100. Ang Natutuhan Ko Noong Pinahihirapan Ako
Noong umaga ng Hulyo 28, 2007, sa isang pagtitipon kasama ng ilang kapatid, sapilitang binuksan ng mga pulis ang pintuan ng bahay kung saan kami nagtitipon at sumugod papasok. Isang matabang pulis na may hawak na pangkuryenteng baton ang sumigaw, “Walang kikilos kung hindi ay babaliin namin ang mga binti ninyo!” Ginalit ako ng malupit na saloobin ng pulis at sumagot ako, “Ano ang basehan ng pang-aaresto ninyo sa amin? Kaming mga mananampalataya ay umaasal nang maayos at tumatahak sa tamang landas.” Sumabad nang marahas ang hepe ng National Security, na nagsasabing, “Sinasabi mong ang pananampalataya sa Diyos ay pagtahak sa tamang landas? Ang paniniwala sa CCP ay ang tanging tamang landas! Partikular kaming inatasan sa National Security Brigade para hulihin ang mga nananampalataya sa Diyos. Ilang araw na kaming walang tulog sa pagbabantay para lang mahuli kayo. Sa dinami-rami ng magagawa ninyo, kailangan pa ninyong ilaan ang sarili ninyo sa pananampalataya sa Diyos!” Pagkatapos, sa kumpas ng kanyang kamay, sinenyasan niya ang mga tauhan niya na magsimulang halughugin ang bahay. Pagkatapos ng panghahalughog, pinosasan nila kami at dinala kami sa kawanihan ng pampublikong seguridad ng probinsya para sa isa-isang imbestigasyon.
Pagkapasok na pagkapasok ko sa interrogation room, ilang beses akong pinagsasampal ng hepe ng National Security, na nagdulot para mahilo at mamaga ang ulo ko, umugong ang tainga ko, nagdilim ang paningin ko at nalasahan ko ang dugo sa bibig ko. Pagkatapos na pagkatapos niyon, apat na iba pang opisyal na nakatayo sa tabi ang sumugod at nagsimulang pagtatadyakan at pagsusuntukin ako. Makalipas ang ilang sandali, humithit ng sigarilyo ang hepe ng National Security at dinuro ako na nagsasabing, “Batay sa hitsura mo, isa kang lider o di kaya ay isang importanteng miyembro ng iyong iglesia. Kung sasabihin mo sa amin ang gusto naming malaman, pakakawalan ka namin, pero kung hindi, huwag mo akong sisihin kung hindi kita tratuhin nang napakabuti.” Sinabi rin niya, “Batay sa tindig ng katawan mo, sa tingin ko ay hindi mo makakayanan ang maraming pagpapahirap. Basta sabihin mo lang sa amin: Sino ang lider ninyo? Nasa kaninong bahay ang pera ng iglesia?” Hindi ako nagsabi ng kahit isang salita, pero sa puso ko ay tahimik at patuloy lang akong nanalangin sa Diyos, hinihingi na sumaakin Siya at bigyan ako ng lakas. Nagpasya ako na paano man ako pahirapan ng mga pulis, hindi ako magiging isang Judas at ipagkakanulo ang Diyos. Dahil nakikita nilang hindi ako nagsasabi ng kahit na ano, hinagis ng hepe ng National Security ang sigarilyo niya sa sahig at, sa isang kumpas ng kanyang kamay, sumigaw siya, “Sige! Bugbugin ninyo siya hanggang mamatay!” Dahil doon, walang awa na naman akong sinimulang bugbugin ng ilang pulis. Pagkatapos ay pinosasan nila ang mga kamay ko sa likod ko, hinila hanggang sa aking binti ang pantalon ko, hinubad ang mga medyas ko at sinalaksak iyon sa aking bibig para hindi ako makasigaw, at pagkatapos ay ipinasok sa pantalon ko ang aking ulo. Saka halinhinan akong pinagsusuntok at pinagsisipa ng mga pulis at naghahalakhakan sila habang ginagawa ito. May mga babaeng pulis din na nanonood sa tabi na tumatawa nang napakalakas na kinailangan nilang sumandal sa mesa na nasa tabi nila. Pinaglalaruan ako ng mga pulis na para akong hayop at lubha akong napahiya. Hulyo noon at napakainit din sa loob ng interrogation room—ilang sandali lang, basang-basa na sa pawis ang damit ko. Lumabas ang dugo sa sugat ko kung saan ako pinagsisipa ng mga pulis gamit ang balat na sapatos, at naghalo ang dugo at pawis sa sugat ko, na nagdulot ng matinding hapdi. Nagkaroon din ako ng maraming bukol sa ulo ko dahil sa suntok. Isang pulis ang sumabunot sa akin at pinagsasampal ako bago marahas na inalog pakaliwa’t kanan ang ulo ko. Nagtatagis ang ngipin, umungol siya, “Magsasalita ka ba o hindi?” Sinabi ko, “Wala akong alam!” Nagalit siya, hinawakan ang mga posas ko at marahas na hinila ang mga braso sa likuran ko. Ang sakit sa mga braso ko ay para bang nabali ang mga ito at lumagutok ang mga ito habang binabaluktot. Nahiwa ng mga posas ang balat sa pulso ko, na nagsimulang dumugo. Tuwing hinihila nila pataas ang mga braso ko, halos hindi ko makayanan ang sakit at sa puso ko ay patuloy akong nanalangin sa Diyos, hinihingi sa Kanyang bigyan ako ng pananalig at tulutan akong manindigan sa patotoo ko para sa Kanya. Dahil nakitang masyado akong nagdurusa, malupit akong kinutya ng hepe ng National Security, na nagsasabing, “Ano ang problema? Sinabi ko na sa iyong hindi mo makakayanan ang pahirap. Huwag ka nang magmatigas at magsalita ka na! Sino ang lider ninyo? Paano kayo nag-uusap-usap? Nasa kaninong bahay nakatago ang pera?” Hindi ako sumagot sa kanya. Tinadyakan ako sa binti ng matabang pulis, kaya bumagsak ako kaagad, napaluhod sa sahig. Pagkatapos ay pinilit niya akong idiretso ang mga braso ko bago naglagay ng makapal na aklat sa mga kamay ko. Pagkatapos lumuhod nang ilang sandali, hindi ko na talaga makayanan pa at bumagsak ako sa sahig. Hinila ako ng matabang pulis, pinilit akong lumuhod muli at nagsimulang paghahampasin ng kahoy na chopstick ang mga daliri ko. Tuwing hinahampas niya ako, may matinding sakit sa mga daliri ko. Habang binubugbog niya ako, sumigaw siya, “Heto naman kaya? Hindi maganda, hindi ba? Bakit hindi mo papuntahin ang Diyos mo para iligtas ka!” Nang sabihin niya iyon, naghalakhakan ang mga pulis. Ginalit ako ng tawanan nila at sa puso ko ay sinumpa ko ang mga demonyong iyon. Puno ng pasa ang mga binti ko dahil sa pagluhod at nananakit iyon na para bang hinihiwa ito ng kutsilyo. May pasa ang anim kong daliri dahil sa pambubugbog. Pagkalipas ng ilang buwan, natanggal ang mga kuko sa mga daliring iyon.
Nang mga alas-5 ng hapon, pinadala ako ng mga pulis sa isang dentention center at, bago umalis, partikular na inutusan ang tauhan doon, “Pakainin mo lang siya ng maliit na pinasingawang tinapay at isang mangkok ng sabaw. Hayaan mo siyang pag-isipang mabuti ang sasabihin niya sa atin bukas.” Pagkatapos ay ikinulong nila ako sa isang maliit na kulungan na maliit pa sa 10 metro kwadrado. May mahigit sa sampung ibang tao pa ang nakakulong sa kulungang iyon at marumi at mabaho roon. Mayroon lamang dalawang tablang kahoy na nasa sahig at pareho itong inangkin ng mayor ng kulungan. Naalala ko noong gabing iyon, namaluktot ako sa isang sulok ng bilangguan, gutom at uhaw at nagdurusa sa sakit ng ulo, sa bukol sa ulo at sa matinding kirot sa mukha. Inisip ko, “Marahas nila akong binugbog ngayon at walang nakuhang anumang impormasyon sa akin. Ano kaya ang gagawin nila sa akin bukas? Kung patuloy nila akong pahihirapan, mapipilay o mamatay kaya ako? Kung mapipilay ako, paano ko maipamumuhay ang kalahati ng buhay ko?” Habang mas iniisip ko ito, lalo akong nanghihina kaya nagmadali akong nanalangin sa Diyos para sa tulong, “O Diyos! Hindi ko na kayang tanggapin pa ang higit pang pagpapahirap, pero ayaw kong maging Judas at ipagkanulo Ka. Pakiusap tulungan Mo ako, bigyan Mo ako ng lakas at protektahan Mo ako para makapanindigan ako sa aking patotoo sa Iyo.” Sa sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng Kanyang mga salita: “Huwag kang masiraan ng loob, huwag manghina, at gagawin Kong malinaw ang mga bagay-bagay para sa iyo. Ang daan tungo sa kaharian ay hindi masyadong patag; walang ganyan kasimple! Nais ninyo na madaling magkamit ng mga pagpapala, hindi ba? Ngayon, ang bawat tao ay magkakaroon ng mapapait na pagsubok na haharapin. Kung wala ang mga ganitong pagsubok, ang mapagmahal na pusong taglay ninyo para sa Akin ay hindi titibay at hindi kayo magkakaroon ng tunay na pag-ibig para sa Akin. Kahit na binubuo lamang ang mga pagsubok na ito ng maliliit na bagay, dapat dumaan ang lahat ng tao sa mga iyon; magkakaiba lamang ang antas ng kahirapan ng mga pagsubok sa bawat tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 41). Sa pagninilay-nilay ko sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na pinahintulot ng Diyos na dumaan ako sa pagdurusang ito para subukin ako. Tinutulungan Niya akong pagtibayin ang pagpapasya ko sa harap ng pagdurusa. Noon, bago pa ako naaresto, palagi kong iniisip na may pananalig ako sa Diyos at handa akong tugunan Siya gaano mang pagdurusa ang pagdaanan ko. Pero, isang araw pa lang akong sinaktan at pinahirapan, namumuhay na ako kaagad sa pangamba at pagkatakot, nag-aalalang mapipilay o mapapatay ako. Nasaan ang tunay kong pananalig sa Diyos? Napakaliit pa rin ng tayog ko. Pagkatapos kong mapagtanto ang layunin ng Diyos, hindi na ako nakadama ng gaanong pangamba o takot at handa na akong magtiwala sa Diyos para makapanindigan sa patotoo ko sa Kanya.
Nang ikalawang araw, dinala ako ng mga pulis sa National Security Brigade para sa higit pang pagtatanong. Dinuro ako ng hepe at sinabing, “Umayos ka ngayon! May sagot ka na ba sa mga tanong na sinabi ko sa iyo kahapon?” Sinabi kong wala akong alam. Nagalit siya at sinabunutan ako, bago ako pinagsasampal habang sumisigaw, “Tingnan natin kung sino ang unang bibigay, ikaw o ang pangkuryenteng baton ko! Sige! Bugbugin siya hanggang mamatay!” Limang pulis ang lumapit at nagsimulang pagsisipain at pagsusuntukin ako. Tinapakan ng isang pulis ang likod ko at puwersahan akong pinosasan sa likod ko, na nagdulot ng matinding sakit sa mga braso ko na nakabaluktot sa likod. Napakasakit nito kaya pinagpawisan ako kaagad. Isang matabang pulis ang kumuha ng pangkuryenteng baton at winasiwas ito, kumikislap sa kuryente ang baton at dalawang beses niya akong kinuryente nito. Nagdulot ang mga kuryente para mangisay ako at hindi ko maiwasang sumigaw. Kinuha ng hepe ang pagkakataon para subukan akong kumbinsihin, na nagsasabing, “Kung sasabihin mo sa amin kung sino ang lider mo, at nasa kaninong bahay ang mga pera, pakakawalan kita agad. Kailangan ka ng asawa mo, ng mga anak, at magulang mo para alagaan sila. Kahit na huwag mo nang isipin ang sarili mong kapakanan, isipin mo man lang ang pamilya mo.” Dahil dito, medyo mag-alinlangan ako. Inisip ko, “Kung magpapatuloy akong tumanggi na magsabi ng kahit na ano, siguradong gugulpihin nila ako hanggang mamatay. Siguro ay puwede ko silang bigyan lang ng kaunting hindi masyadong importanteng impormasyon at pauuwiin nila ako.” Pagkatapos, bigla kong naisip ang mga salita ng Diyos: “Tungo sa yaong mga hindi nagpakita sa Akin ni katiting na katapatan sa mga panahon ng kapighatian, hindi na Ako magiging maaawain, sapagkat natatakdaan ang abot ng habag Ko. Higit pa rito, wala Akong gugustuhin sa sinumang minsan na Akong ipinagkanulo, mas lalong hindi Ko gustong nakikipag-ugnayan sa yaong mga nagkakanulo sa mga kapakanan ng mga kaibigan nila. Ito ang disposisyon Ko, hindi alintana kung sino man ang taong iyan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maghanda ng Sapat na Mabubuting Gawa para sa Iyong Hantungan). Bigla akong natauhan sa mga salita ng Diyos. Halos mahulog na ako sa pakana ni Satanas. Kung ipinagkanulo ko ang Diyos at pinagtaksilan ang mga kapatid ko dahil sa pagsunod ko sa aking mga makalamang damdamin para sa aking pamilya at pag-iimbot sa pansamantalang paglilibang, ako ay magiging isang Judas na nagkakanulo sa Diyos at sa kaibigan, ang uri na pinakakinamumuhian ng Diyos. Sasalungatin nito ang disposisyon ng Diyos at susumpain at parurusahan ako. Nagpapasalamat ako sa kaliwanagan ng mga salita ng Diyos, na binigyang-liwanag ako at pinrotektahan ako sa pakana ni Satanas. Nanalangin ako sa Diyos, na nagsasabing, “O Diyos! Pilayin o patayin man nila ako, hindi Kita kailanman ipagkakanulo at hindi ako magiging isang nakakahiyang Judas.” Pagkatapos manalangin, mas napanatag ako at hindi na masyadong miserable. Nang maharap sa pagtatanong ng pulis, mariin at matuwid akong sumagot, “Ganap na likas at may katwiran, makatwiran at legal ang manampalataya sa Diyos, sa anong basehan ninyo ako inaresto? Maliwanag na isinasaad ng saligang-batas ng bansang ito na may karapatan sa kalayaan sa relihiyon ang mga mamamayan. Nasaan ang kalayaan sa relihiyon sa pagpapahirap ninyo sa akin hanggang mamatay dahil sa pananalig ko?” Nang marinig nila ito, nagalit ang pulis at sumigaw, “Ang pagsasabi ng may kalayaan sa relihiyon ay isang bagay na sinasabi natin para matuwa ang ibang bansa—sa Tsina, hindi ka pinahihintulutan ng CCP na manampalataya sa Diyos at ilegal ang pananampalataya mo. Puwede naming patayin ang mga taong naging diyos gaya mo nang ganap na hindi kami napaparusahan! Bugbugin siya hanggang mamatay! Tingnan natin kung gaano siya tatagal!” Dahil doon, sabay-sabay nila akong sinugod at nagsimula akong pagsisipain at pagsusuntukin. Isa sa mga pulis ang malakas na hinampas ng sinturong balat ang mukha at katawan ko. Ang paghampas ay nag-iwan ng pasa at magang mukha at nagdulot para bumagsak ako sa sahig. Sa huli, nang makita nilang hindi pa rin ako magsasalita, wala silang magawa kundi ang ibalik ako sa detention center. Pinayagan lang ako ng mga pulis na kumain ng hapunan na isang maliit na pinasingawang tinapay. Gutom na gutom ako na wala akong lakas para makatayo at dahil tuloy-tuloy akong ginulpi at pinahirapan, nahihilo ako, may matinding sakit at pamamanhid sa aking mukha, parang lantang gulay ang mga binti ko, at mahina ang buong katawan ko, nakaupo lang ako sa sahig habang nakasandal sa pader. Nadama kong hindi ko na kaya pa at naisip ko, “Kung magpapatuloy nang ganito ang mga bagay, kung hindi ako pahihirapan hanggang mamatay, ay mamamatay ako sa gutom.” Nang sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Hinihingi sa atin ang lubusang pananalig at pag-ibig sa yugtong ito ng gawain. Maaari tayong matisod mula sa pinakamaliit na kapabayaan, dahil ang yugtong ito ng gawain ay iba mula sa lahat ng mga nauna: Ang pineperpekto ng Diyos ay ang pananalig ng mga tao, na kapwa di-nakikita at di-nahahawakan. Ang ginagawa ng Diyos ay na maging pananalig, pag-ibig, at buhay ang mga salita” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Landas … (8)). Tunay nga, gustong gamitin ng mga pulis ang pagpapahirap, panggugulpi at gutom para pahinain ako, para mawala ang pananalig ko at pilitin akong ipagkanulo ang Diyos, pero ginagamit lang ng Diyos ang mahirap na sitwasyong ito para maperpekto ang pananalig ko. Naisip ko ang sinabi ng Panginoong Jesus noong sinubok Siya: “Hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Diyos” (Mateo 4:4). Nanampalataya ako na ang mga salita ng Diyos ay katotohanan at ang buhay ng tao. Alam kong kailangan kong magkaroon ng pananalig sa Diyos. Sa puso ko ay tahimik akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, maaaring maging mahina at walang lakas ang laman ko, pero gusto kong mamuhay sa pamamagitan ng Iyong mga salita, huwag sundin ang aking laman at manindigan sa aking patotoo sa Iyo….” Pagkatapos manalangin, mas napayapa ako at hindi na masyadong miserable at mahina.
Kinaumagahan ng ikatlong araw, dinala naman ako ng mga pulis sa National Security Brigade para imbestigahan. Pagkapasok na pagkapasok ko sa interrogation room, tinadyakan ako ng isang pulis pabagsak sa sahig at pinilit akong lumuhod sa sementong sahig. Malakas akong pinagsabihan ng hepe ng National Security, na nagsasabing, “Ano, nakapag-isip-isip ka na ba? Sino ang lider ninyo? Nasa kaninong bahay ang pera ng iglesia? Kung hindi ka magsasalita ngayon, ang mga gamit na ito sa pagpapahirap ang magpapasalita sa iyo. Hahayaan ka naming subukan ang bawat isa!” Wala akong sinabing kahit ano, kaya pinilit nila akong lumuhod sa sementong sahig. Dahil patuloy akong pinahihirapan at ginugulpi at hindi pinakakain, naging masyado akong mahina. Pagkatapos lumuhod nang halos mag-iisang oras, tuluyan na akong napagod at hindi ko na kayang lumuhod pa. Nadama kong gumagapang sa puso ko ang kahinaan kaya patuloy akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos! Hindi ko na talaga kaya pa ang pagpapahirap na ito. Ayaw kong maging isang Judas at ipagkanulo Ka. Pakiusap tulungan Mo ako, bigyan Mo ako ng pananalig at tulutan akong manindigan nang matatag.” Pagkatapos manalangin, naisip ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Dahil ito ay sinimulan sa isang lupain na lumalaban sa Diyos, lahat ng gawain ng Diyos ay nahaharap sa malalaking balakid, at marami sa Kanyang mga salita ay hindi maisasakatuparan agad-agad; sa gayon, ang mga tao ay pinipino dahil sa mga salita ng Diyos, na bahagi rin ng pagdurusa. Napakahirap para sa Diyos na isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupain ng malaking pulang dragon—ngunit sa pamamagitan ng hirap na ito na ginagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain Niya, na nagpapamalas ng Kanyang karunungan at kamangha-manghang mga gawa, at ginagamit ang pagkakataong ito upang gawing ganap ang grupong ito ng mga tao” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?). Sa pagninilay-nilay ko sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na pinahirapan at binugbog ako ng CCP dahil sa pananalig ko, at ito ay maluwalhati at marangal para magpatotoo sa Diyos sa pamamagitan ng pang-uusig at kapighatian. Ginamit ng mga pulis ang bawat posibleng pamamaraan ng pagpapahirap para pilitin ako na itatwa at ipagkanulo ang Diyos, pero napatutupad ang karunungan ng Diyos batay sa mga pakana ni Satanas. Ginagamit ng Diyos ang kapaligirang ito para gawing perpekto ang pananalig ko, pinahihintulutan akong makita ang kahindik-hindik na hitsura at maladiyablong diwa ng malaking pulang dragon, para kamuhian ko ito ng buong puso ko at ganap itong tanggihan. Pagkatapos maunawaan ang layunin ng Diyos, mas naging malinaw ako at nagtaglay ng bagong kalakasan. “Hindi ako mahuhulog sa mga pakana ni Satanas at hindi ko hahayaang pahinain ako nito. Gaano man maging miserable at mahina ang laman ko, dapat akong manindigan sa patotoo ko sa Diyos!” Dahil nakitang hindi pa rin ako magsasalita, pinainom ako ng isang pulis ng isang malaking baso ng tubig at pakunwaring ngumiti, na nagsabing, “Ilang araw ka nang hindi nakakakain nang mabuti, tama? Siguradong gutom ka na! Sa pangangatawan mo, duda akong kakayanin mo pa. Bilisan mo at sabihin mo sa amin ang lahat ng nalalaman mo. Bumili na kami ng pinasingawang tinapay at ginisang gulay at puwede ka rin naming bigyan ng kaunti. Ang akin lang, bakit gusto mong pahirapan ang sarili mo?” Napagtanto kong pakana ito ni Satanas kaya sa puso ko ay tahimik akong nanalangin sa Diyos, hinihingi sa Kanyang protektahan ako mula sa panlalansi ni Satanas. Ilang sandali lang, tinanggal ng pulis ang posas ko, nagdala ng kaunting gulay, isang pinasingawang tinapay at isang basong tubig at sinabing, “Kumain ka. Kapag tapos ka na, puwede mong sabihin sa amin ang alam mo.” Sumagot ako, “Wala akong kilala at wala akong masasabi sa inyo.” Nanggagalaiti ang hepe ng National Security at tumayo kaagad, sinabunutan ako at pinagsasampal bago ako tinadyakan pabagsak ng sahig at sumigaw ng, “Iposas ang mga kamay niya sa likod at gulpihin siya hanggang mamatay! Tingnan natin kung gaano ang itatagal niya!” Apat na pulis ang lumapit at ipinosas ang mga kamay ko sa likuran ko. Noong hindi nila unang mahila ang mga braso ko para iposas ang mga ito, malakas nilang hinila ang mga braso ko, na nag-iwan ng hindi matiis na sakit sa akin na naging dahilan para sumigaw ako. Pagkatapos ay tuloy-tuloy akong hinagupit ng sinturong balat ng isang pulis. Nakaramdam ako ng matinding sakit sa buong katawan ko at nag-iwan ang sinturon ng maraming itim na itim na pasa at latay sa balat ko. Habang hinahagupit niya ako, sumigaw siya, “Hindi ako makapaniwalang gawa ka sa bakal at alam kong mapapahina rin kita!” Pagkatapos niyon, hinubad niya ang balat niyang sapatos at nagsimulang hampasin ako sa ulo at mukha ng suwelas ng sapatos niya. Dahil sa paghampas ay namanhid at nagkabukol ang ulo ko na para bang puputok. Nakakakita ako ng mga bituin at mayroong ugong sa tainga ko na katunog ng makina. Pagkalipas ng ilang sandali, ganap akong nawalan ng pandinig sa kanang tainga ko. Sinabi ko, “Binasag mo ang kanang tainga ko, wala na akong marinig na kahit ano ngayon.” Walang kaabog-abog na humithit sa sigarilyo niya ang pulis at umungol nang may nakatatakot na tono, “Kung mabibingi ka, maganda iyon. Ilalayo ka nito sa pagsasagawa ng pananalig mo sa hinaharap.” Dahil nakikitang hindi pa rin ako magsasalita pagkatapos kong tumanggap ng gayong malupit na panggugulpi, ang hepe ng National Security ay galit na sumigaw, “Hindi ako makapaniwalang hindi kita matatalo ngayon! Kung hindi ka magsasalita, tutusukin namin ng bakal na pako ang kuko mo. Nakakonekta ang mga daliri sa puso—walang paraan na matitiis mo ang pagdurusang iyon. Maging matalino ka: Sabihin mo sa amin ang lahat ng alam mo at makipagtulungan ka sa amin. Ito ang pinakamagandang magagawa mo!” Nang oras na iyon, medyo natakot ako—kahit ang maliit na tinik sa daliri ko ay napakasakit na, lalo pa ang isang makapal na pakong bakal! Ang isipin lang iyon ay nagpahina na sa aking mga binti at nagpamanhid sa anit ko. Kung talagang tutusukin nila ng pako ang aking kuko, matitiis ko kaya ito? Nagmadali akong nanalangin nang tuloy-tuloy sa Diyos para sa tulong, hinihingi sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at pagpapasyang tiisin ang pagdurusa. Nang sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Yaong mga nasa kapangyarihan ay maaaring mukhang masama sa tingin, ngunit huwag kayong matakot, sapagkat ito ay dahil maliit ang inyong pananalig. Hangga’t lumalago ang inyong pananalig, walang magiging napakahirap” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 75). Binigyan ako ng pananalig at lakas ng mga salita ng Diyos. Ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay—kailangan kong magtiwala sa Diyos at magkaroon ng pananalig na papatnubayan Niya ako upang mapagtagumpayan ang pagpapahirap at panggugulpi ng mga demonyong iyon. Nang mapagtanto ko ito, hindi ako nakadama ng gayong takot at pangamba. Dahil nakikita nilang hindi pa rin ako magsasalita, ipinapatong nila sa mesa ang mga kamay ko at pagkatapos ay winagayway ang isang 7-8 pulgadang pakong bakal sa harap ko. Tinusok ng isang pulis ang aking kuko gamit ang pako. Napakatalim ng pako at nang tumagos ito sa aking kuko nakadama ako ng matinding sakit. Patuloy akong tumawag sa Diyos, hinihinging bigyan Niya ako ng lakas para matiis ang pagdurusang iyon. Nang ididiin na ng isang pulis ang pako, sumusugod na pumasok ang isa pang pulis at may ibinulong sa tainga ng hepe ng National Security. Sumigaw ang hepe, “Mag-iwan ka ng isang magbabantay sa kanya. Ang iba ay sumama sa akin!” Nang makita ko ang lahat ng nangyayaring ito, nagpasalamat ako sa Diyos dahil sa pamamatnugot ng isang sitwasyon para tulutan akong makatakas sa kanilang malupit at brutal na pagpapahirap.
Makalipas ang dalawang araw, isang pulis na naman ang nagdala sa akin sa National Security Brigade para sa imbestigasyon. Agresibong sumigaw ang isang matabang pulis, “Kung hindi ka magsasalita ngayon, hihilingin mong mamatay ka na lang sana!” Sinabi ko, “Wala akong alam. Kahit na patayin ninyo talaga ako, wala akong masasabi sa inyo.” Lumapit sa akin ang hepe ng National Security at tinadyakan ako pabagsak sa sahig, na sumisigaw ng, “Kahit wala kang sabihin, alam naming lahat ang tungkol sa iyo. Isa kang lider ng iglesia at ang hirap mo pa ring kausap!” Pagkatapos ay sinabunutan niya ako at pinagsasampal, na nagsasabing, “Tingnan natin kung sino ang unang susuko, ikaw o ang sapatos at sinturon ko!” Pagkatapos ay sumigaw siya, “Bugbugin siya hanggang mamatay!” Ilang pulis ang sumugod sa akin at nagsimula akong pagsusuntukin at pagsisipain. Hinubad ng isang pulis ang sinturon niya at nagsimulang hagupitin ako. Nag-iwan ng mahigit sa sampung latay ang hagupit. Pagkatapos ay hinubad niya ang kanyang sapatos at nagsimulang hampasin ako nang malakas ng suwelas ng sapatos. Nahilo ako, namaga ang ulo ko at ang sakit ng pakiramdam ko na nanginig ako at sumigaw. Sa huli, hindi ko na ito makayanan at humiling na mamatay na lang ako at matapos na ito. Inisip ko, “Kung mamatay ako, hindi ko na kailangang pagtiisan ang pagdurusang ito.” Kaya, inamba kong iuuntog ang ulo ko sa pader, pero hinarang ng isang pulis ang hita niya sa ulo ko. Masyado siyang nasaktan na nagtatalon siya sa sakit. Naalala ko nang malinaw ang mga salita ng Diyos: “Sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng kagyat na pagkatanto: Hindi ba’t nagiging duwag ako sa pagnanais na mamatay nang hindi ko na matiis ang pagdurusa? Nasaan ang patotoo ko? Noon ko napagtanto na ang pagharang ng pulis sa ulo ko ay ang pagprotekta ng Diyos sa likod ng eksena. Hindi layunin ng Diyos na mamatay ako, gusto Niyang manindigan ako sa aking patotoo at ipahiya si Satanas sa gitna ng pagdurusang ito. Nang mapagtanto ko ito, lubos akong ginanahan at nagpasyang: Paano man ako pahirapan ng mga pulis, magiging matatag ako, at kahit na mayroon na lamang akong isang natitirang huling hininga, gugustuhin kong mabuhay pa para manindigan sa aking patotoo sa Diyos! Puno ng kapangyarihan at lakas ang puso ko—naging determinado ako at inihanda ang sarili kong pagtiisan ang mas malupit na pagpapahirap. Nagulat ako, lumakad ang hepe ng National Security at itinuro ako na nagsasabing, “Natalo mo ako! Hindi ko lang makita kung ano ang nasa mga aklat na iyon na nagbigay dahilan sa inyong isipin na sulit na isakripisyo ang inyong buhay para sa inyong Diyos!” Isa pang pulis ang nagsabi, “Ang mga taong ginawang diyos gaya niya ay dapat lang na ikulong!” Pagkatapos na pagkatapos noon, isa pang pulis ang nagsabi sa isang nambobolang tono, “May oras pa rin naman para sabihin mo sa amin ang nalalaman mo. Ako ang nagpapasya rito, pero kapag nakulong ka na, wala na akong awtoridad doon. Bibigyan ka namin ng dalawang pagpipilian: Uuwi ka o makukulong ka, nasa sa iyo!” Medyo mahina ako nang sandaling iyon, nag-aalala kung gaanong pagpapahirap at pagmamalupit ang haharapin ko sa mahabang panahon ko sa kulungan at kung magagawa kong tiisin ito. Paano kung pahirapan nila ako hanggang mamatay? Ayaw kong maging isang Judas, na sinasaktan ang puso ng Diyos at naiipit sa walang hanggang pagsisisi, pero hindi ko rin alam kung paano ko dapat danasin ang sitwasyon na kinakaharap ko ngayon. Kaya, sa puso ko ay nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, hahatulan ako at ikukulong. Hindi ako sigurado kung paano ko titiisin ang mahaba at mahirap na sentensiya sa kulungan, pakiusap gabayan Mo ako sa pagpapasakop sa kapaligirang ito.” Pagkatapos manalangin, naalala ko ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Para sa bawat isa na naghahangad na ibigin ang Diyos, walang katotohanang hindi matatamo at walang katarungan na hindi nila mapaninindigan. Paano mo dapat ipamuhay ang iyong buhay? Paano mo ba dapat ibigin ang Diyos, at gamitin ang pag-ibig na ito para tugunan ang Kanyang mga layunin? Wala nang mas mahalagang bagay sa iyong buhay. Higit sa lahat, ikaw ay dapat magkaroon ng ganitong mga adhikain at pagtitiyaga, at hindi dapat maging tulad ng mga walang lakas ng loob. Dapat mong matutunan kung paano maranasan ang isang makahulugang buhay, at maranasan ang makahulugang mga katotohanan, at hindi dapat ituring ang iyong sarili nang pabasta-basta sa ganitong paraan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Dahil nahaharap ako sa mga hinihingi ng Diyos, nahiya ako. Naisip ko kung paanong ilang beses akong nagpasya sa harap ng Diyos na anumang paghihirap ang kaharapin ko, palaging akong maninindigan sa patotoo ko sa Diyos at hahangaring mapalugod Siya, pero nang maharap ako sa isang mahabang sentensiya ng pagkakakulong at panahon ng pagpapahirap, ayaw kong dumaan sa gayong pagdurusa at ninais kong takasan ang kapaligirang iyon. Nasaan ang pagpapasakop at patotoo ko? Naisip ko kung paanong, noong nakatakas si Pedro sa bilangguan, ay nagpakita sa kanya ang Panginoong Jesus at sinabing ipapako Siyang muli para kay Pedro. Naunawaan ni Pedro ang layunin ng Diyos, kusang-loob siyang bumalik sa bilangguan at ipinako sa krus nang patiwarik para sa Diyos, na nagdadala ng isang matunog na patotoo. Si Pedro ay may tunay na pagmamahal at tunay na pagpapasakop sa Diyos. Wala ako ng tayog ni Pedro, pero kailangan ko siyang tularan at manindigan sa aking patotoo sa Diyos. Naisip ko rin kung paanong noong naging miserable at mahina ako habang dumaraan sa pagpapahirap at panggugulpi, binigyang-liwanag at ginabayan ako ng mga salita ng Diyos, binigyan ako ng pananalig at lakas at pinatnubayan akong mapagtagumpayan ang malupit na pagpapahirap ng mga demonyong iyon. Noong ako ay nasa pinakamiserable at pinakamahinang kalagayan ko at malapit nang sumuko, mahimalang pinamatnugutan ng Diyos ang mga tao, pangyayari, bagay, at kapaligiran para magbukas ng daan sa akin at ilayo ako sa anumang higit pang pagdurusa ng pagpapahirap. Talagang nadama kong nasa tabi ko ang Diyos, nagmamalasakit at pinoprotektahan ako. Napakatunay ng pagmamahal ng Diyos, kaya hindi ko kayang saktan ang Kanyang puso o biguin Siya. Tahimik akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos! Kahit na hatulan ako at makulong, hindi ako susuko kay Satanas. Magiging matatag ako sa paninindigan sa aking patotoo para ipahiya si Satanas.” Kalaunan, sa kabila ng kawalan ng ebidensiya, gumawa-gawa sila ng paratang na “panggugulo sa pampublikong kaayusan at paghadlang sa pagpapatupad ng batas” at hinatulan ako ng isang taon at anim na buwang muling pag-aaral sa pamamagitan ng pagtatrabaho.
Noong panahon ko sa labor camp, hindi kailanman nakumpleto ang pagkain ko at kinailangan kong magtrabaho nang labing-lima hanggang labing-anim na oras bawat araw. Inatasan kaming pakintabin ang mga marmol sa bilis na animnaraang piraso kada araw sa simula, na sa kalaunan ay binago sa isanlibo kada araw. Malabo ang mata ko, kaya mabagal akong magtrabaho at madalas na napapalo dahil hindi ko natatapos ang mga gampanin ko. Isang beses, isa pang bilanggo ang natakot na hindi niya matatapos ang mga gampanin niya at papaluin siya, kaya inipit niya ang mga hindi tapos na aytem sa aking “tapos na” na kahon. Nang makita ng warden ang mga hindi tapos na aytem sa “tapos na” na kahon, pinilit niya akong idikit ang ulo ko sa pader at hinubad ang pantalon ko, bago ako hagupitin ng V-belt, nang hindi naghihintay na marinig ang paliwanag ko. Sa unang hagupit niya sa akin, nag-iwan kaagad ang sinturon ng malaking latay sa binti ko, samantalang ang ikalawang paghagupit niya ay pinabagsak ako sa sahig, hindi ako makatayo. Tawang-tawa sa akin ang mga bilanggong nakatayo sa magkabilang gilid ng daanan. Totoo, madalas akong inaapi ng ibang bilanggo. Patutulugin nila ako malapit sa banyo at sasadyaing buksan ang takip ng inidoro. Napakabaho ng amoy na mahihilo ako at masusuka. Hahampasin din nila ako ng suwelas ng sapatos nila at madalas akong magigising sa panghahampas nila sa hatinggabi, umuugong ang ulo ko sa pamamalo. Hindi ko kailanman nalaman kung kailan nila ako sisimulang paluin na naman at madalas ay natatakot akong matulog sa gabi. Palagi akong balisa, at samahan pa ng labis na pagod sa pagtatrabaho, patuloy na humihina ang kalusugan ko. Dahil naharap ako sa ganitong malupit na pagpapahirap, ang isipin ang mahabang sentensiyang mabilanggo ay nagdulot sa akin na maging miserable. Ayaw kong gumugol pa kahit isang minuto sa maladiyablong bilangguang iyon. Nang panahong iyon ay may isa pang matandang brother sa aking kulungan, at tuwing may pagkakataon siya, tahimik siyang makikipagbahaginan sa akin tungkol sa mga salita ng Diyos para aluin at hikayatin ako. Natatandaan kong binigkas para sa akin ng matandang brother ang siping ito ng mga salita ng Diyos: “Kapag nagdurusa ka, kailangan mong magawang isantabi ang pag-aalala sa laman at huwag magreklamo laban sa Diyos. Kapag itinatago ng Diyos ang Kanyang Sarili mula sa iyo, kailangan mong magkaroon ng pananampalatayang sundan Siya, panatilihin mo ang iyong pagmamahal nang hindi hinahayaang manlamig o maglaho. Anuman ang gawin ng Diyos, kailangang hayaan mo Siyang mamatnugot ayon sa gusto Niya at maging handa kang sumpain ang iyong sariling laman sa halip na magreklamo laban sa Kanya. Kapag nahaharap ka sa mga pagsubok, kailangan mong maging handang magtiis ng sakit ng pagsuko sa minamahal mo, at maging handang tumangis para palugurin ang Diyos. Ito lamang ang tunay na pagmamahal at pananampalataya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Yaong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino). Binigyan ako ng pananalig at lakas ng mga salita ng Diyos. Ang kapaligirang ito ay kayang palakasin ang determinasyon at pagpapasya kong tiisin ang pagdurusa—mabuting bagay ito. Pagkatapos kong maunawaan ang layunin ng Diyos, hindi na ako gaanong nakadama ng pagkamiserable. Tunay kong nadama na palaging nasa tabi ko ang Diyos, nagmamalasakit at nagpoprotekta sa akin, at binibigyang-liwanag at ginagabayan ako ng Kanyang mga salita. Kailangan kong manindigan sa aking patotoo at hindi sumuko kay Satanas!
Sa panahon ng pagtitiis sa pang-uusig at kapighatiang ito, ang pinakalubos kong naranasan ay ang pagmamahal at pagliligtas ng Diyos. Ilang beses partikular na sa matitinding yugto ng pagpapahirap, kung kailan nadama kong miserable at mahina ako, handa nang sumuko, at gusto ko na ngang kitilin ang sariling buhay ko, ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas na magtiis at ng determinasyong manindigan sa aking patotoo. Talagang nadama ko kung paanong kung kailan ako malupit na inuusig ng malaking pulang dragon, ay hindi ako iniwan ng Diyos, sa halip ay pinoprotektahan at binabantayan Niya ako at ginagabayan ako para mapagtagumpayan ang pangwawasak ng mga demonyo. Pinakamamahal ng Diyos ang sangkatauhan at kaya Niyang iligtas at gawing perpekto ang tao. Ngayon ay mas matatag ako sa aking pananalig. Anumang paghihirap o pang-uusig ang daanan ko sa hinaharap, susunod ako sa Diyos hanggang sa pinakadulo at maninindigan sa aking patotoo sa Kanya para ganap na ipahiya ang malaking pulang dragon!