Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Ang gawain ng Diyos sa gitna ng mga tao ay hindi maihihiwalay sa tao, dahil ang tao ay ang layon ng gawaing ito, at ang tanging nilikha ng Diyos na kayang magpatotoo sa Diyos. Ang buhay ng tao at ang lahat ng gawain ng tao ay hindi maihihiwalay sa Diyos, at kinokontrol lahat ng mga kamay ng Diyos, at masasabi pa na walang tao ang maaaring umiral nang hiwalay sa Diyos. Walang maaaring magkaila nito, dahil ito ay isang katunayan. Ang lahat ng ginagawa ng Diyos ay para sa kapakinabangan ng sangkatauhan, at nakatuon laban sa mga pakana ni Satanas. Ang lahat ng kailangan ng tao ay nanggagaling sa Diyos, at ang Diyos ang pinagmumulan ng buhay ng tao. Kaya, ang tao ay sadyang hindi kayang mawalay sa Diyos. Ang Diyos, higit pa rito, ay hindi nagkaroon kailanman ng layunin na mawalay sa tao. Ang gawain na ginagawa ng Diyos ay para sa kapakanan ng buong sangkatauhan, at ang mga iniisip Niya ay laging mabuti. Kung gayon, para sa tao, ang gawain ng Diyos at ang mga iniisip ng Diyos (ibig sabihin, ang mga layunin ng Diyos) ay kapwa “mga pangitain” na dapat malaman ng tao. Ang gayong mga pangitain ay ang pamamahala rin ng Diyos, at gawain na hindi kayang magawa ng tao. Samantala, ang mga hinihingi ng Diyos sa tao sa panahon ng Kanyang gawain ay tinatawag na “pagsasagawa” ng tao. Ang mga pangitain ay ang gawain ng Diyos Mismo, o ang mga layunin Niya para sa sangkatauhan o ang mga layon at kahalagahan ng gawain Niya. Ang mga pangitain ay masasabi ring bahagi ng pamamahala, dahil ang pamamahalang ito ay ang gawain ng Diyos, at ito ay nakatuon sa tao, na nangangahulugang ito ang gawain na ginagawa ng Diyos sa gitna ng mga tao. Ang gawaing ito ang patunay at ang daan kung saan nakikilala ng tao ang Diyos, at ito ay napakahalaga para sa tao. Kung sa halip na magbigay-pansin sa pagkilala sa gawain ng Diyos ay nagbibigay-pansin lamang ang mga tao sa mga doktrina ng pananampalataya sa Diyos, o sa mabababaw at di-mahahalagang detalye, sadyang hindi nila makikilala ang Diyos, lalong hindi sila aayon sa mga layunin ng Diyos. Ang gawain ng Diyos na lubhang makatutulong sa pagkakilala ng tao sa Diyos ay tinatawag na mga pangitain. Ang mga pangitaing ito ang gawain ng Diyos, ang mga layunin ng Diyos, at ang mga pakay at kahalagahan ng gawain ng Diyos, na kapaki-pakinabang lahat sa tao. Ang pagsasagawa ay tumutukoy sa kung ano ang dapat gawin ng tao, yaong dapat gawin ng mga nilikha na sumusunod sa Diyos—sa madaling salita, ang tungkulin ng tao. Kung ano ang dapat na gawin ng tao ay hindi isang bagay na naunawaan ng tao mula sa pinakasimula, kundi mga hinihingi ng Diyos sa tao sa panahon ng gawain Niya. Ang mga hinihinging ito ay unti-unting lumalalim at tumataas habang gumagawa ang Diyos. Halimbawa, sa Kapanahunan ng Kautusan, kinailangang sundin ng tao ang kautusan, at sa Kapanahunan ng Biyaya, kinailangang pasanin ng tao ang krus. Iba ang Kapanahunan ng Kaharian: Ang mga hinihingi sa tao ay mas matataas kaysa sa mga hinihingi ng Kapanahunan ng Kautusan at ng Kapanahunan ng Biyaya. Habang ang mga pangitain ay mas tumataas, ang mga hinihingi sa tao ay lalo pang tumataas, at lalo pang lumilinaw at nagiging mas praktikal. Gayundin, ang mga pangitain ay lalo’t lalong nagiging mas praktikal. Ang maraming praktikal na pangitaing ito ay hindi lamang tumutulong sa tao na mas magpasakop sa Diyos, kundi, higit pa rito, ang mga ito ay kapaki-pakinabang sa kanyang pagkakilala sa Diyos.
Kung ihahambing sa mga nakalipas na kapanahunan, ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Kaharian ay mas makatotohanan, mas nakatuon sa diwa ng tao at sa mga pagbabago sa kanyang disposisyon, at mas nakapagpapatotoo tungkol sa Diyos Mismo sa lahat ng sumusunod sa Kanya. Sa madaling salita, sa Kapanahunan ng Kaharian, habang Siya ay gumagawa, mas ipinamamalas ng Diyos ang Sarili Niya sa tao kaysa sa iba pang panahon sa nakalipas, na nangangahulugang ang mga pangitain na nararapat malaman ng tao ay mas mataas kaysa sa mga pangitain sa anumang nakalipas na kapanahunan. Dahil ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay pumasok na sa isang larangang hindi pa napasok noon, ang mga pangitaing nalalaman ng tao sa Kapanahunan ng Kaharian ang pinakamataas sa lahat ng gawain ng pamamahala. Ang gawain ng Diyos ay pumasok na sa hindi pa napasok na larangan, kaya’t ang mga pangitain na malalaman ng tao ay naging ang pinakamataas sa lahat ng pangitain, at ang naibungang pagsasagawa ng tao ay mas mataas din kaysa sa anumang nakalipas na kapanahunan, dahil ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago alinsunod sa mga pangitain, at ang pagkaperpekto ng mga pangitain ay tanda rin ng pagkaperpekto ng mga hinihingi sa tao. Sa sandaling ang lahat ng pamamahala ng Diyos ay huminto, gayundin hihinto ang pagsasagawa ng tao, at kung wala ang gawain ng Diyos, walang magagawa ang tao kundi ang manatili sa mga regulasyon ng nakalipas, o kaya ay wala na siyang mababalingan. Kung walang mga bagong pangitain, walang magiging bagong pagsasagawa ang tao; kung walang ganap na mga pangitain, walang magiging perpektong pagsasagawa ang tao; kung walang mas mataas na mga pangitain, walang magiging mas mataas na pagsasagawa ang tao. Ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago kasabay ng mga yapak ng Diyos, at, gayundin, ang kaalaman at karanasan ng tao ay nagbabago rin kasabay ng gawain ng Diyos. Gaano man kahusay ang tao, hindi pa rin siya maihihiwalay sa Diyos, at kung hihinto sa paggawa ang Diyos kahit isang saglit, agad na mamamatay ang tao dahil sa Kanyang galit. Walang maipagyayabang ang tao, dahil gaano man kataas ang kaalaman ng tao ngayon, gaano man kalalim ang kanyang mga karanasan, hindi siya maihihiwalay sa gawain ng Diyos—dahil ang pagsasagawa ng tao, at iyong dapat niyang hangarin sa kanyang pananampalataya sa Diyos, ay hindi maihihiwalay sa mga pangitain. Sa bawat pagkakataon ng gawain ng Diyos, mayroong mga pangitaing dapat malaman ng tao, at, kasunod ng mga ito, mayroong mga angkop na hinihingi sa tao. Kung wala ang mga pangitaing ito bilang saligan, sadyang hindi kayang magsagawa ng tao, at hindi rin magagawang matatag na sumunod sa Diyos. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos o hindi niya nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, lahat ng ginagawa ng tao ay walang kabuluhan, at hindi masasang-ayunan ng Diyos. Gaano man kasagana ang mga kaloob sa tao, hindi pa rin niya kayang wala ang gawain at patnubay ng Diyos. Gaano man kabuti o karami ang mga pagkilos ng tao, hindi pa rin mapapalitan ng mga ito ang gawain ng Diyos. Kaya, anuman ang kalagayan, hindi maihihiwalay ang pagsasagawa ng tao mula sa mga pangitain. Ang mga hindi tumatanggap sa mga bagong pangitain kahit kaunti ay walang bagong pagsasagawa. Ang kanilang pagsasagawa ay walang kaugnayan sa katotohanan dahil sumusunod sila sa mga regulasyon at nananatili sa walang-buhay na kautusan; wala sila ni anumang bagong pangitain, at bilang kinalabasan, wala silang pagsasagawa ng bagong kapanahunan. Naiwala na nila ang mga pangitain, at dahil dito, naiwala na rin nila ang gawain ng Banal na Espiritu, at ang katotohanan. Iyong mga walang katotohanan ay mga anak ng kahangalan, at sila ang pagsasakatawan ni Satanas. Anumang uri ang isang tao, hindi maaaring wala siyang mga pangitain sa gawain ng Diyos, at hindi maaaring mawalan ng presensiya ng Banal na Espiritu; sa sandaling maiwala ng isa ang mga pangitain, agad-agad siyang bumababa sa Hades at namumuhay sa kadiliman. Ang mga taong walang pangitain ay iyong mga sumusunod sa Diyos sa naguguluhang paraan, sila iyong mga salat sa gawain ng Banal na Espiritu, at namumuhay sila sa impiyerno. Ang ganoong mga tao ay hindi naghahangad ng katotohanan, kundi isinasabit ang pangalan ng Diyos na tila isang karatula. Iyong mga hindi nakakakilala sa gawain ng Banal na Espiritu, na hindi nakakakilala sa Diyos na nagkatawang-tao, na hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain sa kabuuan ng pamamahala ng Diyos—hindi nila alam ang mga pangitain, at wala silang katotohanan. At hindi ba’t iyong mga hindi nagtataglay ng katotohanan ay pawang mga taong gumagawa ng masama? Iyong mga handang isagawa ang katotohanan, na handang hangarin ang pagkakilala sa Diyos, at tunay na nakikipagtulungan sa Diyos ay mga taong itinuturing na saligan ang mga pangitain. Sila ay sinasang-ayunan ng Diyos dahil sila ay nakikipagtulungan sa Diyos, at ang pakikipagtulungang ito ang dapat isagawa ng tao.
Naglalaman ang mga pangitain ng maraming landas ng pagsasagawa. Ang mga praktikal na hinihingi sa tao ay nilalaman din ng mga pangitain, gayundin ang gawain ng Diyos na kailangang malaman ng tao. Sa nakalipas, sa panahon ng mga natatanging pagtitipon o maringal na mga pagtitipon na ginanap sa iba’t ibang lugar, iisang aspekto lamang ng landas ng pagsasagawa ang pinag-usapan. Ang pagsasagawang iyon ay dapat isinagawa sa Kapanahunan ng Biyaya, at walang masyadong kaugnayan sa pagkakilala sa Diyos, dahil ang pangitain ng Kapanahunan ng Biyaya ay ang pangitain lamang ng pagkakapako sa krus ni Jesus, at walang mga pangitain na higit pa rito. Wala nang dapat malaman ang tao maliban sa gawain ng Kanyang pagtubos sa sangkatauhan sa pamamagitan ng pagpapapako sa krus, kaya’t sa Kapanahunan ng Biyaya ay wala nang iba pang mga pangitain na kailangang malaman ng tao. Sa ganitong paraan, mayroon lamang katiting na pagkakilala ang tao sa Diyos, at bukod sa pagkakilala sa mapagmahal na kabaitan at awa ni Jesus, mayroon lamang iilang payak at kahabag-habag na mga bagay para isagawa niya, mga bagay na napakalayo sa ngayon. Noong nakalipas, anumang paraan ang ginamit sa kanyang pagtitipon, walang kakayahan ang tao na mangusap tungkol sa praktikal na pagkakilala sa gawain ng Diyos, at lalong hindi malinaw na nasabi ninuman kung aling landas ng pagsasagawa ang pinakaangkop na pasukin ng tao. Nagdagdag lamang ang tao ng ilang payak na detalye sa saligan ng pagtitimpi at pagtitiis; sadyang walang pagbabago sa diwa ng kanyang pagsasagawa, dahil sa parehong kapanahunan ay hindi gumawa ang Diyos ng anumang mas bagong gawain, at ang tanging hiningi Niya sa tao ay ang pagtitimpi at pagtitiis, o pagpasan ng krus—maliban sa gayong mga pagsasagawa, walang mas mataas na mga pangitain kaysa sa pagkakapako sa krus ni Jesus. Sa nakalipas, walang binanggit na ibang mga pangitain dahil hindi gumawa ng maraming gawain ang Diyos, at dahil limitado lamang ang Kanyang mga hinihingi sa tao. Sa paraang ito, anuman ang ginawa ng tao, hindi niya nagawang malabag ang mga hangganang ito; nagsagawa lamang siya sa mababaw at simpleng paraan. Ngayon ay sinasabi Ko ang mas maraming pangitain dahil ngayon, mas marami nang gawain ang nagawa, gawain na ilang ulit na nakahihigit sa gawain noong Kapanahunan ng Kautusan at Kapanahunan ng Biyaya. Ang mga hinihingi sa tao ay ilang ulit din na mas mataas kaysa sa mga nakalipas na kapanahunan. Kung walang kakayahan ang tao na lubusang makilala ang gawaing iyon, hindi ito magtataglay ng malaking kahalagahan; maaaring sabihin na mahihirapan ang tao na lubos na makilala ang ganoong gawain kung hindi siya naglalaan ng buong buhay na pagsisikap para dito. Sa gawain ng panlulupig, kung ang pag-uusapan lamang ay ang landas ng pagsasagawa, magiging imposibleng lupigin ang tao. Magiging imposible ring lupigin ang tao sa pagsasalita lamang tungkol sa mga pangitain, nang walang anumang mga hinihingi sa tao. Kung ang landas ng pagsasagawa lamang ang mapag-usapan, magiging imposible na patamaan ang matinding kahinaan ng tao, o na iwaksi ang mga kuru-kuro ng tao, at magiging imposible rin na lubusang lupigin ang tao. Ang mga pangitain ang pangunahing kasangkapan sa paglupig sa tao, ngunit kung walang landas ng pagsasagawa bukod sa mga pangitain, walang magiging daan upang makasunod ang tao, at lalong wala siyang magiging anumang paraan ng pagpasok. Ito na ang naging prinsipyo ng gawain ng Diyos mula sa simula hanggang sa katapusan: Sa mga pangitain ay mayroong maaaring maisagawa, at mayroon ding mga pangitain bukod pa sa pagsasagawa. Ang antas ng mga pagbabago kapwa sa buhay ng tao at sa kanyang disposisyon ay kasabay ng mga pagbabago sa mga pangitain. Kung aasa lamang ang tao sa sarili niyang mga pagsisikap, magiging imposible para sa kanya na makatamo ng kahit na anumang malaking antas ng pagbabago. Ang mga pangitain ay tumutukoy sa gawain ng Diyos Mismo at sa pamamahala ng Diyos. Ang pagsasagawa ay tumutukoy sa landas ng pagsasagawa ng tao, at sa daan ng pag-iral ng tao. Sa buong pamamahala ng Diyos, ang kaugnayan sa pagitan ng mga pangitain at ng pagsasagawa ay ang kaugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Kapag inalis ang mga pangitain, o kung ang mga ito ay binanggit nang hindi pinag-uusapan ang pagsasagawa, o kung mayroon lamang mga pangitain at inalis ang pagsasagawa ng tao, ang gayong mga bagay ay hindi maituturing na pamamahala ng Diyos, at lalo nang hindi masasabi na ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan; sa ganitong paraan, hindi lamang maaalis ang tungkulin ng tao, kundi ito ay magiging pagtanggi sa layunin ng gawain ng Diyos. Kung, mula sa simula hanggang sa katapusan, hiningi lamang sa tao na magsagawa, nang walang kaugnayan sa gawain ng Diyos, at, higit pa rito, kung hindi hiningi sa tao na kilalanin ang gawain ng Diyos, lalong hindi mapapanindigan na tawagin ang gayong gawain na pamamahala ng Diyos. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos, at walang alam sa mga layunin ng Diyos, at bulag lang na nagsagawa sa isang malabong paraan, hindi siya kailanman magiging isang nilikha na ganap na pasok sa pamantayan. Kaya naman, ang dalawang bagay na ito ay parehong di-maaaring mawala. Kung ang mayroon lamang ay ang gawain ng Diyos, na ibig sabihin, kung ang mayroon lamang ay ang mga pangitain, at wala ang pakikipagtulungan o pagsasagawa sa parte ng tao, kung gayon, hindi ito maaaring tawaging pamamahala ng Diyos. Kung ang mayroon lamang ay ang pagsasagawa at ang pagpasok ng tao, kahit ito pa ang pinakamataas na landas ng pagpasok, hindi rin iyon gagana. Ang pagpasok ng tao ay kailangang unti-unting magbago kasabay ng gawain at mga pangitain; hindi ito maaaring magbago nang arbitraryo. Ang mga prinsipyo ng pagsasagawa ng tao ay hindi walang pagpipigil, kundi nakatakda sa loob ng mga partikular na hangganan. Ang ganoong mga prinsipyo ay nagbabago kasabay ng mga pangitain ng gawain. Samakatwid, ang pamamahala ng Diyos sa kahuli-hulihan ay naibubuod bilang gawain ng Diyos at pagsasagawa ng tao.
Ang gawain ng pamamahala ay umiral lamang dahil sa sangkatauhan, na nangangahulugang lumitaw lamang ito dahil sa pag-iral ng sangkatauhan. Walang pamamahala bago ang sangkatauhan, o sa pasimula, nang ang langit at lupa at lahat ng bagay ay nilikha. Kung, sa buong gawain ng Diyos, ay walang pagsasagawa na kapaki-pakinabang sa tao—ibig sabihin, kung hindi Siya gumawa ng mga angkop na hinihingi sa tiwaling sangkatauhan (kung walang angkop na landas para sa pagsasagawa ng tao sa gawaing ginawa ng Diyos)—kung gayon, ang gawaing ito ay hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Kung ang kabuuan ng gawain ng Diyos ay kinapapalooban lamang ng pagsasabi sa tiwaling sangkatauhan kung paano sila magsasagawa, at hindi isinakatuparan ng Diyos ang alinman sa Kanyang sariling proyekto, at hindi nagbunyag ng kahit katiting ng Kanyang pagkamakapangyarihan-sa-lahat o karunungan, at gaano man kataas ang mga hinihingi ng Diyos sa tao, gaano man katagal namuhay ang Diyos kasama ng tao, walang alam ang tao tungkol sa disposisyon ng Diyos, kung gayon, ang ganitong uri ng gawain ay mas lalong hindi matatawag na pamamahala ng Diyos. Sa madaling salita, ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay gawaing ginagawa ng Diyos, at ang lahat ng gawain na isinasakatuparan ng mga nakamit ng Diyos sa ilalim ng Kanyang paggabay. Ang ganoong gawain ay maaaring ibuod bilang pamamahala. Sa madaling salita, ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao, gayundin ang pakikipagtulungan sa Kanya ng lahat ng sumusunod sa Kanya ay kolektibong tinatawag na pamamahala. Dito, ang gawain ng Diyos ay tinatawag na mga pangitain, at ang pakikipagtulungan ng tao ay tinatawag na pagsasagawa. Habang tumataas ang gawain ng Diyos (iyon ay, tumataas din ang mga pangitain), higit na nagagawang malinaw sa tao ang disposisyon ng Diyos, at higit na kasalungat ito ng mga kuru-kuro ng mga tao, at higit na nagiging mataas ang pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Habang higit na tumataas ang mga hinihingi sa tao, higit na nagiging kasalungat ng mga kuru-kuro ng tao ang gawain ng Diyos, at bilang bunga nito ang mga pagsubok sa tao, at ang mga pamantayang hinihingi sa kanya na maabot, ay tumataas din. Sa pagtatapos ng gawaing ito, ang lahat ng pangitain ay magiging ganap na, at iyong kinakailangan na isagawa ng tao ay mararating ang rurok ng kasakdalan. Ito rin ang magiging panahon kung kailan ang lahat ay pagbubukud-bukurin ayon sa kanilang uri, sapagkat iyong dapat malaman ng tao ay maipapakita sa tao. Kaya’t kapag naabot ng mga pangitain ang kasukdulan, ang gawain ay malapit na ring matapos, at maaabot din ng pagsasagawa ng tao ang tugatog nito. Ang pagsasagawa ng tao ay batay sa gawain ng Diyos, at ang pamamahala ng Diyos ay lubos na naipapahayag lamang sa pamamagitan ng pagsasagawa at pakikipagtulungan ng tao. Ang tao ang pangunang halimbawa ng gawain ng Diyos, at ang layon ng kabuuan ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang bunga rin ng buong pamamahala ng Diyos. Kung mag-isang gumawa ang Diyos, at wala ang pakikipagtulungan ng tao, kung gayon walang magsisilbing kristalisasyon ng Kanyang buong gawain, at kung gayon, walang magiging kabuluhan sa pamamahala ng Diyos ni katiting man. Sa pamamagitan lamang ng pagpili ng Diyos ng angkop na mga pakay bukod pa sa Kanyang gawain para ipahayag ang gawaing ito at patunayan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat at karunungan nito makakamit ng Diyos ang layunin ng pamamahala Niya, at makakamit ang layunin ng paggamit ng lahat ng gawaing ito upang ganap na talunin si Satanas. Samakatwid, ang tao ay isang bahagi na hindi maaaring mawala sa gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang tao lamang ang makakagawa sa pamamahala ng Diyos na magbunga at makamit ang sukdulan nitong layunin; Bukod sa tao, walang ibang anyo ng buhay ang makagaganap sa ganoong papel. Kung ang tao ang magiging tunay na kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos, kung gayon, dapat lubos na maalis sa tiwaling sangkatauhan ang paghihimagsik nito. Hinihingi nito na bigyan ang tao ng angkop na pagsasagawa sa iba’t ibang panahon, at na ang Diyos ay magsagawa ng katumbas na gawain sa gitna ng tao. Tanging sa paraang ito makakamtan sa kahuli-hulihan ang isang kalipunan ng tao na siyang kristalisasyon ng gawain ng pamamahala ng Diyos. Ang gawain ng Diyos sa gitna ng tao ay hindi nagagawang magpatotoo sa Diyos Mismo sa pamamagitan lamang ng gawain ng Diyos; upang makamit, ang ganoong patotoo ay nangangailangan din ng mga buhay na tao na angkop sa Kanyang gawain. Gagawa muna ang Diyos sa mga taong ito, na kung saan sa pamamagitan nila ang Kanyang gawain ay maihahayag, kaya ang gayong patotoo Niya ay ibibigay sa gitna ng mga nilikha, at dito, makakamtan ng Diyos ang layunin ng Kanyang gawain. Hindi mag-isang gumagawa ang Diyos upang matalo si Satanas dahil hindi Niya kayang tuwirang magpatotoo para sa sarili Niya sa gitna ng lahat ng nilikha. Kung ito ay gagawin Niya, magiging imposible na lubusang kumbinsihin ang tao, kaya dapat lupigin ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paggawa sa kanya, at saka lamang Siya magkakamit ng patotoo sa gitna ng lahat ng nilikha. Kung ang Diyos lamang ang patuloy na gumagawa, samantalang hindi nakikipagtulungan ang tao o hindi hinihingi ng Diyos na gawin niya, kung gayon, hindi kailanman magagawang makilala ng tao ang disposisyon ng Diyos, at magpakailanmang magiging walang kamalayan sa mga layunin ng Diyos; hindi ito matatawag na gawain ng pamamahala ng Diyos. Kung magsisikap lamang ang tao mismo, at maghahangad, at magpupunyagi, nang hindi nauunawaan ang gawain ng Diyos, kung gayon, kalokohan lang ang gagawin ng tao. Kung wala ang gawain ng Banal na Espiritu, iyong ginagawa ng tao ay kay Satanas, ito ay paghihimagsik at paggawa ng masama; naihahayag si Satanas sa lahat ng ginagawa ng tiwaling sangkatauhan, at walang anumang kaayon ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa ng tao ay pagpapakita ni Satanas. Wala sa lahat ng nasabi ng Diyos ang hindi nauugnay sa mga pangitain at pagsasagawa. Sa saligan ng mga pangitain, nahanap ng tao ang pagsasagawa at ang landas ng pagpapasakop, at isinasantabi ang kanyang mga kuru-kuro at nakakamit iyong mga bagay na hindi niya taglay dati. Hinihingi ng Diyos na makipagtulungan ang tao sa Kanya, na ang tao ay ganap na magpasakop sa Kanyang mga hinihingi, at hinihingi ng tao na mamasdan ang gawaing ginagawa ng Diyos Mismo, na maranasan ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at na makilala ang disposisyon ng Diyos. Ang mga ito, sa kabuuan, ay ang pamamahala ng Diyos. Ang pagsasanib ng Diyos at ng tao ay ang pamamahala, at ito ang pinakadakilang pamamahala.
Iyong kinapapalooban ng mga pangitain ay pangunahing tumutukoy sa gawain ng Diyos Mismo, at iyong kinapapalooban ng pagsasagawa ay dapat gawin ng tao, at walang anupamang kaugnayan sa Diyos. Ang gawain ng Diyos ay tinatapos ng Diyos Mismo, at ang pagsasagawa ng tao ay kinakamit ng tao mismo. Ang mga nararapat gawin ng Diyos Mismo ay hindi kailangang gawin ng tao, at ang dapat isagawa ng tao ay walang kaugnayan sa Diyos. Ang gawain ng Diyos ay ang Kanyang sariling ministeryo, at walang kaugnayan sa tao. Ang gawaing ito ay hindi kailangang gawin ng tao, at, dagdag pa rito, hindi makakayang gawin ng tao ang gawain na gagawin ng Diyos. Iyong kinakailangang isagawa ay dapat magawa ng tao, kahit na ito ang pagsasakripisyo sa kanyang buhay, o ang paghahatid sa kanya kay Satanas upang manindigan sa kanyang patotoo—lahat ito ay dapat maisakatuparan ng tao. Tinatapos ng Diyos Mismo ang lahat ng gawain na nararapat Niyang gawin, at ang nararapat gawin ng tao ay ipinakikita sa tao, at ang mga natitirang gawain ay iniiwan sa tao upang gawin. Hindi gumagawa ang Diyos ng karagdagang gawain; ginagawa Niya lamang ang gawain na sakop ng ministeryo Niya, at ipinakikita lamang sa tao ang daan, at ginagawa lamang ang gawain ng pagbubukas ng daan, at hindi ginagawa ang gawain ng paghahanda sa daan. Dapat itong maunawaan ng lahat. Ang pagsasagawa ng katotohanan ay nangangahulugan ng pagsasagawa ng mga salita ng Diyos, at ang lahat ng ito ay tungkulin ng tao, na kailangang gawin ng tao, at walang anupamang kinalaman sa Diyos. Kung hinihingi ng tao na ang Diyos ay magdusa rin at magtiis ng pagpipino sa katotohanan, katulad ng sa tao, kung gayon ang tao ay nagiging mapaghimagsik. Ang gawain ng Diyos ay ang gampanan ang Kanyang ministeryo, at ang tungkulin ng tao ay ang magpasakop sa lahat ng paggabay ng Diyos, nang walang anumang paglaban. Iyong kailangang kamtin ng tao ay nararapat niyang tuparin, hindi alintana kung paano gumagawa o nabubuhay ang Diyos. Ang Diyos Mismo lamang ang maaaring humingi sa tao, na ibig sabihin, ang Diyos Mismo lamang ang naaangkop na humingi sa tao. Hindi dapat magkaroon ng anumang pagpili ang tao at walang dapat gawin kundi ang lubos na magpasakop at magsagawa; ito ang katwiran na dapat taglayin ng tao. Sa sandaling matapos ang gawain na dapat gawin ng Diyos Mismo, kailangan ng tao na ito ay maranasan, isa-isang hakbang. Kung, sa katapusan, kapag ang lahat ng pamamahala ng Diyos ay natapos na, hindi pa rin nagawa ng tao iyong mga hinihingi ng Diyos, kung gayon dapat parusahan ang tao. Kung hindi tinutugunan ng tao ang mga hinihingi ng Diyos, kung gayon ito ay ang paghihimagsik ng tao; hindi ito nangangahulugan na ang Diyos ay hindi naging masusi sa Kanyang gawain. Ang lahat ng hindi makakapagsagawa sa mga salita ng Diyos, iyong mga hindi makakatupad sa mga hinihingi ng Diyos, at iyong mga hindi makakapagbigay ng kanilang debosyon at makakatupad sa kanilang tungkulin ay maparurusahang lahat. Ngayon, kung ano ang hinihingi sa inyo na kamtin ay hindi mga karagdagang hinihingi, kundi ang tungkulin ng tao, at ang kailangang gawin ng lahat ng tao. Kung kayo ay walang kakayahan na gumampan man lamang sa inyong tungkulin, o gumampan dito nang maayos, hindi ba’t pinahihirapan ninyo lamang ang inyong mga sarili? Hindi ba’t hinahanap ninyo ang kamatayan? Paano pa kayo makakaasa na magkaroon ng hinaharap at kinabukasan? Ang gawain ng Diyos ay ginagawa para sa kapakanan ng sangkatauhan, at ang pakikipagtulungan ng tao ay ibinibigay alang-alang sa pamamahala ng Diyos. Pagkatapos gawin ng Diyos ang lahat ng nararapat Niyang gawin, ang tao ay kinakailangang maging ganap na dedikado sa kanyang pagsasagawa, at makipagtulungan sa Diyos. Sa gawain ng Diyos, ang tao ay hindi dapat magkulang sa pagsisikap, nararapat mag-alay ng kanyang debosyon, at hindi dapat magpasasa sa napakaraming kuru-kuro, o maupo nang walang-kibo at maghintay ng kamatayan. Kayang isakripisyo ng Diyos ang Kanyang Sarili para sa tao, kaya bakit hindi maibigay ng tao ang kanyang debosyon sa Diyos? May iisang puso at isip ang Diyos tungo sa tao, kaya bakit hindi makapag-alok ng kaunting pakikipagtulungan ang tao? Gumagawa ang Diyos para sa sangkatauhan, kaya bakit hindi magampanan ng tao ang ilan sa mga tungkulin niya alang-alang sa pamamahala ng Diyos? Nakarating na ang gawain ng Diyos nang ganito kalayo, gayunman kayo ay nakakakita pa rin ngunit hindi kumikilos, kayo ay nakakarinig ngunit hindi gumagalaw. Hindi ba’t ang mga taong ganyan ay ang mga layon ng perdisyon? Nailaan na ng Diyos ang Kanyang lahat para sa tao, kaya bakit, ngayon, wala pa ring kakayahan ang tao na masigasig na gampanan ang ilang tungkulin? Para sa Diyos, ang Kanyang gawain ay ang Kanyang uunahin, at ang gawain ng Kanyang pamamahala ay ang pinakamahalaga. Para sa tao, ang pagsasagawa ng mga salita ng Diyos at pagtupad sa mga hinihingi ng Diyos ay kanyang unang prayoridad. Ito ay dapat maunawaan ninyong lahat. Narating na ng mga salitang sinabi sa inyo ang kaibuturan ng inyong diwa, at nakapasok na ang gawain ng Diyos sa larangang hindi pa nito napapasok. Maraming tao ang hindi pa rin nakakaunawa sa totoo o sa kasinungalingan ng daan na ito; sila ay naghihintay pa rin at nagmamasid, at hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Sa halip, sinusuri nila ang bawat salita at kilos ng Diyos, sila ay nagtutuon ng pansin sa kung ano ang kinakain at isinusuot Niya, at ang kanilang mga kuru-kuro ay nagiging mas malubha. Hindi ba’t ang mga taong ganoon ay nababahala sa wala? Paanong mangyayari na ang mga taong iyon ay sila ring naghahanap sa Diyos? At paanong sila ang may intensiyong magpasakop sa Diyos? Isinasantabi nila ang kanilang debosyon at tungkulin sa kanilang mga isipan, at sa halip ay pinagtutuunan ng pansin ang kinaroroonan ng Diyos. Sila ay tunay na kasuklam-suklam! Kung naunawaan na ng tao ang lahat ng dapat niyang maunawaan, at naisagawa na ang lahat ng dapat niyang isagawa, kung gayon, ang Diyos ay tiyak na magkakaloob ng Kanyang mga pagpapala sa tao, sapagkat iyong mga hinihingi Niya sa tao ay ang tungkulin ng tao, at iyong dapat na gawin ng tao. Kung walang kakayahan ang tao na arukin kung ano ang dapat niyang maunawaan at walang kakayahan na isagawa ang dapat niyang isagawa, kung gayon ang tao ay maparurusahan. Iyong mga hindi nakikipagtulungan sa Diyos ay kaaway ng Diyos, iyong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ay nagtataglay ng saloobing sumasalungat dito, kahit pa ang mga taong iyon ay hindi gumagawa ng lantad na paglaban dito. Ang lahat ng hindi nagsasagawa ng katotohanan na hiningi ng Diyos ay ang mga taong sinasadyang lumaban at mapaghimagsik sa mga salita ng Diyos, kahit pa ang mga taong ito ay labis na “nagmamalasakit” tungkol sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na hindi masunurin o mapagpasakop ay mapaghimagsik, at kinakalaban nila ang Diyos. Ang mga taong hindi gumaganap sa kanilang tungkulin ay silang hindi nakikipagtulungan sa Diyos, at ang mga taong hindi nakikipagtulungan sa Diyos ay ang mga hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu.
Kapag naaabot ng gawain ng Diyos ang isang tiyak na punto, at ang pamamahala Niya ay nakaaabot sa isang tiyak na punto, ang mga umaayon sa Kanyang mga layunin ay pawang may kakayahang tuparin ang mga hinihingi Niya. Nagtatalaga ang Diyos ng mga hinihingi Niya sa tao ayon sa sarili Niyang mga pamantayan, at ayon doon sa kayang makamit ng tao. Habang nagsasalita tungkol sa Kanyang pamamahala, itinuturo din Niya ang landas para sa tao, at ipinagkakaloob sa tao ang daan ng pag-iral. Ang pamamahala ng Diyos at ang pagsasagawa ng tao ay nasa parehong yugto ng gawain at sabay na isinasakatuparan. Ang pagsasalita tungkol sa pamamahala ng Diyos ay may kinalaman sa mga pagbabago sa disposisyon ng tao, at ang pagsasalita tungkol sa kung ano ang dapat magawa ng tao at sa mga pagbabago sa disposisyon ng tao ay nauugnay sa gawain ng Diyos; walang panahon kung kailan ang dalawang ito ay maaaring mapaghiwalay. Ang pagsasagawa ng tao ay nagbabago, baitang-baitang. Ito ay dahil ang mga hinihingi ng Diyos sa tao ay nagbabago rin, at dahil ang gawain ng Diyos ay palaging nagbabago at sumusulong. Kung ang pagsasagawa ng tao ay nananatiling bihag ng mga regulasyon, ito ay nagpapatunay na siya ay nawalan ng gawain at paggabay ng Diyos; kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi kailanman nagbabago o lumalalim, kung gayon ito ay nagpapatunay na ang pagsasagawa ng tao ay isinasakatuparan ayon sa kalooban ng tao, at ang pagsasagawa ng hindi katotohanan; kung ang tao ay walang landas na tatahakin, kung gayon siya ay nahulog na sa mga kamay ni Satanas, at nakokontrol ni Satanas, na nangangahulugang siya ay nakokontrol ng masasamang espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi lumalalim, ang gawain ng Diyos ay hindi uusad, at kung walang pagbabago sa gawain ng Diyos, kung gayon ang pagpasok ng tao ay mahihinto; hindi ito maiiwasan. Sa kabuuan ng lahat ng gawain ng Diyos, kung ang tao ay laging sumusunod sa kautusan ni Jehova, kung gayon ang gawain ng Diyos ay hindi makakasulong, lalong hindi magiging posible na dalhin ang buong kapanahunan sa katapusan. Kung ang tao ay palaging nakahawak sa krus at nagsasagawa ng pagtitiis at pagpapakumbaba, kung gayon magiging imposible para sa gawain ng Diyos na magpatuloy sa pagsulong. Ang anim na libong taon ng pamamahala ay hindi basta-basta matatapos sa gitna ng mga taong sumusunod lamang sa kautusan, o kumakapit lamang sa krus at nagsasagawa ng pagtitiis at pagpapakumbaba. Sa halip, ang buong gawain ng pamamahala ng Diyos ay magwawakas sa gitna ng mga nasa mga huling araw, na nakakakilala sa Diyos, na nabawi na mula sa mga kamay ni Satanas at lubusang naalis na ang kanilang mga sarili mula sa impluwensiya ni Satanas. Ito ang hindi maiiwasang patutunguhan ng gawain ng Diyos. Bakit sinasabi na lipas na sa panahon ang mga pagsasagawa ng mga nasa relihiyosong simbahan? Ito ay dahil ang kanilang isinasagawa ay hiwalay mula sa gawain ng kasalukuyan. Sa Kapanahunan ng Biyaya, ang kanilang isinasagawa ay tama, ngunit habang lumilipas ang kapanahunan at nagbabago ang gawain ng Diyos, ang mga pagsasagawa nila ay unti-unti na ring nilipasan ng panahon. Ito ay naiwan na ng bagong gawain at ng bagong liwanag. Batay sa orihinal nitong saligan, ang gawain ng Banal na Espiritu ay nakasulong na ng ilang hakbang na palalim. Ngunit ang mga taong iyon ay nananatili pa ring naiipit sa orihinal na yugto ng gawain ng Diyos, at kumakapit pa rin sa mga lumang pagsasagawa at sa lumang liwanag. Maaaring magbago nang malaki ang gawain ng Diyos sa paglipas ng tatlo o limang taon, kaya hindi ba’t mas malaki pang mga pagbabago ang mangyayari sa loob ng 2,000 taon? Kung ang tao ay walang bagong liwanag o pagsasagawa, ito ay nangangahulugan na hindi siya nakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at ito ang pagkakamali ng tao. Ang pag-iral ng bagong gawain ng Diyos ay hindi maipagkakaila dahil, ngayon, ang mga dati nang nakaranas ng gawain ng Banal na Espiritu ay sumusunod pa rin sa mga lumang pagsasagawa. Ang gawain ng Banal na Espiritu ay laging sumusulong, at ang lahat ng nasa daloy ng Banal na Espiritu ay nararapat ding sumulong palalim at magbago baitang-baitang. Hindi sila dapat tumigil sa isang yugto. Tanging ang mga hindi nakakakilala sa gawain ng Banal na Espiritu ang hihinto sa Kanyang orihinal na gawain, at hindi tatanggapin ang bagong gawain ng Banal na Espiritu. Tanging ang mga mapaghimagsik ang hindi magagawang makamit ang gawain ng Banal na Espiritu. Kung ang pagsasagawa ng tao ay hindi sumasabay sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, ang pagsasagawa ng tao ay tiyak na nahihiwalay mula sa kasalukuyang gawain at tiyak na salungat sa kasalukuyang gawain. Ang gayong mga taong lipas na sa panahon ay talagang walang kakayahang isakatuparan ang kalooban ng Diyos, at lalo nang hindi sila maaaring maging mga tao na maninindigan sa kanilang patotoo sa Diyos sa huli. Ang buong gawain ng pamamahala, higit pa rito, ay hindi matatapos sa gitna ng ganoong grupo ng mga tao. Tungkol naman sa mga dating kumapit sa kautusan ni Jehova, at iyong mga minsang nagdusa dahil sa krus, kung hindi nila matatanggap ang yugto ng gawain ng mga huling araw, kung gayon ang lahat ng kanilang ginawa ay mawawalan ng saysay, at walang kabuluhan. Ang pinakamalinaw na pagpapamalas ng gawain ng Banal na Espiritu ay nasa pagyakap sa naririto ngayon, hindi pagkapit sa nakaraan. Iyong mga hindi na nakasabay sa gawain ngayon, at silang mga napahiwalay na mula sa pagsasagawa ngayon, ay iyong mga lumalaban at hindi tumatanggap sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong iyon ay kumokontra sa kasalukuyang gawain ng Diyos. Bagama’t kumakapit sila sa liwanag ng nakaraan, hindi maitatanggi na hindi nila kilala ang gawain ng Banal na Espiritu. Bakit paulit-ulit ang mga usapan tungkol sa mga pagbabago sa pagsasagawa ng tao, sa mga pagkakaiba sa pagsasagawa sa pagitan ng nakalipas at ngayon, kung paanong ang pagsasagawa ay isinakatuparan sa nakaraang kapanahunan, at kung paano ito isinasagawa ngayon? Ang ganoong paghahati-hati sa pagsasagawa ng tao ay laging tinatalakay dahil ang gawain ng Banal na Espiritu ay patuloy na sumusulong, at sa gayon, ang pagsasagawa ng tao ay kailangan ding patuloy na magbago. Kung ang tao ay nananatiling naiipit sa isang yugto, kung gayon ito ay nagpapatunay na wala siyang kakayahan sa pagsabay sa bagong gawain ng Diyos at bagong liwanag; hindi ito nagpapatunay na ang plano ng pamamahala ng Diyos ay hindi nagbago. Iyong mga nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu ay laging nag-iisip na sila ay tama, ngunit sa katunayan, ang gawain ng Diyos sa kanila ay matagal nang tumigil, at sila ay ganap na walang gawain ng Banal na Espiritu. Ang gawain ng Diyos ay matagal nang inilipat sa isa pang grupo ng mga tao, at nilalayon Niyang isakatuparan ang Kanyang bagong gawain sa mga taong ito. Dahil iyong mga nasa relihiyon ay walang kakayahang tanggapin ang bagong gawain ng Diyos, at kumakapit lamang sa lumang gawain ng nakaraan, kaya’t tinalikuran na Niya ang mga taong ito, at ginagawa ang Kanyang bagong gawain sa mga taong tumatanggap sa bagong gawaing ito. Ang mga ito ay mga tao na nakikipagtulungan sa bago Niyang gawain, at tanging sa paraang ito matutupad ang Kanyang pamamahala. Ang pamamahala ng Diyos ay palaging sumusulong, at ang pagsasagawa ng tao ay palaging umuunlad. Gumagawa lagi ang Diyos, at laging nangangailangan ang tao, hanggang sa kapwa nila nararating ang kanilang tugatog at ang Diyos at tao ay nagkakamit ng ganap na pagsasanib. Ito ang pagpapamalas ng pagsasakatuparan ng dakilang gawain ng Diyos, at ito ang pangwakas na kinalabasan ng buong pamamahala ng Diyos.
Sa bawat yugto ng gawain ng Diyos mayroon ding katumbas na mga hinihingi sa tao. Lahat ng nasa loob ng daloy ng Banal na Espiritu ay nagtataglay ng presensiya at disiplina ng Banal na Espiritu, at iyong mga wala sa loob ng daloy ng Banal na Espiritu ay nasa ilalim ng paghahari ni Satanas, at walang anumang gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga tao na nasa daloy ng Banal na Espiritu ay iyong mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos, at sila iyong mga nakikipagtulungan sa bagong gawain ng Diyos. Kung iyong mga nasa loob ng daloy na ito ay walang kakayahang makipagtulungan, at walang kakayahang isagawa ang katotohanan na hinihingi ng Diyos sa panahong ito, kung gayon sila ay didisiplinahin, at ang pinakamalala ay tatalikuran ng Banal na Espiritu. Dahil tinanggap nila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu, namumuhay sila sa loob ng daloy ng Banal na Espiritu, tumatanggap ng pangangalaga at proteksiyon ng Banal na Espiritu. Iyong mga handang isagawa ang katotohanan ay binibigyang-liwanag ng Banal na Espiritu, at iyong mga hindi handa na isagawa ang katotohanan ay dinidisiplina ng Banal na Espiritu, at maaari pang maparusahan. Hindi alintana kung anong uri ng tao sila, basta’t sila ay nasa loob ng daloy ng Banal na Espiritu, pananagutan ng Diyos ang lahat ng tumatanggap sa bagong gawain Niya para sa kapakanan ng Kanyang pangalan. Ang mga lumuluwalhati sa Kanyang pangalan at handang isagawa ang mga salita Niya ay makakatanggap ng Kanyang mga pagpapala; ang mga naghihimagsik laban sa Kanya at hindi nagsasagawa ng Kanyang mga salita ay makakatanggap ng Kanyang kaparusahan. Ang mga tao na nasa daloy ng Banal na Espiritu ay ang mga tumatanggap sa bagong gawain, at yamang natanggap na nila ang bagong gawain, sila ay nararapat na makipagtulungan sa Diyos nang naaayon, at hindi dapat kumilos na parang mga mapaghimagsik na hindi ginagampanan ang kanilang tungkulin. Ito ang tanging hinihingi ng Diyos sa tao. Hindi ganoon para sa mga taong hindi tumatanggap sa bagong gawain: Sila ay nasa labas ng daloy ng Banal na Espiritu, at ang disiplina at pagsaway ng Banal na Espiritu ay walang kinalaman sa kanila kahit kaunti. Buong araw, ang mga taong ito ay namumuhay sa loob ng laman, sila ay namumuhay sa loob ng kanilang isipan. Ang lahat ng ginagawa nila ay ayon sa mga doktrinang bunga ng kanilang sariling mental na pag-aanalisa at pananaliksik; hindi ito ang hinihingi ng bagong gawain ng Banal na Espiritu, at lalong hindi ito pakikipagtulungan sa Diyos. Iyong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at mas lalo pang salat sa mga pagpapala at proteksiyon ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay kumakapit sa mga hinihingi ng nakalipas na gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay mga doktrina, hindi mga katotohanan. Ang gayong mga doktrina at regulasyon ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang hinirang na mga tao, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nila nang magkakasama ay matatawag lamang na halo-halong relihiyon; hindi ito matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay may anyo ng relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay puno ng relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang-buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang pagkakilala sa paghihimagsik at paglaban ng tao, walang pagkakilala sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang pagkakilala sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang-uring tao, at sila ay mga tampalasan na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay lubhang nakasusuklam, nakakaawa rin, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa ng mga wala sa daloy ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina—lalong walang kaliwanagan—ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay itinaboy na ng Banal na Espiritu. Sila ay tinatawag na mga taong gumagawa ng masama dahil ginagawa nila kung ano ang kanilang nais, kumikilos batay sa kanilang laman at nagwawagayway ng bandila ng Diyos habang ginagawa ito, at dahil sila ay sadyang mapanlaban sa Diyos at kumikilos nang kontra sa Kanya habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain. Ang hindi pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay sukdulang mapanghimagsik sa ganang sarili, kaya’t hindi ba ang mga taong sadyang sumasalungat sa Diyos ay partikular na tatanggap ng nararapat na kaparusahan? Sa pagbanggit sa mga ginagawang kasamaan ng mga taong ito, ang ilang tao ay nangangating isumpa sila, samantalang hindi sila binibigyang-pansin ng Diyos. Para sa tao, lumalabas na ang kanilang mga pagkilos ay nauugnay sa ngalan ng Diyos, ngunit sa katunayan, sa Diyos, wala silang kaugnayan sa Kanyang pangalan o sa patotoo sa Kanya. Kahit na anong gawin ng mga taong ito, wala itong kaugnayan sa Diyos: Wala itong kaugnayan kapwa sa Kanyang pangalan at sa Kanyang kasalukuyang gawain. Hinihiya ng mga taong ito ang kanilang mga sarili, at ipinapamalas si Satanas; sila ay mga indibidwal na nag-iimbak ng masasamang gawa para sa araw ng galit. Ngayon, anuman ang kanilang mga kilos, basta’t hindi nila hinahadlangan ang pamamahala ng Diyos at walang kaugnayan sa bagong gawain ng Diyos, ang mga taong iyon ay hindi isasailalim sa nararapat na kaparusahan, dahil hindi pa dumarating ang araw ng galit. Maraming bagay ang pinaniniwalaan ng tao na dapat ay napakitunguhan na ng Diyos, at iniisip nila na ang mga taong gumagawa ng masama na iyon ay dapat sumailalim sa nararapat na kaparusahan sa lalong madaling panahon. Ngunit dahil ang gawain ng pamamahala ng Diyos ay hindi pa natapos, at ang araw ng galit ay hindi pa dumating, ang mga hindi-matuwid ay patuloy pa ring gumaganap ng kanilang hindi-matuwid na mga gawa. Ang ilan ay nagsasabi, “Iyong mga nasa relihiyon ay walang presensiya o gawain ng Banal na Espiritu, at sila ay nagdadala ng kahihiyan sa pangalan ng Diyos; kaya bakit hindi sila winawasak ng Diyos, sa halip na hinahayaan pa rin ang kanilang di-mapigilang pag-uugali?” Ang mga taong ito na nagpapamalas ng pagiging Satanas at silang nagpapahayag ng laman—sila ay mangmang, mababang-uri na mga tao; sila ay mga taong katawa-tawa. Hindi nila mamamasdan ang pagsapit ng galit ng Diyos bago nila maunawaan kung paano gumagawa ang Diyos ng Kanyang mga gawain sa gitna ng tao, at sa oras na sila ay lubos na nalupig na, ang mga taong gumagawa ng masama na iyon ay makatatanggap lahat ng kanilang nararapat na kaparusahan, at wala ni isa sa kanila ang makatatakas sa araw ng galit. Hindi ngayon ang panahon para sa kaparusahan ng tao, kundi ang panahon upang isakatuparan ang gawain ng panlulupig, maliban na lamang kung mayroong mga maninira sa pamamahala ng Diyos, kung saan sila ay isasailalim sa kaparusahan batay sa tindi ng kanilang mga kilos. Sa panahon ng pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan, ang lahat ng nasa daloy ng Banal na Espiritu ay may kaugnayan sa Diyos. Iyong mga itinataboy ng Banal na Espiritu ay namumuhay sa ilalim ng impluwensiya ni Satanas, at iyong kanilang isinasagawa ay walang kaugnayan sa Diyos. Iyon lamang mga tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos at nakikipagtulungan sa Diyos ang may kaugnayan sa Diyos, dahil ang gawain ng Diyos ay para lamang sa mga tumatanggap dito, at hindi ito ukol sa lahat ng tao, hindi alintana kung ito ay kanilang tinatanggap o hindi. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ay palaging may pakay at hindi ginagawa nang arbitraryo. Iyong mga nauugnay kay Satanas ay hindi karapat-dapat na magpatotoo sa Diyos, lalong hindi sila karapat-dapat na makipagtulungan sa Diyos.
Ang bawat yugto ng gawain ng Banal na Espiritu ay nangangailangan din ng patotoo ng tao. Ang bawat yugto ng gawain ay isang paglalaban sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, at ang puntirya ng labanan ay si Satanas, habang ang isa na gagawing perpekto ng gawaing ito ay ang tao. Kung mamumunga man ang gawain ng Diyos o hindi ay nakasalalay sa kung ano ang patotoo ng tao sa Diyos. Ang patotoong ito ay ang tanging hinihingi ng Diyos sa mga tagasunod Niya; ito ang patotoo na ginawa sa harapan ni Satanas, at patunay rin ng mga naibubunga ng gawain Niya. Ang buong pamamahala ng Diyos ay nahahati sa tatlong yugto, at sa bawat yugto, ang mga angkop na hinihingi ay itinatakda sa tao. Higit pa rito, habang lumilipas at umuusad ang mga kapanahunan, ang mga hinihingi ng Diyos sa buong sangkatauhan ay nagiging lalong mas mataas. Kaya, unti-unting naaabot ng gawain ng pamamahala ng Diyos ang rurok nito, hanggang sa makita ng tao ang katunayan ng “pagpapakita ng Salita sa katawang-tao,” at sa paraang ito ang mga hinihingi sa tao ay mas tumataas pa, gayundin ang patotoong hiningi sa tao na ibigay. Habang mas nakakaya ng tao na tunay na makipagtulungan sa Diyos, mas nakakapagkamit ng kaluwalhatian ang Diyos. Ang pakikipagtulungan ng tao ay ang patotoo na hinihingi sa kanya na ibigay, at ang patotoong ibinibigay niya ay ang pagsasagawa ng tao. Samakatwid, magkakaroon man ng nararapat na bunga ang gawain ng Diyos o hindi, at kung magkakaroon man ng tunay na patotoo o hindi, ay sukdulang kaugnay ng pakikipagtulungan at patotoo ng tao. Kapag natapos ang gawain, na ang ibig sabihin, kapag narating na ang katapusan ng buong pamamahala ng Diyos, hihingin sa tao na magbigay ng mas mataas na patotoo, at kapag ang gawain ng Diyos ay nakakarating na sa katapusan nito, ang pagsasagawa at pagpasok ng tao ay makakarating sa rurok ng mga ito. Sa nakalipas, hiningi sa tao na sumunod sa batas at mga kautusan, at hinihingi na siya ay maging matiisin at mapagpakumbaba. Ngayon, hinihingi sa tao na magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos at magtaglay ng napakadakilang pagmamahal sa Diyos, at sa kahuli-hulihan ay hinihingi sa kanya na mahalin pa rin ang Diyos sa gitna ng kapighatian. Ang tatlong yugto ay mga hinihingi ng Diyos sa tao, nang hakbang-hakbang, sa kabuuan ng Kanyang pamamahala. Ang bawat yugto ng gawain ng Diyos ay mas malalim kaysa sa nauna, at sa bawat yugto, mas mataas ang mga hinihingi sa tao kaysa sa nauna, at sa paraang ito, ang buong pamamahala ng Diyos ay unti-unting nabubuo. Talagang dahil sa ang mga hinihingi sa tao ay lalo pang mas mataas kung kaya ang disposisyon ng tao ay mas lalong lumalapit sa mga pamantayang hinihingi ng Diyos, at saka pa lamang unti-unting makaaalis ang buong sangkatauhan sa impluwensiya ni Satanas hanggang sa, kapag ganap nang natapos ang gawain ng Diyos, ang buong sangkatauhan ay mailigtas na mula sa impluwensiya ni Satanas. Kapag dumating ang oras na iyon, ang gawain ng Diyos ay makakarating sa katapusan nito, at ang pakikipagtulungan ng tao sa Diyos nang sa gayon ay magkamit ng mga pagbabago sa kanyang disposisyon ay wala na rin, at ang buong sangkatauhan ay mamumuhay sa liwanag ng Diyos, at mula roon, mawawala na ang paghihimagsik o paglaban sa Diyos. Wala na ring mga hihingin ang Diyos sa tao, at magkakaroon ng mas maayos na pakikipagtulungan sa pagitan ng tao at ng Diyos, isang buhay kung saan magkasama ang tao at ang Diyos, ang buhay pagkaraang ganap nang matapos ang pamamahala ng Diyos, at matapos na lubos na nailigtas na ng Diyos ang tao mula sa mga kamay ni Satanas. Iyong mga hindi makakasunod nang mahigpit sa mga yapak ng Diyos ay walang kakayahang marating ang buhay na iyon. Masasadlak na sila sa kadiliman, kung saan sila ay tatangis at magngangalit ang kanilang mga ngipin; sila ay mga taong naniniwala sa Diyos ngunit hindi sumusunod sa Kanya, na naniniwala sa Diyos ngunit hindi nagpapasakop sa lahat ng Kanyang gawain. Yamang nananampalataya ang tao sa Diyos, dapat niyang mahigpit na sundan ang bawat yapak ng Diyos; dapat siyang “sumunod sa Kordero saan man pumaroon ang Kordero.” Tanging ang mga tao na gumagawa nito ang talagang naghahanap sa tunay na daan, ang mga nakakaalam sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang mga taong matigas na kumakapit sa mga salita at mga doktrina ay iyong mga itiniwalag na ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa bawat panahon, ang Diyos ay magsisimula ng bagong gawain, at sa bawat panahon, magkakaroon ng bagong simula sa gitna ng tao. Kung ang tao ay sumusunod lamang sa mga katotohanan na “si Jehova ang Diyos” at “si Jesus ang Cristo,” na mga katotohanan na bawat isa ay aplikable lamang sa iisang kapanahunan, sa gayon ang tao ay hindi kailanman makakasabay sa gawain ng Banal na Espiritu, at magpakailanmang walang kakayahang magkamit ng gawain ng Banal na Espiritu. Hindi alintana kung paano gumagawa ang Diyos, kung ang tao ay sumusunod nang wala ni katiting na pag-aalinlangan, at sumusunod nang mahigpit, kung gayon, paano maititiwalag ng Banal na Espiritu ang tao? Hindi alintana kung ano ang ginagawa ng Diyos, hangga’t ang tao ay nakatitiyak na ito ang gawain ng Banal na Espiritu at nakikipagtulungan sa gawain ng Banal na Espiritu nang walang anumang pag-aalinlangan, at sinusubukang tugunan ang mga hinihingi ng Diyos, kung gayon, paano siya maparurusahan? Hindi humihinto kailanman ang gawain ng Diyos, hindi kailanman tumitigil ang Kanyang mga yapak, at bago pa man matapos ang Kanyang gawain ng pamamahala, Siya ay palaging abala, at hindi kailanman tumitigil. Ngunit iba ang tao: Pagkatapos magkamit lamang ng kaunting gawain ng Banal na Espiritu, itinuturing niya ito na parang hindi kailanman magbabago; pagkatapos magkamit lamang ng kaunting pagkakilala, hindi na siya nagpapatuloy sa “pagsubaybay” sa mas bagong gawain ng Diyos; pagkatapos makakita lamang ng maliit na bahagi ng gawain ng Diyos, agad niyang nililimitahan ang Diyos sa pagiging isang partikular na rebultong kahoy, at naniniwala siya na palaging pananatilihin ng Diyos ang imaheng ito na nakikita niya, na ganito rin sa nakalipas at laging magiging ganoon sa hinaharap; pagkatapos magkamit lamang ng kaunting mababaw na pagkakilala, napakayabang ng tao kaya’t nakakalimutan niya ang kanyang sarili at nagsisimulang walang pakundangang iproklama ang isang disposisyon at ang pagiging Diyos ng Diyos na hindi talaga umiiral; at kung natitiyak ang tungkol sa isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, kahit anong uri ng tao ang nagpoproklama ng bagong gawain ng Diyos, hindi ito tinatanggap ng tao. Ang mga taong gaya nito ay hindi kayang tumanggap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu; masyado silang makaluma, at hindi kayang tumanggap ng mga bagong bagay. Ang gayong mga tao ay nananampalataya sa Diyos ngunit tinatanggihan din ang Diyos. Naniniwala ang tao na mali ang mga Israelita na “manampalataya lamang kay Jehova at hindi kay Jesus,” ngunit karamihan ng mga tao ay gumaganap ng papel kung saan sila ay “nananampalataya lamang kay Jehova at tinatanggihan si Jesus” at “nananabik para sa pagbabalik ng Mesiyas, ngunit tinututulan ang Mesiyas na tinatawag na Jesus.” Hindi na nakapagtataka, kung gayon, na ang mga tao ay namumuhay pa rin sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas matapos tanggapin ang isang yugto ng gawain ng Banal na Espiritu, at hindi pa rin tumatanggap sa mga pagpapala ng Diyos. Hindi ba’t ito ang bunga ng pagiging mapaghimagsik ng tao? Ang mga tao sa Kristiyanismo sa buong mundo na hindi nakakasabay sa bagong gawain ng kasalukuyan ay nangungunyapit lahat sa pag-asa na magiging mapalad sila, ipinagpapalagay na tutuparin ng Diyos ang kani-kanilang mga kahilingan. Subalit hindi nila masasabi nang may lubos na katiyakan kung bakit dadalhin sila paitaas ng Diyos sa ikatlong langit, o kung paano sila kukunin ni Jesus nang nakasakay sa puting ulap, lalong hindi sila lubos na nakatitiyak kung si Jesus ay totoong darating sakay ng puting ulap sa araw na kanilang inilalarawan sa isip. Lahat sila ay nababahala, at hindi alam ang gagawin; hindi rin nila alam sa sarili nila mismo kung bawat isa sa kanila ay dadalhin paitaas ng Diyos, ang iba’t ibang maliliit na bilang ng tao mula sa iba’t ibang denominasyon. Ang gawaing ginagawa ng Diyos ngayon, ang kasalukuyang kapanahunan, ang mga layunin ng Diyos—wala silang pagkaarok sa anuman sa mga bagay na ito, at wala silang ginagawa kundi ang magbilang ng mga araw sa kanilang mga daliri. Tanging ang mga sumusunod lamang sa mga yapak ng Kordero hanggang sa pinakahuli ang magkakamit ng pangwakas na pagpapala, samantalang ang “matatalas na tao,” na hindi nakakasunod hanggang sa katapus-katapusan ngunit naniniwala na nakamtan na nila ang lahat, ay walang kakayahang masaksihan ang pagpapakita ng Diyos. Bawat isa sa kanila ay naniniwala na siya ang pinakamatalinong tao sa lupa, at pinuputol nila, nang walang anumang dahilan, ang patuloy na pag-unlad ng gawain ng Diyos, at sila ay tila naniniwala nang may lubos na katiyakan na dadalhin sila paitaas ng Diyos sa langit, silang “mayroong buong katapatan sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at tumatalima sa mga salita ng Diyos.” Kahit na sila ay mayroong “buong katapatan” sa mga salitang sinabi ng Diyos, ang kanilang mga salita at kilos ay nakasusuklam pa rin dahil kanilang nilalabanan ang gawain ng Banal na Espiritu, at gumagawa ng panlilinlang at kasamaan. Iyong mga hindi kayang sumunod hanggang sa pinakahuli, at hindi makasasabay sa gawain ng Banal na Espiritu at kumakapit lamang sa lumang gawain, ay hindi lamang nabigo sa pagkamit ng katapatan sa Diyos, ngunit sa kabaligtaran, naging iyong mga sumasalungat sa Diyos, iyong mga tinatanggihan ng bagong kapanahunan, at iyong mga mapaparusahan. Mayroon pa bang mas nakakaawa kaysa kanila? Marami pa nga ang naniniwala na ang lahat ng tumatanggi sa lumang kautusan at tumatanggap sa bagong gawain ay walang konsensiya. Ang mga taong ito, na ang pinagtutuunan lang ay “konsensiya,” pero hindi alam ang gawain ng Banal na Espiritu, sa kahuli-hulihan ay masisira ang kanilang kinabukasan ng kanila mismong mga konsensiya. Maging ang Diyos ay hindi sumusunod sa mga regulasyon sa Kanyang gawain, at bagama’t ito nga ay Kanyang sariling gawain, hindi pa rin kumakapit ang Diyos dito. Iyong dapat tanggihan ay tinatanggihan, kung ano iyong dapat itiwalag ay itinitiwalag. Ngunit pinanghahawakan pa rin ng tao ang iisang maliit na bahagi ng gawain ng pamamahala ng Diyos upang salungatin Siya. Hindi ba’t baligho ang tao? Hindi ba’t ito ang kamangmangan ng tao? Mas mahina ang loob at sobrang maingat ang mga tao dahil sila ay takot na hindi magkamit ng mga pagpapala, mas wala silang kakayahang magkamit ng mas maraming pagpapala, at hindi nila kayang tumanggap ng pangwakas na pagpapala. Iyong mga taong matigas na kumakapit sa kautusan ay pawang nagpapakita ng buong katapatan sa kautusan, at kapag mas ipinakikita nila ang kanilang gayong katapatan sa kautusan, mas mapaghimagsik sila na lumalaban sa Diyos. Dahil ngayon ay ang Kapanahunan ng Kaharian at hindi ang Kapanahunan ng Kautusan, at ang gawain sa ngayon at ang gawain ng nakalipas ay hindi maipagkukumpara, ni maikukumpara ang gawain ng nakaraan sa gawain sa ngayon. Ang gawain ng Diyos ay nagbago na, at ang pagsasagawa ng tao ay nagbago na rin; ito ay hindi ang kumapit sa kautusan o magpasan ng krus. Samakatwid, ang katapatan ng mga tao sa kautusan at sa krus ay hindi magkakamit ng pagsang-ayon ng Diyos.
Ang tao ay lubusang gagawing ganap sa Kapanahunan ng Kaharian. Pagkatapos ng gawain ng panlulupig, ang tao ay isasailalim sa pagpipino at kapighatian. Iyong mga makakapagtagumpay at makakapanindigan sa kanilang patotoo nitong panahon ng kapighatian ay iyong mga gagawing ganap sa kahuli-hulihan; sila ang mga mananagumpay. Sa panahon nitong kapighatian, hinihingi sa tao na tanggapin ang pagpipinong ito, at ang pagpipinong ito ang huling pagkakataon ng gawain ng Diyos. Ito ang huling pagkakataon na pipinuhin ang tao bago ang pagtatapos ng lahat ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay kailangang tanggapin ang huling pagsubok na ito, at kailangan nilang tanggapin itong huling pagpipino. Iyong mga nasa gitna ng kapighatian ay walang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos, ngunit iyong mga tunay na nalupig na at tunay na naghahangad sa Diyos ay makakatayo nang matatag sa kahuli-hulihan; sila iyong mga nagtataglay ng pagkatao, at mga sinserong nagmamahal sa Diyos. Kahit na ano ang gawin ng Diyos, ang mga matagumpay na ito ay hindi mawawalan ng mga pangitain at magsasagawa pa rin sa katotohanan nang hindi nawawalan ng kanilang patotoo. Sila iyong mga lalabas mula sa malaking kapighatian sa wakas. Kahit na ang mga nagraraos lang para sa pakinabang ay maaari pa ring maging palamunin ngayon, walang makatatakas sa pangwakas na kapighatian, at walang makatatakas mula sa pangwakas na pagsubok. Para sa mga nagtatagumpay, ang ganoong kapighatian ay isang matinding pagpipino; ngunit para sa mga nagraraos lang para sa pakinabang, ito ang gawain ng lubos na pagtitiwalag. Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga tao, na nasa puso ang Diyos, ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang mga puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang anumang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang gayong mga mababang-uri na tao ay “palalayasin” lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila papakitaan ng awa kahit kaunti. Iyong mga walang pagkatao ay talagang hindi nagtataglay ng tunay na pagmamahal para sa Diyos. Kapag ang paligid ay komportable, o may bagay silang makakamit, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang mga pagnanais ay napinsala o nawasak sa huli, agad silang tumitindig para maghimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, mula sa isang nakangiting, “mabuti ang loob” na tao, sila ay nagiging mukhang mabangis na berdugo, di-inaasahan na itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagbigay ng tulong kahapon, nang walang katwiran o kadahilanan. Kung ang masasamang demonyong ito na pumapatay nang hindi kumukurap ay hindi pinapalayas, hindi ba’t sila ay magiging isang malubhang nakatagong panganib? Hindi ito ang kaso na sa sandaling ang gawain ng paglupig ay matapos na, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay nagiging ganap na tapos. Kahit natapos na ang gawain ng paglupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; tanging kapag ang tao ay lubusan nang dalisay, sa sandaling iyong mga sinserong nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling iyong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay napaalis na, saka matatapos ang gawain. Iyong mga walang kakayahang palugurin ang Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang ititiwalag, at iyong mga itinitiwalag ay ang kauri ng mga diyablo. Ang mga walang kakayahang palugurin ang Diyos ay mapaghimagsik laban sa Diyos. Kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas. Sa mga salitang “iyong mga sumusunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tatanggap ng kaligtasan,” ang kahulugan ng “sumunod” ay tumayo nang matatag sa gitna ng kapighatian. Ngayon, marami ang naniniwala na napakadaling sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Ang katunayan na kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos kang lupigin ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Iyong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, at hindi nila makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli. Ang mga sinserong sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok sa kanilang gawain, samantalang iyong mga hindi sinserong sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Sa malao’t madali, sila ay mapapalayas, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay sinsero bang naghahanap sa Diyos o hindi ay maaari lamang na matukoy sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa mismong itinatakda ng tao. Hindi itinatakwil ng Diyos ang sinumang tao nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakakumbinsi sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makakakumbinsi sa tao. Kung ang pananampalataya ba ng tao ay tunay o hindi, ay napapatunayan ng mga katunayan at hindi maitatakda ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magagawang mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magagawang trigo.” Ang lahat ng sinserong nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang masama ng Diyos ang sinumang sinserong nagmamahal sa Kanya. Batay sa iba’t iba nilang mga tungkulin at mga patotoo, ang mga mananagumpay sa kaharian ay magsisilbing mga pari o tagasunod, at lahat ng matagumpay sa gitna ng kapighatian ay magiging kalipunan ng mga pari sa loob ng kaharian. Ang kalipunan ng mga pari ay mabubuo kapag ang gawain ng ebanghelyo sa buong sansinukob ay natapos na. Kapag dumating ang panahong iyon, ang kailangang gawin ng tao ay ang paggampan sa kanyang tungkulin sa kaharian ng Diyos, at ang paninirahan niyang kasama ang Diyos sa loob ng kaharian. Sa kalipunan ng mga pari mayroong magiging mga punong pari at mga pari, at ang natitira ay magiging mga anak at mga tao ng Diyos. Sila ay pagbubukod-bukurin batay sa kanilang mga patotoo sa Diyos sa panahon ng kapighatian; ang mga ito ay hindi mga titulo na basta lamang na ibinibigay. Sa sandaling ang katayuan ng tao ay natukoy na, ang gawain ng Diyos ay titigil, dahil ang bawat tao ay ibubukod-bukod ayon sa kanilang uri at ibinabalik sa kanilang orihinal na posisyon, at ito ang tanda ng katuparan ng dakilang gawain ng Diyos, ito ang pangwakas na kinalabasan ng gawain ng Diyos at ng pagsasagawa ng tao, at ito ang kristalisasyon ng mga pangitain ng gawain ng Diyos at ng pakikipagtulungan ng tao. Sa huli, ang tao ay papasok sa kaharian ng Diyos at doon ay makakasumpong ng kapahingahan, at ang Diyos din ay babalik sa Kanyang tahanan upang mamahinga. Ito ang magiging pangwakas na kinalabasan ng 6,000 taong pakikipagtulungan sa pagitan ng Diyos at ng tao.