Pineperpekto ng Diyos ang mga Nakaaayon sa Kanyang mga Layunin
Nais ng Diyos ngayon na matamo ang isang grupo ng mga tao, isang grupong binubuo ng mga gumagawa ng lahat ng kanilang makakaya para makipagtulungan sa Kanya, na kayang magpasakop sa Kanyang gawain, na naniniwala na ang mga salitang binibigkas ng Diyos ay totoo, at kayang isagawa ang mga hinihingi ng Diyos; sila yaong may tunay na pag-unawa sa kanilang puso, sila yaong kayang gawing perpekto, at walang alinlangang magagawa nilang tumahak sa landas ng pagkaperpekto. Yaong mga hindi magagawang perpekto ay mga taong walang malinaw na pagkaunawa sa gawain ng Diyos, na hindi kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, na hindi pumapansin sa Kanyang mga salita, at na walang mapagmahal-sa-Diyos na puso. Yaong mga nagdududa sa Diyos na nagkatawang-tao, na palaging nag-aalinlangan tungkol sa Kanya, na hindi kailanman tumatrato nang seryoso sa Kanyang mga salita at palaging nagtatangkang manlinlang sa Kanya, ay mga taong lumalaban sa Diyos at sila ay kay Satanas; walang paraan para gawing perpekto ang gayong mga tao.
Kung nais mong maperpekto, kailangan mo munang makuha ang pagsang-ayon ng Diyos, sapagkat pineperpekto Niya yaong mga tinatrato Niya nang may pabor at nakaaayon sa Kanyang mga layunin. Kung nais mong umayon sa mga layunin ng Diyos, kailangan mong magkaroon ng pusong nagpapasakop sa Kanyang gawain, kailangan mong gawin ang lahat ng iyong makakaya para hangarin ang katotohanan, at kailangan mong tanggapin ang masusing pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay. Sumailalim na ba ang lahat ng ginagawa mo sa masusing pagsusuri ng Diyos? Tama ba ang iyong intensyon? Kung tama ang iyong intensyon, sasang-ayunan ka ng Diyos; kung mali ang iyong intensyon, ipinapakita nito na ang minamahal ng puso mo ay hindi ang Diyos, kundi ang laman at si Satanas. Kung gayon, kailangan mong gamitin ang panalangin bilang isang paraan upang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos sa lahat ng bagay. Kapag nagdarasal ka, bagamat hindi Ako personal na nakatayo sa iyong harapan, sumasaiyo ang Banal na Espiritu, at nagdarasal ka kapwa sa Akin Mismo at sa Espiritu ng Diyos. Bakit ka nananampalataya sa katawang-taong ito? Nananampalataya ka dahil taglay Niya ang Espiritu ng Diyos. Mananampalataya ka ba sa taong ito kung wala sa Kanya ang Espiritu ng Diyos? Kapag nananampalataya ka sa taong ito, nananampalataya ka sa Espiritu ng Diyos. Ang pagkatakot mo sa taong ito ay pagkatakot mo sa Espiritu ng Diyos. Ang pananalig sa Espiritu ng Diyos ay pananalig sa taong ito, at ang pananalig sa taong ito ay pananalig din sa Espiritu ng Diyos. Kapag nagdarasal ka, nadarama mong sumasaiyo ang Espiritu ng Diyos at na ang Diyos ay nasa iyong harapan, at sa gayon ay nagdarasal ka sa Kanyang Espiritu. Sa panahong ito, karamihan sa mga tao ay takot na dalhin ang kanilang mga kilos sa harap ng Diyos; bagama’t maaari mong linlangin ang Kanyang katawang-tao, hindi mo malilinlang ang Kanyang Espiritu. Anumang bagay na hindi makayanan ang pagsisiyasat ng Diyos ay hindi naaayon sa katotohanan, at nararapat na isantabi; kung hindi ay pagsalungat iyon sa Diyos. Kaya, nagdarasal, nagsasalita at nagbabahagi ka man sa iyong mga kapatid, o gumagawa ng iyong tungkulin at tinatapos ang mga bagay-bagay, dapat mong ilahad ang iyong puso sa harap ng Diyos. Kapag ginagampanan mo ang iyong gampanin, sumasaiyo ang Diyos, at hangga’t tama ang iyong intensyon at iyon ay para sa gawain ng sambahayan ng Diyos, tatanggapin Niya ang lahat ng ginagawa mo; dapat mong buong sinserong tuparin ang iyong papel. Kapag nagdarasal ka, dapat mayroon kang mapagmahal-sa-Diyos na puso at hanapin mo ang pangangalaga, proteksiyon, at pagsisiyasat ng Diyos. Kung ang mga ito ang mga intensiyon mo, magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Halimbawa, kapag nagdarasal ka sa mga pagtitipon, kung bubuksan mo ang iyong puso at magdarasal ka sa Diyos at sasabihin mo sa Kanya kung ano ang nasa puso mo nang hindi ka nagsisinungaling, siguradong magiging epektibo ang iyong mga dalangin. Kung mayroon kang maalab na mapagmahal-sa-Diyos na puso, manumpa ka sa Diyos: “Diyos ko, na nasa kalangitan at sa lupa at sa lahat ng bagay, isinusumpa ko sa Iyo: Nawa’y siyasatin ng Iyong Espiritu ang lahat ng ginagawa ko at protektahan at pangalagaan ako sa lahat ng oras, nang sa gayon ang lahat ng ginagawa ko ay makakapanindigan sa Iyong presensiya. Kung sakaling hindi Ka mahalin ng puso ko o ipagkanulo Ka nito, kastiguhin at isumpa Mo ako nang matindi. Huwag Mo akong patawarin sa buhay na ito o sa mundong darating!” Nangangahas ka bang manumpa nang gayon? Kung hindi, ipinapakita nito na ikaw ay duwag, at na mahal mo pa rin ang iyong sarili. May ganito ba kayong pagpapasya? Kung ito talaga ang inyong pagpapasya, dapat ninyong gawin ang panunumpang ito. Kung may determinasyon ka at gumagawa ka ng gayong panunumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong determinasyon. Kapag nanunumpa ka sa Diyos, nakikinig Siya. Tinutukoy ng Diyos kung ikaw ay makasalanan o matuwid batay sa iyong panalangin at iyong pagsasagawa. Ngayon, nasa proseso kayo ng pagiging perpekto, at kung talagang may pananalig ka na magagawang perpekto, dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Kung gagawa ka ng isang bagay na labis na mapanghimagsik o kung ipagkakanulo mo ang Diyos, gagawin Niyang magkatotoo ang iyong panunumpa; sa puntong iyon, maharap ka man sa perdisyon o maharap sa pagkastigo, magiging sariling kagagawan mo ito. Ikaw ang nanumpa, kaya dapat mong tuparin ito. Kung ikaw ay nanumpa, ngunit hindi mo ito tinupad, masasadlak ka sa perdisyon. Yamang ikaw ang nanumpa, tutuparin ng Diyos ang iyong panunumpa. Natatakot ang ilan pagkatapos nilang manalangin, at nagsasabi, “Tapos na ang lahat! Wala na ang pagkakataon kong maging mapagpalayaw ay wala na; ang pagkakataon kong gumawa ng masasamang bagay ay wala na; wala na ang pagkakataon kong magpakalulong sa aking mga makamundong pagnanasa!” Gustung-gusto pa rin ng mga taong ito ang mundo at kasalanan, at tiyak na masasadlak sila sa perdisyon.
Bilang isang mananampalataya sa Diyos, dapat ay magawa mong dalhin sa Kanyang harapan ang lahat ng iyong gawa at kilos at tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Kung maihaharap ang iyong ginagawa sa Espiritu ng Diyos ngunit hindi sa katawang-tao ng Diyos, nagpapakita ito na hindi mo pa tinanggap ang pagsisiyasat ng Kanyang Espiritu. Sino ang Espiritu ng Diyos? Sino ang taong pinatototohanan ng Diyos? Hindi ba Sila iisa at pareho? Ang tingin sa Kanila ng karamihan ay dalawang magkahiwalay na nilalang, naniniwalang ang Espiritu ng Diyos ay Espiritu ng Diyos, at ang taong pinatototohanan ng Diyos ay isang tao lamang. Ngunit hindi ka ba nagkakamali? Sa ngalan nino gumagawa ang taong ito? Yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay walang espirituwal na pang-unawa. Ang Espiritu ng Diyos at ang Kanyang nagkatawang-taong laman ay iisa, dahil ang Espiritu ng Diyos ay naging kongkreto sa katawang-tao. Kung ang taong ito ay hindi mabait sa iyo, magiging mabait ba ang Espiritu ng Diyos? Hindi ka ba nalilito? Ngayon, lahat ng hindi makatanggap ng pagsisiyasat ng Diyos ay hindi matatanggap ang Kanyang pagsang-ayon, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao ay hindi mapeperpekto. Tingnan mo ang lahat ng ginagawa mo, at tingnan mo kung maaari ba itong dalhin sa harap ng Diyos. Kung hindi mo madadala ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos, ipinapakita nito na isa kang taong gumagawa ng masama. Mapeperpekto ba ang mga taong gumagawa ng masama? Lahat ng iyong ginagawa, bawat kilos, bawat intensiyon, at bawat tugon ay dapat dalhin sa harap ng Diyos. Nangangahulugan ito na lahat ng bagay mula sa iyong pang-araw-araw na espirituwal na buhay—pagdarasal, paglapit sa Diyos, pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, pakikipagbahaginan sa iyong mga kapatid, at pamumuhay ng buhay iglesia—hanggang sa iyong paglilingkod sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa iba, ay dapat dalhin sa harap ng Diyos para sa Kanyang pagsisiyasat. Ang gayong pagsasagawa ang tutulong sa iyo na lumago sa buhay. Ang proseso ng pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ang proseso ng pagdadalisay. Kapag mas nagagawa mong tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, mas napapadalisay at mas naaayon ka sa mga layunin ng Diyos, nang sa gayon ay hindi ka masasadlak sa pagpapalayaw, at makapamumuhay ang puso mo sa Kanyang presensiya. Kapag mas tinatanggap mo ang Kanyang pagsisiyasat, mas napapahiya si Satanas at mas tumataas ang kakayahan mong maghimagsik laban sa laman. Kaya, ang pagtanggap sa pagsisiyasat ng Diyos ay isang landas ng pagsasagawa na dapat sundan ng mga tao. Anuman ang ginagawa mo, kahit kapag nakikipagbahaginan ka sa iyong mga kapatid, dapat mong dalhin ang iyong mga kilos sa harap ng Diyos at hanapin ang Kanyang pagsisiyasat, at dapat kang sadyang magpasakop sa Diyos Mismo; gagawin nitong mas tumpak ang iyong pagsasagawa. Kung dadalhin mo ang lahat ng iyong ginagawa sa harap ng Diyos at tatanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos, saka ka lamang magiging isang tao na namumuhay sa presensya ng Diyos.
Yaong mga walang pagkaunawa tungkol sa Diyos ay hindi kailanman lubos na makapagpapasakop sa Diyos. Ang mga taong kagaya nito ay mga anak ng pagrerebelde. Masyado silang ambisyoso, at labis silang mapaghimagsik, kaya inilalayo nila ang kanilang sarili mula sa Diyos at ayaw nilang tanggapin ang Kanyang pagsisiyasat. Ang mga taong kagaya nito ay hindi madaling maperpekto. Mapili ang ilang tao kung paano nila kakainin at iinumin ang mga salita ng Diyos at sa pagtanggap nila sa mga ito. Tinatanggap nila ang ilang bahagi ng mga salita ng Diyos na umaayon sa kanilang mga kuru-kuro samantalang inaayawan yaong mga hindi. Hindi ba’t ito ang pinakatahasang paghihimagsik at paglaban sa Diyos? Kung maraming taon nang nananampalataya ang isang tao sa Diyos nang hindi nagtatamo ng kahit kaunting pagkaunawa tungkol sa Kanya, sila ay hindi mananampalataya. Yaong mga handang tanggapin ang pagsisiyasat ng Diyos ay yaong mga naghahangad na maunawaan Siya, na handang tanggapin ang Kanyang mga salita. Sila ang mga tatanggap ng mana at mga pagpapala ng Diyos, at sila ang pinakapinagpala. Isinusumpa ng Diyos yaong mga walang-puwang para sa Kanya sa kanilang puso, at kinakastigo at tinatalikdan Niya ang gayong mga tao. Kung hindi mo mahal ang Diyos, tatalikdan ka Niya, at kung hindi ka makikinig sa sinasabi Ko, ipinapangako Ko na tatalikdan ka ng Espiritu ng Diyos. Subukan mo ito kung hindi ka naniniwala! Sa araw na ito nililinaw Ko sa iyo ang isang landas ng pagsasagawa, ngunit nasa sa iyo kung isasagawa mo ito. Kung hindi ka naniniwala rito, kung hindi mo ito isasagawa, makikita mo mismo kung gumagawa sa iyo ang Banal na Espiritu o hindi! Kung hindi mo hahangaring maunawaan ang Diyos, hindi gagawa sa iyo ang Banal na Espiritu. Gumagawa ang Diyos sa yaong mga naghahangad at nagpapahalaga sa Kanyang mga salita. Kapag mas pinahahalagahan mo ang mga salita ng Diyos, mas gagawa sa iyo ang Kanyang Espiritu. Kapag mas pinahahalagahan ng isang tao ang mga salita ng Diyos, mas marami siyang magiging pagkakataon na magawang perpekto ng Diyos. Pineperpekto ng Diyos yaong mga tunay na nagmamahal sa Kanya, at pineperpekto Niya yaong mga may puso na tahimik sa Kanyang harapan. Dapat mong pahalagahan ang lahat ng gawain ng Diyos, pahalagahan ang kaliwanagan ng Diyos, pahalagahan ang presensya ng Diyos, pahalagahan ang pangangalaga at proteksiyon ng Diyos, at pahalagahan kung paano nagiging realidad mo at nagtutustos sa iyong buhay ang mga salita ng Diyos—ito ay pinakamainam na naaayon sa mga layunin ng Diyos. Kung pinahahalagahan mo ang gawain ng Diyos, ibig sabihin, kung pinahahalagahan mo ang lahat ng gawaing ginawa ng Diyos sa iyo, pagpapalain ka Niya at pararamihin ang lahat ng sa iyo. Kung hindi mo pahahalagahan ang mga salita ng Diyos, hindi Siya gagawa sa iyo; pagkakalooban ka lamang Niya ng kaunting biyaya para sa iyong pananampalataya, hinahayaan kang magkaroon ng kaunting materyal na pagpapala o binibigyan ang iyong pamilya ng kaunting seguridad. Dapat mong hangaring gawing iyong realidad ang mga salita ng Diyos, na magawang palugurin Siya, at umayon sa Kanyang mga layunin; hindi ka lamang dapat maghangad na tamasahin ang Kanyang biyaya. Wala nang iba pang mas mahalaga para sa mga mananampalataya kaysa matanggap ang gawain ng Diyos, matamo ang pagkaperpekto, at maging mga taong sumusunod sa kalooban ng Diyos. Ito ang layong dapat mong hangarin.
Lahat ng hinangad ng tao sa Kapanahunan ng Biyaya ay lipas na, dahil mayroon na ngayong mas mataas na pamantayan ng paghahangad; ang hinahangad ay kapwa mas matayog at mas praktikal, ang hinahangad ay mas makatutugon sa kinakailangan ng kalooban ng tao. Sa lumipas na mga kapanahunan, hindi gumawa ang Diyos sa mga tao na kagaya ngayon; hindi Siya nangusap sa kanila nang kasingdami ng ginagawa Niya ngayon, ni hindi kasintayog ngayon ang Kanyang mga hinihingi sa kanila noon. Na mayroon ang Diyos ng mga ganitong hinihingi sa inyo ngayon ay nagpapakita na ang sukdulang layunin ng Diyos ay nakatuon sa inyo, sa grupong ito ng mga tao. Kung talagang nais mong maperpekto ng Diyos, hangarin mo ito bilang iyong sentrong layon. Ikaw man ay pumaparoon at pumaparito, gumugugol ng iyong sarili, naglilingkod sa isang papel, o tumatanggap ng atas ng Diyos, palaging hangarin na maperpekto at matugunan ang mga layunin ng Diyos, na makamtan ang layong ito. Kung sinasabi ng isang tao na hindi niya hinahangad ang maperpekto ng Diyos o ang buhay pagpasok, kundi hinahangad lamang niya ang kapayapaan at kagalakan ng laman, siya ang pinakabulag na tao. Yaong mga hindi naghahangad sa buhay realidad, kundi naghahangad lamang ng buhay na walang hanggan sa mundong darating at kaligtasan sa buhay na ito, ang pinakabulag sa lahat ng tao. Kaya, lahat ng ginagawa mo ay dapat gawin para sa layuning maperpekto at makamit ng Diyos.
Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa mga tao ay para magtustos sa kanila batay sa kanilang magkakaibang pangangailangan. Habang lumalaki ang buhay ng isang tao, mas lumalaki ang kanyang pangangailangan at mas naghahangad siya. Kung sa yugtong ito ay wala kang hinahangad, pinatutunayan nito na tinalikdan ka na ng Banal na Espiritu. Lahat ng naghahangad ng buhay ay hindi kailanman tatalikdan ng Banal na Espiritu; ang gayong mga tao ay palaging may bagay na hahangarin, at palaging may pinananabikan sa kanilang puso. Ang gayong mga tao ay hindi kuntento kailanman sa kanilang kasalukuyang katayuan. Bawat yugto ng gawain ng Banal na Espiritu ay naglalayon na magkamit ng epekto sa iyo, ngunit kung magiging kampante ka tungkol sa kasalukuyan mong katayuan, kung wala ka nang mga pangangailangan, kung hindi mo na tinatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu, tatalikdan ka Niya. Kailangan ng mga tao ang pagsisiyasat ng Diyos araw-araw; kailangan nila ang saganang panustos mula sa Diyos araw-araw. Makakaraos ba ang mga tao nang hindi kumakain at umiinom ng salita ng Diyos araw-araw? Kung palaging nadarama ng isang tao na hindi sapat ang nakakain at naiinom niyang salita ng Diyos, kung palagi siyang naghahanap at palaging nagugutom at nauuhaw para sa pagiging matuwid, palaging gagawa sa kanya ang Banal na Espiritu. Habang mas nagugutom at nauuhaw para sa pagiging matuwid ang isang tao, mas nagagawa niyang magbahagi ng mga praktikal na bagay. Habang mas tumutuon ang isang tao sa paghahanap sa katotohanan, mas mabilis na lumalago ang kanyang buhay, yumayaman ang kanyang karanasan at nagiging mayaman siya sa sambahayan ng Diyos.