44. Mga Aralin na Natutuhan sa Pakikipagtulungan
Matagal ko nang ginagawa ang aking tungkulin ng pagrerekord ng mga himno sa iglesia, at talagang maganda ang kalidad ng mga nairekord na himno. Madalas na pinupuri ng mga kapatid ang gawain ko. Mabilis na lumipas ang mahigit sa sampung taon, napansin ko na marami sa mga himnong pinakinggan nila ay nirekord ko, kaya nagmamalaki ako. Kalaunan, isinaayos ng iglesia na makipagtulungan ako kay Brother Li Ming. Lubos siyang interesado sa pagrerekord ng mga himno at alam niya ang ilang kasanayan. Sa simula, masigasig ako sa pakikipagtulungan kay Li Ming, at magkasundung-magkasundo kami. Sinubukan kong ituro sa kanya ang mga pamamaraan sa pagrerekord na alam ko. Pagkatapos matutuhan ni Li Ming ang ilang bagong pamamaraansa pagrerekord, iminungkahi niya ang paggamit sa mga bagong pamamaraang ito na magbubunga ng mas magagandang resulta, at sumang-ayon din sa kanya ang mga lider ng iglesia na subukan ito. Naisip ko, “Ginagawa ko na sa loob ng maraming taon ang tungkuling ito ng pagrerekord at may kaunti akong pagkaunawa sa mga pamamaraan na sinasabi mo. Medyo nahirapan pa nga ako sa mga bagong pamamaraan, ilang araw ka pa lang dito at gusto mo nang gumamit ng mga bagong pamamaraan sa pagrerekord? Hindi ba’t masyado kang mayabang? Bukod dito, komplikado ang mga bagong pamamaraan na ito at hindi isang bagay na puwedeng matutuhan nang mabilis. Sa tingin ko ay nag-aaksaya ka lang ng oras mo.” Hindi ko sineryoso ang bagay na ito. Matapos mahirapan si Li Ming sa mga bagong pamamaraan sa loob ng ilang araw, hindi masyadong magaganda ang mga unang pagrerekord, at nadama rin ng mga kapatid na hindi kasiya-siya ang mga resulta. Kaya naisip ko na hindi epektibo ang mga bagong pamamaraan na ito at nagpatuloy akong gamitin ang dating mga pamamaraan para sa pagrerekord.
Nagulat ko, paglipas ng ilang panahon, malaki na ang hinusay ng mga himnong inirekord ni Li Ming gamit ang mga bagong pamamaraan. Lumikha ito sa loob ko ng isang pakiramdam ng krisis, at naisip ko, “May bentahe ang mga pamamaraan ng pagrerekord ni Li Ming. Bagama’t medyo magiging mahirap ito sa simula, nagbubunga ito ng mas magagandang resulta para sa pagrerekord ng mga himno, at sinasang-ayunan ito ng karamihan sa mga kapatid. Bukod dito, mabilis na humuhusay ang mga kasanayan ni Li Ming sa larangang ito. Kung magsasanay siya rito nang ilang panahon pa at maging eksperto sa mga bagong pamamaraang ito, hindi ba’t hahanga at tutuon ang lahat sa kanya? Pagkatapos ay mawawalan ako ng katayuan sa isip ng mga tao, at hindi ko na magagawa pang iparamdam ang presensiya ko! Bukod doon, hindi kaya sasabihin ng mga kapatid na inirerekord ko ang mga himno gaya pa rin ng dati sa loob ng maraming taon nang walang anumang pagsulong, samantalang dalawang buwan pa lang naririto si Li Ming at nakagawa na siya ng pagbabago, na nagbubunga ng mas magagandang resulta kaysa sa akin? Iisipin nilang mas may kakayahan si Li Ming! At siguradong hahamakin nila ako? Ano na ang mangyayari sa reputasyon ko kung gayon? Ginagawa ko na ang tungkuling ito ng pagrerekord sa loob ng maraming taon; hindi ko puwedeng hayaang napakabilis akong lampasan ni Li Ming. Hindi ko ito matatanggap. Anuman ang mangyari, hindi ko puwedeng hayaang madaig niya ako.” Para maiwasang mahigitan ni Li Ming, nagsimula akong gumising nang maaga at magpuyat para pag-aralan ang mga dating pamamaraan. Nang bumuti ang mga pagrerekord at sang-ayunan ng nakararami sa mga kapatid, mas napanatag ako, iniisip na, “Sa pagkakataong ito, naipakita ko sa mga kapatid na mas magaling pa rin ako kaysa sa iyo; kulang ka pa, kaya sumuko ka na lang.” Pero kalaunan, nakita ko na pinag-aaralan pa rin ni Li Ming ang mga bagong pamamaraan, na nagdulot para medyo kabahan ako. Nag-alala ako na kung magtagumpay siya, papalitan niya ako, kaya naisip ko, “Sana hindi ka sumulong; mas maganda kung mabigo ang pagsasaliksik mo! Nang sa ganoon, mapapanatili ko ang katayuan ko at hindi mahahamak.” Palagi akong nag-aalala na mapalitan ni Li Ming, kaya sa isip ko ay nagsimula akong dumistansya sa kanya at nagkaroon ng pagtangi laban sa kanya, unti-unting naging hindi maganda ang tingin ko sa kanya, at lalong lumamig ang saloobin ko sa kanya. Minsan, kapag nakikita kong masigasig at masayang tinatalakay ni Li Ming ang tungkol sa kanyang mga bagong pamamaraan, galit na naiisip ko, “Sentro ka na naman ng atensyon ngayon!” Kalaunan, noong makita kong kinailangan ni Li Ming ng tulong sa pagsasaliksik niya sa mga bagong pamamaraan, ayaw kong makisangkot, sabik na sabik na umaasang mabibigo siya. Minsan nakadama ako ng kaunting pagsisisi, iniisip na, “Hindi talaga ako nakikipagtulungan sa kanya; hindi ba’t panonood lamang ito nang walang ginagawa habang nahihirapan siya?” Pero ang katiting na pagkakonsensiyang ito ay mabilis na nasupil ng aking tiwaling disposisyon. Kalaunan, para pasukuin si Li Ming sa pagsasaliksik niya sa mga bagong pamamaraan, nagsimula akong magdahilan, sadyang sinasabi ang mga bagay gaya ng, “Medyo apurahan ngayon ang gawain ng pagrerekord ng mga himno, at umuubos ng napakaraming oras ang pagsasaliksik mo sa mga bagong pamamaraan. Siguro dapat tumigil ka na.” Gayumpaman, hindi siya naapektuhan ng aking mga salita at nagpatuloy sa kanyang masusing pananaliksik.
Isang araw, nagbunyag ng isang mayabang na disposisyon si Li Ming, iginigiit ang sarili niyang pamamaraan, at pinungusan siya. Palihim akong natuwa, iniisip na, “Tingnan mo, iyan ang mangyayari kapag nagpapakitang-gilas ka! Ilang araw ka pa lang nandito, at dahil lamang may kaunti kang alam, akala mo ay makapupunta ka rito at makapagpapasikat, ipinapakita kung gaano ka katalino. Ngayong napungusan ka na, kakalma ka na!” Nang panahong iyon, unti-unting lumalaki ang inis ko kay Li Ming. Kapag nagtutulungan kami sa aming mga tungkulin, halos hindi kami nag-uusap, at kung mag-usap man, dahil sa kinakailangan lang. Mayroong malaking emosyonal na distansya sa pagitan namin. Napagtanto ko na nahulog ako sa paghahanap sa kasikatan at katayuan, pero hindi ko ito mabitiwan. Hindi mailarawan ang emosyonal na kaguluhang naranasan ko nang panahong iyon—bawat araw, pagod ang pakiramdam ko, naliligalig ang espiritu ko, at hinang-hina ako. Dahil sa kawalan namin ng matiwasay na pagtutulungan, ang epekto ay hindi maaayos na mga nairekord na himno, na nakaapekto rin sa pag-usad ng aming gawain. Nagdulot sa akin ng matinding pagkabagabag ang pagharap sa mga resultang ito, pero pakiramdam ko ay naipit ako at hindi ko alam kung paano babaguhin ang sitwasyon. Nang panahong iyon, madalas sumasagi sa isip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung sa buhay mo ay hindi ka nagdurusa para sa katotohanan o naghahangad na makamit ito, maaari kayang ninanais mong maramdaman ang panghihinayang sa oras na malapit ka nang mamatay? Kung gayon, bakit ka naniniwala sa Diyos? … Ano ang iyong makakamit sa pamumuhay para sa kapakanan ng iyong laman at pakikipaglaban para sa kapakinabangan at kasikatan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Dapat Kang Mamuhay Para sa Katotohanan Yamang Naniniwala Ka sa Diyos). Paulit-ulit kong pinagnilayan ang mga salita ng Diyos at inisip na, “Totoo nga, bakit ba ako nanampalataya sa Diyos sa loob ng maraming taon? Para lamang ba ito makipagkompetensiya sa aking kapatid para sa kasikatan at pakinabang? Ano ba ang makukuha ko sa huli sa pananampalataya sa Diyos nang ganito? Sa panahong ito, nakikipagkompetensiya ako sa aking kapatid para sa kasikatan at pakinabang, nahuhulog sa kadiliman at naiwawala ang gawain ng Banal na Espiritu, na nagreresulta sa pasakit at pahirap. Pagkasuklam at pagkamuhi ito ng Diyos sa akin. Ano ang saysay ng paggawa sa aking tungkulin sa ganitong paraan?” Nanalangin ako sa Diyos, na nagsasabing, “O Diyos, namumuhay ako sa paghahangad sa kasikatan at pakinabang, at napakasakit nito. Pakiusap, ilabas Mo ako sa kalagayang ito, para makagawa ako nang matiwasay kasama ng aking kapatid, nang kaisa sa puso at isipan, para matupad nang maayos ang mga tungkulin namin.”
Kalaunan, nakita ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Bawat isa sa inyo ay nakaakyat na sa tugatog ng maraming tao; nakaakyat na kayo upang maging mga ninuno ng masa. Masyado kayong padalos-dalos, at naghuhuramentado kayo sa gitna ng lahat ng uod, na naghahanap ng isang maginhawang lugar at nagtatangkang lamunin ang mga uod na mas maliliit kaysa sa inyo. Malisyoso kayo at masama sa inyong puso, na higit pa maging sa mga multo na lumubog na sa pusod ng dagat. Naninirahan kayo sa ilalim ng dumi, ginagambala ang mga uod mula ibabaw hanggang ilalim hanggang sa mawalan na ng kapayapaan ang mga ito, nag-aaway sandali at pagkatapos ay kumakalma. Hindi ninyo alam ang inyong lugar, subalit nilalabanan pa rin ninyo ang isa’t isa sa dumi. Ano ang mapapala ninyo sa ganyang sagupaan? Kung totoong mayroon kayong pusong may takot sa Akin, paano ninyo naaatim na mag-away-away sa Aking likuran? Gaano man kataas ang iyong katayuan, hindi ba’t isa ka pa ring mabahong maliit na uod sa dumi? Magagawa mo bang magpatubo ng mga pakpak at maging isang kalapati sa himpapawid?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kapag ang mga Dahong Nalalaglag ay Bumalik sa mga Ugat Nito, Pagsisisihan Mo ang Lahat ng Kasamaang Nagawa Mo). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nagkamit ako ng kaunting kabatiran sa aking sarili. Dati, naniwala ako na nagawa ko ang tungkulin ko ng pagrerekord ng mga himno sa loob ng maraming taon, na nagtataglay ako ng espesyal na husay at natatangi ako. Mataas ang tingin ko sa sarili, naniniwala na nararapat hangaan ng iba ang kaunti kong kasanayan, at palagi kong pinahahalagahan ang sarili ko at mataas ang aking pagturing dito. Noong simula kong makatrabaho si Li Ming, hindi ko pa siya hinangaan noong una. Pero noong umusad siya nang kaunti gamit ang mga bagong pamamaraan at nagkamit ng pagsang-ayon ng mga kapatid, nagsimula akong mag-alala na baka madaig niya ako sa hinaharap. Para mapanatili ang katayuan ko sa isipan ng mga kapatid, nagsimula kong tingnan si Li Ming bilang isang katunggali at palihim na nakipagkompetensiya sa kanya. Sa kabila ng kaalaman kong may limitadong potensyal sa pagsulong ang mga lumang pamamaraan ko ng pagrerekord, ayaw kong sukuan ang sarili ko at matutuhan ang mga bagong pamamaraan. Kalaunan, nang makita kong unti-unting gumagaling si Li Ming sa mga bagong pamamaraan at na sinang-ayunan din ng ilang kapatid ang paggamit niyon, nangamba ako na baka mapalitan ako at nagsimula kong tingnan siya nang hindi maganda sa bawat aspekto, sabik na umaasa na mabibigo siya sa kanyang pananaliksik. Noong pungusan siya, natuwa ako roon, nagdiriwang sa kasawian niya. Gayundin, tuwing nahaharap siya sa mga paghihirap, hindi ako nag-alok ng tulong at sinubukan ko pa ngang pigilan ang pagkapositibo niya sa kanyang pananaliksik sa pagsasabi ng mga mapanuyang pahayag, umaasang susuko siya, na makapagsisiguro sa aking katayuan. Tumuon ako sa pakikipagkompetensiya para sa kasikatan at pakinabang, nag-alala lamang sa pagpapanatili ng aking katayuan at na hindi ako mapalitan. Sa katunayan, gaano man karaming espesyal na talento ang tinataglay ng isang tao, o gaano kahusay ang kanyang abilidad, sa mga mata ng Diyos, maliit na nilikha lamang siya na walang maipagmamalaki o maipagyayabang. Pero, sa aking katiting na kasanayan, naging palalo ako, iniisip na naiiba ako sa iba, at palaging naghahanap ng isang posisyon sa puso ng mga tao para matamasa ang kanilang paghanga. Naging napakayabang at walang katwiran ko!
Kalaunan, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Malupit na sangkatauhan! Ang pang-iintriga at pagpapakana, ang pag-aagawan at paghahablutan sa isa’t isa, ang pagkukumahog para sa reputasyon at kayamanan, ang pagpapatayan—kailan ba ito matatapos? Bagama’t nakapagsalita na ang Diyos ng daang-libong mga salita, walang isa man ang natatauhan. Ang mga tao ay kumikilos para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya, mga anak na lalaki at babae, para sa kanilang mga propesyon, inaasahan, katayuan, karangyaan, at kayamanan, para sa pagkain, damit, at sa laman. Ngunit mayroon bang sinuman na ang mga pagkilos ay talagang para sa kapakanan ng Diyos? Kahit sa gitna ng mga kumikilos para sa Diyos, kaunti lamang ang nakakakilala sa Diyos. Ilan ang hindi kumikilos para sa kapakanan ng kanilang sariling mga interes? Ilan ang hindi nang-aapi at nagtatakwil ng iba para sa pagpapanatili ng kanilang sariling katayuan?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Masama ay Tiyak na Parurusahan). Tumagos sa puso ko ang mga salita ng Diyos na gaya ng isang matalim na espada. Sa Kanyang mga salita ng paghatol at pagkastigo, nakita ko na alang-alang sa pagprotekta sa aking katayuan, binalewala ko ang mga interes ng iglesia, sinupil at itinaboy si Li Ming, at nagbalak ng pakana at pakikipagkompetensiya para sa kasikatan at pakinabang, nang walang anumang lugar sa puso ko para sa Diyos. Sa paninilay-nilay ko noong kararating pa lang ni Li Ming, nagawa ko pang tulungan siya nang may pagmamahal at nakasundo siya nang matiwasay. Pero kalaunan, dahil nakita kong pinaghuhusayan niya ang mga bagong pamamaraan, natakot akong malalampasan niya ako at na maiwawala ko ang katayuang nakamit ko sa isipan ng mga kapatid sa loob ng ilang taon. Nagdulot ito na sumama ang loob ko at itaboy siya, sabik na umaasang mabibigo siya sa kanyang pananaliksik. Umiwas din akong makipag-usap sa kanya, sinusubukan pa ang bawat posibleng paraan para mapabagsak siya, at pinipigilan ang kasigasigan niya. Talagang may hangaring maminsala ang kalikasan ko! Lubos na pinagtitibay ng pagrerekord ng mga himno ang buhay ng mga kapatid at mahalaga ito sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at pagpapatotoo tungkol sa Diyos. Lipas na ang mga lumang pamamaraan ng pagrerekord na ginagamit ko, at puwedeng magbunga ng mas magagandang resulta sa pagrerekord ng mga himno ang paggamit ng mga bagong pamamaraan, na magiging kapaki-pakinabang sa gawain ng ebanghelyo. Dahil wala akong nakitang mas magandang solusyon, matiwasay dapat akong nakipagtulungan kay Li Ming sa pagsasaliksik ng mga bagong pamamaraan nang may kaisang isipan. Gayumpaman, hindi ko isinaalang-alang ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at sinira pa nga ang gayong mahalagang gawain para protektahan ang aking reputasyon at katayuan. Ipinakita nito na wala ako kahit isang kapirasong pagkatao, at walang kahit isang kapirasong konsensiya at katwiran—lubha akong makasarili! Sa pamamagitan ng patuloy na pakikipagkompetensiya at paggawa ng mga pakana laban kay Li Ming, ginulo ko ang gawain ng pagrerekord ng himno, nabulag ng paghahangad ko sa kasikatan, pakinabang, at katayuan, at ginawa ang mga bagay na lumalaban sa Diyos. Ginawa kong lugar ng digmaan ang lugar kung saan ko ginagawa ang aking tungkulin, at itinuring ang tungkulin ko bilang isang kasangkapan upang tiyakin ang aking katayuan at kabuhayan. Talagang kinasusuklaman at kinapopootan ito ng Diyos! Naisip ko si Pablo, na nakipagkompetensiya rin para sa kasikatan at pakinabang. Noong ipinagkatiwala ng Diyos kay Pedro ang responsabilidad ng pagpapastol sa mga iglesia, talagang iginalang at sinuportahan ng mga kapatid si Pedro, nainggit si Pablo, sinadyang maliitin si Pedro at nagpatotoo tungkol sa kanyang sarili. Nakamit ni Pablo ang pagsamba at paghanga ng mga tao, tinutupad ang kanyang pagnanais para sa kasikatan at katayuan, pero nasa mali siyang landas, inaakay ang mga tao sa kanyang sarili, at sa huli ay itiniwalag at pinarusahan siya ng Diyos. Katulad ng kay Pablo ang pananaw ko sa paghahangad, at ang landas na sinusundan ko, at kung magpapatuloy ako nang ganito nang hindi nagsisisi, haharap din ako sa parehong kaparusahan! Kung kumapit pa rin ako nang mahigpit sa reputasyon at katayuan, magiging lubos na kahangalan iyon at nakakaawa!
Kalaunan, mas nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Mula pa sa simula ng gawain Niya sa buong sansinukob, ang Diyos ay nagtalaga na ng maraming tao upang paglingkuran Siya, kabilang na ang mga taong may iba’t ibang kalagayan sa buhay. Ang layunin Niya ay tugunan ang Kanyang mga layunin at tapusin nang maayos ang Kanyang gawain sa lupa; ito ang layunin ng Diyos sa pagpili ng mga taong maglilingkod sa Kanya. Dapat maunawaan ng bawat taong naglilingkod sa Diyos ang layunin Niya. Sa pamamagitan ng gawain Niyang ito, mas nakikita ng mga tao ang karunungan at ang walang hanggang kapangyarihan ng Diyos, at ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain sa lupa” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kailangang Maalis ang Paglilingkod na Pangrelihiyon). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na pinipili ng Diyos ang lahat ng klase ng tao para ipalaganap ang Kanyang gawain ng ebanghelyo, at galing sa Diyos ang mga kaloob at talento ng mga tao. Itinatalaga ng Diyos ang mga tao sa mga tiyak na tungkulin at binibigyan sila ng mga tumutugmang talento, para epektibo nilang magamit ang mga espesyalidad nila sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, na kapaki-pakinabang sa gawain ng sambahayan ng Diyos. May talento si Li Ming sa pananaliksik ng mga bagong pamamaraan, habang may kaunti akong teknikal na karanasan. Kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos na magawa namin nang magkasama ang mga tungkulin, at gusto Niyang punan namin ang mga kalakasan at kahinaan ng isa’t isa at matiwasay na magtulungan upang matupad nang maayos ang mga tungkulin namin. Ito ang layunin ng Diyos. Nang malaman ko ito, ayaw ko nang mamuhay sa aking tiwaling disposisyon. Habang humuhusay ang mga kasanayan ni Li Ming, napansin ko na unti-unting mas gumaganda ang mga resulta ng pagrerekord gamit ang mga bagong pamamaraan, at kinilala ko na ang paggamit sa mga bagong pamamaraan na ito ay mas kapaki-pakinabang para sa gawain ng sambahayan ng Diyos. Handa kong isantabi ang pride ko at matuto kay Li Ming. Gayumpaman, naisip ko rin, “Ilang taon ko nang ginagawa ang tungkuling ito, at mataas ang tingin sa akin ng mga kapatid. Pero si Li Ming, na kararating lang dito, ay may mga nagawang pambihirang tagumpay sa pamamaraan. Kung magpapakumbaba ako para matuto mula sa kanya, ano na lang ang iisipin ng mga kapatid sa akin? Sobrang nakakahiya iyon!” Sobra akong naasiwa dahil sa kaisipang ito, at nahirapan akong bitiwan ang kayabangan ko, napagtatantong masyado akong nakakapit sa katayuan ko. Sa pagninilay-nilay ko kung paanong dumating si Cristo sa lupa nang may pagpapakumbaba at pagiging tago at hindi kailanman itinaas ang Sarili Niya sa pamamagitan ng Kanyang katayuan, o nagpakitang-gilas. Napagtanto ko na ang katiting kong kasanayan at nakamit ay nagdulot para maging masyado akong mapagmataas, naghahanap ng paghanga ng iba. Wala akong kamalayan sa sarili at napakayabang ko. Ibinigay ng Diyos ang mga kasanayan at talentong taglay ko, at wala akong maipagmamalaki. Kung hindi ako handang magpakumbaba at matuto mula sa brother, hindi rin ako huhusay sa teknikal. Kaya, nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, handa kong isantabi ang pride at katayuan ko para matuto mula kay Li Ming. Pakiusap, bigyan Mo ako ng lakas na maging bukas at matiwasay na makipagtulungan sa brother.”
Isang araw, kami lang ni Li Ming ang nasa recording studio, at nagkusa akong hayagang ibahagi sa kanya ang kalagayan ko. Sinabi ko kung paano ako nakipagkompetensiya sa kanya para sa kasikatan at pakinabang. Ibinahagi rin sa akin ni Li Ming ang kanyang kalagayan. Pagkatapos naming mag-usap, nawala ang balakid sa puso ko, at nakadama ako ng higit na ginhawa, na para bang nawala ang pader sa pagitan namin. Nabasa ko rin ang dalawang sipi ng mga salita ng Diyos, na nagbigay sa akin ng ilang praktikal na gabay kung paano matiwasay na makipagtulungan sa ating paggawa ng mga tungkulin sa hinaharap. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Maging kayo man ay mas bata o mas matandang kapatid na lalaki o babae, nalalaman ninyo ang tungkulin na dapat ninyong gampanan. Yaong mga nasa kanilang kabataan ay hindi mapagmataas; yaong mga mas matatanda ay hindi negatibo, ni umuurong. Higit pa, nakakaya nilang gamitin ang lakas ng bawa’t isa upang mapunan ang kanilang mga kahinaan, at nagagawa nilang maglingkod sa isa’t isa, nang walang pagtatangi. Isang tulay ng pagkakaibigan ang nabubuo sa pagitan ng mas bata at mas matatandang kapatid na lalaki at babae, at dahil sa pag-ibig ng Diyos nagagawa ninyong mas mabuting maintindihan ang isa’t isa. Hindi hinahamak ng mga nakababatang kapatid na lalaki at babae ang mga mas matandang kapatid na lalaki at babae, at ang mga nakatatandang kapatid na lalaki at babae ay hindi mapagmagaling: Hindi ba’t matiwasay na pagtutulungan ito? Kung lahat kayo ay mayroong ganitong paninindigan, kung gayon ang kalooban ng Diyos ay tiyak na maisasakautuparan sa inyong henerasyon” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Tungkol sa Pagganap ng Bawat Isa sa Kanilang Tungkulin). “Kailangan kayong magtulungan nang maayos para sa layunin ng gawain ng Diyos, para sa kapakinabangan ng iglesia, at upang hikayating sumulong ang inyong mga kapatid. Dapat kang makipag-ugnayan sa iba, na bawat isa ay pinupunan ang pagkukulang ng iba at humahantong sa mas magandang resulta ng gawain, upang magpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos. Ito ang tunay na pagtutulungan, at ang mga gumagawa lamang nito ang magtatamo ng tunay na pagpasok” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Maglingkod Gaya ng Ginawa ng mga Israelita). Ang layunin ng Diyos ay hindi para magmagaling ang nakatatanda o kumapit sa mga lipas na bagay, at hindi maging mapagmataas ang nakababata. Dapat silang matiwasay na magtulungan para tuparin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Bagama’t matagal ko nang ginagawa ang tungkuling ito, hindi ako masyadong sumulong sa teknolohiya sa pagrerekord. Interesado si Li Ming sa pagsasaliksik sa bagong teknolohiya at nagkaroon na ng kaunting tagumpay. May mga kasanayan siya na wala ako, kaya ang pakikipagtulungan sa kanya ay makapupuno sa mga pagkukulang ko at magiging kapaki-pakinabang sa aming mga tungkulin. Dapat kong ibaba ang sarili ko at matuto ng mga bagong pamamaraan sa kanya, nagtutulungan para isagawa nang maayos ang aming mga tungkulin. Pagkatapos niyon, natuto ako at nagsaliksik ng bagong teknolohiya kasama ni Li Ming. Sa gabay ng Diyos, mas luminaw ang pag-iisip namin habang pinag-aaralan ang mga kasanayan, at mabilis na naayos ang ilang problema na dating mahirap lutasin.
Sa pamamagitan ng yugtong ito ng karanasan, lubos kong nadama na lubhang masakit ang pamumuhay para sa kasikatan at katayuan, na humahantong sa kadiliman sa aking puso at ng hindi maipaliwanag na pagdurusa na hindi matatakasan. Nakita ko kung gaano ako kalalim na nagawang tiwali ni Satanas, may isang malakas na pagnanais para sa katayuan, at napakayabang ko. Kasabay nito, naranasan ko rin na matuwid at banal, at hindi masasalungat ang disposisyon ng Diyos, dahil sinabi ng Diyos: “Nagpapakita Ako sa banal na kaharian, at itinatago ang Aking Sarili mula sa lupain ng karumihan” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 29). Noong namuhay ako sa tiwaling disposisyon ng pagpupunyagi para sa kasikatan at pakinabang, hinamak ako ng Diyos at nagtago Siya sa akin, at namuhay ako sa kadiliman, lubhang nagdurusa sa kaluluwa ko. Gayumpaman, noong tanggapin ko ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos at handang isantabi ang pride at katayuan ko para makipagtulungan kay Li Ming, nakita ko ang gawain at gabay ng Banal na Espiritu. Nagdala sa akin ng kaginhawahan at kalayaan ang mga salita ng Diyos. At nadama ko mula sa kaibuturan ng puso ko, kung gaano kahanga-hangang isagawa ang katotohanan at mamuhay ayon sa mga salita ng Diyos!