92. Ang Kuwento sa Likod ng Pang-uusig sa Isang Pamilya
Minsan ay nagkaroon ako ng masayang pamilya, at napakabuti sa akin ng asawa ko. Ang tanging pinagsisihan ko ay ang hindi pagkakaroon ng anak sa loob ng maraming taon pagkatapos naming ikasal. Komunsulta ako sa maraming kilalang doktor at gumastos ng malaki, pero nauwi sa wala ang lahat. Dahil dito, ginugol ko ang karamihan ng oras ko sa pagdadalamhati at kawalan ng pag-asa. Isang araw noong 2015, isang sister ang nagpunta sa bahay ko para makipagtipon sa biyenan kong babae. Ibinahagi niya sa akin ang ebanghelyo ng mga huling araw ng Makapangyarihang Diyos at binasa niya sa akin ang maraming salita ng Makapangyarihang Diyos. Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na nilikha ng Diyos ang tao, at ang tadhana ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos, na ang lahat ng mayroon ang isang tao ay ipinagkakaloob ng Diyos, at na paunang itinatakda rin ng Diyos kung kailan magkakaroon ng mga anak ang isang tao. Unti-unti, nagawa kong palayain ang sarili ko mula sa pagdadalamhati ko, hindi na ako nalulungkot sa hindi pagkakaroon ng mga anak, at mas gumaan ang kalooban ko kumpara noon. Kalaunan, nagkaroon ako ng anak. Noong panahong iyon, bagaman hindi nananampalataya sa Diyos ang asawa ko, sinuportahan niya ang pananalig namin. Masaya at matiwasay ang pamilya namin, at labis kaming kinaiinggitan ng mga kapitbahay namin.
Pero hindi nagtagal ang masasayang sandali. Noong 2017, nakita ng mga magulang ng asawa ko sa telebisyon ang panunuya at paninirang-puri ng CCP laban sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at nakita nila na sinusupil at inaaresto ng CCP ang mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Natakot silang maaresto at hindi na naglakas-loob na magpatuloy ng mga kapatid sa bahay. Pagkatapos, sinubukan din nila akong himukin na tumigil sa aking pananampalataya. Isang araw, seryosong sinabi ng biyenan kong lalaki, “Napanood ko sa telebisyon na inaaresto ng CCP ang mga taong nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos saanman. Maraming tao ang inaresto, at narinig ko na kapag naaresto sila, pinapahirapan sila, at na ang buong pamilya, mula sa matatanda hanggang sa mga bata, ay nagdurusang lahat, at na sa hinaharap, ang mga anak ng mga taong ito ay hindi makakapagkolehiyo, makakasali sa hukbong sandatahan, o makakapaglingkod bilang kawani ng pamahalaan. Para sa kapakanan ng pamilyang ito, huwag mo nang hayaan ang mga kapatid mo na pumunta sa bahay natin para sa mga pagtitipon. Dapat ka na ring tumigil sa pananampalataya!” Sumang-ayon ang biyenan kong babae sa kanya at sinabi, “May isang sister na pinaghahanap ng CCP at kasalukuyang nagtatago, at hanggang ngayon, hindi pa rin siya makauwi. Nagpalista ang anak niya para sumali sa hukbong sandatahan, pero dahil nananampalataya ang kanyang ina sa Makapangyarihang Diyos, nabigo siya sa pagsusuring pampolitika at hindi natanggap. Napakahigpit ng pagsupil ng CCP ngayon. Dapat ka nang tumigil sa pananampalataya!” Pagkatapos kong marinig ang mga sinabi nila, naisip ko, “Ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at nararapat lang na sambahin natin Siya. Kapag titigil tayo sa pananampalataya sa Diyos dahil sa takot sa pang-uusig, hindi ba ito ay pagkakanulo sa Diyos?” Kaya sinabi ko, “Nananampalataya tayo sa Diyos sa pamamagitan ng pagtitipon para basahin ang mga salita ng Diyos at sa pagtahak sa tamang landas sa buhay. Hindi tayo gumagawa ng anumang labag sa batas. Inaaresto at inuusig ng CCP ang mga mananampalataya dahil ito ay isang ateistikong partido na lumalaban sa Diyos. Kailangan lang nating mag-ingat sa hinaharap.” Sinabi ng biyenan kong babae, “Isang mabuting bagay ang pananampalataya sa Diyos, pero walang kabuluhan ang pagsubok na labanan ang CCP. Hindi pinapayagan ng CCP ang mga tao na manampalataya, at kung ipipilit mo pa rin ang pananampalataya mo at maaaresto ka balang araw, masisira ang pamilyang ito!” Nakita ko na hindi ko kayang mangatwiran sa kanila, kaya hindi na ako nagsalita pa. Kalaunan, nailihis rin ng mga sabi-sabi ng CCP ang asawa ko, at natakot siya na baka maaresto ako dahil sa pananalig ko at madamay ang pamilya, kaya madalas niya akong pigilan na dumalo sa mga pagtitipon at gawin ang tungkulin ko. Malaki rin ang ipinagbago ng saloobin ng biyenan kong babae sa akin. Hindi lang siya tumigil na tulungan ako sa pag-aalaga sa anak ko, kundi minanmanan din niya ako. Sa tuwing dadalo ako sa isang pagtitipon, nagsusumbong siya sa asawa ko, at madalas na nagagalit sa akin ang asawa ko, nagbabanta na kung ipagpapatuloy ko ang pagdalo sa mga pagtitipon, hahanapin niya ang mga kapatid para maghiganti. Pinatigil ako ng buong pamilya ko na manampalataya sa Diyos, at wala ni isa ang tumulong sa akin sa pag-aalaga sa anak ko. Hindi ako makadalo sa mga pagtitipon o makagawa ng tungkulin ko, at labis akong nanghina at nagdusa. Madalas akong umiiyak sa kalungkutan, hindi ko alam kung kailan matatapos ang mga araw na ito. Minsan, naiisip ko pa nga, “Kung makikinig ako sa kanila at titigil sa pagdalo sa mga pagtitipon, hindi ba ay matatapos na rin ang mga pagtatalo? Makakabalik pa kaya ang pamilya namin sa masayang buhay na mayroon kami noon?” Pero alam kong mali ang mag-isip nang ganito. Hindi ko kayang ipagkanulo ang Diyos para lang mapasaya sila. Talagang wala akong konsensiya kung gagawin ko iyon.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at bahagyang nagbago ang kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang gayong kaalaman. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, tinatalikuran sila ng mundo, puro problema ang buhay nila sa tahanan, hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, at mapanglaw ang kinabukasan nila. Nagdurusa ang ilang tao hanggang sa isang partikular na antas, gusto pa ngang mamatay. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahihina at walang kakayahan! Nasasabik ang Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok ng tao. Kung minamahal mo Siya, lahat ng uri ng pagdurusa ay sasapit sa iyo—at kung hindi naman, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo palagi na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan, at dahil ang iyong tayog ay napakaliit ikaw ay pipinuhin; bukod dito, mawawalan ka ng kakayahang mapalugod ang Diyos, at lagi mong madarama na napakataas ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa iyong kalooban, at marami ang walang kakayahang mapalugod ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ang iyong kalooban. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan pa rin kayong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos). Labis akong naantig sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos. Pinaniwalaan ng pamilya ko ang mga sabi-sabi ng CCP at inusig at hinadlangan nila ako sa pananampalataya ko sa Diyos, gusto nila akong magkompromiso. Napakahina ko at walang tayog. Kinakalaban ng Partido Komunista ang Diyos, at ang pananampalataya at pagsunod sa Diyos at pagtahak sa tamang landas ng buhay sa bansang pinamumunuan nito ay tiyak na puno ng maraming balakid. Isa ring pagsubok sa akin ang pang-uusig ng pamilya ko, para malaman kung maninindigan ba ako sa panig ng Diyos o ni Satanas. Habang iniisip ko ito, napagpasyahan ko na kahit paano man ako usigin ng pamilya ko, hindi ako magkokompromiso, at kahit gaano man ako magdusa, susundan ko ang Diyos hanggang sa dulo. Kalaunan, lumipat ako sa ibang bahay kasama ang anak ko, at nakalayo na ako sa pagmamanman ng mga biyenan ko. Wala sa bahay ang asawa ko tuwing araw dahil nagtatrabaho siya, kaya nakakadalo ako sa mga pagtitipon at nagagawa kong muli ang tungkulin ko. Talagang naging masaya ako.
Kalaunan, dumating si Sister Chen Ping para makipagtipon sa akin, pero nalaman ito ng asawa ko, at pinaalis niya ito, at pagkatapos ay galit niyang sinabi sa akin, “Hindi na puwedeng pumunta ang mga taong iyon sa bahay natin para sa mga pagtitipon. Kung malaman ito ng mga pulis, magdurusa ang buong pamilya natin. Kung makita ko ulit sila dito, tatawag ako ng pulis!” Nagalit ako at nakipagtalo sa kanya, pero kahit anong sabihin ko, hindi na ako pinayagan ng asawa ko na manampalataya sa Diyos. Naisip ko na hindi na makakapunta si Sister Chen Ping para makipagtipon sa akin, at dahil napakabata pa ng anak ko, hindi ko siya puwedeng dalhin sa mga pagtitipon at gawin ang tungkulin ko. Nakaramdam ako ng kahinaan sa loob ko, at naramdaman kong masyadong mahirap ang landas ng pananalig, at na baka dapat ay itigil ko muna ang paggawa ng tungkulin ko at maghintay na lumaki ang anak ko bago magsimula muli. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos at nagkamit ako ng kaunting pagkilatis sa kalagayan ko. Sabi ng Diyos: “Kapag ang Diyos ay gumagawa, nagmamalasakit sa isang tao, at nagmamasid sa taong ito, at kapag pinapaboran at sinasang-ayunan Niya ang taong ito, nakabuntot din nang malapitan si Satanas, tinatangkang iligaw ang taong ito at ilagay sa kapahamakan. Kung nais ng Diyos na makamit ang taong ito, gagawin ni Satanas ang lahat ng makakaya nito upang hadlangan ang Diyos, gamit ang iba’t ibang buktot na kaparaanan upang tuksuhin, guluhin at pinsalain ang gawain ng Diyos, upang makamit ang natatagong layon nito. Ano ang layon nito? Ayaw nito na makamit ng Diyos ang sinuman; nais nitong agawin ang pagmamay-ari sa mga taong nais makamit ng Diyos, gusto nitong kontrolin sila, ang pangasiwaan sila upang sambahin nila ito nang sa gayon ay samahan nila ito sa paggawa ng mga kasamaan, at labanan ang Diyos. Hindi ba ito ang masamang layunin ni Satanas? Madalas ninyong sabihin na si Satanas ay napakabuktot, napakasama, subalit nakita na ba ninyo ito? Nakikita ninyo kung gaano kasama ang sangkatauhan; hindi pa ninyo nakikita kung gaano kasama ang totoong Satanas. Subalit sa usapin tungkol kay Job, malinaw ninyong naobserbahan kung gaano talaga kabuktot si Satanas. Ginawang napakaliwanag ng usaping ito ang nakasusuklam na mukha ni Satanas at ang diwa nito. Sa pakikipagdigma sa Diyos at pagsunud-sunod sa likuran Niya, ang layunin ni Satanas ay ang buwagin ang lahat ng gawain na nais gawin ng Diyos, ang sakupin at kontrolin ang mga nais na makuha ng Diyos, ang ganap na puksain ang mga nais na makuha ng Diyos. Kung hindi sila mapupuksa, sila kung gayon ay aangkinin ni Satanas upang magamit nito—ito ang layunin nito” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi IV). Mula sa mga salita ng Diyos, malinaw kong nakita ang kasamaan at kabuktutan ni Satanas. Gumagawa ang Diyos para iligtas ang mga tao, pero ginagawa ni Satanas ang lahat ng makakaya nito para hadlangan ang mga tao sa pagsunod sa Diyos. Gumagawa ito ng iba’t ibang uri ng sabi-sabi para siraan Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at itinuturing nito ang mga mananampalataya bilang mabibigat na kriminal ng estado, inaaresto at inuusig sila, nadadamay pa nga ang mga pamilya ng mga Kristiyano, tinatakot nito ang mga walang-panananampalatayang kamag-anak namin at ginagamit sila upang guluhin at hadlangan kami sa pananalig namin. Ang ubod ng samang layunin ng malaking pulang dragon sa paggawa ng lahat ng ito ay para ipagkanulo naming lahat ang Diyos at masadlak kami sa impiyerno kasama nito. Natakot ang pamilya ko na maaresto ng CCP at hindi sila nangahas na manampalataya sa Diyos, at nagkaisa sila para hadlangan ang pananampalataya ko. Nang maharap ako sa pang-uusig, nanghina ako, at ginusto kong talikuran ang tungkulin ko para protektahan ang masaya at maliit naming pamilya. Nangangahulugan ito na nahulog ako sa patibong ni Satanas! Nang maunawaan ko ito, nagpasya ako na kahit gaano kahirap ang tahakin kong landas, hindi ako magkokompromiso, at na kailangan kong umasa sa Diyos para manindigan sa patotoo ko. Kalaunan, palihim kong isinama ang anak ko sa mga pagtitipon. Ang kamangha-mangha, nakatulog siya agad pagkarating namin sa bahay ng sister, at nagising lang siya pagkatapos ng pagtitipon namin, nangangahulugan na maaari akong dumalo sa mga pagtitipon nang may payapang isipan. Kalaunan, nahalal ako bilang isang lider ng iglesia, at napakaabala ng gawain ng iglesia, kaya ipinasok ko ang anak ko sa kindergarten at ipinagpatuloy ko ang paggawa ng tungkulin ko.
Noong 2018, naglunsad ng isa pang espesyal na operasyon ang CCP na tumutugis sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, at nakapaskil sa lahat ng lansangan ang mga karatulang may nakasulat na “Matinding Pagsupil Laban sa Iglesia ng Makapangyarihang Diyos” at “Hindi Aatras Ang Hukbo Hanggang Hindi Natatapos ang Paglipol.” Mula umaga hanggang gabi, paulit-ulit na umaalingawngaw ang mga anunsyo mula sa mga ispiker sa mga kabahayan na naglalayong galitin ang publiko at hikayatin silang isumbong ang mga nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos, kapalit ng gantimpalang 2,000 yuan sa bawat isang maaaresto. Noong panahong iyon, maraming kapatid ang inaresto, nabalot sa madidilim na ulap at pagkataranta ang lungsod. Natakot ang asawa ko na baka maaresto ako at sinimulan niyang usigin ako nang mas matindi pa. Isang araw, habang paalis ako, sinabi ng asawa ko, “Huwag mong isiping hindi ko alam na palihim kang dumadalo sa mga pagtitipon. Nakikita ko kung gaano ka kaabala, marahil ay isa ka nang lider ngayon! Partikular na inaaresto ng pulisya ang mga taong nananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Tingnan mo, may mga kamerang pangmanman at mga gamit pangsubaybay sa buong lansangan, at maaari kang mahuli ng mga pulis anumang sandali. Hindi ka na maaaring manampalataya, o madadamay mo kami sa kapahamakan! Dapat kang magsulat ng garantiya para sa akin ngayon din, na nangangakong hindi ka na mananampalataya sa Makapangyarihang Diyos. Kapag hindi mo ito isusulat, palalayasin kita sa bahay na ito at hindi mo na makikita ang anak natin kailanman!” Nagulat ako sa sinabi niyang ito. Tanging ang mga diyablong CCP lang ang nag-uutos sa isang tao na sumulat ng garantiya ng hindi pananamplataya sa Diyos. Hindi ba ay isa siyang diyablo! Mariin kong sinabi, “Ang Makapangyarihang Diyos ang Tagapagligtas na naparito para iligtas ang sangkatauhan, hindi ko kailanman ipagkakanulo ang Diyos, lalong hindi ako susulat ng isang garantiya!” Dahil dito, sumiklab sa matinding galit ang asawa ko, at sinakmal niya ako sa leeg gamit ang kaliwang kamay niya at dalawang beses niya akong sinampal nang malakas gamit ang kanang kamay niya. Agad na humapdi ang mukha ko sa sakit, at hindi ko napigilang tumulo ang mga luha ko. Sa maraming taon naming pagsasama, hindi ako kailanman pinagbuhatan ng kamay ng asawa ko, pero noong araw na iyon, sinampal niya ako dahil naniwala siya sa mga sabi-sabi ng CCP. Labis akong nasaktan at nanghina. Umiiyak akong nagdasal sa Diyos, humihiling na bigyan Niya ako ng pananalig at lakas. Nang makita kong oras na para dumalo sa isang pagtitipon, nagdahilan ako para makaalis. Pero pinigilan ako ng asawa ko, sinabi niya, “Ang tanging gagawin ko ngayong araw ay ang sundan ka. Kung mangangahas kang dumalo sa isang pagtitipon, tatawag ako sa pulisya at ipapaaresto ko kayong lahat!”
Pero pagkatapos noon, nakahanap pa rin ako ng paraan para makadalo sa pagtitipon. Nalaman ng asawa ko na hindi ako nakikinig sa kanya, kaya nagsabi siya ng masasakit na bagay tungkol sa akin sa harap ng mga magulang at mga kamag-anak ko, sinusubukan niyang hikayatin ang pamilya ko para himukin akong huwag manampalataya. Sinabi ng nanay ko, “Alam ko kung anong klase siyang tao. Mula nang dumating siya sa bahay mo, hindi siya nakipagtalo sa iyo, at ginawa niya ang lahat ng dapat niyang gawin. Nananampalataya lang naman siya sa Diyos. Ano ang masama roon?” Sinubukan din siyang hikayatin ng kapatid kong lalaki. Noong nakita niyang hindi kumampi sa kanya ang pamilya ko, sumiklab sa matinding galit ang asawa ko. Nakita niya ang MP5 player na ginagamit ko sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at winasak niya ito. Pinunit din niya ang Bibliya, at pagkatapos, binasag niya ang salamin na pintuan ng banyo, karamihan sa aming gamit pangkusina, at ilan pang mga bagay. Nang mabalitaan ito, dali-daling pumunta sa bahay namin ang mga biyenan ko, galit na pinuna ako, sinabi nila, “Hindi pinapahintulutan ng Partido Komunista ang mga tao na manampalataya sa Diyos, kaya maaari bang tumigil ka na sa pananampalataya? Kung ipipilit mo pa ring manampalataya sa Diyos at mahuhuli ka, magdadala ito ng kapahamakan sa pamilya natin. Hindi na makakakuha ng kontrata sa anumang pinapatayong gusali ang asawa mo, kukumpiskahin ang ari-arian natin, at pagkatapos, mawawalan ng kabuhayan ang buong pamilya. Tapusin mo na ang lahat ng ito ngayon! Itapon mo ang mga aklat at tumigil ka na sa pananampalataya!” Pinapunta rin ng biyenan kong babae ang biyenan kong lalaki sa bahay ni Chen Ping para gumanti sa kanya. Naisip ko na si Chen Ping ang responsable sa gawain ng iglesia, at na kapag may nangyari sa kanya, maaapektuhan ang buong iglesia, at galit kong sinabi, “Ang pananampalataya ko sa Diyos ay sarili kong desisyon. Huwag nyo nang idamay ang iba. Mula ngayon, hindi na siya pupunta rito, at hindi na rin ako pupunta sa kanya.” Nang marinig nila ito, inakala nilang nagkompromiso na ako, at saka sila umalis. Pero kalaunan, pumunta pa rin ang asawa ko sa bahay ni Chen Ping para gambalain siya, at walang nagawa si Chen Ping kundi lumayas sa bahay niya para gawin ang tungkulin niya. Nang maisip ko na hindi na makakauwi si Chen Ping dahil sa akin, nakaramdam ako ng labis na pagkakasala at pagkabagabag, at naisip ko rin na dahil sa pang-uusig ng pamilya ko, hindi ko na magagawang makipag-ugnayan sa mga kapatid. Ginugol ko ang mga araw ko sa matinding panlulumo. Kinailangan kong maging maingat sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos, sa takot na matuklasan ito ng asawa ko, at kapag tinitingnan ko ang malaki naming silid, pakiramdam ko ay isa akong ibon na nakakulong sa hawla. Bagaman maginhawa ang buhay, hindi ko nakaramdam ng anumang kaligayahan. Sana ay maaari akong manampalataya sa Diyos at magbasa ng Kanyang mga salita nang malaya!
Hindi naglaon, sinabi ng asawa ko, “Sinabi ng isang kaibigan mula sa istasyon ng pulisya na naglulunsad ng isang espesyal na operasyon ang gobyerno laban sa inyo, na mga mananampalataya ng Makapangyarihang Diyos, at na kapag nahuli nila kayo, hindi kayo mapapalaya ng kahit gaano kalaking halaga ng pera. Hindi lang ikaw ang magdurusa sa loob, kundi madadamay ang buong pamilya kasama mo. Gustong ipagbawal ng gobyerno ang lahat ng mga relihiyosong pananampalataya. Maging ang Three-Self Church ay ipapagiba na rin. Sa tingin mo ba ay magkakaroon ka ng magandang buhay kung hindi ka makikinig sa CCP? Ang pananampalataya sa Diyos sa Tsina ay pagnanais ng kamatayan! Ayaw kong mamuhay sa patuloy na takot at pagkabalisa dahil sa pananalig mo. Mayroon kang dalawang pagpipilian: Una, isuko mo ang pananalig mo at manatili ka sa bahay para alagaan ang anak natin. Kung gagawin mo ito, ikaw ang mamamahala sa pamilyang ito, at pakikinggan kita sa lahat ng bagay. Pangalawa, ipagpatuloy mo ang pananalig mo, pero iwan mo ang anak natin, at umalis ka sa bahay na ito nang walang dala.” Malinaw sa akin na tapos na ang pagsasama namin bilang mag-asawa. Labis akong nalungkot, at nang maisip ko na kailangang mawalay ang anak ko sa kanyang ina sa murang edad, lalo akong nanghina at tahimik na lumuha. Sa harap ng nalalapit na pagkakawatak-watak ng pamilya ko, nagbalik sa isipan ko ang nakaraan na parang mga eksena sa isang pelikula. Kaya ko ba talagang talikuran ang pamilyang pinaghirapan kong buuin sa loob ng napakaraming taon? Sa partikular, kapag naiisip kong mahihiwalay ako sa anak ko at hindi ko masusubaybayan ang paglaki niya, tila sampung libong beses na mas mahirap umalis. Parang sinasaksak ng kutsilyo ang puso ko, at lumulutang ang isipan ko. Sa gitna ng matinding paghihirap ko, isang ideya ang pumasok sa isip ko, “Kung titigil ako sa pananampalataya sa Diyos, hindi ako hihiwalayan ng asawa ko, maaari kong gugulin ang mga araw ko sa tabi ng anak ko, at maaari nang bumalik sa dati ang buong pamilya, at mamumuhay ako sa masayang buhay-pamilya.” Nang maisip ko ito, napagtanto ko na isa itong pagkakanulo sa Diyos. Naisip ko kung paano ako namuhay sa kadiliman at kahungkagan noong hindi pa ako nananampalataya sa Diyos, at kung paano ako iniligtas ng Diyos mula sa dagat ng pagdurusang ito, at ipinagkaloob Niya sa akin ang katotohanan at binigyan ng pagkakataong maligtas. Kung pipiliin kong ipagkanulo ang Diyos para sa kapakanan ng pamilya ko, hindi ako karapat-dapat sa pagliligtas ng Diyos! Kaya, nagdasal ako sa Diyos sa puso ko, “Diyos ko, hindi ko gustong ipagkanulo Ka, gusto kong manampalataya sa Iyo, gawin ang tungkulin ko, at suklian ang Iyong pagmamahal, pero hindi ko kayang iwan ang anak ko. Napakahina ko. Bigyan Mo ako ng pananalig at lakas.” Pagkatapos kong magdasal, naalala ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na pinamagatang “Dapat Mong Iwan ang Lahat para sa Katotohanan.”
1 Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pamilya, katiwasayan, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang kasiyahan.
2 Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng gayong isang di-mahalaga at makamundong buhay, at wala kang anumang layong hahangarin, hindi ba’t pag-aaksaya ito sa iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong paraan ng pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Sa pagbibigay-liwanag at patnubay ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko na hindi ko kayang ipagkanulo ang Diyos para pangalagaan ang pamilya ko. Naisip ko kung paanong ang Diyos, para maligtas ang mga tao mula sa kapangyarihan ni Satanas, ay tiniis ang matinding kahihiyan sa pamamagitan ng pagiging tao para magpahayag at gumawa kasama ng mga tao, para dumanas ng lahat ng klase ng mga paghihirap. Binayaran ng Diyos ang lahat ng Kanyang mabigat na halaga. Kung ipagkakanulo ko ang Diyos para sa kaligayahan ng pamilya ko, sa anong paraan ako magkakaroon ng anumang konsensiya o dignidad bilang tao? Ang paghahangad ko sa katotohanan at pagliligtas ng Diyos sa aking pananampalataya sa Diyos ay ang tamang landas sa buhay, at sulit ang lahat ng mga pagdurusang tiniis ko para makamit ang katotohanan. Anuman ang pisikal na kasiyahan o kaginhawahan sa buhay, hungkag ang lahat ng ito, at tanging sa pagkamit sa katotohanan lang maililigtas ang isang tao at makakapagpatuloy sa buhay. Hindi ko dapat itakwil ang katotohanan at ipagkanulo ang Diyos para sa kapakanan ng anak at pamilya ko. Kailangan kong maging matatag, hangarin ang katotohanan, suklian ang pagmamahal ng Diyos, at isabuhay ang isang makabuluhang buhay. Sa sandaling iyon, naging malinaw sa akin ang lahat. Kahit paano pa ako gipitin ng asawa ko, hindi ko kailanman ipagkakanulo ang Diyos. Pinipilit ako ng asawa ko na makipagdiborsiyo, natatakot siya na kung maaresto ako, madadamay siya kasama ko. Kumikilos siya para protektahan ang sarili niyang mga interes. Nakita ko na tanging ang Diyos lang ang tunay na nagmamahal sa mga tao. Nasaan ang pagmamahal sa pagitan ng mga tao? Ang mga ugnayan sa pagitan ng mga tao ay nauudyukan lang ng mga personal na interes, at kapag wala nang mga makukuhang pakinabang, nagiging mapanlaban ang mga tao. Malinaw na batid ng asawa ko na ang pananampalataya sa Diyos ang tamang landas, pero kumampi pa rin siya sa CCP para gipitin ako. Laban sa Diyos ang diwa niya, at sa pagsunod niya sa CCP, tinatahak niya ang landas ng perdisyon at pagkawasak. Samantala, sa pananampalataya sa Diyos at paghahangad sa katotohanan, tinatahak ko ang landas ng kaligtasan. Sadyang magkaiba ang mga landas namin. Ang pamumuhay namin nang magkasama ay nangangahulugan lang ng patuloy niyang panggigipit sa akin, at ng kawalan ng paraan para malayang manampalataya sa Diyos o maghangad sa katotohanan. Kaya, mahinahon kong sinabi, “Dahil iminumungkahi mo ang diborsiyo, sumasang-ayon ako.” Napangisi ang asawa ko at sinabi, “Kapag nagdiborsiyo tayo, hindi mo na kailanman makikitang muli ang anak natin, at kung malaman kong pinuntahan mo siya, tatawag ako ng pulis at ipapaaresto ko kayong lahat!” Pagkatapos, dumating ang biyenan kong babae para subukang hikayatin ako, sinabi niya, “Kung titigil ka lang sana sa pananampalataya sa Diyos, maaari mong dalhin ang anak mo kahit saan mo gusto, at mamumuhay ka nang maayos! Bukod pa rito, napakabata pa niya; paano mo makakayanang iwan siya?” Nang marinig ko ang mga salita ng biyenan kong babae, para bang sinaksak ng kutsilyo ang puso ko. Naisip ko, “Mula nang ipanganak siya, hindi siya kailanman nahiwalay sa akin. Sinong mag-aalaga sa kanya sa hinaharap? Magdurusa ba siya? Aapihin ba siya ng ibang mga tao? Paano kung magkasakit siya at walang sinumang naroon para mag-alaga sa kanya?” Habang lalo ko itong iniisip, lalo akong nasasaktan. Pagkatapos, naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Palagi Kong pagiginhawahin ang lahat ng nakakahiwatig ng Aking mga layunin, at hindi Ko papayagang magdusa sila o mapahamak. Ang napakahalagang bagay ngayon ay na makaya mong kumilos ayon sa Aking mga layunin. Ang mga gumagawa nito ay siguradong tatanggap ng Aking mga pagpapala at mapapasailalim sa Aking pag-iingat. Sino ang tunay at ganap na makagugugol ng kanilang sarili para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay walang gana; nagpapaikot-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang tahanan, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak, at mga magulang na nasa bahay. Lahat ba ng ito ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang tiwala sa Akin? O ito ba ay dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga di-karapat-dapat na mga pagsasaayos para sa iyo? Bakit ka laging nag-aalala sa pamilya ng iyong laman at nabahahala para sa iyong mga mahal sa buhay? Mayroon ba Akong puwang sa puso mo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). “Maliban sa pagsisilang at pagpapalaki ng anak, ang responsabilidad ng mga magulang sa buhay ng mga anak nila ay ang bigyan lang sila ng isang kapaligiran na kalalakihan nila, at iyon na iyon, sapagkat walang makaiimpluwensiya sa kapalaran ng tao maliban sa itinadhana ng Lumikha. Walang sinuman ang makakakontrol sa uri ng magiging kinabukasan ng isang tao; ito ay matagal nang naitakda, at kahit pa ang sariling mga magulang ay hindi mababago ang kapalaran ng isang tao. Kaugnay naman sa kapalaran, kanya-kanya ang bawat isa, at bawat isa ay may sariling kapalaran. Kaya, walang magulang ang makahahadlang sa kapalaran sa buhay ng isang tao ni kaunti o maka-uudyok sa kanya kahit kaunti pagdating sa papel na ginagampanan niya sa buhay. Maaaring sabihin na ang pamilya kung saan naitadhanang maisilang ang isang tao, at ang kapaligiran na kinalalakihan niya, ay mga paunang kondisyon lamang upang matupad niya ang sarili niyang misyon sa buhay. Hindi tinutukoy ng mga ito sa anumang paraan ang kapalaran ng isang tao sa buhay o ang uri ng tadhana kung saan tinutupad ng isang tao ang kanyang misyon” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi III). Ang mga salita ng Diyos ang nagbigay sa akin ng pananalig at lakas. Naisip ko kung paanong ako ay baog sa loob ng maraming taon dahil sa karamdaman, na kahit ang mga kilalang doktor ay hindi nakatulong, at na noong nabubuhay ako sa kadiliman at pagdadalamhati, ang mga salita ng Diyos ang nagdala sa akin ng liwanag, nagpaunawa sa akin ng kataas-taasang kapangyarihan at paunang pagtatakda ng Diyos, at nakatulong sa akin para makaalpas mula sa pagdadalamhati. Kalaunan, isang himala na nagkaroon ako ng anak. Ang pamilya at anak ko ay mga kaloob mula sa Diyos. Palagi kong iniisip na kaya kong alagaan nang mabuti ang anak ko, at hindi ko siya kailanman ipinagkatiwala sa mga kamay ng Diyos. Pinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na ang Diyos mismo ang nagbabantay, nangangalaga, at nagtutustos para sa bawat tao. Nasa mga kamay ng Diyos ang kapalaran ng anak ko, at Siya ang magsasaayos ng lahat para sa kanya. Ang tadhana niya at kung magdurusa man siya ay itinakda lahat ng Diyos. Hindi ibig sabihin na kaya ko na siyang alagaan nang mabuti dahil lang nasa bahay ako, ni hindi ko matitiyak ang kalusugan at seguridad niya sa pamamagitan lang ng pagsama sa kanya araw-araw. Dapat kong ipagkatiwala sa Diyos ang lahat ng tungkol sa anak ko at pagtuunan ng pansin ang paggawa sa tungkulin ko. Sa pag-iisip nang ganito, binitiwan ko ang ilan sa mga alalahanin ko tungkol sa anak ko, at hindi na gaanong nasaktan ang puso ko. Nagrereklamo pa rin tungkol sa akin ang biyenan kong babae, pero ayaw ko nang makipagtalo sa kanya, iniisip ko, “Malinaw na ang anak mo ang may gusto ng diborsiyo para protektahan ang sarili niya, pero sinasabi mo pa rin na tinatalikuran ko ang pamilya at anak ko dahil sa pananalig ko sa Diyos. Hindi mo ba nakikita na binabaliktad mo ang katotohanan?”
Naalala ko rin ang isang brother sa aming lugar na tinutugis ng CCP dahil sa pananalig niya. Isinugal niya ang buhay niya upang lihim na makauwi at alagaan ang kanyang matandang ama na paralisado, pero hinuli siya at binugbog ng CCP hanggang mamatay. Sa anong paraan tinatalikuran ng mga mananampalataya ang mga pamilya nila? Hindi ba ay ang malupit na pang-uusig ng CCP sa mga Kristiyano ang nagdulot ng ganitong mga kinalabasan? Naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Sa loob ng libo-libong taon, ito ang naging lupain ng karumihan. Hindi matitiis ang karumihan nito, napakalungkot dito, naglipana ang mga multo sa buong paligid, nanlalansi at nanlilinlang, nagpaparatang nang walang batayan, walang-awa at malupit, niyuyurakan ang bayang ito ng mga multo at iniiwan itong nagkalat ang mga patay na katawan; ang amoy ng pagkabulok ay bumabalot sa lupain at kumakalat sa hangin, at ito ay mahigpit na binabantayan. Sino ang makakakita sa mundo sa kabila ng himpapawid? Mahigpit na ginagapos ng demonyo ang buong katawan ng tao, tinatakpan nito ang pareho niyang mga mata, at siniselyuhan nang mahigpit ang kanyang mga labi. Nagwala na ang hari ng mga diyablo sa loob ng ilang libong taon, magpahanggang sa ngayon, kung kailan patuloy pa rin nitong mahigpit na binabantayan ang bayan ng mga multo, na para bang ito ay hindi-mapapasok na palasyo ng mga demonyo; samantala, ang pangkat na ito ng mga asong-tagapagbantay ay nakatitig nang nanlilisik ang mga mata, takot na takot na mahuhuli sila ng Diyos nang hindi nila namamalayan at lilipulin silang lahat, at iiwan sila na walang lugar ng kapayapaan at kaligayahan. Paano kaya nakita kailanman ng mga taong nakatira sa ganitong bayan ng mga multo ang Diyos? Natamasa na ba nila kahit kailan ang pagiging kagiliw-giliw at ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos? Paano nila nauunawaan ang mga usapin ng mundo ng tao? Sino sa kanila ang maaaring makaunawa sa sabik na mga layunin ng Diyos? Hindi na gaanong nakapagtataka, kung gayon, na nananatiling ganap na nakatago ang Diyos na nagkatawang-tao: Sa isang madilim na lipunang tulad nito, kung saan ang mga demonyo ay walang puso at hindi makatao, paanong matitiis ng hari ng mga diyablo, na pumapatay ng mga tao nang walang pakundangan, ang pag-iral ng isang Diyos na kaibig-ibig, mabait, at banal? Paano nito maaaring papurihan at ipagsaya ang pagdating ng Diyos? Ang mga sunod-sunurang ito! Sinusuklian nila ng poot ang kabaitan, matagal na nilang sinimulang tratuhing kaaway ang Diyos, inaabuso nila ang Diyos, sukdulan ang kanilang kalupitan, wala sila ni bahagyang pagsasaalang-alang para sa Diyos, nang-aatake at nandarambong sila, nawalan na silang lubusan ng budhi, wala silang konsensiya, at tinutukso nila ang mga walang-muwang upang mawalan ng malay. Mga ninuno ng sinauna? Minamahal na mga lider? Tinututulan nilang lahat ang Diyos! Iniwan ng kanilang panghihimasok ang lahat sa silong ng langit sa isang kalagayan ng kadiliman at ganap na kaguluhan! Kalayaang panrelihiyon? Lehitimong mga karapatan at mga interes ng mga mamamayan? Ang mga iyon ay mga panlalansing lahat para pagtakpan ang kasalanan!” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Gawain at Pagpasok (8)). Habang pinagninilayan ang mga salita ng Diyos, nakita ko na tunay ngang isang masamang demonyo ang CCP na lumalaban sa Diyos at nagpapahamak sa mga tao. Nagpapanggap ito na sumusuporta sa mga kalayaang panrelihiyon, pero palihim, walang habas nitong nilalabanan ang Diyos, at hinuhuli at inuusig ang Kanyang hinirang na mga tao. Dapat talagang isumpa at kondenahin ang CCP! Nagkatawang-tao ang Diyos upang ipahayag ang katotohanan sa lupa, dalisayin at iligtas ang mga tao, pero walang habas na lumikha ng mga kaguluhan at pagkagambala ang CCP. Upang hulihin at usigin ang mga hinirang na tao ng Diyos at puksain ang Kanyang gawain, sa loob ng ilang taon, hindi lang nagsagawa ang CCP ng iba’t ibang espesyal na operasyon para supilin ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos, kundi gumagamit din ito ng cellphone tracking at naglalagay ng mga electronic surveillance sa mga lansangan upang subaybayan at hulihin ang mga kapatid, napipilitan ang maraming mga kapatid na mawalan ng tahanan at mawalay sa mga pamilya nila, at maraming mga kapatid ang hinuli, pinahirapan sa kulungan at binugbog hanggang mamatay. Ipinagkakait din ng CCP sa mga pamilya ng mga Kristiyano ang mga karapatan nilang magtrabaho at pumasok sa eskuwelahan, na nanunulsol at nagpapasimuno ng alitan sa pamilya, at nagdudulot ng pagkakawatak-watak ng hindi mabilang na mga pamilya. Talagang kasuklam-suklam at napakasama ng CCP! Ang minsan nang masayang pamilya ko ay nawasak at nagkawatak-watak dahil sa mga sabi-sabi at panunupil ng CCP. Ang CCP ay isang demonyong grupo na lumalaban sa Diyos, pinapahamak at nilalamon ang mga tao! Sa pagdanas ng mga pang-uusig na ito, nakita ko rin na ang karunungan ng Diyos ay naipapamalas batay sa mga pakana ni Satanas. Sa kabila ng walang habas na pang-uusig ng CCP, hindi nito nayanig ang determinasyon ng mga hinirang ng Diyos na sundan Siya. Sa halip, mas dumarami pang tao ang tumanggap sa pagliligtas ng Diyos sa mga huling araw, at ang ebanghelyo ng Diyos ng mga huling araw ay lumaganap na sa maraming bansa sa ibayong dagat. Tiyak na magtatagumpay ang anumang nagmumula sa Diyos! Naisip ko kung gaano karaming tao ang nabubulag pa rin sa mga sabi-sabi ng CCP, namumuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, hindi batid ang pagliligtas ng Diyos ng mga huling araw. May responsabilidad at obligasyon akong ibahagi ang ebanghelyo ng Diyos ng mga huling araw sa mga nag-aasam ng pagpapakita ng Diyos. Nagpasya ako sa harap ng Diyos na susundan ko Siya hanggang sa huli at ipapalaganap ko ang ebanghelyo para suklian ang Kanyang pagmamahal. Kalaunan, dumaan kami ng asawa ko sa proseso ng diborsiyo.
Ngayon, kapag binabalikan ko ang mga karanasan ko, bagaman nawalan ako ng pamilya at ang buhay ko ay hindi na kasingmaginhawa tulad ng dati, at hindi ko na magawang ilaan ang mga araw at gabi ko kasama ang anak ko, naunawaan ko ang ilang katotohanan at nagkamit ako ng pagkilatis. Ngayon, ang kakayahang makalapit sa Diyos at magawa ang tungkulin ko bilang isang nilikha, at magpalaganap at magpatotoo sa pagliligtas ng Diyos ng mga huling araw, ay tunay na mahalaga at makabuluhan! Hindi ko kailanman pagsisisihan ang desisyon ko.