53. Mga Pagpipilian sa Isang Mapanganib na Kapaligiran

Ni Xin Ming, Tsina

Pasado alas-10 ng gabi noong Abril 15, 2022, nakatanggap ako ng sulat mula sa lider na nagsasabing apat na kapatid mula sa iglesia sa bayang pinanggalingan ko ang naaresto. Nang makita ko ang mga pamilyar na pangalang ito, nabagabag ako nang husto sa aking puso. Nakasama ko na noon sa pagganap ng tungkulin ang isa sa mga sister, at pareho na kaming naimbestigahan ng mga pulis noon sa pamamagitan ng telepono. Madadawit din kaya ako sa pagkakaaresto niya? Nakaramdam ako ng kaunting takot. Pagkatapos, nabalitaan ko na lima pang kapatid ang naaresto, ang dalawa sa kanila ay mga lider ng iglesia. Noong tanghali ng ika-21, nakatanggap ako ng isa pang sulat mula sa lider na nagsasabing nawalan na sila ng komunikasyon sa iglesia sa bayang pinanggalingan ko at tinanong niya ako kung maaari ba akong bumalik doon para alamin ang sitwasyon, tingnan kung nasa panganib ba ang mga nakatagong aklat ng mga salita ng Diyos, at tingnan kung maaari ko bang ilipat ang mga ito sa ibang lugar. Pagkabasa ko ng sulat, nag-alala talaga ako nang husto. Kung masasamsam ng mga pulis ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, magiging malaki itong kawalan. Ngunit sampung taon na ang nakararaan nang lisanin ko ang lokal na iglesia at hindi ko alam kung saan ba nakatago ang mga aklat. Bigla kong naisip ang nanay ko na palaging naroroon sa iglesia at malamang na alam niya ang sitwasyon. Pero isang makasariling kaisipan ang bigla na lang umusbong sa puso ko: “Kung sasabihin ko na kayang hanapin ng nanay ko ang bahay na kinaroroonan ng mga aklat, tiyak na isasaayos ng lider na pabalikin ako roon. Napakahigpit pa naman ng ginagawang panghuhuli ngayon ng Partido Komunista; kung babalik ako roon ngayon, hindi ba’t malalagay lang ako sa panganib? Kung maaaresto ako at makukulong, makakayanan ko kaya ang pagpapahirap? Maisip ko pa lang ang mga eksenang pinapahirapan ng mga pulis ang mga kapatid pagkaraan nilang maaresto ay natatakot na ako. Mas mabuti pang manatili na lang ako rito; masyadong mapanganib na bumalik!” Nang maisip ko ito, hindi ako sumagot kaagad sa lider na pumapayag akong bumalik. Pero bigla kong naisip kung paanong, sa loob ng maraming taon, ay tinamasa ko ang maraming biyaya mula sa Diyos at ang pagtutustos ng katotohanan nang wala man lang masyadong nagagawa para sa Diyos. Lalo na ngayon, hindi masyadong nagbunga ang mga pagsisikap ko sa pagganap ng aking mga tungkulin, at madalas akong namuhay ayon sa tiwali kong disposisyon. Masyado nang malaki ang pagkakautang ko sa Diyos. Ngayong naaresto at nawalan na ng komunikasyon ang maraming kapatid mula sa iglesia sa bayang pinanggalingan ko, hindi ako puwedeng maghintay na lamang at manuod, at hindi rin ako makakapayag na makuha ng malaking pulang dragon ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Sa pagkakataong ito, sumagi sa isip ko ang isang linya mula sa isang himno: “Dumating na ang panahon upang ipakita ang ating katapatan sa Diyos; magdurusa tayo sa pagpapatotoo sa Kanya.” Umaasa ang Diyos na sa mga panahon ng panganib at kagipitan, magagawa kong unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos. Pero natatakot akong maaresto kung babalik ako roon, at ang iniisip ko lang ay ang sarili kong mga interes. Wala talaga akong katapatan sa Diyos, masyado akong makasarili! Nang maharap ang iglesia sa pag-uusig at kagipitan, sarili ko lamang ang iniintindi ko. Wala talaga akong kakonse-konsensiya! Nang kailanganin ako ng gawain ng iglesia, kung hindi ako maninindigan ngayon, siguradong makokonsensiya ako at pagsisisihan ko ito nang husto kalaunan. Hindi na ako puwedeng magpakaduwag; kailangan kong gawin ang lahat ng magagawa ko para protektahan ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Nang mapagtanto ko ito, sumulat kaagad ako sa lider, sinabi ko sa kanya na maaari akong bumalik at hanapin ang nanay ko para maunawaan ang sitwasyon.

Pagkaraan nito, pinuntahan ako ng lider at nakipagbahaginan siya nang detalyado sa akin kung paano ako makikipagtulungan sa sandaling makabalik na ako sa aming lugar. Paulit-ulit niya akong hinimok na huwag kontakin nang direkta ang mga kapatid sa iglesia o ang nanay ko kapag nakabalik na ako roon, dahil walang kasiguraduhan kung sila ba ay minamanmanan ng mga pulis. Sinabihan niya rin ako na alamin ko muna kung ligtas ba ang nanay ko bago ako makipagkita sa kanya para pag-usapan ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Noong panahong iyon, kinakabahan at natatakot ako. Natatakot akong maaresto ng mga pulis, at kinakabahan ako dahil hindi ko pa nararanasang malagay sa ganitong sitwasyon noon at hindi ko alam kung makakaya ko bang harapin ito nang maayos. Nang makaalis na ang lider, nagmadali akong magbasa ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Hindi ka dapat matakot sa ganito at ganyan; gaano man karaming hirap at panganib ang maaari mong harapin, kaya mong manatiling hindi natitinag sa Aking harapan, hindi nahahadlangan ng anumang balakid, upang ang Aking kalooban ay maisagawa nang walang sagabal. Ito ang iyong tungkulin…. Kailangan mong tiisin ang lahat; para sa Akin, kailangan mong maging handang bitawan ang lahat ng pag-aari mo at gawin ang lahat ng iyong magagawa upang sumunod sa Akin, at maging handang magbayad ng anumang halaga. Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin? Makasusunod ka ba sa Akin hanggang sa dulo ng daan nang may katapatan? Huwag matakot; sa suporta Ko, sino ang makakahadlang sa daang ito? Tandaan ito! Huwag kalimutan! Ang lahat ng nagaganap ay sa pamamagitan ng Aking kabutihang-loob, at ang lahat ay nasa ilalim ng Aking pagmamasid. Masusunod mo ba ang Aking salita sa lahat ng sinasabi at ginagawa mo? Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 10). Nang mabasa ko ang mga salitang ito ng Diyos, na nagsasabing: “Ngayon ang panahon na susubukin kita: Ihahandog mo ba ang iyong katapatan sa Akin?” “Kapag ang mga pagsubok ng apoy ay sumapit sa iyo, luluhod ka ba at tatawag? O yuyukod ka ba at hindi na kakayaning sumulong?” pakiramdam ko ay parang malinaw na sinasabi sa akin ng Diyos na inilatag Niya ang mga kasalukuyang sitwasyon, na pagsubok ito para sa akin. Pakiramdam ko ay masusing sinisiyasat ng Diyos ang puso ko para tingnan kung uunahin ko ba ang sarili kong mga interes at kung matatakot at uurong ba ako sa panahon ng pag-uusig at kagipitan, o kung uunahin ko ba ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ililipat ko nang ligtas sa ibang lugar ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Pakiramdam ko rin ay umaasa ang Diyos na makakaganap sana ako nang mabuti. Ayaw kong biguin ang layunin ng Diyos, ni maging duwag na ang iniisip lang ay ang sarili kong kaligtasan, kaya agad akong lumuhod at nanalangin sa Diyos, “Diyos ko, masyadong mababa ang tayog ko; hindi pa ako kailanman nakaranas ng gayong mga sitwasyon noon, at lubha akong kinakabahan, natatakot na baka hindi ko magampanan nang maayos ang tungkuling ito. Diyos ko, pakigabayan Mo nawa ako at tulungan Mo ako na pakalmahin ang puso ko.” Pagkaraang makapanalangin, mas napanatag ang loob ko.

Pasado alas-8 na ng gabi nang makarating ako sa aming bayan. Habang naglalakad sa kalsada, hindi ako mapalagay, hindi ko alam kung ano na ang lagay ng mga kapatid, kung ligtas ba ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, at kung may mangyayari ba sa akin na anumang sakuna. Sa puso ko, patuloy akong nakiusap sa Diyos na tulungan akong mapanatiling kalmado ang puso ko. Nang makarating na ako sa may pintuan ng nakababata kong kapatid, nag-atubili ako, dahil alam kong tutol ang kapatid ko sa aking pananalig sa Diyos. Nang pumanaw sa sakit ang tatay ko, hindi ako bumalik, at harap-harapang sinabi sa akin ng kapatid ko na, “Mula ngayon, hindi na kita kapatid.” Hindi ko alam kung tutulungan niya ako. Nabalutan na naman ng tensyon ang puso ko, at ilang minuto akong nanatiling nakatayo sa may pasilyo, walang lakas ng loob na pumasok. Tahimik akong nanalangin sa puso ko, at unti-unting mas napanatag ang loob ko at nagkaroon ako ng lakas ng loob na kumatok sa pinto. Laking gulat ko na hindi nagpakita ng anumang galit ang kapatid ko. Napag-alaman ko rin mula sa kanya na ligtas sa ngayon ang nanay ko. Noong araw na maaresto ang mga kapatid, nagkataon namang papalipat na siya sa isang bagong lugar, at ngayon walang nakakaalam kung saan siya naroroon. Pinuntahan ko kaagad ang nanay ko. Naisip ko, “Pitong taon na nanirahan ang nanay ko sa dati niyang bahay, at alam ng lahat ng kapatid sa iglesia kung saan siya nakatira. Napakadali lang kung tutuusin para sa mga pulis na mahanap siya, kaya mabuti na lang at lumipat na siya ng bahay—dahil kung hindi, baka hindi ko na siya nakontak. Hindi ba’t pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos na makalipat nang mas maaga ang nanay ko?” Sa pagkakataong ito, naramdaman kong napakababa ng tayog ko, at na wala akong kahit kaunting pananalig sa Diyos. Noong umpisa, hindi ako naglakas-loob na bumalik, sa takot na baka maaresto ako at na baka hindi ko mahanap ang bahay kung saan nakalagak ang mga aklat. Ngayon nakita ko na isinaayos ng Diyos ang lahat. Nang makita ko ang pagiging makapangyarihan sa lahat at ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, nagkaroon ako ng pananalig. Sinabi ng nanay ko na may alam siyang apat na bahay kung saan inilagak ang mga aklat ng mga salita ng Diyos dalawang taon na ang nakararaan, pero hindi niya alam kung may mga naging pagbabago na ba ngayon. Isang sister na nagngangalang Li Han ang namamahala sa bagay na ito, at mas mainam na sa kanya kumuha ng impormasyon. At saka, kung si Li Han ang magpapakilala sa amin, pagtitiwalaan kami ng mga nangangalaga sa mga aklat. Naisip ko, “Ang bahay ni Li Han ay isang tindahan, at alam ito ng halos lahat ng naarestong kapatid. Kung minamanmanan siya ng mga pulis, hindi kaya maaaresto rin kami ng nanay ko?” Ang mga pulis na iyon ay mga diyablong nananakit ng mga tao. Ang ilan sa mga inarestong kapatid ay binanlian ng kumukulong tubig, ang ilan ay hinubaran at kinuryente sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan gamit ang mga batutang pangkuryente, at ang iba ay pinosasan at ibinitin nang patiwarik. Isipin ko lang ang malulupit na eksenang ito ay nangangatog na ako. Naisip ko na, “Kung maaaresto ako, hindi ba’t kakailanganin ko ring tiisin ang ganitong uri ng pagpapahirap? Kung babarilin nila ako at papatayin agad, ayos lang sana iyon, at mamamatay ako nang hindi na masyadong naghihirap. Baka maging martir pa ako, at maligtas ang kaluluwa ko. Pero ang mga diyablong ito ay ubod ng sama at malulupit. Pinipilit nila ang mga naarestong kapatid na itatwa ang Diyos at ipagkanulo ang mga lider ng iglesia at ang mga pondo ng iglesia. Kung tatanggi ang mga kapatid na magsalita, isasailalim sila sa iba’t ibang uri ng pagpapahirap, at kung hindi pa rin sila magsasalita, ikukulong at papahirapan sila ng mga ibang bilanggo. Gumagamit ang mga pulis ng iba’t ibang uri ng malulupit na pamamaraan, tunay ngang ginagawa nilang parang impiyerno sa lupa, kung saan ang mga tao ay hindi maaaring mabuhay ni mamatay at magdurusa sila ng matinding hirap! Hindi ako masyadong nakaranas ng pagdurusa sa buhay ko, at kahit sakit ng ulo lang o lagnat ay hindi na talaga ako mapakali. Paano ko kakayanin ang ganoong di-makataong pagpapahirap? Matanda na rin ang nanay ko, at kung maaaresto pa siya, magdurusa siya nang husto kahit pa nga hindi siya mamatay.” Nang maisip ko ito, sinabi ko sa nanay ko, “Kung minamanmanan ng mga pulis si Li Han, baka maaresto rin tayo. Sa tingin ko, hindi tayo dapat makipag-ugnayan kay Li Han.” Pagkarinig nito, hindi na ipinagpilitan pa ng nanay ko ang tungkol sa bagay na ito.

Gabing-gabi na nang matapos ang aming pag-uusap tungkol dito, at nang nakahiga na ako sa kama, hindi ako makatulog, iniisip na, “Hindi naman alam ng nanay ko kung saan mismo nakatago ang mga aklat, at kung bigla-bigla na lang kaming pupunta roon, ganoon lang bang kadali na ibibigay sa amin ng mga katiwalang pamilya ang mga aklat? Mas mainam nang makipag-ugnayan kami kay Li Han.” Napagtanto ko na ang pag-aatubili kong kontakin si Li Han ay dahil natatakot akong madawit dito at pinoprotektahan ko pa rin ang sarili kong mga interes, kaya hinanap ko kaagad ang mga salita ng Diyos para lutasin ang kalagayan ko. Nabasa ko ang sipi na ito mula sa mga salita ng Diyos: “Ang mga anticristo ay lubhang makasarili at kasuklam-suklam. Wala silang tunay na pananalig sa Diyos, lalong wala silang katapatan sa Diyos; kapag nahaharap sila sa isyu, sarili lamang nila ang kanilang pinoprotektahan at iniingatan. Para sa kanila, wala nang mas mahalaga pa kaysa sa sarili nilang seguridad. Hangga’t maaari silang mabuhay at hindi maaaresto, wala silang pakialam kung gaano kalaki ang pinsalang naidulot sa gawain ng iglesia. Labis na makasarili ang mga taong ito, hindi man lang nila iniisip ang mga kapatid, o ang gawain ng iglesia, sariling seguridad lamang nila ang kanilang iniisip. Sila ay mga anticristo. Kaya, kapag may gayong mga pangyayari sa mga tapat sa Diyos at sa may tunay na pananalig sa Diyos, paano nila hinaharap ito? Paanong naiiba sa ginagawa ng mga anticristo ang kanilang ginagawa? (Kapag nangyayari ang mga gayong bagay sa mga tapat sa Diyos, mag-iisip sila ng kahit anong paraan para mapangalagaan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, para maiwasan ang mga kawalan sa mga handog ng Diyos, at gagawa sila ng mga kinakailangang pagsasaayos para sa mga lider at manggagawa, at sa mga kapatid, upang mabawasan ang mga kawalan. Samantala, sinisiguro muna ng mga anticristo na protektado ang kanilang sarili. Hindi sila nag-aalala sa gawain ng iglesia o sa seguridad ng mga hinirang ng Diyos, at kapag nahaharap sa mga pang-aaresto ang iglesia, nagreresulta ito sa kawalan sa gawain ng iglesia.) Tinatalikuran ng mga anticristo ang gawain ng iglesia at ang mga handog ng Diyos, at hindi nila isinasaayos na pangasiwaan ng mga tao ang mga naiwang pinsala. Katulad ito ng pagpapahintulot sa malaking pulang dragon na kamkamin ang mga handog ng Diyos at ang Kanyang mga hinirang. Hindi ba’t isa itong lihim na pagkakanulo sa mga handog ng Diyos at sa Kanyang mga hinirang? Kapag malinaw na alam ng mga tapat sa Diyos na mapanganib ang isang kapaligiran, hinaharap pa rin nila ang panganib ng paggawa sa gawain ng pangangasiwa sa mga naiwang pinsala, at sinisikap nilang panatilihing kakaunti lang ang mga kawalan sa sambahayan ng Diyos bago sila mismo ang umatras. Hindi nila inuuna ang kanilang sariling seguridad. Sabihin mo sa Akin, sa buktot na bansang ito ng malaking pulang dragon, sino ang makatitiyak na walang anumang panganib sa pananampalataya sa Diyos at sa paggawa ng isang tungkulin? Anuman ang tungkuling akuin ng isang tao, may nakapaloob na panganib dito—gayumpaman, ang pagganap sa tungkulin ay iniatas ng Diyos, at habang sinusunod ang Diyos, dapat akuin ng isang tao ang panganib sa paggawa ng kanyang tungkulin. Dapat gumamit ng karunungan ang isang tao, at kailangan niyang gumamit ng mga hakbang para matiyak ang kanyang seguridad, ngunit hindi niya dapat unahin ang pansarili niyang seguridad. Dapat niyang isaalang-alang ang layunin ng Diyos, unahin ang gawain ng sambahayan ng Diyos, at unahin ang pagpapalaganap ng ebanghelyo. Ang pagkumpleto sa atas ng Diyos sa kanila ang pinakamahalaga, at ito ang prayoridad. Pangunahing prayoridad ng mga anticristo ang kanilang personal na seguridad; naniniwala sila na walang anumang kinalaman sa kanila ang iba pang bagay. Wala silang pakialam kapag may nangyayari sa ibang tao, kahit sino man ito. Hangga’t walang masamang nangyayari sa mismong mga anticristo, panatag ang pakiramdam nila. Wala silang anumang katapatan, na natutukoy sa kalikasang diwa ng mga anticristo(Ang Salita, Vol. IV. Paglalantad sa mga Anticristo. Ikasiyam na Aytem (Ikalawang Bahagi)). Pagkatapos kong mabasa ang mga salita ng Diyos, nabagabag at nabalisa ako nang husto, iniisip ko na hinahatulan ako ng mga salita ng Diyos. Ang disposisyong ibinunyag ko ay parang gaya lang ng sa mga anticristo. Kapag nahaharap sa panganib at kagipitan, ang isinasaalang-alang lang ng mga anticristo ay ang sarili nilang kaligtasan at kung paano poprotektahan ang kanilang sarili, hindi sila nagpapakita ng katapatan sa Diyos at ipinagwawalang-bahala nila ang mga interes ng sambahayan ng Diyos at ang kaligtasan ng mga kapatid. Sobra silang makasarili at kasuklam-suklam. Ngayong nahaharap ang iglesia sa mga pang-aaresto, ang protektahan ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ang pinakamahalagang gampanin sa panahong ito ng panganib, at isang bagay ito na dapat gawin ng sinumang may konsensiya at pagkatao. Sa kritikal na puntong ito, ang iniintindi ko lamang ay ang maingatan ang sarili ko, hindi ko isinasaalang-alang kung paano ko ligtas at maingat na maililipat sa ibang lugar ang mga aklat. Nasaan ang katapatan ko sa Diyos? Kung magpapadalus-dalos ako, kung hindi ko mahahanap ang mga pinaglagakang bahay, o kung hindi nila ibibigay ang mga aklat sa amin, maaantala nito ang paglilipat ng mga aklat sa ibang lugar. Kung makukumpiska ng mga pulis ang mga aklat na ito dahil sa hindi nailipat ang mga ito sa tamang panahon, mananagot ako! Ang mga salita ng Diyos ang siyang nagtutustos sa buhay ng tao. Para maunawaan ang katotohanan, kilalanin mo ang iyong sarili, iwaksi mo ang mga tiwaling disposisyon, at kamtin mo ang kaligtasan, walang magagawa ang isang tao kung wala ang mga salita ng Diyos. Mas mahalaga pa nga ang mga salita ng Diyos kaysa sa buhay ng tao. Ibinubuwis ng mga kapatid ang kanilang mga buhay para maihatid ang mga salita ng Diyos sa iglesia nang sa gayon, mas maraming tao ang makabasa ng mga ito, makaunawa sa katotohanan, at makatamo sa pagliligtas ng Diyos. Tiyak na ibubuwis ng mga taong taos-pusong sumasampalataya sa Diyos ang kanilang buhay para protektahan ang mga aklat ng mga salita ng Diyos, pero sa napakahalagang sandaling ito, ang iniisip ko lang ay ang protektahan ang sarili ko. Habang lalo ko itong naiisip, lalo ko namang nararamdaman na wala talaga akong pagkatao. Naalala ko rin si Pedro, na nagtiis ng maraming pagdurusa at nabilanggo pa nga habang gumagawa at pinapastol ang iglesia para sa Panginoon. Sa panahon ng huling pang-uusig ng emperador ng Roma sa mga Kristiyano, nakatakas na mula sa lungsod si Pedro. Nang magpakita ang Panginoong Jesus Mismo kay Pedro, naunawaan ni Pedro na ang ibig sabihin nito ay gusto ng Panginoong Jesus na mapako siya sa krus, kaya nagpasakop siya at nagbalik sa Roma, kung saan sa bandang huli ay ipinako siya sa krus nang patiwarik, na nagpapatotoo ng matinding pagmamahal sa Diyos. Bagama’t hindi ako maikukumpara kay Pedro, ipinagkatiwala sa akin ng iglesia ang gampaning ito, at ito ay responsabilidad at tungkulin ko. Marapat lamang na magpakatapat ako sa Diyos, unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, makipagtulungan sa anumang paraan na kaya ko, at pagbutihin ang aking trabaho. Nang mapagtanto ko ito, nanalangin ako sa Diyos nang may pagsisisi.

Maaga pa kinabukasan, tinawagan ko ang isang sister para makausap si Li Han, at makipagkita sa kanya. Nang makita kami ni Li Han, sinabi niya nang may pag-aalala, “Ang isa sa mga taong naaresto ay naging isang Hudas. Ngayon isang sister mula sa isang katiwalang pamilya ang naaresto, at nasa panganib din ang iba pang mga pamilya. Umaasa kami na sana makarating ka kaagad at mailipat mo agad ang mga aklat.” Pagkarinig ko sa mga salita ni Li Han, napagtanto ko ang bigat ng sitwasyon at lalo pa akong nag-alala. Agad akong sumama kay Li Han para matukoy ang iba pang mga bahay na tagapag-ingat. Naging lubhang maingat kami sa daan, walang-tigil na inoobserbahan ang aming paligid, at patuloy akong nanalangin sa aking puso. Pagkatapos matukoy ang mga pamilya, nagpatawag ako ng sasakyan para maisakay at mailipat ang mga aklat. Laking gulat ko nang makarating na kami sa highway, nakita naming napakahigpit ng ginagawang pagsisiyasat ng mga pulis. Bawat sasakyan ay iniinspeksiyon nang ilang minuto bago ito paraanin, at may ilang opisyal ng kapulisan na nangmamando ng trapiko sa malapit. Nang makita ko ang sitwasyon, kinabahan na naman ako. Kung mahuhuli kami, hindi namin maililipat ang mga aklat. Patuloy akong nanalangin sa Diyos sa aking puso. Naalala ko ang mga salita ng Diyos na nagsasabing: “Ang anuman at ang lahat ng bagay, buhay man o patay, ay lilipat, magbabago, mapapanibago, at maglalaho alinsunod sa mga iniisip ng Diyos. Ganito may kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Tunay ngang ang mga nabubuhay at di-nabubuhay ay kapwa nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos, at ang mga kaisipan at ideya ng mga hindi sumasampalataya sa Diyos ay nasa ilalim din ng Kanyang kontrol. Nasa mga kamay ng Diyos kung makakaraan ba kami ngayon nang walang problema, at kailangan kong manalig. Noong sandaling iyon, pinahinto ang aming sasakyan para sa inspeksiyon. Laking gulat ko na lang na kilala pala ng inspektor ang kapatid na nagmamaneho ng sasakyan at pinaraan na kami nang hindi na iniinspeksiyon. Nakita ko ang proteksiyon ng Diyos.

Pagkatapos nito, nagnilay-nilay ako sa aking sarili, iniisip na, “Bakit ba ako takot na takot na maaresto? Kung hindi ko lulutasin ang isyung ito, malamang na bumagsak na lang ako.” May nakita akong isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at upang higit pang makamit ang katotohanan, dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa kasiyahan ng isang matiwasay na buhay-pamilya, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang kasiyahan. Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng gayong isang di-mahalaga at makamundong buhay, at wala kang anumang layong hahangarin, hindi ba’t pag-aaksaya ito sa iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong paraan ng pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Pagkatapos mabasa ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na ang pagdurusa para sa katotohanan ay ang pinakamahalagang bagay. Sa pamamagitan lamang ng paghihirap na matatamo ng isang tao ang katotohanan. Tingnan mo na lang, halimbawa, ang mga kapatid na nagtiis ng pagpapahirap. Naranasan nila ang pagpapahirap at di-makataong pang-aabuso, pero nagkaroon sila ng tunay na pagkaunawa at pagkamuhi sa pangit na mukha at masamang diwa ng Partido Komunista, at lalong tumibay ang kanilang mga puso sa pagsunod sa Diyos. Ang ilang kapatid, nang nasa bingit na ng kamatayan, ay tumawag sa Diyos at nasaksihan ang Kanyang kamangha-manghang proteksyon, nagkaroon sila ng totoong pagkaunawa sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at nagkaroon sila ng tunay na pananalig. Bagama’t nagdusa sila nang matindi, nagbigay sila ng mga patotoo na nagtagumpay laban kay Satanas. Ang lahat ng bagay na ito ay hindi matatamo sa isang komportableng kapaligiran; lubhang naging makahulugan ang kanilang pagdurusa! Hindi ko naunawaan ang katotohanan o nalaman ang halaga at kabuluhan ng pagdurusa, laging natatakot sa pagdurusa ng laman at iniiwasan ang mga kapaligirang inilatag ng Diyos para sa akin. Hindi ba’t ito ay pagiging bulag at mangmang ko? Naisip ko rin ang sipi na ito mula sa mga salita ng Diyos: “Bilang mga miyembro ng sangkatauhan at tapat na mga Kristiyano, pananagutan at obligasyon nating lahat na ialay ang ating isipan at katawan para sa katuparan ng atas ng Diyos, dahil ang ating buong pagkatao ay nagmula sa Diyos, at ito ay umiiral salamat sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Kung ang mga isipan at katawan natin ay hindi para sa atas ng Diyos at sa makatarungang kapakanan ng sangkatauhan, ang ating mga kaluluwa ay makakaramdam ng kahihiyan sa harap niyong mga namartir para sa atas ng Diyos, at lalong mas mahihiya sa harap ng Diyos, na naglaan sa atin ng lahat ng bagay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang Namumuno sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Ang buhay ko ay bigay ng Diyos. Ang Diyos ang Siyang nagdala sa akin sa harapan Niya at nagbigay sa akin ng oportunidad na hangarin ang katotohanan at tumanggap ng kaligtasan. Bilang isang taong may konsensiya at katwiran, dapat akong mabuhay para sa Diyos. Ang ilipat ngayon sa ibang lugar ang mga aklat ng mga salita ng Diyos ay responsabilidad ko. Kahit pa nga maaresto talaga ako at magdusa nang pisikal, kailangan kong tuparin ang tungkulin ko. Naisip ko ang mga banal sa mga nagdaang panahon na inusig at naging martir dahil sa kanilang patotoo tungkol sa Diyos: Si Pedro ay ipinako sa krus nang patiwarik para sa Diyos, si Esteban ay binato hanggang sa mamatay, ang ilan ay pinatay sa pamamagitan ng espada, hinati ang katawan, o pinakuluan sa langis, at ang iba ay hinila ng limang kabayo hanggang sa magkaputul-putol ang katawan. Itinalaga nilang lahat ang kanilang sarili para sa ikabubuti ng sangkatauhan, na tinatandaan ng Diyos, at isang maluwalhating gawa. Kung maaaresto at makukulong ako dahil sa paglilipat ng mga aklat ng Diyos ngayon, magiging pagdurusa rin ito para sa katuwiran. Nang mapagtanto ko ito, nanindigan akong maghimagsik laban sa aking laman at handa akong gawin ang lahat ng magagawa ko para sa tungkuling ito.

Kalaunan, napag-alaman ko na ang isa sa mga naaresto ay naging isang Hudas at sinasamahan niya ang mga pulis sa pag-aresto sa mga kapatid. Tumaas ang bilang ng mga taong naaresto sa labinsiyam, at may listahan ang mga pulis at gumagamit sila ng mga litrato para tukuyin ng Hudas ang mga tao. Kinailangang magtago kaagad ang mga kapatid na ito. Nang mabalitaan ko ito, naisip ko, “Lumala na nang husto ang sitwasyon, mas malala pa kaysa sa iniisip ko. Kung aalis ako ngayon para ilipat ang mga aklat sa ibang lugar, malamang na talagang maaaresto ako. Makakaya ko ba ang gagawing pagpapahirap ng mga pulis?” Alam kong naging mahina na naman ang loob ko at na natakot ako, kaya lumuhod kaagad ako para manalangin, “Diyos ko, natakot na naman ako nang mabalitaan ko ang sitwasyon ng iglesia. Natatakot akong maaresto at magdusa nang pisikal. Diyos ko, pakigabayan at patnubayan Mo ako na huwag makapamuhay nang ayon sa makasarili at kasuklam-suklam kong tiwaling disposisyon at na matapos ko ang tungkuling ito.” Sa sandaling iyon, naalala ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Habang nasa daan patungong Jerusalem, si Jesus ay nagdurusa, na para bang isang kutsilyo ang pinipilipit sa Kanyang puso, subalit wala Siya ni bahagya mang intensyon na hindi tuparin ang Kanyang salita; palaging mayroong isang makapangyarihang puwersang humihimok sa Kanya pasulong sa kung saan Siya ipapako sa krus. Sa huli, Siya ay ipinako sa krus at naging wangis ng makasalanang laman, tinatapos ang gawain ng pagtubos sa sangkatauhan. Nakawala Siya sa mga gapos ng kamatayan at ng Hades. Sa harap Niya, ang mortalidad, impiyerno, at Hades ay nawalan ng kapangyarihan, at nalupig Niya(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Paano Maglingkod na Kaayon ng Kalooban ng Diyos). Nang pasanin ng Panginoong Jesus ang krus patungong Golgota, binugbog Siya nang husto, puro pasa ang Kanyang katawan, at duguan ang Kanyang mukha, labis Siyang nagdusa. Subalit, hindi Siya nagpakita ng anumang tanda ng panghihinayang. Para matubos ang buong sangkatauhan, pumayag Siyang tiisin ang mga pagdurusang ito at ipinako Siya sa krus. Sa bandang huli, napagtagumpayan Niya si Satanas at nakumpleto Niya ang gawain ng pagtubos sa buong sangkatauhan. Hindi umatras ang Panginoong Jesus, bagamat batid Niya ang matinding hirap na kinakailangan sa pagpapapako sa krus. Kahit pa mangahulugang magtitiis Mismo Siya ng hirap, ililigtas Niya ang sangkatauhan mula sa kasalanan. Nang mapag-isip-isip ko ito, nabigyan ako nito ng matinding inspirasyon. At nang makapagnilay-nilay ako sa aking sarili, napagtanto ko na lagi na lang akong umaatras sa harap ng panganib at kaligaligan, at lubhang naging mababang-uri at kasuklam-suklam ang pag-uugali ko! Ang sitwasyong kinakaharap ko ngayon ay isa ring pagsubok, para malaman kung pipiliin ko bang maging tapat sa Diyos o sa sarili ko sa napakahalagang sandaling ito. Hindi na ako maaaring maging makasarili pa at isaalang-alang lamang ang sarili kong laman; kailangan kong sundan ang halimbawa ng Panginoong Jesus, kahit mangahulugan pa ito na maaresto ako, makulong, o mapahirapan hanggang sa kamatayan, kailangan kong ilipat ang mga aklat ng mga salita ng Diyos. Ang mabigyan ng kaluguran ang Diyos, kahit minsan, ay may kabuluhan. Nang maisip ko ito, nakaramdam ako ng bugso ng lakas sa buong katawan ko, at sumigla akong makipagtulungan. Alam kong ang lahat ng ito ay bigay ng Diyos, at lubos akong nagpapasalamat.

Pagkaraan nito, maingat naming inilipat ang mga aklat mula sa tatlong bahay. Nang inililipat na namin ang mga aklat mula sa ikaapat na bahay, pasado hatinggabi na. May dalawang aso sa may kapitbahay na walang-tigil sa katatahol kapag nakarinig ng anumang kaluskos. Kabadong-kabado ako na para bang nasa lalamunan ko na ang puso ko, sa takot na baka madiskubre kami ng mga kapitbahay at isuplong kami sa mga pulis. Tumawag ako nang tumawag sa Diyos sa aking puso. Buti na lang, pagkatapos naming maikarga ang mga aklat sa sasakyan, hindi lumabas ang mga kapitbahay. Nang makita ko ang proteksyon ng Diyos, taos-puso ko Siyang pinasalamatan. Kaya, matagumpay at ligtas naming nailipat ang mga aklat mula sa apat na pinaglalagakang bahay nang walang anumang problema. Noong pabalik na kami, ibinahagi namin ang aming mga naging karanasan, at sukat na walang salitang makapagpapaliwanag sa kaligayahang naramdaman namin.

Sa pamamagitan ng karanasang ito, may naunawaan ako tungkol sa pagkamakapangyarihan-sa-lahat at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Mula sa paglipat ng nanay ko ng bahay noong araw na maaresto ang mga kapatid, hanggang sa pagtulong sa akin ng aking kapatid para maunawaan ang sitwasyon at makaraan nang ligtas sa mga checkpoint—ang lahat ng ito ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at pagsasaayos ng Diyos. Ang ligtas na relokasyon ng mga aklat sa pagkakataong ito ay ganap na dahil sa patnubay ng Diyos. Kung wala ang kaliwanagan ng mga salita ng Diyos at ang lakas na ipinagkaloob ng Diyos, hindi ko sana nagawang maghimagsik laban sa aking laman at wala sana akong pananalig para makipagtulungan. Ang lahat ng ito ay bunga ng mga salita ng Diyos.

Sinundan:  52. Pag-aaral na Tanggapin ang Paggabay at Pamamahala

Sumunod:  54. Nakapagpapasaya Ba Talaga Ang Pera?

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger