3. Sa relihiyosong mundo, ang mga pastor at elder ang may hawak ng kapangyarihan. Lumalakad sila sa landas ng mga mapagpaimbabaw na Fariseo, at bagaman sinusundan namin sila at ginagawa ang sinasabi nila, naniniwala kami sa Panginoong Jesus, hindi sa mga pastor at elder. Paano mo masasabi na lumalakad din kami sa landas ng mga Fariseo? Sinasabi mo bang ang mga naniniwala sa Diyos sa relihiyon ay hindi talaga maliligtas?
Mga Talata ng Biblia para Sanggunian:
“Sila’y mga bulag na taga-akay. At kung ang bulag ay umakay sa bulag, ay kapwa sila mangahuhulog sa hukay” (Mateo 15:14).
“Sapagkat silang mga namumuno ng mga taong ito ay siyang nangliligaw; at silang pinapatnubayan ay napapahamak” (Isaias 9:16).
“Ang Aking bayan ay nasira dahil sa kakulangan ng kaalaman” (Hosea 4:6).
Nauugnay na mga Salita ng Diyos:
Nais ba ninyong malaman ang pinag-ugatan ng paglaban ng mga Pariseo kay Jesus? Nais ba ninyong malaman ang diwa ng mga Pariseo? Puno sila ng mga pantasya tungkol sa Mesiyas. Bukod pa riyan, naniwala lamang sila na darating ang Mesiyas, subalit hindi nila hinangad ang buhay katotohanan. Kaya nga, kahit ngayon ay hinihintay pa rin nila ang Mesiyas, sapagkat wala silang kaalaman tungkol sa daan ng buhay, at hindi nila alam kung ano ang daan ng katotohanan. Sa palagay ninyo, matatamo ba ng gayon kahangal, katigas ang ulo at kamangmang na mga tao ang pagpapala ng Diyos? Magagawa ba nilang mamasdan ang Mesiyas? Kinalaban nila si Jesus dahil hindi nila alam ang direksyon ng gawain ng Banal na Espiritu, dahil hindi nila alam ang daan ng katotohanang sinabi ni Jesus, at, higit pa riyan, dahil hindi nila naunawaan ang Mesiyas. At yamang hindi pa nila kailanman nakita ang Mesiyas at hindi rin Siya nakasalamuha, nagawa nila ang pagkakamali na kumapit lamang sa pangalan ng Mesiyas habang kinakalaban ang diwa ng Mesiyas sa lahat ng posibleng paraan. Ang mga Pariseong ito, sa kanilang diwa, ay mga sutil, mapagmataas, at hindi sumunod sa katotohanan. Ang prinsipyo ng kanilang pananampalataya sa Diyos ay: Gaano man kalalim ang pangangaral mo, gaano man kataas ang iyong awtoridad, hindi ikaw si Cristo maliban kung ikaw ang tinatawag na Mesiyas. Hindi ba katawa-tawa at kakatwa ang paniniwalang ito? Tinatanong Ko pa kayo: Hindi ba napakadali para sa inyo ang gawin ang mga pagkakamali ng mga Pariseo ng panahon na iyon, yamang wala kayo ni katiting na pagkaunawa kay Jesus? Kaya mo bang makilatis ang daan ng katotohanan? Talaga bang magagarantiyahan mo na hindi mo lalabanan si Cristo? Magagawa mo bang sundan ang gawain ng Banal na Espiritu? Kung hindi mo alam kung lalabanan mo si Cristo, sinasabi Ko na nabubuhay ka na sa bingit ng kamatayan. Yaong mga hindi nakakilala sa Mesiyas ay pawang may kakayahang gumawa ng mga kilos ng paglaban kay Jesus, pagtanggi kay Jesus, at paninira kay Jesus. Lahat ng taong hindi nakakaunawa kay Jesus ay kaya Siyang tanggihan at laitin. Higit pa riyan, kaya nilang ituring na panlilihis ni Satanas ang pagbabalik ni Jesus, at karamihan ng mga taong ito ang kokondena kay Jesus na nagbalik sa katawang-tao. Hindi ba kayo natatakot sa lahat ng ito? Ang kinakaharap ninyo ay magiging kalapastanganan sa Banal na Espiritu, pagpunit sa mga salita ng Banal na Espiritu sa mga iglesia, at pagtaboy sa lahat ng salitang ipinahayag ni Jesus. Ano ang makakamit ninyo kay Jesus kung gulong-gulo ang inyong pag-iisip? Paano ninyo mauunawaan ang gawaing ginagawa ni Jesus sa Kanyang pagbabalik sa katawang-tao sakay ng puting ulap, kung nagmamatigas kayong huwag mamulat? Sinasabi Ko ito sa inyo: Ang mga taong hindi tumatanggap sa katotohanan, subalit pikit-matang naghihintay sa pagdating ni Jesus sakay ng mga puting ulap, ay tiyak na ang mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu, at tiyak na sila ang kategoryang wawasakin.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag Namasdan Mo Na ang Espirituwal na Katawan ni Jesus, Napanibago Na ng Diyos ang Langit at Lupa
Masdan mo ang mga lider ng bawat denominasyon—lahat sila ay mapagmataas at nag-aakalang mas matuwid sila kaysa sa iba, at ang kanilang mga interpretasyon sa Bibliya ay hindi batay sa konteksto at ginagabayan ng kanilang sariling mga kuru-kuro at imahinasyon. Lahat sila ay umaasa sa mga kaloob at kaalaman sa paggawa ng kanilang gawain. Kung sila ay wala talagang kakayahang mangaral, susunod ba sa kanila ang mga tao? Sila, kunsabagay, ay nagtataglay ng kaunting kaalaman at kaya nilang mangaral ng ilang doktrina, o alam nila kung paano kunin ang loob ng iba at kung paano gumamit ng ilang panlalansi. Kaya nililinlang nila ang mga tao at dinadala nila ang mga tao sa harapan nila. Sa pangalan, ang mga taong iyon ay nananampalataya sa Diyos, ngunit sa realidad, sumusunod sila sa mga lider na ito. Kung nakakatagpo sila ng isang taong nangangaral ng tunay na daan, ang ilan sa kanila ay nagsasabing, “Kailangan kong konsultahin ang aking lider tungkol sa mga usapin ng pananalig.” Tingnan kung paanong kailangan pa ng mga tao ang pagpayag at pagsang-ayon ng iba pagdating sa pananampalataya sa Diyos at pagtanggap sa tunay na daan—hindi ba’t nakakaabala ito? Nagiging ano na kung gayon ang mga lider na iyon? Hindi ba’t sila ay naging mga Pariseo, huwad na mga pastol, at mga anticristo? Hindi ba’t sila ay naging mga katitisuran sa pagtanggap ng mga tao sa tunay na daan? Ang gayong mga tao ay kapareho ng uri ni Pablo. … Noon, hindi mahigpit ang Diyos sa mga tao, tunay man o hindi ang kanilang pananampalataya sa Kanya, sumunod man sila sa iba, o hindi man nila hinangad ang katotohanan, dahil pauna na Niyang inorden na, sa huling yugto, ang lahat ng paunang itinadhana at hinirang Niya ay kailangang humarap sa Kanya at tumanggap ng Kanyang paghatol. Kung, pagkatapos tanggapin ang gawain ng Diyos sa mga huling araw, ang mga tao ay patuloy pa ring sasamba at susunod sa iba, kung hindi nila hahangarin ang katotohanan at sa halip ay hahangarin ang mga pagpapala at korona, kung gayon ito ay hindi mapapatawad. Ang mga gayong tao ay pareho ng kay Pablo ang magiging katapusan.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi
Hindi nagmamahal sa katotohanan ang ilang tao, lalong hindi sa paghatol. Sa halip, nagmamahal sila sa kapangyarihan at mga kayamanan; ang mga taong ganoon ay tinatawag na mga mapaghanap ng kapangyarihan. Hinahanap lamang nila ang mga denominasyon sa mundo na may kapangyarihan, at hinahanap lamang nila ang mga pastor at mga gurong galing sa mga seminaryo. Bagaman tinanggap na nila ang daan ng katotohanan, hindi sila lubos na nananampalataya, at wala silang kakayahang ilaan ang buong katawan at isip nila; ang mga bibig nila ay bumibigkas ng mga salita ng paggugol ng sarili nila para sa Diyos, ngunit ang kanilang mga mata ay nakatuon sa mga dakilang pastor at guro, at hindi man lang sinusulyapan si Cristo. Ang isipan nila ay puno ng mga kaisipan ng kasikatan, pakinabang, at karangalan. Hindi sila naniniwalang ang isang ganoong kaliit na tao ay may kakayahang lupigin ang napakarami, na ang isang taong hindi kapansin-pansin ay kayang gawing perpekto ang tao. Iniisip nilang imposibleng ang mga hamak na ito na nasa gitna ng alikabok at mga tambak ng dumi ay ang mga taong hinirang ng Diyos. Naniniwala silang kung ang gayong mga tao ang mga pakay ng pagliligtas ng Diyos, ang langit at lupa ay mababaliktad, at ang lahat ng tao ay sasakit ang tiyan sa kakatawa. Naniniwala silang kung pinili ng Diyos ang gayong mga tao upang gawing perpekto, kung gayon ang mga dakilang pigurang iyon ay magiging Diyos Mismo. Ang mga pananaw nila ay may bahid ng di-paniniwala; higit pa sa hindi paniniwala, sila ay mga walang katwirang hayop lamang. Sapagkat pinahahalagahan lamang nila ang katayuan, prestihiyo, at kapangyarihan, at pinahahalagahan nila ang malalaking grupo at denominasyon, at hinahamak nila ang mga pinamumunuan ni Cristo. Sila ay sadyang mga nagkakanulo na tumalikod kay Cristo, sa katotohanan, at sa buhay.
Hindi mo hinahangaan ang pagpapakumbaba ni Cristo, pero pinagpipitagan mo ang mga huwad na pastol na iyon na may prominenteng katayuan. Hindi mo minamahal ang pagiging kaibig-ibig o ang karunungan ni Cristo, pero kinagigiliwan mo iyong mahahalay na nakikisabay sa karumihan ng mundo. Tinutuya mo lang ang pasakit ni Cristo dahil wala Siyang lugar na mapagpahingahan ng Kanyang ulo, ngunit hinahangaan mo ang mga bangkay na nagnanakaw ng mga handog at namumuhay sa kahalayan. Hindi ka handang magdusa kasama ni Cristo, ngunit kusang-loob mong inihahagis ang sarili mo sa mga bisig ng mga walang habas at sutil na anticristo, kahit na tinutustusan ka lamang nila ng laman, mga salita, at kontrol. Kahit ngayon, bumabaling pa rin sa kanila ang puso mo, tungo sa kanilang reputasyon, sa kanilang katayuan, sa kanilang mga puwersa. Gayumpaman, patuloy mong tinataglay ang saloobin na nahihirapan kang tanggapin ang gawain ni Cristo at ayaw mo itong tanggapin. Ito ang tanging dahilan kung bakit sinasabi Kong wala kang pananalig na kilalanin si Cristo. Ang dahilan kung bakit ka sumusunod sa Kanya hanggang ngayon ay dahil lamang wala kang ibang pagpipilian. Nagtataasan sa puso mo magpakailanman ang isang serye ng matatayog na imahe; hindi mo makakalimutan ang kanilang bawat salita at gawa, ni ang kanilang maimpluwensiyang mga salita at kamay. Sa puso ninyo, sila ay kataas-taasan at mga bayani magpakailanman. Ngunit hindi ganito para sa Cristo ng kasalukuyan. Sa puso mo, hindi Siya mahalaga magpakailanman, isa Siyang tao magpakailanman na hindi karapat-dapat na katakutan. Sapagkat napakakaraniwan Niya, may lubhang napakaliit na impluwensiya, at malayo sa pagiging matayog.
Ano’t anuman, sinasabi Ko na ang lahat ng hindi nagpapahalaga sa katotohanan ay mga hindi mananampalataya at mga nagkakanulo sa katotohanan. Ang mga gayong tao ay hindi kailanman makatatanggap ng pagsang-ayon ni Cristo. Natanto mo na ba ngayon kung gaano kalaki ang hindi paniniwalang nasa kalooban mo, at kung gaano ang pagkakanulo mo kay Cristo? Ikaw ay Aking hinihikayat nang ganito: Dahil pinili mo na ang daan ng katotohanan, dapat mong ilaan ang sarili mo nang buong puso; huwag kang mag-alinlangan o maging hindi buo ang loob. Dapat mong maunawaan na ang Diyos ay hindi Diyos ng mundo ni ng sinumang iisang tao, kundi Diyos ng lahat ng totoong nananampalataya sa Kanya, ng lahat ng sumasamba sa Kanya, at ng lahat ng mga deboto at tapat sa Kanya.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isa Ka ba Talagang Mananampalataya sa Diyos?
Ang maliliit na panlalansi ng mga walang pagkilatis ay hahantong sa kanilang pagkawasak sa mga kamay ng masasamang tao, sila ay aakitin palayo ng mga ito, at hindi na makakabalik. At gayong pagtrato ang nararapat sa kanila, dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil hindi nila kayang pumanig sa katotohanan, at dahil sumusunod sila sa masasamang tao, pumapanig sa masasamang tao, at nakikipagsabwatan sa masasamang tao para labanan ang Diyos. Alam na alam nila na ang ibinubunyag ng masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinalalakas nila ang kanilang loob at tinatalikuran ang katotohanan para sundan ang mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at karumal-dumal na mga bagay? Bagama’t mayroon sa kanila na kumikilos bilang mga “hari” at iba na sumusunod sa kanila, hindi ba’t pareho ang kalikasan nila ng paglaban sa Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi matuwid ang Diyos? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang lumilipol sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang paghihimagsik ang humahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maliligtas at gagawing perpekto dahil sa katotohanan. Iyong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maghahatid ng pagkawasak sa kanilang sarili dahil sa katotohanan. Ang mga ito ang mga kalalabasan na naghihintay sa mga nagsasagawa at hindi nagsasagawa ng katotohanan.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Ang pinakamabuting gawin ng mga taong nagsasabi na sumusunod sila sa Diyos ay imulat ang kanilang mga mata at tumingin nang husto upang makita kung sino talaga ang sinasampalatayanan nila: Ang Diyos ba talaga ang sinasampalatayanan mo, o si Satanas? Kung alam mo na hindi ang Diyos ang sinasampalatayanan mo, kundi ang sarili mong mga diyos-diyosan, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Kung talagang hindi mo alam kung sino ang iyong sinasampalatayanan, muli, ang pinakamabuting gawin ay huwag mong sabihin na isa kang mananampalataya. Ang pagsasabi niyon ay kalapastanganan! Walang sinumang pumipilit sa iyo na manampalataya sa Diyos. Huwag ninyong sabihing nananampalataya kayo sa Akin; sawa na Ako sa ganyang pananalita, at ayaw Ko nang marinig iyong muli, dahil ang sinasampalatayanan ninyo ay ang mga idolo sa inyong puso at ang lokal na mga maton sa inyo. Lahat ng umiiling kapag naririnig nila ang katotohanan, na ngumingisi kapag nakakarinig sila ng mga salita ng kamatayan, ay mga supling ni Satanas, at sila iyong ititiwalag. Marami sa iglesia ang hindi makakilatis. Kapag sinusubukang ilihis ng isang tao ang iba, sa kabaligtaran, pumapanig sila kay Satanas; pakiramdam pa nga nila ay labis silang naaagrabyado na tinatawag silang mga alipin ni Satanas. Bagama’t maaaring sabihin ng mga tao na hindi sila makakilatis, lagi silang nasa panig na walang katotohanan, hindi sila pumapanig sa katotohanan kailanman sa kritikal na panahon, hindi sila naninindigan at nagtatanggol kailanman para sa katotohanan. Wala ba talaga silang pagkilatis? Sa kabaligtaran, bakit sila pumapanig kay Satanas? Bakit hindi sila nagsasabi kailanman ng isang salitang makatarungan at makatwiran alang-alang sa katotohanan? Talaga bang nangyari ang sitwasyong ito dahil sa panandalian nilang kalituhan? Kapag mas kaunting pagkilatis ang mayroon ang mga tao, mas hindi nila nagagawang pumanig sa katotohanan. Ano ang ipinapakita nito? Hindi ba nito ipinapakita na gustong-gusto ng mga taong walang pagkilatis ang kasalanan? Hindi ba nito ipinapakita na sila ay ang mga tapat na supling ni Satanas? Bakit ba palagi nilang nagagawang pumanig kay Satanas at magsalita sa parehong wika nito? Bawat salita at gawa nila, ang mga ekspresyon sa kanilang mga mukha, ay sapat na lahat upang patunayan na hindi sila mga taong nagmamahal sa katotohanan; sa halip, sila ay mga taong namumuhi sa katotohanan. Sapat nang kaya nilang pumanig kay Satanas upang patunayan na talagang mahal ni Satanas ang maliliit na diyablong ito na ginugugol ang kanilang buhay sa pakikipaglaban para sa kapakanan ni Satanas. Hindi ba napakalinaw ng lahat ng katunayang ito? Kung talagang isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, bakit wala kang pagpapahalaga sa mga nagsasagawa ng katotohanan, at bakit ka sumusunod kaagad sa mga hindi nagsasagawa ng katotohanan sa pinakatiting na tingin mula sa kanila? Anong klaseng problema ito? Wala Akong pakialam kung may pagkilatis ka o wala. Wala Akong pakialam kung gaano kalaki ang halagang ibinayad mo. Wala Akong pakialam kung gaano kalakas ang mga puwersa mo, at wala Akong pakialam kung isa kang lokal na maton o isang lider na tagadala ng bandila. Kung malakas ang mga puwersa mo, dahil lamang iyon sa tulong ng lakas ni Satanas. Kung mataas ang iyong prestihiyo, dahil lamang iyon sa napakarami sa paligid mo ang hindi nagsasagawa ng katotohanan. Kung hindi ka pa napapatalsik, dahil iyon sa hindi pa panahon para sa gawain ng pagpapatalsik; sa halip, ito ang panahon para sa gawain ng pagtitiwalag. Hindi kailangang magmadaling patalsikin ka ngayon. Naghihintay lamang Ako sa pagdating ng araw na iyon na parurusahan kita kapag naitiwalag ka na. Sinumang hindi nagsasagawa ng katotohanan ay ititiwalag!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan
Kung ang mga mananampalataya sa Diyos, gaano man sila karami, ay may pananampalataya na inilarawan ng Diyos bilang isang relihiyosong grupo, ang mga taong ito ay hindi ang mga pakay ng gawain at pagliligtas ng Diyos. Naitakda na ito ng Diyos, at hindi maililigtas ang mga taong ito. Bakit Ko ito sinasabi? Ang isang pangkat na walang gawain o patnubay ng Diyos na hindi nagpapasakop sa Kanya o sumasamba sa Kanya kahit kaunti ay nananampalataya sa Diyos sa pangalan, pero ang mga pastor at elder ng relihiyon ang sinusunod at tinatalima nila, at ang mga pastor at elder ng relihiyon ay kay Satanas at mapagpaimbabaw sa kanilang diwa. Samakatwid, ang sinusunod at tinatalima ng mga taong iyon ay ang mga Satanas at mga diyablo. Sinasabi nilang nananampalataya sila sa Diyos, ngunit sa katunayan, minamanipula sila ng tao, napapailalim sa mga pagmamanipula at kontrol ng tao. Kaya, sa esensya, ang sinusunod at tinatalima nila ay si Satanas, at ang mga diyablo, at ang mga puwersa ng kasamaan na lumalaban sa Diyos, at ang mga kaaway ng Diyos. Ililigtas ba ng Diyos ang isang pangkat ng mga taong tulad nito? (Hindi.) Bakit hindi? Buweno, ang gayong mga tao ba ay may kakayahang magsisi? Hindi sila magsisisi. Sila ay nakikilahok sa mga pagpapatakbo ng tao at mga proyekto ng tao sa ilalim ng bandila ng pananalig sa Diyos, na sumasalungat sa plano ng pamamahala ng Diyos para sa pagliligtas ng tao, at ang huling kalalabasan ay itataboy sila ng Diyos. Imposibleng ililigtas ng Diyos ang mga taong ito, at wala silang kakayahang magsisi; nabihag sila ni Satanas, at ibinibigay sila ng Diyos kay Satanas. Ang pananalig ba ng isang tao sa Diyos ay maaaring magkamit ng Kanyang pagsang-ayon depende sa kahabaan ng taon nito? Nakadepende ba ito sa uri ng mga ritwal na sinusunod ng isang tao o sa mga regulasyong itinataguyod niya? Tinitingnan ba ng Diyos ang mga kagawian ng tao? Tinitingnan ba Niya ang dami nila? (Hindi.) Ano ang tinitingnan Niya, kung gayon? Nang pumili ang Diyos ng isang grupo ng mga tao, sa anong batayan Niya sinusukat kung sila ay maliligtas, kung ililigtas ba Niya sila? Ito ay batay sa kung kaya nilang tanggapin ang katotohanan; ito ay batay sa daan na kanilang tinatahak. … Hindi mahalaga kung gaano karaming sermon ang napakinggan mo o kung gaano karaming katotohanan ang naunawaan mo; kung ikaw ay nagagawa pa ring malihis ng mga tao—sinusunod ang mga tao at si Satanas—at hindi mo magagawang sundin ang daan ng Diyos sa huli, ni magagawang matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan, kung gayon, ang ganitong tao ay itinataboy ng Diyos. Ang mga tao sa relihiyon ay nagagawang mangaral ng napakaraming kaalaman sa Bibliya, at maaaring nakauunawa sila ng ilang espirituwal na doktrina, ngunit hindi sila nakapagpapasakop sa gawain ng Diyos, o nakapagsasagawa at nakararanas ng Kanyang mga salita, o tunay na nakasasamba sa Kanya, at hindi rin nila nagagawang matakot sa Kanya at umiwas sa kasamaan. Lahat sila ay mapagpaimbabaw, hindi mga taong tunay na nagpapasakop sa Diyos. Sa mga mata ng Diyos, ang gayong mga tao ay tinutukoy bilang isang relihiyosong grupo, isang pangkat ng tao, at isang tirahan ni Satanas. Sama-sama, sila ang pangkat ni Satanas, ang kaharian ng mga anticristo, at lubusan silang itinataboy ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Tanging sa Pagkakaroon ng Takot sa Diyos Makatatahak ang Isang Tao sa Landas ng Kaligtasan
Iyong mga hindi tumatanggap sa bagong gawain ng Diyos ay walang presensiya ng Diyos, at mas lalo pang salat sa mga pagpapala at proteksyon ng Diyos. Ang karamihan sa kanilang mga salita at mga pagkilos ay kumakapit sa mga hinihingi ng nakalipas na gawain ng Banal na Espiritu; ang mga ito ay mga doktrina, hindi mga katotohanan. Ang gayong mga doktrina at regulasyon ay sapat na upang patunayan na ang pagtitipon ng mga taong ito ay walang iba kundi relihiyon; hindi sila ang hinirang na mga tao, o ang mga pinag-uukulan ng gawain ng Diyos. Ang pagtitipon nila nang magkakasama ay matatawag lamang na halo-halong relihiyon; hindi ito matatawag na iglesia. Ito ay isang katunayan na hindi mababago. Wala sa kanila ang bagong gawain ng Banal na Espiritu; ang kanilang ginagawa ay may anyo ng relihiyon, ang kanilang isinasabuhay ay puno ng relihiyon; hindi sila nagtataglay ng presensiya at gawain ng Banal na Espiritu, lalo nang hindi sila karapat-dapat na tumanggap ng disiplina o kaliwanagan ng Banal na Espiritu. Lahat ng taong ito ay mga walang buhay na bangkay, at mga uod na walang pagka-espirituwal. Wala silang pagkakilala sa paghihimagsik at paglaban ng tao, walang pagkakilala sa lahat ng masasamang gawa ng tao, lalong wala silang pagkakilala sa lahat ng gawain ng Diyos at kasalukuyang mga layunin ng Diyos. Lahat sila ay walang alam, mabababang-uring tao, at sila ay mga tampalasan na hindi nararapat tawaging mananampalataya! Wala sa kanilang mga ginagawa ang may kaugnayan sa pamamahala ng Diyos, lalong hindi nito masisira ang mga plano ng Diyos. Ang mga salita at pagkilos nila ay lubhang nakasusuklam, nakakaawa rin, at talagang hindi karapat-dapat banggitin. Wala sa anumang ginawa ng mga wala sa daloy ng Banal na Espiritu ang may anumang kinalaman sa bagong gawain ng Banal na Espiritu. Dahil dito, kahit na ano ang kanilang gawin, sila ay walang disiplina—lalong walang kaliwanagan—ng Banal na Espiritu. Dahil lahat sila ay mga taong walang pag-ibig para sa katotohanan, at sila ay itinaboy na ng Banal na Espiritu. Sila ay tinatawag na mga taong gumagawa ng masama dahil ginagawa nila kung ano ang kanilang nais, kumikilos batay sa kanilang laman at nagwawagayway ng bandila ng Diyos habang ginagawa ito, at dahil sila ay sadyang mapanlaban sa Diyos at kumikilos nang kontra sa Kanya habang ginagawa Niya ang Kanyang gawain. Ang hindi pakikipagtulungan ng tao sa Diyos ay sukdulang mapanghimagsik sa ganang sarili, kaya’t hindi ba ang mga taong sadyang sumasalungat sa Diyos ay partikular na tatanggap ng nararapat na kaparusahan?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao
Ang mga nagnanais na makamit ang buhay nang hindi umaasa sa katotohanang sinambit ni Cristo ang pinakakatawa-tawang mga tao sa mundo, at ang mga hindi tumatanggap sa daan ng buhay na dinala ni Cristo ay namumuhay sa pantasya. Kaya naman sinasabi Ko na kamumuhian ng Diyos magpakailanman ang mga taong hindi tumatanggap kay Cristo ng mga huling araw. Si Cristo ang pintuan ng tao patungo sa kaharian sa mga huling araw, at walang sinuman ang makararaan kung hindi sa pamamagitan Niya. Walang mapeperpekto ng Diyos kung hindi sa pamamagitan ni Cristo. Nananampalataya ka sa Diyos, kaya dapat mong tanggapin ang Kanyang mga salita at dapat kang magpasakop sa Kanyang Daan. Huwag kang mag-isip lang na magkamit ng mga pagpapala habang hindi mo naman magawang tanggapin ang katotohanan at ang pagtustos ng buhay. Pumaparito si Cristo sa mga huling araw upang mabigyan Niya ng buhay ang lahat ng sinserong nananampalataya sa Kanya. Alang-alang sa pagtatapos ng lumang kapanahunan at pagpasok sa bago kaya umiiral ang gawaing ito, at ang gawaing ito ang landas na dapat tahakin ng lahat ng papasok sa bagong kapanahunan. Kung hindi mo kinikilala si Cristo, at higit pa rito, ay kinokondena, nilalapastangan, o inuusig mo Siya, kung gayon ay tiyak kang masusunog nang walang-hanggan at hindi ka kailanman makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ito ay dahil ang Cristong ito ang Mismong pagpapahayag ng Banal na Espiritu, ang pagpapahayag ng Diyos, ang Siyang pinagkatiwalaan ng Diyos na gawin ang Kanyang gawain sa lupa, at kaya naman sinasabi Ko na kung hindi mo magawang tanggapin ang lahat ng ginagawa ni Cristo ng mga huling araw, kung gayon ay nilalapastangan mo ang Banal na Espiritu. Maliwanag sa lahat ang nararapat na ganting-parusa sa mga lumalapastangan sa Banal na Espiritu. Sinasabi Ko rin sa iyo ito: Kung nilalabanan mo si Cristo ng mga huling araw, kung tinatanggihan mo si Cristo ng mga huling araw, wala nang iba pa ang makapagpapasan sa mga kahihinatnan nito para sa iyo. Higit pa rito, mula sa puntong iyon ay hindi ka na kailanman magkakaroon ng pagkakataong makamit ang pagsang-ayon ng Diyos; kahit pa gusto mong makabawi, hindi mo mapagmamasdang muli ang mukha ng Diyos. Ito ay dahil hindi isang tao ang nilalabanan mo, hindi isang di-mahalagang tao ang tinatanggihan mo, kundi si Cristo. Alam mo ba kung ano ang mga kahihinatnan nito? Hindi isang maliit na pagkakamali ang ginagawa mo, kundi isang karumal-dumal na kasalanan. Kaya naman pinapayuhan Ko ang bawat tao na huwag mong ilabas ang iyong mga pangil at iwasiwas ang iyong mga kuko at huwag kang magsabi ng mga walang batayang komento sa harap ng katotohanan, dahil ang katotohanan lamang ang makapagdadala sa iyo ng buhay, at wala nang iba pa kundi ang katotohanan ang magbibigay-kakayahan sa iyo na muling isilang at mapagmasdang muli ang mukha ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tanging si Cristo ng mga Huling Araw ang Makapagbibigay sa Tao ng Daan ng Buhay na Walang Hanggan