Napakahalagang Maunawaan ang Disposisyon ng Diyos
Maraming bagay ang inaasahan Kong matamo ninyo, pero hindi lahat ng kilos ninyo, hindi lahat ng tungkol sa mga buhay ninyo, ay nakatutupad sa hinihingi Ko, kaya wala Akong magagawa kundi ang dumiretso sa punto at ipaliwanag sa inyo ang mga layunin Ko. Yamang mahina ang abilidad ninyong tumukoy ng mga bagay-bagay, pati na rin ang abilidad ninyong magpahalaga sa mga bagay-bagay, halos ganap kayong mangmang sa disposisyon at diwa Ko—at kaya kailangang-kailangan Ko nang ipagbigay-alam sa inyo ang tungkol sa mga ito. Gaano man karami ang naunawaan ninyo noon, nais man ninyo o hindi na maunawaan ang mga isyung ito, dapat Ko pa ring ipaliwanag nang detalyado sa inyo ang mga ito. Ang mga isyung ito ay hindi masyadong bago sa inyo, gayumpaman ay labis na kulang kayo sa pagkaunawa, sa pagiging pamilyar, sa kahulugang nasa loob ng mga ito. Marami sa inyo ang mayroon lamang kaunti at malabong pagkaunawa, at bahagya at hindi pa nga kumpleto kung tutuusin. Upang matulungan kayong maisagawa nang mas mabuti ang katotohanan—na maisagawa nang mas mabuti ang Aking mga salita—sa tingin Ko, ito ang mga isyung dapat ninyong malaman nang unang-una sa lahat. Kung hindi, ang pananalig ninyo ay mananatiling malabo, mapagpaimbabaw, at puno ng mga panlabas na anyo ng relihiyon. Kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, magiging imposible para sa iyo na gawin ang gawain na dapat mong gawin para sa Kanya. Kung hindi mo alam ang diwa ng Diyos, magiging imposible para sa iyo na magkaroon ng takot at pangamba sa Kanya; sa halip, magkakaroon lamang ng kaswal na pagpapabaya at kasinungalingan, at higit pa nga roon, ng hindi na maiwawastong kalapastanganan. Bagama’t talagang mahalagang maunawaan ang disposisyon ng Diyos, at ang pag-alam sa diwa ng Diyos ay hindi maaaring makaligtaan, walang sinuman ang kailanman ay seryosong nagsuri o nagsaliksik sa mga isyung ito. Malinaw na makikita na tinanggal na ninyong lahat ang mga atas administratibong inilabas Ko. Kung hindi ninyo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, napakalaki ng posibilidad na masalungat ninyo ang disposisyon Niya. Ang pagsalungat sa disposisyon Niya ay katumbas ng pagpukaw sa galit ng Diyos Mismo, at sa ganitong kaso, ang magiging kahuli-hulihang bunga ng mga kilos mo ay ang paglabag sa mga atas administratibo. Ngayon ay dapat mong mapagtanto na kapag nakikilala mo ang diwa ng Diyos ay mauunawaan mo rin ang Kanyang disposisyon—at kapag nauunawaan mo ang Kanyang disposisyon, mauunawaan mo rin ang mga atas administratibo. Hindi na kailangan pang sabihin na ang karamihan ng napapaloob sa mga atas administratibo ay may kaugnayan sa disposisyon ng Diyos, ngunit hindi lahat ng disposisyon Niya ay ipinapahayag sa mga atas administratibo; kaya, dapat ninyong pagbutihin pa ang pagpapaunlad ng pagkaunawa ninyo sa disposisyon ng Diyos.
Nakikipag-usap Ako sa inyo ngayon na hindi tulad ng sa karaniwang pakikipag-usap, kaya nararapat ninyong maingat na pag-aralan ang Aking mga salita, at higit pa roon ay mas pagnilayan pa ang mga ito. Ang ibig Kong sabihin dito ay napakaliit ng ginugol ninyong sigasig para sa mga salitang sinabi Ko. Lalo pa ngang hindi kayo handang higit na pagnilayan ang disposisyon ng Diyos; bihirang mayroong sinumang nagsisikap para dito. Dahil dito sinasabi Kong ang pananampalataya ninyo ay wala nang iba pa kundi mabulaklak na pananalita. Kahit ngayon, wala ni isa man lang sa inyo ang nag-ukol ng anumang mataimtim na pagsisikap sa mga pinakanakapagpapabagsak na kahinaan ninyo. Binigo ninyo Ako sa kabila ng lahat ng masidhing layunin Ko para sa inyo. Hindi kataka-takang wala kayong pagpapahalaga sa Diyos at wala kayong katotohanan sa inyong mga buhay. Paano maituturing ang gayong pangkat ng mga tao bilang mga banal? Hindi magpaparaya ang kautusan ng langit sa gayong bagay! Yamang mayroon kayong napakaliit na pagkaunawa rito, wala Akong magagawa kundi ang gumugol ng mas marami pang oras.
Ang disposisyon ng Diyos ay isang paksang tila napakaabstrak para sa lahat at, bukod dito, ay isang bagay na hindi madaling tanggapin ninuman, dahil hindi katulad ng personalidad ng isang tao ang disposisyon ng Diyos. Ang Diyos ay may sarili rin Niyang mga damdamin ng galak, galit, lungkot, at kaligayahan, ngunit naiiba ang mga damdaming ito sa mga damdamin ng tao. Ang Diyos Mismo ay may sarili Niyang mga pag-aari at pagiging Diyos. Ang lahat ng ipinapahayag at ibinubunyag Niya ay kumakatawan sa sarili Niyang diwa at sa sarili Niyang pagkakakilanlan. Ang mga pag-aaring ito at ang pagiging Diyos na ito, pati na ang diwa at pagkakakilanlang ito, ay mga bagay na hindi maaaring palitan ng sinumang tao. Ang Kanyang disposisyon ay sumasaklaw sa Kanyang pagmamahal para sa sangkatauhan, kapanatagan sa sangkatauhan, pagkamuhi sa sangkatauhan, at higit pa rito, sa lubos na pagkaunawa sa sangkatauhan. Gayumpaman, ang personalidad ng tao ay maaaring kapalooban ng pagiging masayahin, masigla, o walang pakiramdam. Ang disposisyon ng Diyos ay ang taglay ng May Kataas-taasang Kapangyarihan sa lahat ng bagay at sa mga nilikhang may buhay; ito ang taglay ng Lumikha. Kumakatawan ang disposisyon Niya sa pagiging kagalang-galang, sa kapangyarihan, pagkamarangal, kadakilaan, at higit sa lahat, sa pagiging kataas-taasan. Ang disposisyon Niya ang simbolo ng awtoridad, ang simbolo ng lahat ng makatarungan, ang simbolo ng lahat ng maganda at mabuti. Higit pa roon, ang disposisyon Niya ay isang simbolo ng pagiging hindi kayang madaig o masalakay ng kadiliman o ng anumang puwersa ng kaaway, at simbolo rin ng pagiging hindi napipinsala ng anumang paglabag (at pagiging hindi nalalabag) ng anumang nilikha. Ang disposisyon Niya ang simbolo ng pinakamataas na kapangyarihan. Walang tao o mga tao na kaya o maaaring makagulo sa gawain Niya o sa disposisyon Niya. Ngunit ang personalidad ng tao ay isa lamang simbolo ng bahagyang kalamangan ng tao sa hayop. Ang tao, sa kanyang sarili, ay walang awtoridad, walang kasarinlan, at walang abilidad na lampasan ang sarili, ngunit sa diwa niya ay isa siyang inutil na nasa awa ng lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay. Ang kagalakan ng Diyos ay dahil sa pag-iral at paglabas ng katarungan at liwanag, dahil sa pagkawasak ng kadiliman at kasamaan. Ang Kanyang kagalakan ay dahil sa pagdadala Niya ng liwanag at ng isang magandang buhay sa sangkatauhan; ang kagalakan Niya ay isang makatarungang kagalakan, isang simbolo ng pag-iral ng lahat ng bagay na positibo at, higit pa rito, isang simbolo ng pagkamapalad. Ang galit ng Diyos ay dahil sa pag-iral at panggugulo ng hindi makatarungang mga bagay na pumipinsala sa sangkatauhan Niya, dahil sa pag-iral ng kasamaan at kadiliman, dahil sa pag-iral ng mga bagay na nagtataboy sa katotohanan, at higit pa, dahil sa pag-iral ng mga bagay na sumasalungat sa kung ano ang mabuti at maganda. Ang galit Niya ay isang simbolo na hindi na umiiral ang lahat ng bagay na negatibo at, higit pa riyan, isa itong simbolo ng Kanyang likas na kabanalan. Ang kalungkutan Niya ay dahil sa sangkatauhan, na mayroon sana Siyang inaasahan ngunit nahulog na sila sa kadiliman, at ito ay dahil hindi natutugunan ng gawaing ginagawa Niya sa tao ang mga layunin Niya, sapagkat hindi lahat ng sangkatauhang minamahal Niya ay kayang makapamuhay sa liwanag. Nakakaramdam Siya ng kalungkutan para sa inosenteng sangkatauhan, para sa matapat ngunit mangmang na tao, at para sa taong mabuti ngunit nagkukulang sa sarili nitong mga pananaw. Ang kalungkutan Niya ay isang simbolo ng kabutihan Niya at ng awa Niya, isang simbolo ng kagandahan at ng kagandahang-loob. Ang kaligayahan Niya, siyempre pa, ay nagmumula sa pagtalo Niya sa Kanyang mga kaaway at pagkakamit ng tapat na pananalig ng tao. Higit pa riyan, umuusbong ito mula sa pagpapatalsik at pagkawasak ng lahat ng puwersa ng kaaway, at sapagkat tumatanggap ang sangkatauhan ng mabuti at mapayapang buhay. Hindi katulad ng kagalakan ng tao ang kaligayahan ng Diyos; sa halip, ito ay ang pakiramdam ng pag-ani ng magagandang bunga, isang pakiramdam na higit pa sa kagalakan. Ang kaligayahan Niya ay simbolo ng pagiging malaya ng sangkatauhan mula sa pagdurusa mula sa oras na ito, at isang simbolo ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang mundo ng liwanag. Ang mga damdamin ng sangkatauhan, sa kabilang banda, ay umuusbong lahat para sa kapakanan ng sarili niyang mga interes, hindi para sa katarungan, liwanag, o kung ano ang maganda, at lalo nang hindi para sa biyayang ipinagkaloob ng Langit. Ang mga emosyon ng sangkatauhan ay makasarili, umiiral ang mga ito sa mundo ng kadiliman, at hindi umuusbong ang mga ito para sa kapakanan ng kalooban ng Diyos, lalo nang hindi para sa plano ng Diyos. Samakatwid, ang tao at ang Diyos ay hindi kailanman maaaring pag-usapan nang magkapantay. Ang Diyos ay kataas-taasan magpakailanman at kagalang-galang magpakailanman, samantalang ang tao ay mababang-uri magpakailanman at walang halaga magpakailanman. Ito ay sapagkat ang Diyos ay naglalaan ng Kanyang Sarili at gumugugol para sa sangkatauhan magpakailanman, samantalang ang tao ay nanghihingi at nagsisikap para sa sarili niya magpakailanman. Ang Diyos ay nagpapakahirap magpakailanman para manatiling buhay ang sangkatauhan, gayumpaman, ang tao ay hindi kailanman nag-aambag ng anumang bagay alang-alang sa katarungan o liwanag, at kahit pa pansamantalang magsikap ang tao, hindi nito makakayanan ang isang dagok, dahil ang pagsisikap ng tao ay palaging para sa sarili niyang kapakanan at hindi para sa iba. Makasarili ang tao magpakailanman, samantalang ang Diyos ay walang pag-iimbot magpakailanman. Ang Diyos ang pinagmulan ng lahat ng makatarungan, mabuti, at maganda, habang ang tao ang siyang nagmamana at nagpapahayag ng lahat ng kapangitan at kasamaan. Hindi kailanman babaguhin ng Diyos ang Kanyang diwa ng katarungan at kagandahan, gayumpaman, maaaring ipagkanulo ng tao ang katarungan at ilayo ang kanyang sarili mula sa Diyos sa anumang oras at sa anumang lugar.
Ang bawat pangungusap na sinabi Ko ay naglalaman sa loob nito ng disposisyon ng Diyos. Makabubuti sa inyo na suriin nang maigi ang mga salita Ko, at tiyak na labis kayong makikinabang mula sa mga ito. Napakahirap maarok ang diwa ng Diyos, ngunit nagtitiwala Akong kayong lahat ay may kaunting ideya man lamang tungkol sa disposisyon ng Diyos. Umaasa Ako, kung gayon, na mas marami kayong ipakikita sa Akin na mga bagay na nagawa ninyo na hindi lumalabag sa disposisyon ng Diyos. Saka Ako mapapanatag. Halimbawa, panatilihin mo ang Diyos sa puso mo sa lahat ng oras. Kapag kumikilos ka, gawin mo ito ayon sa mga salita Niya. Hanapin mo ang mga ninanais Niya sa lahat ng bagay, at iwasan mong gumawa ng bagay na hindi gumagalang sa Diyos at na sinisira ang dangal ng Diyos. Lalo nang hindi mo dapat ipagwalang-bahala ang Diyos upang punan ang kahungkagan sa puso mo sa hinaharap. Kung gagawin mo ito, malalabag mo ang disposisyon ng Diyos. At bilang isa pang halimbawa, kung hindi ka kailanman gumawa ng lapastangang mga pahayag o mga reklamo laban sa Diyos sa buong buhay mo, o kaya mong gampanan nang wasto ang lahat ng ipinagkatiwala Niya sa iyo at magpasakop din sa lahat ng salita Niya sa buong buhay mo, kung gayon ay naiwasan mong lumabag sa mga atas administratibo. Halimbawa, kung nasabi mo kailanman, “Bakit hindi ko iniisip na siya ang diyos?” “Sa tingin ko, ang mga salitang ito ay wala nang iba pa kundi ilang kaliwanagan ng banal na espiritu,” “Sa palagay ko, hindi lahat ng ginagawa ng diyos ay palaging tama,” “Hindi nakahihigit sa pagkatao ko ang pagkatao ng diyos,” “Ang mga salita ng diyos ay sadyang hindi kapani-paniwala,” o iba pang gayong mga mapanghusgang pahayag, kung gayon ay hinihimok Kong mas madalas kang magtapat ng iyong mga kasalanan at magsisi. Kung hindi, hindi ka kailanman magkakaroon ng pagkakataong mapatawad, dahil hindi ka nagkakasala sa isang tao, kundi sa Diyos Mismo. Maaaring naniniwala kang ang hinuhusgahan mo ay isang tao, ngunit hindi ganoon ang tingin ng Espiritu ng Diyos. Ang kawalang-galang mo sa katawang-tao Niya ay katumbas ng kawalang-galang sa Kanya. Dahil ganito, hindi ba’t lumabag ka sa disposisyon ng Diyos sa iyong nagawa? Dapat mong tandaan na ang lahat ng ginagawa ng Espiritu ng Diyos ay ginagawa upang ingatan ang gawain Niya sa katawang-tao at upang magawa nang mahusay ang gawaing ito. Kung makakaligtaan mo ito, sinasabi Ko na isa kang taong hindi kailanman magtatagumpay sa pananampalataya sa Diyos. Dahil pinukaw mo ang galit ng Diyos, at kaya gagamit Siya ng nababagay na kaparusahan upang turuan ka ng aral.
Ang malaman ang diwa ng Diyos ay hindi maliit na bagay. Dapat mong maunawaan ang disposisyon Niya. Sa ganitong paraan, malalaman mo ang diwa ng Diyos nang paunti-unti at nang hindi mo namamalayan. Kapag mayroon ka ng kaalamang ito, matatagpuan mo ang sarili mong pumapasok sa mas mataas at mas magandang kalagayan. Sa huli, makararamdam ka ng hiya sa nakapanghihilakbot mong kaluluwa, at, bukod dito, mararamdaman mong wala ka nang mapagtataguan mula sa iyong kahihiyan. Sa panahong iyon, mababawasan nang mababawasan ang mga kilos mong lumalabag sa disposisyon ng Diyos, lalapit nang lalapit sa Diyos ang puso mo, at unti-unting lalago sa puso mo ang pagmamahal sa Kanya. Isa itong tanda ng pagpasok ng sangkatauhan sa isang magandang kalagayan. Ngunit sa ngayon, hindi pa ninyo natatamo ito. Habang nagmamadali kayong lahat papunta kung saan-saan para sa kapakanan ng tadhana ninyo, sino ang nakakaisip na subukang alamin ang diwa ng Diyos? Kung magpapatuloy ito, hindi ninyo mamamalayan na malalabag ninyo ang mga atas administratibo, dahil lubhang kakaunti ang nauunawaan ninyo sa disposisyon ng Diyos. Kaya hindi ba’t ang ginagawa ninyo ngayon ay paglalatag ng pundasyon para sa mga paglabag ninyo laban sa disposisyon ng Diyos? Ang paghingi Ko sa inyo na unawain ang disposisyon ng Diyos ay hindi hiwalay sa gawain Ko. Dahil kung lumalabag kayo nang madalas sa mga atas administratibo, sino sa inyo ang makatatakas sa kaparusahan? Hindi ba’t magiging ganap na walang saysay ang gawain Ko kapag nagkagayon? Samakatwid, hinihiling Ko pa rin, bilang karagdagan sa pagbabantay sa sarili ninyong asal, na maging maingat kayo sa mga hakbang na tinatahak ninyo. Ito ang mas malaking hinihingi Ko sa inyo, at umaasa Akong maingat ninyong isasaalang-alang ito at haharapin ito nang taimtim. Kung darating man ang araw na pupukawin ng mga kilos ninyo ang Aking masidhing galit, kung gayon ay kayo lamang ang magsasaalang-alang ng mga kahihinatnan, at wala nang iba pang hahalili sa pagbabata ng kaparusahan ninyo.