Kabanata 4

Para mapatigil ang lahat ng tao sa pagiging palalo at pagkatangay matapos magbago mula sa pagiging negatibo tungo sa pagiging positibo, sa naunang kabanata ng pagbigkas ng Diyos, sa sandaling masabi ng Diyos ang Kanyang pinakamatataas na hinihingi sa Kanyang mga tao—sa sandaling masabi ng Diyos sa mga tao ang Kanyang mga layunin sa yugtong ito ng Kanyang plano ng pamamahala—binibigyan Niya sila ng pagkakataong pagnilayan ang Kanyang mga salita, upang tulungan silang magdesisyon na matugunan ang mga layunin ng Diyos sa huli. Kapag positibo ang mga kondisyon ng mga tao, nagsisimula kaagad ang Diyos na tanungin sila tungkol sa kabilang panig ng isyu. Nagtatanong Siya ng sunud-sunod na mga tanong na mahirap maunawaan ng mga tao: “Nabahiran ba ng dumi ang inyong pagmamahal sa Akin? Dalisay ba at taos-puso ang inyong katapatan sa Akin? Totoo ba ang inyong pagkakilala sa Akin? Gaano kalaki ang puwang Ko sa inyong puso?” At iba pa. Sa unang kalahati ng talatang ito, maliban sa dalawang pagsaway, lahat ng natitira ay binubuo ng mga katanungan. Ang isang partikular na tanong—“Tumagos ba sa puso ninyo ang Aking mga pagbigkas?”—ay akmang-akma. Talagang tumatagos ito sa pinakalihim na mga bagay sa kaibuturan ng puso ng mga tao, kaya hindi namamalayang itinatanong nila sa kanilang sarili: “Talaga bang ako ay tapat sa aking pagmamahal sa Diyos?” Sa kanilang puso, hindi namamalayang ginugunita ng mga tao ang kanilang nakaraang mga karanasan sa paglilingkod: Nilamon sila ng pagiging maluwag sa kanilang sarili, pagmamatuwid sa sarili, labis na pagpapahalaga sa sarili, pagiging kontento sa sarili, pagiging kampante, at kahambugan. Para silang isang malaking isdang nahuli sa isang lambat—matapos mahulog sa lambat, hindi naging madali sa kanila na magpumiglas. Bukod pa riyan, kadalasan ay wala silang kontrol, maraming beses nilang nilinlang ang normal na pagkatao ng Diyos, at inuna ang kanilang sarili sa lahat ng kanilang ginawa. Bago natawag na “mga tagapagserbisyo,” para silang bagong-silang na tigre, puno ng kasigasigan. Bagama’t medyo nakatuon ang kanilang pansin sa buhay, paminsan-minsan ay wala sa loob ang paggawa nila; gaya ng mga alipin, pabasta-basta ang pakikitungo nila sa Diyos. Noong panahong nahayag sila bilang mga tagapagserbisyo, negatibo sila, napag-iwanan, puno ng kalungkutan, nagreklamo sila tungkol sa Diyos, yuko ang ulo nila sa kapanglawan, at iba pa. Bawat hakbang ng sarili nilang kamangha-mangha at makabagbag-damdaming mga kuwento ay nananatili sa kanilang isipan. Nahihirapan pa silang matulog, at ginugugol nila ang maghapon sa pagkatuliro. Tila itiniwalag na sila ng Diyos sa ikalawang pagkakataon, nahulog sa Hades, at wala nang kakayahang tumakas. Bagamat walang ibang ginawa ang Diyos kundi magbigay ng ilang katanungan na mahirap para sa mga tao na unawain sa unang talata, basahing mabuti, ipinapakita ng mga iyon na ang layunin ng Diyos ay higit pa sa basta itanong lamang ang mga bagay na ito para lamang magtanong; nasa loob ng mga iyon ang mas malalim na antas ng kahulugan, na kailangang ipaliwanag nang mas detalyado.

Bakit minsang sinabi ng Diyos na tutal naman, ang ngayon ay ngayon, at yamang nakalipas na ang kahapon, hindi na kailangang mangulila sa nakaraan, subalit sa unang pangungusap dito, tinatanong Niya ang mga tao, at idinudulot na magbalik-tanaw sila sa kanilang nakaraan? Isipin ninyo: Bakit hinihingi ng Diyos sa mga tao na huwag nang mangulila sa nakaraan, ngunit pinagbabalik-tanaw sila sa nakaraan? May mali kaya sa mga salita ng Diyos? Mali kaya ang pinagmulan ng mga salitang ito? Natural, hindi magtatanong ang mga hindi pumapansin sa mga salita ng Diyos ng gayon kalalim na mga tanong. Ngunit sa sandaling ito, hindi na kailangang banggitin ito. Una, hayaan ninyong ipaliwanag Ko ang unang tanong sa itaas—ang “bakit.” Siyempre pa, batid ng lahat na sinabi na ng Diyos na hindi Siya sumasambit ng hungkag na mga salita. Kapag ang mga salita ay binibigkas mula sa bibig ng Diyos, may layon at kabuluhan ang mga iyon—tinatalakay nito ang sentro ng tanong. Ang pinakamalaking kapintasan ng mga tao ay ang kanilang kawalan ng kakayahang baguhin ang kanilang masasamang gawi at ang pagiging mahirap baguhin ng dati nilang kalikasan. Para tulutan ang lahat ng tao na makilala ang kanilang sarili nang mas lubusan at makatotohanan, inaakay muna sila ng Diyos sa pag-iisip sa nakaraan, nang sa gayon ay suriin nila nang mas malalim ang kanilang sarili, at sa gayon ay malalaman nila na wala ni isa sa mga salita ng Diyos ang hungkag, at na lahat ng salita ng Diyos ay natutupad sa iba’t ibang tao sa iba’t ibang antas. Noong araw, ang paraan ng pagpupungos ng Diyos sa mga tao ay nagbigay sa kanila ng kaunting pagkakilala sa Diyos at ginawang mas taos-puso ang kanilang “sinseridad” sa Diyos. Sa mga tao at sa kanilang puso, ang salitang “Diyos” ay sumasakop sa 0.1 porsiyento na puwang. Ang magkamit ng ganito kalaki ay nagpapakita na nakapagsagawa ang Diyos ng napakalaking pagliligtas. Makatwirang sabihin na ang pagsasakatuparan ng Diyos ng ganito kalaki sa grupong ito ng mga tao—isang grupong pinagsamantalahan ng malaking pulang dragon at sinakop ni Satanas—ay hindi sila nangangahas na gawin kung ano lamang ang kanilang maibigan. Iyan ay dahil imposibleng masakop ng Diyos ang isandaang porsiyento ng puso ng mga nasakop ni Satanas. Para maragdagan ang pagkakilala ng mga tao tungkol sa Diyos sa susunod na hakbang, ikinukumpara ng Diyos ang kalagayan ng mga tagapagserbisyo dati sa kalagayan ng mga tao ng Diyos sa ngayon, sa gayon ay lumilikha ng malinaw na pagkakaiba na lalong nagpaparamdam ng pagkapahiya sa mga tao. Tulad ng sabi ng Diyos, “wala kayong mapagtataguan ng inyong kahihiyan.”

Kaya, bakit Ko sinabi na ang Diyos ay hindi lamang nagtatanong ng mga bagay-bagay para lamang itanong ang mga iyon? Ang pagbabasang mabuti mula simula hanggang wakas ay nagpapakita na, bagamat hindi natukoy ng mga katanungang ibinigay ng Diyos ang lahat ng bagay, lahat ng iyon ay tumutukoy sa antas ng katapatan ng mga tao sa Diyos at sa pagkakilala sa Diyos; tumutukoy ang mga iyon, sa madaling salita, sa tunay na mga kalagayan ng mga tao, na kaawa-awa, at mahirap para sa kanila na pag-usapan ang mga iyon. Mula rito ay makikita na ang tayog ng mga tao ay napakaliit, na ang kanilang pagkakilala sa Diyos ay napakababaw, at na napakaraming pagiging hindi dalisay at napakaraming karumihan sa kanilang katapatan sa Kanya. Tulad ng sabi ng Diyos, halos lahat ng tao ay gumagawa nang wala sa loob para sa pansariling pakinabang at naroroon lamang para magparami ng bilang. Kapag sinasabi ng Diyos na, “Naniniwala ba talaga kayo na hindi kayo karapat-dapat na maging Aking mga tao?” ang tunay na kahulugan ng mga salitang ito ay na sa lahat ng tao, walang karapat-dapat na maging mga tao ng Diyos. Ngunit upang magkamit ng mas matinding epekto, ginagamit ng Diyos ang pamamaraan ng pagtatanong. Ang pamamaraang ito ay mas epektibo kaysa sa mga salita noong araw, na walang-habas na umatake, tumadtad, at pumatay sa mga tao, hanggang sa tumagos ang mga ito sa kanilang puso. Ipalagay nang may tuwirang sinabi ang Diyos na matabang at walang lasa gaya ng “Hindi kayo tapat sa Akin, at may bahid-dungis ang inyong katapatan, wala Akong ganap na puwang sa inyong puso kahit kaunti…. Iiwan Ko kayong lubhang nahihiyang ipakita ang inyong mukha, sapagkat walang sinuman sa inyo ang sapat para maging Aking mga tao.” Maaaring paghambingin ninyo ang dalawa—kung saan nananatiling pareho ang nilalaman subalit naiiba ang tono—at matutuklasan ninyo na mas epektibo ang paggamit ng tono ng pagtatanong. Kaya, ginagamit ng madunong na Diyos ang unang tono, na nagpapakita ng pagkamasining sa Kanyang pagsasalita. Hindi ito kayang gawin ng tao, kaya nga hindi nakapagtatakang sinabi ng Diyos: “Ang mga tao ay mga sisidlan lamang na Aking ginagamit. Ang tanging pagkakaiba sa pagitan nila ay na ang ilan ay aba, at ang ilan ay may malaking halaga.”

Habang patuloy tayong nagbabasa, dumarating ang mga salita ng Diyos, bawat isa ay malapit na nakaugnay sa susunod, na halos hindi binibigyan ang mga tao ng pagkakataong huminga, sapagkat hindi nagiging maluwag ang Diyos sa tao. Kapag lubos na nagsisisi ang mga tao, minsan pa silang binabalaan ng Diyos: “Kung kayo ay ganap na walang kamalayan sa mga katanungan sa itaas, sapat na ito upang ipakita na gumagawa lamang kayo nang wala sa loob para sa personal na pakinabang, na nariyan lamang kayo para magparami sa bilang, at sa panahong Aking paunang itinadhana, tiyak na ititiwalag kayo at itatapon sa walang hanggang hukay sa ikalawang pagkakataon. Ito ang Aking mga salita ng babala, at ang sinumang nagbabalewala sa mga ito ay tatamaan ng Aking paghatol, at, sa takdang panahon, ay daranas ng sakuna.” Nang mabasa ang gayong mga salita, hindi mapigilan ng mga tao na isipin noong mahulog sila sa walang hanggang hukay: May banta ng sakuna, na pinamahalaan ng mga atas administratibo ng Diyos, naghihintay sa kanila ang kanilang sariling kinalabasan, sa loob ng mahabang panahon ay nababalisa, nalulumbay, hindi mapakali, hindi mabanggit kaninuman ang kapanglawang nasa puso nila—kumpara dito, pakiramdam nila ay mas mabuti pang mawasak ang kanilang laman…. Nang umabot sa puntong ito ang kanilang pag-iisip, hindi nila mapigilang makaramdam ng kirot ng kalungkutan. Iniisip ang lagay nila noong araw, ang lagay nila ngayon, at ang magiging lagay nila bukas, tumitindi ang pagkabalisa sa kanilang puso, hindi nila namamalayan na nagsisimula silang manginig, at sa gayon ay lalo silang natatakot sa mga atas administratibo ng Diyos. Nang maisip nila na ang katagang “mga tao ng Diyos” ay maaari ding maging isang kaparaanan lang ng pagsasalita, ang tuwa sa kanilang puso ay agad na nagiging pagkabalisa. Ginagamit ng Diyos ang kanilang nakamamatay na kahinaan para hatawin sila, at sa puntong ito, sinisimulan Niya ang susunod na hakbang ng Kanyang gawain, kaya palaging napupukaw ang mga nerbiyos ng mga tao, at tumitindi ang kanilang pakiramdam na ang mga gawa ng Diyos ay di-maarok, na ang Diyos ay hindi kayang abutin, na ang Diyos ay banal at walang dungis, at na hindi sila karapat-dapat na maging mga tao ng Diyos. Dahil dito, dinodoble nila ang kanilang mga pagsisikap na paghusayin ang kanilang sarili, na hindi nangangahas na umatras.

Sumunod, para matuto ng aral ang mga tao, at makilala nila ang kanilang sarili, matakot sila sa Diyos, at mangamba sa Diyos, sinisimulan ng Diyos ang Kanyang bagong plano: “Mula sa panahon ng paglikha hanggang ngayon, marami nang taong naghimagsik laban sa Aking mga salita at sa gayon ay tinalikuran at itiniwalag ng daloy ng Aking pagbawi; sa huli, nasasawi ang kanilang katawan at itinatapon ang kanilang espiritu sa Hades, at kahit ngayon ay isinasailalim pa rin sila sa mabigat na kaparusahan. Maraming tao na ang sumunod sa Aking mga salita, ngunit sumalungat na sa Aking kaliwanagan at pagtanglaw … at ang ilan….” Ang mga ito ay tunay na mga halimbawa. Sa mga salitang ito, hindi lamang nagbibigay ang Diyos ng praktikal na babala sa lahat ng tao ng Diyos upang ipaalam sa kanila ang mga gawa ng Diyos sa lahat ng kapanahunan, kundi nagbibigay rin ng hindi direktang paglalarawan ng bahagi ng nangyayari sa espirituwal na mundo. Tinutulutan nito na malaman ng mga tao na kung maghihimagsik sila laban sa Diyos, wala itong mabuting maidudulot, at sila ay magiging walang-hanggang tatak ng kahihiyan, at magiging pagsasakatawan sila ni Satanas, at huwaran ni Satanas. Sa puso ng Diyos, ang aspetong ito ng kahulugan ay pumapangalawa lamang sa kahalagahan, sapagkat ang mga salitang ito ay nagpanginig na sa mga tao at iniwan silang hindi alam ang gagawin. Ang positibong panig nito ay na, habang nanginginig sa takot ang mga tao, nagkakaroon din sila ng ilang detalye ng espirituwal na mundo—ngunit ilan lamang, kaya kailangan Kong magpaliwanag nang kaunti. Mula sa tarangkahan ng espirituwal na mundo ay makikita na mayroong lahat ng klase ng espiritu. Gayunman, ang ilan ay nasa Hades, ang ilan ay nasa impiyerno, ang ilan ay nasa lawa ng apoy, at ang ilan ay nasa walang hanggang hukay. Mayroon pa Akong idaragdag dito. Sa panlabas na pananalita, maaaring hatiin ang mga espiritung ito ayon sa lugar; gayunman, sa partikular na pananalita, ang ilan ay tuwirang pinamamahalaan ng pagkastigo ng Diyos sa gitna ng pagkastigong ito, at ang ilan ay nasa pagkaalipin kay Satanas, na ginagamit ng Diyos. Mas partikular pa, nag-iiba ang pagkastigo sa kanila ayon sa tindi ng kanilang sirkumstansiya. Sa puntong ito, magpapaliwanag pa Ako nang kaunti. Yaong mga tuwirang kinakastigo ng kamay ng Diyos ay walang espiritu sa lupa, na ibig sabihin ay wala silang pagkakataong isilang na muli. Ang mga espiritu sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas—ang mga kaaway na tinutukoy ng Diyos kapag sinasabi Niyang “naging Aking mga kaaway”—ay konektado sa mga makalupang usapin. Ang sari-saring masasamang espiritu sa lupa ay pawang mga kaaway ng Diyos, mga alipin ni Satanas, at umiiral sila para magserbisyo, upang sila ay maging mga hambingan para sa mga gawa ng Diyos. Sa gayon, sinasabi ng Diyos, “Hindi lamang binihag ni Satanas ang mga taong ito, kundi naging mga walang-hanggang makasalanan at naging Aking mga kaaway, at tuwiran nila Akong kinakalaban.” Sumunod, sinasabi ng Diyos sa mga tao kung anong uri ng kinalabasan ang mayroon para sa ganitong uri ng espiritu: “Sila ang mga pakay ng Aking paghatol sa kasukdulan ng Aking poot.” Nililinaw din ng Diyos ang kanilang kasalukuyang mga kalagayan: “Ngayon ay bulag pa rin sila, nasa loob pa rin ng madidilim na piitan.”

Para ipakita sa mga tao ang pagiging totoo ng mga salita ng Diyos, gumagamit ang Diyos ng tunay na halimbawa bilang katibayan (ang sitwasyon ni Pablo na Kanyang binabanggit) kaya nag-iiwan ng mas malalim na impresyon ang Kanyang babala sa mga tao. Para pigilan ang mga tao na ituring na isang kuwento ang sinasabi tungkol kay Pablo, at hadlangan sila sa pag-iisip na mga manonood lamang sila—at, bukod pa riyan, para pigilan silang ipagmayabang ang mga gawa ng mga taong namuhay libo-libong taon na ang nakararaan na nalaman nila mula sa Diyos—hindi nakatutok ang pansin ng Diyos sa mga karanasan ni Pablo sa buong buhay nito. Sa halip, nakatuon ang Diyos sa mga kahihinatnan para kay Pablo at sa kung anong uri ng kinalabasan ang kinaharap nito, ang dahilan kaya kinalaban ni Pablo ang Diyos, at kung paano nagwakas si Pablo sa paraang nangyari sa kanya. Ang pinagtutuunan ng Diyos ay kung paano, sa huli, Niya mariing tinanggihan ang mga inaasam-asam ni Pablo, at direktang inilantad ang kondisyon ni Pablo sa espirituwal na mundo: “Tuwirang kinakastigo ng Diyos si Pablo.” Dahil manhid ang mga tao at walang kakayahang maarok ang anuman sa mga salita ng Diyos, nagdaragdag ng isang paliwanag ang Diyos (ang sumunod na bahagi ng pagbigkas), at nagsisimulang magsalita tungkol sa isyung nauugnay sa ibang aspeto: “Sinumang kumakalaban sa Akin (sa pagkalaban hindi lamang sa Aking katawang-tao kundi ang mas mahalaga, sa Aking mga salita at Aking Espiritu—na ibig sabihin, sa Aking pagka-Diyos), ay tumatanggap ng Aking paghatol sa kanilang laman.” Sa panlabas na pananalita, bagama’t tila walang kaugnayan ang mga salitang ito sa mga nabanggit sa itaas at walang lumilitaw na anumang pagkakaugnay sa pagitan ng dalawa, huwag mag-alala: May sariling mga layon ang Diyos. Ang mga simpleng salitang “ang halimbawa sa itaas ay nagpapatunay na” ay likas na pinagsasama ang dalawang tila hindi magkaugnay na mga isyu—ito mismo ang pagiging matalino ng mga salita ng Diyos. Sa gayon, naliliwanagan ang mga tao sa pamamagitan ng salaysay tungkol kay Pablo, kaya nga, dahil sa koneksyon sa pagitan ng naunang teksto at ng sumusunod na teksto, sa pamamagitan ng aral na naibigay ni Pablo, nagsisikap sila na lalo pang makilala ang Diyos, na siyang epekto mismo na nais makamtan ng Diyos sa pagsambit sa mga salitang iyon. Sumunod, nagsasalita ang Diyos ng ilang salitang nagbibigay ng tulong at kaliwanagan para sa buhay pagpasok ng mga tao. Hindi Ko na kailangang banggitin ito; madarama mo na madaling maunawaan ang mga bagay na ito. Ang kailangan Kong ipaliwanag, gayunman, ay kapag sinasabi ng Diyos na, “Nang gumawa Ako sa Aking normal na pagkatao, karamihan sa mga tao ay 'nakipagtunggali' sa Aking poot at pagiging kapita-pitagan, at mayroon nang kaunting pagkakilala sa Aking karunungan at disposisyon. Ngayon, tuwiran Akong nagsasalita at kumikilos sa pagka-Diyos, at mayroon pa ring ilang tao na makikita ang Aking poot at paghatol sa sarili nilang mga mata; bukod pa riyan, ang pangunahing gawain ng ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol ay ang tuwirang ipaalam sa lahat ng Aking tao ang Aking mga gawa sa katawang-tao, at tuwirang idulot na makita ninyong lahat ang Aking disposisyon.” Tinatapos ng ilang salitang ito ang gawain ng Diyos sa normal na pagkatao at opisyal na sinisimulan ang ikalawang bahagi ng gawain ng Diyos sa panahon ng paghatol, na isinasagawa sa pagka-Diyos, at hinuhulaan ang kinalabasan ng isang grupo ng mga tao. Sa puntong ito, nararapat ipaliwanag na hindi sinabi ng Diyos sa mga tao na ito ang ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol nang sila ay maging mga tao ng Diyos. Sa halip, ipinaliliwanag lamang Niya na ito ang ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol matapos sabihin sa mga tao ang mga layunin ng Diyos sa yugtong ito at ang mga layon na nais makamit ng Diyos sa panahong ito, at ang huling hakbang ng gawain ng Diyos sa lupa. Hindi na kailangang sabihin na mayroon ding karunungan ng Diyos dito. Kapag kababangon pa lamang ng mga tao mula sa kanilang pagkaratay sa karamdaman, ang tanging bagay na may pakialam sila ay kung mamamatay ba sila o hindi, o kung maaari bang maalis sa kanilang katawan ang kanilang karamdaman o hindi. Hindi nila pinapansin kung tataba ba sila, o kung magbibihis sila ng tamang damit. Kaya, kapag lubusang naniniwala ang mga tao na sila ay mga tao ng Diyos, saka lamang sinasabi ng Diyos ang Kanyang mga hinihingi, sa paisa-isang hakbang, at sinasabi sa mga tao kung nasa anong panahon sila ngayon. Iyan ay dahil pagkatapos ng ilang araw ng paggaling, saka lamang nagsisimulang magkaroon ng lakas ang mga tao na magkainteres sa mga hakbang ng pamamahala ng Diyos, at kaya ito ang pinakaakmang sandali para sabihin sa kanila. Matapos makaunawa ang mga tao, saka lamang sila nagsisimulang manuri: Yamang ito ang ikalawang bahagi ng panahon ng paghatol, naging mas mahigpit ang mga hinihingi ng Diyos, at naging isa na ako sa mga tao ng Diyos. Tamang manuri nang gayon, at ito ang paraan ng pagsuring kayang matamo ng tao; kaya ginagamit ng Diyos ang pamamaraang ito ng pagsasalita.

Kapag nakakaunawa na nang kaunti ang mga tao, minsan pang pumapasok ang Diyos sa espirituwal na mundo upang magsalita, kaya nga minsan pa silang nahuhulog sa bitag. Sa magkakasunod na tanong na ito, lahat ay nagkakamot ng kanilang ulo, nalilito, hindi alam kung saan naroroon ang layon ng Diyos, hindi alam kung alin sa mga katanungan ng Diyos ang sasagutin, lalong hindi alam kung anong salita ang gagamitin para sagutin ang mga katanungan ng Diyos. Nag-iisip ang tao kung tatawa ba o iiyak. Sa mga tao, tila ang mga salitang ito ay parang maaaring maglaman ng napakalalalim na hiwaga—ngunit kabaligtaran mismo ang katunayan. Makabubuting magdagdag Ako ng kaunting paliwanag para sa iyo rito—pagpapahingahin nito ang utak mo, at madarama mo na ito ay isang simpleng bagay at hindi mo na ito iisipin pa. Sa katunayan, bagama’t maraming salita, naglalaman lamang ang mga iyon ng isang layunin ng Diyos: makamit ang katapatan ng mga tao sa pamamagitan ng mga katanungang ito. Ngunit hindi angkop sabihin pa ito nang tuwiran, kaya minsan pang gumagamit ang Diyos ng mga katanungan. Gayunman, ang tonong Kanyang ginagamit sa pagsasalita ay napakabanayad, hindi talaga katulad noong simula. Bagama’t tinatanong sila ng Diyos, ang klaseng ito ng pagkakaiba ay naghahatid ng kaunting ginhawa sa mga tao. Makabubuti pang basahin mo ang bawat tanong nang isa-isa; hindi ba madalas tukuyin ang mga bagay na ito noong araw? Sa ilang simpleng katanungang ito, lubos na masagana ang mga kasamang nilalaman. Ang ilan ay isang paglalarawan ng mentalidad ng mga tao: “Handa ba kayong tamasahin ang buhay sa lupa na katulad ng nasa langit?” Ang ilan ay “panunumpa ng mandirigma” ng mga tao na ginagawa nila sa harap ng Diyos: “Kaya ba talaga ninyong tulutan ang inyong sarili na mapatay Ko, at maakay Ko, gaya ng isang tupa?” At ang ilan sa mga iyon ay ang mga hinihingi ng Diyos sa tao: “Kung hindi Ako nagsalita nang tuwiran, tatalikuran mo kaya ang lahat ng bagay na panlabas sa iyo at tutulutan ang iyong sarili na gamitin Ko? Hindi ba ito ang realidad na Aking hinihingi? …” Kasama rin sa mga iyon ang mga panghihikayat at pagpapanatag ng Diyos para sa tao: “Subalit hinihingi Ko na huwag na kayong mabigatan pa sa mga pagdududa, na magkaroon kayo ng positibong pagharap sa inyong pagpasok at arukin ang pinakamalalalim na kalaliman ng Aking mga salita, upang hindi kayo magkamali sa pag-unawa sa Aking mga salita, at malabuan sa ibig Kong sabihin, at sa gayon ay lumabag sa Aking mga atas administratibo.” Sa huli, nagsasalita ang Diyos tungkol sa Kanyang mga inaasam para sa tao: “Umaasa Ako na maaarok ninyo ang Aking mga layunin para sa inyo sa Aking mga salita. Huwag na ninyong isipin pa ang sarili ninyong kinabukasan, at kumilos kayo ayon sa inyong matibay na pagpapasya sa Aking harapan na hayaan ang Diyos na pamatnugutan kayo sa lahat ng bagay.” Ang huling katanungan ay may malalim na kahulugan. Pinag-iisip nito ang tao, tumitimo ito sa puso ng mga tao at mahirap kalimutan, walang-tigil na umaalingawngaw, gaya ng isang kampanang malapit sa kanilang mga tainga …

Ang nasa itaas ay ilan sa mga salita ng paliwanag para magamit mo bilang sanggunian.

Sinundan:  Kabanata 3

Sumunod:  Kabanata 5

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger