi na sila mga taong mamumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Sa halip, sila ay magiging mga taong iniligtas at ginawang dalisay. Ito ay magiging isang sangkatauhan na hinatulan at kinastigo na, at isa na ginawa nang banal. Ang mga taong ito ay hindi magiging katulad ng lahi ng tao noong simula; halos masasabi na nga na magiging isa silang ganap na ibang uri ng sangkatauhan kaysa kina Adan at Eba noong simula. Napili ang mga taong ito mula sa lahat ng ginawang tiwali ni Satanas, at sila ang sa huli ay nanindigan nang matatag sa panahon ng paghatol at pagkastigo ng Diyos; sila ang huling matitirang pangkat ng mga tao sa gitna ng tiwaling sangkatauhan. Tanging ang mga taong ito ang makakapasok sa huling pamamahinga kasama ng Diyos. Ang mga nakakapanindigan nang matatag sa panahon ng gawain ng paghatol at pagkastigo ng Diyos sa mga huling araw—na ibig sabihin, sa panahon ng huling gawain ng pagdadalisay—ang siyang papasok sa huling kapahingahan kasama ang Diyos; yamang ganoon, ang lahat ng pumasok sa kapahingahan ay nakawala na sa impluwensiya ni Satanas at nakamit na ng Diyos pagkatapos lang na sumailalim sa Kanyang huling gawain ng pagdadalisay. Ang mga taong ito, na sa wakas ay nakamit na ng Diyos, ay papasok sa huling kapahingahan. Sa diwa, ginagawa ng Diyos ang gawain ng pagkastigo at paghatol upang dalisayin ang sangkatauhan, at alang-alang sa huling araw ng pamamahinga; kung hindi, walang mga miyembro ng sangkatauhan ang mabubukod-bukod ayon sa kanilang uri, o makakapasok sa kapahingahan. Ang gawaing ito ay ang tanging landas ng sangkatauhan upang pumasok sa kapahingahan. Tanging ang gawain ng pagdadalisay ng Diyos ang maglilinis sa kawalan ng katuwiran ng mga tao, at tanging ang gawain Niya ng pagkastigo at paghatol ang maglalantad sa mga mapaghimagsik na bahagi ng sangkatauhan, at sa gayon ay natutukoy kung sino ang mga puwede at di-puwedeng maligtas, at ang mga maaari at hindi maaaring manatili. Kapag natapos na ang gawaing ito, ang lahat ng taong maaaring manatili ay dadalisayin at papasok sa isang mas mataas na mundo ng sangkatauhan kung saan magtatamasa sila ng isang mas kamangha-manghang ikalawang buhay ng tao sa lupa; sa madaling salita, papasok sila sa araw ng pamamahinga ng sangkatauhan at mamumuhay kasama ang Diyos. Matapos makastigo at mahatulan ang mga hindi maaaring manatili, ang kanilang mga tunay na kulay ay ganap na mailalantad, pagkatapos nito ay lilipulin silang lahat at, kagaya ni Satanas, hindi na pahihintulutang mabuhay sa lupa. Ang sangkatauhan sa hinaharap ay hindi na kabibilangan ng sinumang mga tao na ganito ang uri; hindi angkop na pumasok sa lupain ng huling pamamahinga ang ganitong mga tao, at hindi rin sila angkop na pumasok sa araw ng pamamahingang pagsasaluhan ng Diyos at ng sangkatauhan, dahil sila ang mga target na maparusahan, at sila ay masasama, hindi matutuwid na tao. Tinubos sila nang minsan, at hinatulan at kinastigo na rin sila; minsan din silang nagtrabaho para sa Diyos. Gayumpaman, pagdating ng huling araw, ititiwalag at lilipulin pa rin sila dahil sa kasamaan nila at bilang bunga ng kanilang paghihimagsik at kawalan ng lunas; hindi na sila kailanman muling mamumuhay sa mundo ng hinaharap, at hindi na mamumuhay kasama ang lahi ng tao sa hinaharap. Mga espiritu man sila ng mga patay o mga taong nabubuhay pa rin sa laman, lilipulin ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng hindi nailigtas sa sandaling ang ginawang banal sa gitna ng sangkatauhan ay pumasok na sa pamamahinga. Para naman sa mga espiritu at tao na ito na gumagawa ng masama, o mga espiritu ng matutuwid na tao at mga gumagawa ng katuwiran, anuman ang kinabibilangan nilang panahon, sa huli, ang lahat ng masama ay lilipulin, at ang lahat ng matuwid ay mananatiling buhay. Kung makatatanggap ba ng kaligtasan ang isang tao o espiritu ay hindi ganap na pinagpapasyahan batay sa gawain ng huling kapanahunan; sa halip, tinutukoy ito batay sa kung sila ba ay lumaban o naghimagsik sa Diyos o hindi. Ang mga tao sa nakaraang panahon na gumawa ng masama at hindi maliligtas, ay tiyak na magiging mga target ng kaparusahan, at ang mga nasa kasalukuyang panahon na gumagawa ng masama at hindi maililigtas ay tiyak na magiging mga target din ng kaparusahan. Ang mga tao ay inuuri ayon sa kabutihan o kasamaan, at hindi sa kung anong panahon sila nabubuhay. Kapag nauri na nang gayon, hindi sila agarang parurusahan o gagantimpalaan; sa halip, isasakatuparan lamang ng Diyos ang gawain Niya ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti kapag natapos na Niyang maisakatuparan ang gawain Niya ng paglupig sa mga huling araw. Sa katunayan, pinaghihiwalay na Niya ang mabubuti at masasamang tao mula pa nang simulan Niyang gawin ang gawain Niya ng pagliligtas sa sangkatauhan. Iyon nga lamang, gagantimpalaan Niya ang matutuwid at parurusahan ang masasama sa oras lamang na matapos Niya ang Kanyang gawain; hindi sa paghihiwalayin Niya sila ayon sa uri pagkaraang matapos ang Kanyang gawain at pagkatapos ay agarang sisimulan ang gampanin ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti. Sa halip, ang gampaning ito ay gagawin lamang kapag ganap nang natapos ang Kanyang gawain. Ang tanging layunin sa likod ng huling gawain ng Diyos na pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti ay ang lubusang madalisay ang lahat ng tao upang maaari Niyang madala ang isang ganap na pinabanal na sangkatauhan sa walang hanggang kapahingahan. Ang yugtong ito ng Kanyang gawain ang pinakamahalaga; ito ang huling yugto ng kabuuan ng Kanyang gawain ng pamamahala. Kung hindi lilipulin ng Diyos ang masasama, at sa halip ay papayagan silang manatili, hindi pa rin makakapasok sa kapahingahan ang buong sangkatauhan, at hindi sila madadala ng Diyos sa isang mas kamangha-manghang mundo. Hindi ganap na matatapos ang ganitong uri ng gawain. Kapag natapos na ang gawain Niya, magiging ganap na pinabanal ang buong sangkatauhan; sa ganitong paraan lamang mapayapang makakapamuhay ang Diyos sa kapahingahan.

Sa kasalukuyan, hindi pa rin nagagawang bitiwan ng mga tao ang mga bagay na sa laman; hindi nila maisuko ang kasiyahan ng laman, ang mundo, salapi, o ang kanilang mga tiwaling disposisyon. Nagpapatuloy ang karamihan ng tao sa kanilang mga hangarin nang pabasta-basta. Ang totoo, talagang wala sa puso ng mga taong ito ang Diyos; ang mas masahol pa, wala silang takot sa Diyos. Wala silang Diyos sa kanilang puso, at kaya hindi nila makita nang malinaw ang lahat ng ginagawa ng Diyos, at lalong wala silang kapabilidad na manampalataya sa mga salitang binibigkas Niya. Labis na makalaman ang gayong mga tao; napakalalim na ng kanilang pagkatiwali at wala silang anumang katotohanan, at ang mas malala pa, hindi sila naniniwalang kaya ng Diyos na magkatawang-tao. Ang sinumang hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos—ibig sabihin, ang sinumang hindi nananampalataya sa gawain at mga salita ng nakikitang Diyos, o ang hindi nananampalataya sa nakikitang Diyos at bagkus ay sumasamba sa di-nakikitang diyos sa langit—ay isang taong walang Diyos sa kanyang puso, isang taong mapaghimagsik at lumalaban sa Diyos. Ang gayong mga tao ay walang pagkatao o katwiran, lalo na ng katotohanan. Para sa mga taong ito, lalong hindi mapananampalatayaan ang nakikita at nahahawakang Diyos, ngunit itinuturing nila na pinakakapani-paniwala at pinakanakapagpapasaya ang di-nakikita at di-nahahawakang Diyos. Ang hinahangad nila ay hindi ang aktuwal na katotohanan, ni ang tunay na kabuluhan ng buhay; lalong hindi ang mga layunin ng Diyos. Sa halip, kasiyahan ang hinahanap nila. Alinmang mga bagay ang pinakamakapagbibigay sa kanila ng kakayahang tuparin ang sarili nilang mga pagnanais ang, walang alinlangang, bumubuo sa pananalig at paghahangad nila. Nananampalataya lamang sila sa Diyos upang matugunan ang sarili nilang mga pagnanais, hindi upang hanapin ang katotohanan. Hindi ba’t mga taong gumagawa ng masama ang gayong mga tao? Labis ang kanilang tiwala sa sarili, at hinding-hindi sila naniniwala na lilipulin ng Diyos sa langit ang gayong “mabubuting tao” na tulad nila. Sa halip, naniniwala sila na pahihintulutan sila ng Diyos na manatili at, bukod dito, gagantimpalaan sila nang malaki. Ito ay dahil iniisip nilang marami silang nagawa para sa Diyos at nagpakita sila ng malaking “debosyon” sa Kanya. Kung hahangarin din nila ang nakikitang Diyos, sa sandaling hindi matugunan ang kanilang mga pagnanais, agad silang gaganti sa Diyos o magwawala sa galit. Ang lahat ng taong ito ay ubod ng samang mga tao na kasuklam-suklam, na naghahangad lamang na matugunan ang mga sarili nilang pagnanais; hindi sila mga taong may integridad na naghahangad sa katotohanan. Ang gayong mga tao ay ang tinatawag na masasama na sumusunod kay Cristo. Ang mga taong iyon na hindi naghahanap sa katotohanan ay hindi posibleng makapanampalataya sa katotohanan, at lalong hindi magagawang makita nang malinaw ang kalalabasan ng sangkatauhan sa hinaharap, dahil hindi sila nananampalataya sa anumang gawain o mga salita ng nakikitang Diyos, at hindi rin sila naniniwala sa magiging hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap. Samakatwid, kahit pa sumusunod sila sa nakikitang Diyos, gumagawa pa rin sila ng masama at hinding-hindi nila hinahanap ang katotohanan, at hindi rin nila isinasagawa ang katotohanang hinihingi Ko. Yaong mga taong hindi naniniwala na sila ay lilipulin, sa kabaligtaran, ang siyang mga lilipulin. Lahat sila ay naniniwala na napakatalino nila, at iniisip nila na sila mismo ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan. Pinahahalagahan nila bilang katotohanan ang kanilang masasamang gawa. Labis ang tiwala sa sarili ng gayong masasamang tao; itinuturing nilang doktrina ang katotohanan at itinuturing nila ang masasamang kilos nila bilang ang katotohanan, at sa huli, ang maaani lamang nila ay kung ano ang itinanim nila. Habang mas may tiwala sa sarili ang mga tao at habang mas mapagmataas nila, mas hindi nila magagawang makamit ang katotohanan; habang mas nananampalataya ang mga tao sa diyos sa langit, mas nilalabanan nila ang Diyos. Ang mga taong ito ang siyang parurusahan. Bago pumasok sa pamamahinga ang sangkatauhan, matutukoy kung parurusahan ba o gagantimpalaan ang bawat uri ng tao ayon sa kung hinahanap ba nila ang katotohanan, kung kilala ba nila ang Diyos, at kung kaya ba nilang magpasakop sa nakikitang Diyos. Hindi nagtataglay ng katotohanan yaong mga nagtrabaho, subalit hindi nakikilala ang nakikitang Diyos o nagpapasakop sa Kanya. Mga taong gumagawa ng masama ang gayong mga tao, at walang alinlangang magiging mga pakay ng kaparusahan ang mga taong gumagawa ng masama; higit pa rito, parurusahan sila ayon sa kanilang masasamang gawa. Ang Diyos ay para sampalatayaan ng mga tao, at karapat-dapat din Siya sa kanilang pagpapasakop. Ang mga may pananalig lang sa malabo at di-nakikitang diyos ay mga taong hindi nananampalataya sa Diyos at hindi magawang magpasakop sa Diyos. Kung hindi pa rin magagawang manampalataya ng mga taong ito sa nakikitang Diyos sa oras na matapos ang gawain Niya ng panlulupig, at magpapatuloy pa rin sila sa paghihimagsik at paglaban sa nakikitang Diyos na nasa katawang-tao, walang alinlangan na itong “mga tagasunod ng malabong Diyos” na ito ay magiging mga pakay ng paglipol. Katulad din ito sa inyo—ang lahat ng pasalitang kumikilala sa Diyos na nagkatawang-tao, ngunit hindi maisagawa ang katotohanan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao, ay ititiwalag at lilipulin sa huli. At ang lahat ng pasalitang kumikilala sa nakikitang Diyos at kumakain at umiinom ng katotohanang ipinapahayag Niya, pero naghahangad sa malabo at di-nakikitang diyos, ay lalong magiging mga pakay ng paglipol. Wala sa mga taong ito ang magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga na darating kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi rin makakapanatili ang isang indibidwal na gaya nito hanggang sa oras na iyon ng pamamahinga. Ang mga tao na sa mga demonyo ay hindi nagsasagawa ng katotohanan; diwa ng paglaban at paghihimagsik sa Diyos ang diwa nila, at wala silang ni katiting na intensyon na magpasakop sa Kanya. Lilipulin ang lahat ng gayong tao. Nakasalalay sa iyong diwa, hindi sa iyong hitsura o kung paano ka magsalita o kumilos paminsan-minsan, kung taglay mo ba ang katotohanan at kung lumalaban ka ba sa Diyos. Natutukoy sa diwa ng isang indibidwal kung siya ba ay lilipulin o hindi; pinagpapasyahan ito ayon sa diwang ibinubunyag ng kanyang pag-uugali at paghahangad sa katotohanan. Sa mga taong lahat gumagampan ng gawain at gumagawa ng parehas na dami ng gawain, ang may mabubuting diwa ng pagkatao na nagtataglay ng katotohanan ang siyang mga papayagang manatili, samantalang ang may masasamang diwa ng pagkatao na naghihimagsik laban sa nakikitang Diyos ang siyang lilipulin. Ang lahat ng gawain o mga salita ng Diyos na may kaugnayan sa hantungan ng sangkatauhan ay angkop na pakikitunguhan ang mga tao batay sa diwa ng bawat indibidwal; walang magaganap na kahit kaunting kamalian, at higit pa rito, walang magagawang isa mang pagkakamali. Tuwing gumagawa ng gawain ang mga tao, saka lang ito nahahaluan ng mga damdamin o ideya. Pinakaangkop ang gawaing ginagawa ng Diyos; hinding-hindi Siya nagbibitaw ng mga maling paratang laban sa sinumang nilikha. Maraming tao sa kasalukuyan ang hindi malinaw na nakakakita sa hantungan ng sangkatauhan sa hinaharap at hindi nananampalataya sa mga salitang binibigkas Ko. Ang lahat ng hindi nananampalataya, gayundin ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ay mga demonyo!

Sa kasalukuyan, iyong mga naghahangad at iyong mga hindi naghahangad ay dalawang uri ng mga tao, na may magkaibang hantungan. Iyong mga naghahangad na malaman ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan ang mga ililigtas ng Diyos. Iyong mga hindi nababatid ang tunay na daan ay mga demonyo at kaaway; mga inapo sila ng arkanghel at magiging mga pakay ng paglipol. Kahit iyong mga maka-diyos na mananampalataya ng isang malabong diyos—hindi ba’t mga demonyo rin sila? Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting konsensiya ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; paglaban sa Diyos ang kanilang diwa. Iyong mga hindi tinatanggap ang tunay na daan ay iyong mga lumalaban sa Diyos, at kahit pa magtiis ng labis na pagdurusa ang gayong mga tao, lilipulin pa rin sila. Iyong lahat ng ayaw tumalikod sa mundo, na hindi matiis na mawalay sa kanilang mga magulang, at hindi matiis na alisin sa kanilang mga sarili ang mga kasiyahan ng laman ay mapaghimagsik sa Diyos, at lahat sila ay magiging mga pakay ng paglipol. Ang sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang demonyo at, higit pa rito, ay lilipulin. Iyong mga nananampalataya ngunit hindi nagsasagawa ng katotohanan, iyong mga hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos, at iyong mga hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos kahit kaunti ay magiging mga pakay lahat ng paglipol. Ang lahat ng maaaring manatili ay mga taong dumaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao ito na tunay na dumaan sa mga pagsubok. Ang sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, ang sinumang hindi kumikilala sa nagkatawang-taong Diyos—nasa loob man siya o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino ang mga Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos? Hindi ba’t sila iyong mga mapanlaban na hindi nananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t sila iyong mga taong mapaghimagsik laban sa Diyos? Hindi ba’t sila iyong mga nagsasabing mayroon silang pananalig, subalit walang katotohanan? Hindi ba’t sila iyong mga naghahangad lamang na magtamo ng mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at tinatrato sila nang may konsensiya at pagmamahal, ngunit hindi ba’t katumbas ito ng pagpapakita ng kabaitan kay Satanas? Hindi ba’t kakampi ka ng mga demonyo? Kung umabot na ang mga tao sa puntong ito at hindi pa rin nila makita ang kaibhan ng mabuti sa masama, at patuloy silang pikit-matang maging mapagmahal at maawain nang walang anumang pagnanais na hangarin ang puso ng Diyos o magawang ituring bilang kanila sa anumang paraan ang puso ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga kalalabasan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nasa katawang-tao. Kung kaya mong tratuhin ang mga kaaway ng Diyos nang may konsensiya at pagmamahal, hindi ba’t wala kang pagpapahalaga sa katarungan? Kung kaayon ka ng mga kinamumuhian Ko at tinututulan Ko, at tinatrato mo pa rin sila nang may pagmamahal o pinapakitaan sila ng mga personal na damdamin, hindi ba’t mapaghimagsik ka? Hindi ba’t sinasadya mong labanan ang Diyos? Aktuwal bang nagtataglay ng katotohanan ang gayong tao? Kung tatratuhin ng mga tao ang mga kaaway ng Diyos nang may konsensiya, ang mga demonyo nang may pagmamahal, at si Satanas nang may awa, hindi ba’t sadyang nilang ginagambala ang gawain ng Diyos? Iyong mga taong nananampalataya lamang kay Jesus at hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, gayundin iyong mga pasalitang nagsasabi na nananampalataya sila sa Diyos na nagkatawang-tao ngunit gumagawa ng masama, ay lahat mga anticristo, kahit pa hindi banggitin iyong mga hindi nananampalataya sa Diyos. Magiging mga pakay ng paglipol ang lahat ng taong ito. Nakabatay sa kanilang pag-uugali ang pamantayang ginagamit ng mga tao sa paghusga ng ibang mga tao; iyong may mabubuting pag-uugali ay matutuwid, samantalang iyong mga may karumal-dumal na pag-uugali ay masasama. Ang pamantayan ng Diyos sa paghatol sa mga tao ay batay sa kung nagpapasakop ba sa Kanya o hindi ang kanilang diwa; ang nagpapasakop sa Diyos ay matuwid na tao, samantalang ang hindi nagpapasakop ay isang kaaway at isang masamang tao, mabuti man o masama ang pag-uugali ng taong ito at tama man o mali ang kanyang pananalita. Nais ng ilang tao na gumamit ng mabubuting gawa para magtamo ng magandang hantungan sa hinaharap, at nais ng ilang tao na gumamit ng magagandang salita upang makakuha ng magandang hantungan. Maling naniniwala ang lahat na itinatakda ng Diyos ang kalalabasan ng mga tao batay sa kanilang pag-uugali o sa kanilang pananalita; kaya maraming tao ang nagnanais na samantalahin ito para makakuha ng panandaliang biyaya para sa kanilang sarili. Ang mga taong mananatiling buhay sa darating na panahon ng kapahingahan ay lahat nakapagtiis na sa araw ng pagdurusa at nakapagpatotoo na sa Diyos; lahat sila ay magiging mga tao na tumupad sa kanilang mga tungkulin at na sadyang nagpasakop sa Diyos. Iyong mga nais lamang gamitin ang pagkakataon na makapagserbisyo para maiwasan ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi mananatili. May mga naaangkop na pamantayan ang Diyos para sa pagsasaayos ng kalalabasan ng bawat indibidwal; hindi Siya basta lang gumagawa ng mga kapasyahang ito ayon sa mga salita at asal ng isang tao, at hindi rin Niya ginagawa ang mga ito batay sa kung paano kumikilos ang isang tao sa isang yugto ng panahon. Hinding-hindi Siya magiging maluwag pagdating sa lahat ng masamang gawa ng isang tao dahil sa nakaraang paglilingkod nito sa Kanya, at hindi rin Niya ililigtas ang isang tao mula sa kamatayan dahil iginugol nito ang sarili nito para sa Kanya sa ilang panahon. Walang sinuman ang makaiiwas sa retribusyon para sa kanyang kasamaan, at walang sinuman ang makakapagkubli ng kanyang masasamang gawa at sa gayon ay makaiiwas sa pagdurusa ng paglipol. Kung tunay na kayang tuparin ng mga tao ang sarili nilang mga tungkulin, nangangahulugan ito na walang hanggan silang tapat sa Diyos at hindi sila naghahanap ng mga pabuya, tumatanggap man sila ng mga pagpapala o nagdurusa ng kasawian. Kung tapat sa Diyos ang mga tao kapag nakakakita sila ng mga pagpapala, ngunit nawawala ang kanilang katapatan kapag hindi sila nakakakita ng anumang pagpapala, at kung ang mga taong ito—na minsang nagtrabaho nang tapat para sa Diyos—ay hindi pa rin makapagpatotoo sa Diyos o makatupad ng mga tungkuling nakaatang sa kanila sa huli, kung gayon, magiging mga pakay pa rin ng paglipol ang gayong mga tao. Sa madaling salita, hindi makakapanatiling buhay magpakailanman ang masasamang tao, at hindi rin sila makapapasok sa kapahingahan; tanging ang matutuwid ang magiging mga panginoon sa kapahingahan. Sa sandaling nasa tamang landas na ang sangkatauhan, ang mga tao ay magkakaroon ng normal na buhay ng tao. Makakaya nilang lahat na gawin ang sarili nilang mga tungkulin at maging ganap na tapat sa Diyos. Lubusan nilang iwawaksi ang kanilang paghihimagsik at ang kanilang mga tiwaling disposisyon, at mamumuhay sila para sa Diyos at dahil sa Diyos, nang walang paghihimagsik at paglaban. Magagawa nilang lahat na lubusang magpasakop sa Diyos. Ito ang magiging buhay ng Diyos at ng sangkatauhan; ito ang magiging buhay ng kaharian, at ito ang magiging buhay ng kapahingahan.

Labis na makasarili ang lahat ng kumakaladkad sa kanilang mga lubusang di-nananampalatayang anak at kamag-anak patungong iglesia, at nagpapakita lamang sila ng kabaitan. Nakatuon lamang ang mga taong ito sa pagiging mapagmahal, nananampalataya man sila o hindi at layunin man ito o hindi ng Diyos. Dinadala ng ilan ang kanilang esposa sa harap ng Diyos, o kinakaladkad ang kanilang mga magulang sa harap ng Diyos, at sumasang-ayon man dito o hindi ang Banal na Espiritu at gumagawa man o hindi sa kanila ang Banal na Espiritu, pikit-mata silang “nag-aampon ng mga taong may talento” para sa Diyos. Anong pakinabang ang maaaring makamit mula sa pagpapakita ng kabaitan sa mga walang pananampalatayang ito? Kahit pa ang mga hindi mananampalatayang ito, na walang presensiya ng Banal na Espiritu, ay atubiling sumusunod sa Diyos, hindi pa rin sila maililigtas tulad ng naiisip ng mga tao. Yaong mga makakatanggap ng kaligtasan ay hindi talaga ganoon kadaling makamit. Lubos na walang kapabilidad na magawang ganap ang mga tao na hindi sumailalim sa gawain at mga pagsubok ng Banal na Espiritu, at hindi nagawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Samakatwid, mula sa sandaling nagsimula silang sumunod sa Diyos sa pangalan lamang, walang presensiya ng Banal na Espiritu ang mga taong iyon. Dala ng kanilang mga kondisyon at tunay na kalagayan, sadyang hindi sila magagawang ganap. Sa gayon, hindi naglalayon ang Banal na Espiritu na gumugol ng maraming enerhiya sa kanila, at hindi rin Siya nagkakaloob ng anumang kaliwanagan o gumagabay sa kanila sa anumang paraan; pinahihintulutan lamang Niya silang makisunod, at sa huli ay ibubunyag ang mga kalalabasan nila—sapat na ito. Ang sigasig at mga ninanais ng mga tao ay mula kay Satanas, at hindi magagawang ganap ng mga bagay na ito sa anumang paraan ang gawain ng Banal na Espiritu. Anupaman ang mga tao, dapat ay taglay nila ang gawain ng Banal na Espiritu. Maaari bang gawing ganap ng mga tao ang mga tao? Bakit minamahal ng isang lalaki ang kanyang asawa? Bakit minamahal ng isang babae ang kanyang asawa? Bakit nagpapakita ng paggalang ang mga anak sa kanilang mga magulang? Bakit inaalagaan ng mga magulang ang kanilang mga anak? Ano ang layunin na kinikimkim ng lahat ng tao? Hindi ba’t ito ay ang tuparin ang sarili nilang mga plano at mga makasariling pagnanais? Ito ba talaga ay ang kumilos alang-alang sa plano ng pamamahala ng Diyos? Ito ba talaga ay ang kumilos alang-alang sa gawain ng Diyos? Ito ba ay ang tuparin ang mga tungkulin ng isang nilikha? Yaong mga hindi nagawang matanggap ang presensiya ng Banal na Espiritu, mula noong sandaling nagsimula silang manampalataya sa Diyos, ay hindi kailanman matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu; ang mga taong ito ay tiyak na mga bagay na lilipulin. Gaano man kalaki ang pagmamahal na mayroon ang isang tao para sa kanila, hindi nito mapapalitan ang gawain ng Banal na Espiritu. Kumakatawan ang sigasig at pagmamahal ng mga tao sa mga kagustuhan ng tao, ngunit hindi maaaring kumatawan ang mga ito sa mga kagustuhan ng Diyos, at hindi rin maaaring humalili ang mga ito sa gawain ng Diyos. Kahit pa magpakita ang isang tao ng pinakamalaking posibleng pagmamahal o awa sa mga tao na nananampalataya sa Diyos sa pangalan lamang at sa mga nagpapanggap na sumusunod sa Kanya nang hindi nalalaman kung ano ang tunay na kahulugan ng manampalataya sa Diyos, hindi pa rin nila matatamo ang simpatya ng Diyos, ni matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu. Kahit pa mahina ang kakayahan ng mga tao na taos-pusong sumusunod sa Diyos at hindi nila magawang maunawaan ang maraming katotohanan, maaari pa rin silang paminsan-minsang makatanggap ng gawain ng Banal na Espiritu; gayumpaman, yaong mga may mahusay namang kakayahan, ngunit hindi taos-pusong nananampalataya, ay sadyang hindi makatatanggap ng presensiya ng Banal na Espiritu. Lubos na walang posibilidad na maligtas ang gayong mga tao. Kahit pa nagbabasa sila ng mga salita ng Diyos o paminsan-minsang nakikinig sa mga sermon, o umaawit ng mga papuri sa Diyos, sa huli ay hindi nila magagawang manatiling buhay hanggang sa oras ng pamamahinga. Kung taos-puso bang naghahangad ang mga tao ay hindi natutukoy sa kung paano sila hinuhusgahan ng iba o kung ano ang tingin sa kanila ng mga tao sa kanilang paligid, kundi sa pamamagitan ng kung gumagawa ba ang Banal na Espiritu sa kanila at kung taglay ba nila ang presensiya ng Banal na Espiritu. Bukod pa rito, nakabatay ito sa kung nagbago ba ang kanilang mga disposisyon at sa kung nagkamit ba sila ng anumang pagkakilala sa Diyos matapos nilang sumailalim sa gawain ng Banal na Espiritu sa loob ng isang tiyak na panahon. Kung gumagawa ang Banal na Espiritu sa isang tao, unti-unting magbabago ang disposisyon ng taong ito, at unti-unting magiging dalisay ang pagkaunawa niya sa kanyang pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Gaano man katagal sumunod sa Diyos ang mga tao, hangga’t nagkaroon sila ng kaunting pagbabago, nangangahulugan itong gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Kung hindi sila nagbago, nangangahulugan itong hindi gumagawa sa kanila ang Banal na Espiritu. Kahit pa magserbisyo nang kaunti ang mga taong ito, ang nagtutulak sa kanilang gawin ito ay ang layunin na makatanggap ng mga pagpapala. Hindi mapapalitan ng paminsan-minsang pagseserbisyo ang pagbabago ng disposisyon. Sa huli, lilipulin pa rin sila, dahil hindi kakailanganin sa kaharian ang mga tagapagserbisyo, at hindi rin kakailanganin ang sinumang hindi nagbago ang disposisyon na magserbisyo sa mga taong nagawa nang perpekto at matapat sa Diyos. Yaong mga salitang sinabi sa nakaraan, “Ang pananampalataya ng isang tao sa Panginoon ay nagdadala ng mga pagpapala sa buong pamilya,” ay naaangkop sa Kapanahunan ng Biyaya, ngunit walang kaugnayan sa hantungan ng isang tao. Naaangkop lamang ang mga ito sa isang yugto noong Kapanahunan ng Biyaya. Nakatuon ang pahiwatig ng mga salitang iyon sa kapayapaan at mga materyal na pagpapala na tinamasa ng mga tao; hindi nangangahulugan ang mga ito na ang buong pamilya ng isang tao na nananampalataya sa Panginoon ay maliligtas, at hindi rin nangangahulugan ang mga ito na kapag nakakatanggap ang isang tao ng mga pagpapala, maaari ding madala sa pamamahinga ang buong pamilya niya. Kung tatanggap ba ng mga pagpapala ang isang tao o magdurusa ng kasawian ay natutukoy ayon sa diwa ng isang tao, hindi ayon sa anumang karaniwang diwang maaaring mayroon ang isang tao kagaya ng iba. Walang puwang sa kaharian ang ganoong uri ng kasabihan o panuntunan. Kung sa huli ay magagawa ng isang tao na manatiling buhay, ito ay dahil natugunan niya ang mga hinihingi ng Diyos, at kung sa huli ay hindi niya magagawang manatili hanggang sa oras ng pamamahinga, ito ay dahil naging mapaghimagsik siya sa Diyos at hindi niya natugunan ang mga hinihingi ng Diyos. May angkop na hantungan ang lahat, na natutukoy ayon sa diwa ng bawat indibidwal, at ganap na wala itong kinalaman sa ibang mga tao. Ang masasamang gawa ng isang bata ay hindi maililipat sa kanyang mga magulang, at hindi rin maibabahagi sa mga magulang ang pagiging matuwid ng isang bata. Hindi maililipat sa kanyang mga anak ang masasamang gawa ng isang magulang, at hindi rin maibabahagi sa kanyang mga anak ang pagiging matuwid ng isang magulang. Pinapasan ng lahat ang kani-kanilang mga kasalanan, at tinatamasa ng lahat ang kani-kanilang mga pagpapala. Walang sinuman ang maaaring maging panghalili sa isa pang tao. Ito ang pagiging matuwid. Sa pananaw ng tao, kung tumatanggap ng mga pagpapala ang mga magulang, kung gayon ay dapat tumanggap din ang kanilang mga anak, at kung gumagawa ng masama ang mga anak, dapat magbayad-sala ang kanilang mga magulang para sa mga kasalanang iyon. Isa itong perspektiba ng tao at isang paraan ng tao sa paggawa ng mga bagay-bagay; hindi ito perspektiba ng Diyos. Natutukoy ang kalalabasan ng lahat ayon sa diwa ng kanilang mga gawa, at palagi itong angkop na natutukoy. Walang sinumang maaaring magpasan ng mga kasalanan ng iba; higit pa rito, walang sinumang maaaring tumanggap ng kaparusahan para sa iba. Ito ay lubos. Ang mapagmahal na pag-aaruga ng isang magulang sa kanyang mga anak ay hindi nangangahulugan na maaari siyang gumampan ng matutuwid na gawa bilang kahalili ng kanyang mga anak, at ang pagiging mabuting anak ng isang anak sa kanyang mga magulang ay hindi rin nangangahulugan na maaari siyang gumampan ng matutuwid na gawa bilang kahalili ng kanyang mga magulang. Ito ang tunay na kahulugan ng mga salitang, “Kung gayon ay magkakaroon ng dalawa sa batawan; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan. Maggigiling sa kiskisan ang dalawang babae; ang isa ay kukunin, at ang isa ay iiwan.” Hindi madadala ng mga tao sa pamamahinga ang mga anak nilang gumagawa ng masama batay sa malalim nilang pagmamahal sa mga ito, at hindi rin madadala ng sinuman sa pamamahinga ang kanyang asawa batay sa sarili niyang matutuwid na gawa. Isa itong administratibong panuntunan; hindi maaaring magkaroon ng mga pagtatangi para sa sinuman. Ang mga gumagawa ng matutuwid na gawa ay mga gumagawa ng matutuwid na gawa sa huli, at ang mga taong gumagawa ng masama ay mga taong gumagawa ng masama sa huli. Magagawa ng mga gumagawa ng matutuwid na gawa na manatiling buhay sa huli, samantalang lilipulin naman ang mga taong gumagawa ng masama. Ang mga banal ay mga banal; hindi sila marumi. Ang marurumi ay marurumi, at walang isa mang bahagi nila ang banal. Ang mga taong lilipulin ay ang lahat ng masasama, at ang mga mananatiling buhay ay ang lahat ng matutuwid—kahit pa ang mga anak ng masasama ay gumagawa ng matutuwid na gawa, at kahit pa ang mga magulang ng matutuwid ay gumagawa ng masasamang gawa. Walang likas na ugnayan sa pagitan ng isang nananampalatayang esposo at ng isang di-nananampalatayang esposa, at walang ugnayan sa pagitan ng mga nananampalatayang anak at mga di-nananampalatayang magulang; hindi magkaayon ang dalawang uring ito ng mga tao. Bago pumasok sa pamamahinga, ang mga tao ay may makalamang pagmamahal sa pamilya, ngunit sa sandaling pumasok sila sa pamamahinga, wala nang magiging anumang makalamang pagmamahal sa pamilya. Yaong mga gumagawa ng kanilang tungkulin ay likas na mga kaaway ng yaong mga hindi gumagawa ng kanilang tungkulin; yaong mga nagmamahal sa Diyos at yaong mga namumuhi sa Kanya ay likas na magkasalungat sa isa’t isa. Yaong mga papasok sa pamamahinga at yaong mga nalipol na ay dalawang di-magkaayong uri ng mga nilikha. Ang mga nilikha na gumagampan sa kanilang mga tungkulin ay makakapagpatuloy na mabuhay, habang yaong mga hindi gumagampan sa kanilang mga tungkulin ay magiging mga pakay ng paglipol; higit pa rito, magtatagal ito magpasawalang hanggan. Minamahal mo ba ang iyong esposo upang magampanan mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha? Minamahal mo ba ang iyong esposa upang magampanan mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha? Nagpapakita ka ba ng pagiging mabuting anak sa iyong mga di-nananampalatayang magulang upang magampanan mo ang tungkulin mo bilang isang nilikha? Talaga bang tama o mali ang mga pananaw ng mga tao hinggil sa pananampalataya sa Diyos? Para saan ka mismo nananampalataya sa Diyos? Ano mismo ang nais mong makamit? Paano mo mismo minamahal ang Diyos? Yaong mga hindi makatupad sa kanilang mga tungkulin bilang mga nilikha, at hindi makagawa ng sagarang pagsisikap, ay magiging mga pakay ng paglipol. May mga ugnayan ng laman na umiiral sa pagitan ng mga tao ng kasalukuyan, pati na rin mga pagkakaugnay sa dugo, ngunit sa hinaharap, mawawasak ang lahat ng ito. Likas na hindi magkaayon ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa. Yaong mga nasa pamamahinga ay magiging mga tao lahat na naniniwala na may Diyos at nagpapasakop sa Diyos, samantalang yaong mga mapaghimagsik laban sa Diyos ay nalipol nang lahat. Hindi na iiral sa lupa ang mga pamilya; paano pa magkakaroon ng mga magulang o mga anak o mga ugnayan ng mag-asawa? Ang mismong hindi pagiging magkaayon ng paniniwala at di-paniniwala ay lubos nang pumutol sa gayong mga ugnayan ng laman!

Noong simula ay walang mga pamilya sa sangkatauhan; mayroon lamang mga lalaki at mga babae—dalawang magkaibang uri ng mga tao. Walang mga bansa, lalong walang mga pamilya, ngunit bilang bunga ng katiwalian ng sangkatauhan, pinagpangkat-pangkat ng lahat ng uri ng mga tao ang kanilang mga sarili sa mga indibidwal na angkan, na kinalaunan ay naging mga bansa at mga etnisidad. Binubuo ang mga bansa at etnisidad na ito ng maliliit na indibidwal na pamilya, at sa ganitong paraan, naikalat ang lahat ng uri ng tao sa iba’t ibang lahi batay sa mga pagkakaiba sa wika at mga hangganan. Ang totoo, gaano karaming lahi man mayroon sa daigdig, sa huli ay may iisang ninuno ang sangkatauhan. Noong simula, may dalawang uri lamang ng mga tao, at ang dalawang uring ito ay mga lalaki at mga babae. Gayunman, dahil sa pag-unlad ng gawain ng Diyos, sa kilos ng kasaysayan, at sa mga pagbabagong pang-heograpiya, sa iba’t ibang antas ay naging mas marami pang iba’t ibang uri ng mga tao ang dalawang uri ng mga taong ito. Sa batayan, gaano man karaming lahi ang maaaring bumuo sa sangkatauhan, nilikha pa rin ng Diyos ang buong sangkatauhan. Sa anupamang mga lahi nabibilang ang mga tao, silang lahat ay mga nilikha Niya; mga inapo silang lahat nina Adan at Eba. Bagama’t hindi sila ginawa ng mga kamay ng Diyos, mga inapo sila nina Adan at Eba, na personal na nilikha ng Diyos. Sa aling uri man ng nilalang nabibilang ang mga tao, silang lahat ay mga nilikha Niya; yamang sila ay mga nilikhang tao, dapat ay mayroon silang mga hantungan na dapat mayroon ang mga tao, at sila ay pagbubukud-bukurin ayon sa mga panuntunan para sa pagsasaayos para sa mga tao. Ibig sabihin, ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng gumagawa ng matutuwid na gawa ay, ano’t anuman, mga nilikha. Lilipulin sa huli ang mga nilikha na gumagawa ng masama, at ang mga nilikha na gumagawa ng matutuwid na gawa ay makaliligtas. Ito ang pinakaangkop na pagsasaayos para sa dalawang uri ng mga nilikha na ito. Dahil sa kanilang paghihimagsik, hindi maitatatwa ng mga taong gumagawa ng masama na sila ay mga nilikha ng Diyos subalit binihag sila ni Satanas kung kaya’t hindi sila maililigtas. Batay sa katunayang patuloy silang mabubuhay, ang mga nilikhang gumagawa ng matutuwid na gawa ay hindi makapagtatatwang nilikha sila ng Diyos subalit tumanggap na sila ng kaligtasan matapos magawang tiwali ni Satanas. Ang mga gumagawa ng masama ay mga nilikha na mapaghimagsik laban sa Diyos; mga nilikha sila na hindi maililigtas at lubusan nang binihag ni Satanas. Mga tao rin ang mga taong gumagawa ng masama; mga tao sila na sukdulan nang nagawang tiwali, at hindi maililigtas. Bilang mga nilikha rin, nagawa na ring tiwali ang mga taong gumagawa ng matutuwid na gawa, ngunit sila ay mga taong handang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nagkaroon na sila ng kakayahang magpasakop sa Diyos. Hindi umaapaw sa pagiging matuwid ang mga taong gumagawa ng matutuwid na gawa. Sa halip, sila ay mga tao na nakapagtamo na ng kaligtasan, nakapagwaksi na ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at nakapagpasakop na sa Diyos, mga tao na magiging matatag sa katapusan. Hindi sa sila ay mga tao na hindi kailanman nagawang tiwali ni Satanas. Pagkaraang matapos ang gawain ng Diyos, sa lahat ng mga nilikha, may mga lilipulin at may mga makakaligtas. Isa itong hindi maiiwasang kalakaran sa gawain ng pamamahala Niya; walang sinumang makapagtatatwa nito. Ang mga taong gumagawa ng masama ay hindi pahihintulutang makaligtas; yaon namang mga nagpapasakop at sumusunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tiyak na makaliligtas. Dahil ang gawaing ito ay sa pamamahala sa sangkatauhan, magkakaroon ng mga mananatili at mga ititiwalag. Ito ang iba’t ibang kalalabasan para sa iba’t ibang uri ng mga tao, at ang mga ito ang pinakaangkop na mga pagsasaayos para sa mga nilikha. Ang panghuling pagsasaayos ng Diyos para sa sangkatauhan ay ang paghiwa-hiwalayin sila sa pamamagitan ng pagwasak sa mga pamilya, pagsira sa mga etnisidad at pagbasag sa mga pambansang hangganan sa isang pagsasaayos na walang mga pamilya o mga pambansang hangganan, sapagkat ang mga tao, matapos ang lahat, ay nagmula sa iisang ninuno at mga nilikha ng Diyos. Sa madaling salita, ang mga nilikhang gumagawa ng kasamaan ay lilipulin lahat, at ang mga nilikha na nagpapasakop sa Diyos ay maliligtas. Sa ganitong paraan, wala nang magiging mga pamilya, wala nang mga bansa, at lalong wala nang mga etnisidad sa darating na oras ng pamamahinga; magiging pinakabanal na uri ng sangkatauhan ang ganitong uri ng sangkatauhan. Nilikha sa simula sina Adan at Eba upang mapamahalaan ng sangkatauhan ang lahat ng bagay sa lupa; sa madaling salita, ang mga tao ang unang mga panginoon ng lahat ng bagay. Ang kagustuhan ni Jehova sa paglikha ng mga tao ay ang umiral sila sa lupa at mamahala sa lahat ng bagay rito, dahil noong simula ay hindi pa nagawang tiwali ang sangkatauhan at wala pa itong kakayahang gumawa ng masama. Gayunman, pagkaraang maging tiwali ang mga tao, hindi na sila ang mga tagapamahala ng lahat ng bagay. Ang layunin ng pagliligtas ng Diyos ay ang panumbalikin ang tungkuling ito ng sangkatauhan, ang panumbalikin ang orihinal na katwiran at ang orihinal na pagpapasakop ng sangkatauhan; ang sangkatauhang nasa pamamahinga ang magiging mismong pagkakatawan ng bungang inaasahan ng Diyos na matatamo sa gawain Niya ng pagliligtas. Bagama’t hindi na ito magiging isang buhay na tulad ng sa Hardin ng Eden, magiging magkapareho ang diwa ng mga ito; iyon nga lang, ang sangkatauhan ay hindi na magiging ang di-nagawang tiwaling sangkatauhan na iyon, bagkus ay isang sangkatauhang naging tiwali at pagkaraan ay tumanggap ng kaligtasan. Sa huli, ang mga taong ito na tumanggap na ng kaligtasan (iyan ay, kapag natapos na ang gawain ng Diyos) ay papasok sa pamamahinga. Gayundin, ang mga kalalabasan ng mga parurusahan ay ganap ding mabubunyag sa katapusan, at lilipulin lamang sila kapag natapos na ang gawain ng Diyos. Sa madaling salita, kapag natapos na ang gawain Niya, mabubunyag lahat yaong mga taong gumagawa ng masama at yaong mga nailigtas na, dahil ang gawain ng pagbubunyag ng lahat ng uri ng mga tao (sila man ay mga taong gumagawa ng masama o kabilang sa yaong mga inililigtas) ay isasakatuparan sa lahat nang sabay-sabay. Magkasabay na ititiwalag ang mga taong gumagawa ng masama at ibubunyag yaong mga pinahihintulutang manatili. Samakatwid, ibubunyag nang sabay-sabay ang kalalabasan ng lahat ng uri ng mga tao. Hindi pahihintulutan ng Diyos ang isang pangkat ng mga tao na nabigyan ng kaligtasan na pumasok sa pamamahinga bago isantabi ang mga taong gumagawa ng masama at hatulan o parusahan sila nang paunti-unti; hindi ang mga iyon ang mga katunayan. Kapag nilipol na ang mga taong gumagawa ng masama at pumasok na sa pamamahinga yaong mga makaliligtas, makokompleto na ang gawain ng Diyos sa sansinukob. Hindi magkakaroon ng pagkakasunod-sunod ng prayoridad sa mga tumatanggap ng mga pagpapala at mga nagdurusa ng kasawian; mabubuhay magpakailanman yaong mga tumatanggap ng mga pagpapala, samantalang mamamatay magpasawalang hanggan yaong mga nagdurusa ng kasawian. Magkasabay na tatapusin ang dalawang hakbang na ito ng gawain. Mismong dahil sa pag-iral ng mga mapaghimagsik na tao kaya mahahayag ang pagkamatuwid ng mga nagpapasakop, at mismong dahil may mga tumanggap na ng mga pagpapala na mabubunyag ang kasawiang dinaranas ng mga taong gumagawa ng masama dahil sa masasama nilang gawa. Kung hindi ibubunyag ng Diyos ang mga taong gumagawa ng masama, ang mga taong taos-pusong nagpapasakop sa Diyos ay hindi kailanman makikita ang araw; kung hindi dadalhin ng Diyos sa isang angkop na hantungan yaong mga nagpapasakop sa Kanya, hindi matatanggap ng mga mapaghimagsik sa Diyos ang nararapat nilang ganti. Ito ang pamamaraan ng gawain ng Diyos. Kung hindi Niya isasakatuparan ang gawaing ito ng pagpaparusa sa masasama at paggantimpala sa mabubuti, hindi kailanman makakapasok sa kani-kanilang mga hantungan ang mga nilikha. Sa sandaling pumasok sa kapahingahan ang sangkatauhan, nalipol na ang mga taong gumagawa ng masama at mapupunta sa tamang landas ang buong sangkatauhan; ang lahat ng klase ng mga tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri batay sa mga tungkulin na dapat nilang isagawa. Ito lamang ang magiging araw ng kapahingahan ng sangkatauhan, at ito lamang ang di-maiiwasang kalakaran para sa pag-unlad ng sangkatauhan. Tanging kapag nakapasok na sa kapahingahan ang sangkatauhan tuluyang matatapos ang dakilang gawain ng Diyos; ito ang magiging pangwakas na bahagi ng gawain Niya. Ang gawaing ito ang tatapos sa imoral na buhay ng laman ng buong sangkatauhan, gayundin sa buhay ng tiwaling sangkatauhan. Mula noon, papasok ang mga tao sa isang bagong mundo. Bagama’t mamumuhay sa laman ang lahat ng tao, ang diwa ng buhay na ito at ang buhay ng tiwaling sangkatauhan ay magiging labis na magkaiba. Magkaiba rin ang kabuluhan ng pag-iral na ito at ng pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Bagama’t hindi ito ang magiging buhay ng isang bagong uri ng tao, masasabi na buhay ito ng isang sangkatauhang nailigtas, at isang buhay rin kung saan nanumbalik na ang pagkatao at katwiran. Ang mga ito ay mga taong minsan nang naging mapaghimagsik laban sa Diyos, na nalupig na ng Diyos at pagkatapos ay iniligtas Niya; ang mga ito ay mga taong nagbigay-kahihiyan sa Diyos at kalaunan ay nagpatotoo para sa Kanya. Pagkatapos sumailalim sa Kanyang pagsubok at manatili, ang kanilang pag-iral ang magiging pinakamakabuluhang pag-iral; sila ay mga taong nagpatotoo para sa Diyos sa harap ni Satanas, at mga tao na karapat-dapat mabuhay. Yaong mga malilipol ay ang mga hindi makapanindigan sa kanilang patotoo sa Diyos at hindi akmang patuloy na mabuhay. Magiging bunga ng masasama nilang gawa ang kanilang pagkalipol, at ang gayong pagpuksa ang pinakamainam na hantungan para sa kanila. Sa hinaharap, pagpasok ng sangkatauhan sa magandang mundo, walang magiging mga ugnayan sa pagitan ng mag-asawa, sa pagitan ng ama at anak na babae, o sa pagitan ng ina at anak na lalaki na inaakala ng mga tao na kanilang matatagpuan. Sa oras na iyon, ang bawat tao ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri, at ang mga pamilya ay nagkahiwa-hiwalay na. Pagkatapos ganap na mabigo, hindi na muling guguluhin ni Satanas ang sangkatauhan, kaya hindi na magkakaroon ng mga satanikong tiwaling disposisyon ang mga tao. Nalipol na yaong mga mapaghimagsik na tao, at tanging ang mga tao na nagpapasakop ang mananatiling buhay. Dahil dito, napakakaunting pamilya ang mananatiling buhay nang buo, kaya paano makapagpapatuloy sa pag-iral ang mga ugnayan ng laman? Lubos nang magiging ipinagbawal ang dating buhay sa laman ng sangkatauhan; paano makaiiral kung gayon ang mga ugnayan ng laman sa pagitan ng mga tao? Kung walang mga satanikong tiwaling disposisyon, ang buhay ng tao ay hindi na magiging ang lumang buhay ng nakaraan, kundi isang bagong buhay. Mawawalan ng mga anak ang mga magulang, at mawawalan ng mga magulang ang mga anak. Mawawalan ng misis ang mga mister, at mawawalan ng mister ang mga misis. Kasalukuyang umiiral ang mga ugnayan ng laman sa pagitan ng mga tao, ngunit hindi na iiral ang mga ito sa sandaling nakapasok na ang lahat ng tao sa kapahingahan. Tanging ang ganitong uri ng sangkatauhan ang magtataglay ng pagiging matuwid at kabanalan; tanging ang ganitong uri ng sangkatauhan ang makasasamba sa Diyos.

Nilikha ng Diyos ang mga tao, inilagay Niya sila sa lupa at inakay sila magmula noon, kalaunan, iniligtas Niya sila at nagsilbi Siya bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, at sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang mga tao, at ibalik sila sa kanilang orihinal na wangis. Ito ang gawaing isinasagawa Niya mula sa simula hanggang sa wakas—ang pagpapanumbalik sa sangkatauhan sa orihinal nitong imahe at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipapanumbalik ang orihinal na wangis ng mga tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng nilikha. Matapos gawing tiwali ni Satanas, nawala sa mga tao ang may-takot-sa-Diyos nilang puso gayundin ang papel na nararapat na mayroon ang mga nilikha. Lahat sila ay naging mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Diyos, namuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at napailalim sa pagmamanipula ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi Niya makamit ang takot ng mga ito. Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit ang totoo ay tinalikuran nila Siya at sa halip ay sumamba kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanilang mga puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng lugar sa kanilang puso, na ang ibig sabihin ay nawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan. Samakatwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan, dapat Niyang maipanumbalik ang orihinal nilang wangis at tanggalin sa sangkatauhan ang kanilang tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang mga tao mula kay Satanas, dapat Niya silang iligtas mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan Niya unti-unting maipapanumbalik ang orihinal nilang wangis at tungkulin, at sa wakas, ay mapapanumbalik ang kaharian Niya. Ang ganap na pagkalipol ng yaong mga anak ng paghihimagsik sa huli ay magiging para din sa kapakanan ng pagtutulot sa mga tao na sambahin nang mas mabuti ang Diyos at mamuhay sa lupa nang mas maayos. Yamang nilikha ng Diyos ang mga tao, gagawin Niyang sambahin nila Siya; yamang ninanais Niyang mapanumbalik ang orihinal na tungkulin ng sangkatauhan, ganap Niya itong panunumbalikin, at nang walang anumang halo. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagpapasamba at pagpapasakop ng mga tao sa Kanya; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang mga tao nang dahil sa Kanya at magdulot na mapahamak ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na idudulot ng Diyos na mamalagi sa mga tao ang lahat ng tungkol sa Kanya nang walang paglaban mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sumasamba sa Kanya, yaong ganap na nagpapasakop sa Kanya at nagtataglay ng kaluwalhatian Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa sangkatauhan; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ang kaharian Niya. Kung hindi lilipulin ng Diyos yaong mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Kanya, hindi Niya magagawang makamit ang ganap Niyang kaluwalhatian, at hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang ganap na lipulin iyong mga kabilang sa sangkatauhan na mapaghimagsik laban sa Kanya, at dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap—ang mga ito ang magiging mga tanda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng dakilang tagumpay Niya. Kapag napanumbalik na ang mga tao sa orihinal nilang wangis, at kapag kaya na nilang tuparin ang kani-kanilang mga tungkulin, manatili sa sarili nilang mga wastong kinalalagyan, at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao sa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng sumasalungat sa Kanya ay mamamatay nang walang hanggan. Panunumbalikin nito ang orihinal Niyang layunin sa paglikha sa sangkatauhan; panunumbalikin nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng bagay, at panunumbalikin din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa lahat ng bagay, at sa mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga tanda ng ganap Niyang tagumpay. Magmula noon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dumi at paghihimagsik sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat ng nasa daigdig na ito na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong hinatiran Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.

Sinundan:  Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan

Sumunod:  Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger