b. Sino ang inililigtas ng Diyos at sino ang Kanyang tinitiwalag

Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw

Sa kasalukuyan, iyong mga naghahangad at iyong mga hindi naghahangad ay dalawang uri ng mga tao, na may magkaibang hantungan. Iyong mga naghahangad na malaman ang katotohanan at maisagawa ang katotohanan ang mga ililigtas ng Diyos. Iyong mga hindi nababatid ang tunay na daan ay mga demonyo at kaaway; mga inapo sila ng arkanghel at masasawi sila. Kahit iyong mga debotong mananampalataya ng isang kathang-isip na diyos—hindi ba’t mga demonyo rin sila? Ang mga taong nagtataglay ng mabubuting konsensiya ngunit hindi tinatanggap ang tunay na daan ay mga demonyo; paglaban sa Diyos ang kanilang diwa. Iyong mga hindi tinatanggap ang tunay na daan ay iyong mga lumalaban sa Diyos, at kahit pa magtiis ng labis na pagdurusa ang gayong mga tao, masasawi pa rin sila. Iyong lahat ng ayaw tumalikod sa mundo, na hindi matiis na mawalay sa kanilang mga magulang, at hindi matiis na alisin sa kanilang mga sarili ang mga kasiyahan ng laman ay mapaghimagsik sa Diyos, at lahat sila ay magiging mga pakay ng paglipol. Ang sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao ay isang demonyo at, higit pa rito, ay masasawi. Iyong mga nananampalataya ngunit hindi nagsasagawa ng katotohanan, iyong mga hindi naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos, at iyong mga hindi naniniwala sa pag-iral ng Diyos kahit kaunti ay iyong mga masasawi. Ang lahat ng maaaring manatili ay mga taong dumaan na sa pagdurusa ng pagpipino at matatag na nanindigan; mga tao ito na tunay na dumaan sa mga pagsubok. Ang sinumang hindi kumikilala sa Diyos ay isang kaaway; ibig sabihin, ang sinumang hindi kumikilala sa nagkatawang-taong Diyos—nasa loob man siya o nasa labas ng daloy na ito—ay isang anticristo! Sino ang mga Satanas, sino ang mga demonyo, at sino ang mga kaaway ng Diyos? Hindi ba’t sila iyong mga lumalaban na hindi nananampalataya sa Diyos? Hindi ba’t sila iyong mga taong mapaghimagsik laban sa Diyos? Hindi ba’t sila iyong mga nagsasabing mayroon silang pananalig, subalit hindi nagtataglay ng katotohanan? Hindi ba’t sila iyong mga naghahangad lamang na magtamo ng mga pagpapala samantalang hindi magawang magpatotoo sa Diyos? Nakikihalubilo ka pa rin ngayon sa mga demonyong iyon at tinatrato sila nang may konsensiya at pagmamahal, ngunit hindi ba’t katumbas ito ng pagpapakita ng kabaitan kay Satanas? Hindi ba’t kaalyado ka ng mga demonyo? Kung umabot na ang mga tao sa puntong ito at hindi pa rin nila makita ang kaibhan ng mabuti sa masama, at patuloy silang pikit-matang maging mapagmahal at maawain nang walang anumang pagnanais na hanapin ang puso ng Diyos o magawang ituring bilang kanila sa anumang paraan ang puso ng Diyos, magiging higit na kahabag-habag ang kanilang mga kalalabasan. Kaaway ng Diyos ang sinumang hindi nananampalataya sa Diyos na nasa katawang-tao. Kung kaya mong tratuhin ang mga kaaway ng Diyos nang may konsensiya at pagmamahal, hindi ba’t wala kang pagpapahalaga sa katarungan? Kung kaayon ka ng mga kinamumuhian Ko at tinututulan Ko, at tinatrato mo pa rin sila nang may pagmamahal o pinapakitaan sila ng mga personal na damdamin, hindi ba’t mapaghimagsik ka? Hindi ba’t sinasadya mong labanan ang Diyos? Aktuwal bang nagtataglay ng katotohanan ang gayong tao? Kung tatratuhin ng mga tao ang mga kaaway ng Diyos nang may konsensiya, ang mga demonyo nang may pagmamahal, at si Satanas nang may awa, hindi ba’t sadya nilang ginagambala ang gawain ng Diyos? Iyong mga taong nananampalataya lamang kay Jesus at hindi nananampalataya sa Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, gayundin iyong mga pasalitang nagsasabi na nananampalataya sila sa Diyos na nagkatawang-tao ngunit gumagawa ng masama, ay lahat mga anticristo, kahit pa hindi banggitin iyong mga hindi nananampalataya sa Diyos. Masasawi ang lahat ng taong ito.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Inililigtas ng Diyos yaong mga kayang muling mabuhay, na kayang makita ang biyayang nagliligtas ng Diyos, na kayang maging tapat sa Diyos, na handang hanapin ang Diyos, na naniniwala sa pagkakatawang-tao ng Diyos, at naniniwala sa Kanyang pagpapakita. Kayang muling mabuhay ng ilang tao, at ang ilan ay hindi; nakasalalay ito sa kung kayang maligtas o hindi ang kanilang kalikasan. Maraming tao ang nakarinig na nang marami sa mga salita ng Diyos ngunit hindi nauunawaan ang mga layunin ng Diyos, at wala pa ring kakayahang isagawa ang mga ito. Walang kakayahang isabuhay ng mga ganitong tao ang anumang katotohanan, at sinasadya nilang guluhin ang gawain ng Diyos. Hindi nila kayang gawin ang anumang gawain para sa Diyos, at hindi nila maigugol ang kanilang sarili para sa Kanya—sa kabaligtaran, palihim nilang ginagastos ang salapi ng iglesia at nagiging palamunin sa sambahayan ng Diyos. Ang mga ito ay mga patay na tao na hindi maililigtas. Inililigtas ng Diyos ang lahat ng nasa gitna ng Kanyang gawain, subalit may ilang taong hindi makatatanggap ng Kanyang biyayang nagliligtas; maliit na bilang lamang ang makatatanggap ng Kanyang biyayang nagliligtas. Ito ay dahil karamihan sa mga tao ay masyado nang nagawang tiwali at naging mga patay, at hindi na sila maaari pang iligtas; ganap na silang napagsamantalahan ni Satanas, at masyadong mapaminsala ang kanilang kalikasan. Hindi rin magawa ng iilang mga taong ito na ganap na magpasakop sa Diyos. Hindi sila yaong mga lubos na naging tapat sa Diyos mula sa simula, o yaong mga sukdulang nagmahal na sa Diyos mula sa simula; sa halip, naging mapagpasakop sila sa Diyos dahil sa Kanyang gawain ng panlulupig, nakikita nila ang Diyos dahil sa Kanyang sukdulang pagmamahal, nagkakamit sila ng pagbabago sa disposisyon dahil sa matuwid na disposisyon ng Diyos, at nakikilala nila ang Diyos dahil sa Kanyang gawain, ang Kanyang gawain na parehong praktikal at normal. Kung wala ang gawaing ito ng Diyos, kahit gaano pa man kabuti ang mga taong ito, na kay Satanas pa rin sila, nasa kamatayan pa rin sila, at patay pa rin sila. Ang katunayang maaaring makatanggap ng biyayang nagliligtas ng Diyos ang mga taong ito ngayon ay dahil lamang handa silang makipagtulungan sa Diyos.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ikaw Ba ay Isang Taong Nabuhay Na?

Ang pagliligtas ng Diyos sa tao ay pagliligtas sa mga nagmamahal sa katotohanan, pagliligtas sa bahagi nila na may kalooban at kapasyahan, at sa bahagi nila na nananabik sa katotohanan at katarungan sa kanilang puso. Ang kapasyahan ng isang tao ay ang bahagi niya sa kanyang puso na nananabik sa katarungan, kabutihan, at katotohanan, at nagtataglay ng konsensiya. Inililigtas ng Diyos ang bahaging ito, at sa pamamagitan nito, binabago ng Diyos ang kanyang mga tiwaling disposisyon, upang maunawaan at makamit niya ang katotohanan, upang malinis ang kanyang katiwalian, at mabago ang kanyang buhay disposisyon. Kung wala sa loob mo ang mga bagay na ito, wala ka nang pag-asang maligtas. Kung sa loob mo ay walang pagmamahal sa katotohanan o pagnanais para sa katarungan at liwanag; kung sa tuwing makakatagpo ka ng masasamang bagay ay wala kang determinasyong makalaya mula sa mga ito ni kapasyahang dumanas ng paghihirap; kung, bukod dito, manhid ang iyong konsensiya, ang iyong pakultad na tumanggap ng katotohanan ay namanhid din, at hindi ka sensitibo sa katotohanan o sa mga pangyayaring dumarating; at kung sa lahat ng bagay ay hindi ka nakakakilatis, at sa harap ng anumang sumasapit sa iyo, hindi mo nagagawang hanapin ang katotohanan para sa mga resolusyon at palagi kang negatibo, kung gayon, walang paraan para maligtas ka. Ang ganitong tao ay walang anumang mabuting katangian, walang anuman na karapat-dapat sa paggawa ng Diyos. Ang kanyang konsensiya ay manhid, ang kanyang isip ay magulo, at hindi niya minamahal ang katotohanan, ni nananabik para sa katarungan sa kaibuturan ng kanyang puso. Gaano man kaliwanag o kalinaw na ipinapaliwanag ng Diyos ang katotohanan, wala siya ni katiting na reaksiyon, para bang patay na ang kanyang puso. Hindi ba’t katapusan na para sa kanya? Tulad ito ng kung paanong ang taong nasa huling hininga na niya ay maaaring masagip kung bubugahan ng hangin sa kanyang bibig, pero kung siya ay pumanaw na at lumisan na ang kanyang kaluluwa, walang magagawa iyon. Kung, kapag naharap sa mga problema at paghihirap, umuurong ang isang tao at umiiwas sa mga ito, hindi hinahanap ang katotohanan kahit kaunti, at pinipiling maging negatibo at pabaya sa kanyang gawain, kung gayon ay nabubunyag kung sino talaga siya. Ang gayong mga tao ay wala talagang patotoong batay sa karanasan. Mga palamunin lang sila, basura, walang silbi sa sambahayan ng Diyos, at ganap na mapapahamak.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi

Habang ginagawa ang Kanyang gawain ng pagliligtas, inililigtas ng Diyos ang bawat isang tao na maaaring iligtas hangga’t posible, at hindi itinatapon ang sinuman sa kanila, dahil ang layon ng gawain ng Diyos ay iligtas ang tao. Lahat sila, sa panahon ng pagliligtas ng Diyos sa tao, na hindi nagagawang magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon—pati na lahat ng hindi nagagawang lubos na magpasakop sa Diyos—ay magiging mga pakay ng kaparusahan. Ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng mga salita—ay naghahayag sa mga tao ng lahat ng daan na hindi nila nauunawaan, pati na ang mga misteryo na hindi nila nauunawaan. Nagbibigay-daan ito sa kanila na maunawaan ang mga layunin ng Diyos at mga hinihingi ng Diyos sa kanila, at na magkaroon ng mga paunang kinakailangan upang maisagawa ang mga salita ng Diyos at magkamit ng mga pagbabago sa kanilang disposisyon. Ang Diyos ay gumagamit lamang ng mga salita upang gawin ang Kanyang gawain at hindi pinarurusahan ang mga tao dahil sa pagiging medyo mapanghimagsik. Ito ay dahil ngayon na ang panahon ng gawain ng pagliligtas, at kung parurusahan ang mga tao sa tuwing mapaghimagsik sila, walang sinumang magkakaroon ng pagkakataon na maligtas, at ang lahat ay parurusahan at babagsak sa Hades. Ang layunin ng paggamit ng mga salita para hatulan ang tao ay upang tulutan ito na makilala ang sarili nito at magpasakop ito sa Diyos; hindi ito para parusahan ang tao sa gayong paghatol. Sa panahon ng gawain ng mga salita, ilalantad ng maraming tao ang kanilang paghihimagsik at paglaban, gayundin ang kanilang pagsuway at kawalan ng pagpapasakop sa Diyos na nagkatawang-tao. Gayumpaman, hindi Niya parurusahan ang lahat ng taong ito dahil dito, kundi sa halip ay itatakwil lamang iyong mga lubos na tiwali at hindi maaaring iligtas. Ibibigay Niya ang kanilang laman kay Satanas, at sa iilang sitwasyon, wawakasan ang kanilang laman. Iyong mga natira ay patuloy na susunod at mararanasang mapungusan. Kung, habang sumusunod, hindi pa rin kayang tanggapin ng mga taong ito na mapungusan, at lalong sumama nang sumama, mawawalan sila ng pagkakataong maligtas. Bawat taong tumanggap sa paglupig ng mga salita ng Diyos ay magkakaroon ng ilang pagkakataon para maligtas; sa pagliligtas ng Diyos sa bawat tao ay magiging magaan Siya sa kanila hangga’t maaari. Sa madaling salita, pakikitaan sila ng lubos na kaluwagan. Hangga’t tumatalikod ang mga tao mula sa maling landas, at hangga’t nakakapagsisi sila, bibigyan sila ng Diyos ng mga pagkakataong matanggap ang Kanyang biyayang nagliligtas. Noong unang maghimagsik ang mga tao laban sa Diyos, wala Siyang hangad na hampasin sila; sa halip, ginagawa Niya ang lahat upang iligtas sila. Kung wala talagang paraang mailigtas ang isang tao, aabandonahin siya ng Diyos. Kaya hindi madaling nagpaparusa ang Diyos sa isang tao ay dahil nais Niyang iligtas ang lahat ng maaaring iligtas. Gumagamit lang Siya ng mga salita para maghatol, magbigay-liwanag, at gumabay sa mga tao; hindi Siya gumagamit ng pamalo para hampasin sila. Ang paggamit ng mga salita upang iligtas ang mga tao ay ang layon at kabuluhan ng huling yugto ng gawain.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Mong Bitiwan ang mga Pagpapala ng Katayuan at Unawain ang Layunin ng Diyos na Maghatid ng Kaligtasan sa Tao

Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga matapat. Ang Diyos ay may diwa ng katapatan, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang kapintasan at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya. Kung kaya’t gusto ng Diyos ang mga lubos na matapat sa Kanya. Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, hindi pagiging huwad sa Diyos sa anumang bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang sa mga nasa itaas ninyo at maglihim sa mga nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay na pagtatangka lamang upang makuha ang pabor ng Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging hindi nahaluan ng kabulaanan sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao. Napakapayak ng sinasabi Ko, ngunit doble para sa inyo ang hirap nito. Maraming tao ang mas nanaisin pang maitapon sa impiyerno kaysa magsalita at kumilos nang matapat. Hindi kataka-takang iba ang magiging pagtrato Ko sa mga hindi matapat. Siyempre pa, alam na alam Ko kung gaano kahirap sa inyo na maging matatapat na tao. Sapagkat “napakamautak” ninyong lahat, napakahusay sa pagsukat sa puso ng mga marangal na tao batay sa sarili ninyong mababang uri na pag-iisip, ginagawa nitong mas simple ang gawain Ko. At yamang mahigpit na itinatago ng bawat isa sa inyo ang mga lihim ninyo, kung gayon, isa-isa Ko kayong ilalagay sa sakuna upang “mabigyang-leksyon” ng apoy, nang sa gayon pagkatapos nito ay maging determinado kayong maniwala sa mga salita Ko. Sa huli, hihilahin Ko mula sa mga bibig ninyo ang mga salitang “Ang Diyos ay tapat na Diyos,” pagkatapos ay hahampasin ninyo ang mga dibdib ninyo at mananaghoy na, “Masyadong mapanlinlang ang puso ng tao!” Ano ang magiging kalagayan ng isip ninyo sa oras na ito? Tiyak na hindi kayo madadala ng pagmamalaki tulad ngayon! At lalong hindi kayo magiging “kasinglalim at kasinghirap unawain” na tulad ninyo ngayon. Sa presensiya ng Diyos, maayos at wastong kumikilos ang ilang tao, at labis na “maayos ang asal,” subalit inilalabas nila ang mga pangil nila at iwinawasiwas ang mga kuko nila sa presensiya ng Espiritu. Ibibilang ba ninyo ang gayong mga tao sa hanay ng mga matapat? Kung isa kang mapagpaimbabaw, isang taong bihasa sa “pakikipagkapwa,” sinasabi Kong tiyak na isa kang taong nagtatangkang paglaruan ang Diyos. Kung puno ng mga palusot at mga walang halagang pangangatwiran ang mga salita mo, sinasabi Kong isa kang taong ayaw na ayaw isagawa ang katotohanan. Kung marami kang pribadong usapin na nahihiya kang talakayin, kung tutol na tutol kang magtapat tungkol sa mga lihim mo—ang mga suliranin mo—sa harap ng iba upang hanapin ang daan ng liwanag, sinasabi Kong isa kang taong labis na mahihirapan na matamo ang kaligtasan, at mahihirapan na makaahon mula sa kadiliman. Kung talagang kinalulugdan mo ang paghahanap sa daan ng katotohanan, isa kang taong palaging nananahan sa liwanag. Kung lubha kang nagagalak na maging isang tagapagserbisyo sa sambahayan ng Diyos, gumagawa nang masipag at maingat kahit hindi napapansin, palaging nagbibigay at hindi kailanman kumukuha, sinasabi Kong isa kang tapat na banal, sapagkat hindi ka naghahanap ng bayad at isa ka lamang matapat na tao. Kung handa kang maging prangka, kung handa kang gugulin ang lahat-lahat mo, kung magagawa mong isakripisyo ang buhay mo para sa Diyos at manindigan sa patotoo mo, kung ikaw ay matapat hanggang sa puntong ang alam mo lamang ay bigyang-kasiyahan ang Diyos at hindi isaalang-alang ang iyong sarili o kumuha para sa sarili, sinasabi Ko na ang mga taong tulad mo ay ang mga inaaruga sa liwanag at siyang mabubuhay magpakailanman sa kaharian. Dapat mong malaman kung mayroong totoong pananalig at totoong katapatan sa loob mo, kung may tala ka ng pagdurusa para sa Diyos, at kung mayroon kang ganap na pagpapasakop sa Diyos. Kung hindi mo taglay ang mga ito, nananatili sa loob mo ang paghihimagsik, panlilinlang, pagkasakim, at pagrereklamo. Dahil hindi matapat ang puso mo, hindi ka kailanman pinahalagahan ng Diyos at hindi ka kailanman namuhay sa liwanag. Kung ano ang kahihinatnan ng tadhana ng isang tao ay nakasalalay sa kung mayroon siyang pusong matapat at kasimpula ng dugo, at kung may dalisay siyang kaluluwa. Kung isa kang taong lubhang hindi matapat, isang taong may pusong puno ng kapinsalaan, isang taong marumi ang kaluluwa, tiyak na hahantong ka sa lugar kung saan pinarurusahan ang tao, tulad ng nakasulat sa talaan ng iyong tadhana.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala

Inililigtas ng Diyos ang mga taong nagawang tiwali ni Satanas at may mga tiwaling disposisyon, hindi mga perpektong taong walang anumang mga kapintasan o iyong mga namumuhay nang hiwalay sa realidad ng buhay. Ang ilang tao, pagkabunyag ng kaunting katiwalian, ay iniisip na, “Nilabanan ko na naman ang Diyos. Nananampalataya ako sa Diyos nang maraming taon at hindi pa rin ako nagbabago. Siguradong hindi na ako gusto ng Diyos!” Pagkatapos ay nasasadlak sila sa kawalan ng pag-asa at ayaw na nilang magsikap tungo sa katotohanan. Ano ang tingin mo sa saloobing ito? Sila mismo ay sumuko na sa katotohanan nang hindi man lang hinahanap ang mga layunin ng Diyos, pero naniniwala sila na ayaw na sa kanila ng Diyos. Hindi ba’t ito ay maling pagkaunawa sa Diyos? Ang gayong pagkanegatibo ang pinakamadaling paraan para mapagsamantalahan ni Satanas. Tinutuya sila ni Satanas, sinasabing, “Hangal ka! Inililigtas ka ng Diyos, ngunit nagdurusa ka pa rin nang ganito! Kaya, sumuko ka na lang! Kung susuko ka, ititiwalag ka ng Diyos, na katulad lang ng pagbibigay Niya sa iyo sa akin. Pahihirapan kita hanggang kamatayan!” Kung magtagumpay si Satanas, magiging kahila-hilakbot ang mga kahihinatnan. Dahil dito, anuman ang mga paghihirap o pagkanegatibo na kinakaharap ng isang tao, hindi siya dapat sumuko. Dapat niyang hanapin ang katotohanan para sa mga solusyon, at hindi siya dapat pasibong maghintay. Sa panahon kung kailan inililigtas ang isang tao—ibig sabihin, ang panahon kung kailan lumalago ang kanyang buhay—magpapakita siya ng mga kalagayan at pagpapamalas ng kawalang-gulang sa buhay. Kung minsan ay maaari siyang maging mahina o negatibo, magsabi ng maling bagay, madapa, makaranas ng mga kabiguan at balakid, o kung minsan ay lumihis pa nga at tumahak sa maling landas. Ang lahat ng ito ay normal sa mga mata ng Diyos. Hindi Niya ito kinikimkim laban sa kanya. Iniisip ng ilang tao na masyadong malalim ang kanilang katiwalian, at na hindi nila kailanman mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, kaya’t nababagabag sila at kinamumuhian nila ang kanilang sarili. Ang mga may pusong nagsisisi na tulad nito ay ang mismong mga taong inililigtas ng Diyos. Sa kabilang banda, ang mga naniniwalang hindi nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos, na nag-iisip na sila ay mabubuting tao at walang mali sa kanila, ay kadalasang hindi ang mga inililigtas ng Diyos. Ano ang ipinaparating Ko sa inyo rito? Magsalita ang sinumang nakauunawa. (Kailangan naming maayos na pangasiwaan ang mga pagbubunyag namin ng katiwalian at tumuon sa pagsasagawa sa katotohanan, at matatamo namin ang pagliligtas ng Diyos. Kung palagi kaming magkakamali ng pagkaunawa sa Diyos at magkakaroon ng mga kuru-kuro, madali kaming magiging negatibo at masasadlak sa kawalan ng pag-asa.) Dapat kang magkaroon ng pananalig at sabihing, “Kahit na mahina ako ngayon, at nadapa at nabigo ako, lalago ako, at balang-araw ay mauunawaan ko ang katotohanan, mabibigyang-kasiyahan ang Diyos, at matatamo ang kaligtasan.” Dapat kang magkaroon ng ganitong determinasyon. Anuman ang mga balakid, paghihirap, pagkabigo, o pagbagsak na iyong mararanasan, hindi ka dapat maging negatibo. Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang inililigtas ng Diyos. Higit pa rito, kung sa tingin mo ay hindi ka pa kalipikadong iligtas ng Diyos, o kung may mga pagkakataon kung saan nasa mga kalagayan ka na kinasusuklaman o hindi kinalulugdan ng Diyos, o kung may panahon na umasal ka nang labis na hindi maganda, at itinaboy ka ng Diyos, hindi ito problema. Ngayon ay alam mo na, at hindi pa huli ang lahat. Hangga’t nagsisisi ka, bibigyan ka ng pagkakataon ng Diyos.

—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pananampalataya sa Diyos, ang Pinakamahalaga ay Isagawa at Danasin ang Kanyang mga Salita

Alam mo ba talaga ngayon kung bakit ka dapat manampalataya sa Akin? Alam mo ba talaga ang layunin at kabuluhan ng Aking gawain? Alam mo ba talaga ang iyong tungkulin? Alam mo ba talaga kung ano ang Aking patotoo? Kung nananampalataya ka lamang sa Akin, ngunit walang tanda ng Aking kaluwalhatian o patotoo sa iyo, isa kang tao na matagal Ko nang itiniwalag. Para sa mga nakakaunawa sa lahat ng bagay, sila ay lalo pang mga tinik sa Aking mata, at sa Aking sambahayan, mga balakid lamang sila sa Aking daan, sila ay mga panirang damo na ganap na tatahipin paalis sa Aking gawain, at wala silang anumang silbi, walang anumang halaga, at matagal Ko na silang kinasusuklaman. Tungkol naman sa lahat ng walang anumang patotoo, ang Aking galit ay palaging nasa kanila, at hindi sila kailanman iniiwan ng Aking pamalo. Matagal Ko na silang ibinigay sa mga kamay ng masama; ganap silang pinagkaitan ng Aking mga pagpapala. Kapag dumating ang araw, ang kanilang pagkastigo ay magiging mas mabigat pa kaysa sa pagkastigo sa mga hangal at matitigas ang ulong babae. Ngayon, ginagawa Ko lang ang gawaing tungkulin Kong gawin, pinagbubungkos-bungkos ang lahat ng trigo, kasama ang mga panirang damo na iyon. Ito ang Aking gawain ngayon. Kapag nagtatahip Ako, tatahipin Ko ang lahat ng panirang damong ito; pagkatapos, iipunin Ko ang mga butil ng trigo sa kamalig at ilalagay sa apoy ang mga panirang damo na natahip na upang sunugin hanggang maging abo. Ang Aking gawain ngayon ay bigkisin lamang ang lahat ng tao nang tungkos-tungkos; ibig sabihin, ganap na lupigin sila. Saka Ko sisimulan ang pagtatahip upang ibunyag ang mga kinalabasan ng lahat ng tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa “Pananampalataya,” Ano ang Iyong Pagkaunawa?

Ang mga taong tunay na nananampalataya sa Diyos ay iyong mga handang isagawa ang salita ng Diyos at handang isagawa ang katotohanan. Ang mga taong tunay na nagagawang manindigan sa kanilang patotoo sa Diyos ay iyon ding mga handang isagawa ang Kanyang salita at talagang kayang pumanig sa katotohanan. Ang mga taong nakikibahagi sa mga baliko at di-matuwid na pagsasagawa ay pawang walang katotohanan, at nagbibigay-kahihiyan silang lahat sa Diyos. Iyong mga nagsasanhi ng mga alitan sa iglesia ay mga alipin ni Satanas, sila ang pagsasakatawan ni Satanas. Ang gayong mga tao ay napakamapaminsala. Iyong mga taong walang pagkilatis subalit walang kakayahang pumanig sa katotohanan ay pawang mga taong nagkikimkim ng masasamang intensyon at dinudungisan ang katotohanan. Sila ay mas tipikal na mga kinatawan ni Satanas. Hindi na sila matutubos, at natural lamang na itiwalag. Hindi tinutulutan ng sambahayan ng Diyos na manatili ang mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, ni hindi nito tinutulutang manatili iyong mga sadyang gumigiba sa iglesia. Gayunman, hindi ito ang panahon para gawin ang gawain ng pagpapatalsik; ibubunyag at ititiwalag lamang ang gayong mga tao sa huli. Wala nang walang-silbing gawaing iuukol sa mga taong ito; iyong mga Satanas ay hindi kayang pumanig sa katotohanan, samantalang iyong mga naghahanap sa katotohanan ay kayang gawin ito. Ang mga tao na hindi nagsasagawa ng katotohanan ay hindi karapat-dapat na marinig ang daan ng katotohanan at hindi karapat-dapat na magpatotoo tungkol sa katotohanan. Ang katotohanan ay sadyang hindi para sa kanilang pandinig; sa halip, ito ay para sa mga nagsasagawa nito. Bago ibunyag ang kalalabasan ng bawat tao, iyong mga nanggugulo sa iglesia at nanggagambala sa gawain ay isasantabi at hahayaan muna sa ngayon. Kapag natapos na ang gawain, ibubunyag ang bawat isa sa mga taong ito, at pagkatapos ay ititiwalag sila. Sa ngayon, habang itinutustos ang mga katotohanan, hindi sila papansinin. Kapag ipinapamalas ang lahat ng katotohanan sa tao, magsisimulang itiwalag ang mga tao; iyon ang panahon kung kailan pagbubukud-bukurin ang lahat ng tao ayon sa kanilang uri. Ang maliliit na panlalansi ng mga walang pagkilatis ay hahantong sa kanilang pagkawasak sa mga kamay ng masasama; sila ay aakitin palayo ng mga ito, at hindi na makakabalik. At gayong pagtrato ang nararapat sa kanila, dahil hindi nila mahal ang katotohanan, dahil hindi nila kayang pumanig sa katotohanan, at dahil sumusunod sila sa masasamang tao, pumapanig sa masasamang tao, at nakikipagsabwatan sa masasamang tao para labanan ang Diyos. Alam na alam nila na ang ibinubunyag ng masasamang taong iyon ay kasamaan, subalit pinalalakas nila ang kanilang loob at tinatalikuran ang katotohanan para sundan ang mga ito. Hindi ba gumagawa ng kasamaan ang lahat ng taong ito na hindi nagsasagawa ng katotohanan kundi gumagawa ng nakakasira at karumal-dumal na mga bagay? Bagama’t mayroon sa kanila na kumikilos bilang mga “hari” at iba na sumusunod sa kanila, hindi ba’t pareho ang kalikasan nila ng paglaban sa Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi sila inililigtas ng Diyos? Ano ang ikakatwiran nila para sabihin na hindi matuwid ang Diyos? Hindi ba ang sarili nilang kasamaan ang lumilipol sa kanila? Hindi ba ang sarili nilang paghihimagsik ang humahatak sa kanila pababa sa impiyerno? Ang mga taong nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maliligtas at gagawing perpekto dahil sa katotohanan. Iyong mga hindi nagsasagawa ng katotohanan, sa bandang huli, ay maghahatid ng pagkawasak sa kanilang sarili dahil sa katotohanan. Ang mga ito ang mga kalalabasan na naghihintay sa mga nagsasagawa at hindi nagsasagawa ng katotohanan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Lahat ng mga hindi naghahanap ng pagpapasakop sa Diyos sa pananalig nila ay mga taong lumalaban sa Diyos. Hinihingi ng Diyos na hanapin ng tao ang katotohanan, mauhaw sa mga salita Niya, kainin at inumin ang mga salita Niya, at isagawa ang mga ito, lahat ito ay upang makamit niya ang pagpapasakop sa Diyos. Kung iyon ang tunay mong intensiyon, tiyak na itataas ka ng Diyos, at tiyak na magiging mapagbiyaya Siya sa iyo. Ito ay hindi mapagdududahan at hindi mababago. Kung ang intensiyon mo ay hindi magpasakop sa Diyos, at mayroon kang ibang mga pakay, lahat ng sinasabi at ginagawa mo—maging ang mga panalangin mo sa harap ng Diyos, at higit pa nga rito, ang bawat kilos mo—ay magiging paglaban sa Kanya. Kahit na ang mga salita mo ay malumanay at ikaw ay banayad, kahit na ang bawat kilos at ekspresyon mo ay tila wasto para sa iba, na para bang isa kang mapagpasakop na tao, pagdating sa mga intensiyon mo at sa mga pananaw mo tungkol sa pananalig sa Diyos, ang bawat kilos mo ay paglaban sa Diyos, ito ay paggawa ng kasamaan. Ang mga taong mukhang masunurin na parang mga tupa, ngunit may masasamang intensiyon sa puso, ay mga lobong nakadamit-tupa, at ang mga tuwirang gumagawa ng pagkakasala laban sa Diyos. Hindi palalampasin ng Diyos ang kahit isa sa kanila, at ihahayag ng Banal na Espiritu ang bawat isa sa kanila. Makikita ng lahat na ang lahat ng mapagpaimbabaw ay tiyak na itataboy ng Banal na Espiritu. Huwag mainip: Papanagutin at iwawaksi ng Diyos ang bawat isa sa kanila nang sunod-sunod.

Kung hindi mo nagagawang tanggapin ang bagong liwanag mula sa Diyos, at hindi ka naghahanap kapag hindi mo malinaw na makita kung ano ang ginagawa ng Diyos ngayon, at pinagdududahan mo ito, hinuhusgahan ito, o sinisiyasat at sinusuri ito, ikaw ay hindi isang taong may pagnanais na magpasakop sa Diyos. Kung, kapag nagpapakita ang kasalukuyang liwanag, pinahahalagahan mo pa rin ang liwanag ng kahapon at lumalaban sa bagong gawain ng Diyos, ikaw ay walang iba kundi isang baligho—isa ka sa yaong mga sinasadyang lumaban sa Diyos. Ang susi sa pagpapasakop sa Diyos ay ang pagtanggap sa pinakabagong liwanag, at ang magawang tanggapin ito at isagawa ito. Ito lang ang tunay na pagpapasakop. Yaong mga walang determinasyon na manabik sa Diyos ay walang kakayahang sadyang magpasakop sa Kanya, at maaari lamang lumaban sa Diyos bilang kinalabasan ng pagkakontento nila sa kasalukuyang kalagayan. Hindi kayang magpasakop ng tao sa Diyos dahil hawak siya ng dating mga bagay. Ang mga dating bagay ay nakabuo sa loob ng tao ng kung ano-anong uri ng mga kuru-kuro at iba’t ibang imahinasyon tungkol sa Diyos, at ang mga ito ang naging wangis ng diyos sa isipan niya. Sa gayon, ang pinaniniwalaan niya ay ang sarili niyang mga kuru-kuro, at ang mga pamantayan ng sarili niyang imahinasyon. Kung susukatin mo ang Diyos na gumagawa ng praktikal na gawain ngayon sa diyos ng sarili mong imahinasyon, nagmumula kay Satanas ang pananalig mo, at batay sa mga sarili mong kagustuhan—hindi nais ng Diyos ang ganitong uri ng pananalig. Gaano man katayog ang mga kredensyal nila, at gaano man kalaki ang kanilang mga paggugol—kahit na gumugol na sila ng habambuhay na pagsisikap sa paggawa para sa Kanya, at humantong pa nga sa pagpapakamartir—hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang sinumang may ganitong pananalig. Ipinagkakaloob lamang Niya sa kanila ang kaunting biyaya at hinahayaan silang tamasahin ito nang maikling panahon. Ang ganitong mga tao ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan. Hindi gumagawa ang Banal na Espiritu sa kanila, at isa-isang ititiwalag ng Diyos ang bawat isa sa kanila. Bata man o matanda, yaong mga hindi nagpapasakop sa Diyos sa pananalig nila at mayroong mga maling intensiyon ay yaong mga lumalaban at gumagambala, at walang alinlangang ititiwalag ng Diyos ang ganitong mga tao. Yaong mga taong wala ni katiting na pagpapasakop sa Diyos, na kinikilala lamang ang pangalan Niya, at mayroong kaunting pakiramdam sa pagiging malalapitan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, subalit hindi sumasabay sa mga hakbang ng Banal na Espiritu, at hindi nagpapasakop sa kasalukuyang gawain at mga salita ng Banal na Espiritu—namumuhay ang ganitong mga tao sa gitna ng biyaya ng Diyos, at hindi Niya makakamit o magagawang perpekto.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pananalig Mo sa Diyos, Dapat Kang Magpasakop sa Diyos

Dapat mong malaman kung anong uri ng mga tao ang Aking nais; iyong marurumi ay hindi pinapayagang makapasok sa kaharian, iyong marurumi ay hindi pinapayagang dungisan ang banal na lupain. Bagama’t puwedeng marami kang nagawang gawain, at gumawa ka sa loob ng maraming taon, sa huli, ikaw pa rin ay kalunos-lunos na marumi, at hindi ito katanggap-tanggap sa batas ng Langit na nais mong pumasok sa Aking kaharian! Mula sa pagkakalikha ng mundo hanggang ngayon, hindi Ako kailanman nag-alok ng gayong madaling daan patungo sa Aking kaharian para sa mga nambobola sa Akin. Ito ay isang panuntunan sa langit, at walang sinumang makababasag dito! Kailangan mong hangarin ang buhay. Ngayon, iyong mga gagawing perpekto ay kauri ni Pedro: Sila iyong mga naghahangad ng mga pagbabago sa kanilang sariling disposisyon, at handang magpatotoo sa Diyos at tuparin nang maayos ang kanilang tungkulin bilang isang nilikha. Ang ganitong mga tao lamang ang gagawing perpekto. Kung umaasa ka lang sa mga gantimpala, at hindi ka naghahangad ng pagbabago sa iyong sariling buhay disposisyon, lahat ng iyong pagsisikap ay mawawalan ng saysay—ito ay isang katotohanang hindi mababago!

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Tagumpay o Kabiguan ay Nakadepende sa Landas na Tinatahak ng Tao

Ang tao ay lubusang gagawing ganap sa Kapanahunan ng Kaharian. Pagkatapos ng gawain ng panlulupig, ang tao ay isasailalim sa pagpipino at kapighatian. Iyong mga makakapagtagumpay at makakapanindigan sa kanilang patotoo nitong panahon ng kapighatian ay iyong mga gagawing ganap sa kahuli-hulihan; sila ang mga mananagumpay. Sa panahon nitong kapighatian, hinihingi sa tao na tanggapin ang pagpipinong ito, at ang pagpipinong ito ang huling pagkakataon ng gawain ng Diyos. Ito ang huling pagkakataon na pipinuhin ang tao bago ang pagtatapos ng lahat ng gawain ng pamamahala ng Diyos, at ang lahat ng sumusunod sa Diyos ay kailangang tanggapin ang huling pagsubok na ito, at kailangan nilang tanggapin itong huling pagpipino. Iyong mga nasa gitna ng kapighatian ay walang gawain ng Banal na Espiritu at paggabay ng Diyos, ngunit iyong mga tunay na nalupig na at tunay na naghahangad sa Diyos ay makakatayo nang matatag sa kahuli-hulihan; sila iyong mga nagtataglay ng pagkatao, at mga sinserong nagmamahal sa Diyos. Kahit na ano ang gawin ng Diyos, ang mga matagumpay na ito ay hindi mawawalan ng mga pangitain at magsasagawa pa rin ng katotohanan nang hindi nawawalan ng kanilang patotoo. Sila iyong mga lalabas mula sa malaking kapighatian sa wakas. Kahit na ang mga nagraraos lang para sa pakinabang ay maaari pa ring maging palamunin ngayon, walang makatatakas sa pangwakas na kapighatian, at walang makatatakas mula sa pangwakas na pagsubok. Para sa mga nagtatagumpay, ang ganoong kapighatian ay isang matinding pagpipino; ngunit para sa mga nagraraos lang para sa pakinabang, ito ang gawain ng lubos na pagtitiwalag. Kahit paano man sila sinusubukan, ang katapatan ng mga tao, na nasa puso ang Diyos, ay nananatiling hindi nagbabago; ngunit para sa mga taong walang Diyos sa kanilang mga puso, sa sandaling ang gawain ng Diyos ay hindi kapaki-pakinabang sa kanilang laman, binabago nila ang kanilang pananaw tungkol sa Diyos, at nililisan pa ang Diyos. Ganoon ang mga hindi maninindigan sa katapusan, na naghahanap lamang ng mga pagpapala ng Diyos at walang anumang pagnanais na gumugol ng kanilang mga sarili para sa Diyos at ialay ang kanilang mga sarili sa Kanya. Ang gayong mga mababang-uri na tao ay “palalayasin” lahat kapag natapos na ang gawain ng Diyos, at hindi sila papakitaan ng awa kahit kaunti. Iyong mga walang pagkatao ay talagang hindi nagtataglay ng tunay na pagmamahal para sa Diyos. Kapag ang paligid ay komportable, o may bagay silang makakamit, sila ay lubusang masunurin sa Diyos, ngunit sa sandaling ang kanilang mga pagnanais ay napinsala o nawasak sa huli, agad silang tumitindig para maghimagsik. Kahit na pagkatapos lamang ng isang gabi, mula sa isang nakangiting, “mabuti ang loob” na tao, sila ay nagiging mukhang mabangis na berdugo, di-inaasahan na itinuturing na mortal na kaaway ang kanilang tagapagbigay ng tulong kahapon, nang walang katwiran o kadahilanan. Kung ang masasamang demonyong ito na pumapatay nang hindi kumukurap ay hindi pinapalayas, hindi ba’t sila ay magiging isang malubhang nakatagong panganib? Hindi ito ang kaso na sa sandaling ang gawain ng paglupig ay matapos na, ang gawain ng pagliligtas sa tao ay nagiging ganap na tapos. Kahit natapos na ang gawain ng paglupig, ang gawain ng pagdadalisay sa tao ay hindi pa natapos; tanging kapag ang tao ay lubusan nang dalisay, sa sandaling iyong mga sinserong nagpapasakop sa Diyos ay nagawa nang ganap, at sa sandaling iyong mga mapagpanggap na walang Diyos sa kanilang mga puso ay napaalis na, saka matatapos ang gawain. Iyong mga walang kakayahang palugurin ang Diyos sa huling yugto ng Kanyang gawain ay lubusang ititiwalag, at iyong mga itinitiwalag ay ang kauri ng mga diyablo. Ang mga walang kakayahang palugurin ang Diyos ay mapaghimagsik laban sa Diyos. Kahit na sumusunod ang mga taong ito sa Diyos ngayon, ito ay hindi nagpapatunay na sila ang mga mananatili sa wakas. Sa mga salitang “iyong mga sumusunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tatanggap ng kaligtasan,” ang kahulugan ng “sumunod” ay tumayo nang matatag sa gitna ng kapighatian. Ngayon, marami ang naniniwala na napakadaling sumunod sa Diyos, ngunit kapag ang gawain ng Diyos ay malapit nang matapos, malalaman mo ang tunay na kahulugan ng “sumunod.” Ang katunayan na kaya mo pang sumunod sa Diyos ngayon matapos kang lupigin ay hindi nagpapatunay na isa ka sa mga gagawing perpekto. Iyong mga hindi kinakayang pagtiisan ang mga pagsubok, silang mga hindi kayang maging matagumpay sa gitna ng kapighatian ay hindi makakayang tumayo nang matatag sa kahuli-hulihan, at hindi nila makakayang sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli. Ang mga sinserong sumusunod sa Diyos ay kayang matagalan ang pagsubok sa kanilang gawain, samantalang iyong mga hindi sinserong sumusunod sa Diyos ay hindi kayang matagalan ang anumang mga pagsubok ng Diyos. Sa malao’t madali, sila ay mapapalayas, habang ang mga mananagumpay ay mananatili sa kaharian. Kung ang tao ay sinsero bang naghahanap sa Diyos o hindi ay maaari lamang na matukoy sa pamamagitan ng pagsubok sa kanyang gawain, ibig sabihin, sa pamamagitan ng mga pagsubok ng Diyos, at walang kaugnayan sa mismong itinatakda ng tao. Hindi itinatakwil ng Diyos ang sinumang tao nang basta-basta; lahat ng ginagawa Niya ay lubusang makakakumbinsi sa tao. Hindi Siya gumagawa ng anumang bagay na hindi nakikita ng tao, o anumang gawain na hindi makakakumbinsi sa tao. Kung ang pananampalataya ba ng tao ay tunay o hindi ay napapatunayan ng mga katunayan at hindi maitatakda ng tao. Walang duda na ang “trigo ay hindi magiging mapanirang damo, at ang mapanirang damo ay hindi magiging trigo.” Ang lahat ng sinserong nagmamahal sa Diyos ay mananatili sa kaharian sa kahuli-hulihan, at hindi tatratuhin nang masama ng Diyos ang sinumang sinserong nagmamahal sa Kanya.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Gawain ng Diyos at ang Pagsasagawa ng Tao

Ngayon, kung naging epektibo man o hindi ang inyong paghahangad ay nasusukat sa pamamagitan ng kung ano ang kasalukuyan ninyong taglay. Ito ang ginagamit para matukoy ang inyong kalalabasan; ibig sabihin, ang inyong kinalabasan ay nabubunyag batay sa mga sakripisyo at mga bagay na nagawa ninyo. Ang inyong kalalabasan ay mabubunyag sa pamamagitan ng inyong paghahangad, inyong pananalig, at inyong nagawa. Sa inyong lahat, marami ang wala nang pag-asang mailigtas, sapagkat ngayon ang araw ng pagbubunyag ng mga kalalabasan ng mga tao, at hindi magiging magulo ang isip Ko sa Aking gawain; hindi Ko aakayin iyong mga lubos na walang pag-asang mailigtas tungo sa susunod na kapanahunan. Magkakaroon ng panahon na tapos na ang Aking gawain. Hindi Ako gagawa sa mababaho at walang espiritung mga bangkay na hindi maililigtas kahit kaunti; ngayon ang mga huling araw ng pagliligtas sa tao, at hindi Ako gagawa ng gawaing walang silbi. Huwag magreklamo laban sa Langit at lupa—darating na ang katapusan ng mundo, hindi ito maiiwasan. Umabot na ang mga bagay-bagay sa puntong ito, at wala ka nang magagawa bilang tao para pigilin ang mga ito; hindi mo mababago ang mga bagay-bagay ayon sa gusto mo. Kahapon, hindi ka nagbayad ng halaga para hangarin ang katotohanan at hindi ka naging deboto; ngayon, dumating na ang panahon, wala ka nang pag-asang mailigtas; at bukas, ititiwalag ka na, at wala nang magiging palugit para sa iyong kaligtasan. Kahit na mabait Ako at malambot ang Aking puso at ginagawa Ko ang lahat ng makakaya Ko para iligtas ka, kung hindi ka nagsisikap para sa sarili mo o nagsasaalang-alang ng sarili mo, ano ang kinalaman nito sa Akin? Iyong mga nag-iisip lamang tungkol sa kanilang laman at nagtatamasa ng kaginhawahan; iyong mga mukhang nananampalataya ngunit hindi talaga nananampalataya; iyong mga nakikilahok sa masasamang panggagamot at pangkukulam; iyong mahahalay, at bagsak ang pagkatao; iyong mga nagnanakaw ng mga alay kay Jehova at ng Kanyang mga pag-aari; iyong mga mahilig sa mga suhol; iyong mga nangangarap nang walang ginagawa na makaakyat sa langit; iyong mga hambog at palalo, na nakikipagkompetensiya lamang para sa personal na kasikatan at pakinabang; iyong mga nagkakalat ng mga salitang walang paggalang; iyong mga lumalapastangan sa Diyos Mismo; iyong mga walang ginagawa kundi husgahan at siraang-puri ang Diyos Mismo; iyong mga naggugrupo-grupo at naghahangad na magsarili; iyong mga nagtataas ng kanilang sarili nang higit pa sa pagdadakila nila sa Diyos; iyong mga walang delikadesang kabataan, mga may-edad at matatandang kalalakihan at kababaihan na nasilo sa kahalayan; iyong kalalakihan at kababaihan na nagtatamasa ng personal na kasikatan at pakinabang at naghahangad ng personal na katayuan sa gitna ng iba; iyong mga taong hindi nagsisisi na nabitag sa kasalanan—hindi ba sila, lahat sila, ay walang pag-asang maligtas? Ang kahalayan, pagiging makasalanan, masamang panggagamot, pangkukulam, lapastangang mga salita, at walang-paggalang na mga salita ay lahat talamak sa inyo; ang katotohanan at ang mga salita ng buhay ay tinatapakan sa gitna ninyo, at ang mga banal na salita ay dinudungisan sa gitna ninyo. Kayong mga Hentil, na sobra sa karumihan at paghihimagsik! Ano ang magiging kinalabasan ninyo? Paano naaatim ng mga nagmamahal sa laman, gumagawa ng pangkukulam ng laman, at nabibitag sa mahalay na kasalanan na patuloy na mabuhay! Hindi mo ba alam na ang mga taong katulad ninyo ay mga uod na walang pag-asang maligtas? Ano ang nagbigay sa inyo ng karapatang humingi ng kung anu-ano? Sa ngayon, wala ni katiting na pagbabago sa mga hindi nagmamahal sa katotohanan at nagmamahal lamang sa laman—maliligtas pa ba ang gayong mga tao? Iyong mga hindi minamahal ang daan ng buhay, mga hindi dumadakila sa Diyos at nagpapatotoo sa Kanya, mga nagpapakana alang-alang sa sarili nilang katayuan, na nagtataas ng kanilang sarili—hindi ba’t ganoon pa rin sila, kahit ngayon? Ano ang kabuluhan ng pagliligtas sa kanila? Kung maliligtas ka ay hindi depende sa kung gaano kataas ang senyoridad mo o ilang taon ka nang gumagawa, at lalo nang hindi ito depende sa kung gaano karami ang mga kredensyal mo. Bagkus, depende ito sa kung nagbunga na ang iyong paghahangad. Kailangan mong malaman na iyong mga naliligtas ay ang “mga puno” na nagbubunga, hindi ang mga puno na may malalagong dahon at saganang bulaklak subalit hindi nagbubunga. Kahit nakagugol ka na ng maraming taon sa pagpapagala-gala sa mga lansangan, ano ang halaga niyon? Nasaan ang iyong patotoo? Mas higit na kaunti ang iyong may-takot-sa-Diyos na puso kumpara sa iyong pusong nagmamahal sa iyong sarili at nahuhumaling sa iyong mahahalay na pagnanais—hindi ba’t bulok ang ganitong klase ng tao? Paano sila magiging uliran at huwaran para sa pagliligtas? Ang iyong kalikasan ay hindi na mababago, napakalaki ng paghihimagsik na iyong taglay, wala ka nang pag-asang matubos! Hindi ba’t ang gayong mga tao ang ititiwalag? Hindi ba’t ang oras na matatapos ang Aking gawain ang siyang oras ng pagdating ng huling araw mo? Napakarami Kong nagawang gawain at napakarami Kong nasambit na salita sa gitna ninyo—gaano karami nito ang tunay na nakapasok sa inyong mga tainga? Nakapagpasakop na kayo sa gaano karami nito? Kapag natapos ang Aking gawain, iyon ang magiging oras na titigil kang kontrahin Ako, na titigil kang kalabanin Ako. Habang Ako ay gumagawa, patuloy kayong kumikilos laban sa Akin; hindi kayo sumusunod sa Aking mga salita kahit kailan. Ginagawa Ko ang Aking gawain, at ginagawa mo ang iyong sariling “gawain,” gumagawa ng sarili mong munting kaharian. Kayo ay isang grupo ng mga soro at mga aso, walang ginagawa kundi kontrahin Ako! Palagi ninyong sinusubukang yakapin iyong mga naghahandog sa inyo ng kanilang buong pagmamahal—nasaan ang inyong pusong may takot? Lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang! Wala kayong pagpapasakop o pagkatakot, at lahat ng ginagawa ninyo ay mapanlinlang at lapastangan! Maliligtas ba ang ganyang klaseng tao? Ang mga lalaking seksuwal na imoral at mahalay ay palaging gustong akitin ang makikiring haliparot sa kanila para sa sarili nilang kasiyahan. Hindi Ko talaga ililigtas ang gayong sekswal na imoral na mga demonyo. Lubos Kong kinamumuhian kayong malalaswang demonyo, at ang inyong kahalayan at pagiging makiri ang magsasadlak sa inyo sa impiyerno. Ano ang masasabi ninyo para sa inyong mga sarili? Kasuklam-suklam kayong malalaswang demonyo at masasamang espiritu! Karima-rimarim kayo! Paano maliligtas ang gayong klaseng basura? Maliligtas pa rin ba sila na nabibitag sa kasalanan? Ngayon, ang inyong puso ay hindi naaakit sa katotohanang ito, sa daang ito, at sa buhay na ito. Sa halip, naaakit ito sa pagkakasala, at sa pera, katayuan, kasikatan, pakinabang, mga kasiyahan ng laman, at sa kaguwapuhan ng mga lalaki at sa pagiging mapang-akit ng mga babae. Paano kayo ginagawang kalipikado niyon na pumasok sa Aking kaharian? Ang inyong mga imahe ay higit pa kaysa sa Diyos, ang inyong katayuan ay mas mataas pa kaysa sa Diyos, huwag nang banggitin pa ang inyong prestihiyo sa gitna ng mga tao—sa katunayan, naging mga idolo kayo na sinasamba ng mga tao. Hindi ba’t naging arkanghel ang bawat isa sa inyo? Kapag naihayag na ang mga kinalabasan ng mga tao, na kung kailan din malapit nang matapos ang gawain ng pagliligtas, marami sa inyo ang magiging mga bangkay na wala nang pag-asang maligtas at kailangang itiwalag.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)

Bawat iglesia ay may mga taong nagsasanhi ng kaguluhan sa iglesia o nakakagambala sa gawain ng Diyos. Lahat sila ay mga Satanas na nakapasok sa sambahayan ng Diyos nang nakabalatkayo. Ang gayong mga tao ay lubos na mahusay umakto: Humaharap sila sa Akin nang may malaking pagpipitagan, labis-labis na nagbibigay-galang, ang mismong imahe ng mga asong galisin, at inilalaan ang kanilang “lahat-lahat” para makamtan ang sarili nilang mga intensyon—ngunit sa harap ng mga kapatid, ipinapakita nila ang kanilang pangit na panig. Kapag nakakakita sila ng mga taong nagsasagawa ng katotohanan, pinupuntirya nila ang mga ito at itinutulak sa isang tabi; kapag nakakakita sila ng mga taong mas malakas kaysa sa kanila, pinupuri at binobola nila ang mga ito. Kumikilos sila nang walang pakundangan sa loob ng iglesia. Masasabi na ang gayong “lokal na mga maton,” ang gayong “mga sipsip,” ay umiiral sa karamihan ng mga iglesia. Sama-sama silang kumikilos nang palihim, nagpapahatid ng mga kindat at lihim na senyas sa isa’t isa, at walang isa man sa kanila ang nagsasagawa ng katotohanan. Sinuman ang may pinakamaraming lason ay siyang “punong demonyo,” at sinuman ang may pinakamataas na prestihiyo ay namumuno sa kanila, at iwinawagayway ang kanilang bandila. Nanggugulo ang mga taong ito sa loob ng iglesia, nagkakalat ng pagkanegatibo, bumubulalas ng kamatayan, ginagawa ang gusto nila, sinasabi ang gusto nila, at walang sinumang nangangahas na pigilan sila. Puno sila ng mga satanikong disposisyon. Habang nagdudulot sila ng ganitong kaguluhan, pumapasok na ang atmospera ng kamatayan sa iglesia. Iyong mga nasa iglesia na nagsasagawa ng katotohanan ay tinatanggihan, hindi magawa ang lahat ng kanilang makakaya, samantalang iyong mga nanggugulo sa iglesia at nagkakalat ng kamatayan ay nagwawala sa loob—at, bukod pa riyan, karamihan sa mga tao ay sumusunod sa kanila. Ang gayong mga iglesia ay halos pinamumunuan ni Satanas, kung saan ang diyablo ang hari nila. Kung ang mga tao sa gayong mga iglesia ay hindi tumatayo at tumatanggi sa mga punong demonyo, sila rin sa malao’t madali ay mawawasak. Mula ngayon, kailangang gumawa ng mga hakbang laban sa gayong mga iglesia. Kung hindi maghahanap ang mga may kakayahang magsagawa ng kaunting katotohanan, kung gayon, bubuwagin ang iglesiang iyon. Kung walang sinuman sa isang iglesia ang handang magsagawa ng katotohanan at walang sinumang makapanindigan sa kanilang patotoo sa Diyos, dapat ay ihiwalay nang lubusan ang iglesiang iyon, at kailangang putulin ang mga koneksyon nito sa ibang mga iglesia. Tinatawag itong “paglilibing sa kamatayan”; ito ang ibig sabihin ng pagtanggi kay Satanas. Kung may ilang lokal na maton sa isang iglesia, at sinusundan sila ng “maliliit na langaw” na lubos na hindi makakilatis, at kung ang mga tao sa iglesiang ito, kahit nakita na nila ang katotohanan, ay wala pa ring kakayahang tanggihan ang mga gapos at manipulasyon ng mga maton na ito, kung gayon, ang lahat ng taong magulo ang isip na iyon ay ititiwalag sa huli. Maaaring walang nagawang anumang malaking kasamaan ang maliliit na langaw na ito, ngunit mas mapanlinlang pa sila, mas tuso pa, at lahat ng kagaya nito ay ititiwalag. Wala ni isang matitira! Iyong mga kay Satanas ay ibabalik kay Satanas, samantalang iyong mga hinirang ng Diyos ay tiyak na hahanapin ang katotohanan; naitatakda ito ng kanilang mga kalikasan. Hayaang mamatay ang lahat ng sumusunod kay Satanas! Walang habag na ipapakita sa gayong mga tao. Hayaan iyong mga naghahanap sa katotohanan na matustusan, at nawa ay masiyahan sila sa salita ng Diyos hangga’t nais nila. Ang Diyos ay matuwid; hindi Siya magpapakita ng pagkiling kaninuman. Kung ikaw ay isang diyablo, wala kang kakayahang magsagawa ng katotohanan; kung ikaw ay isang tao na naghahanap sa katotohanan, tiyak na hindi ka mabibihag ni Satanas. Walang kaduda-duda iyan.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Isang Babala sa mga Hindi Nagsasagawa ng Katotohanan

Hindi nagbubulag-bulagan o nagbibingi-bingihan ang Diyos sa mga taong lumalapastangan o kumakalaban sa Kanya, o maging sa mga naninirang-puri sa Kanya, sa mga taong sadyang bumabatikos, naninira, at nang-aalipusta sa Kanya, kundi sa halip ay mayroon Siyang isang malinaw na saloobin tungo sa kanila. Kinamumuhian Niya ang mga taong ito, at kinokondena Niya ang mga ito sa Kanyang puso. Lantaran pa Niyang ipinahahayag ang kalalabasan nila, upang malaman ng mga tao na mayroon Siyang malinaw na saloobin tungo sa mga lumalapastangan sa Kanya, at upang malaman nila kung paano Niya tutukuyin ang kanilang kalalabasan. Gayumpaman, pagkatapos sabihin ng Diyos ang mga bagay na ito, hindi halos makita ng mga tao ang katunayan ng kung paano pakikitunguhan ng Diyos ang mga taong iyon, at mahirap para sa kanila na maunawaan ang mga prinsipyo sa likod ng kinalabasan at ng hatol na ipinalabas ng Diyos sa kanila. Ibig sabihin, karaniwang hindi nakikita ng mga tao ang partikular na saloobin at mga pamamaraang mayroon ang Diyos sa pakikitungo sa kanila. May kinalaman ito sa mga prinsipyo ng Diyos sa paggawa ng mga bagay-bagay. Ginagamit ng Diyos ang paglitaw ng mga katunayan upang harapin ang masasamang gawa ng ilang tao. Ibig sabihin, hindi Niya ipinahahayag ang kanilang kasalanan at hindi Niya tinutukoy ang kanilang kalalabasan, kundi sa halip ay direktang ginagamit ang paglitaw ng mga katunayan upang ibigay ang kaparusahan at nararapat na retribusyon sa kanila. Kapag nangyari ang mga katunayang ito, ang laman ng mga tao ang magdaranas ng kaparusahan, at makikita ito ng mga tao gamit ang sarili nilang mga mata. Sa pakikitungo sa masasamang gawa ng ilang tao, sinusumpa lang sila ng Diyos gamit ang mga salita at ang galit ng Diyos ay dumarating din sa kanila, ngunit ang kaparusahan na kanilang natatanggap ay maaaring isang bagay na hindi nakikita ng mga mata ng tao. Magkagayunman, ang kalikasan ng ganitong uri ng kinalabasan ay maaaring mas malala pa kaysa sa mga kinalabasan ng maparusahan o mahampas na nakikita ng mga tao. Ito ay dahil sa ilalim ng mga kalagayan na tinukoy na ng Diyos na huwag iligtas ang ganitong uri ng tao, na huwag nang magpakita sa kanila ng habag o kaluwagan, at na huwag na silang pagkalooban pa ng mga pagkakataon, ang Kanyang saloobin tungo sa kanila ay isantabi sila. … kapag nilalabanan ng mga tao ang Diyos at sinisiraan at nilalapastangan Siya, kung ginagalit nila ang Kanyang disposisyon, o kung umaabot na sila sa hangganan ng Diyos, ang mga kahihinatnan ay hindi sukat akalain. Ang pinakamalalang kahihinatnan ay na ibibigay ng Diyos kay Satanas ang kanilang mga buhay at ang lahat ng tungkol sa kanila nang minsanan at magpakailanman. Hindi sila patatawarin magpasawalang hanggan. Nangangahulugan ito na ang taong ito ay naging pagkain na sa bibig ni Satanas, isang laruan sa kamay nito, at mula noon ay wala nang kinalaman ang Diyos sa kanila.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Ang lahat ng taong gumagawa ng masama at ang lahat ng gumagawa ng matutuwid na gawa ay, ano’t anuman, mga nilikha. Masasawi sa huli ang mga nilikha na gumagawa ng masama, at ang mga nilikha na gumagawa ng matutuwid na gawa ay mananatiling buhay. Ito ang pinakaangkop na pagsasaayos para sa dalawang uri ng mga nilikha na ito. Dahil sa kanilang paghihimagsik, hindi maitatatwa ng mga taong gumagawa ng masama na sila ay mga nilikha ng Diyos subalit binihag sila ni Satanas kung kaya’t hindi sila maililigtas. Batay sa katunayang patuloy silang mabubuhay, ang mga nilikhang gumagawa ng matutuwid na gawa ay hindi makapagtatatwang nilikha sila ng Diyos subalit tumanggap na sila ng kaligtasan matapos magawang tiwali ni Satanas. Ang mga gumagawa ng masama ay mga nilikha na mapaghimagsik laban sa Diyos; mga nilikha sila na hindi maililigtas at lubusan nang binihag ni Satanas. Mga tao rin ang mga taong gumagawa ng masama; mga tao sila na sukdulan nang nagawang tiwali, at hindi maililigtas. Bilang mga nilikha rin, nagawa na ring tiwali ang mga taong gumagawa ng matutuwid na gawa, ngunit sila ay mga taong handang iwaksi ang kanilang mga tiwaling disposisyon at nagkaroon na sila ng kakayahang magpasakop sa Diyos. Hindi umaapaw sa pagiging matuwid ang mga taong gumagawa ng matutuwid na gawa. Sa halip, sila ay mga tao na nakapagtamo na ng kaligtasan, nakapagwaksi na ng kanilang mga tiwaling disposisyon, at nakapagpasakop na sa Diyos, mga tao na maninindigan sa katapusan. Hindi sa sila ay mga tao na hindi kailanman nagawang tiwali ni Satanas. Pagkaraang matapos ang gawain ng Diyos, sa lahat ng mga nilikha, may mga masasawi at may mga mananatiling buhay. Isa itong hindi maiiwasang direksyon sa gawain ng pamamahala Niya; walang sinumang makapagtatatwa nito. Ang mga taong gumagawa ng masama ay hindi pahihintulutang manatiling buhay; yaon namang mga nagpapasakop at sumusunod sa Diyos hanggang sa katapusan ay tiyak na mananatiling buhay. Dahil ang gawaing ito ay sa pamamahala sa sangkatauhan, magkakaroon ng mga mananatili at mga ititiwalag. Ito ang iba’t ibang kalalabasan para sa iba’t ibang uri ng mga tao, at ang mga ito ang pinakaangkop na mga pagsasaayos para sa mga nilikha.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga

Nauunawaan mo na ba ngayon kung ano ang paghatol at ano ang katotohanan? Kung nauunawaan mo na, ipinapayo Ko na masunurin kang magpasakop sa pagkahatol, kung hindi ay hindi ka magkakaroon ng pagkakataon kailanman na masang-ayunan ng Diyos o madala Niya sa Kanyang kaharian. Iyong mga tumatanggap lamang ng paghatol ngunit hindi kailanman maaaring madalisay, na ibig sabihin, iyong mga nagsisitakas sa gitna ng gawain ng paghatol, ay itataboy ng Diyos magpakailanman. Ang kanilang mga kasalanan ay mas malubha, at mas marami kaysa sa mga kasalanan ng mga Pariseo, sapagkat ipinagkanulo nila ang Diyos at sila ay mga rebelde laban sa Diyos. Ang mga taong ito na hindi man lang karapat-dapat na magtrabaho ay tatanggap ng mas mabigat na kaparusahan, ng isang kaparusahan na bukod pa rito ay magpasawalang hanggan. Hindi patatawarin ng Diyos ang sinumang taksil na minsan ay nagpakita ng katapatan sa mga salita subalit ipinagkanulo Siya pagkatapos. Ang mga gayong tao ay gagantihan sa pamamagitan ng kaparusahan ng espiritu, kaluluwa, at katawan. Hindi ba’t ito mismo ay isang pagbubunyag ng matuwid na disposisyon ng Diyos? Hindi ba’t ito mismo ang layunin ng Diyos sa paghatol at pagbubunyag sa tao? Ipinapatapon ng Diyos ang lahat ng gumagawa ng lahat ng uri ng masasamang gawa sa panahon ng paghatol sa isang lugar na pinamumugaran ng masasamang espiritu, at hinahayaan Niya ang masasamang espiritung iyon na wasakin ang kanilang katawang laman ayon sa gusto ng mga ito, at ang katawan ng mga taong ito ay mangangamoy bangkay. Iyon ang nararapat na ganti sa kanila. Isinusulat ng Diyos ang bawat isa sa mga kasalanan ng mga yaong hindi tapat at huwad na mananampalataya, huwad na apostol, at huwad na manggagawa sa kanilang mga talaan, at sa tamang panahon, itinatapon Niya sila sa gitna ng maruruming espiritu, at hinahayaan ang maruruming espiritung iyon na dungisan ang kanilang buong katawan ayon sa gusto ng mga ito, at idinudulot na hindi na sila magreinkarnasyon muli kailanman at hindi na nila makitang muli ang liwanag kailanman. Ibinibilang ng Diyos sa masasama iyong mga mapagpaimbabaw na nagseserbisyo nang ilang panahon pero hindi nananatiling tapat hanggang sa huli, hinahayaan ang mga ito na malugmok kasama ang masasamang tao at bumuo ng isang grupo ng iba’t ibang masasamang loob, at sa huli, pupuksain sila ng Diyos. Isinasantabi at hindi pinapansin ng Diyos ang mga hindi kailanman naging tapat kay Cristo o hindi kailanman nag-ambag ng kanilang lakas, at pupuksain Niya silang lahat sa pagbabago ng kapanahunan. Hindi na sila iiral sa lupa, at lalong hindi sila makapapasok sa kaharian ng Diyos. Ibinibilang ng Diyos sa mga nagseserbisyo para sa mga tao Niya ang sinumang hindi kailanman naging sinsero sa Diyos, ngunit wala nang ibang mapagpipilian kundi ang pabasta-bastang harapin Siya. Iilan lamang sa mga taong iyon ang mananatiling buhay, samantalang ang karamihan ay lilipulin, kasama na ang mga taong ang pagtatrabaho ay hindi man lang pasok sa pamantayan. Sa huli, dadalhin ng Diyos sa Kanyang kaharian ang lahat ng tao na kaisa sa puso at isipan ng Diyos, ang mga tao at ang mga anak ng Diyos, at ang mga paunang itinadhana ng Diyos na maging mga pari. Sila ang kristalisasyon ng gawain ng Diyos. Iyon namang mga hindi maikaklasipika sa anumang kategoryang itinakda ng Diyos, ibibilang sila sa hanay ng mga walang pananampalataya, at tiyak na maiisip ninyo kung ano ang kanilang kalalabasan. Nasabi Ko na sa inyo ang lahat ng dapat Kong sabihin; ang landas na inyong pipiliin ay inyong sariling desisyon lamang. Ang dapat ninyong maunawaan ay ito: Ang gawain ng Diyos ay hindi kailanman naghihintay sa sinumang taong hindi nakakasabay sa Kanya, at ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nagpapakita ng awa sa sinumang tao.

—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ginagawa ni Cristo ang Gawain ng Paghatol sa Pamamagitan ng Katotohanan

Kaugnay na mga Himno

Ano ang Magiging Tadhana ng Isang Tao sa Huli?

Anong Uri ng Tao ang Hindi na Maililigtas?

Ang Sinumang Hindi Nagsasagawa sa Katotohanan ay Matitiwalag

Ang mga Pagsasaayos ng Diyos para sa mga Kalalabasan ng Lahat ng Uri ng Tao

Sinundan:  a. Saan ibinabatay ng Diyos ang Kanyang pagtatakda tungkol sa kalalabasan ng isang tao

Sumunod:  c. Bakit maaari lamang matamo ang pagliligtas ng Diyos sa pamamagitan ng pagtanggap sa paghatol ng mga huling araw

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger