82. Ang Pasakit ng Pagsisinungaling

Ni Ronald, Myanmar

Noong Oktubre 2019, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos ng mga huling araw. Sa mga pagtitipon, nakita kong nakapagbabahagi ang mga kapatid tungkol sa kanilang mga karanasan at pag-unawa. Nakapagtatapat sila tungkol sa lahat ng kanilang katiwalian at mga pagkukulang nang walang anumang pag-aalinlangan, at inggit na inggit ako. Gusto ko ring maging matapat na tao at payak na magtapat gaya ng ginagawa nila, pero kapag nandyan na talaga, hindi ko talaga magawang magsalita nang matapat. Isang beses, tinanong ako ng aking mga kapatid, “Bata ka pa, estudyante ka pa ba?” Ang totoo ay matagal-tagal na rin akong hindi nag-aaral, at nagluluto at naglilinis na lang sa isang restawran, pero natakot akong hahamakin ako ng iba kapag nalaman nila ito, kaya sinabi ko sa kanila na estudyante pa rin ako. Hindi ko na masyadong inisip iyon nang masabi ko na, at hinayaan ko na lang. Isang araw, nakita ko ang isang sipi ng salita ng Diyos sa isang video ng patotoong batay sa karanasan na nag-udyok sa aking pagnilayan ang aking sarili. Sabi ng mga salita ng Diyos: “Dapat ninyong malamang gusto ng Diyos ang mga matapat. Sa diwa, tapat ang Diyos, kaya naman palaging mapagkakatiwalaan ang mga salita Niya; higit pa rito, walang mali at hindi mapag-aalinlanganan ang mga kilos Niya, kung kaya gusto ng Diyos ang mga lubos na matapat sa Kanya. Ang pagkamatapat ay nangangahulugang pagbibigay ng puso ninyo sa Diyos, pagiging totoo sa Diyos sa lahat ng bagay, pagiging bukas sa Kanya sa lahat ng bagay, hindi pagtatago kailanman ng mga katunayan, hindi pagtatangkang manlinlang ng mga nasa itaas at nasa ibaba ninyo, at hindi paggawa ng mga bagay para lamang sumipsip sa Diyos. Sa madaling salita, ang pagiging matapat ay pagiging dalisay sa inyong mga kilos at salita, at hindi panlilinlang sa Diyos o sa tao(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tatlong Paalaala). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na gusto ng Diyos ang matatapat na tao, na ang matatapat na tao ay payak na makapagtatapat sa Diyos, na malinaw ang mga bagay na ginagawa at sinasabi nila, at hindi nila sinusubukang linlangin ang Diyos o ang ibang tao. Samantalang ako, nang tanungin ako ng iba, “Estudyante ka pa ba?” ni hindi ko magawang magsabi ng totoo, lalo pa ang maging matapat na tao sa harap ng Diyos. Hindi talaga ako matapat! Kaya gusto kong maging bukas sa iba, pero natakot akong kukutyain nila ako, gayunman, kasabay nito, labis akong nabalisa sa hindi pagsasabi. Kaya nanalangin ako sa Diyos, hinihiling sa Kanya na tulungan akong isagawa ang pagsasabi ng totoo at ang pagiging matapat na tao. Sa isang pagtitipon kalaunan, ipinagtapat ko ang tungkol sa aking katiwalian at ibinunyag ang aking intensyon na gumamit ng mga kasinungalingan at panlilinlang. Bukod sa hindi ako hinamak ng iba, nagpadala pa sila ng mensahe sa akin na nagsasabing maganda ang aking karanasan. Binigyan ako nito ng higit na kumpiyansa na maging matapat na tao. Sa kabila ng pagsasagawa ng pagiging matapat at pagsasabi ng totoo sa pagkakataong ito, wala pa rin akong kamalayan sa aking satanikong disposisyon, at pagdating sa mga bagay na may kinalaman sa reputasyon at mga interes ko, hindi ko pa rin mapigilang magpanggap.

Matapos ang ilang panahon, napili akong maging isang mangangaral at responsable ako sa gawain ng tatlong iglesia. Sa isang pagtitipon ng magkakatrabaho, may isang lider na gustong malaman ang mga detalye kung paano dinidiligan ang mga baguhan sa bawat iglesia, at tinanong kami kung bakit ang ilang baguhan ay hindi nasuportahan nang maayos. Medyo nataranta ako, dahil alam ko lang ang nangyayari sa isa sa mga iglesia at hindi sa dalawa pa. Kaya ano ang sasabihin ko? Kung sasabihin ko ang totoo, ano ang iisipin sa akin ng lahat? Mapapaisip kaya sila kung puwede akong maging isang mangangaral kung hindi ko man lang ito maunawaan nang malinaw? O sasabihin kaya nilang hindi ako gumawa ng tunay na gawain at hindi ko kaya ang tungkuling ito? Sobrang kahiya-hiya kung ililipat ako o tatanggalin! Gusto ko na lang tumakas, pero kung maaga akong aalis, natatakot ako na mabuko nila. Kaya wala akong magawa kundi manatili at makinig habang tinatalakay ng ibang mangangaral ang tungkol sa gawaing pinamamahalaan nila. Parang dinadaga ang dibdib ko at hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. Nang tawagin ng lider ang pangalan ko, kabadong-kabado ako, at nagkunwari akong hindi ko siya narinig na nagtatanong, “Ano ang sinabi mo?” Ang sabi ng lider, “Pinag-uusapan lang namin ang tungkol sa pagdidilig sa mga baguhan, at narinig mo ang sinabi ng lahat ngayon lang. Gusto mo bang sabihin sa amin ang tungkol sa mga baguhan mo?” Naligalig ang puso ko. Wala akong magawa kundi unang talakayin ang tungkol sa iglesia na may alam ako, pero ayokong talakayin ang tungkol sa dalawa pa. Gayunman, natakot akong malalaman ng lahat na hindi ko kinumusta ang gawain, kaya pinagtagis ko ang aking mga ngipin at nagsinungaling, sinabing, “Marami sa mga baguhan sa ikalawang iglesia ang hindi nasusuportahan nang maayos, at dahil sa pandemya, hindi namin sila makausap. Hindi ako masyadong sigurado sa sitwasyon sa ikatlong iglesia dahil sa buong panahon ay kinukumusta ko ang gawain sa dalawa pang iglesia.” Balisang-balisa ako sa pagsasabi nito, at takot na takot akong mabuko ng lahat ang kasinungalingan ko, na lalo pang magiging kahiya-hiya. Kabado ako sa buong pagtitipon at nakahinga lang nang maluwag nang matapos na ito. Sa gulat ko, nakahiwalay na tinanong ako ng lider, “Tungkol doon sa mga baguhan na hindi nasusuportahan nang maayos dahil sa pandemya, sinabihan mo na ba ang mga tagadilig na tawagan at kumustahin sila?” Natigilan ako sa tanong ng lider. Hindi ko alam ang mga detalye ng sitwasyon. Kung sasabihin ko ang totoo, hindi ba mapagtatanto ng lider na nagsinungaling ako? Hindi ko puwedeng sabihin na hindi ko alam. Kaya nagpatuloy lang ako sa pagsisinungaling, “Nakausap ko na sila tungkol doon, pero ang ilang baguhan ay hindi sumagot ng kanilang mga telepono.” Pagkatapos ay nagtanong ang lider, “Sinong mga baguhan?” Naisip ko, “Kaya ba tanong nang tanong ang lider dahil natuklasan na niyang nagsinungaling ako?” Mabilis akong sumagot, “Sa tingin ko, iyong ilan na katatanggap pa lang sa gawain ng Diyos.” Nang makitang hindi ko iyon maipaliwanag nang malinaw, walang nagawang sinabi ng lider, “Kung ganoon, kapag alam mo na, ipaalam mo sa akin.” Pagkababa ko sa tawag, labis akong nakonsensiya. Nagsinungaling at nanlinlang na naman ako. Sa sandaling magsinungaling ako, kailangan kong gumawa ng mas marami pang kasinungalingan para pagtakpan ito. Napakahirap gumamit ng mga kasinungalingan para pagtakpan ang iba pang mga kasinungalingan. Sa pagbabalik-tanaw sa pagtitipon, sinabi ng isang mangangaral na sa tatlong iglesia na responsabilidad niya, hindi niya nakumusta ang isa sa mga ito. Nagawa niyang magsabi ng totoo, kaya bakit hindi ako makapagsabi ng kahit isang matapat na salita? Nagsinungaling ako, nanlinlang, at nagkunwari, pero hindi ko maloloko ang Diyos, dahil sinisiyasat ng Diyos ang lahat. Napakapabaya ko sa aking tungkulin, at hindi magtatagal ay mabubunyag ako. Kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, sa pagtitipon ngayong araw, nang magtanong ang lider tungkol sa gawain, hindi ako nagsabi ng totoo. Natakot akong hahamakin ako ng lahat at sasabihin nilang hindi ako gumawa ng tunay na gawain. O Diyos, pakiusap, patnubayan Mo po ako na makilala ang aking sarili at maiwaksi ang aking tiwaling disposisyon.”

Kalaunan ay nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Sa kanilang pang-araw-araw na buhay, madalas na ang mga sinasabi ng mga tao ay walang kabuluhan, mga kasinungalingan, at mga bagay na kamangmangan, kahangalan, at depensibo. Sinasabi nila ang karamihan sa mga bagay na ito dahil sa banidad at pride, upang bigyan ng kasiyahan ang mga sarili nilang ego. Inihahayag ng pagsasalita nila ng gayong mga kasinungalingan ang mga tiwaling disposisyon nila. Kung lulutasin mo ang mga tiwaling elementong ito, madadalisay ang puso mo, at unti-unti kang magiging mas malinis at tapat. Sa katotohanan, alam ng mga tao kung bakit sila nagsisinungaling. Dahil sa pansariling pakinabang at pride, o para sa banidad at katayuan, sinusubukan nilang makipagkompetensiya sa iba at magpanggap. Gayunman, sa huli, ang kasinungalingan nila ay ibinubunyag at inilalantad ng iba, at napapahiya sila, at nasisira ang dignidad at karakter nila. Ang lahat ng ito ay dulot ng sobra-sobrang kasinungalingan. Masyado nang dumami ang mga kasinungalingan mo. Ang bawat salitang sinasabi mo ay may halo na at hindi sinsero, at ni isa ay hindi maituturing na totoo o tapat. Kahit na hindi mo nararamdamang napahiya ka kapag nagsisinungaling ka, sa kaibuturan, nakakaramdam ka ng kahihiyan. Inuusig ka ng konsensiya mo, at mababa ang pagtingin mo sa sarili mo, iniisip na, ‘Bakit nabubuhay ako nang kahabag-habag? Ganoon ba kahirap ang magsalita ng katotohanan? Kailangan bang magsinungaling ako para sa pride ko? Bakit sobrang nakakapagod ang buhay ko?’ Hindi mo kailangang mamuhay nang nakakapagod. Kung makakapagsagawa ka bilang isang tapat na tao, magagawa mong mamuhay nang maluwag, malaya, at libre. Gayunman, pinili mong itaguyod ang pride at banidad mo sa pamamagitan ng pagsisinungaling. Bunga nito, nakakapagod at miserable ang pag-iral mo, na ikaw mismo ang may gawa. Maaaring magkaroon ng pakiramdam ng pagmamalaki ang isang tao sa pamamagitan ng pagsisinungaling, ngunit ano ba ang pakiramdam ng pagmamalaki? Ito ay isang bagay na walang kabuluhan at ganap na walang halaga. Ang pagsisinungaling ay nangangahulugan ng pagkakanulo ng iyong karakter at dignidad. Tinatanggalan nito ng dignidad at karakter ang isang tao; hindi ito nakalulugod sa Diyos, at kinasusuklaman Niya ito. Ito ba ay kapaki-pakinabang? Hindi. Ito ba ang tamang landas? Hindi. Ang mga taong madalas na nagsisinungaling ay namumuhay alinsunod sa mga satanikong disposisyon nila; namumuhay sila sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas. Hindi sila namumuhay sa liwanag, ni hindi rin sila namumuhay sa presensya ng Diyos. Palagi mong iniisip kung paano magsisinungaling at pagkatapos mong magsinungaling, kailangan mong mag-isip kung paano pagtatakpan ang kasinungalingang iyon. At kapag hindi mo napagtakpan nang maayos ang kasinungalingang iyon at ito ay nabunyag, kailangan mong pigain ang iyong utak upang subukang ituwid ang mga kontradiksyon at gawin itong kapani-paniwala. Hindi ba’t nakakapagod ang mabuhay nang ganito? Nakakapagod. Sulit ba ito? Hindi, hindi ito sulit. Ang pagpiga sa iyong utak upang magsabi ng mga kasinungalingan at pagkatapos ay pagtatakpan ang mga ito, lahat para sa kapakanan ng pride, banidad, at katayuan, anong kabuluhan nito? Sa wakas, nagninilay-nilay ka at iniisip mo, ‘Ano ang punto ng pagsisinungaling? Masyadong nakakapagod ang pagsisinungaling at ang pangangailangang pagtakpan ang mga ito. Hindi uubra na kumikilos ako sa ganitong paraan; mas magiging madali kung magiging matapat na lang ako na tao.’ Ninanais mong maging isang tapat na tao, ngunit hindi mo mabitiwan ang pride, banidad, at mga personal na interes. Kaya, ang nagagawa mo lang ay magsinungaling para panindigan ang mga bagay na ito. … Kung iniisip mong maitataguyod ng kasinungalingan ang reputasyon, katayuan, banidad, at pride na hinahangad mo, lubos kang nagkakamali. Ang totoo, sa pamamagitan ng pagsisinungaling, hindi ka lang bigong mapanatili ang banidad at pride mo, at ang dignidad at karakter mo, kundi mas matindi pa, napapalagpas mo ang pagkakataong isagawa ang katotohanan at maging isang tapat na tao. Kahit na nagawa mong protektahan sa sandaling iyon ang iyong reputasyon, katayuan, banidad, at pride, isinakripisyo mo ang katotohanan at ipinagkanulo ang Diyos. Ibig sabihin nito ay ganap nang nawala sa iyo ang pagkakataon na mailigtas at maperpekto Niya, na siyang pinakamalaking kawalan at panghabang-buhay mong pagsisisihan. Hindi ito mauunawaan kailanman ng mga mapanlinlang(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Isiniwalat ng mga salita ng Diyos ang eksaktong kalagayan ko. Gustong malaman ng lider ang tungkol sa sitwasyon ng pagdidilig sa bawat iglesia, na malinaw na isang simpleng bagay, at ayos lang naman sana na magsabi ng totoo, pero para sa akin wala nang mas mahirap pa. Napuno ako ng mga pag-aalinlangan, at natakot na matapos malaman ng lider at ibang mga mangangaral ang totoo, sasabihin nilang hindi ako gumawa ng tunay na gawain, at ni hindi maisaayos ang maliit na bagay na ito. At kung matanggal ako, kahiya-hiya iyon! Para protektahan ang aking reputasyon, katayuan, at ang magandang impresyon ng iba sa akin, nagsinungaling ako tungkol sa pangungumusta sa dalawang iglesia, kahit na isa lang ang naunawaan ko. Nagdetalye pa nga ako sa ikalawang iglesia, nagsabing ang mga baguhan doon ay hindi nasusuportahan nang wasto dahil sa pandemya. Hindi ba’t isa talaga itong malinaw na kasinungalingan? Nang tanungin ako ng lider kung sinabihan ko ang mga tagadilig na tawagan ang mga baguhan, natakot akong malaman ng lider ang kasinungalingan ko, kaya gumawa ako ng pangalawang kasinungalingan para pagtakpan ang nauna, at nagdahilan para lansihin siya. Para protektahan ang pangalan at katayuan ko, gumamit ako ng isang kasinungalingan para pagtakpan ang isa pa. Mapanlinlang talaga ako! Naisip ko ang isang pag-uusap sa pagitan ng Diyos at ni Satanas na nakatala sa Bibliya. Tinanong ng Diyos si Satanas kung saan ito nanggaling, na sinagot ni Satanas ng, “Sa pagpaparoo’t parito sa lupa, at sa pagmamanhik manaog doon” (Job 1:7). Napakatuso ni Satanas. Hindi nito direktang sinagot ang tanong ng Diyos at nagpaligoy-ligoy. Imposibleng masabi kung saan nanggaling si Satanas. Ang bibig nito ay puno lamang ng mga kasinungalingan, hindi ito nagsasalita nang matapat, at nagsasalita lamang nang walang linaw at walang katiyakan. Sa pagsisinungaling at panlilinlang ko, hindi ba’t katulad ako ng diyablong si Satanas? Kahit na sumagot ako sa lider, hindi iyon tiyak at malabo, puno ng mga kasinungalingan at panlilinlang. Nang marinig ang sagot ko, hindi pa rin malinaw sa lider ang eksaktong kalagayan ng gawain ng pagdidilig na responsabilidad ko, at hindi niya mahusgahan kung maayos akong nangungumusta. Sa katunayan, pansamantala lang naingatan ng ganitong pagsisinungaling at panlilinlang ko ang reputasyon at katayuan ko, pero ang talagang nawala sa akin ay ang aking integridad, dignidad, at ang tiwala ng iba. Kung magpapatuloy ako nang ganito, hindi magtatagal, makikita ng lahat na hindi ako matapat na tao at hindi mapagkakatiwalaan. Walang maniniwala sa akin, at saka, hindi magtitiwala ang Diyos sa akin. Hindi ba’t ganap akong mawawalan ng integridad at dignidad? Hindi ba’t kahangalan ko ito?

Pagkatapos, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Ang hinihingi ng Diyos sa mga tao na maging matapat ang nagpapatunay na tunay Niyang kinamumuhian at hindi gusto ang mga taong mapanlinlang. Ang pag-ayaw ng Diyos sa mga taong mapanlinlang ay pag-ayaw sa kanilang paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay, kanilang mga disposisyon, kanilang mga layon, at kanilang mga pamamaraan ng panlilinlang; ayaw ng Diyos ang lahat ng bagay na ito. Kung ang mga taong mapanlinlang ay nagagawang tanggapin ang katotohanan, aminin ang kanilang mga mapanlinlang na disposisyon, at handa silang tanggapin ang pagliligtas ng Diyos, sila man ay may pag-asang maligtas—sapagkat pantay-pantay ang pagtrato ng Diyos sa lahat ng tao, at gayundin ang katotohanan. Kaya nga, kung nais nating maging mga taong nagbibigay-lugod sa Diyos, ang unang bagay na kailangan nating gawin ay baguhin ang ating mga prinsipyo ng pag-asal. Hindi na tayo maaaring mamuhay pa ayon sa mga satanikong pilosopiya, hindi na tayo magraraos sa pamamagitan ng mga pagsisinungaling at pandaraya. Kailangan nating iwaksi ang lahat ng ating kasinungalingan at maging matapat na tao. Sa gayon ay magbabago ang pagtingin sa atin ng Diyos. Dati-rati, laging umaasa ang mga tao sa mga pagsisinungaling, pagkukunwari, at panloloko habang namumuhay kasama ang iba, at gumagamit sila ng mga satanikong pilosopiya bilang batayan ng kanilang pag-iral, bilang kanilang buhay, at bilang kanilang saligan para sa kanilang pag-asal. Isang bagay ito na kinasusuklaman ng Diyos. Sa mga walang pananampalataya, kung prangka kang magsalita, sinasabi mo ang katotohanan, at isa kang matapat na tao, sisiraan ka, huhusgahan, at tatalikdan. Kaya sumusunod ka sa mga makamundong kalakaran at namumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya; lalo ka pang humuhusay sa pagsisinungaling, at mas lalong nagiging mapanlinlang. Natututo ka ring gumamit ng mga tusong kaparaanan para makamtan ang iyong mga mithiin at protektahan ang iyong sarili. Mas lalo kang nagiging maunlad sa mundo ni Satanas, at dahil dito, palalim nang palalim ang pagkahulog mo sa kasalanan hanggang sa hindi mo na mapalaya ang iyong sarili. Sa sambahayan ng Diyos, eksaktong kabaligtaran niyon ang mga bagay-bagay. Kapag mas nagsisinungaling at nanlilinlang ka, mas mayayamot sa iyo ang mga taong hinirang ng Diyos at tatalikdan ka. Kung ayaw mong magsisi at nakakapit ka pa rin sa mga satanikong pilosopiya at lohika, at kung nakikipagsabwatan ka at gumagamit ng mga detalyadong pakana para magbalatkayo at magpanggap, malamang na mabubunyag at matitiwalag ka. Ito ay dahil kinapopootan ng Diyos ang mga taong mapanlinlang. Tanging matatapat na tao ang maaaring umunlad sa sambahayan ng Diyos, at ang mga taong mapanlinlang ay tatalikdan at ititiwalag sa huli. Lahat ng ito ay pauna nang itinalaga ng Diyos. Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit. Kung hindi ka magsisikap na maging matapat na tao, at kung hindi ka dumaranas at nagsasagawa sa direksyon ng paghahanap sa katotohanan, kung hindi mo ilalantad ang sarili mong kapangitan, at kung hindi mo ilalantad ang iyong sarili, hinding-hindi mo matatanggap ang gawain ng Banal na Espiritu at matatamo ang pagsang-ayon ng Diyos(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Sa pag-iisip-isip sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na hindi gusto ng Diyos ang mga taong mapanlinlang, at hindi Niya sila inililigtas. Dahil sila ay kay Satanas, ang mga mapanlinlang na tao ay gumagamit ng mga kasinungalingan at panlilinlang sa lahat ng kanilang ginagawa, at nagsasalita nang walang katapatan para lamang protektahan ang kanilang reputasyon, katayuan, at mga interes. Ang mga intensyon at pamamaraang ginagamit ng mga taong ito ay kapoot-poot at kasuklam-suklam sa Diyos. Kahit na nananampalataya ako sa Diyos, hindi ako nagkamit ng anumang katotohanan at namuhay pa rin sa mga satanikong pilosopiya tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili at bahala na ang iba,” at “Kailangan ng mga tao ang kanilang pagpapahalaga sa sarili, tulad ng pangangailangan ng puno sa balakbak nito.” Ang mga satanikong pilosopiyang ito ay nag-ugat na sa aking puso, inililigaw ako, ginagawa akong tiwali, at pinalalakad ako sa landas ng paghahangad sa kasikatan, pakinabang, at katayuan. Inakala kong dapat na mabuhay ang isang tao para sa kanyang sarili, mamukod-tangi sa iba, at magkaroon ng katanyagan at kita, at na doon lang hindi mamaliitin ang isang tao. Inakala ko na kung ang isang tao ay puro totoo lang ang sinasabi at hindi kailanman nagsisinungaling, hangal ang taong iyon. Dahil dito, palagi akong nanlilinlang, at gumagawa ng masalimuot na mga kasinungalingan alang-alang sa sarili kong mga interes, lalo pang nagiging mapanlinlang, huwad, at walang normal na wangis ng tao. Itinuring kong mas importante ang reputasyon at katayuan kaysa sa katotohanan, at handa akong magsinungaling at sumalungat sa katotohanan para protektahan ang reputasyon at katayuan ko. Sinungaling si Satanas kaya kapag nagsisinungaling at nanlilinlang ako nang ganito, hindi ba’t ganoon din ako? Sa masamang mundong ito, hindi sasapat ang pagiging isang matapat, walang malisyang tao. Pero ganap na kabaligtaran iyon sa sambahayan ng Diyos. Sa sambahayan ng Diyos, sukdulang naghahari ang katuwiran at ang katotohanan, at kapag mas nanlilinlang ang isang tao, mas malamang na siya ay babagsak, at sa huli, lahat ng mapanlinlang na mga tao ay maibubunyag at maititiwalag ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Kung nais ng mga tao na maligtas, dapat silang magsimula sa pagiging matapat(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Anim na Pahiwatig ng Paglago sa Buhay). “Matatapat na tao lang ang maaaring magkaroon ng bahagi sa kaharian ng langit(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Ang Diyos ay banal, at ang maruruming tao ay hindi pinahihintulutang makapasok sa kaharian ng langit. Nang mapagtanto ko ito, naramdaman kong ang banal at matuwid na disposisyon ng Diyos ay hindi nalalabag, at tunay kong pinagsisisihan ang pagsisinungaling sa aking mga kapatid. Talagang kinapootan ko ang aking sarili at ayaw ko nang magsinungaling o manlinlang pang muli. Gusto kong isagawa ang katotohanan, maging matapat na tao, at makipag-usap sa lahat nang may katapatan. Gusto kong alisin ang mga kasinungalingan sa aking bibig at ang panlilinlang sa aking puso. Sa paggawa lang niyon ako maging karapat-dapat sa pagsang-ayon ng Diyos at magkakaroon ng pagkakataong magkamit ng katotohanan at maligtas.

Sa isa sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng salita ng Diyos: “Maraming aspekto ang saklaw ng pagsasagawa ng katapatan. Sa madaling salita, ang pamantayan para sa pagiging matapat ay hindi lamang nakakamit sa pamamagitan ng iisang aspekto; dapat makaabot ka sa pamantayan sa maraming aspekto bago ka maging matapat. Iniisip lagi ng ilang tao na kailangan lang nilang huwag magsinungaling upang maging matapat. Tama ba ang pananaw na ito? Ang hindi pagsisinungaling lamang ba ang napapaloob sa pagiging matapat? Hindi—may kaugnayan din ito sa ilan pang aspekto. Una, anuman ang kinakaharap mo, isang bagay man ito na nakita mismo ng sarili mong mga mata o isang bagay na sinabi sa iyo ng ibang tao, pakikisalamuha man ito sa mga tao o pag-aayos ng problema, tungkulin man ito na nararapat mong gampanan o isang bagay na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, dapat mong harapin ito palagi nang may matapat na puso. Paano ba dapat isagawa ng isang tao ang pagharap sa mga bagay-bagay nang may matapat na puso? Sabihin mo kung ano ang iniisip mo at magsalita nang matapat; huwag mangusap ng mga walang kabuluhang salita, pabibo, o mga salitang masarap pakinggan, huwag mambola o magsalita ng mga bagay na mapagpaimbabaw at huwad, bagkus sabihin ang mga salitang nasa iyong puso. Ito ang pagiging isang taong matapat. Ang pagpapahayag ng tunay na mga saloobin at pananaw na nasa iyong puso—ito ang dapat gawin ng mga taong matapat. Kung hindi mo kailanman sinasabi ang iniisip mo, at nabubulok na lang ang mga salita sa puso mo, at laging salungat ang sinasabi mo sa iniisip mo, hindi iyan ang ginagawa ng isang matapat na tao(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Isang Matapat na Tao Lamang ang Makapagsasabuhay ng Tunay na Wangis ng Tao). Binigyan ako ng salita ng Diyos ng landas ng pagsasagawa. Sa pakikipag-ugnayan man sa iba o sa paggawa ng aking tungkulin, dapat akong magkaroon ng matapat na puso sa aking pamamaraan. Dahil hindi ko kinumusta ang gawain, dapat sabihin ko na lang at maging matapat tungkol dito. Hindi ko dapat iniisip kung masisira ang reputasyon ko. Ang susi ay ang pagsasagawa ng pagiging isang matapat na tao. Sa sumunod na pagtitipon ng mga katrabaho, gusto kong magkusa at isiwalat ang aking katiwalian, pero nag-alala ako sa kung ano ang iisipin ng lahat sa akin. Napagtanto ko na gusto ko na namang pangalagaan ang aking reputasyon at katayuan, kaya tahimik akong nanalangin sa Diyos, hinihiling sa Kanyang gabayan ako, bigyan ng lakas, at pagkalooban ng lakas ng loob na isiwalat ang aking katiwalian, nagsasagawa ng katotohanan at nagiging isang matapat na tao. Naalala ko ang isang sipi ng salita ng Diyos na nabasa ko noon: “Kung hindi ka nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos, at kailanman ay hindi mo sinusuri ang iyong mga lihim at iyong mga hamon, at hindi ka kailanman nagiging bukas sa pagbabahaginan sa iba, hindi ibinabahagi ni hinihimay ni inilalantad ang iyong katiwalian at matinding kapintasan sa kanila, ikaw ay hindi maliligtas(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pinakasaligang Pagsasagawa ng Pagiging Isang Taong Matapat). Napagtanto ko na kung hindi ako isang matapat na tao, patuloy na pinagtatakpan ang aking katiwalian at mga pagkukulang, hindi nagtatapat, naghahayag, o nagsusuri ng aking sarili, hinding-hindi ko maiwawaksi ang aking tiwaling disposisyon, at hinding-hindi ako maliligtas. Muli akong nanalangin sa Diyos sa puso ko, “O Diyos! Pakiusap, bigyan Mo po ako ng lakas para payak akong makapagtapat at maging isang matapat na tao.” Pagkatapos ng aking panalangin, nagkusa akong umamin sa ibang mga kapatid, sinasabing nagsinungaling ako at nanlinlang sa huling pagtitipon nang magtanong ang lider tungkol sa pagdidilig ng mga baguhan…. Pagkasabi ko nito, hindi ako pinagalitan ni hinamak ng iba. Sa kabaligtaran, sinabi nila na mabuti na payak akong nakapagtapat at naging isang matapat na tao. Nang makapagsagawa nang ganito, higit akong napanatag at napayapa.

Hindi nagtagal, tinanong ako ng isang nakatataas na lider, “Mayroon ka bang kasalukuyang pag-unawa sa mga kalagayan ng mga lider ng iglesia?” Hindi ako ganoon kakumpiyansa sa tanong na ito, dahil ang alam ko lang ay ang kalagayan ng isang lider ng iglesia, pero hindi ang kalagayan ng dalawa pa. Naisip ko, “Kung sasabihin ko ang totoo, sasabihin kaya ng lider na hindi ako gumawa ng tunay na gawain?” At kung kaya gusto kong sabihin na may pagkaunawa ako. Tapos ay napagtanto ko na gusto ko na namang magsinungaling, kaya nanalangin ako sa Diyos. Pagkatapos ay nagsabi ng totoo, “Alam ko lang ang kalagayan ng isang lider ng iglesia, at hindi ang kalagayan ng dalawa pa.” Dito, hindi ako pinuna ng lider, at sa halip ay binigyan ako ng ilang mungkahi, nagsabing dapat akong magmalasakit nang mas regular tungkol sa kalagayan ng mga lider ng iglesia, at tumulong na malutas agad ang kanilang mga paghihirap kung mayroon man, at nagbahagi rin sa akin ang lider tungkol sa ilang landas sa paggawa ng gawain. Natutuhan ko na kapag nagsabi ako ng totoo, naging matapat na tao, at naglakas-loob na isiwalat ang katiwalian at mga pagkukulang ko, hindi lang ako natutulungan ng mga kapatid ko at nagkakamit ng mga pakinabang, kundi nakikinabang din ang gawain ng iglesia at ang paglago ng buhay ko. Dati, nagsinungaling ako at gumamit ng panlilinlang para pangalagaan ang aking reputasyon at katayuan, pero pagkatapos ng bawat kasinungalingan, bumibigat ang puso ko at inaakusahan ang konsensiya ko, at higit sa lahat, nawawala ang aking integridad at dignidad, at kinasusuklaman at kinamumuhian din ako ng Diyos. Sa pamamagitan ng karanasang ito, naunawaan ko na ang matatapat na tao ay nagugustuhan kapwa ng Diyos at ng tao, at na mas matapat tayo, mas magiging maayos ang relasyon natin sa iba, at mas magiging panatag at payapa tayo. Hindi lang tayo hindi hahamakin ng iba, kundi tutulungan pa tayo ng ating mga kapatid. Talagang mabuti ang pagiging isang matapat na tao!

Sinundan:  81. Hindi Na Ako Mapili sa Aking Tungkulin

Sumunod:  83. Bakit Hindi Ko Ibinabahagi ang Lahat Kapag Nagtuturo sa Iba?

Kaugnay na Nilalaman

88. Ang Hirap ng Kulungan

Ni Xiao Fan, TsinaIsang araw noong Mayo 2004, dumadalo ako sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid nang biglang pumasok ang mahigit 20...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger