Paano Tahakin ang Landas ni Pedro
Para maging tumpak, ang pagtahak sa landas ni Pedro sa pananalig ng isang tao ay nangangahulugan ng pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan, na siya ring landas para tunay niyang makilala ang kanyang sarili at mabago ang kanyang disposisyon. Sa pamamagitan lamang ng pagtahak sa landas ni Pedro mapupunta ang isang tao sa landas ng pagpeperpekto ng Diyos. Dapat maging malinaw sa isang tao kung paano ba talaga tumahak sa landas ni Pedro, gayundin kung paano ito isagawa. Una, dapat munang isantabi ng isang tao ang kanyang mga sariling intensyon, mga di-wastong paghahangad, at maging ang kanyang pamilya at lahat ng bagay na para sa kanyang sariling laman. Dapat buong-pusong mag-ukol ang isang tao; na ang ibig sabihin, kailangang ganap niyang ilaan ang kanyang sarili sa salita ng Diyos, magtuon sa pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, tumutok sa paghahanap sa katotohanan at sa mga pagnanais ng Diyos sa Kanyang mga salita, at subukang maarok ang mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay. Ito ang pinakapangunahin at pinakamahalagang paraan ng pagsasagawa. Ito ang ginawa ni Pedro pagkatapos niyang makita si Jesus, at sa pamamagitan lamang ng pagsasagawa sa ganitong paraan nakakamit ng isang tao ang pinakamahusay na mga resulta. Ang buong-pusong debosyon sa salita ng Diyos ay pangunahing kinapapalooban ng paghahanap sa katotohanan at sa mga pagnanais ng Diyos sa loob ng Kanyang mga salita, pagtutuon ng pansin sa pag-arok sa mga layunin ng Diyos, at pag-unawa at pagkakamit ng mas maraming katotohanan mula sa mga salita ng Diyos. Kapag binabasa ang mga salita ng Diyos, hindi nakatuon si Pedro sa pag-unawa sa mga doktrina at siya ay lalo pang hindi nakatuon sa pagkakamit ng kaalamang pangteolohiya. Sa halip, nakatuon siya sa pag-unawa sa katotohanan at pag-arok sa mga layunin ng Diyos, gayundin sa pagtatamo ng pagkakilala sa disposisyon at pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Sinubukan din ni Pedro na kilalanin ang iba’t ibang tiwaling kalagayan ng tao, ang kalikasang diwa ng tao, at ang mga aktuwal na pagkukulang ng tao mula sa mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan lamang niya madaling matutugunan ang mga hinihingi ng Diyos para mapalugod Siya. Mayroong napakaraming tumpak na pagsasagawa si Pedro pagdating sa mga salita ng Diyos. Ito ang pinakanaaayon sa mga layunin ng Diyos, at ito ang pinakamahusay na paraan ng pakikipagtulungan ng tao habang nararanasan ang gawain ng Diyos. Noong dumaranas ng daan-daang pagsubok na ipinadala ng Diyos, mahigpit na ikinumpara ni Pedro ang kanyang sarili sa bawat salita ng paghatol at paglalantad ng Diyos sa tao—at sa bawat salita ng Kanyang mga hinihingi sa tao—sinuri ang kanyang sarili, at sinikap na tumpak na arukin ang kahulugan ng mga salita ng Diyos. Masigasig niyang pinagbulay-bulayan ang lahat ng sinabi sa kanya ni Jesus, mahigpit na isinasaisip ang bawat salita—nagbunga ng napakagagandang resulta ang pamamaraang ito. Sa pagsasagawa sa ganitong paraan, nagawa niyang makilala ang kanyang sarili sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, at hindi lang niya nagawang kilalanin ang iba’t ibang tiwaling kalagayan at kakulangan ng tao, kundi nakilala rin niya ang diwa at kalikasan ng tao. Ito ang ibig sabihin ng tunay na makilala ang sarili. Mula sa mga salita ng Diyos, sa isang banda, nagkamit si Pedro ng tunay na pagkakilala sa sarili niya, at sa kabilang banda, nakita niya ang matuwid na disposisyong ipinahayag ng Diyos, ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, ang mga layunin ng Diyos para sa Kanyang gawain, at ang mga hinihingi ng Diyos sa sangkatauhan. Mula sa mga salitang ito ay tunay niyang nakilala ang Diyos. Nakarating siya sa pagkakilala sa disposisyon ng Diyos at sa Kanyang diwa; nakilala at naunawaan niya ang mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos, gayundin ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos para sa tao. Bagama’t ang Diyos ay hindi gaanong nagsalita noong panahong iyon kagaya ng Kanyang ginagawa sa kasalukuyan, nakamit pa rin ang mga bunga kay Pedro sa mga aspektong ito. Ito ay isang bihira at napakahalagang bagay. Dumaan si Pedro sa daan-daang pagsubok; hindi siya nagdusa nang walang-saysay. Hindi lamang niya nakilala ang kanyang sarili mula sa mga salita at sa gawain ng Diyos, kundi nakilala rin niya ang Diyos. Dagdag pa riyan, sa loob ng mga salita ng Diyos ay partikular siyang nagbigay-pansin sa mga hinihingi ng Diyos sa tao at sa mga aspekto na kung saan dapat palugurin ng tao ang Diyos para maging naaayon sa mga layunin ng Diyos, at nagawa niyang pagsikapan nang husto ang mga bagay na ito, nagkakamit ng ganap na kalinawan. Lubhang kapaki-pakinabang ito pagdating sa kanyang buhay pagpasok. Alinmang aspekto ito ng mga salita ng Diyos, basta’t nagagawa ng mga salitang iyon na magsilbing buhay at katotohanan, inukit ni Pedro ang mga ito sa puso niya, kung saan niya madalas na pinagbubulayan at inaarok ang mga ito. Nang marinig ang mga salita ni Jesus, nagawa niyang isapuso ang mga ito, na nagpapakita na siya ay partikular na nakatuon sa mga salita ng Diyos, at tunay na nakamtan niya ang mga resulta sa huli. Ibig sabihin, nagawa niyang mahusay na isagawa ang mga salita ng Diyos, tumpak na isagawa ang katotohanan at kumilos ayon sa mga layunin ng Diyos, gawin ang mga bagay nang ganap na naaayon sa mga pagnanais ng Diyos, at isuko ang kanyang sariling personal na mga opinyon at imahinasyon. Sa ganitong paraan, pumasok si Pedro sa realidad ng mga salita ng Diyos. Ang paglilingkod ni Pedro ay naaayon sa mga layunin ng Diyos, pangunahing dahil sa ginawa niyang ito.
Kung ang isang tao ay kayang bigyang-kasiyahan ang Diyos habang ginagawa ang kanyang tungkulin, may prinsipyo sa mga salita at kilos niya, at pumapasok sa realidad ng lahat ng aspekto ng katotohanan, siya ay isang taong ginawang perpekto ng Diyos. Masasabi na ang gawain at mga salita ng Diyos ay lubos na nagkamit ng epekto sa kanya: Ang mga salita ng Diyos ay naging buhay niya, at nakamit niya ang katotohanan at nagagawa niyang mamuhay alinsunod sa mga salita ng Diyos. Pagkatapos nito, ang kalikasan ng kanyang laman—iyon ay, ang orihinal na pundasyon ng kanyang pag-iral—ay mayayanig at mabubuwal. Pagkatapos taglayin ng mga tao ang mga salita ng Diyos bilang kanilang buhay, saka lamang sila magiging mga bagong tao. Kung ang mga salita ng Diyos ay maging buhay ng mga tao, kung ang pangitain ng gawain ng Diyos, ang Kanyang mga paglalantad at hinihingi mula sa sangkatauhan, at ang mga pamantayan para sa buhay ng tao na hinihingi ng Diyos na matugunan ng mga tao ay maging buhay nila, kung namumuhay ang mga tao alinsunod sa mga salita at katotohanang ito, sila ay pineperpekto sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Muling isinilang ang gayong mga tao at naging mga bagong tao na sila sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos. Ito ang landas ng paghahangad ni Pedro sa katotohanan. Ito ang landas ng magawang perpekto. Ginawang perpekto si Pedro ng mga salita ng Diyos, at nagkamit siya ng buhay mula sa mga salita ng Diyos, ang katotohanan na ipinahayag ng Diyos ay naging kanyang buhay, at saka lang siya naging isang tao na nagkamit ng katotohanan. Alam nating lahat na noong panahon ng pag-akyat ni Jesus sa langit, nagkaroon ng maraming kuru-kuro, pagrerebelde, at kahinaan si Pedro. Bakit ganap na nagbago ang mga bagay na ito nang maglaon? May direkta itong kaugnayan sa kanyang paghahangad sa katotohanan. Sa paghahangad ng buhay, dapat tumuon ang isang tao sa pagsasagawa sa katotohanan. Ang pag-unawa lamang sa doktrina ay walang silbi, wala ring silbi ang dami ng doktrinang nasasambit ng isang tao. Hindi mababago ng mga bagay na ito ang buhay disposisyon ng isang tao. Ang pag-unawa lamang sa literal na kahulugan ng mga salita ng Diyos ay hindi katumbas ng pag-unawa sa katotohanan. Ang mga usapin sa diwa at prinsipyo na nakalarawan sa mga salita ng Diyos ang siyang katotohanan. Bawat linya ng Kanyang mga pagbigkas ay naglalaman ng katotohanan, bagama’t maaaring hindi iyon nauunawaan ng mga tao. Halimbawa, kapag sinasabi ng Diyos, “Dapat kayong maging matatapat na tao,” may katotohanan sa pahayag na ito. Lalong totoo na may katotohanan ang mga pahayag mula sa Kanya tulad ng, “Dapat kayong maging mga taong nagpapasakop sa harap ng Diyos, nagmamahal sa Diyos, at sumasamba sa Diyos. Dapat ninyong tuparin ang inyong mga tungkulin bilang mga tao.” Ang bawat linya ng mga salita ng Diyos ay nagpapaliwanag sa isang aspekto ng katotohanan, at ang bawat isa sa mga katotohanang ito ay malapit na nauugnay sa iba pang katotohanan. Samakatwid, nagpapahayag ang Diyos ng katotohanan sa lahat ng Kanyang sinasabi, at nagsasalita nang malawak ang Diyos tungkol sa bawat katotohanan. Ang layon nito ay maipaunawa sa mga tao ang diwa ng katotohanan. Tanging ang mga nakauunawa sa salita ng Diyos sa ganitong antas ang masasabing nakauunawa sa salita ng Diyos. Kung nauunawaan at ipinaliliwanag mo lang ang mga salita ng Diyos ayon sa literal na kahulugan ng mga ito at nagsasambit ka ng mga hungkag na salita at doktrina, hindi mo tinataglay ang pagkaunawa sa katotohanan. Nagpapasikat ka lamang, puro salita ka lang at walang gawa, hindi mo sineseryoso ang doktrina.
Bago danasin ng mga tao ang gawain ng Diyos at maunawaan ang katotohanan, ang kalikasan ni Satanas ang namamahala at nagdodomina sa kanilang kalooban. Ano ba ang partikular na nakapaloob sa kalikasang iyon? Halimbawa, bakit ka makasarili? Bakit mo pinoprotektahan ang sarili mong katayuan? Bakit ka lubhang naiimpluwensiyahan ng iyong mga damdamin? Bakit gusto mo ang mga di-matuwid na bagay na iyon at ang masasamang bagay na iyon? Ano ang batayan ng pagkagusto mo sa ganoong mga bagay? Saan nagmumula ang mga bagay na ito? Bakit mo gusto at tinatanggap ang mga ito? Sa ngayon, naunawaan na ninyong lahat: Ang pangunahing dahilan ay nasa kalooban ng tao ang mga lason ni Satanas. Kaya, ano ang mga lason ni Satanas? Paano maipapahayag ang mga ito? Halimbawa, kung magtatanong ka ng, “Paano dapat mamuhay ang mga tao? Para saan ba dapat nabubuhay ang mga tao?” sasagot ang lahat ng tao: “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba.” Ipinahahayag ng nag-iisang parirala lang na ito ang pinakaugat ng problema. Ang pilosopiya at lohika ni Satanas ay naging buhay na ng mga tao. Anuman ang hinahangad ng mga tao, ang totoo ay ginagawa nila ito para sa kanilang sarili—kaya’t namumuhay silang lahat para sa kanilang sarili. “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba”—ito ang pilosopiya sa buhay ng tao, at kinakatawan din nito ang kalikasan ng tao. Naging kalikasan na ng tiwaling sangkatauhan ang mga salitang ito at ang mga ito ang tunay na larawan ng satanikong kalikasan ng tiwaling sangkatauhan. Ang satanikong kalikasang ito ang ganap na naging pundasyon para sa pag-iral ng tiwaling sangkatauhan. Sa loob ng ilang libong taon, namumuhay ang tiwaling sangkatauhan ayon sa lason na ito ni Satanas, hanggang sa kasalukuyang panahon. Lahat ng ginagawa ni Satanas ay para sa sarili nitong mga pagnanais, mga ambisyon, at mga pakay. Nais nitong higitan ang Diyos, makawala mula sa Diyos, at makuha ang kontrol sa lahat ng bagay na nilikha ng Diyos. Sa kasalukuyan, ginawang tiwali ni Satanas ang mga tao hanggang sa ganitong antas. May satanikong kalikasan silang lahat, lahat sila ay may tendensiyang itatwa at labanan ang Diyos, at gusto nilang hawakan ang sarili nilang mga kapalaran at subukang labanan ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos. Ang kanilang mga ambisyon at pagnanais ay kaparehong-kapareho na ng kay Satanas. Samakatwid, ang kalikasan ng tao ay ang kalikasan ni Satanas. Sa katunayan, maraming motto at kasabihang pinanghahawakan ng mga tao ang kumakatawan sa kalikasan ng tao at sumasalamin sa tiwaling diwa ng tao. Ang mga bagay na pinipili ng mga tao ay sumasalamin sa sarili nilang mga kagustuhan, at kumakatawan ang lahat ng iyon sa mga disposisyon at hinahangad ng mga tao. Sa bawat salitang sinasabi ng isang tao, at sa lahat ng ginagawa niya, gaano man iyon ibalatkayo, hindi matatakpan ng pagbabalatkayong ito ang kanyang kalikasan. Halimbawa, karaniwang maganda ang pangangaral ng mga Pariseo, pero nang marinig nila ang mga sermon at katotohanang ipinahayag ni Jesus, sa halip na tanggapin ang mga iyon, kinondena nila ang mga iyon. Inilantad nito ang kalikasang diwa ng mga Pariseo na pagtutol at pagkamuhi sa katotohanan. Ang ilang tao ay labis na magandang magsalita at mahusay magpanggap, pero matapos silang makahalubilo sandali ng iba, nakikita ng iba na labis na mapanlinlang ang kalikasan nila, at hindi matapat kahit kaunti. Pagkaraan ng mahabang panahon ng pakikihalubilo sa kanila, natutuklasan ng iba ang kanilang kalikasang diwa. Sa huli, nabubuo ng iba ang sumusunod na kongklusyon: Hindi sila kailanman nagsasabi ng totoong salita, at sila ay mapanlinlang. Kinakatawan ng pahayag na ito ang kalikasan ng gayong mga tao at ito ang pinakamagandang paglalarawan at patunay ng kanilang kalikasang diwa. Ang pilosopiya nila para sa mga makamundong pakikitungo ay ang huwag magsabi ng totoo sa kaninuman, at huwag ding magtiwala kaninuman. Naglalaman ang satanikong kalikasan ng tao ng napakaraming pilosopiya at lason ni Satanas. Minsan, hindi mo mismo namamalayan ang mga ito. Kung hindi mo nauunawaan ang katotohanan, hindi mo kayang kilatisin ang disposisyon ni Satanas. Gayumpaman, namumuhay ka ayon sa disposisyon ni Satanas sa bawat minuto ng bawat araw, at inaakala mong ito ay lubos na tama at makatwiran, at hindi talaga mali. Sapat na itong nagpapakita na kapag namumuhay ka ayon sa mga pilosopiya ni Satanas, namumuhay ka ayon sa disposisyon ni Satanas, at na ang mga pilosopiya at disposisyon ni Satanas ay naging iyong kalikasan. Kadalasan, namumuhay ang mga tao ayon sa mga pilosopiya ni Satanas ngunit iniisip pa rin nilang mabuti ito, at wala silang anumang pakiramdam ng pagsisisi. Bakit ganito? Ito ay dahil hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan. Samakatwid, patuloy nilang ibinubunyag ang kanilang satanikong kalikasan sa bawat pagkakataon, at patuloy silang namumuhay ayon sa mga pilosopiya ni Satanas sa bawat pagkakataon. Ang kalikasan ni Satanas ang buhay ng tao, at ito ang kalikasang diwa ng tao. Kung ano ang kalikasan ay ganap na maibubuod sa pamamagitan ng mga salita. Sa mga uri ng kalikasan na mayroon ang mga tao, ang ilan ay naglalaman ng kayabangan, kapalaluan, at pagnanais na mamukod-tangi; ang ilan ay naglalaman ng mersenaryong kasakiman na inuuna ang pakinabang bago ang lahat at walang pagpapahalaga sa buhay; ang ilan ay naglalaman ng panlilinlang, pagiging baliko, at tendensiyang mandaya ng mga tao sa bawat pagkakataon; ang ilan ay naglalaman ng kakila-kilabot na kabuktutan at karumihan—ang mga ito ay pawang mga buod ng mga kalikasan ng mga tao. Kung nagagawa mong kilatisin ang maraming bagay na nabubunyag mula sa iyong kalikasan, kung gayon ay nagkamit ka na ng pagkaunawa rito. Gayumpaman, kung wala kang anumang pagkaunawa sa mga bagay na nabubunyag mula sa iyong kalikasan, wala kang pagkaunawa sa sarili mong kalikasan. Hinangad ni Pedro na kilalanin ang kanyang sarili at suriin kung ano ang nabunyag sa kanya sa pamamagitan ng pagpipino ng mga salita ng Diyos at sa loob ng iba’t ibang pagsubok na ibinigay sa kanya ng Diyos. Nang tunay niyang makilala ang sarili niya, natanto ni Pedro kung gaano kalalim ang pagkatiwali ng mga tao, kung gaano sila kawalang halaga at hindi karapat-dapat sa paglilingkod sa Diyos, at na hindi sila nararapat na mabuhay sa harapan ng Diyos. Nang magkagayon ay nagpatirapa si Pedro sa harap ng Diyos. Matapos maraming beses na makaranas sa ganitong paraan, nadama ni Pedro sa huli na, “Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalagang bagay! Kung mamamatay ako bago ko Siya makilala, magiging napakalaking panghihinayang ito. Ang makilala ang Diyos ang pinakamahalaga, pinakamakahulugang bagay na mayroon. Kung hindi kilala ng tao ang Diyos, hindi siya karapat-dapat na mabuhay, kapareho siya ng isang hayop, at wala siyang buhay.” Nang umabot na sa ganitong punto ang karanasan ni Pedro, nakilala niya ang kanyang sariling kalikasan at naunawaan niya ito sa medyo malinaw na paraan. Bagama’t hindi niya ito kayang ipaliwanag nang kasinglinaw ng nagagawa ng mga tao sa panahon ngayon, sadyang naabot na ni Pedro ang kalagayang ito. Samakatwid, ang pagtahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan at pagtatamo ng paggawang perpekto ng Diyos ay nangangailangan ng pagkilala sa sariling kalikasan mula sa loob ng mga salita ng Diyos, gayundin ng pagkilala sa iba’t ibang aspekto ng kalikasan ng isang tao at tumpak na paglalarawan dito sa mga salita, ang pagsasalita nang malinaw at payak. Ito lamang ang tunay na pagkakilala sa iyong sarili, at tanging sa paraang ito mo matatamo ang resultang hinihingi ng Diyos. Kung ang iyong pagkakilala ay hindi pa umabot sa puntong ito, subalit sinasabi mo na nakikilala mo ang iyong sarili at sinasabing nagtamo ka ng buhay, hindi ba’t nagyayabang ka lamang? Hindi mo kilala ang iyong sarili, ni hindi mo alam kung ano ka sa harap ng Diyos, kung tunay mo mang naabot ang mga pamantayan ng pagiging tao, o gaano karami ang mga satanikong elemento na taglay mo pa rin sa iyong loob. Hindi pa rin malinaw sa iyo ang tungkol sa kung kanino ka nabibilang, at wala ka man lamang anumang kamalayan sa sarili—kaya’t paano ka magtataglay ng katwiran sa harap ng Diyos? Nang naghahangad si Pedro ng buhay, nakatutok siya sa pagkilala sa kanyang sarili at pagbabago ng kanyang disposisyon sa gitna ng mga pagsubok sa kanya, at nagsikap siya na makilala ang Diyos. Sa huli, naisip niya, “Dapat maghangad ang mga tao ng pagkakilala sa Diyos sa buhay; ang makilala Siya ang pinakakritikal na bagay. Kung hindi ko makikilala ang Diyos, kung gayon ay hindi ako makapagpapahinga nang payapa kapag namatay ako. Sa sandaling makilala ko Siya, kung hahayaan ng Diyos na mamatay ako, lubha akong mapapanatag. Hindi ako magrereklamo kahit kaunti, at mararamdaman kong naging makabuluhan ang buong buhay ko.” Hindi nagawa ni Pedro na magkaroon ng pagkakilalang ito o umabot sa puntong ito kaagad pagkatapos niyang magsimulang manampalataya sa Diyos; sa halip ay dumaan siya sa napakaraming pagsubok. Nadama lamang niya ang halaga ng pagkilala sa Diyos pagkatapos makaranas ng mga bagay-bagay sa isang partikular na antas at ganap na makilala ang kanyang sarili. Samakatwid, ang landas na tinahak ni Pedro ay ang landas ng paghahangad sa katotohanan, at ang landas ng pagtatamo ng buhay at magawang perpekto. Ito ang aspekto na pangunahing pinagtuunan ng kanyang tiyak na pagsasagawa.
Sa inyong pananalig sa Diyos, anong landas ang tinatahak ninyo ngayon? Kung hindi ninyo hinahangad, tulad ni Pedro, ang buhay, pag-unawa sa inyong sarili, at kaalaman sa Diyos, hindi mo tinatahak ang landas ni Pedro. Nasa ganitong uri ng kalagayan ang karamihan ng mga tao ngayon: Upang magkamit ng mga pagpapala, dapat kong gugulin ang aking sarili para sa Diyos at magbayad ng halaga para sa Kanya. Upang magkamit ng mga pagpapala, dapat kong talikuran ang lahat para sa Diyos; dapat kong isakatuparan ang ipinagkatiwala Niya sa akin, at kailangan kong gampanan nang maayos ang aking tungkulin. Udyok ito ng intensiyong magkamit ng mga pagpapala, at ito ay ganap na para sa layon na makakuha ng mga gantimpala mula sa Kanya at magkamit ng isang korona kaya nila ginugugol ang kanilang sarili para sa Diyos. Ang gayong mga tao ay walang katotohanan sa kanilang puso, at tiyak na nauunawaan lamang nila ang ilang salita at doktrina at nagpapasikat saanman sila magpunta. Ang landas nila ay mismong ang kay Pablo. Para sa gayong mga tao, ang pananampalataya sa Diyos ay tungkol lamang sa palagiang paggawa. Sa kanilang isipan, para bang habang mas marami silang ginagawang gawain, napatutunayan na mayroon silang higit na katapatan sa Diyos, at tiyak na mas malulugod Siya; para bang habang mas marami silang ginagawang gawain, mas magiging karapat-dapat silang pagkalooban ng isang korona sa harap ng Diyos, at mas malalaking pagpapala ang makakamit nila. Iniisip nila na kung kaya nilang mangaral, magtiis ng pagdurusa, at magsakripisyo ng sarili nilang buhay para kay Cristo, at kung maisasakatuparan nila nang maayos ang mga tungkuling ipinagkatiwala sa kanila ng Diyos, kung gayon ay sila ang magiging mga taong nagkakamit ng pinakamalalaking pagpapala, at tiyak na pagkakalooban sila ng mga korona. Ito ang mismong nailarawan ni Pablo sa imahinasyon at ito ang kanyang hinangad. Ito ang mismong landas na tinahak niya, at sa ilalim ng paggabay ng ganoong mga saloobin isinagawa ni Pablo ang paglilingkod sa Diyos. Hindi ba’t nagmumula ang gayong mga saloobin at mga intensiyon sa isang kalikasan ni Satanas? Katulad lamang ito ng mga makamundong tao, na naniniwalang dapat nilang hangarin ang kaalaman habang nasa lupa, at na pagkatapos makamtan ito ay mamumukod-tangi sila sa madla, magiging mga opisyal, at magkakaroon ng katayuan. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang katayuan, matutupad na rin nila ang kanilang mga ambisyon at maiaangat na nila ang kanilang mga negosyo at mga ari-arian ng pamilya sa isang partikular na antas ng kasaganahan. Hindi ba’t lahat ng walang pananampalataya ay tumatahak sa landas na ito? Iyong mga pinangingibabawan ng ganitong satanikong kalikasan ay maaari lamang maging katulad ni Pablo sa kanilang pananalig. Iniisip nila: “Dapat kong talikuran ang lahat upang gugulin ang sarili ko para sa diyos. Dapat akong maging deboto sa harap ng diyos, at sa huli, tatanggap ako ng malalaking gantimpala at isang dakilang korona.” Ito ay parehong pag-iisip ng mga makamundong tao na naghahangad ng mga makamundong bagay; ito ay eksaktong pareho, at nauudyukan ng iisang kalikasan. Kapag may ganitong uri ng satanikong kalikasan ang mga tao, sa mundo sa labas, maghahangad sila ng kaalaman, pagkatuto, katayuan, at maghahangad na mamukod-tangi sa karamihan. Kung nananampalataya sila sa Diyos, hahangarin nilang magkamit ng mga dakilang korona at malalaking pagpapala. Kung hindi hinahangad ng mga tao ang katotohanan kapag nananampalataya sila sa Diyos, siguradong tatahakin nila ang landas na ito. Ang katunayang ito ay hindi mababago ng sinumang tao; batas ito ng kalikasan. Ang landas na tinatahak ng mga taong hindi naghahangad ng katotohanan ay tuwirang salungat sa landas ni Pedro. Aling landas ang tinatahak ninyong lahat ngayon? Bagama’t maaaring hindi mo naiplano na tahakin ang landas ni Pablo, ang iyong kalikasan ang nag-aatas na lakarin mo ang daang ito, at ikaw ay tutungo sa gayong direksyon kahit labag ito sa kalooban mo. Bagama’t gusto mong tumahak sa landas ni Pedro, kung hindi malinaw sa iyo kung paano gawin iyan, kung gayon ay tatahakin mo ang landas ni Pablo nang hindi kinukusa: Ito ang realidad ng sitwasyon. Paano ang dapat na eksaktong pagtahak sa landas ni Pedro sa panahong ito? Kung hindi mo magawang makita ang kaibahan sa pagitan ng landas ni Pedro at landas ni Pablo, o hindi ka man lamang pamilyar sa mga ito, kung gayon, gaano mo man ipahayag na tinatahak mo ang landas ni Pedro, walang kabuluhan ang mga salita mong iyon. Una, kailangan mo munang magkaroon ng malinaw na ideya kung ano ang landas ni Pedro at kung ano ang landas ni Pablo. Kapag totoong nauunawaan mo na ang landas ni Pedro ay ang landas ng paghahangad ng buhay, at ang tanging landas sa pagiging perpekto, saka mo lamang magagawang tahakin ang landas ni Pedro, maghangad gaya ng paghahangad niya, at magsagawa ng mga prinsipyong isinagawa niya. Kung hindi mo nauunawaan ang landas ni Pedro, kung gayon, ang landas na tinatahak mo ay tiyak na iyong kay Pablo, sapagkat wala nang iba pang magiging landas para sa iyo; wala kang mapagpipilian sa bagay na ito. Ang mga taong hindi nauunawaan ang katotohanan at hindi nagagawang hangarin ito ay mahihirapang tahakin ang landas ni Pedro, kahit pa may determinasyon sila. Masasabi na biyaya at pagtataas ng Diyos na ibinunyag na Niya sa inyo ngayon ang landas ng kaligtasan at pagiging perpekto. Siya ang gumagabay sa inyo tungo sa landas ni Pedro. Kung wala ang gabay at kaliwanagan ng Diyos, walang sinuman ang magagawang tumahak sa landas ni Pedro, at ang tanging magagawa ay ang tumahak sa landas ni Pablo, sumunod sa mga yapak ni Pablo tungo sa perdisyon. Sa panahong iyon, hindi naramdaman ni Pablo na maling tahakin ang landas na iyon; ganap siyang naniwala na tama iyon. Hindi niya nakamit ang katotohanan, at lalong hindi siya sumailalim sa isang pagbabago sa disposisyon. Labis siyang naniwala sa kanyang sarili, at naramdaman na walang bahagya mang isyu sa pananampalataya sa ganoong paraan. Nagpatuloy siya, puno ng kumpiyansa at ng lubos na tiwala sa sarili. Sa dakong huli, hindi siya kailanman natauhan. Inisip pa rin niya na para sa kanya ang mabuhay ay si cristo. Sa gayon, nagpatuloy si Pablo sa pagtahak sa landas na iyon hanggang sa huli, at nang oras na maparusahan siya sa wakas, tapos na ang lahat para sa kanya. Hindi kabilang sa landas ni Pablo ang mangyaring makilala niya ang sarili, lalo na ang maghangad ng isang pagbabago sa disposisyon. Hindi niya kailanman hinimay ang kanyang sariling kalikasan, ni hindi siya nakapagtamo ng anumang kaalaman sa kung ano siya. Alam lamang niya na siya ang pangunahing pasimuno sa pag-uusig kay Jesus. Ngunit hindi siya nagkaroon ng bahagya mang pagkaunawa sa kanyang sariling kalikasan, at pagkaraang tapusin ang kanyang gawain, naramdaman ni Pablo na namumuhay siya bilang si Cristo at dapat na gantimpalaan. Ang gawaing ginawa ni Pablo ay magserbisyo lamang para sa Diyos. Para sa kanyang sarili, bagama’t nakatanggap siya ng ilang paghahayag mula sa Banal na Espiritu, wala talaga siyang nakamit na katotohanan o buhay. Samakatwid, hindi siya iniligtas ng Diyos. Sa halip, pinarusahan siya ng Diyos. Bakit sinabi na ang landas ni Pedro ay ang landas sa pagiging ginawang perpekto? Ito ay dahil, sa pagsasagawa ni Pedro, nagbigay siya ng natatanging diin sa buhay, sa paghahangad na makilala ang Diyos, at makilala ang sarili. Sa pamamagitan ng kanyang pagdanas sa gawain ng Diyos, nagawa niyang makilala ang sarili, makapagtamo ng pagkaunawa sa mga tiwaling kalagayan ng tao, mabatid ang kanyang sariling mga kakulangan, at matuklasan ang pinakamahalagang bagay na dapat hangarin ng mga tao. Nagawa niyang mahalin nang tapat ang Diyos, natutunan kung paano suklian ang Diyos, nakapagtamo ng ilang katotohanan, at nagtaglay ng realidad na hinihingi ng Diyos. Mula sa lahat ng mga bagay na sinabi ni Pedro sa panahon ng mga pagsubok sa kanya, makikita na tunay ngang siya ang may pinakamalaking pagkaunawa sa Diyos. Sapagkat nagawa niyang maunawaan ang napakaraming katotohanan mula sa mga salita ng Diyos, lumiwanag nang lumiwanag ang kanyang landas, at lalong umaayon sa mga layunin ng Diyos. Kung hindi tinaglay ni Pedro ang katotohanang ito, kung gayon, ang landas na kanyang tinahak ay hindi magiging ganoon kawasto.
Sa ngayon, mayroon pa ring katanungan: Kung alam mo kung ano ang landas ni Pedro, magagawa mo bang tahakin ito? Isa itong makatotohanang katanungan. Dapat mong malinaw na matukoy kung anong uri ng tao ang makatatahak sa landas ni Pedro at kung anong uri ng tao ang hindi. Ang mga tumatahak sa landas ni Pedro ay dapat na mga tamang tao. Saka ka lang magagawang perpekto kung ikaw ay isang tamang tao. Ang mga hindi tamang tao ay hindi mapeperpekto. Ang mga katulad ni Pablo ay hindi makatatahak sa landas ni Pedro. Ang isang partikular na uri ng tao ay tatahak sa isang partikular na uri ng landas. Ito ay ganap na napagpapasyahan ng kanyang kalikasan. Gaano mo man kalinaw na ipaliwanag ang landas ni Pedro kay Satanas, hindi nito matatahak iyon. Gustuhin man nito, hindi nito magagawa. Napagpasyahan na ng kalikasan nito na hindi nito matatahak ang landas ni Pedro. Tanging ang mga nagmamahal sa katotohanan ang makatatahak sa landas ni Pedro. “Hindi mababago ng isang leopardo ang mga batik nito,” totoo ito. Kung walang mga elemento ng pagmamahal para sa katotohanan sa loob ng iyong kalikasan, hindi mo matatahak ang landas ni Pedro. Kung isa kang taong nagmamahal sa katotohanan, kung kaya mong tanggapin ang katotohanan sa kabila ng iyong tiwaling disposisyon, at kaya mong tanggapin ang gawain ng Banal na Espiritu at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kung gayon, sa ganitong paraan ay magagawa mong maghimagsik laban sa laman at magpasakop sa plano ng Diyos. Kapag mayroon kang mga pagbabago sa disposisyon mo pagkatapos dumaan sa ilang pagsubok, nangangahulugan ito na unti-unti kang humahakbang papunta sa landas ni Pedro para magawang perpekto.
Taglamig, 1998