Mamasdan ang Pagpapakita ng Diyos sa Kanyang Paghatol at Pagkastigo
Katulad ng daan-daang milyong iba pang sumusunod sa Panginoong Jesucristo, sumusunod tayo sa mga batas at kautusan ng Bibliya, tinatamasa natin ang saganang biyaya ng Panginoong Jesucristo, at nagtitipon, nananalangin, nagpupuri, at naglilingkod tayo sa pangalan ng Panginoong Jesucristo—at lahat ng ito ay ating ginagawa sa ilalim ng pangangalaga at proteksyon ng Panginoon. Kadalasan ay mahina tayo, at kadalasan ay malakas din tayo. Naniniwala tayo na lahat ng kilos natin ay alinsunod sa mga turo ng Panginoon. Malinaw, kung gayon, na naniniwala rin tayo na tumatahak tayo sa landas ng pagsunod sa kalooban ng Ama sa langit. Nananabik tayo sa pagbalik ng Panginoong Jesus, sa pagdating ng Kanyang kaluwalhatian, sa katapusan ng ating buhay rito sa lupa, sa paglitaw ng kaharian, at sa lahat ayon sa ipinropesiya sa Aklat ng Pahayag: Darating ang Panginoon, dadalhin Niya ang mga kalamidad, gagantimpalaan Niya ang mabubuti at parurusahan ang masasama, at dadalhin ang lahat ng sumusunod sa Kanya at malugod na tumatanggap sa Kanyang pagbalik upang salubungin Siya sa himpapawid. Tuwing naiisip natin ito, hindi natin mapigilan ang ating damdamin, masaya na tayo ay isinilang sa mga huling araw at mapalad na masaksihan ang pagbaba ng Panginoon. Bagama’t nagdanas na tayo ng pag-uusig, ang naging kapalit naman ay “lalong dakila at walang hanggang kaluwalhatian.” Kaylaking pagpapala! Lahat ng pananabik na ito at ang biyayang ipinagkaloob ng Panginoon ay nagpapanatili sa atin sa alertong panalangin at ginagawa tayong mas masigasig na sama-samang magtipon. Maaaring sa susunod na taon, maaaring bukas, at maaaring sa loob ng mas maikling panahon kaysa maiisip ng tao, biglang bababa ang Panginoon, na nagpapakita sa isang grupo ng mga taong sabik na naghihintay sa Kanya nang may taimtim na debosyon. Nag-uunahan tayo, walang sinumang gustong maiwanan, lahat ay para mapasama sa unang grupong makakamalas sa pagpapakita ng Panginoon, mapasama sa mga madadala paitaas. Iginugol na natin ang lahat, anuman ang maging kapalit, para sa pagdating ng araw na ito; ang ilan ay isinuko ang kanilang mga trabaho, ang ilan ay tinalikuran ang kanilang pamilya, ang ilan ay tinalikuran ang kanilang pag-aasawa, at ang ilan ay inihandog pa nga ang lahat ng kanilang ipon. Napakatinding pagpapakita ng di-makasariling dedikasyon! Ang gayong sinseridad at debosyon ay tiyak na higit pa sa mga banal noong nakalipas na mga kapanahunan! Dahil nagkakaloob ng biyaya ang Panginoon sa sinumang naisin Niya at nagpapakita ng awa sa sinumang naisin Niya, naniniwala tayo, na ang ating mga pagpapakita ng dedikasyon at paggugol ay matagal nang namasdan ng Kanyang mga mata. Nakaabot na rin ang ating taos-pusong mga panalangin sa Kanyang mga tainga, at nagtitiwala tayo na gagantimpalaan tayo ng Panginoon para sa ating dedikasyon. Bukod pa riyan, naging mabiyaya ang Diyos sa atin bago Niya nilikha ang mundo, at ang mga pagpapala at pangakong naibigay Niya sa atin ay hindi makukuha ninuman. Lahat tayo ay nagpaplano para sa hinaharap, at natural ay ginawa nating kapalit o puhunan ang ating dedikasyon at paggugol para madala tayo paitaas upang salubungin ang Panginoon sa himpapawid. Bukod pa riyan, nang wala ni katiting na pag-aatubili, nailagay na natin ang ating sarili sa trono ng hinaharap, upang mamahala sa di-mabilang na mga bayan at mga tao o mamuno bilang mga hari. Lahat ng ito ay katunayan para sa atin, itinuturing natin na isang bagay na aasahan.
Hinahamak natin ang lahat ng laban sa Panginoong Jesus; haharapin nilang lahat ang kalalabasan ng pagkalipol. Sino ang nagsabi sa kanila na huwag maniwala na ang Panginoong Jesus ang Tagapagligtas? Siyempre pa, may mga pagkakataon na ginagaya natin ang Panginoong Jesus sa pagpapakita ng habag sa mga tao sa mundo, sapagkat hindi nila nauunawaan, at tama na maging mapagparaya at mapagpatawad tayo sa kanila. Lahat ng ating ginagawa ay alinsunod sa mga salita ng Bibliya, sapagkat lahat ng hindi naaayon sa Bibliya ay paglihis sa tanggap na mga pamantayan at maling paniniwala. Ang ganitong klase ng paniniwala ay nakatanim nang malalim sa isipan ng bawat isa sa atin. Ang ating Panginoon ay nasa Bibliya, at kung hindi tayo lalayo sa Bibliya, hindi tayo mapapalayo sa Panginoon; kung susundin natin ang prinsipyong ito, magtatamo tayo ng kaligtasan. Pinasisigla natin ang isa’t isa, bawat isa ay sinusuportahan ang iba, at tuwing magtitipon tayo, umaasa tayo na lahat ng ating sinasabi at ginagawa ay alinsunod sa mga layunin ng Panginoon at tatanggapin ng Panginoon. Sa kabila ng matinding pagkamapanlaban ng ating kapaligiran, ang ating puso ay puno ng kagalakan. Kapag iniisip natin ang mga pagpapalang malapit nang makamit, mayroon pa bang anumang hindi natin kayang bitiwan? Mayroon pa bang anuman na atubili tayong iwanan? Malinaw ang lahat ng ito, at lahat ng ito ay nasa ilalim ng pagsisiyasat ng mga mata ng Diyos. Tayo, ang sandakot na mga nangangailangan na naiahon mula sa tambak ng dumi, ay gaya lamang ng lahat ng ordinaryong tagasunod ng Panginoong Jesus, nangangarap na madala paitaas, na pagpalain, at mapamahalaan ang di-mabilang na mga bayan. Ang ating katiwalian ay nalantad na sa mga mata ng Diyos, at ang ating mga pagnanasa at kasakiman ay nakondena na sa mga mata ng Diyos. Gayumpaman, lahat ng ito ay nangyayari nang napakanormal, nang napakalohikal, na wala ni isa sa atin ang nagtataka kung ang ating mga pananabik ay tama, lalong walang sinuman sa atin ang nagdududa sa katumpakan ng lahat ng ating pinanghahawakan. Sino ang makakaalam ng mga layunin ng Diyos? Anong uri ba talaga ng landas ang tinatahak ng tao, wala tayong kamalayan na maghanap o magsiyasat; at lalo nang hindi tayo interesadong mag-usisa. Sapagkat ang tanging inaalintana natin ay kung madadala ba tayo paitaas, kung mapagpapala ba tayo, kung may lugar ba para sa atin sa kaharian ng langit, at kung makakabahagi ba tayo sa tubig ng ilog ng buhay at sa bunga ng puno ng buhay. Hindi ba't para makamit ang mga bagay na ito kaya tayo naniniwala sa Panginoon at nagiging Kanyang mga tagasunod? Napatawad na ang ating mga kasalanan, nagsisi na tayo, nakainom na tayo mula sa mapait na saro ng alak, at napasan na natin ang krus sa ating likuran. Sino ang makapagsasabi na hindi tatanggapin ng Panginoon ang halagang ating ibinayad? Sino ang makapagsasabi na hindi tayo nakapaghanda ng sapat na langis? Ayaw nating maging mga mangmang na dalagang iyon o maging isa sa mga iyon na inabandona. Bukod pa riyan, palagi tayong nagdarasal, hinihiling sa Panginoon na protektahan tayo mula sa panlilihis ng mga huwad na cristo, sapagkat sinabi sa Bibliya na: “Kung magkagayon, kung may magsabi sa inyong sinumang tao, Narito ang Cristo, o, Nariyan; huwag ninyong paniwalaan. Sapagkat may magsisilitaw na mga huwad na cristo, at mga huwad na propeta, at mangagpapakita ng mga dakilang tanda at mga kababalaghan; ano pa’t ililigaw, kung maaari, pati na ang mga hirang” (Mateo 24:23–24). Naisaulo na nating lahat ang mga talatang ito sa Bibliya; alam na alam natin ang mga ito, at itinuturing natin ang mga ito bilang mahalagang kayamanan, bilang buhay, at bilang katibayan na nagpapasya kung tayo ba ay maliligtas o madadala paitaas …
Sa loob ng libo-libong taon, pumanaw na ang mga buhay, dala ang kanilang mga pananabik at kanilang mga pangarap, ngunit kung napunta man sila sa kaharian ng langit, walang tunay na nakakaalam. Nagbabalik ang mga patay, na nakalimot na sa lahat ng kuwentong minsang nangyari, at sinusunod pa rin nila ang mga turo at mga landas ng mga ninuno. At sa ganitong paraan, sa paglipas ng mga taon at pagdaan ng mga araw, walang nakakaalam kung talagang tinatanggap ng ating Panginoong Jesus, na ating Diyos, ang lahat ng ating ginagawa. Ang tanging ginagawa natin ay asamin na magkaroon ng kalalabasan at ipagpalagay ang lahat ng mangyayari. Subalit nanatiling walang imik ang Diyos sa lahat ng ito, at hindi nagpakita sa atin kailanman, hindi nagsalita sa atin kailanman. Kaya nga, sa pagsunod sa Bibliya at alinsunod sa mga tanda, sutil tayong gumagawa ng mga paghusga tungkol sa mga layunin at disposisyon ng Diyos. Nasanay na tayo sa katahimikan ng Diyos; nasanay na tayo sa pagsukat sa tama at mali sa ating mga kilos gamit ang ating sariling paraan ng pag-iisip; nasanay na tayo sa pag-asa sa ating kaalaman, mga kuru-kuro, at pamantayang moral kapalit ng mga hinihingi ng Diyos sa atin; nasanay na tayo sa pagtatamasa ng biyaya ng Diyos; nasanay na tayo sa pagbibigay ng tulong ng Diyos tuwing kailangan natin; nasanay na tayo sa paglalahad ng ating mga palad sa Diyos para sa lahat ng bagay, at sa pag-uutos sa Diyos; nasanay na rin tayo sa pag-ayon sa mga regulasyon, na hindi pinapansin kung paano tayo inaakay ng Banal na Espiritu; at, higit pa riyan, nasanay na tayo sa mga araw na gumagawa tayo ng mga desisyon para sa ating sarili. Nananampalataya tayo sa ganitong Diyos, na hindi pa natin nakaharap kailanman. Ang mga tanong na tulad ng ano ang Kanyang disposisyon, ano ang mga tinataglay Niya at ang Kanyang pagiging Diyos, ano ang Kanyang wangis, makikilala ba natin Siya pagdating Niya o hindi, at iba pa—wala sa mga ito ang mahalaga. Ang mahalaga ay na Siya ay nasa puso natin at na Siya ay hinihintay nating lahat, at sapat nang nagagawa nating isipin na Siya ay ganito o ganyan. Pinahahalagahan natin ang ating pananalig at pinakaiingatan ang ating espirituwalidad. Itinuturing nating dumi ang lahat ng bagay, at tinatapakan natin ang lahat ng bagay. Dahil tayo ay mga mananampalataya ng maluwalhating Panginoon, gaano man katagal at kahirap ang paglalakbay, anumang mga paghihirap at panganib ang sumapit sa atin, walang makakapigil sa ating mga yapak habang sinusundan natin ang Panginoon. “At ipinakita niya sa akin ang isang ilog ng tubig ng buhay, na maningning na gaya ng kristal, na lumalabas mula sa luklukan ng Diyos at ng Kordero. at sa anumang dako ng ilog, at sa ibayo nito, naroon ang punong kahoy ng buhay, na namumunga ng labindalawang iba’t ibang bunga, na namumunga sa bawat buwan: at ang mga dahon ng punong kahoy ay panglunas sa mga bansa. At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: kundi ang luklukan ng Diyos at ng Kordero ay naroroon: at Siya ay paglilingkuran ng Kanyang mga tagapaglingkod: At makikita nila ang Kanyang mukha; at ang Kanyang pangalan ay sasa kanilang mga noo. At hindi na magkakaroon pa ng gabi; at sila ay hindi mangangailangan ng kandila, ni ng liwanag man ng araw; sapagkat liliwanagan sila ng Panginoong Diyos: at sila ay maghahari magpakailan-kailan-man” (Pahayag 22:1–5). Tuwing inaawit natin ang mga salitang ito, napupuspos ng walang katapusang kagalakan at kasiyahan ang ating puso, at dumadaloy ang mga luha mula sa ating mga mata. Salamat sa Panginoon sa pagpili sa atin, salamat sa Panginoon sa Kanyang biyaya. Nabigyan Niya tayo ng sandaang ulit sa buhay na ito at nabigyan tayo ng buhay na walang hanggan sa mundong darating. Kung hihingin Niya sa atin na mamatay ngayon, gagawin natin iyon nang wala ni katiting na reklamo. Panginoon! Dumating Ka na sana kaagad! Yamang desperado kaming nananabik sa Iyo, at tinalikdan na namin ang lahat para sa Iyo, huwag Ka nang magpaliban pa ng kahit isang minuto, isang segundo.
Ang Diyos ay walang imik, at hindi nagpakita sa atin kailanman, subalit hindi pa humihinto ang Kanyang gawain kailanman. Sinisiyasat Niya ang buong daigdig, at pinaghaharian ang lahat ng bagay, at minamasdan ang lahat ng salita, gawa, at kilos ng tao. Isinasakatuparan Niya ang Kanyang pamamahala nang may plano at mga hakbang, nang tahimik at hindi nakapagpapayanig sa langit at lupa, subalit ang Kanyang mga yapak ay sumusulong, nang paisa-isa, palapit nang palapit sa sangkatauhan, at ang Kanyang hukumang-luklukan ay itinatag sa sansinukob na simbilis ng kidlat, na ang kasunod ay bumababa kaagad ang Kanyang luklukan sa ating kalagitnaan. Napakamaharlika ng tanawing iyon, napakarangal at napakataimtim na tagpo! Parang kalapati, at parang umaatungal na leon, dumarating ang Espiritu sa kalagitnaan natin na maraming tao. Siya ang karunungan, Siya ang pagiging matuwid at pagiging maharlika, at tahimik Siyang bumababa sa gitna natin, na taglay ang awtoridad at puno ng mapagmahal na kabaitan at awa. Walang nakakaalam sa Kanyang pagdating, walang sumasalubong sa Kanyang pagdating, at, higit pa rito, walang nakakaalam sa lahat ng Kanyang gagawin. Ang pamumuhay ng tao ay nagpapatuloy tulad ng dati, hindi nagbabago ang kanyang puso, at lumilipas ang mga araw tulad ng dati. Ang Diyos ay namumuhay sa piling natin, tulad ng isang ordinaryong tao, bilang isa sa pinakahamak na mga tagasunod at isang ordinaryong mananampalataya. Mayroon Siyang sarili Niyang mga paghahangad, sarili Niyang mga layon, at, higit pa rito, mayroon Siyang pagka-Diyos na hindi taglay ng ordinaryong mga tao. Walang sinumang nakapansin sa pag-iral ng Kanyang pagka-Diyos, at hindi nahiwatigan ng sinuman ang pagkakaiba sa pagitan ng Kanyang diwa at ng diwa ng tao. Namumuhay tayo na kasama Siya, malaya at walang takot, sapagkat sa ating paningin Siya ay isa lamang hamak na mananampalataya. Minamasdan Niya ang bawat kilos natin, at lahat ng ating mga iniisip at ideya ay nakalantad sa Kanyang harapan. Walang sinumang may interes sa Kanyang pag-iral, walang sinumang nakakaisip ng anuman tungkol sa papel na Kanyang ginagampanan, at, higit pa rito, walang sinumang may kahit katiting na hinala tungkol sa Kanyang pagkakakilanlan. Ipinagpapatuloy lamang natin ang ating mga paghahangad, na para bang wala Siyang kinalaman sa atin …
Nagkataon, nagpapahayag ng sipi ng mga salita ang Banal na Espiritu “sa pamamagitan” Niya, at kahit parang labis itong hindi inaasahan, magkagayunman ay mahigpit nating pinaniniwalaan na ito ay isang pagbigkas na nagmumula sa Diyos at malugod natin itong tinatanggap mula sa Diyos. Iyon ay dahil, sinuman ang nagpapahayag ng mga salitang ito, basta’t nagmumula ang mga ito sa Banal na Espiritu, dapat nating tanggapin ang mga ito at hindi natin maaaring tanggihan ang mga ito. Ang susunod na pagbigkas ay maaaring dumating sa pamamagitan ko, o sa pamamagitan mo, o sa pamamagitan ng ibang tao. Sinuman iyon, lahat ay biyaya ng Diyos. Subalit sinuman iyon, hindi natin maaaring sambahin ang taong ito, sapagkat anuman ang mangyari, hindi posibleng maging ang Diyos ang taong ito, ni hindi tayo mamimili sa anumang paraan ng isang ordinaryong taong kagaya nito na maging ating Diyos. Ang ating Diyos ay lubhang dakila at kagalang-galang; paano Siya maaaring palitan ng isang labis na hamak na tao? Bukod pa riyan, kinasasabikan natin ang pagdating ng Diyos at pagdadala Niya sa atin pabalik sa kaharian ng langit, kaya paano makakaya ng isang labis na hamak na tao ang gayon kahalaga at kahirap na gawain? Kung muling pumarito ang Panginoon, tiyak na sakay Siya ng puting ulap, para makita Siya ng di-mabilang na mga tao. Napakaluwalhati niyon! Paano Siya posibleng palihim na makakapagtago sa gitna ng isang grupo ng ordinaryong mga tao?
Subalit ang ordinaryong taong ito, na nakatago sa gitna ng mga tao, ang gumagawa ng bagong gawain upang iligtas tayo. Hindi Siya nagbibigay sa atin ng anumang mga paliwanag, ni hindi rin Niya sinasabi kung bakit Siya naparito, kundi ginagawa lamang Niya ang gawaing layon Niyang gawin nang ayon sa Kanyang plano at proseso. Ang Kanyang mga salita at pagbigkas ay lalo pang nagiging mas madalas. Mula sa pag-aliw, panghihikayat, pagpapaalala, at pagbabala, hanggang sa pagsaway at pagdidisiplina; mula sa tinig na banayad at maamo, hanggang sa mga salitang mabangis at maharlika—lahat ng ito ay nagpaparamdam sa tao ng labis na awa at pagkatakot. Lahat ng Kanyang sinasabi ay tumatama sa mga lihim na nakatago sa ating kaibuturan; ang Kanyang mga salita ay tumutusok sa ating mga puso, tumutusok sa ating mga espiritu, at iniiwan tayong puno ng matinding kahihiyan, na halos hindi natin malaman kung saan tayo magtatago. Nagsisimula tayong magkaroon ng mga pagdududa kung talagang mahal tayo ng Diyos na nasa puso ng taong ito at kung ano talaga ang balak Niyang gawin. Marahil ay maaari lamang tayong madala paitaas matapos magtiis ng mga pagdurusang ito? Sa ating isipan, nagkakalkula tayo … tungkol sa ating hantungan at tungkol sa ating kapalaran sa hinaharap. Gayunman, tulad ng dati, walang sinuman sa atin ang naniniwala na nagkatawang-tao na ang Diyos upang gumawa sa gitna natin. Kahit nasamahan Niya tayo sa matagal na panahon, kahit nagsalita na Siya ng napakaraming salita sa ating harapan, ayaw pa rin nating tanggapin ang gayong ordinaryong tao bilang Diyos ng ating hinaharap, at lalong ayaw rin nating ipagkatiwala ang pagkontrol sa ating hinaharap at ating kapalaran sa hamak na taong ito. Mula sa Kanya nagtatamasa tayo ng walang-katapusang panustos ng tubig na buhay, at sa pamamagitan Niya ay namumuhay tayo ng isang buhay kung saan ang tao at Diyos ay harap-harapan. Ngunit nagpapasalamat lamang tayo sa biyaya ng Panginoong Jesus sa langit, at hindi natin binigyang-pansin kailanman ang damdamin ng ordinaryong taong ito na nagtataglay ng pagka-Diyos. Tulad ng dati, patuloy Niyang ginagawa ang Kanyang gawain nang mapagkumbabang nakatago sa katawang-tao, na ipinapahayag ang tinig ng Kanyang puso, na para bang hindi Niya nadarama ang pagtanggi sa Kanya ng sangkatauhan, na para bang walang-hanggang pinatatawad ang kawalan ng hustong gulang at kamangmangan ng tao, at magpakailanmang mapagparaya sa walang galang na saloobin ng tao sa Kanya.
Nang hindi natin namamalayan, inakay na tayo ng hamak na taong ito sa sunod-sunod na hakbang ng gawain ng Diyos. Dumaranas tayo ng di-mabilang na pagsubok at ng napakaraming pagtutuwid, at sinusubok tayo ng kamatayan. Nalalaman natin ang matuwid at maharlikang disposisyon ng Diyos, natatamasa rin natin ang Kanyang mapagmahal na kabaitan at awa, napagtatanto ang dakilang kapangyarihan at karunungan ng Diyos, nasasaksihan ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at namamasdan ang sabik na layunin ng Diyos na iligtas ang tao. Sa mga salita ng ordinaryong taong ito, nakikilala natin ang disposisyon at diwa ng Diyos, nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, nakikilala ang kalikasang diwa ng tao, at nakikita ang landas tungo sa kaligtasan at pagiging perpekto. Ang Kanyang mga salita ay nagiging sanhi upang tayo ay “mamatay,” at nagiging sanhi upang tayo ay “mabuhay na muli”; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng ginhawa, at nagdudulot din sa atin ng matinding pagkakonsensiya at pakiramdam ng pagkakautang; ang Kanyang mga salita ay naghahatid sa atin ng kagalakan at kapayapaan, ngunit pati na ng sukdulang pasakit. Kung minsan ay para tayong mga kordero sa Kanyang mga kamay, kakatayin kung gusto Niya; minsan tayo ay gaya ng mabalintataw ng Kanyang mata, at tinatamasa natin ang Kanyang magiliw na pagmamahal; kung minsan ay para tayong kaaway Niya, at sa ilalim ng Kanyang titig ay nagiging abo tayo dahil sa Kanyang poot. Tayo ang sangkatauhang iniligtas Niya, tayo ang mga uod sa Kanyang paningin, at tayo ang mga ligaw na tupa na araw at gabi ay determinado Niyang hanapin. Maawain Siya sa atin, kinapopootan Niya tayo, inaangat Niya tayo, inaaliw at hinihikayat Niya tayo, ginagabayan Niya tayo, binibigyang-liwanag Niya tayo, itinutuwid at dinidisiplina Niya tayo, at isinusumpa pa nga tayo. Gabi’t araw, hindi Siya tumitigil sa pag-aalala tungkol sa atin, at pagpoprotekta at pag-aalaga sa atin, hindi kailanman umaalis sa ating tabi. Ibinubuhos Niya ang lahat ng dugo ng puso Niya at binabayaran ang bawat halaga para sa atin. Sa loob ng mga salita ng hamak at ordinaryong katawang-tao na ito, natamasa natin ang kabuuan ng Diyos at namasdan ang hantungang naipagkaloob sa atin ng Diyos. Sa kabila nito, nagdudulot pa rin ng gulo ang banidad sa ating puso, at labag pa rin sa loob natin na aktibong tanggapin ang isang taong tulad nito bilang ating Diyos. Bagama’t nabigyan Niya tayo ng napakaraming manna, napakaraming matatamasa, wala sa mga ito ang makakaagaw sa lugar ng Panginoon sa ating puso. Iginagalang natin ang espesyal na identidad at katayuan ng taong ito nang may malaking pag-aatubili. Basta’t hindi Siya nagsasalita upang hilingin sa atin na kilalanin na Siya ang Diyos, hindi tayo kailanman magkukusang kilalanin Siya bilang ang Diyos na malapit nang dumating subalit matagal nang gumagawa sa gitna natin.
Patuloy ang Diyos sa Kanyang mga pagbigkas, gumagamit ng iba’t ibang pamamaraan at ng maraming perspektiba upang pagsabihan tayo kung ano ang dapat nating gawin, habang kasabay nito, ipinapahayag ang tinig ng Kanyang puso. Ang Kanyang mga salita ay nagdadala ng kapangyarihan ng buhay, binibigyan tayo ng mga ito ng daang dapat nating sundan, at nagbibigay-kakayahan sa atin na maarok kung ano ba mismo ang katotohanan. Nagsisimula tayong maakit sa Kanyang mga salita, nagsisimula tayong magbigay-pansin sa tono at paraan ng Kanyang pagsasalita, at nang hindi namamalayan, sinisimulan nating pansinin ang tinig ng puso ng hindi kapansin-pansing taong ito. Ibinubuhos Niya ang Kanyang puso at kaluluwa para sa atin, hindi makatulog at hindi makakain alang-alang sa atin, umiiyak para sa atin, bumubuntong-hininga para sa atin, at dumaraing sa sakit para sa atin; nagtitiis Siya ng kahihiyan para sa kapakanan ng ating hantungan at kaligtasan; at lumuluha at nagdurugo ang Kanyang puso dahil sa ating pagkamanhid at paghihimagsik. Walang ordinaryong tao ang may pagiging Diyos na ito at mga pag-aaring ito, at walang tiwaling tao ang maaaring magkaroon o magkamit ng mga ito. Siya ay may pagpaparaya at pagtitiis na hindi taglay ng ordinaryong tao, at ang Kanyang pagmamahal ay hindi isang bagay na mayroon ang sinumang nilikha. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makakaalam sa lahat ng ating iniisip, o makakakilala nang lubos sa ating kalikasan at diwa, o makakahatol sa paghihimagsik at katiwalian ng sangkatauhan, o magagawang kumausap sa atin at makakagawa sa atin nang gaya nito nang kumakatawan sa Diyos sa langit. Walang sinuman maliban sa Kanya ang nagtataglay ng awtoridad, karunungan, at dignidad ng Diyos; ang disposisyon ng Diyos at mga pag-aari ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay naipapamalas nang buong-buo sa Kanya. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagpapakita sa atin ng daan at makapaghahatid sa atin ng liwanag. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagsisiwalat ng mga hiwagang hindi pa naipaalam ng Diyos mula noong paglikha hanggang ngayon. Walang sinuman maliban sa Kanya ang makapagliligtas sa atin mula sa panggagapos ni Satanas at sa ating sariling mga tiwaling disposisyon. Kinakatawan Niya ang Diyos; ipinapahayag Niya ang tinig ng puso ng Diyos, ang mga panghihikayat ng Diyos, at ang mga salita ng paghatol ng Diyos sa buong sangkatauhan. Nagbukas na Siya ng isang bagong kapanahunan, ng isang bagong panahon, at nagpasimula ng isang bagong langit at lupa at bagong gawain, naghatid Siya sa atin ng pag-asa, at winakasan Niya ang ating pamumuhay sa isang malabong kalagayan, at binigyang-kakayahan Niya ang ating buong pagkatao na ganap na mamasdan ang landas tungo sa kaligtasan. Nalupig na Niya ang ating buong pagkatao at nakamit ang ating puso. Mula noong sandaling iyon, nagkamit ng kamalayan ang ating puso, at tila muling nabuhay ang ating espiritu: Ang ordinaryo at hamak na taong ito, ang taong ito na namumuhay kasama natin at tinatanggihan natin sa loob ng napakahabang panahon—hindi ba’t Siya ang Panginoong Jesus, na lagi nang nasa ating isipan, sa paggising man o sa panaginip, at ating inaasam-asam gabi’t araw? Siya nga! Siya talaga! Siya ang ating Diyos! Siya ang katotohanan, ang daan, at ang buhay! Tinulutan Niya tayo na muling mabuhay at makita ang liwanag at pinatigil na ang ating puso sa paglalaboy-laboy. Nagbalik na tayo sa tahanan ng Diyos, nagbalik na tayo sa harap ng Kanyang luklukan, kaharap natin Siya, nasaksihan na natin ang Kanyang mukha, at nakita na natin ang daan tungo sa hinaharap. Sa panahong ito, ganap na Niyang nalupig ang ating puso; hindi na tayo nagdududa kung sino Siya, hindi na tayo nakakaramdam ng paglaban sa Kanyang gawain at Kanyang salita, at nagpapatirapa tayo sa Kanyang harapan. Wala tayong ibang ninanais kundi sundan ang mga yapak ng Diyos sa nalalabing bahagi ng ating buhay, at magawa Niya tayong perpekto, at masuklian natin ang Kanyang biyaya, at masuklian ang Kanyang pagmamahal sa atin, at magpasakop tayo sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos, at makipagtulungan sa Kanyang gawain, at gawin ang lahat ng ating makakaya upang matapos ang ipinagkakatiwala Niya sa atin.
Ang malupig ng Diyos ay parang paligsahan ng sining sa pakikipaglaban.
Bawat isa sa mga salita ng Diyos ay tumatama sa ating mga nakamamatay na kahinaan, iniiwan tayong nasasaktan at nanginginig sa takot. Inilalantad Niya ang ating mga kuru-kuro, ang ating mga imahinasyon, at ang ating mga tiwaling disposisyon. Mula sa ating bawat salita at kilos, sa ating bawat galaw, hanggang sa bawat iniisip at ideya natin, ang ating kalikasang diwa ay nabubunyag sa Kanyang mga salita, na iniiwan tayong natatakot at nanginginig na walang mapagtaguan ng ating kahihiyan. Isa-isa Niyang sinasabi sa atin ang tungkol sa lahat ng ating kilos, ating mga layunin at intensiyon, maging ang ating mga tiwaling disposisyon na hindi pa natin mismo natutuklasan, kaya pakiramdam natin ay nakalantad ang lahat ng ating kahabag-habag na depekto at lalo pa, buong puso tayong nakumbinsi. Hinahatulan Niya tayo sa paglaban natin sa Kanya, kinakastigo tayo sa paglapastangan at pagkondena natin sa Kanya, at ipinararamdam sa atin na, sa Kanyang paningin, wala tayo ni isang katangiang katubus-tubos, na tayo ay mga buhay na Satanas. Nawasak ang ating mga pag-asa; hindi na tayo nangangahas na humiling nang labis-labis sa Kanya o magpakana sa Kanya, at naglalaho maging ang ating mga pangarap sa magdamag. Ito ay isang katunayan na walang sinuman sa atin ang makakaisip at walang sinuman sa atin ang makatatanggap. Sa loob ng isang saglit, nawawalan tayo ng panloob na panimbang at hindi natin alam kung paano magpapatuloy sa daan tungo sa hinaharap, o kung paano magpapatuloy sa ating mga paniniwala. Para bang ang ating pananalig ay nagsimulang muli sa umpisa, at para bang hindi pa natin nakatagpo kailanman ang Panginoong Jesus o nakilala Siya. Lahat ng nasa ating harapan ay pinupuno tayo ng pagkalito at pinag-aatubili tayo. Nasisiraan tayo ng loob, nadidismaya, at sa kaibuturan ng ating puso ay may di-mapigilang galit at kahihiyan. Sinusubukan nating magbulalas, humanap ng alternatibong solusyon, at, bukod pa riyan, magpatuloy sa paghihintay para sa ating Tagapagligtas na si Jesus, upang maibuhos natin ang nilalaman ng ating puso sa Kanya. Bagama’t may mga pagkakataong mukha tayong hindi mayabang ni mapagpakumbaba sa panlabas, sa ating puso ay nararamdaman natin ang kawalan na hindi pa natin nadama kailanman. Bagama’t kung minsan ay di-pangkaraniwan na mukha tayong kalmado sa panlabas, ang ating isipan ay naguguluhan sa paghihirap gaya ng maunos na dagat. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay naghubad sa atin ng lahat ng pag-asa at pangarap natin, na nagwawakas sa ating labis-labis na pagnanais at iniiwan tayong ayaw maniwala na Siya ang ating Tagapagligtas at may kakayahan Siyang iligtas tayo. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagbukas ng puwang sa pagitan natin at sa Kanya, na napakalalim kaya walang sinumang gustong tumawid doon. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ang unang pagkakataon na nagdanas tayo ng gayon kalaking kabiguan, gayon kalaking kahihiyan sa ating buhay. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay naging dahilan upang tunay nating madama ang kamahalan at pagiging hindi nalalabag ng Diyos, kumpara sa mga ito, tayo ay napakahamak, labis na marumi. Sa Kanyang paghatol at pagkastigo, namalayan natin, sa unang pagkakataon, ang ating kayabangan at kapalaluan, at kung paanong ang tao ay hindi kailanman magiging kapantay ng Diyos, o maihahambing sa Kanya. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay hinimok tayong manabik na hindi na mamuhay sa gayong mga tiwaling disposisyon, na alisin sa ating sarili ang kalikasang diwang ito sa lalong madaling panahon, at upang hindi na Niya tayo kapootan at kasuklaman. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay nagdulot sa atin na malugod na magpasakop at sumunod sa Kanyang mga salita, hindi na naghihimagsik laban sa Kanyang mga pamamatnugot at pagsasaayos. Ang Kanyang paghatol at pagkastigo ay minsan pang nagbigay sa atin ng pagnanais na makaligtas at ginawa tayong malugod na tanggapin Siya bilang ating Tagapagligtas…. Nakalabas na tayo ng gawain ng paglupig, nakalabas ng impiyerno, nakalabas ng lambak ng anino ng kamatayan…. Tayo, ang grupong ito ng mga tao, ay nakamit na ng Makapangyarihang Diyos! Nagtagumpay Siya laban kay Satanas at tinalo ang napakarami Niyang kaaway!
Tayo ay isang napaka-ordinaryong grupo ng mga tao, na nagtataglay ng mga satanikong tiwaling disposisyon, ang mga paunang itinadhana ng Diyos bago pa ang mga kapanahunan, at ang mga nangangailangan na inangat ng Diyos mula sa tambak ng dumi. Minsan nating tinanggihan at kinondena ang Diyos, ngunit ngayon ay nalupig na Niya tayo. Mula sa Diyos ay natanggap natin ang buhay at ang daan tungo sa buhay na walang hanggan. Saanman tayo naroroon sa mundo, anumang mga pag-uusig at kapighatian ang ating tinitiis, hindi tayo maihihiwalay mula sa pagliligtas ng Makapangyarihang Diyos. Sapagkat Siya ang ating Lumikha, at ang ating tanging katubusan!
Ang pagmamahal ng Diyos ay dumadaloy na parang tubig ng isang bukal, at ibinibigay sa iyo, at sa akin, at sa iba, at sa lahat ng sinserong naghahanap sa katotohanan at naghihintay sa pagpapakita ng Diyos.
Tulad ng halinhinang pagsikat ng araw at buwan, hindi rin tumitigil ang gawain ng Diyos, at isinasagawa iyon sa iyo, sa akin, sa iba, at sa lahat ng sumasabay sa mga yapak ng Diyos at tumatanggap sa Kanyang paghatol at pagkastigo.
Marso 23, 2010
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos