68. Ang Sakit na Dala ng Reputasyon at Katayuan
Noong Marso 2020, ako ay naiangat bilang isang lider ng pangkat at namahala sa gawain ng pagdidilig para sa ilang grupo. Nang panahong iyon naisip ko na dahil ako ay napili bilang isang lider ng pangkat, mayroon siguro akong mas magandang kakayahan kaysa sa aking mga kapatid. Labis itong nagpasaya sa akin, pero bahagya rin akong nag-alala. Kahit kailan ay hindi pa ako namahala ng anumang gawain noon—kung hindi ko malulutas ang mga problema ng aking mga kapatid, at hindi mapamamahalaan nang maayos ang gawain, ano na lang ang iisipin sa akin ng mga kapatid ko? Ito ay magiging masyadong nakakahiya na matanggal kung hindi ko mapangasiwaan ang gawain. Sa kabila ng bahagyang pag-aalala, alam ko na ito ay tungkulin ko at dapat kong tanggapin ito mula sa Diyos at magpasakop, kaya tinanggap ko ang tungkulin. Nang makitang hindi pa ako pamilyar sa gawain, dalawang grupo lamang muna ang ipinamahala sa akin ng kapareha kong sister. Nang maisip ko kung paanong dapat akong makipagtipon sa ibang mga kapatid, sobra akong kinabahan. Sa nakalipas, tagadilig lamang ako, kaya kapag ang pagbabahagi ko ay medyo mababaw, o mayroong mga pagkukulang at pagkakamali sa paggawa ko ng tungkulin ko, itinuturing itong normal lang. Pero ngayon ay isa na akong lider ng pangkat at inaasahan na magbahagi ng katotohanan upang malutas ang mga kalagayan ng aking mga kapatid, at tulungan din sila sa anumang problema o paghihirap na nararanasan nila sa kanilang mga tungkulin. Sa gayon lang ako masasang-ayunan ng mga tao at sasabihin na isa akong manggagawang may kakayahan. Kung hindi ko malulutas ang kanilang mga problema, hindi maiiwasan na hahamakin nila ako at bababa ang tingin nila sa akin. Sa pag-iisip sa lahat ng ito, nakaramdam ako ng pag-aalinlangan sa aking sarili at naisip na mas mabuti pang ipagpatuloy ko na lang ang pagganap sa dati kong tungkulin. Sa gayon, hindi masyadong malalantad ang aking mga pagkukulang, at mapananatili ko ang kaunting dangal. Sa sumunod na ilang araw, lagi akong naliligalig habang iniisip ang lahat ng ito. Sa panahon ng mga pagtitipon, hindi ko mapatahimik ang aking puso. Lagi akong nag-aalala na baka hamakin ako ng aking mga kapatid kapag hindi ako nakapagbahagi nang maayos, at habang lalo akong nag-aalala, mas lalo akong kinakabahan. Hindi ko makita ang ugat ng mga problema ng aking mga kapatid o matulungan silang lutasin ang mga ito, at natatakot pa nga akong pumunta sa mga pagtitipon. Labis akong nababagabag, kaya’t makailang beses akong lumapit sa Diyos sa panalangin, hinihiling sa Kanya na patnubayan ako na maunawaan ang aking kalagayan.
Noon ko nakita ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Lahat ng natiwaling tao ay nagdurusa mula sa isang magkakatulad na suliranin: Kapag wala silang katayuan, hindi sila nagmamalaki kapag nakikipag-ugnay o nakikipag-usap sa sinuman, o hindi sila gumagamit ng partikular na estilo o tono sa kanilang pananalita; sila ay karaniwan lamang at normal, at hindi na kailangang balutan ang kanilang mga sarili. Hindi sila nakararamdam ng anumang sikolohikal na presyon, at nakapagbabahagi nang bukas at mula sa puso. Madali silang lapitan at madaling makahalubilo; nararamdaman ng iba na napakabuti nilang mga tao. Sa sandaling magkamit sila ng katayuan, sila ay nagiging mapagmataas, hindi nila pinapansin ang mga karaniwang tao, walang sinumang nakakalapit sa kanila; pakiramdam nila ay mas mataas sila, at na sila ay iba sa mga karaniwang tao. Mababa ang tingin nila sa karaniwang tao, nagmamalaki sila kapag nagsasalita, at tumitigil sila sa hayagang pagbabahagi sa iba. Bakit hindi na sila nagbabahagi nang hayagan? Nararamdaman nilang may katayuan na sila ngayon, at sila ay mga pinuno. Iniisip nilang dapat magkaroon ng partikular na imahe ang mga pinuno, maging mataas nang bahagya kaysa sa ordinaryong tao, magkaroon ng higit na tayog at maging mas mahusay na tumupad ng responsabilidad; naniniwala sila na kung ihahambing sa mga karaniwang tao, dapat magtaglay ang mga pinuno ng higit na pasensya, magawang magdusa at gumugol nang higit, at mapaglabanan ang anumang tukso mula kay Satanas. Kahit na mamatay ang kanilang mga magulang o ibang kapamilya, pakiramdam nila ay dapat mayroon silang pagpipigil sa sarili na huwag maiyak, o na dapat man lang ay umiyak sila nang lihim, nang hindi nakikita ng iba, upang walang makakita ng anuman sa kanilang mga pagkukulang, kapintasan, o kahinaan. Nararamdaman pa nga nila na hindi maaaring ipaalam ng mga pinuno sa sinuman kung sila ay naging negatibo; sa halip, dapat nilang itago ang lahat ng ganoong mga bagay. Naniniwala silang ganito dapat kumilos ang isang may katayuan. Kapag pinipigilan nila ang kanilang sarili nang ganito, hindi ba ang katayuan ay nagiging kanilang diyos, kanilang panginoon? At dahil dito, nagtataglay pa rin ba sila ng normal na pagkatao? Kapag mayroon silang ganitong mga ideya—kapag ikinulong nila ang kanilang sarili rito, at ginawa nila ito—hindi ba sila nahumaling sa katayuan?” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Lutasin ang mga Tukso at Gapos ng Katayuan). Ibinunyag sa akin ng mga salita ng Diyos kung paanong hindi ako nakakapamuhay nang malaya dahil ako ay nakagapos at napipigilan ng katayuan at reputasyon. Bago ako naging isang lider ng pangkat, lagi kong tinatalakay ang gawain at pinag-uusapan ang mga problema sa lahat. Inisip ko na dahil lahat kami ay magkakapatid at halos magkakapareho kami ng tayog, hindi ako nababagabag sa kung ano ang iisipin ng iba sa akin at nagagawang maging bukas at malaya. Pero nang ako ay naging isa nang lider ng pangkat, naisip ko na dahil mas mataas ang katayuan ko kaysa sa mga kapatid, magagawa lamang nang maayos ang trabaho ko kung naunawaan ko ang mas marami sa katotohanan kaysa sa kanila, at nalalaman kung paano lutasin ang mga problema at paghihirap na mayroon sila. Bago pa man ako dumalo sa isang pagtitipon, nag-aalala na ako na kung hindi ko malutas ang mga problema ng aking mga kapatid, hahamakin nila ako. Para maiwasan kong magmukhang hangal sa harap nila, ni hindi ko na tinangkang dumalo sa anumang pagtitipon. Sobra akong nahapis at nabagabag. Inilagay ko ang aking sarili sa isang pedestal at hindi mabitiwan ang aking katayuan. Sa pagninilay dito, napagtanto ko na masyado kong inalala ang aking reputasyon at katayuan. Sinisikap ko na laging magmukhang magaling sa harap ng lahat at sa sandaling may panganib na mapahiya ako sa pamamagitan ng paglalantad sa aking mga kahinaan, ikinukubli ko ang aking sarili at nagpapanggap. Itinuring ko ang aking promosyon bilang tanda ng katayuan, hindi bilang isang responsabilidad. Ginusto kong gamitin ang katayuan para itaas ang sarili ko at makamit ang paghanga ng aking mga kapatid. Labis akong kasuklam-suklam at kahiya-hiya! Nanalangin ako sa Diyos sa aking puso, sinasabi sa Kanya na handa akong maghimagsik laban sa mga maling layunin at pananaw na ito. Tapos, isang sipi ng mga salita ng Diyos ang pumasok sa isip ko: “Kapag hinihingi ng Diyos na tuparin ng mga tao ang kanilang tungkulin nang maayos, hindi Niya hinihingi sa kanila na tapusin ang ilang partikular na gawain o isakatuparan ang anumang matinding pagsusumikap, ni ang gampanan ang anumang dakilang pagsasagawa. Ang nais ng Diyos ay magawa ng mga tao ang lahat ng makakaya nila sa isang praktikal na paraan, at mamuhay alinsunod sa Kanyang mga salita. Hindi kailangan ng Diyos na maging dakila o marangal ka, o na maghimala ka, at hindi rin Niya nais na makakita ng anumang kaaya-ayang mga sorpresa sa iyo. Hindi Niya kailangan ang ganoong mga bagay. Ang tanging kailangan ng Diyos ay ang matimtiman kang magsagawa ayon sa Kanyang mga salita. Kapag nakikinig ka sa mga salita ng Diyos, gawin mo ang naunawaan mo, isakatuparan mo ang naintindihan mo, tandaan mo nang maigi ang narinig mo, at pagkatapos, kapag dumating na ang oras para magsagawa, magsagawa ka ayon sa mga salita ng Diyos. Hayaan mong ang mga ito ang maging buhay mo, ang mga realidad mo, at ang isinasabuhay mo. Sa gayon, masisiyahan ang Diyos. … Hindi talaga mahirap ang gampanan ang iyong tungkulin, ni hindi ito mahirap gawin nang tapat, at sa isang katanggap-tanggap na pamantayan. Hindi mo kailangang isakripisyo ang iyong buhay o gumawa ng anumang natatangi o mahirap, kailangan mo lamang sundin ang mga salita at tagubilin ng Diyos nang matapat at matatag, nang hindi idinaragdag ang sarili mong mga ideya o pinatatakbo ang sarili mong operasyon, kundi tumatahak sa landas ng paghahangad sa katotohanan. Kung magagawa ito ng mga tao, magkakaroon talaga sila ng wangis ng tao. Kapag mayroon silang tunay na pagpapasakop sa Diyos, at naging matapat na tao, tataglayin nila ang wangis ng isang tunay na tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Tamang Pagtupad ng Tungkulin ay Nangangailangan ng Maayos na Pagtutulungan). Sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, nakita ko na hindi ganoon kalaki ang hinihingi ng Diyos sa atin—hindi Niya hinihingi sa atin na gumawa ng mga dakilang gawain o magkamit ng mga kahanga-hangang resulta o na tayo ay maging isang uri ng superhuman na may walang hanggang kapangyarihan. Nais lang Niya na tayo ay maging tunay na mga nilikha, na ginagawa ang ating mga tungkulin sa praktikal na paraan ayon sa Kanyang mga hinihingi. Nang piliin ako na maging lider ng pangkat, ayaw ng Diyos na maghabol ako ng reputasyon at katayuan, gusto Niyang taimtim kong hangarin ang katotohanan. Kung makararanas ako ng anumang paghihirap sa aking tungkulin, dapat akong magkusang manalangin sa Diyos at umasa sa Kanya para makahanap ng landas para malutas ito. Sa mga pagtitipon kasama ang mga kapatid, dapat lang akong magbahagi nang naaayon sa aking pagkaunawa, at, kung hindi malinaw sa akin ang isang bagay, dapat lang akong maging tapat sa kanila at humanap ng solusyon nang magkakasama. Sa ganitong paraan ko lang makakamit ang patnubay ng Diyos. Nang maunawaan ko ang layunin ng Diyos, nagkaroon ako ng pananalig na gawin ang aking tungkulin. Sa panahon ng mga pagtitipon kasama ang aking mga kapatid, sinadya kong manalangin sa Diyos, hindi ko inalala ang dangal o katayuan, at nagawa kong maging bukas sa aking mga kapatid tungkol sa aking katiwalian. Sa mga pakikipag-ugnayan, naramdaman ko ang patnubay ng Banal na Espiritu at nagawa kong matuklasan ang ilang problema. Nagawa ko ring magbigay ng mga angkop na suhestiyon batay sa mga aktuwal na sitwasyon. Marami pa rin akong kapintasan at pagkukulang, pero nakatagpo ako ng ilang daan pasulong sa pamamagitan ng pakikipagtalakayan sa lahat at naging mas malaya ang pakiramdam ko. Nakita ko na kung may tamang layunin ako, tumayo sa aking wastong posisyon, at ginawa ang aking tungkulin sa isang taimtim na paraan na naaayon sa hinihingi ng Diyos, makakamit ko ang Kanyang patnubay.
Makalipas ang tatlong buwan, pinamahala ako sa ilan pang dagdag na grupo. Maisip pa lang na kailangan kong magbahagi sa napakaraming kapatid sa mga pagtitipon ay labis na akong kinabahan. Ang bawat grupo ay may magkakaibang sitwasyon, at hindi ko pa kilala ang sino man sa mga kapatid sa mga grupong ito at hindi ko alam ang kanilang mga sitwasyon. Kung pupunta ako at hindi ko malulutas ang kanilang mga isyu, hindi kaya nila ako hamakin at sabihin na hindi ko kayang lumutas ng mga tunay na problema at hindi karapat-dapat na maging isang lider ng pangkat? Para makuha ang pagsang-ayon ng lahat, napakaraming oras ang ginugol ko sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos para sangkapan ng katotohanan ang sarili ko, pero nang dumating na ang oras ng pagtitipon, sobra pa rin akong kabado. Noong simula, nang magpunta ako sa isang pagtitipon, labis akong balisa at lahat ng kalamnan ko sa mukha ay naninigas. Ayaw kong mapansin ito ng mga kapatid kaya nagkunwari ako na kalmado akong naghahanap ng mga salita ng Diyos sa kompyuter, pero sa puso ko natataranta akong nananalangin sa Diyos, nagsusumamo sa Kanya na tulungan akong kumalma. Tinanong ko ang ilang kapatid tungkol sa kanilang mga kalagayan at paghihirap, at matapos magbahaginan, napagtanto ko na ang lahat ay may magkakaibang problema, at mangangailangan ng pagbabahagi sa magkakaibang sipi ng mga salita ng Diyos. Hindi ko talaga malaman ang gagawin—kung makahahanap ako ng mga sipi na mailalapat at makatutulong sa kalagayan ng lahat, kung gayon ay masisiyahan ang lahat at magmumukha akong magaling, pero kapag wala akong nahanap na anuman, magiging sobrang kabagot-bagot ng pagtitipon. Sobrang nakakaasiwa! Habang lalo akong kinakabahan, mas lalo akong hindi makapag-isip nang malinaw. Mahabang oras na ang lumipas at wala pa rin akong natagpuang angkop na sipi ng mga salita ng Diyos. Sa totoo lang, gusto ko sanang maging bukas sa pagbabahagi sa aking mga kapatid at sama-samang maghanap ng mabubuting sipi, pero nag-aalala rin ako na gagawin kong mukhang hangal ang sarili ko, kung ako, na lider ng pangkat, ay hindi makahanap ng angkop na sipi. Nang maisip ko ito, hindi ko na nagawang maging bukas at sa huli wala akong nagawa kundi basta na lang pumili ng ilang sipi ng mga salita ng Diyos na wala talagang kaugnayan sa mga kalagayan ng aking mga kapatid. Walang nagbahagi matapos ang pagbasa ng mga salita ng Diyos, at ni katiting ay hindi ako nakaramdam ng pagtanglaw. Sa huli, nagbigay na lang ako ng mga pilit na pagbabahagi ayon sa kaalaman sa doktrina, pero labis na nakakaasiwa ang kapaligiran. Bigo ang pagtitipon at natapos nang ganoon. Pagbalik ko mula sa pagtitipon, narinig ko ang kapatid na naging kapareha ko na sabik na ikinukuwento ang kanyang natutunan mula sa pagtitipon ng ibang grupo, pero ako ay nakasimangot at labis na nabagabag na hindi ako halos makahinga. Habang lalo kong iniisip iyon, lalo akong nagmumukhang hindi nararapat na maging isang lider ng pangkat, at gusto ko na lang magbitiw. Sa sobrang pagkamiserable, nanalangin ako sa Diyos nang paulit-ulit, “Mahal na Diyos! Napakamiserable ng pakiramdam ko. Lagi kong labis inaalala ang katayuan at reputasyon, hindi ko alam kung paano ko dapat gawin ang tungkuling ito, ni wala rin akong pagnanasang lalong magsumikap. Nananalangin ako na patnubayan Mo akong maunawaan ang aking sarili at makaalis sa negatibong kalagayan na ito.”
Sa aking paghahanap, may natagpuan akong sipi ng mga salita ng Diyos na naglalantad sa kalikasang diwa ng mga anticristo at labis akong naantig. Sinasabi ng mga salita ng Diyos: “Para sa mga anticristo, ang katayuan at reputasyon ang buhay nila. Paano man sila mabuhay, ano man ang kapaligiran na tinitirhan nila, ano man ang gawain na kanilang ginagawa, ano man ang kanilang hinahangad, ano man ang kanilang mga layon, ano man ang direksyon ng kanilang buhay, umiikot ang lahat ng ito sa pagkakaroon ng magandang reputasyon at mataas na katayuan. At hindi nagbabago ang pakay na ito; hinding-hindi nila kayang isantabi ang gayong mga bagay. Ito ang totoong mukha ng mga anticristo, at ang kanilang diwa. Maaari mo silang ilagay sa isang sinaunang gubat sa pusod ng kabundukan, at hindi pa rin nila isasantabi ang paghahangad nila sa reputasyon at katayuan. Maaari mo silang ilagay sa gitna ng anumang grupo ng mga tao, at ang pawang maiisip nila ay reputasyon at katayuan pa rin. Kahit na naniniwala rin sa Diyos ang mga anticristo, itinuturing nila ang paghahangad sa reputasyon at katayuan bilang katumbas ng pananalig sa Diyos at binibigyan ang mga ito ng pantay na pagpapahalaga. Ibig sabihin, habang tinatahak nila ang landas ng pananalig sa Diyos, hinahangad din nila ang kanilang sariling reputasyon at katayuan. Masasabi na sa puso ng mga anticristo, naniniwala sila na ang paghahangad ng katotohanan sa kanilang pananalig sa Diyos ay ang paghahangad ng reputasyon at katayuan; ang paghahangad sa reputasyon at katayuan ay ang paghahangad din sa katotohanan, at ang magkamit ng reputasyon at katayuan ay ang magkamit ng katotohanan at buhay. Kung nararamdaman nila na wala silang reputasyon, pakinabang o katayuan, na walang humahanga sa kanila, o nagpapahalaga sa kanila, o sumusunod sa kanila, sobrang bigong-bigo sila, naniniwala silang wala nang saysay pang maniwala sa Diyos, wala na itong kabuluhan, at sinasabi nila sa kanilang sarili na, ‘Bigo ba ang gayong pananalig sa diyos? Wala na ba itong pag-asa?’ Madalas na tinitimbang nila ang gayong mga bagay sa kanilang puso, pinag-iisipan nila kung paano sila magkakapuwesto sa sambahayan ng Diyos, kung paano sila maaaring magkaroon ng matayog na reputasyon sa iglesia, nang sa gayon ay makinig ang mga tao kapag nagsasalita sila, at suportahan sila kapag kumikilos sila, at sumunod sa kanila saanman sila magpunta; nang sa gayon ay sila ang may huling salita sa iglesia, at ang may kasikatan, pakinabang, at katayuan—talagang pinagtutuunan nila ang gayong mga bagay sa puso nila. Ang mga ito ang hinahangad ng gayong mga tao” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Inihambing ko ito sa aking sariling kalagayan at asal, at nakita ko kung gaano ako nahumaling sa reputasyon at katayuan. Palagi kong gustong magkaroon ng puwang para sa aking sarili at maramdaman ng pagkakilala. Sa pagganap sa aking tungkulin, ang inalala ko lang ay ang magkamit ng paghanga at mapaganda ang sarili kong imahe. Walang puwang ang Diyos sa aking puso. Ang ibinunyag ko ay disposisyon ng isang anticristo. Mula sa sandaling ako ay naitaas bilang lider ng pangkat, nagsimula akong mag-isip na ako ay isang taong may katayuan—inilagay ko ang aking sarili sa isang pedestal at labis akong natakot na kapag hindi ko nalutas ang mga tunay na isyu, mawawala ko ang respeto ng aking mga kapatid, at mawawala ang aking titulo pati na rin ang aking nahihiwatigang katayuan at imahe sa kanilang paningin. Sa pagharap sa mga isyu ng aking mga kapatid, hindi ko alam kung aling mga sipi ng mga salita ng Diyos ang gagamitin para malutas ang mga ito at hindi ako handang maging bukas at maging matapat, na maghanap at magbahagi nang magkakasama. Upang maprotektahan ang sarili kong katayuan, nagpanggap ako at nagpakitang-tao, nagbigay ng mga pilit na pagtatalakay ng mga salita at doktrina para mabawasan ang pagkaasiwa nang hindi iniisip kung nalutas ko ba talaga ang mga problema ng aking mga kapatid. At kaya ang mga pagtitipon ay lahat hindi naging epektibo. Hindi ako nagnilay sa sarili nang lumabas ang mga isyung ito, sa halip ay naging negatibo pa at ninais na magbitiw nang ako ay mapahiya. Kulang na kulang ako sa pagkatao! Nang mapagtanto ko ang lahat ng ito, labis akong nagsisi at kaya nanalangin ako sa Diyos at naging handang magsisi at magbago.
Nakita ko rin ang sipi na ito ng mga salita ng Diyos: “Sa kabuuan, anuman ang direksyon o layon ng iyong hangarin, kung hindi ka nagninilay tungkol sa paghahangad sa katayuan at reputasyon, at kung nahihirapan kang isantabi ito, maaapektuhan niyon ang iyong buhay pagpasok. Hangga’t may puwang ang katayuan sa puso mo, lubos nitong makokontrol at maiimpluwensiyahan ang direksyon ng buhay mo at ang layon ng paghahangad mo, kaya nga magiging napakahirap sa iyo na pumasok sa katotohanang realidad, maliban pa sa mahihirapan kang baguhin ang iyong disposisyon; makamit mo man sa bandang huli ang pagsang-ayon ng Diyos, siyempre pa, ay hindi na kailangang sabihin pa. Bukod pa riyan, kung hindi mo kailanman magawang isuko ang paghahangad mo sa katayuan, maaapektuhan nito ang kakayahan mong gawin ang iyong tungkulin sa paraan na pasok sa pamantayan, kaya mahihirapan kang maging isang nilikha na pasok sa pamantayan. Bakit Ko sinasabi ito? Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, dahil ang paghahangad ng katayuan ay isang satanikong disposisyon, isa itong maling landas, bunga ito ng pagtitiwali ni Satanas, isa itong bagay na kinokondena ng Diyos, at ito mismo ang bagay na hinahatulan at dinadalisay ng Diyos. Wala nang higit pang kinapopootan ang Diyos kundi kapag naghahangad ang mga tao ng katayuan, pero nagmamatigas ka pa ring nakikipagkompetensiya para sa katayuan, walang-sawa mo itong iniingatan at pinoprotektahan, at laging sinusubukang makuha ito para sa iyong sarili. Hindi ba’t may kaunting katangian ng pagiging antagonistiko sa Diyos sa lahat ng ito? Hindi niloob ng Diyos ang katayuan para sa mga tao; ipinagkakaloob ng Diyos sa mga tao ang katotohanan, ang daan, at ang buhay, para sa huli ay maging isang nilikha sila na pasok sa pamantayan, isang maliit at hamak na nilikha—hindi isang tao na may katayuan at katanyagan at iginagalang ng libu-libong tao. Kaya, saanmang perspektiba ito tingnan, walang kahahantungan ang paghahangad ng katayuan” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Medyo natakot ako sa kasidhian ng mga salita ng Diyos. Napagtanto ko na walang higit pang nakasusuklam sa Diyos kundi ang mga taong naghahangad ng katayuan. Kung ang isang tao ay hindi magsisisi, mauuwi ito sa kanyang personal na kapahamakan at pagkasira. Maraming taon na akong nanininiwala sa Diyos, at tinatamasa ang napakaraming biyaya ng Diyos at ang pagtutustos ng Kanyang mga salita. Dapat akong magdala ng isang pasanin sa aking tungkulin at matutunan kung paano hanapin ang mga katotohanang prinsipyo upang makamit ko ang higit na kaliwanagan ng Diyos, maunawaan ang katotohanan at magkamit ng bugay pagpasok. Pero ni minsan hindi ko isinaalang-alang kung paano ko dapat hanapin ang katotohanan at gampanan nang maayos ang tungkulin ko upang suklian ang pag-ibig ng Diyos. Isinaalang-alang ko lang ang pansarili kong kasikatan, pakinabang at katayuan. Lubos akong walang konsensiya at katwiran! Upang iligtas ang napakatiwaling sangkatauhan, ang Diyos ay nagkatawang-tao at pumarito sa mundo, dumanas ng labis-labis na kahihiyan. Ang Diyos ay kataas-taasan at dakila, pero ni minsan ay hindi Niya itinataas ang sarili. Tahimik lamang Siyang nagpapahayag ng katotohanan at humahatol at nililinis ang ating mga tiwaling disposisyon, upang maiwaksi natin ang ating karumihan at makamit ang Kanyang pagliligtas. Nakita ko kung gaano kamapagpakumbaba at kaibig-ibig ang Diyos. Ako ay isang napakaliit na nilikha lang, puno ng karumihan at katiwalian, subalit sinisikap kong palaging pagandahin ang aking imahe upang makuha ang paggalang ng mga tao at madala sila sa aking harapan. Napakamapagmataas at napakawalanghiya ko. Naisip ko rin si Pablo, na mahilig mangaral at gumawa upang makamit ang paghanga at paggalang ng ibang tao. Sa haba ng panahon ng kanyang paniniwala, ni minsan hindi niya sinikap na baguhin ang kanyang disposisyon, lagi lang siyang naghahangad ng katayuan, mga gantimpala at korona. Sinabi pa niya na sa kanya ang mamuhay ay si Cristo, at walang kabuluhang sinikap na agawin ang lugar ng Diyos sa puso ng mga tao. Nilalakaran ni Pablo ang daan ng isang anticristo na lumalaban sa Diyos at sa bandang huli ay nilabag ang disposisyon ng Diyos at inihagis ng Diyos sa impiyerno upang magdusa ng walang hanggang kaparusahan. Kung nagpatuloy akong naghangad ng reputasyon at katayuan, parehas ng kapalaran ni Pablo ang daranasin ko. Nang malaman ko ang mga kahihinatnang ito, nagsisi ako sa Diyos, hiniling na patnubayan Niya ako na matagpuan ang tamang landas ng pagsasagawa.
Kalaunan, may nakita akong video ng pagbasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi madaling talikuran ang reputasyon at katayuan—makakamit lang ito ng mga tao sa pamamagitan ng paghahangad sa katotohanan. Sa pag-unawa lamang sa katotohanan makikilala ng isang tao ang kanyang sarili, makikita nang malinaw ang kahungkagan ng paghahangad ng kasikatan, pakinabang, at katayuan, at makikita nang malinaw ang katotohanan ng katiwalian ng sangkatauhan. Saka lamang maaabandona ng isang tao ang katayuan at reputasyon kapag tunay na niyang nakilala ang kanyang sarili. Hindi madaling iwaksi ang sariling tiwaling disposisyon. Kung napansin mo na wala sa iyo ang katotohanan, na marami kang kakulangan, at nagbubunyag ng masyadong maraming katiwalian, subalit hindi mo sinisikap na hangarin ang katotohanan, at nagpapanggap at nagpapaimbabaw ka, na pinaniniwala mo ang mga tao na kaya mong gawin ang anumang bagay, ilalagay ka nito sa panganib—sa malao’t madali, darating ang panahon na makakasalubong ka ng mga balakid at ikaw ay babagsak. Kailangan mong aminin na wala sa iyo ang katotohanan, at buong tapang mong harapin ang realidad. Mayroon kang mga kahinaan, nagbubunyag ng katiwalian, at lahat ng uri ng kakulangan ay nasa iyo. Normal lang ito, dahil isa kang karaniwang tao, hindi ka superhuman o makapangyarihan, at kailangan mong kilalanin iyan. Kapag hinahamak o tinutuya ka ng ibang mga tao, huwag kaagad tumugon nang may pagkasuklam dahil lamang sa hindi kaaya-aya ang sinasabi nila, o tanggihan ito dahil naniniwala kang mayroon kang kakayahan at perpekto ka—hindi dapat ganito ang iyong saloobin sa gayong mga salita. Ano ang dapat na maging saloobin mo? Dapat mong sabihin sa iyong sarili, ‘May mga pagkakamali ako, tiwali at may kapintasan ang lahat ng bagay tungkol sa akin, at isang ordinaryong tao lamang ako. Anuman ang kanilang paghamak at panunuya sa akin, may katotohanan ba rito? Kung parte ng sinasabi nila ay totoo, dapat ko itong tanggapin mula sa Diyos.’ Kung may ganito kang saloobin, katunayan ito na kaya mong pangasiwaan nang tama ang katayuan, reputasyon, at mga sinasabi ng ibang tao patungkol sa iyo. … Kapag palagi kang nag-iisip at nagnanais na makipagkompetensiya para sa katayuan, kailangan mong matanto kung anong masasamang kahihinatnan ang kahahantungan ng ganitong uri ng kalagayan kung hindi ito malutas. Kaya huwag magsayang ng oras sa paghahanap sa katotohanan, sugpuin ang pagnanais mo na makipagkompetensiya para sa katayuan habang nag-uumpisa pa lang ito, at palitan ito ng pagsasagawa ng katotohanan. Kapag isinasagawa mo ang katotohanan, mababawasan ang iyong pagnanais at ambisyon na makipagkompetensiya para sa katayuan, at hindi ka manggugulo sa gawain ng iglesia. Sa ganitong paraan, maaalala at sasang-ayunan ng Diyos ang iyong mga ginawa” (Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikatlong Bahagi)). Sa pamamagitan ng pagbabasa ng mga salita ng Diyos, napagtanto ko na tao lamang ako na ginawang tiwali ni Satanas, kaya’t normal na ako ay mayroong mga kapintasan at kakulangan. Hindi kailanman hiningi ng Diyos na ako ang maging pinakamagaling na manggagawa, na magkaroon ako ng napakahusay na kakayahan at tayog, o maging napakataas at perpektong tao. Ang nais lang Niya ay magkaroon ako ng dalisay at matapat na puso, para taimtim na hangarin ang katotohanan at lumakad sa landas ng pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan. Sa sambahayan ng Diyos, ang mga lider ng iglesia at mga lider ng pangkat ay itinatag lamang dahil kailangan sila sa gawain, pero lahat tayo ay mga nilikha lamang na ginagawa ang ating mga tungkulin, at wala talagang pagkakaiba sa katayuan sa pagitan natin at ng ating mga kapatid. Binibigyan tayo ng Diyos ng iba’t ibang tungkulin batay sa ating kakayahan at tayog. Dahil lang ako ay isang lider ng pangkat ay hindi ito nangangahulugan na mayroon akong katotohanang realidad, pero inobliga ko lagi ang sarili ko na alamin ang ugat ng bawat isyu at lutasin ang bawat problema. Talagang hindi ito praktikal at bunga ito ng aking kayabangan at kawalan ng pagkakilala sa aking sarili. Dapat kong ipantay ang aking sarili sa aking mga kapatid, at dapat kaming matuto mula sa isa’t isa at hanapin ang katotohanan nang magkakasama upang malutas ang anumang problema na aming kakaharapin habang ginagampanan ang aming mga tungkulin. Kung may bagay akong hindi naunawaan, hindi ako dapat magkunwari—dapat ay buong tapang kong ilahad ang aking kakulangan at maghanap kasama ng aking mga kapatid. Saka ko lamang mas maayos na magagawa ang aking mga tungkulin.
Kalaunan, may ilang kapatid na namumuhay sa pagkanegatibo at kinailangan kong makipagtipon at makipagbahaginan sa kanila. Sa umpisa ay kinakabahan ako. Nag-aalala ako sa kung ano ang iisipin nila sa akin kung hindi maayos ang pagbabahagi ko, kung kaya ninais ko na maghanda muna sa bahay sa pamamagitan ng paghahanap ng mga angkop na sipi ng mga salita ng Diyos, naisip ko na sa ganitong paraan, mas madali kong mapangangasiwaan ang kanilang mga problema habang nasa pagtitipon at makukuha ang respeto ng lahat. Tapos napagtanto ko na mayroon akong maling layunin sa paggawa sa aking tungkulin. Gusto ko lang malutas ang lahat ng problema ng mga kapatid para makuha ko kanilang paghanga at paggalang—gumagawa pa rin ako para sa reputasyon at katayuan. Kaya’t nanalangin ako sa Diyos, hiniling sa Kanya na tulungan akong maghimagsik laban sa aking mga maling layunin. Nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na nagsasabi: “Upang makagawa ang Banal na Espiritu sa loob ng isang tao at mabago ang kanyang iba’t ibang negatibong kalagayan, kailangang aktibong makipagtulungan at maghanap ang taong iyon, paminsan-minsang magdusa, magbayad ng halaga, talikuran ang mga bagay-bagay, at maghimagsik laban sa laman, hakbang-hakbang na binabago ang kanyang landas. Matagal bago ito makakuha ng mga resulta, at para siya makatahak sa tamang landas—pero ilang segundo lang ang kinakailangan para ibunyag ng Diyos ang isang tao. Kung hindi mo ginagampanan nang maayos ang tungkulin mo, bagkus ay lagi kang nagsisikap na mapatanyag ang sarili mo, at palaging sinusubukang makipagkumpitensya para sa katayuan, para mamukod-tangi at sumikat, nakikipaglaban para sa iyong reputasyon at mga interes, habang namumuhay sa kalagayang ito, hindi ka ba isang trabahador lamang? Maaari kang magtrabaho kung gusto mo, subalit posibleng mabunyag ka bago pa matapos ang pagtatrabaho mo. Kapag nabubunyag ang mga tao, dumarating ang araw ng pagkondena at pagtitiwalag sa kanila. Posible bang baligtarin pa ang kalalabasang iyon? Hindi iyon madali; maaaring natukoy na ng Diyos ang kanilang kahihinatnan, at kung nagkaganito, mahihirapan sila” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Makakamit Lamang ang Kalayaan at Pagpapalaya sa Pamamagitan ng Pagwawaksi sa Sariling Tiwaling Disposisyon). Habang nagninilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na kung ang aking layunin ay ang gamitin ang mga pagtitipon at pagbabahaginan para magpakitang-gilas at umani ng paghanga, at hindi para malutas ang mga problema ng mga kapatid habang ginagawa ang kanilang mga tungkulin, ako ay lumalakad pa rin sa landas na lumalaban sa Diyos. Kahit na dumalo pa ako sa isang pagtitipon, hindi ko makukuha ang patnubay ng Diyos at ang pagtitipon ay mawawalan ng epekto. Sa pagkatanto nito, nanalangin ako sa Diyos, itinama ang aking layunin, at bukas na ibinahagi sa sister na katuwang ko ang aking katiwalian at mga kakulangan. Sa oras ng pagtitipon, nagbahagi lang ako sa mga nauunawaan ko, at ang mga kapatid ko ay tinalakay rin ang kanilang pagkaunawa. Magkakasama kaming nakahanap ng landas ng pagsasagawa sa pamamagitan ng aming pagbabahaginan at ang mga kalagayan nila ay bumuti. Naramdaman ko ang paggawa at patnubay ng Banal na Espiritu, at naging napakaginhawa at napakalaya ng aking pakiramdam. Nakita ko kung paanong sa pagbitiw sa aking pag-aalala sa katayuan at reputasyon at paggawa sa aking mga tungkulin nang kaisa ang aking mga kapatid, makakamit ko ang mga pagpapala at patnubay ng Diyos.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, natutunan ko na masyado kong inalala ang reputasyon at katayuan at naging napakaliit ng lugar ng Diyos sa puso ko. Sa puso ko ay hindi ako nagmahal at nagpasakop sa Diyos at tinahak ko ang maling landas. Salamat sa patnubay ng Diyos at sa paghatol at paglalantad ng Kanyang mga salita, sa wakas nagsimula ko nang makilala ang sarili ko at ang aking layunin at saloobin sa paggawa ng aking tungkulin ay sumailalim sa ilang pagbabago. Malinaw ko nang nakikita ngayon na ang paghahabol sa reputasyon, katayuan at sa paggalang at paghanga ng iba ay walang saysay o halaga—nagdadala lang ito ng kapahamakan. Ang pagtuon lamang sa pagsasagawa ng katotohanan, paghahangad ng pagbabago ng disposisyon, at paggampan nang maayos sa tungkulin para mapalugod ang Diyos ang mga tamang hangarin.