56. Pagkatapos Kong Malaman ang Tungkol sa Pagkamatay ng Aking Ina

Ni Zhang Meng, Tsina

Nagkasakit at namatay ang ama ko bago pa man ako mag-isang taong gulang. Kinailangan ng nanay ko na magkaroon ng dalawang trabaho para mapalaki kaming limang magkakapatid. Nagtatrabaho siya mula bukang-liwayway hanggang dapithapon araw-araw at gumaganap bilang kapwa ina at ama namin. Nasaktan ang puso ko at nangako ako sa sarili ko, “Paglaki ko, aalagaan ko si Nanay para mamuhay siya nang walang alalahanin.” Para mabawasan ang pasanin ng nanay ko, tumutulong ako sa mga gawaing bahay pagkatapos ng eskuwela, pero mahal na mahal ako ng nanay ko kaya’t ayaw niyang gawin ko iyon at gusto lamang niyang mag-aral ako nang mabuti. Sinabi ko sa kanya, “Pagod na pagod ka na. Hindi ba’t magiging mas magaan nang kaunti ang buhay mo kung tutulungan kita?” Sumagot ang nanay ko, “Hindi mahalaga na pagod ako. Kapag lumaki na kayong mga bata at inaalagaan na ninyo ako, hindi ba’t mamumuhay ako ng isang maginhawang buhay? Tingnan mo ang pinsan mo, maagang namatay ang nanay niya at ang tatay niya ang mag-isang nagpalaki sa kanya. Pagkatapos niyang magpakasal, inasikaso niya ang lahat para sa tatay niya—pagkain, damit, at lahat ng iba pang pangangailangan nito. Hindi ba’t namumuhay ang tatay niya ng isang maginhawang buhay?” Isang beses, sinabi sa akin ng pinsan ko, “Alam ng mga uwak pakainin ang kanilang mga magulang. Tiniis ng tatay ko ang lahat ng uri ng hirap para palakihin ako. Kung hindi ko siya aalagaan, hindi ba’t wala akong ipinagkaiba sa isang hayop?” Naisip ko noon na gusto kong maging katulad ng pinsan ko paglaki ko at aalagaan ko ang nanay ko. Pagkatapos kong magpakasal, kahit wala akong magandang trabaho o malaking kita, ginawa ko ang lahat ng makakaya ko para matulungan ang nanay ko sa materyal na pangangailangan, at madalas ko siyang dalhin sa tahanan ko para maalagaan siya. Pinuri ako ng lahat ng kapitbahay ko, sinabi nila, “Kahit nakatira sa malayo ang anak niya, ginagawa nito ang lahat para maalagaan ang kanyang ina.” Labis itong nagbigay sa akin ng kasiyahan. Pakiramdam ko ay ganito ako dapat kumilos bilang isang anak at sa ginagawa ko lamang na ito masusuklian ang kabutihan ng aking ina.

Noong 1999, tinanggap ko ang bagong gawain ng Diyos. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang apurahang layunin ng Diyos na iligtas ang tao at sumali ako sa pangangaral ng ebanghelyo. Sa pagtatapos ng 2003, inaresto ako habang nangangaral ng ebanghelyo. Pagkalaya ko, napilitan akong umalis ng bahay para magtrabaho at nangupahan ako sa isang lugar para maiwasan ang pagbuntot at pagbabantay sa akin ng mga pulis. Kalaunan ay narinig ko na tatlong beses sa anim na buwan pumunta ang pulis sa nayon ko para hanapin ako nang palihim, nagtatanong kung saan ako nangungupahan. Simula noon, namuhay ako ng gaya ng isang palaboy at hindi ko madala ang nanay ko sa tahanan ko at maalagaan gaya ng dati. Nakaramdam ako ng labis na pagkakautang sa nanay ko. Lalo na noong nabalitaan ko na inabuso siya ng hipag ko noong may sakit siya, nakaramdam ako ng pamimighati at pagkabalisa, at pinagsisihan ko pa nga na lumabas ako para ipangaral ang ebanghelyo. “Kung hindi ko ipinangaral ang ebanghelyo, hindi sana ako naaresto, at hindi ko na kailangang umalis sa bahay. Kung nagkaganoon ay magagawa ko sanang manatili sa tabi ng nanay ko para alagaan siya.” Napagtanto kong mali ang kalagayan ko, at na responsabilidad at misyon ko ang mangaral ng ebanghelyo. Hindi ba’t ang pagsisisi ko sa pangangaral ng ebanghelyo at paggawa ng tungkulin ko ay isang pagpapamalas ng pagkakanulo sa Diyos? Sa isang pagtitipon, sinabi ko sa lider ang tungkol sa kalagayan ko at ipinakita sa akin ng lider ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Lahat sila ay namumuhay sa kalagayan ng mga damdamin, at sa gayon ang Diyos ay hindi umiiwas sa isa sa kanila, at isinisiwalat ang mga lihim na nakatago sa puso ng lahat ng tao. Bakit hirap na hirap ang mga tao na ihiwalay ang kanilang sarili sa kanilang mga damdamin? Ang paggawa ba nito ay higit pa kaysa sa mga pamantayan ng konsensiya? Maisasakatuparan ba ng konsensiya ang kalooban ng Diyos? Makatutulong ba ang mga damdamin upang malagpasan ng mga tao ang paghihirap? Sa mga mata ng Diyos, ang mga damdamin ay Kanyang kaaway—hindi ba ito malinaw na nakasaad sa mga salita ng Diyos?(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pakahulugan sa mga Hiwaga ng “Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob,” Kabanata 28). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, napagtanto ko na namumuhay nga ako sa aking mga damdamin, at ang mga damdaming iyon ang luminlang sa akin kaya hindi ko masabi ang tama sa mali. Ipinangangaral ko ang ebanghelyo para makaharap sa Diyos ang mga tao at matanggap nila ang Kanyang pagliligtas. Ito ay isang makatarungang bagay at ang tungkulin na dapat kong gawin. Simula pa noong sinaunang panahon, hindi ba’t marami nang tunay na mananampalataya na tinalikuran ang lahat ng bagay para sumunod at gumugol para sa Diyos? Tingnan ninyo si Pedro. Nang tawagin siya ng Panginoong Jesus, agad niyang ibinaba ang kanyang mga lambat at sumunod sa Panginoon. Sa pagkakatanto ko nito, nagkaroon ako ng higit na pananalig. Nagpasya akong gawin nang maayos ang aking tungkulin at bigyang-kasiyahan ang Diyos, kaya muli akong nangaral ng ebanghelyo.

Noong taglagas ng 2015, sinabi sa akin ng isang sister sa iglesia na namatay na ang nanay ko. Namighati at nabalisa ako nang marinig ko ito. Pinilit kong huwag umiyak, at naisip ko, “Paanong namatay na ang nanay ko? Nagkaroon ba siya ng depresyon at nagkasakit dahil wala ako sa tabi niya at nangungulila at nag-aalala siya sa akin? Kung hindi dahil sa pag-uusig ng CCP, nasa tabi niya sana ako at inaalagaan pa siya, ginagawa siyang komportable sa kanyang mga huling taon, at marahil ay nabuhay pa siya nang ilang taon.” Habang mas iniisip ko ito, mas lalo akong nalulungkot. Sa pag-alis ko sa bahay ng sister, tumulo ang luha ko. Labis na nahirapan ang nanay ko sa pagpapalaki sa akin pero nang tumanda na siya at nagkasakit, hindi ko na siya nakasama para alagaan, at hindi ko man lang siya nakasama sa mga huling sandali niya. Sa pag-iisip nito, naiyak ako at nakaramdam ng matinding sakit. Pinunasan ko ang mga mata ko at sumakay ako sa bisikleta ko at habang nakasakay ako, ang mga eksena kung paano nahirapan ang nanay ko na palakihin ako ay parang pelikula na naglaro sa isip ko. Naramdaman ko ang labis na pagkakautang ko sa nanay ko at namatay siya bago ako magkaroon ng pagkakataong maging isang mabuting anak. Ni hindi ko siya nakasama sa mga huling sandali niya. Sasabihin ba ng ibang tao na isa akong masamang anak, isang walang utang na loob? Nang makabalik ako sa tinutuluyan kong bahay, labis akong namimighati kaya hindi ako makakain. Inalo ako ng nagpapatuloy na sister, sinabi na, “Ang haba ng buhay ng bawat tao ay nasa kamay ng Diyos. Kung kailan ipapanganak ang isang tao at kailan siya mamamatay ay ipinapasya ng Diyos. Huwag kang masyadong malungkot. Lalo ka pang magdasal sa Diyos.” Hindi na ako nakaramdam ng sobrang sakit at sama ng loob pagkatapos niyang sabihin ito, pero hindi pa rin napayapa ang puso ko sa tuwing ginagawa ko ang tungkulin ko, kaya nanalangin ako sa Diyos, humihiling sa Kanya na akayin ako para makaalis sa negatibong kalagayang ito. Pagkatapos manalangin, binasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Nilikha ng Diyos ang mundong ito at dinala rito ang tao, isang nabubuhay na nilalang na pinagkalooban Niya ng buhay. Sumunod, nagkaroon ng mga magulang at kamag-anak ang tao, at hindi na nag-iisa. Mula nang unang makita ng tao ang materyal na mundong ito, itinadhana siyang mabuhay sa loob ng ordinasyon ng Diyos. Ang hininga ng buhay mula sa Diyos ang sumusuporta sa bawat nabubuhay na nilalang sa kanilang paglaki hanggang sa kanilang pagtanda. Sa panahon ng prosesong ito, walang nakadarama na lumalaki ang tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos; sa halip, naniniwala sila na ang tao ay lumalaki sa ilalim ng mapagmahal na pangangalaga ng kanyang mga magulang, at na ang likas na pag-uugali niya sa buhay ang gumagabay sa kanyang paglaki. Ito ay dahil hindi alam ng tao kung sino ang nagkaloob ng buhay niya, o kung saan ito nanggaling, lalo nang hindi niya alam kung paano lumilikha ng mga himala ang likas na pag-uugali niya sa buhay(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Naunawaan ko mula sa mga salita ng Diyos na nilikha ng Diyos ang langit at lupa at lahat ng bagay, at pinagkakalooban Niya ng buhay ang tao. Sa panlabas, mukhang ang nanay ko ang nagpalaki sa akin pero kung hindi dahil sa pangangalaga at proteksiyon ng Diyos, hindi ako mananatiling buhay hanggang ngayon. Naisip ko kung paanong nagkaroon ng nakamamatay na sakit ang anak kong babae sa edad na limang taon. Labis akong nagdalamhati at gusto kong ibigay ang mga organ ko sa kanya. Ang sabi ng doktor, “Hindi makakatulong iyan. Ang paggamot sa sakit na ito ay hindi makapagliligtas ng buhay niya. Mayroon siyang nakamamatay na sakit at walang sinuman ang makapagliligtas sa kanya.” Matagal nang pinagpasyahan ng Diyos ang buhay at kamatayan natin, at walang sinuman ang makababago nito. Ang oras ng kamatayan ng nanay ko ay nasa kamay rin ng Diyos at pinagpasyahan Niya pero naniwala ako na namatay siya sa depresyon at sakit na dala ng pangungulila at pag-aalala tungkol sa akin. Hindi ko nakilala ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos! Lalo na nang isipin ko kung paano naghirap ang aking ina na palakihin ako hanggang sa hustong gulang pagkatapos mamatay ang ama ko, at kung paano siya tumanda at nagkasakit at hindi ko siya nagawang alagaan, naramdaman ko na may pagkakautang ako sa kanya, at hindi mapayapa ang puso ko sa tungkulin ko. Ang totoo, mula sa Diyos ang buhay ng tao at ipinagkaloob ng Diyos ang lahat ng tinatamasa ko. Hindi ako nakaramdam ng pagkakautang sa Diyos dahil hindi ko ginagampanan nang maayos ang tungkulin ko, kundi sa halip ay palaging nararamdaman ko ang pagkakautang ko sa nanay ko, hanggang sa puntong pinagsisihan ko na ginawa ko ang tungkulin ko. Hindi talaga ako karapat-dapat na tawaging tao!

Kalaunan, binasa ko ang mga salita ng Diyos kung saan ibinahagi Niya na “hindi mga magulang mo ang mga pinagkakautangan mo,” at sumailalim sa pagbabago ang aking mga pananaw. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Tingnan natin ang usapin ng pagsilang ng iyong mga magulang sa iyo. Sino ba ang nagpasyang ipanganak ka nila: ikaw o ang iyong mga magulang? Sino ang pumili kanino? Kung titingnan mo ito mula sa perspektiba ng Diyos, ang sagot ay: wala sa inyo. Hindi ikaw o ang mga magulang mo ang nagpasyang ipanganak ka nila. Kung titingnan mo ang ugat ng usaping ito, ito ay inorden ng Diyos. Isasantabi muna natin ang paksang ito sa ngayon, dahil madaling maunawaan ng mga tao ang usaping ito. Mula sa iyong perspektiba, wala sa kontrol mo na ipinanganak ka ng iyong mga magulang, wala kang anumang pagpipilian sa usaping ito. Mula sa perspektiba ng iyong mga magulang, kusang-loob ka nilang ipinanganak, hindi ba? Sa madaling salita, kung isasantabi ang pag-orden ng Diyos, pagdating sa usapin ng pagsilang sa iyo, nasa iyong mga magulang ang lahat ng kapangyarihan. Pinili nilang ipanganak ka, at sila ang may kontrol sa lahat. Hindi mo piniling ipanganak ka nila, wala kang kontrol nang isilang ka nila, at wala kang magagawa sa bagay na iyon. Kaya, sapagkat nasa mga magulang mo ang lahat ng kapangyarihan, at pinili nilang ipanganak ka, mayroon silang obligasyon at responsabilidad na itaguyod ka, palakihin hanggang sa hustong gulang, tustusan ka ng edukasyon, pagkain, mga damit, at pera—ito ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at ito ang dapat nilang gawin. Samantala, palagi kang pasibo sa panahong pinalalaki ka nila, wala kang karapatang mamili—kinailangang palakihin ka nila. Dahil bata ka pa noon, wala kang kapasidad na palakihin ang iyong sarili, wala kang magagawa kundi maging pasibo habang pinalalaki ka ng iyong mga magulang. Pinalaki ka sa paraang pinili ng iyong mga magulang, kung binibigyan ka nila ng masasarap na pagkain at inumin, kung gayon ay kumakain ka at umiinom ng masasarap na pagkain at inumin. Kung binibigyan ka ng iyong mga magulang ng kapaligiran sa pamumuhay kung saan nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman, kung gayon, nabubuhay ka sa ipa at sa mga ligaw na halaman. Sa alinmang paraan, noong pinalalaki ka nila, ikaw ay pasibo, at ginagampanan ng mga magulang mo ang kanilang responsabilidad. Katulad ito ng pag-aalaga ng iyong mga magulang sa isang bulaklak. Dahil gusto nilang alagaan ang isang bulaklak, dapat nila itong lagyan ng pataba, diligan, at tiyaking nasisikatan ito ng araw. Kaya naman, patungkol sa mga tao, hindi mahalaga kung metikuloso kang inalagaan ng iyong mga magulang o inaruga ka nila nang mabuti, sa alinmang paraan, ginagampanan lang nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Anuman ang dahilan kung bakit ka nila pinalaki, responsabilidad nila ito—dahil ipinanganak ka nila, dapat silang maging responsable sa iyo. Batay rito, maituturing bang kabutihan ang lahat ng ginawa ng iyong mga magulang para sa iyo? Hindi maaari, hindi ba? (Tama.) Ang pagtupad ng iyong mga magulang sa kanilang responsabilidad sa iyo ay hindi maituturing na kabutihan, kaya kung tinutupad nila ang kanilang responsabilidad sa isang bulaklak o sa isang halaman, dinidiligan at pinatataba ito, maituturing ba iyon na kabutihan? (Hindi.) Higit pa ngang malayo iyon sa pagiging mabuti. Ang mga bulaklak at halaman ay mas tumutubo nang maayos kapag nasa labas—kung ang mga ito ay itinatanim sa lupa, nang may hangin, araw, at ulan, lumalago ang mga ito. Hindi tumutubo ang mga ito nang maayos kapag itinanim sa isang paso sa loob ng bahay, hindi tulad ng pagtubo ng mga ito sa labas, ngunit saan man naroroon ang mga ito, nabubuhay ang mga ito, tama ba? Nasaan man ang mga ito, inorden ito ng Diyos. Ikaw ay isang buhay na tao, at inaako ng Diyos ang responsabilidad sa bawat buhay, tinutulutan itong mabuhay, at sumunod sa batas na sinusunod ng lahat ng nilikha. Ngunit bilang isang tao, namumuhay ka sa kapaligiran kung saan ka pinalaki ng iyong mga magulang, kaya dapat kang lumaki at umiral sa kapaligirang iyon. Sa mas malaking antas, ang pamumuhay mo sa kapaligirang iyon ay dahil sa pag-orden ng Diyos; sa mas maliit na antas, ito ay dahil sa pagpapalaki sa iyo ng iyong mga magulang, tama? Sa alinmang paraan, sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo, tinutupad ng iyong mga magulang ang isang responsabilidad at obligasyon. Ang palakihin ka hanggang sa hustong gulang ay obligasyon at responsabilidad nila, at hindi ito matatawag na kabutihan. Kung hindi ito matatawag na kabutihan, hindi ba’t isa itong bagay na dapat mong matamasa? (Ganoon na nga.) Ito ay isang uri ng karapatan na dapat mong matamasa. Dapat kang palakihin ng iyong mga magulang, dahil bago ka umabot sa hustong gulang, ang papel na ginagampanan mo ay ang pagiging isang anak na pinalalaki. Samakatwid, tinutupad lang ng iyong mga magulang ang responsabilidad nila sa iyo at tinatanggap mo lang ito, ngunit tiyak na hindi nito ibig sabihin na tumatanggap ka ng biyaya o kabutihan mula sa kanila. … Ang pagpapalaki sa iyo ay responsabilidad ng iyong mga magulang. Pinili nilang ipanganak ka, kaya may responsabilidad at obligasyon silang palakihin ka. Sa pamamagitan ng pagpapalaki sa iyo hanggang sa hustong gulang, tinutupad nila ang kanilang responsabilidad at obligasyon. Wala kang anumang utang sa kanila, kaya hindi mo sila kailangang suklian. Hindi mo sila kailangang suklian—malinaw na ipinapakita nito na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang, at na hindi mo kailangang gumawa ng anumang bagay para sa kanila bilang kapalit sa kanilang kabutihan. Kung pinahihintulutan ka ng iyong mga sitwasyon na magampanan nang kaunti ang responsabilidad mo sa kanila, kung gayon ay gawin mo ito. Kung hindi mo magagampanan ang iyong obligasyon sa kanila dahil sa iyong kapaligiran at mga sitwasyon, kung gayon ay hindi mo na ito kailangang masyadong pag-isipan, at hindi mo dapat isipin na may utang ka sa kanila, dahil hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Binigyang-daan ako ng mga salita ng Diyos na maunawaan na ang Diyos ang may kataas-taasang kapangyarihan at nagsasaayos sa bawat taong dumarating sa mundong ito. Ipinasya rin ng Diyos na ipanganak ako sa pamilyang ito. Kahit gaano pa ang paghihirap na naranasan ng nanay ko sa pagpapalaki sa akin, responsabilidad niya ito at hindi ko ito dapat ituring na kabaitan. Gaya nga ng sabi ng Diyos: “Sapagkat nasa mga magulang mo ang lahat ng kapangyarihan, at pinili nilang ipanganak ka, mayroon silang obligasyon at responsabilidad na itaguyod ka, palakihin hanggang sa hustong gulang, tustusan ka ng edukasyon, pagkain, mga damit, at pera—ito ang kanilang responsabilidad at obligasyon, at ito ang dapat nilang gawin.” Ngunit hindi ko naunawaan ang katotohanan at hindi ko nakita ang mga bagay-bagay nang ayon sa mga salita ng Diyos. Palagi kong pinaniwalaan na pagkatapos mamatay ng tatay ko, ang nanay ko ay naging parehong ina at ama, namumuhay nang matipid para makapag-aral ako, naghihirap para mapalaki ako hanggang sa hustong gulang, at kung wala ang maingat na pag-aalaga at pag-aaruga ng nanay ko, hindi ako magiging kung sino ako ngayon. Itinuring ko ang pag-aalaga ng nanay ko bilang kabaitan at palagi kong ninais na suklian siya para sa mapag-arugang kabaitan na ito. Nang mabalitaan kong namatay na siya, sobra akong nabalisa at pakiramdam ko ay hindi ko siya naalagaan nang mabuti. Ni hindi ko siya nakasama sa mga huling sandali niya kaya pakiramdam ko ay isa akong masamang anak. Ang tanging pakiramdam ko ay may pagkakautang ako sa kanya at wala akong anumang ganang gawin ang tungkulin ko. Kung patuloy akong mabubuhay sa pagkakautang na ito sa nanay ko at hindi ko magagawa ang tungkulin ko, talagang wala akong konsensiya o pagkatao. Nang pag-isipan ko ang pagkamatay ng nanay ko, kahit pa makasama ko siya sa huli, hindi ko maililigtas ang buhay niya. Kahit pa purihin ako ng iba bilang isang mabuting anak, ano ang magiging kabuluhan noon?

Pagkatapos ay nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Dahil sa pangongondisyon ng tradisyonal na kultura ng mga Tsino, sa tradisyonal na kuru-kuro ng mga Tsino ay naniniwala sila na kailangan silang maging mabuting anak sa kanilang mga magulang. Ang sinumang hindi nagiging mabuting anak sa kanyang magulang ay isang suwail na anak. Naitanim na ang mga ideyang ito sa mga tao mula pagkabata, at itinuturo ang mga ito sa halos bawat sambahayan, pati na rin sa bawat paaralan at sa lipunan sa pangkalahatan. Kapag napuno ng mga ganoong bagay ang ulo ng isang tao, iniisip niya, ‘Mas mahalaga ang pagiging mabuting anak kaysa sa anupaman. Kung hindi ko ito susundin, hindi ako magiging mabuting tao—magiging isa akong suwail na anak at itatakwil ako ng lipunan. Ako ay magiging isang taong walang konsensiya.’ Tama ba ang pananaw na ito? Nakita na ng mga tao ang napakaraming katotohanang ipinahayag ng Diyos—hiningi ba ng Diyos na magpakita ang tao ng pagiging mabuting anak sa kanyang mga magulang? Isa ba ito sa mga katotohanan na dapat maunawaan ng mga mananampalataya sa Diyos? Hindi. Nagbahagi lamang ang Diyos sa ilang mga prinsipyo. Anong prinsipyo ang dapat pagbatayan ng pagtrato ng mga tao sa iba ayon sa hinihingi ng mga salita ng Diyos? Mahalin kung ano ang minamahal ng Diyos, at kamuhian kung ano ang kinamumuhian ng Diyos: Ito ang prinsipyong dapat sundin. Mahal ng Diyos ang mga naghahangad ng katotohanan at nakasusunod sa Kanyang kalooban; ito rin ang mga taong dapat nating mahalin. Ang mga hindi nakasusunod sa kalooban ng Diyos, mga napopoot at naghihimagsik laban sa Diyos—ito ang mga taong kinasusuklaman ng Diyos, at dapat din natin silang kasuklaman. Ito ang hinihingi ng Diyos sa tao. … Ginagamit ni Satanas ang ganitong uri ng tradisyonal na kultura at mga kuru-kuro ng moralidad upang igapos ang mga kaisipan mo, ang utak mo, at ang puso mo, na nagiging dahilan para hindi mo matanggap ang mga salita ng Diyos; ikaw ay nasakop na ng mga bagay na ito ni Satanas, at nawalan na ng kakayahan na tanggapin ang mga salita ng Diyos. Kapag nais mong isagawa ang mga salita ng Diyos, ginugulo ng mga bagay na ito ang kalooban mo, na nagdudulot na salungatin mo ang katotohanan at ang mga hinihingi ng Diyos, at nagiging dahilan para mawalan ka ng lakas na iwaksi ang impluwensiya ng tradisyonal na kultura. Pagkatapos mong magsikap nang ilang panahon, nagkokompromiso ka: pinipili mong paniwalaan na ang mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad ay tama at naaayon sa katotohanan, kaya tinatanggihan o tinatalikuran mo ang mga salita ng Diyos. Hindi mo tinatanggap ang mga salita ng Diyos bilang katotohanan at binabalewala mo ang mailigtas, dahil pakiramdam mo ay nabubuhay ka pa rin sa mundong ito, at makakaligtas ka lang sa pamamagitan ng pagsandig sa mga bagay na ito. Dahil hindi mo kayang tiisin ang ganting-paratang ng lipunan, mas nanaisin mong piliin na isuko ang katotohanan at ang mga salita ng Diyos, isinasailalim ang sarili mo sa mga tradisyonal na kuru-kuro ng moralidad at sa impluwensiya ni Satanas, pinipiling salungatin ang Diyos at hindi isagawa ang katotohanan. Sabihin mo sa Akin, hindi ba’t ang tao ay kahabag-habag? Hindi ba nila kailangan ang pagliligtas ng Diyos?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Sa Pagkilala Lamang sa Sariling mga Maling Pananaw ng Isang Tao Siya Tunay na Makapagbabago). “May kasabihan sa mundo ng mga walang pananampalataya: ‘Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina.’ Nariyan din ang kasabihang ito: ‘Ang isang taong suwail sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop.’ Napakaganda pakinggan ng mga kasabihang ito! Sa totoo lang, ang penomena na binabanggit ng unang kasabihang, sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina, ay talagang umiiral, at ang mga ito ay katunayan. Gayumpaman, ang mga ito ay penomena lamang sa loob ng mundo ng hayop. Ang mga ito ay isang uri lang ng batas na itinatag ng Diyos para sa iba’t ibang buhay na nilalang, na sinusunod ng lahat ng uri ng buhay na nilalang, kabilang na ang mga tao. Ang katunayan na ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay sumusunod sa batas na ito ay higit na nagpapakita na ang lahat ng buhay na nilalang ay nilikha ng Diyos. Walang buhay na nilalang ang maaaring lumabag sa batas na ito, at walang buhay na nilalang ang makakalampas dito. … Sinusuklian ng mga uwak ang kanilang ina sa pamamagitan ng pagpapakain dito, at ang mga tupa ay lumuluhod para makatanggap ng gatas mula sa kanilang ina ay tumpak na nagpapakita na ang mundo ng hayop ay sumusunod sa ganitong uri ng batas. Ang lahat ng uri ng buhay na nilalang ay may ganitong instinto. Sa sandaling maipanganak ang mga supling, sila ay inaalagaan at tinutustusan ng mga babae o lalaki ng species na iyon hanggang sa umabot sila sa hustong gulang. Kayang gampanan ng lahat ng uri ng buhay na nilalang ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa kanilang mga supling, matapat at masigasig na pinapalaki ang susunod na henerasyon. Mas lalong totoo ito pagdating sa mga tao. Ang mga tao ay tinatawag ng sangkatauhan bilang mas matataas na antas ng hayop—kung hindi nila masusunod ang batas na ito, at wala sila ng instintong ito, kung gayon, ang mga tao ay mas mababa kaysa sa mga hayop, hindi ba? Samakatwid, gaano ka man tinutustusan ng iyong mga magulang habang pinapalaki ka nila, at gaano man nila ginagampanan ang kanilang responsabilidad sa iyo, ginagawa lang nila ang dapat nilang gawin sa loob ng saklaw ng mga kakayahan ng isang nilikhang tao—instinto nila ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko ito: Ang dahilan kung bakit labis akong nasaktan ay dahil naimpluwensiyahan ako ng mga ideya at pananaw tulad ng “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop” at “Palakihin ang mga bata upang suportahan ka sa iyong pagtanda.” Inakala ko na ang pagiging mabuting anak sa iyong mga magulang ay ganap na likas at makatwiran at ang hindi paggawa nito ay kataksilan at ginagawa ang isang tao na mas mababa pa sa isang hayop. Tumakas ako at hindi ko na nagawang alagaan sa bahay ang nanay ko kaya nakonsensiya ako at nakaramdam ng pagkakautang sa kanya. Natakot din ako na baka sabihin ng mga tao na wala akong konsensiya at masama akong anak, kaya nakaramdam ako ng gayong sakit at hindi ko magawa nang mapayapa ang tungkulin ko, at kalaunan ay namighati ako nang mabalitaan kong namatay na ang nanay ko. Nakita ko na naikintal sa akin ang mga ideyang ito ng tradisyonal na kultura at itinuring ko ang pagiging mabuting anak sa mga magulang ko bilang mas mahalaga pa kaysa sa paggawa ko ng tungkulin ng isang nilikha, at pinagsisihan ko pa nga ang pangangaral ng ebanghelyo at paggawa ng tungkulin ko—hindi ba’t ito ay isang pagpapamalas ng pagkakanulo sa Diyos? Dahil inaresto ako ng pulis dahil sa pangangaral ng ebanghelyo, hindi na ako nakauwi sa bahay. Pero sa halip na kamuhian ang CCP, sinisi ko ang Diyos, sa paniniwalang ito ay dulot ng pangangaral ng ebanghelyo. Talagang baligtad ang pagkaunawa ko at hindi ko masabi kung ano ang tama at kung ano ang hindi! Lahat ng mayroon ako ay galing sa Diyos. Siya ang nag-aalaga at nagpoprotekta sa akin sa lahat ng taon na iyon para magkaroon ako ng pagkakataong ipangaral ang ebanghelyo at gawin ang aking tungkulin, hangarin ang katotohanan at mailigtas ng Diyos. Hindi lamang ako hindi naging mapagpasalamat sa Diyos, kundi mali ang naging pagkaunawa ko sa Kanya at sinisi ko Siya, at pinagsisihan ko pa ang paggawa ng tungkulin ko. Wala talaga akong konsensiya! Noon ko lamang naunawaan na ang mga ideya at pananaw gaya ng “Ang isang taong walang galang sa magulang ay mas mababa pa kaysa sa hayop” at “Palakihin ang mga bata upang suportahan ka sa iyong pagtanda” ay nakalilinlang, at na sila ay isang paraan kung saan inililigaw at ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao. Ayaw ko nang mamuhay ayon sa mga ideya at pananaw ni Satanas bagkus gusto kong tingnan ang mga tao at mga bagay at na umasal at kumilos ayon sa mga salita ng Diyos.

Kalaunan ay binasa ko ang iba pang mga salita ng Diyos: “Una sa lahat, pinipili ng karamihan sa mga tao na umalis ng bahay para gampanan ang kanilang mga tungkulin dahil parte ito ng pangkalahatang mga obhetibong sitwasyon, kung saan kakailanganin nilang iwan ang kanilang mga magulang; hindi sila maaaring manatili sa tabi ng kanilang mga magulang para alagaan at samahan ang mga ito. Hindi naman sa kusang-loob nilang iiwan ang kanilang mga magulang; ito ang obhetibong dahilan. Sa isa pang banda, ayon sa pansariling pananaw, umaalis ka para gampanan ang iyong mga tungkulin hindi dahil sa gusto mong iwan ang iyong mga magulang at takasan ang iyong mga responsabilidad, kundi dahil sa misyon ng Diyos. Upang makipagtulungan sa gawain ng Diyos, tanggapin mo ang Kanyang misyon, at gampanan ang mga tungkulin ng isang nilikha, wala kang pagpipilian kundi ang iwan ang iyong mga magulang; hindi ka maaaring manatili sa kanilang tabi para samahan at alagaan sila. Hindi mo sila iniwan para makaiwas sa mga responsabilidad, hindi ba? Ang pag-iwan sa kanila para makaiwas sa iyong mga responsabilidad at ang pangangailangang iwan sila para tugunan ang misyon ng Diyos at gampanan ang iyong mga tungkulin—hindi ba’t magkaiba ang kalikasan ng mga ito? (Oo.) Sa puso mo, mayroon kang emosyonal na koneksiyon at mga saloobin para sa iyong mga magulang; hindi walang kabuluhan ang iyong mga damdamin. Kung pahihintulutan ng mga obhetibong sitwasyon, at nagagawa mong manatili sa kanilang tabi habang ginagampanan din ang iyong mga tungkulin, kung gayon, kusang-loob kang mananatili sa kanilang tabi, regular silang aalagaan, at tutuparin ang iyong mga responsabilidad. Subalit dahil sa mga obhetibong sitwasyon, dapat mo silang iwan; hindi ka maaaring manatili sa tabi nila. Hindi naman sa ayaw mong tuparin ang iyong mga responsabilidad bilang kanilang anak, kundi dahil hindi mo ito maaaring gawin. Hindi ba’t iba ang kalikasan nito? (Oo.) Kung iniwan mo ang tahanan para iwasan ang pagiging mabuting anak at pagtupad sa iyong mga responsabilidad, iyon ay pagiging suwail na anak at kawalan ng pagkatao. Pinalaki ka ng iyong mga magulang, pero hindi ka makapaghintay na ibuka ang iyong mga pakpak at agad na umalis nang mag-isa. Ayaw mong makita ang iyong mga magulang, at wala kang pakialam kapag nabalitaan mo ang pagdanas nila ng ilang paghihirap. Kahit na may kakayahan kang tumulong, hindi mo ginagawa; nagpapanggap ka lang na walang narinig at hinahayaan ang iba na sabihin ang kung ano-anong gusto nila tungkol sa iyo—sadyang ayaw mo lang tuparin ang iyong mga responsabilidad. Ito ay pagiging suwail na anak. Ngunit ganito pa ba ang nangyayari ngayon? (Hindi.) Maraming tao ang umalis na sa kanilang bayan, lungsod, probinsiya, o maging sa kanilang bansa para magampanan ang kanilang mga tungkulin; malayo na sila sa kanilang lugar na kinalakhan. Dagdag pa rito, hindi madali para sa kanila na makipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa iba’t ibang kadahilanan. Paminsan-minsan, tinatanong nila ang tungkol sa kasalukuyang sitwasyon ng kanilang mga magulang mula sa mga taong galing sa parehong lugar na kinalakhan nila at nakakahinga sila nang maluwag kapag nababalitaan nilang malusog pa rin ang kanilang mga magulang at maayos pa rin na nakakaraos. Sa katunayan, hindi ka suwail na anak; hindi ka pa umabot sa punto ng pagiging walang pagkatao, kung saan ni ayaw mo nang alalahanin ang iyong mga magulang o tuparin ang iyong mga responsabilidad sa kanila. Dahil sa iba’t ibang obhetibong dahilan kaya mo kinakailangang gawin ang ganitong pasya, kaya hindi ka suwail na anak(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (16)). “Bilang anak, dapat mong maunawaan na hindi mo pinagkakautangan ang iyong mga magulang. Maraming bagay ang dapat mong gawin sa buhay na ito, at lahat ito ay mga bagay na dapat gawin ng isang nilikha, na ipinagkatiwala sa iyo ng Panginoon ng paglikha, at walang kinalaman ang mga ito sa pagsukli mo sa kabutihan ng iyong mga magulang. Ang pagpapakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, pagsukli sa kanila, pagpapakita sa kanila ng kabutihan—ang mga bagay na ito ay walang kinalaman sa iyong misyon sa buhay. Masasabi rin na hindi mo kinakailangang magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, na suklian sila, o tuparin ang alinman sa iyong mga responsabilidad sa kanila. Sa madaling salita, maaari mong gawin ito nang kaunti at gampanan nang kaunti ang iyong mga responsabilidad kapag pinahihintulutan ng iyong sitwasyon; kapag hindi, hindi mo kailangang piliting gawin ito. Kung hindi mo magagampanan ang iyong mga responsabilidad na magpakita ng pagkamabuting anak sa iyong mga magulang, hindi ito isang masamang bagay, sumasalungat lang ito nang kaunti sa iyong konsensiya, moralidad ng tao, at mga kuru-kuro ng tao. Ngunit kahit papaano, hindi ito sumasalungat sa katotohanan, at hindi ka kokondenahin ng Diyos dahil dito. Kapag nauunawaan mo ang katotohanan, hindi uusigin ang iyong konsensiya sa bagay na ito(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (17)). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung paano dapat pakitunguhan ng mga anak ang kanilang mga magulang. Hindi ang nanay ko ang pinagkakautangan ko. Naparito ako sa mundong ito na may isang misyong dapat tuparin, at iyon ay ang gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Kung pinahintulutan ng mga pangyayari at kondisyon, naalagaan ko sana ang nanay ko at naging mabuting anak ako sa nanay ko at nagampanan ko ang mga responsabilidad at obligasyon ng isang anak. Kung hindi naman pinayagan ng mga pangyayari, hindi ko na kailangang ipilit ito. At saka, hindi naman sa ayaw kong maging mabuting anak sa nanay ko, dahil inusig at tinugis ako ng CCP kung kaya’t hindi ako nakauwi para alagaan siya. Hindi naman sa hindi ako naging mabuting anak at hindi ko na kailangan pang pakialaman kung ano ang iniisip ng iba tungkol sa akin. Ang pinakamahalaga ay dapat akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at gawin nang maayos ang tungkulin ko. Pagkaunawa nito, hindi ko na naramdamang napipigilan ako at nailalagay ko na ang puso ko sa tungkulin ko. Ang paghatol at paglalantad ng mga salita ng Diyos ang nagbigay-daan sa akin na maunawaan ang ilan sa mga nakalilinlang kong pananaw, maarok kung paano harapin ang nanay ko sa paraang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo, hindi mamuhay nang nakararamdam ng pagkakautang sa nanay ko at maging mapayapa ang puso ko at magawa ko ang tungkulin ko.

Sinundan:  55. Hindi Ko na Hinahangad nang Walang Humpay ang Katayuan

Sumunod:  57. Bakit Napakahirap na Irekomenda ang Iba?

Kaugnay na Nilalaman

69. Pagbabalik sa Tamang Daan

Ni Chen Guang, USASabi ng Makapangyarihang Diyos, “Ang paglilingkod sa Diyos ay hindi simpleng gawain. Ang mga hindi nagbabago ang tiwaling...

45. Pamumuhay sa Harap ng Diyos

Ni Yongsui, South KoreaSabi ng Makapangyarihang Diyos, “Upang makapasok sa realidad, kailangang ibaling ng isang tao ang lahat sa tunay na...

44. Nakauwi na Ako

Ni Chu Keen Pong, Malaysia Mahigit isang dekada akong nanalig sa Panginoon at naglingkod sa iglesia nang dalawang taon, at pagkatapos ay...

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger