Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao

Mula sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mo nang gampanan ang iyong mga responsabilidad. Alang-alang sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong maaaring pinagmulan, at anumang paglalakbay ang maaaring nasa iyong harapan, walang makakatakas sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang makakakontrol sa sarili nilang kapalaran, dahil Siya lamang na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ang may kakayahan sa gayong gawain. Mula nang umiral ang tao sa simula, palagi nang ginagampanan ng Diyos ang Kanyang gawain sa ganitong paraan, pinamamahalaan ang sansinukob, at pinangangasiwaan ang mga batas ng pagbabago para sa lahat ng bagay at ang takbo ng kanilang paggalaw. Tulad ng lahat ng bagay, tahimik at hindi alam ng tao na pinalulusog siya ng tamis at ulan at hamog mula sa Diyos; tulad ng lahat ng bagay, hindi alam ng tao na namumuhay siya sa ilalim ng pamamatnugot ng kamay ng Diyos. Ang puso’t espiritu ng tao ay hawak ng Diyos, at lahat ng tungkol sa buhay niya ay namamasdan ng mga mata ng Diyos. Naniniwala ka man sa lahat ng ito o hindi, ang anuman at ang lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay.

Habang tahimik na sumasapit ang gabi, walang malay ang tao, dahil hindi mahiwatigan ng kanyang puso kung paano sumasapit ang dilim, ni kung saan ito nagmumula. Habang tahimik na lumilipas ang gabi, sinasalubong ng tao ang liwanag ng araw, ngunit tungkol sa kung saan nagmula ang liwanag, at kung paano nito naitaboy na ang dilim ng gabi, mas hindi ito alam ng tao, at lalong wala siyang malay riyan. Ang paulit-ulit na pagsasalitan ng araw at gabi ay dinadala ang tao mula sa isang panahon tungo sa isa pa, mula sa isang konteksto ng kasaysayan tungo sa sumunod, habang tinitiyak din na ang gawain ng Diyos sa bawat panahon at ang Kanyang plano para sa bawat kapanahunan ay isinasagawa. Tinahak ng tao ang lahat ng iba’t ibang panahong ito sa pagsunod sa Diyos, ngunit hindi niya alam na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa kapalaran ng lahat ng bagay at buhay na nilalang, ni kung paano pinamamatnugutan at ginagabayan ng Diyos ang lahat ng bagay. Naging mailap ito sa tao sa kasalukuyan at maging sa tao noon pa man. Tungkol sa kung bakit, hindi ito dahil masyadong nakatago ang mga gawa ng Diyos, ni dahil hindi pa naisasakatuparan ang Kanyang plano, kundi dahil napakalayo ng puso’t espiritu ng tao sa Diyos, hanggang sa puntong patuloy pa ring nagsisilbi ang tao kay Satanas habang sumusunod siya sa Diyos—at hindi pa rin niya alam iyon. Walang sinumang aktibong naghahanap sa mga yapak at pagpapakita ng Diyos, at walang sinumang handang mabuhay sa pangangalaga at pagprotekta ng Diyos. Sa halip, handa silang tanggapin ang paninira ni Satanas at ang mga diyablo upang umangkop sa mundong ito, at sa mga patakaran ng buhay na sinusunod ng masamang sangkatauhang ito. Sa puntong ito, ang puso at espiritu ng tao ay naging handog na inaalay ng tao kay Satanas at naging pagkain ni Satanas. Higit pa rito, ang puso at espiritu ng tao ay naging lugar na kung saan si Satanas ay naninirahan, naging karapat-dapat na palaruan din ni Satanas ito. Sa gayon hindi alam ng tao na nawawala ang kanyang pag-unawa sa mga prinsipyo ng pag-asal ng tao, at sa halaga at kahulugan ng pag-iral ng tao. Ang mga batas ng Diyos at ang tipan sa pagitan ng Diyos at ng tao ay unti-unting lumalabo sa puso ng tao, at tumitigil siya sa paghahanap o pagbibigay-pansin sa Diyos. Sa paglipas ng panahon, hindi na nauunawaan ng tao ang kahalagahan ng paglikha ng Diyos sa kanya, ni hindi niya nauunawaan ang mga salitang nagmumula sa bibig ng Diyos at lahat ng nagmumula sa Diyos. Sa gayo’y nagsisimula ang tao na labanan ang mga batas at ordinansa ng Diyos, at nagiging manhid ang kanyang puso at espiritu…. Nawawala sa Diyos ang tao na orihinal Niyang nilikha sa simula, at nawawala sa tao ang ugat na orihinal niyang taglay: Ito ang trahedya ng sangkatauhang ito. Sa katunayan, mula sa pinakasimula hanggang ngayon, nagsaayos na ng isang trahedya ang Diyos para sa sangkatauhan, kung saan ang tao ay kapwa bida at biktima. At walang makasagot kung sino ang direktor ng trahedyang ito.

Sa kalawakan ng mundo, ang mga karagatan ay nagiging mga kaparangan, at ang mga kaparangan ay nagiging mga karagatan, nang napakaraming beses. Maliban sa Kanya na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay sa gitna ng lahat ng bagay, walang sinuman ang may kakayahang umakay at gumabay sa sangkatauhang ito. Walang sinumang “makapangyarihang tao” ang magpapakapagod o maghahanda para sa sangkatauhang ito, lalo nang walang sinumang makakaakay sa sangkatauhang ito tungo sa hantungan ng liwanag at magpapalaya rito mula sa mga kawalan ng katarungan ng mundo ng tao. Naghihinagpis ang Diyos sa kinabukasan ng sangkatauhan, nagdadalamhati Siya sa pagbagsak ng sangkatauhan, at nasasaktan Siya na unti-unting naglalakad ang sangkatauhan patungo sa pagkabulok at sa landas na wala nang balikan. Wala pang sinumang nag-iisip tungkol dito: Saan maaaring tumungo ang gayong sangkatauhan, na yaong lubusang dumurog sa puso ng Diyos at tumalikod sa Kanya para hanapin ang masama? Ito mismo ang dahilan kung bakit walang sumusubok na damhin ang poot ng Diyos, kung bakit walang naghahanap sa daang nakakalugod sa Diyos o sumusubok na mapalapit sa Diyos, at lalong higit na walang sinuman ang nagtatangkang pahalagahan ang pagdadalamhati at pasakit ng Diyos. Kahit matapos marinig ang tinig ng Diyos, ang tao ay nagpapatuloy sa kanyang sariling landas, patuloy na tinatalikuran ang Diyos, umiiwas sa biyaya at kalinga ng Diyos, at lumalayo sa Kanyang katotohanan, mas ginugustong ibenta ang kanyang sarili kay Satanas, ang kaaway ng Diyos. At sino na ang nakapag-isip sa, kapag ipinilit ng tao ang katigasan ng kanyang ulo, paano tatratuhin ng Diyos ang sangkatauhang ito na labis na nagbabalewala sa Kanya? Walang nakakaalam na ang dahilan ng paulit-ulit na mga paalaala at panghihikayat ng Diyos sa tao ay dahil inihanda na Niya sa Kanyang mga kamay ang isang kalamidad na wala pang katulad, isang kalamidad na hindi kakayanin ng katawan at kaluluwa ng tao, hindi lamang isang kaparusahan sa katawan, kundi isang kaparusahan na pumupuntirya sa kaluluwa ng tao. Kailangan mong malaman ito: Anong klase ng galit ang pakakawalan ng Diyos kapag hindi natupad ang plano Niya, at kapag hindi nasuklian ang Kanyang mga paalaala at panghihikayat? Isang bagay ito na hindi pa nararanasan o nalalaman ng sinumang nilikha. Kaya sinasabi Ko, ang kalamidad na ito ay wala pang katulad, at hindi na mauulit kailanman. Sapagkat ang plano ng Diyos ay minsan lamang likhain ang sangkatauhan, at minsan lamang iligtas ang sangkatauhan. Ito ang unang pagkakataon, at ito rin ang huli. Samakatwid, walang makakaunawa sa mga masusing layunin at taimtim na pag-aasam ng Diyos na iligtas ang sangkatauhan sa pagkakataong ito.

Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala rito ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanilang paglaki hanggang sa kanilang pagtanda. Sa panahon ng prosesong ito, walang nakadarama na lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na ang tao ay lumalaki sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ng kanyang mga magulang, at na ang likas na pag-uugali niya sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay. Ang alam lang niya ay na pagkain ang saligan ng pagpapatuloy ng buhay, na pagtitiyaga ang pinagmumulan ng pag-iral ng buhay niya, at na ang mga paniniwala sa kanyang isipan ang puhunan kung saan nakadepende ang kanyang pananatiling buhay. Tungkol sa biyaya at panustos ng Diyos, walang anumang naaalala ang tao, at sa ganitong paraan niya inaaksaya ang buhay na ipinagkaloob sa kanya ng Diyos…. Wala ni isa sa sangkatauhang ito na pinangangalagaan ng Diyos gabi at araw ang nagkukusang sambahin Siya. Patuloy lang ang Diyos na gumawa sa tao, nang walang anumang inaasahan, tulad ng naplano na Niya. Ginagawa Niya iyon sa pag-asang balang araw, magigising ang tao mula sa panaginip nito at biglang matatanto ang halaga at kahulugan ng buhay, ang halagang katumbas ng lahat ng naibigay ng Diyos sa kanya, at ang sabik na kahilingan ng Diyos na bumalik ang tao sa Kanya. Wala pang sinumang sumuri sa mga lihim ukol sa pinagmulan at pagpapatuloy ng buhay ng tao. Diyos lamang, na nakauunawa sa lahat ng ito, ang tahimik na nagtitiis ng pasakit at mga dagok na ibinibigay ng tao, na nakatanggap ng lahat mula sa Diyos ngunit hindi nagpapasalamat. Natural lang na tinatamasa ng tao ang lahat ng idinudulot ng buhay, at, gayundin, “natural lang” na ang Diyos ay ipinagkanulo, kinalimutan, at hinuthutan ng tao. Gayon kaya talaga kahalaga ang plano ng Diyos? Gayon kaya talaga kahalaga ang tao, ang buhay na nilalang na ito na nagmula sa kamay ng Diyos? Ang plano ng Diyos ay siguradong mahalaga; gayunman, ang buhay na nilalang na ito na nilikha ng kamay ng Diyos ay nabubuhay para sa kapakanan ng Kanyang plano. Samakatuwid, hindi puwedeng sayangin ng Diyos ang Kanyang plano dahil sa galit sa sangkatauhang ito. Para sa kapakanan ng Kanyang plano at para sa hiningang inilabas Niya kaya tinitiis ng Diyos ang lahat ng hirap, hindi para sa katawan ng tao kundi para sa buhay ng tao. Ginagawa Niya iyon para mabawi hindi ang katawan ng tao kundi ang buhay na inihinga Niya. Ito ang Kanyang plano.

Lahat ng dumarating sa mundong ito ay kailangang magdaan sa buhay at kamatayan, at karamihan sa kanila ay nagdaan na sa paulit-ulit na kamatayan at muling pagsilang. Yaong mga nabubuhay ay malapit nang mamatay, at ang patay ay malapit nang magbalik. Lahat ng ito ay ang landas ng buhay na isinaayos ng Diyos para sa bawat buhay na nilalang. Ngunit ang landas at siklong ito ay ang katunayan na mismong nais ng Diyos na makita ng tao: na ang buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao ay walang katapusan, hindi mapipigilan ng katawan, panahon, o kalawakan. Ito ang hiwaga ng buhay na ipinagkaloob ng Diyos sa tao, at patunay na ang buhay ay nagmula sa Kanya. Bagama’t maaaring maraming hindi naniniwala na ang buhay ng tao ay nagmula sa Diyos, hindi maiiwasan na tamasahin ng tao ang lahat ng nagmumula sa Diyos, naniniwala man sila o hindi sa Kanyang pag-iral. Kung sakaling dumating ang araw na biglang magbago ang puso ng Diyos at naisin Niyang bawiin ang lahat ng umiiral sa mundo at ang buhay na naibigay Niya, mawawala na ang lahat. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang buhay para tustusan ang lahat ng bagay, kapwa buhay at walang buhay, na dinadala ang lahat sa magandang kaayusan sa bisa ng Kanyang kapangyarihan at awtoridad. Ito ay isang katunayan na walang makakaisip o makakaunawa, at ang mga katunayang hindi maunawaan ang siya mismong pagpapakita, at katibayan, ng puwersa ng buhay ng Diyos. Ngayo’y may lihim Akong sasabihin sa iyo: Ang kadakilaan at kapangyarihan ng buhay ng Diyos ay di-maarok ng sinumang nilikha. Gayon ito ngayon, tulad noon, at magkakagayon pagdating ng panahon. Ang pangalawang lihim na sasabihin Ko ay ito: Ang pinagmumulan ng buhay ng lahat ng nilikha ay ang Diyos; gaano man ang kanilang pagkakaiba sa anyo o kayarian, at ano mang uri ka ng buhay na nilalang, walang nilalang ang maaaring sumalungat sa landas ng buhay na itinakda ng Diyos. Gayunman, ang nais Ko lang ay maunawaan ito ng tao: Kung walang pangangalaga, proteksyon, at panustos ng Diyos, hindi matatanggap ng tao ang lahat ng dapat niyang matanggap, gaano man katindi ang kanyang pagsisikap o pagpupunyagi. Kung wala ang panustos ng buhay mula sa Diyos, nawawalan ng pagpapahalaga ang tao sa buhay at ng kahulugan ng buhay. Paano matutulutan ng Diyos na sayangin ng tao ang halaga ng Kanyang buhay, na walang inaalala? At tulad ng nasabi Ko dati: Huwag kalimutan na ang Diyos ang pinagmumulan ng iyong buhay. Kapag nabigo ang tao na itangi ang lahat ng naipagkaloob ng Diyos, hindi lamang babawiin ng Diyos ang ibinigay Niya sa simula, kundi ay pagbabayarin Niya ang tao nang doble ng halaga ng lahat ng naibigay Niya.

Mayo 26, 2003

Sinundan:  Dapat Ninyong Isaalang-alang ang Inyong mga Gawa

Sumunod:  Ang Hinagpis ng Makapangyarihan sa Lahat

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger