Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan

Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng atas ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi para sa atas ng Diyos at sa makatarungang kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa ay makakaramdam ng kahihiyan sa harap niyong mga namartir para sa atas ng Diyos, at lalong mas mahihiya sa harap ng Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay.

Nilikha ng Diyos ang mundong ito, nilikha Niya ang sangkatauhang ito, at bukod dito, Siya ang arkitekto ng sinaunang kulturang Griyego at sibilisasyon ng tao. Ang Diyos lamang ang umaaliw sa sangkatauhang ito, at ang Diyos lamang ang nagmamalasakit sa sangkatauhang ito gabi at araw. Ang pag-unlad at paglago ng tao ay hindi mapaghihiwalay mula sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at ang kasaysayan at hinaharap ng sangkatauhan ay hindi makakatakas mula sa mga pagsasaayos ng mga kamay ng Diyos. Kung ikaw ay isang tunay na Kristiyano, ikaw ay tiyak na maniniwala na ang pagbangon at pagbagsak ng anumang bansa o nasyon ay nasasailalim sa mga pagsasaayos ng Diyos. Ang Diyos lamang ang nakakaalam sa kapalaran ng anumang bansa o nasyon, at Diyos lamang ang namamahala sa landasin ng sangkatauhang ito. Kung ang sangkatauhan ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, kung ang isang bansa ay nais na magkaroon ng isang magandang kapalaran, ang tao ay dapat na yumuko sa Diyos sa pagsamba, at lumapit sa harap ng Diyos para magsisi at mangumpisal sa Kanya, o kung hindi, ang magiging kapalaran at hantungan ng tao ay isang hindi maiiwasang sakuna.

Magbalik-tanaw sa panahon ng arko ni Noe: Ang sangkatauhan ay lubhang tiwali, ang mga tao ay lumayo sa pagpapala ng Diyos, hindi na pinangangalagaan ng Diyos, at nawalan ng mga ipinangako ng Diyos. Sila ay nanirahan sa kadiliman, nang wala ang liwanag ng Diyos. Kaya sila ay naging likas na mahalay at hinayaan ang kanilang sarili na mauwi sa kahindik-hindik na kasamaan. Ang ganitong mga tao ay hindi na maaaring makatanggap ng pangako ng Diyos; hindi na sila karapat-dapat na makasaksi sa mukha ng Diyos, o kaya ay marinig ang tinig ng Diyos, sapagkat tinalikuran nila ang Diyos, isinantabi ang lahat ng Kanyang ipinagkaloob sa kanila, at kinalimutan ang mga turo ng Diyos. Ang kanilang puso ay lumihis papalayo nang papalayo mula sa Diyos, at dahil dito, sila ay naging ubod ng sama nang higit pa sa lahat ng katwiran at pagkatao, at lalo pang nagiging masama. Kaya sila ay naging mas malapit sa kamatayan at sumailalim sa poot at kaparusahan ng Diyos. Si Noe lamang ang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, kung kaya’t narinig niya ang tinig ng Diyos at ang Kanyang mga tagubilin. Kanyang itinayo ang arko ayon sa mga tagubilin ng salita ng Diyos, at tinipon ang lahat ng uri ng buhay na nilalang. At sa ganitong paraan, nang maihanda na ang lahat ng bagay, pinakawalan ng Diyos ang Kanyang pagwasak sa mundo. Si Noe lamang at ang pitong miyembro ng kanyang pamilya ang nakaligtas sa pagkawasak, dahil sumamba si Noe kay Jehova at umiwas sa kasamaan.

Pagkatapos ay tumingin sa kasalukuyang panahon: Ang matuwid na tao na kagaya ni Noe, na kayang sumamba sa Diyos at umiwas sa kasamaan, ay hindi na umiiral. Ngunit ang Diyos ay nagpakita pa rin ng magandang-loob sa sangkatauhang ito, at pinapatawad pa rin sila sa huling panahong ito. Hinahanap ng Diyos ang mga taong nag-aasam na Siya’y magpakita. Hinahanap Niya sila na may-kakayahang makinig sa Kanyang mga salita, mga hindi nakalimot sa Kanyang atas, at naghahandog ng kanilang puso at katawan sa Kanya. Hinahanap Niya ang mga kasingmapagpasakop ng mga bata sa Kanyang harapan, at hindi Siya kakalabanin. Kung ilalaan mo ang iyong sarili sa Diyos, hindi nahahadlangan ng anumang kapangyarihan o puwersa, titingnan ka ng Diyos nang may pabor at ipagkakaloob sa iyo ang Kanyang mga pagpapala. Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na lumapit sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang atas, at na gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamakatarungan na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layon, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa nga ng Diyos. Maaaring ikaw ay isang presidente, isang siyentipiko, isang pastor, o isang nakatatandang pinuno, ngunit gaano pa man kataas ang iyong katungkulan, kung umaasa ka sa iyong kaalaman at kakayahan sa iyong mga ginagawa, ikaw ay palaging magiging bigo, at palaging mawawalan ng pagpapala ng Diyos, sapagkat hindi tinatanggap ng Diyos ang anumang ginagawa mo, at hindi Niya kinikilala na ang iyong ginagawa ay makatarungan, o tinatanggap na ikaw ay kumikilos para sa kapakinabangan ng sangkatauhan. Sasabihin Niya na ang lahat ng bagay na ginagawa mo ay gumagamit ng kaalaman at lakas ng sangkatauhan upang itulak palayo ang proteksiyon ng Diyos mula sa tao, na itinatatwa nito ang mga pagpapala ng Diyos. Sasabihin Niya na dinadala mo ang sangkatauhan patungo sa kadiliman, patungo sa kamatayan, at patungo sa simula ng isang pag-iral na walang limitasyon kung saan nawala sa tao ang Diyos at ang Kanyang pagpapala.

Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa pag-iral ng Diyos, at sa doktrina na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Iilang tao lang ang umaako sa paghanap kung saan kumikilos ngayon ang Diyos, o naghahanap kung paano Niya pinamumunuan at inaayos ang hantungan ng tao. At sa ganitong paraan, nang hindi namamalayan ng tao, ang sibilisasyon ng tao ay lalo pang nawawalan ng kakayahang tugunan ang mga kagustuhan ng tao, at maraming tao pa nga ang nakararamdam na, sa pamumuhay sa ganitong mundo, sila ay hindi gaanong masaya kung ihahambing sa mga taong yumao na. Maging ang mga tao ng mga dating napakaunlad na sibilisadong bayan ay nagpapahayag ng mga naturang hinaing. Sapagkat kung wala ang patnubay ng Diyos, kahit na pigain ng mga pinuno at sosyolohista ang mga utak nila para maingatan ang sibilisasyon ng tao, wala itong silbi. Walang tao ang makapupuno sa kahungkagan sa puso ng tao, dahil walang tao ang maaaring maging buhay ng tao, at walang teoryang panlipunan ang maaaring magpalaya sa tao mula sa mga problema ng kahungkagan. Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang konsuwelo sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pangungulila at pagnanais ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang kanyang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ay maaari lamang magdulot ng higit na pagkabagabag sa kanya, at magdulot na ang tao ay umiral sa palagiang kalagayan ng pagkabalisa, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap, hanggang sa puntong ang tao ay matakot sa agham at kaalaman, at lalong matakot sa damdamin ng kahungkagan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bansa o sa isang bansa na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan, lalong wala kang kakayahang takasan ang nakalilitong damdamin ng kahungkagan. Ang gayong penomeno, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga panlipunang penomeno, ngunit walang dakilang taong lumilitaw upang lutasin ang mga gayong problema. Kung tutuusin, ang tao ay tao, at ang katayuan at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang kailangan ng sangkatauhan ay hindi lang ang isang patas na lipunan kung saan ang lahat ng tao ay kumakain nang sapat, pantay-pantay, at malaya; ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang itinutustos na buhay ng Diyos at ang Kanyang kaligtasan, saka lamang malulutas ang kanyang mga pangangailangan, pagnanais na tumuklas, at ang kahungkagan sa puso niya. Kung ang mga tao ng isang bansa o ng isang nasyon ay hindi makatanggap ng pagliligtas at pagbabantay ng Diyos, ang gayong bansa o nasyon ay uusad patungo sa pagdalisdis, patungo sa kadiliman, at bilang resulta, lilipulin ito ng Diyos.

Marahil ang iyong bansa ay kasalukuyang umuunlad, ngunit kung tutulutan mo ang iyong mga tao na lumayo sa Diyos, unti-unting pagkakaitan ng mga pagpapala ng Diyos ang bansa mo, ang sibilisasyon ay lalong tatapak-tapakan ng tao, at hindi magtatagal, ang mga tao ay titindig laban sa Diyos at susumpain ang Langit. Sa ganitong paraan, walang kamalayan na masisira ang kapalaran ng isang bansa. Ang Diyos ay magbabangon ng mga makapangyarihang bansa upang kontrahin ang mga bansang isinumpa ng Diyos, at maaaring alisin pa nga ang mga ito sa ibabaw ng lupa. Ang susi sa pag-unlad at pagbagsak ng isang bansa o nasyon ay batay sa kung ang mga pinuno nito ay sumasamba sa Diyos, at kung inaakay nila ang kanilang mga tao na maging mas malapit sa Diyos at sambahin Siya. Pero sa huling kapanahunang ito, dahil ang mga taong sinserong naghahangad at sumasamba sa Diyos ay mas lalong dumadalang, nagbibigay ang Diyos ng natatanging pabor sa mga bansa kung saan ang Kristiyanismo ang relihiyon ng estado. Tinitipon Niya ang mga bansang iyon upang bumuo ng medyo makatarungang kampo sa mundo, habang ang mga bansang ateista at ang mga bansang hindi sumasamba sa tunay na Diyos ay nagiging kalaban ng makatarungang kampo. Sa ganitong paraan, ang Diyos ay hindi lamang may isang lugar sa sangkatauhan kung saan Siya maaaring gumampan ng Kanyang gawain, kasabay nito, may mga bansa rin Siyang nakakamtan na nagpapatupad ng makatarungang awtoridad, na nagtutulot na magpataw ng mga pagbabawal at paghihigpit sa mga bansang lumalaban sa Kanya. Sa kabila nito, hindi pa rin nagagawa ng Diyos na magkamit ng mas maraming tao na sumamba sa Kanya, sapagkat ang tao ay lumihis nang napakalayo sa Kanya, at nakalimutan na ang Diyos sa loob ng napakatagal na panahon, at sa mundong ito ay may mga bansa lang na nagpapatupad ng katarungan at lumalaban sa kawalan ng katarungan. Ngunit malayo ito sa pag-abot sa mga kagustuhan ng Diyos, sapagkat walang mga pinuno ng bansa ang magtutulot sa Diyos na maghari sa kanilang mga tao, at walang partidong pampulitika ng anumang bansa ang magtitipon ng kanyang mga tao upang magbigay karangalan sa Diyos; nawala ang Diyos sa Kanyang nararapat na lugar sa puso ng bawat bansa, nasyon, namumunong partido, at maging sa puso ng bawat tao. Kahit na umiiral ang ilang makatarungang puwersa sa mundong ito, ang anumang pamunuan kung saan ang Diyos ay walang lugar sa puso ng tao ay napakarupok at ang politikal na eksena, na walang pagpapala ng Diyos, ay magulo at hindi kaya kahit ang isang dagok. Para sa sangkatauhan, ang kawalan ng pagpapala ng Diyos ay katumbas ng kawalan ng araw. Gaano man kasipag ang mga namumuno na gumawa ng mga kontribusyon sa kanilang mga tao, gaano man karami ang mga makatarungang kumperensiyang isinasagawa ng sangkatauhan nang sama-sama, wala sa mga ito ang makakapagpabalik ng agos o makakapagbago ng kapalaran ng sangkatauhan. Naniniwala ang tao na ang isang bansa kung saan ang mga tao ay pinapakain at dinaramitan, kung saan sila ay magkakasamang namumuhay nang payapa ay isang mahusay na bansa, at may mabuting pamunuan. Subalit hindi ito ang palagay ng Diyos. Naniniwala Siya na ang isang bansa kung saan walang sinuman ang sumasamba sa Kanya ay dapat Niyang lipulin. Ang mga iniisip ng tao ay palaging sobrang ibang-iba sa mga iniisip ng Diyos. Kaya, kung ang pinuno ng bansang ito ay hindi sumasamba sa Diyos, ang kapalaran ng bansang ito ay magiging isang malaking trahedya, at ang bansang ito ay mawawalan ng hantungan.

Hindi nakikibahagi ang Diyos sa pulitika ng tao, ngunit kinokontrol Niya ang kapalaran ng bawat bansa at nasyon, kinokontrol Niya ang mundong ito at ang buong sansinukob. Ang kapalaran ng sangkatauhan at ang plano ng Diyos ay malapit na magkaugnay, at walang tao, bansa o nasyon ang makakatakas sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang tao ay nais na malaman ang kanyang kapalaran, dapat siyang lumapit sa Diyos. Pasasaganain ng Diyos ang mga sumusunod at sumasamba sa Kanya, at Siya ay magdudulot ng pagdausdos at pagkalipol sa mga lumalaban at tumatanggi sa Kanya.

Gunitain ang eksena sa Bibliya nang winasak ng Diyos ang Sodoma, at isipin din kung paano naging haligi ng asin ang asawa ni Lot. Gunitain kung paano nagsisi ang mga tao ng Ninive sa kanilang mga kasalanan na suot ang tela ng sako at abo, at gunitain kung ano ang sumunod matapos ipapako ng mga Hudyo si Jesus sa krus 2,000 taon na ang nakakaraan. Ang mga Hudyo ay pinatalsik mula sa Israel at tumakas patungo sa mga bayan sa buong mundo. Marami ang pinatay, at ang buong bansang Hudyo ay napasailalim sa wala pang katulad na pasakit dahil sa pagkalipol ng kanilang bansa. Ipinako nila ang Diyos sa krus—nakagawa ng isang karumal-dumal na kasalanan—at ginalit ang disposisyon ng Diyos. Sila ay pinagbayad sa kanilang ginawa, ipinatiis sa kanila ang mga kinahinatnan ng kanilang mga pagkilos. Hinatulan nila ang Diyos, itinakwil ang Diyos, kung kaya’t sila ay nagkaroon lamang ng isang kapalaran: ang maparusahan ng Diyos. Ito ang mapait na kinahinatnan at kapahamakan na dinala ng kanilang mga pinuno sa kanilang bayan at bansa.

Ngayon, ang Diyos ay bumalik sa gitna ng mga tao upang gawin ang Kanyang gawain, at ang Kanyang unang hinintuan sa Kanyang gawain ay ang pinakatipikal na halimbawa ng mga diktadurya: ang Tsina, ang matatag na balwarte ng ateismo. Nagkamit ang Diyos ng isang grupo ng mga tao sa pamamagitan ng Kanyang karunungan at kapangyarihan. Sa panahong ito, tinutugis Siya ng namumunong partido ng Tsina gamit ang lahat ng paraan at sumailalim Siya sa lahat ng uri ng pagdurusa, nang walang lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, at nang walang masisilungan. Sa kabila nito, ipinagpapatuloy pa rin ng Diyos ang gawaing Kanyang nilalayon: Sinasabi at binibigkas Niya ang Kanyang mga salita at ipinapalaganap Niya ang ebanghelyo. Walang tao ang makakaarok sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos. Sa Tsina, isang bansang itinuturing ang Diyos bilang isang kaaway, ang Diyos ay hindi kailanman tumigil sa Kanyang gawain. Sa halip, mas maraming tao ang tumanggap ng Kanyang gawain at salita, dahil inililigtas ng Diyos ang bawat isang miyembro ng sangkatauhan hangga’t maaari. Naniniwala tayong lahat na walang bansa o puwersa ang makakahadlang sa nais ng Diyos na makamit, at na iyong mga sumusubok na humadlang sa gawain ng Diyos, na lumalaban sa salita ng Diyos, at na nanggugulo at sumusubok na sirain ang plano ng Diyos ay parurusahan ng Diyos sa huli. Ang sinumang taong lumalaban sa gawain ng Diyos ay ipapatapon ng Diyos sa impiyerno; anumang bansa na lumalaban sa gawain ng Diyos ay wawasakin ng Diyos; anumang nasyon na tumitindig upang tutulan ang gawain ng Diyos ay buburahin ng Diyos sa daigdig na ito at titigil sa pag-iral. Hinihikayat Ko ang mga tao ng lahat ng nasyon, lahat ng bansa, at maging ng lahat ng industriya na makinig sa tinig ng Diyos, masdan ang gawain ng Diyos, at bigyang-pansin ang kapalaran ng sangkatauhan, kaya nagiging pinakabanal ang Diyos, pinakapinapangaralan, pinakamataas, at tanging pag-uukulan ng pagsamba ng sangkatauhan, at nagbibigay-daan sa buong sangkatauhan na mamuhay sa ilalim ng mga pagpapala ng Diyos, tulad lang ng mga inapo ni Abraham na namuhay sa ilalim ng pangako ni Jehova, at tulad lang nina Adan at Eba, na nilikha ng Diyos sa simula, na namuhay sa Hardin ng Eden.

Ang gawain ng Diyos ay sumusulong tulad ng rumaragasang alon. Walang sinuman ang maaaring pumigil sa Kanya, at wala ni isang maaaring magpahinto sa Kanyang mga yapak. Tanging ang mga taong nakikinig nang mabuti sa Kanyang mga salita, at mga taong naghahanap at nauuhaw sa Kanya, ang maaaring sumunod sa Kanyang mga yapak at makatanggap ng Kanyang pangako. Ang mga tao namang hindi ay sasailalim sa napakalaking kapahamakan at karapat-dapat sa kaparusahan.

Sinundan:  Apendise 1: Ang Pagpapakita ng Diyos ay Naghatid ng Isang Bagong Kapanahunan

Sumunod:  Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger