70. Bakit Natatakot Akong Ilantad ang mga Problema ng Iba
Noong nag-aaral pa ako, napansin kong medyo prangka ang ilang kaklase ko. Kapag nakikita nilang mali ang iba, sinasabi lang nila ang dapat nilang sabihin, na kadalasang nagpapasama ng loob sa mga tao at kaya sila ay itinatakwil. Naisip ko: “Hindi ba’t may pagkahangal ang mga taong ito? Ayon nga sa kasabihan, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,’ at ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Makita ang lahat, pero huwag punahin ang lahat, sa ganitong paraan, magagawang makibagay ng isang tao sa karamihan. Kung masyado kang direkta, kahit wala kang masasamang intensyon, aayawan ka ng mga tao at tatanggihan ka nila. Paano ka magkakaroon ng mga kaibigan sa ganoong paraan?” Kaya hindi ko kailanman direktang tinutukoy ang mga problema ng iba kapag nakikipag-ugnayan ako sa kanila. Gusto ng lahat ng kaklase ko na maging kaibigan ko sila, sinasabing madali raw akong pakisamahan at mabait, at naisip ko na mayroon akong magandang pagkatao. Nang manalig ako sa Diyos, sa ganitong paraan din ako nakipag-ugnayan sa mga kapatid. Hindi ko tinutukoy ang mga isyu ng iba kapag napapansin ko ang mga ito. Pakiramdam ko palagi, ang pagiging masyadong prangka ay magiging hindi komportable para sa mga tao, na iisipin nila na pinupuntirya ko sila at sinusubukang sadyang ilantad ang kanilang mga pagkukulang, at masisira nito ang relasyon namin. Nang makaranas ako na mabunyag at makabasa ng salita ng Diyos, saka ko lang nakita na ang paraan ng pakikisalamuha ko sa iba ay salungat sa katotohanan at mapanlaban sa Diyos.
Taong 2015 noon, at nakapareha ko si Leslie sa gawaing pang-video. Mas matagal na siyang nananalig kaysa sa akin at mas matanda rin siya sa akin. Naging magalang kami sa isa’t isa, magkasundo, at halos hindi nag-aaway. Kalaunan, nahalal ako bilang superbisor. Isang beses, iniulat ng iba na si Leslie ay nagiging pabasta-basta, manloloko, at tuso sa kanyang tungkulin, at na inaantala niya ang gawain. Sa tingin ko, talagang seryoso ang problema niya, kaya kinausap ko ang mga kapareha kong sister na kailangang tukuyin at ilantad ang mga problema ni Leslie para makapagnilay siya, makilala ang sarili, magsisi, at magbago. Sumang-ayon ang mga sister ko at nagtanong kung sino ang dapat magbahagi kay Leslie. Nakatayo ako roon nang walang sinasabi, ayaw kong mangahas na gumawa ng anuman para lutasin ang problema. Naisip ko: “Kung tutukuyin ko ang mga problema niya, iisipin ba niyang sadyang pinupuntirya ko siya? Paano kami magkakasundo pagkatapos niyon?” Sa gulat ko, iminungkahi ng lahat na ako ang magbahagi kay Leslie. Gusto ko talagang tumakas, pero alam ko na kung hindi ko tutukuyin ang mga problema niya, patuloy na maaapektuhan ang gawain ng iglesia. Kaya sa huli, nagpasya na lang akong gawin ito kahit mahirap sa akin. Nang panahong iyon, ilang oras kong inihanda ang sarili kong isipan, hinihikayat ang sarili na tukuyin ang mga problema niya. Paulit-ulit kong inensayo sa isip ko kung ano ang sasabihin ko sa kanya, mula simula hanggang matapos. Pero nang makita ko siya, parang may mga paruparo sa tiyan ko. Pakiramdam ko ay sinasakal ako, at hindi ako makapagsalita. Kaya tinanong ko siya sa malumanay na tono, “Naging maayos ba ang kalagayan mo kamakailan? Nagkaroon ka ba ng anumang paghihirap? Bakit bumabagal ka sa paggawa ng mga video?” Sumagot si Leslie na nag-aalala siya tungkol sa hindi pagpasok sa eskuwela ng kanyang anak, kaya naantala ang kanyang gawain. Naisip ko: “Sabi niya may problema siya. Kung ilalantad ko siya sa pagiging pabasta-basta, manloloko, at tuso sa kanyang tungkulin, iisipin ba niya na masyado akong malupit at na pinupuntirya ko siya? Kung masisira ang relasyon namin, mas magiging hindi komportable sa pagitan namin.” Sa isiping iyon, hindi ko na tinukoy ang mga problema niya. Nagsalita lang ako nang kaunti para aluin siya at saglit na tinalakay ang kalagayan ng kanyang tungkulin.
Dahil wala siyang tunay na pagkakilala sa sarili, patuloy siyang nagiging pabasta-basta sa kanyang tungkulin, at maraming problema sa kanyang mga video. Napagtanto ko na napakalubha ng mga problema ni Leslie, at kakailanganin siyang tanggalin kung wala siyang pagbabago. Samakatwid, muli akong nagbahagi sa kanya. Naisip ko na sa pagkakataong ito, tutukuyin ko na talaga ang mga problema niya. Pero pagkaupo ko pa lang, hindi na naman ako makapagsalita. Paulit-ulit kong iniisip kung paano ko sasabihin sa kanya sa paraang hindi siya mababalisa habang iminumulat siya sa kanyang mga problema, nang hindi siya magkakaroon ng pagkiling laban sa akin at iisipin na pinupuntirya ko siya. Matapos mag-isip nang ilang sandali, maingat ko siyang tinanong, “Bakit palagi kang pabaya sa tungkulin mo?” Sinabi sa akin ni Leslie na kung minsan ay bumibigay siya sa pagkahilig niya sa pagbabasa ng mga nobela, at napapabayaan niya ang kanyang tungkulin. Sa sobrang sama ng loob ay napaiyak siya habang sinasabi ito. Naisip ko: “Nahihirapan siya. Kung ibubunyag ko na nagiging manloloko at tuso siya sa kanyang tungkulin, kakayanin ba niya? Pinakamainam kung huwag na lang magsalita. Ano’t anuman, inamin naman niya ang problema niya at malamang na mapapabuti ito sa hinaharap.” Kaya nagpahayag ako ng pag-unawa sa kalagayan niya at hinimok pa nga siyang mas magsikap sa tungkulin niya. Pagkatapos niyon, hindi pa rin siya nagsisi, mas lumala pa nang lumala ang kanyang mga pabayang gawi, at sa huli ay tinanggal siya. Nang mangyari ito, hindi ko pinagnilayan ang mga aral na dapat kong matutunan.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nagbigay sa akin ng kaunting pagkaunawa sa kalagayan ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang asal at mga pamamaraan ng mga tao sa pakikitungo sa mundo ay kailangang nakabatay sa mga salita ng Diyos; ito ang pinakapangunahing prinsipyo para sa pag-uugali ng tao. Paano maisasagawa ng mga tao ang katotohanan kung hindi nila nauunawaan ang mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao? Ang pagsasagawa ng katotohanan ay hindi tungkol sa pagsasabi ng mga walang-saysay na salita o pagsigaw ng mga islogan. Sa halip, tungkol ito sa kung paanong, anuman ang makaharap ng mga tao sa buhay, hangga’t kinabibilangan ito ng mga prinsipyo ng pag-uugali ng tao, ng kanilang mga perspektiba sa mga bagay-bagay, o ang usapin ng pagganap sa kanilang mga tungkulin, kailangan nilang magpasya, at dapat nilang hanapin ang katotohanan, hanapin ang batayan at mga prinsipyo sa mga salita ng Diyos, at pagkatapos ay hanapin ang isang landas sa pagsasagawa. Ang mga nakapagsasagawa sa ganitong paraan ay mga taong hinahangad ang katotohanan. Ang magawang hangarin ang katotohanan sa ganitong paraan gaano man katindi ang mga paghihirap na nararanasan ng isang tao ay ang pagtahak sa landas ni Pedro, sa landas ng paghahanap ng katotohanan. Halimbawa: Anong prinsipyo ang dapat sundin pagdating sa pakikisalamuha sa iba? Marahil ang orihinal mong pananaw ay na ‘Ang pagkakasundo-sundo ay yaman; ang pagtitiis ay karunungan,’ at na dapat mong makasundo ang lahat, iwasang mapahiya ang iba, at wala kang mapasama ng loob, sa gayong paraan ay matatamo ang magandang ugnayan sa iba. Nalilimitahan ng ganitong pananaw, nananahimik ka kapag nasasaksihan mo na gumagawa ang iba ng masasamang bagay o lumalabag sila sa mga prinsipyo. Mas gugustuhin mo nang ang iglesia ang mawalan kaysa mapasama mo ang loob ng sinuman. Hinahangad mong makasundo ang lahat, kahit sino pa sila. Iniisip mo lamang ang mga damdamin ng tao at na hindi ka mapahiya kapag ikaw ay nagsasalita, at lagi kang nagsasabi ng mga salitang magandang pakinggan para pasayahin ang iba. Kahit pa matuklasan mong may mga problema sa isang tao, pinipili mong pagtimpian siya, at pag-usapan na lamang siya kapag siya ay nakatalikod, ngunit kapag kaharap siya ay pinapangalagaan mo ang kapayapaan at pinananatili mo ang inyong ugnayan. Ano ang palagay mo sa gayong asal? Hindi ba’t iyon ay asal ng isang mapagpalugod ng mga tao? Hindi ba’t medyo mapanlinlang ito? Nilalabag nito ang mga prinsipyo ng pag-asal ng tao. Hindi ba’t kababaan ang umasal ka sa ganoong paraan? Ang mga kumikilos nang ganito ay hindi mabubuting tao, hindi ito marangal na paraan ng pag-asal. Kahit gaano ka pa nagdusa, at kahit gaano pa kalaki ang iyong pinagbayaran, kung umaasal ka nang walang prinsipyo, nabigo ka sa aspektong ito, at hindi kikilalanin, tatandaan, o tatanggapin ang iyong pag-asal sa harap ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Para Magampanan nang Maayos ng Isang Tao ang Kanyang Tungkulin, Dapat Magtaglay man Lang Siya ng Konsensiya at Katwiran). Nilinaw sa akin ng mga salita ng Diyos na kahit anong mangyari sa buhay ko, hangga’t kabilang dito ang mga prinsipyo ng pag-uugali o mga pananaw sa mga bagay-bagay, dapat palagi kong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Sa buong panahong iyon, hindi ako naglakas-loob na tukuyin ang mga problema ng mga kapatid, at inakala ko na walang mali roon. Akala ko na hangga’t nagkakasundo kami at hindi nagtatalo, maayos na ang lahat. Nabasa ko na sinasabi ng Diyos na: “Kahit gaano ka pa nagdusa, at kahit gaano pa kalaki ang iyong pinagbayaran, kung umaasal ka nang walang prinsipyo, nabigo ka sa aspektong ito, at hindi kikilalanin, tatandaan, o tatanggapin ang iyong pag-asal sa harap ng Diyos.” Naantig talaga ako ng mga salitang ito. Sa panlabas, maaaring tila wala akong ginagawang masama, pero palagi akong natatakot na mapasama ang loob ng mga tao at hindi ako naglalakas-loob na matapat na tukuyin ang mga problema ng iba. Kahit na may nakikita akong problema, nagagalit lang ako sa loob-loob ko, pero todo ngiti pa rin ako sa kanila, na nagdulot ng mga di-nalutas na problemang dapat sana ay nalutas, at nagdusa ng mga kawalan ang gawain ng iglesia. Sinasabi ng Diyos na ang gayong uri ng tao ay tuso, at walang prinsipyo sa kanyang asal. Pinagnilayan ko kung paano ko hinarap ang sitwasyon ni Leslie. Alam na alam ko na nagiging manloloko at tuso siya sa kanyang tungkulin at lubhang nakakaapekto sa pag-usad, pero natakot akong mapasama ang loob niya kung masyado akong naging direkta. Baka isipin niyang napakalupit ko, at magkaroon siya ng pagkiling laban sa akin. Natakot din ako na hindi niya ito tatanggapin at sisimangot siya, na gagawing nakakaasiwa ang mga bagay-bagay sa pagitan namin sa hinaharap. Dahil gusto kong protektahan ang relasyon namin, masyado akong natakot na magsabi ng anumang bagay para ilantad o pungusan siya. Nakita kong lumalala ang problema niya sa pagiging pabasta-basta at nagalit ako, pero sa pagbabahagi sa kanya, natakot akong kontrahin siya, kaya hindi ako naglakas-loob na banggitin o ilantad ang problema niya. Nagsabi lang ako ng ilang kaswal na bagay na pahapyaw sa paksa, at inalo ko pa nga siya, sa kabila ng nararamdaman ko. Bilang superbisor, ang hindi paglantad o paglutas sa mga problemang nakita ko ay nangangahulugang nagiging iresponsable ako at lubhang pabaya. Umaakto akong “mabait na tao” sa paligid ng iba sa buong panahong ito, iniisip na ang pagiging maalalahanin at maunawain ay pagiging mabuting tao. Nang mabunyag ang mga katunayan, saka ko lang lubusang binago ang pananaw ko sa sarili ko. Napansin ko ang problema ni Leslie pero hindi ko ito tinukoy at hindi siya tinulungan. Dahil dito, hindi niya makita ang diwa o mga kahihinatnan ng kanyang problema, nagdusa ang buhay niya, at naantala ang gawain ng iglesia. Masyado akong naging makasarili, kasuklam-suklam, tuso, at mapanlinlang. Paano ko masasabing mayroon akong mabuting pagkatao?
Sa isang pagtitipon, nabasa ko ang pagsusuri ng Diyos sa “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” at “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Pagkatapos ay nalaman ko na nag-atubili akong tukuyin ang mga problema ng iba dahil naimpluwensiyahan ako ng mga ideyang ito. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para maingatan ang isang pagkakaibigan, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon—na dapat niyang sundin ang mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Lilinlangin nila ang isa’t isa, pagtataguan ang isa’t isa, iintrigahin ang isa’t isa; at bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para maingatan ang kanilang maayos na samahan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing relasyong panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga relasyong panlipunan, hindi naihahandog ng mga tao ang kanilang damdamin, ni wala silang malalalim na pag-uusap, ni sinasabi ang anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa isa’t isa, o ang mga salitang makakatulong sa isa’t isa. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, dahil baka maging sanhi pa ito para mapoot sa kanila ang iba. Kapag walang sinumang banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at payapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang tuso at mapanlinlang na paraan ng pag-iral, na may elemento ng pagtatanggol sa sarili, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Ang mga taong ganito ang pamumuhay ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Maingat sila laban sa isa’t isa, sinasamantala nila ang isa’t isa at iniisahan ang isa’t isa, kinukuha ang kailangan nila mula sa relasyon. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pamiminsala sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspektong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa wastong asal ng mga tao na, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao na kumilos nang ganito? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa wastong asal? Sa pinakamainam, hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan 8). Nang suriin ng Diyos ang epekto ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” at “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” pakiramdam ko ay nasa mismong harapan ko Siya, inilalantad ako. Sa pamumuhay ayon sa mga pilosopiyang ito, ang mga salita at kilos ko ay nagsilbing proteksyon ko lang. Kahit sino pang kasama ko, palagi kong pinanghahawakan ang prinsipyong huwag kailanman kontrahin o pasamain ang loob ng sinuman. Noong nag-aaral pa ako, nakita ko ang mga taong prangka na itinatakwil, kaya naisip ko, upang makasundo ang iba, hindi mo dapat sabihin kahit kailan ang tunay mong naramdaman, at kahit nakikita mo ang kanilang mga problema, hindi mo dapat banggitin ang mga ito at pasamain ang loob niya. Sa ganoong paraan, magugustuhan ka ng mga tao at magiging madali sa iyo na makibagay. Kahit pagkatapos manampalataya sa Diyos, sinusunod ko pa rin ang mga pilosopiyang iyon sa pakikitungo sa mga kapatid. Upang maiwasang hindi magustuhan ng iba o makasakit ng damdamin, pagdating sa paglalantad o paggawa ng anumang bagay na maaaring magpasama ng loob nila, sadya akong umaatras sa responsabilidad, o binabanggit ko ito sa aking mga kapatid na kapareha para hayaang sila ang umasikaso rito. Minsan kapag kailangan kong magbahagi, nagsasabi lang ako ng ilang hindi mahahalagang bagay na akma sa sitwasyon, ibig sabihin ay maraming problema ang hindi nalulutas sa tamang panahon. Pinanghawakan ko ang mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, tulad ng “Ang isa pang kaibigan ay nangangahulugan ng isa pang landas; ang isa pang kaaway ay nangangahulugan ng isa pang balakid” at “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” para maging pamantayan sa pag-uugali ko. Hindi ko kailanman sinabi kahit kanino kung ano talaga ang iniisip ko, at mas lalo akong nagiging mapagpaimbabaw at mapanlinlang. Iniisip ko sa sarili ko na sa pagpapanatili ng mabuting relasyon at pagiging kasundo ng lahat, magugustuhan ako ng mga tao, pagkatapos ay madali kong makukuha ang pagsang-ayon ng iba. Kung isang araw ay may sabihin o gawin ako na labag sa mga prinsipyo, papalampasin ako ng mga tao at hahayaan akong huwag mapahiya. Nakita ko na wala akong prinsipyo sa mga pakikipag-ugnayan ko. Gusto ko lang mapanatiling masaya at nakangiti ang lahat, at para walang maglalantad ng mga pagkukulang ng sinuman upang hindi ako mapahiya at mapanatili ko ang aking katayuan at reputasyon. Hindi ba’t sinusubukan kong makuha ang suporta ng mga tao at gamitin sila? Maaaring mukha akong mabait, magiliw, at maawain, ngunit sa likod ng lahat ng ito, hinahabol ko ang sarili kong mga layunin. Ako ay tunay na masama! Sa pag-iisip tungkol kay Leslie, malinaw sa akin na siya ay manloloko at tuso sa kanyang tungkulin, pero para maiwasang kontrahin siya, hindi ko tinukoy o inilantad ang mga problema niya, na nakakaapekto sa pag-usad ng gawain. Bukod sa pinipinsala ko siya sa pakikipag-ugnayan nang ganoon, inaantala ko rin ang gawain ng iglesia. Palaging nagbabahagi ang Diyos na dapat tayong kumilos at umakto ayon sa mga salita ng Diyos, at tingnan ang mga tao at bagay gamit ang katotohanan bilang ating pamantayan. Pero sa pang-araw-araw na buhay, namumuhay ako ayon sa mga satanikong pilosopiya, laging napipigilan sa aking pananalita at mga kilos. Hindi ko nagagawang magbahagi o tumulong sa iba nang normal, at lalong hindi nagagampanan ang mga responsabilidad ng isang lider. Hindi ko inisip kung paano magsalita sa paraang makapagpapatibay sa iba o kung paano protektahan ang gawain ng iglesia. Nanood pa nga ako habang napipinsala ang gawain ng iglesia at umakto akong mabait na tao sa kabila ng nararamdaman ko. Isinakripisyo ko ang mga interes ng iglesia para sa kapakanan ko. Masyado akong mapagpaimbabaw at walang pagkatao! Kung nagpatuloy ako nang ganoon, kapopootan at kasusuklaman ako ng Diyos at hahamakin at tatanggihan ako ng iba. Nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, nakikita ko na napipinsala ang gawain ng iglesia pero palagi akong umaaktong mabait. Hindi ko pinoprotektahan ang mga interes ng iglesia at siguradong kinasusuklaman Mo iyon nang husto. O Diyos, gusto ko pong magsisi. Pakiusap, gabayan Mo po ako na lutasin ang problema ko. Gusto kong maging isang taong may pagpapahalaga sa katarungan na nagpoprotekta sa gawain ng iglesia.”
Sa aking espirituwal na debosyon, nabasa ko ang marami pang salita ng Diyos: “Kapag may nangyayari sa iyo, namumuhay ka ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, at hindi mo isinasagawa ang katotohanan. Palagi kang natatakot na masaktan ang kalooban ng iba, pero hindi ka natatakot na magkasala sa Diyos, at isasakripisyo mo pa ang mga interes ng sambahayan ng Diyos upang protektahan ang iyong mga ugnayan sa mga tao. Ano ang mga kahihinatnan ng pagkilos sa ganitong paraan? Mapoprotektahan mo nga nang mabuti ang iyong mga ugnayan sa mga tao, ngunit magkakasala ka naman sa Diyos, at itataboy ka Niya, at magagalit Siya sa iyo. Alin ang mas mabuti sa panimbang? Kung hindi mo masabi kung alin, naguguluhan ka nang husto; pinatutunayan nito na wala ka ni katiting na pagkaunawa sa katotohanan. Kung magpapatuloy ka nang ganyan nang hindi kailanman natatauhan, at kung hindi mo talaga makakamit ang katotohanan sa huli, ikaw ang siyang dadanas ng kawalan. Kung hindi mo hahanapin ang katotohanan sa bagay na ito, at mabigo ka, magagawa mo bang hanapin ang katotohanan sa hinaharap? Kung hindi mo pa rin magagawa, hindi na ito magiging usapin ng pagdanas ng kawalan—matitiwalag ka na sa huli. Kung taglay mo ang mga motibasyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo makakayang isagawa ang katotohanan at sumunod sa prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa kaligtasan, at hilingin na bigyan ka Niya ng higit pang pananalig at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, dangal, at kinatatayuan ng isang mapagpalugod ng mga tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang tapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan. Kung lagi kang nagpupumilit na mamuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, na pinoprotektahan ang mga relasyon mo sa iba, hindi kailanman isinasagawa ang katotohanan, at hindi naglalakas-loob na sumunod sa mga prinsipyo, magagawa mo bang isagawa ang katotohanan sa iba pang mga bagay? Wala ka pa ring pananalig o lakas. Kung hindi mo nagagawa kahit kailan na hanapin o tanggapin ang katotohanan, tutulutan ka ba ng gayong pananalig sa Diyos na matamo ang katotohanan? (Hindi.) At kung hindi mo matamo ang katotohanan, maaari ka bang maligtas? Hindi maaari. Kung lagi kang namumuhay ayon sa pilosopiya ni Satanas, lubos na walang katotohanang realidad, hindi ka maliligtas kailanman” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Nilinaw sa akin ng salita ng Diyos na ang aking mga prinsipyo ay na palaging panatilihin ang mga relasyon at hindi kailanman magkaroon ng mga kaaway, sa halip na isagawa ang salita ng Diyos. Kapag nakakakita ako ng isang bagay na hindi nakaayon sa katotohanan, bumibigay na lang ako at nagpaparaya rito, gusto kong protektahan ang mga relasyon ko sa iba, na nagbibigay-daan sa akin na mamuhay sa isang ligtas na kalagayan. Nakita ko na tinatahak ko ang landas ng kawalang paninindigan, na ganap na nagiging walang prinsipyo sa aking mga kilos. Hinihiling sa atin ng Diyos na magsalita at kumilos tayo ayon sa Kanyang salita, na maging mga taong nagmamahal sa minamahal Niya, napopoot sa Kanyang kinapopootan, at nakakaalam ng mabuti sa masama, na magawang matukoy ang lahat ng uri ng tao, at tratuhin ang iba ayon sa mga prinsipyo. Tanging ang pagsasagawang ito ang naaayon sa layunin ng Diyos. Gayumpaman, malinaw kong nakita na inaantala ni Leslie ang gawain sa kanyang tungkulin pero hindi ko siya pinuna o inilantad. Inalo ko siya nang makita ko siyang umiiyak at umakto akong mabait, sa kabila ng nararamdaman ko. Sa ganito, pinoprotektahan ko ang aming relasyon at pinapanigan si Satanas dahil pinagbibigyan ko siya. Napakahangal ko! Noon, hindi ko inakala na ang gayong pag-uugali ay isang malaking problema. Nang mabunyag ang mga katunayan, saka ko lang nakita na ang pamumuhay ayon sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo ay talagang hindi ang tamang landas. Isa akong superbisor, pero palaging natatakot na mapasama ang loob ng mga tao at wala akong pagpapahalaga sa katarungan. Hindi ako naglalakas-loob na tukuyin ang mga isyung nakikita ko o magbahagi para lutasin ang mga ito, na humahantong sa paulit-ulit na paglitaw ng mga problema. Hindi ito paggawa ng tunay na gawain; ito ay paglaban sa Diyos!
Kalaunan, nakakita ako ng landas ng pagsasagawa sa salita ng Diyos. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Kung nais mong magtatag ng normal na kaugnayan sa Diyos, kailangang nakabaling sa Kanya ang puso mo; sa pundasyong ito, magkakaroon ka na rin ng mga normal na kaugnayan sa ibang tao. Kung wala kang normal na kaugnayan sa Diyos, anuman ang gawin mo upang mapanatili ang iyong mga kaugnayan sa ibang tao, gaano ka man magsumikap o gaanong lakas man ang iyong ibuhos, ang lahat ng ito ay magiging sa isang pilosopiya lamang ng tao sa mga makamundong pakikitungo. Pangangalagaan mo ang iyong katayuan sa mga tao at makakamit ang kanilang papuri sa pamamagitan ng mga pananaw ng tao at mga pilosopiya ng tao, sa halip na magtatag ng mga normal na interpersonal na kaugnayan ayon sa salita ng Diyos. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa mga tao, at sa halip ay magpapanatili ng isang normal na kaugnayan sa Diyos, kung handa kang ibigay sa Diyos ang puso mo at matutuhang magpasakop sa Kanya, natural lamang na magiging normal ang iyong mga interpersonal na kaugnayan. Sa gayon, hindi itatatag sa laman ang mga kaugnayang ito, kundi sa pundasyon ng pagmamahal ng Diyos. Halos wala kang magiging pakikipag-ugnayan sa laman sa ibang mga tao, ngunit sa espirituwal na antas ay magkakaroon ng pagsasamahan at pagmamahalan, kapanatagan, at paglalaan sa pagitan ninyo. Lahat ng ito ay ginagawa sa pundasyon ng pagnanais na mapalugod ang Diyos—ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pamamagitan ng mga pilosopiya ng tao sa mga makamundong pakikitungo, likas na nabubuo ang mga ito kapag nagdadala ang isang tao ng pasanin para sa Diyos. Hindi kinakailangan ng mga ito na gumawa ka ng anumang pagsisikap na gawa ng tao, kailangan mo lamang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos). Nilinaw sa akin ng salita ng Diyos na ang normal na mga relasyon sa pagitan ng mga tao ay hindi napapanatili sa pamamagitan ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo. Ito ay itinatatag sa pundasyon ng pagsasagawa ng Kanyang salita. Kapag nangyayari ang mga bagay-bagay, kailangan nating isagawa ang katotohanan, kumilos ayon sa mga prinsipyo, protektahan ang gawain ng iglesia, at magdala ng pasanin para sa buhay ng mga kapatid. Ito ang tanging paraan para magkaroon ng normal na mga relasyon sa pagitan ng mga tao. Naalala ko ang mga patotoong batay sa karanasan ng ilang kapatid. Kapag napapansin nila ang mga problema ng iba, nagagawa nilang tukuyin ang mga ito at tulungan ang iba ayon sa salita ng Diyos. Bagama’t napapahiya ang mga tao minsan, kung hahangarin nila ang katotohanan, maaari nilang gamitin ang pagbabahagi at pagpuna na ito para matuklasan ang kanilang mga pagkukulang, malaman ang kanilang mga tiwaling disposisyon, mabago ang kanilang mga maling kalagayan, makausad sa kanilang buhay, at makakuha ng mas magagandang resulta sa kanilang mga tungkulin. Iyon ang pagiging tunay na mapagmahal at matulungin. Subalit para sa mga taong hindi hinahangad ang katotohanan, ang mapuna at mapungusan ay isang pagbubunyag para sa kanila. Dahil tutol sila sa katotohanan, kapag pinupungusan sila, sinusubukan nilang magdahilan at lumaban, nang walang pagtanggap. Ang ganitong uri ng tao ay hindi tunay na kapatid at dapat tanggihan at iwasan. Nang mapagtanto ko ito, lalo kong naramdaman na tanging salita ng Diyos ang pamantayan sa ating mga kilos at asal, na dapat nating tratuhin ang iba ayon sa salita ng Diyos. Iyon ang pinakamainam na paraan para umasal at iyon ang naaayon sa mga pamantayan ng normal na pagkatao.
Minsan, nalaman ko na may isang sister na nagiging talagang mayabang, mapagmagaling, at hindi tumatanggap ng mga mungkahi. Palagi niyang ginagawa ang mga bagay batay sa lagay ng loob niya at inantala niya ang gawain. Kailangan kong magbahagi at tukuyin ang mga problema niya para mapagnilayan at makilala niya ang kanyang sarili, pero medyo nangamba ako. Paano kung hindi niya ito tatanggapin? Magkakaroon ba siya ng pagkiling laban sa akin at sasabihing pinupuntirya ko siya? Naalala ko ang dati kong kabiguan, at ang nabasa ko sa salita ng Diyos kamakailan, at may napukaw ito sa loob-loob ko. Kung babalewalain ko ang gawain ng iglesia sa pagsisikap kong protektahan ang aming relasyon, magkakasala ako sa Diyos. Sa pagkakataong ito, pinagmamasdan ng Diyos ang aking saloobin para makita kung nagsisi at nagbago na ako. Hindi ko puwedeng tratuhin ang mga tao tulad ng dati. Naalala ko na sinasabi ng salita ng Diyos na: “Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa kaligtasan, at hilingin na bigyan ka Niya ng higit pang pananalig at lakas, na bigyan ka ng kakayahang sumunod sa mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan ang anumang pinsala na dumating sa gawain ng sambahayan ng Diyos” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pakiramdam ko ay parang nasa tabi ko ang Diyos, hinihikayat akong gawin ang hakbang na ito. Nagdasal ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at lakas para maisagawa ko ang katotohanan, magawang unahin ang gawain ng iglesia, at hindi na matakot na mapasama ang loob ng mga tao, na pagprotekta sa mga relasyon. Pagkatapos magdasal, hinanap ko ang sister na iyon. Kasabay ng paglalantad ng kanyang problema batay sa kanyang palagiang pag-uugali, binanggit ko rin na mayabang siya at mapagmagaling at hindi tumatanggap ng mga mungkahi ng iba, na ito ay pagiging tutol sa katotohanan at pagkakaroon ng satanikong disposisyon. Sinabi ko na kung patuloy niyang hahadlangan ang gawain ng iglesia nang hindi nagsisisi o nagbabago, matatanggal siya. Pagkatapos kong sabihin ang lahat ng iyon, hindi na katulad ng dati ang nararamdaman ko na takot na kamuhian. Sa halip, mas naging kalmado at payapa ang pakiramdam ko.
Kung gugunitain, palagi akong namumuhay noon ayon sa mga satanikong pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo, takot na mapasama ang loob ng mga tao, at na umusbong ang mga alitan at hindi pagkakasundo. Sa mga pakikipag-ugnayan ko, palagi kong isinaalang-alang ang mga reputasyon ng iba at pinrotektahan ko ang mga relasyon sa iba, napapalampas ang maraming pagkakataong maisagawa ang katotohanan. Ngayon, kapag kailangan kong tukuyin at isiwalat ang mga problema ng mga tao, medyo natatakot pa rin ako, pero nakakaya kong sadyang magdasal sa Diyos, at naitatama ko ang sarili kong mga intensyon at pananaw para makapagsagawa ayon sa mga prinsipyo. Nagbigay-daan sa akin ang karanasang ito na maitama ang aking mga maling pananaw. Talagang nagpapasalamat ako sa Diyos!