12. Ang Pagtanggal ng Aking Balatkayo at ang Pagiging Isang Matapat na Tao
Noong 2022, nahalal ako bilang lider ng iglesia. Inisip ko na marahil ay magaling ako sa lahat ng aspekto, dahil kung hindi, hindi ako ihahalal ng mga kapatid ko. Isang beses, sa isang pagtitipon, ang diyakono ng ebanghelyo na si Sister Li Yu, ay namumuhay sa kalagayan kung saan nilimitahan niya ang kanyang sarili bilang may mahinang kakayahan. Napakanegatibo niya at nais na niyang sumuko. Alam kong hindi naman ganoon kahina ang kakayahan ni Li Yu. Ang pangunahing dahilan ng kagustuhan niyang sumuko ay ang problema ng tiwaling disposisyon. Naisip ko na, “Kakatalaga pa lang sa akin bilang lider ng iglesia, at kapag nakakaranas ako ng ganitong mga problema, kailangan kong makipagbahaginan tungkol sa mga ito at lutasin ang mga ito agad. Sa ganitong paraan, magmumukhang may kakayahan ako sa aking gawain at sasang-ayunan ako ni Li Yu.” Nang maisip ko na minsan ay nasa katulad na kalagayan rin ako ni Li Yu, natagpuan ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na binasa ko noong panahong iyon, at ibinahagi ko ang aking pagkaunawa ayon sa mga salitang iyon ng Diyos. Nang makita ko na sumang-ayon siya, nakaramdam ako ng kasiyahan sa puso ko. Pagkatapos, tinanong ako ni Li yu, “Paano ka nagsagawa at nakapasok pagkatapos noon?” Agad akong kinabahan, dahil mayroon lang akong kaunting pagkaunawa noon at hindi pa ako nakasagawa at nakapasok. Naisip ko na, “Maayos kong naibahagi ang pagkaunawa ko, pero noong nabanggit na namin ang pagsasagawa at pagpasok ay wala na akong masabi. Ano na lang ang iisipin ni Li Yu tungkol sa akin? Hindi ito maaari. Kailangan kong humanap ng paraan para makapagbahagi ng susunod na hakbang.” Bumilis ang takbo ng isipan ko, sinubukan kong makaisip ng paraan upang malutas ito, habang tahimik na pinagtatakpan ang mga nawawalang bahagi ng aking karanasan. Pagkatapos, inilahad ko na lang ang mga salita ng Diyos na nabasa ko noon at kung ano ang aking naunawaan. Nang mapunta ako sa mga bahagi na hindi ko kailanman naranasan, iniwasan ko na lang ang mga ito, at pagkatapos, inilahad ko ang mga pagkaunawa ko kamakailan sa mga salita ng Diyos. Sa wakas, natapos ko ang aking pagbabahagi sa pamamagitan ng pagdudugtong-dugtong sa mga bagay tulad nito. Nang makita ko ang kawalan ng reaksyon ni Li Yu, nakaramdam ako ng labis na pagkadismaya sa aking puso, iniisip ko na, “Nailantad na ang tunay kong antas, at ngayon bababa na ang tingin sa akin ni Li Yu.” Kalaunan, nang pag-usapan namin ang tungkol sa gawain ng ebanghelyo, nagtanong si Li Yu ng ilan pang katanungan. Bagama’t nais kong magmungkahi ng ilang solusyon para hindi ako mapahiya, hindi ako nakaisip ng anumang makabuluhang suhestiyon kahit na matagal ko itong pinag-isipan. Pagkatapos, naisip ko na ako na ngayon ang lider ng iglesia, at anuman ang mangyari, kailangan kong ituro ang daan patungo sa hinaharap. Kaya sinabi ko kay Li Yu na, “Sa katunayan, kapag nahaharap tayo sa mga problemang ito, tinitingnan ng Diyos ang saloobin natin sa ating tungkulin. Hangga’t ginugugol natin ang higit na pag-iisip at binabayaran ang higit na halaga, tiyak na gagabayan tayo ng Diyos.” Pinagmasdan ko ang ekspresyon ni Li Yu habang ako ay nagbabahagi. Sa buong pakikipagbahaginan ko, walang reaksyon si Li Yu. Nang makita kong marami na akong nasabi pero hindi ito nagbunga ng anumang resulta, nakaramdam ako ng labis na pagkahiya. Mayroon lamang akong titulo bilang lider ng iglesia pero hindi ko kayang lutasin ang mga problema. Ano na lang ang iisipin ni Li Yu tungkol sa akin? Sa daan nang pauwi na ako, nakaramdam ako ng labis na pagkalugmok at panlulumo. Naisip ko na, “Kakasimula ko pa lang bilang isang lider at marami na agad akong ipinakitang pagkukulang. Hindi ko alam kung ilang pagtitipon pa ang kailangan kong daluhan at ilang problema pa ang kailangan kong harapin sa hinaharap. Kung ang bawat pagkakataon ay katulad nito, ano na ang gagawin ko? Kung makikita ng lahat ang mga pagkukulang ko, paano ako mananatili sa iglesiang ito sa hinaharap?” Naramdaman ko na dumami ang presyur, at bumigat ang puso ko, na para bang dinudurog ito ng isang bato.
Pagdating ko sa bahay, pinanood ko ang isang video ng patotoong batay sa karanasan na Nasaktan Ko ang Aking Sarili sa Pamamagitan ng mga Balatkayo at Panlilinlang. Nang maisip ko ang mga eksena noong nasa harap ako ni Li Yu, nagkukunwaring nauunawaan ko, napagtanto ko sa wakas na namumuhay ako sa kalagayan ng pagbabalatkayo. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at hinanap ko ito para basahin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Hindi nakikita ng ilang lider at manggagawa ang mga problemang umiiral sa iglesia. Habang nasa isang pagpupulong, pakiramdam nila ay para bang wala silang makabuluhang masasabi, kaya’t pinipilit na lamang nila ang kanilang sarili na magsabi ng ilang salita at doktrina. Lubusan nilang batid na ang sinasabi nila ay mga doktrina lamang, pero sinasabi pa rin nila iyon. Sa huli, maging sila ay nararamdaman na ang mga salita nila ay walang kwenta, at hindi rin ito nakapagpapatibay ng kanilang mga kapatid. Kung hindi mo alam ang problemang ito, bagkus ay may katigasan ng ulo ka lang na patuloy na nagsasabi ng mga ganoong bagay, ang Banal na Espiritu ay hindi kumikilos, at walang pakinabang sa mga tao. Kung hindi mo pa nararanasan ang katotohanan, ngunit gusto mo pa ring magsalita tungkol dito, anuman ang sabihin mo, hindi mo magagawang tumagos sa katotohanan; ang anumang sabihin mo pa ay magiging mga salita at doktrina lamang. Maaari mong isipin na medyo may kaliwanagan ang mga ito, ngunit mga doktrina lamang ang mga ito; hindi katotohanang realidad ang mga ito. Gaano man nila subukan, hindi magagawa ng sinumang nakikinig na makaunawa ng anumang totoo mula sa mga iyon. Habang nakikinig, maaaring maramdaman nila na tumpak naman ang sinasabi mo, ngunit pagkatapos, ganap nila itong malilimutan. Kung hindi ka magsasalita tungkol sa mga aktwal mong kalagayan, hindi mo maaantig ang puso ng mga tao, at hindi ito maaalala ng mga tao pagkatapos nila itong marinig. Wala itong maibibigay na kapaki-pakinabang. Kapag nakatagpo ka ng isang sitwasyong tulad nito, dapat ay may kamalayan ka na ang iyong sinasabi ay hindi praktikal; hindi makakabuti kaninuman kung magpapatuloy ka sa pagsasalita nang ganyan, at magiging mas nakakaasiwa pa kung may magtatanong na hindi mo masasagot. Dapat kang huminto kaagad at hayaan ang ibang taong magbahagi—iyon ang magiging matalinong desisyon. Kapag ikaw ay nasa isang pagpupulong at may alam ka tungkol sa isang partikular na isyu, maaari kang magsabi ng ilang praktikal na bagay tungkol dito. Maaaring ito ay medyo mababaw, ngunit maiintindihan ito ng lahat. Kung palagi mong gustong magsalita sa mas malalim na paraan upang mapabilib ang mga tao at tila kailanman ay hindi mo ito maipaabot, dapat mong bitawan na lang ito. Ang lahat ng iyong sasabihin magmula noon ay magiging hungkag na doktrina; dapat kang magpaubaya sa iba bago mo ipagpatuloy ang pagbabahagi. Kung sa pakiramdam mo ay doktrina ang nauunawaan mo at ang pagsasabi nito ay hindi magiging kapaki-pakinabang, ang Banal na Espiritu ay hindi kikilos kapag nagsalita ka sa ganoong pagkakataon. Kung pipilitin mo ang iyong sarili na magsalita, maaari kang humantong sa mga kahangalan at paglihis, at maaari mong mailigaw ang mga tao. Karamihan sa mga tao ay may napakahinang pundasyon at mahinang kakayahan na hindi nila maunawaan ang mas malalalim na bagay sa maikling panahon o madaling maalala ang mga ito. Sa kabilang banda, pagdating sa mga bagay na baluktot, ayon sa regulasyon, at doktrinal, sila ay medyo mabilis makaunawa. Kaysama nila, hindi ba? Kaya, kailangan mong manatiling tapat sa mga prinsipyo kapag nagbabahagi ka tungkol sa katotohanan at magsalita ka tungkol sa anumang iyong nauunawaan. May kahambugan sa puso ng mga tao, at kung minsan, kapag namamayani ang kanilang kahambugan, nagpupumilit silang magsalita, kahit na alam nila na ang kanilang sinasabi ay doktrina. Iniisip nila, ‘Baka hindi mahalata ng mga kapatid ko. Babalewalain ko ang lahat ng iyon para sa kapakanan ng aking reputasyon. Ang pag-iingat sa imahe ang mahalaga ngayon.’ Hindi ba’t isa itong pagtatangka na linlangin ang mga tao? Ito ay pagiging hindi tapat sa Diyos! Kung ito ay isang tao na may anumang katwiran, siya ay magsisisi at makakaramdam na dapat na siyang huminto sa pagsasalita. Madarama niya na dapat niyang baguhin ang paksa at na dapat siyang magbahagi tungkol sa isang bagay na mayroon siyang karanasan, o marahil tungkol sa kanyang pagkaunawa at kaalaman sa katotohanan. Kung gaano karami ang nauunawaan ng isang tao, ganoon karami ang dapat niyang sabihin. May limitasyon sa mga praktikal na bagay na puwedeng sabihin ng isang tao, gaano man karami ang kanyang sinasabi. Kung walang karanasan, ang iyong mga imahinasyon at iniisip ay teorya lamang, mga bagay lamang mula sa mga kuru-kuro ng tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Sinasabi ng Diyos na kapag nakikipagbahaginan sa mga pagtitipon, ang dapat lang na sabihin ng mga tao ay kung ano ang kanilang nauunawaan. Ito ang katwiran na dapat mayroon sila. Kung pipilitin ng mga tao ang kanilang mga sarili na magsalita tungkol sa mga bagay na hindi pa nila nararanasan o hindi pa nila malinaw na nakikita, at ginagawa nila ito kahit batid na batid nila na nagpapahayag sila ng doktrina, tinutugunan lang nila ang kanilang banidad at nililinlang ang mga tao. Iyon ang ginagawa ko sa pagtitipon. Nang marinig kong nagsasalita ang diyakono ng ebanghelyo tungkol sa iba’t ibang isyu, nais ko lang na lutasin agad ang mga problema para sa kanya, para maipakita na ako ay nasa isang partikular na antas bilang isang lider ng iglesia. Pero habang nagbabahagi ako, napagtanto ko na pagkatapos kong talakayin ang kaunting pagkaunawa ko, wala na akong ibang masabi. Para mapanatili ko ang aking imahe, pinilit ko ang sarili ko na magpatuloy sa pamamagitan ng pagpapahayag ng doktrina, nais kong magbalatkayo bilang isang taong may karanasan. Dahil dito, hindi pa rin nalutas ang problema ni Li Yu. Iniisip ko kung paano ko iiwasan na mapahiya sa buong proseso. Hindi ko man lang inisip kung paano ko talaga lulutasin ang mga problema. Hindi maganda ang kalagayan ng diyakono ng ebanghelyo, at may mga tunay na paghihirap sa gawain ng ebanghelyo, pero hindi ako nakaramdam ng pagkabahala tungkol doon, at mas dinamdam ko pa kung mapapahiya ako o hindi. Napakamakasarili ko at kasuklam-suklam! Nalinlang ko si Li Yu sa pamamagitan ng pagpapahayag ko ng doktrina, pero sinisiyasat ng Diyos ang kaibuturan ng mga puso natin. Ang paggawa ko ng aking tungkulin sa ganoong paraan, hindi gumagawa ng tunay na gawain o lumulutas ng mga tunay na problema, ay ang pag-uugali ng isang huwad na lider.
Pagkatapos malaman ng aking mga kapatid ang tungkol sa kalagayan ko, hinanapan nila ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos. Ito ang nagbigay-daan para mas malinaw kong makita ang mga problema ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang mga tao mismo ay mga nilikha. Kaya ba ng mga nilikha na magkamit ng walang-hanggang kapangyarihan? Kaya ba nilang maging perpekto at walang anumang mali? Kaya ba nilang maging mahusay sa lahat ng bagay, maunawaan ang lahat ng bagay, makilatis ang lahat ng bagay, at makaya ang lahat ng bagay? Hindi nila kaya. Gayunman, sa kalooban ng mga tao, mayroong mga tiwaling disposisyon, at isang malalang kahinaan: Sa sandaling matuto sila ng isang kasanayan o propesyon, pakiramdam ng mga tao ay may kakayahan sila, na sila ay mga taong may katayuan at may halaga, at na sila ay mga propesyonal. Gaano man sila kapangkaraniwan, nais nilang lahat na ipresenta ang kanilang sarili bilang sikat o katangi-tanging indibidwal, na gawing medyo tanyag na tao ang kanilang sarili, at ipaisip sa mga tao na perpekto sila at walang kapintasan, wala ni isang depekto; sa mga mata ng iba, nais nilang maging sikat, makapangyarihan, o dakilang tao, at gusto nilang maging napakalakas, kaya ang anumang bagay, nang walang hindi nila kayang gawin. Pakiramdam nila, kapag humingi sila ng tulong sa iba, magmumukha silang walang kakayahan, mahina, at mas mababa, at na hahamakin sila ng mga tao. Sa dahilang ito, palagi nilang nais na patuloy na magkunwari. … Anong klaseng disposisyon ito? Walang hangganan ang kayabangan ng gayong mga tao, nawalan na sila ng buong katwiran. Ayaw nilang maging katulad ng iba, ayaw nilang maging karaniwang mga tao, normal na mga tao, bagkus ay nais nilang maging superhuman, katangi-tanging indibidwal, o kahanga-hanga. Napakalaking problema nito! Patungkol sa mga kahinaan, mga pagkukulang, kamangmangan, kahangalan, at kawalan ng pang-unawa sa loob ng normal na pagkatao, babalutan nila ang lahat ng iyon, hindi ipapakita sa ibang mga tao, pagkatapos ay patuloy silang magpapanggap. May ilang tao na hindi nakikita nang malinaw ang anumang bagay, ngunit sinasabing sa puso nila ay nakakaunawa sila. Kapag hiniling mong ipaliwanag nila ito, hindi nila magawa. Matapos itong maipaliwanag ng iba, sinasabi nila na iyon nga rin sana ang sasabihin nila ngunit hindi nila iyon nasabi kaagad. Ginagawa nila ang lahat ng kaya nila para magpanggap at subukang magpakitang-gilas. Anong masasabi mo, hindi ba’t namumuhay ang gayong mga tao nang lumilipad ang isip? Hindi ba nangangarap sila nang gising? Hindi nila kilala kung sino sila mismo, ni hindi nila alam kung paano isabuhay ang normal na pagkatao. Ni minsan ay hindi sila kumilos na tulad ng praktikal na mga tao. Kung araw-araw ka na lang lutang mag-isip, iniraraos lang ang gawain, walang ginagawang anumang praktikal, at laging namumuhay nang ayon sa sarili mong imahinasyon, problema ito. Ang landas sa buhay na iyong pinili ay mali. Kung gagawin mo ito, paano ka man manalig sa Diyos, hindi mo mauunawaan ang katotohanan, ni hindi mo matatamo ang katotohanan. Sa totoo lang, hindi mo matatamo ang katotohanan, dahil mali ang simula mo” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Limang Kondisyong Dapat Matugunan Para Makapagsimula sa Tamang Landas ng Pananampalataya sa Diyos). Isiniwalat ng Diyos na may mga mapagmataas na disposisyon ang mga tao, at ayaw nilang manatili sa kanilang lugar bilang karaniwang tao, at palagi nilang gustong magpanggap na kaya nilang gawin ang lahat at maunawaan ang lahat, sinusubukan nilang magkaroon ang iba ng maling pag-iisip na sila ay nasa mataas na antas, at hindi pangkaraniwang tao. Ganito ang naging pag-uugali ko. Matapos akong mahalal bilang isang lider ng iglesia, pakiramdam ko ay talagang magaling na ako sa lahat ng bagay. Nais kong ipakita sa iba na kaya kong akuin ang pasaning ito, at pakiramdam ko, anumang mga problema ang aking harapin, magagawa kong tulungan ang mga kapatid ko na lutasin ang mga ito, at na ito lang ang naaayon sa aking kasalukuyang pagkakakilanlan. Pero noong hindi ako nakapagbigay ng isang landas ng pagsasagawa nang subukan kong lutasin ang mga problema ng iba, pinagdugtong-dugtong ko na lang ang ilang bagay para ibahagi sa kanila, at pinilit ko rin ang sarili ko na maghayag ng ilang salita at doktrina para mapanatili ko ang aking imahe. Palagi kong itinatago ang kakulangan ko, ang mga hindi ko nauunawaan, at ang mga bagay na hindi ko kayang gawin. Nais kong magpanggap sa harap ng iba na walang problemang makakatalo sa akin. Hindi ba’t nagbabalatkayo lang ako bilang isang superhuman? Hindi pa ako naging lider ng iglesia dati, at hindi ako pamilyar sa maraming kaugnay na isyu. Normal lang na hindi ko agad nalutas ang mga problema ni Li Yu. Ngunit sa kabila nito, para mabuo ang isang magandang imahe ng aking sarili, itinago ko ang mga hindi ko malinaw na nakita o naunawaan. Ayaw kong manatili sa tamang lugar ko bilang isang karaniwang tao. Napakayabang ng kalikasan ko, napakawalang katwiran ko!
Pagkatapos niyon, nakakita ako ng mga salita ng Diyos na mapagninilayan na nagsisiwalat sa mga taong palaging nagbabalatkayo, at nakamtan ko ang ilan pang pagkaunawa sa aking sarili. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Anong klaseng disposisyon ito kapag ang mga tao ay palaging nagpapanggap, palaging pinagtatakpan ang kanilang sarili, palaging nagmamagaling upang maging mataas ang tingin sa kanila ng iba, at hindi makita ang kanilang mga pagkakamali o pagkukulang, kapag palagi nilang sinisikap na ipakita sa mga tao ang pinakamagandang aspekto nila? Ito ay kayabangan, pagkukunwari, pagpapaimbabaw, ito ang disposisyon ni Satanas, ito ay isang buktot na bagay. Tingnan natin ang mga miyembro ng satanikong rehimen: Gaano man sila maglaban-laban, mag-away-away, o pumatay nang lihim, walang sinumang maaaring mag-ulat o magsiwalat sa kanila. Natatakot sila na makikita ng mga tao ang kanilang mala-demonyong mukha, at ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ito. Sa harap ng iba, ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para pagtakpan ang kanilang sarili, sinasabi nila kung gaano nila kamahal ang mga tao, kung gaano sila kadakila, kamaluwalhati at kung paano sila hindi nagkakamali. Ito ang kalikasan ni Satanas. Ang pinakaprominenteng katangian ng kalikasan ni Satanas ay ang panloloko at panlilinlang. At ano ang mithiin ng panloloko at panlilinlang na ito? Para dayain ang mga tao, para pigilan silang makita ang diwa at tunay na kulay nito, at nang sa gayon ay makamtan ang mithiin na mapatagal ang pamumuno nito. Maaaring walang gayong kapangyarihan at katayuan ang mga ordinaryong tao, ngunit nais din nilang magkaroon ng magandang pagtingin ang ibang tao tungkol sa kanila, at magkaroon ng mataas na pagpapahalaga ang mga tao sa kanila, at iangat sila sa mataas na katayuan ng mga ito, sa puso ng mga ito. Ito ay isang tiwaling disposisyon, at kung hindi nauunawaan ng mga tao ang katotohanan, wala silang kakayahang makilala ito. Ang mga tiwaling disposisyon ang pinakamahirap makilala sa lahat: Madaling makilala ang sarili mong mga pagkakamali at pagkukulang, pero hindi ang makilala ang sarili mong tiwaling disposisyon. Ang mga taong hindi kilala ang kanilang sarili ay hindi kailanman tinatalakay ang kanilang mga tiwaling kalagayan—palagi nilang iniisip na maayos sila. At nang hindi nila namamalayan, nagsisimula silang magpakitang-gilas: ‘Sa lahat ng mga taong sumasampalataya ako, dumaan na ako sa napakaraming pag-uusig at pinagdusahan ko na ang napakaraming paghihirap. Alam ba ninyo kung paano ko ito napagtagumpayang lahat?’ Mapagmataas na disposisyon ba ito? Ano ang motibasyon sa likod ng kanilang pagpapasikat? (Para tumaas ang tingin sa kanila ng mga tao.) Ano ang motibo nila sa pagsisikap na mapataas ang tingin sa kanila ng mga tao? (Para mabigyan sila ng katayuan sa isipan ng gayong mga tao.) Kapag nabigyan ka ng katayuan sa isipan ng iba, kung gayon ay kapag kasama ka niya, may paggalang siya sa iyo, at mas magalang siya kapag kausap ka niya. Palagi ka niyang tinitingala, palagi ka niyang pinauuna sa lahat ng bagay, pinagbibigyan ka niya, binobola at sinusunod ka niya. Sa lahat ng bagay, hinahanap ka niya at hinahayaan kang magdesisyon. At nakadarama ka ng kasiyahan mula rito—pakiramdam mo ay mas malakas at mas mahusay ka kaysa sa sinuman. Gusto ng lahat ang pakiramdam na ito. … Ang iyong mga salita at gawa ay itinutulak ng paghahangad at pagtatamo ng katayuan, at nakikipaglaban, nakikipag-unahan, at nakikipagkumpetensiya ka sa iba para dito. Ang layon mo ay ang makakuha ng isang posisyon, at magawang makinig sa iyo, sumuporta sa iyo, at sumamba sa iyo ang mga hinirang ng Diyos. Kapag nasa iyo na ang posisyon na iyon, mapapasaiyo na ang kapangyarihan at matatamasa mo na ang mga pakinabang ng katayuan, paghanga ng iba, at lahat ng iba pang mga pakinabang na kasama ng posisyong iyon. Ang mga tao ay palaging nagbabalatkayo, nagpapakitang-gilas sa iba, nagkukunwari, nagpapanggap, at nagpapalamuti ng sarili upang isipin ng iba na perpekto sila. Ang mithiin nila rito ay para magkamit ng katayuan, upang matamasa nila ang mga pakinabang ng katayuan. Kung hindi ka naniniwala rito, pag-isipan mo ito nang mabuti: Bakit palagi mong nais na mataas ang tingin sa iyo ng mga tao? Gusto mong sambahin ka nila at tingalain ka nila, upang kalaunan ay makuha mo ang kapangyarihan at matamasa ang mga pakinabang ng katayuan. Ang katayuan na labis mong hinahangad ay magdadala sa iyo ng maraming pakinabang, at ang mga pakinabang na ito ang mismong kinaiinggitan at hinahangad ng iba. Kapag natikman ng mga tao ang maraming pakinabang na ibinibigay ng katayuan, nalalasing sila rito, at nagpapakasasa sila sa marangyang buhay na iyon. Iniisip ng mga tao na ito lamang ang isang buhay na hindi nasayang. Ang tiwaling sangkatauhan ay nalulugod sa pagpapakasasa sa mga bagay na ito. Samakatwid, kapag ang isang tao ay nakamit ang isang partikular na posisyon at nagsimulang magtamasa ng iba’t ibang pakinabang na dulot nito, walang humpay siyang magnanasa sa mga makasalanang kasiyahang ito, hanggang sa puntong hindi na niya mabitiwan ang mga ito. Sa diwa, ang paghahangad sa katanyagan at katayuan ay bunsod ng pagnanasa na magpadala sa mga pakinabang na dulot ng isang partikular na posisyon, na mamayani bilang isang hari, na magkaroon ng kontrol sa mga taong hinirang ng Diyos, na magkaroon ng kapangyarihan sa lahat ng bagay, at magtatag ng isang malayang kaharian kung saan maaari siyang magpakasaya sa mga benepisyo ng kanilang katayuan at magpakasasa sa makasalanang mga kasiyahan. Gumagamit si Satanas ng lahat ng uri ng pamamaraan para linlangin, lokohin, at dayain ang mga tao, na nagbibigay sa kanila ng huwad na impresyon. Gumagamit pa ito ng pananakot at pagbabanta para hangaan at katakutan ito ng mga tao, na ang panghuling layon ay mahikayat silang magpasakop kay Satanas at sambahin ito. Ito ang nagpapalugod kay Satanas; ito rin ang layon nito sa pakikipagpaligsahan sa Diyos para makuha ang loob ng mga tao” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang mga Prinsipyong Dapat Gumabay sa Asal ng Isang Tao). Isinisiwalat ng Diyos na ang mga taong palaging nais magpakita ng pekeng imahe at nagbabalatkayo ay mga mapagpaimbabaw, na sila ay mayayabang at likas na mapagkunwari, at na itinatago nila ang kanilang mga problema at nililinlang ang mga tao sa pamamagitan ng mga pekeng imahe para lang matamasa ang mataas na papuri at espesyal na pagtrato mula sa iba. Matapos akong mahalal bilang isang lider ng iglesia, noong sinubukan kong lutasin ang problema ni Li Yu, nagpanggap ako na nauunawaan ko at mayroon akong mga karanasan kahit wala, at gumamit ako ng mga pinagtagpi-tagping salita para linlangin ang iba. Layunin kong mapanatili ang aking magandang imahe. Nais ko na purihin at tingalain ako ng iba, palibutan ako, at pagtuunan nila ako ng pansin. Sa huli, ginawa ko rin ito para matamasa ang pakiramdam ng pagiging mataas na dulot ng papuri ng iba. Napakabuktok ng kaibuturan ng puso ko! Bago ako mahalal bilang isang lider ng iglesia, kapag narinig kong nagtanong ang mga kapatid, nais ko laging makipag-usap sa kanila tungkol sa mga karanasan ko, dahil akala ko ay papahalagahan ng lahat ang mga taong may karanasan. Dahil dito, kahit na wala akong masyadong pagkaunawang batay sa karanasan, sinubukan ko pa ring mas higit na makipag-usap. Matapos akong mahalal bilang isang lider ng iglesia, nais ko pa ring itaguyod ang sarili ko sa pamamagitan ng pakikipagbahaginan sa mga pagtitipon. Hindi alintana kung naitaguyod ko man ang sarili ko o hindi basta’t pagdating sa mga layunin ko, hinangad kong pahalagahan at tingalain ako ng mga tao. Ito ay paglalakad sa landas ng mga anticristo. Sa sandaling ako ay naging isang lider ng iglesia, sinimulan kong isipin kung paano ako pahahalagahan at titingalain ng mga tao. Gumamit din ako ng pagbabalatkayo at panlalansi para linlangin ang mga kapatid ko at tamasahin ang mga pakinabang ng katayuan. Talagang wala akong katwiran! Ang hinangad ko ay kabaligtaran mismo ng mga kahilingan ng Diyos. Kung nagpatuloy ito, maaaring nahadlangan nito ang buhay pagpasok ng mga kapatid ko at ang gawain ng iglesia. Sa malao’t madali, masasalungat ko ang Diyos! Nang maunawaan ko ito, sumulat ako kay Li Yu at hayagan kong sinabi sa kanya ang tungkol sa kalagayan ko noong araw na iyon at ang pagkaunawa ko, at nakahanap ako ng ilan pang salita ng Diyos para matulungan siya. Sumulat din si Li Yu sa akin at ibinahagi ang ilang pagkaunawa niya. Sa paglantad ko ng aking tunay na sarili, parang bahagya kong natagpuan ang tamang lugar ko, at mas napanatag ako.
Nang mapagtanto ko na napakaseryoso ng isyu ko sa pagpapakita ng pekeng imahe at pagbabalatkayo, naghanap ako ng landas ng pagsasagawa para pasukin. Sa paghahanap, nagbasa ako ng mga salita ng Diyos: “Dapat mong hanapin ang katotohanan upang malutas ang anumang problemang lumilitaw, anuman iyon, at huwag magbalatkayo o magkunwari para sa iba sa anumang paraan. Ang iyong mga pagkukulang, iyong mga kapintasan, iyong mga pagkakamali, iyong mga tiwaling disposisyon—maging ganap na bukas tungkol sa lahat ng ito, at magbahagi tungkol sa lahat ng ito. Huwag mong itago ang mga ito sa loob mo. Ang pagkatutong buksan ang iyong sarili ang unang hakbang tungo sa buhay pagpasok, at ito ang unang balakid, na siyang pinakamahirap malampasan. Kapag nalampasan mo na ito, madali nang pumasok sa katotohanan. Ano ang ipinahihiwatig ng paggawa sa hakbang na ito? Nangangahulugan ito na binubuksan mo ang puso mo at ipinapakita ang lahat ng nasa loob mo, mabuti o masama, positibo o negatibo; inilalantad ang iyong sarili para makita ng iba at ng Diyos; walang itinatago sa Diyos, walang pinagtatakpan, walang ikinukubling anuman, walang panlilinlang at panloloko, at bukas at matapat din maging sa ibang mga tao. Sa ganitong paraan, nabubuhay ka sa liwanag, at hindi ka lamang sisiyasating mabuti ng Diyos, kundi makikita rin ng ibang mga tao na kumikilos ka nang may prinsipyo at may antas ng kalinawan. Hindi mo kailangang gumamit ng anumang mga pamamaraan para protektahan ang iyong reputasyon, imahe, at katayuan, ni hindi mo kailangang pagtakpan o ikubli ang iyong mga pagkakamali. Hindi mo kailangang makisangkot sa mga walang saysay na pagsisikap na ito. Kung mabibitiwan mo ang mga bagay na ito, labis kang mapapahinga, mamumuhay ka nang hindi napipigilan o walang pasakit, at mamumuhay ka nang lubusan sa liwanag” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). “Paano ka dapat magsagawa upang maging isang ordinaryo at normal na tao? Paano ito magagawa? … Una, huwag mong bigyan ng titulo ang sarili mo at huwag kang magpagapos dito, na sinasabing, ‘Ako ang lider, ako ang pinuno ng grupo, ako ang tagapangasiwa, walang nakaaalam sa gawaing ito nang higit sa akin, walang nakauunawa sa mga kasanayan nang higit sa akin.’ Huwag kang mahumaling sa titulong ibinigay mo sa sarili. Sa sandaling gawin mo ito, itatali nito ang iyong mga kamay at paa, at maaapektuhan ang iyong sinasabi at ginagawa. Maaapektuhan din ang normal mong pag-iisip at paghusga. Dapat mong palayain ang iyong sarili sa mga limitasyon ng katayuang ito. Una, ibaba mo ang iyong sarili mula sa opisyal na titulo at posisyon na ito at tumayo ka sa lugar ng isang pangkaraniwang tao. Kung gagawin mo ito, magiging medyo normal ang mentalidad mo. Dapat mo ring aminin at sabihin na, ‘Hindi ko alam kung paano ito gawin, at hindi ko rin iyon nauunawaan—kakailanganin kong magsaliksik at mag-aral nang kaunti,’ o ‘Hindi ko pa ito nararanasan, kaya hindi ko alam ang gagawin.’ Kapag kaya mong magsabi ng tunay mong iniisip at magsalita nang tapat, magtataglay ka ng normal na katwiran. Makikilala ng iba ang tunay na ikaw, at sa gayon ay magkakaroon ng normal na pagtingin sa iyo, at hindi mo kakailanganing magpanggap, ni hindi ka magkakaroon ng anumang matinding kagipitan, kung kaya’t magagawa mong makipag-usap nang normal sa mga tao. Ang pamumuhay nang ganito ay malaya at magaan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na para malutas ang isyu ng pagpapakita ng pekeng imahe at pagbabalatkayo, kailangan nating hayaan na makita ng iba ang pinakatotoong bahagi ng ating pagkatao, maging ganap na bukas sa lahat ng bagay na hindi natin kayang gawin at hindi natin nauunawaan, at hayaan nating makita at malaman ng mga tao ang tungkol sa mga bagay na ito. Sa ganitong paraan lang natin unti-unting maaalis ang mga limitasyon ng imahe at katayuan. Sa katunayan, sa tayog ko, lalo na noong nagsisimula pa lang akong magsanay para gampanan ang tungkulin ko bilang isang lider, kahit matagal na akong nagsasanay, hindi ko pa rin kayang kilatisin at lutasin ang bawat problema. Ang kailangan ko lang gawin ay maging bukas, at huwag magpakita ng pekeng imahe o magbalatkayo. Kapag lumulutas ng mga problema habang ginagampanan ang aking mga tungkulin, ang dapat ko lang ibahagi ay ang kung ano ang nauunawaan ko, dapat akong maging tapat sa iba tungkol sa kung ano ang hindi ko naunawaan o naranasan, at pagkatapos, dapat kong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo kasama ang aking mga kapatid, o komunsulta at matuto mula sa ibang mga kapatid. Ito ang dapat kong pasukin.
Kalaunan, sa paalala ng isang sister, natuklasan ko na mayroon akong maling pananaw. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kapag ang isang tao ay nahalal ng mga kapatid na maging lider, o iniangat ng sambahayan ng Diyos para gawin ang isang tiyak na gawain o gampanan ang isang tiyak na tungkulin, hindi ito nangangahulugan na mayroon siyang espesyal na katayuan o posisyon, o na ang mga katotohanang nauunawaan niya ay mas malalim at mas marami kaysa sa ibang mga tao—lalo nang hindi ito nangangahulugan na ang taong ito ay kayang magpasakop sa Diyos, at hindi Siya ipagkakanulo. Tiyak na hindi rin ito nangangahulugan na kilala niya ang Diyos, at isang taong may takot sa Diyos. Sa katunayan, hindi niya natamo ang anuman dito. Ang pag-aangat at paglilinang ay pag-aangat at paglilinang lamang sa prangkang salita, at hindi katumbas nito na pauna na siyang itinalaga at sinang-ayunan ng Diyos. Ang pag-aangat at paglilinang sa kanya ay nangangahulugan lamang na inangat na siya, at naghihintay na malinang. At ang huling kalalabasan ng paglilinang na ito ay depende sa kung hinahangad ng taong ito ang katotohanan, at kung kaya niyang piliin ang landas ng paghahangad ng katotohanan. Samakatwid, kapag inaangat at nilinang ang isang tao sa iglesia para maging lider, inaangat at nililinang lamang siya sa literal na paraan; hindi ito nangangahulugan na isa na siyang lider na pasok sa pamantayan, o isang mahusay na lider, na kaya na niyang gampanan ang gawain ng isang lider, at kayang gawin ang tunay na gawain—hindi ganoon. … Kaya ano ang pakay at kabuluhan ng pag-aangat at paglilinang sa isang tao? Ito ay na ang taong ito ay inaangat bilang isang indibidwal, para makapagsagawa siya, at para siya ay espesyal na madiligan at magsanay, na nagbibigay-daan sa kanya na maunawaan ang mga katotohanang prinsipyo, at ang mga prinsipyo, kaparaanan, at sistema ng paggawa ng iba’t ibang bagay at ng paglutas sa iba’t ibang problema, gayundin kung paano pangasiwaan at harapin ang iba’t ibang uri ng kapaligiran at mga taong nakakaharap niya alinsunod sa mga layunin ng Diyos, at sa paraan na pumoprotekta sa mga interes ng sambahayan ng Diyos. Batay sa mga puntong ito, ang mga taong may talento na inaangat at nililinang ng sambahayan ng Diyos ay mayroon bang sapat na kakayanang isagawa ang kanilang gawain at gampanan nang maayos ang kanilang tungkulin sa panahon ng pag-aangat at paglilinang o bago ang pag-aangat at paglilinang? Siyempre wala. Samakatwid, hindi maiiwasan na, sa panahon ng paglilinang, mararanasan ng mga taong ito ang pagpupungos, paghatol at pagkastigo, paglalantad at maging ang pagtatanggal; ito ay normal, ito ay pagsasanay at paglilinang” (Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (5)). Matapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang promosyon at paglinang ng sambahayan ng Diyos sa isang tao ay hindi nangangahulugang nakapasok na ang taong iyon sa katotohanang realidad. Hindi ito nangangahulugan na kaya ng taong ito na gawin at unawain ang lahat. Nililinang ng sambahayan ng Diyos ang mga tao para sanayin sila, para magkaroon sila ng mas maraming pagkakataon na matutong kumilos ayon sa mga prinsipyo, at mas mabilis na makapasok sa mga katotohanang realidad. Tulad ito noong inihalal ako ng mga kapatid ko na maging lider ng iglesia; dahil lamang ito sa pagkakaroon ko ng partikular na kakayahan at abilidad na makaarok. Pero hindi ito nangangahulugang nauunawaan ko na ang mga katotohanang prinspyo at kaya ko nang magtrabaho. Para akuin ang tungkulin ng isang lider, kailangang dumaan ang isang tao sa panahon ng pagsasaliksik, pag-aaral, at pagsasanay, at madalas na hanapin ang mga katotohanang prinsipyo. Ngayon, nagsasanay na lang ako bilang isang lider. Isa itong napakahalagang pagkakataon para matuto. Kung hindi ko malinaw na nakita ang tunay na sukat ng aking sarili, at palaging napakayabang, nagpapanggap na nakakaunawa para itago ang mga problema ko sa katayuan, gaano man karaming pagkakataon ang ibigay sa akin ng Diyos, at gaano man katagal akong mag-aral, hindi ako magkakaroon ng ganap na pagpasok sa katotohanan. Sa kabaligtaran, susundan ko ang landas ng mga anticristo dahil sa paghahangad ko ng katayuan, na taliwas sa layunin ng Diyos.
Kalaunan, nahalal ako bilang isang lider ng distrito. Minsan, nagkaroon kami ng isang pagtitipon kasama ang mga lider ng mga pangkat ng mga taga-ebanghelyo. Nang mapakinggan ko ang katulong kong sister na nakikipagbahaginan sa mga lider ng pangkat, nalaman ko na maraming gawain ang hindi pamilyar sa akin. Sa ilang saglit, hindi ko alam kung anong sasabihin ko, o kung saan magsisimula. Noong sandaling iyon, naisip ko na, “Kung palagi akong tahimik, iisipin ba ng mga lider ng pangkat na ako, ang lider ng distrito, ay isa lamang panlabas na imahe na walang laman? Ito ang unang beses na makikipagkita ako sa kanila, at kung iispin nila na wala akong anumang nauunawaan, mamaliitin ba nila ako kapag sinubaybayan ko ang gawain ng ebanghelyo sa hinaharap?” Nang maisip ko ito, nais kong magsalita agad para sang-ayunan ako ng mga lider ng pangkat. Pero napagtanto ko na mali ang kalagayan ko, at nagmamadali kong itinuon ang isipan ko sa iba. Naisip ko ang landas na itinuro sa mga salita ng Diyos. Sabi ng Diyos: “Kapag tumigil ka na sa pag-iisip na isa kang lider o isang manggagawa, at kapag tumigil ka na sa pag-iisip na mas magaling ka sa ibang tao at naramdaman mo na isa kang pangkaraniwang tao, na katulad ng lahat, at na mayroong ilang aspekto kung saan mas mababa ka sa iba—kapag nagbahagi ka ng katotohanan at mga bagay na may kinalaman sa gawain nang may ganitong saloobin, iba ang epekto, gayundin ang atmospera” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpapahalaga sa mga Salita ng Diyos ang Pundasyon ng Pananampalataya sa Diyos). Sa pagninilay sa mga salita ng Diyos, napagtanto ko na tanging kapag inilagay ko ang sarili ko sa posisyon ng isang karaniwang tao, ay saka lamang magiging magaan at natural ang kapaligiran ng pagtitipon na ito at doon lamang nito makakamtan ang mga resulta. Kailangan kong bitawan ang aking pagkakakilanlan bilang isang lider ng distrito, walang pag-aalinlangan na tanungin ang aking mga kapatid tungkol sa lahat ng bagay na hindi ko alam, at ipakita ang tunay kong pagkatao sa lahat. Nang maisip ko ito, nagpatuloy akong makinig sa lahat ng nagbabahagi tungkol sa gawain ng ebanghelyo. Nagtanong ako tungkol sa anumang bagay na hindi ko nauunawaan o hindi malinaw na nakikita, at kapag nakakakita ako ng isang problema, ipinapahayag ko rin ang aking mga kaisipan at suhestiyon. Sa ganitong paraan, nagtipon kami sa loob ng isang araw, at kahit na hindi ako nakapagbigay ng maraming makabuluhang suhestiyon, sa pamamgitan ng sama-samang pagtalakay at pakikipagbahaginan kasama ang aking mga kapatid, nakaisip kami ng ilang ideya para sa gawain ng ebanghelyo, at nagkaroon ako ng ilang direksyon sa paggawa ng tungkulin ko sa hinaharap. Labis akong napanatag, at nakatagpo ako ng kasiyahan. Pagkatapos niyon, sa paggawa ko ng tungkulin ko, nais ko pa ring itago minsan ang mga bagay na hindi ko nauunawaan at hindi ko kayang gawin. Sa tuwing nais kong magbalatkayong muli, taimtim akong nagdadasal sa Diyos para itama ang aking kalagayan. Pagkatapos, inilalantad ko ang aking sarili at ibinubunyag ko ang kalagayan ko sa aking mga kapatid para malaman nilang lahat ang tunay na sitwasyon ko. Noong isinagawa ko ito, bukod sa hindi ako minaliit ng mga kapatid ko, mas naging handa pa nga silang makipagtulungan sa akin, at mas madali para sa aming magkaisa kapag ginagampanan namin ang aming mga tungkulin. Labis akong nagpapasalamat sa Diyos para sa mga pakinabang na ito!