15. Ang Aking Pakikibaka at Pagpili sa Pagitan ng Pag-aasawa at Tungkulin
Mula pa noong bata ako, gustung-gusto ko na talaga ang ideya ng isang pamilyang maayos at buo, pero noong nasa elementarya ako, biglang pumanaw ang tatay ko dahil sa isang karamdaman, kaya naging pangarap ko na lang ang magkaroon ng buong pamilya. Noong panahong iyon, tinanggap na ng nanay at lola ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at nakita ko silang nagbabasa ng mga salita ng Diyos, dumadalo sa mga pagtitipon, at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin, at unti-unti nilang nalampasan ang sakit ng pagkawala ng isang mahal sa buhay. Alam ko na lahat ng ito ay paggabay ng Diyos, at naisip ko na paglaki ko, mananampalataya rin ako sa Diyos nang maayos, at umasa ako na ang magiging katuwang ko sa hinaharap ay mananampalataya sa Diyos kasama ko. Pakiramdam ko, ang pagkakaroon ng isang pamilyang maayos at nagmamahalan ay sapat na para sa akin.
Noong high school, may nakilala akong isang lalaki. Mukhang napakatapat niya, matured, at matatag. Magkasundo rin ang mga personalidad namin, at ang pinakamahalaga, naniniwala rin siyang may Diyos at mabuti ang pakikitungo niya sa akin, kaya nagsimula kaming mag-date. Alam niyang mahina ang kalusugan ko at partikular na sensitibo ako sa lamig, kaya araw-araw niya akong ipinaghahanda ng mainit na tubig, at madalas niya akong hinihikayat na mas mag-ehersisyo. Isang beses, malakas ang pag-ulan ng niyebe, at lumabas kaming magkasama, pero pagbalik namin, napansin kong nawala ko pala ang mga guwantes ko. Madilim na noon, pero nang malaman niya, agad siyang tumakbo palabas nang walang imik, at maya-maya, bumalik siyang dala ang nawawala kong mga guwantes. Naantig talaga ako at naramdaman kong siya na ang para sa akin. Bagama’t hindi siya nananampalataya sa Diyos, naniniwala siyang mayroong Diyos at hindi niya tinututulan ang pananampalataya ko. Naisip ko na kung magpapakasal kami sa hinaharap, puwede akong manampalataya sa Diyos habang namumuhay ng sarili kong buhay-pamilya. Talagang pareho kong makukuha ang dalawang gusto ko!
Noong taglagas ng 2013, pagkatapos kong magsimula sa kolehiyo, nagsimula na akong regular na dumalo sa mga pagtitipon. Sa pamamagitan ng pagdalo sa mga pagtitipon at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang ilang katotohanan, at nagkaroon ako ng kaunting pagkilala sa ilang bagay. Nakita ko na sa eskuwelahan, laganap ang masasamang kalakaran, ang pandaraya sa mga pagsusulit, at walang pagiging patas o katarungan sa alinmang sistema. Puro pagkain, pag-inom, at pagsasaya lang ang pinag-uusapan ng mga estudyante, at namumuhay sila nang nagpapakasasa at napakatiwali. Pero sa iglesia, hindi pinag-uusapan ng mga kapatid kung anong bahay ang nabili nila o anong kotse ang minamaneho nila, hindi rin sila nakikipagkompetensiya sa isa’t isa. Kapag nagtitipon kami, nagbabasa kami ng mga salita ng Diyos at nagbabahaginan tungkol sa katotohanan, at pinag-uusapan namin ang mga tiwaling disposisyong naibunyag namin, at kung paano namin naunawaan at nilutas ang mga iyon, pati na rin ang mga bagay tulad ng kung paano kilatisin ang masasamang kalakaran ng mundo, at kung paano ipangaral ang ebanghelyo at gawin ang aming mga tungkulin. Kapag may mga problema, sinusuportahan ng lahat ang isa’t isa, at walang sinumang minamaliit ang iba. Walang hadlang sa pagitan namin ng mga kapatid, at pakiramdam ko ay isang dalisay na lupain ang sambahayan ng Diyos. Naunawaan ko rin na matapos gawing tiwali ni Satanas, namumuhay ang mga tao sa matinding pagdurusa, at sa pamamagitan lamang ng paglapit sa harap ng Diyos, pag-unawa sa katotohanan, at pagtanggap sa Kanyang pangangalaga at proteksyon, makakatakas ang isang tao sa pagdurusa at magkakaroon ng tunay na kapayapaan at kapanatagan. Kalaunan, ginawa ko ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya. Sa eskuwelahan, kusa kong sinusuportahan ang mga kaklaseng hindi regular na dumadalo sa mga pagtitipon, nagbibigay ng pagbabahaginan at tulong sa abot ng aking makakaya. Nang makita kong nauunawaan na ng mga sister ang kalooban ng Diyos at nakakadalo na sila nang regular, masayang-masaya ako at naisip kong isa itong makabuluhang bagay.
Naisip ko na hindi pa lumalapit sa Diyos ang boyfriend ko, kaya gusto kong ibahagi sa kanya ang ebanghelyo sa lalong madaling panahon para matanggap din niya ang kaligtasan ng Diyos sa mga huling araw. Kung mananampalataya rin siya sa Diyos, puwede kaming sabay na sumunod sa Diyos at gawin ang aming mga tungkulin pagkatapos ng graduation. Tiyak na magiging napakasaya namin kung mayroon kaming iisang layon at hangarin. Pero, sa tuwing kinakausap ko siya tungkol sa pananampalataya sa Diyos, palagi lang siyang bahagyang ngumingiti sa akin, at kung minsan ay basta na lang siyang nagsasabi ng, “Sige.” Nang makita ko ang kanyang walang-interes na saloobin sa pananampalataya sa Diyos, medyo nadismaya ako, pero dahil hindi naman niya tinututulan ang pananampalataya ko, hindi ko na masyadong inisip iyon.
Noong panahong iyon, sa tuwing umuuwi ako galing sa pagtitipon, pakiramdam ko ay talagang napupuspos ako, pero kung ikukumpara, sa tuwing lumalabas ako kasama ang boyfriend ko para kumain, uminom, at magsaya, kahit na mukha akong masaya sa panlabas, pagkatapos masiyahan ang laman, pakiramdam ng puso ko ay hungkag na hungkag. Kalaunan, napaisip ako, “Ano ang kabuluhan ng ganitong klaseng buhay?” Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang pangungusap na ‘ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath’ ay nagsasabi sa mga tao na ang lahat ng tungkol sa Diyos ay hindi materyal, at bagaman kayang tustusan ng Diyos ang lahat ng iyong materyal na mga pangangailangan, sa sandaling matugunan na ang lahat ng iyong materyal na mga pangangailangan, mapapalitan ba ng kasiyahan mula sa mga bagay na ito ang iyong paghahangad sa katotohanan? Malinaw na hindi posible iyon! Ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya, na atin nang ibinahagi, ay kapwa ang katotohanan. Hindi masusukat ang halaga nito sa pamamagitan ng anumang materyal na bagay, gaano man kahalaga, ni mabibilang ang halaga nito batay sa salapi, dahil hindi ito isang materyal na bagay, at tinutustusan nito ang mga pangangailangan ng puso ng bawat isang tao. Para sa bawat isang tao, ang halaga ng di-nahahawakang mga katotohanang ito ay dapat na higit kaysa sa halaga ng anumang materyal na mga bagay na maaaring pahalagahan mo, hindi ba? Ang pahayag na ito ay isang bagay na kailangan ninyong pag-isipang mabuti. Ang pangunahing punto ng Aking nasabi na ay na kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos at ang lahat ng tungkol sa Diyos ay ang pinakamahahalagang bagay para sa bawat isang tao at hindi mapapalitan ng anumang materyal na bagay. Bibigyan kita ng isang halimbawa: Kapag nagugutom ka, kailangan mo ng pagkain. Maaaring kahit paano ay masarap ang pagkaing ito, o halos hindi kasiya-siya, subalit hanggang nabusog ka, mawawala na ang hindi magandang pakiramdam na iyon ng pagiging gutom—mapapawi na ito. Makauupo ka na nang payapa, at magpapahinga ang iyong katawan. Malulutas ng pagkain ang gutom ng mga tao, subalit kapag sumusunod ka sa Diyos at nadarama na walang pagkaunawa sa Kanya, paano malulutas ang kahungkagan sa iyong puso? Malulutas ba ito ng pagkain? O kapag sumusunod ka sa Diyos at hindi nauunawaan ang Kanyang mga layunin, ano ang magagamit mo upang punan ang gutom na yaon sa iyong puso? Sa proseso ng iyong karanasan ng kaligtasan sa pamamagitan ng Diyos, habang naghahangad ng pagbabago sa iyong disposisyon, kung hindi mo nauunawaan ang Kanyang mga layunin o hindi nalalaman kung ano ang katotohanan, kung hindi mo nauunawaan ang disposisyon ng Diyos, hindi ka ba makadarama ng lubhang pagkabalisa? Hindi ka ba makadarama ng isang matinding pagkagutom at pagkauhaw sa iyong puso? Hindi ba mahahadlangan ng mga damdaming ito na madama mo ang kapahingahan sa iyong puso? Kaya paano mo mapupunan ang pagkagutom na yaon sa iyong puso—mayroon bang paraan upang malutas ito? Namimili ang ilang tao, hinahanap ng ilan ang kanilang mga kaibigan upang magtapat, nagpapakasasa sa mahabang pagtulog ang ilang tao, nagbabasa ng mas maraming salita ng Diyos ang iba, o mas lalo silang nagsusumikap at gumugugol ng mas maraming pagsisikap upang gawin ang kanilang mga tungkulin. Malulutas ba ng mga bagay na ito ang tunay mong mga paghihirap? Ganap na nauunawaan ninyong lahat ang mga ganitong uri ng mga pagsasagawa. Kapag nakadarama ka ng kawalan ng lakas, kapag nakadarama ka ng isang matinding pagnanais na magkamit ng kaliwanagan mula sa Diyos upang tulutan kang malaman ang realidad ng katotohanan at ang Kanyang mga layunin, ano ang pinakakailangan mo? Hindi isang kumpletong pagkain ang kailangan mo, at hindi ilang mabuting salita, lalo na ang panandaliang aliw at kasiyahan ng laman—ang kailangan mo ay ang sabihin ng Diyos sa iyo nang tuwiran at malinaw kung ano ang dapat mong gawin at kung paano mo gagawin ito, na sabihin sa iyo nang malinaw kung ano ang katotohanan. Pagkatapos mong maunawaan ito, kahit na kakatiting lang na pagkaunawa ang nakamit mo, hindi ba mas masisiyahan ka sa iyong puso kaysa sa nakakain ka ng isang kumpletong pagkain? Kapag nasisiyahan ang puso mo, hindi ba nagkakamit ng tunay na kapahingahan ang iyong puso at ang iyong buong pagkatao? Sa pamamagitan ng paghahambing at pagsusuring ito, nauunawaan na ba ninyo ngayon kung bakit nais Kong ibahagi sa inyo ang pangungusap na ito, ‘ang Anak ng tao ay Panginoon maging ng araw ng sabbath’? Nangangahulugan ito na kung anong mula sa Diyos, kung ano ang mayroon at kung ano Siya, at ang lahat ng tungkol sa Kanya, ay higit na dakila kaysa sa anumang ibang bagay, kabilang ang bagay o ang tao na minsang pinaniwalaan mong pinakamahalaga sa iyo. Ibig sabihin, kung hindi nakapagkakamit ang isang tao ng mga salita mula sa bibig ng Diyos o hindi nila nauunawaan ang Kanyang mga layunin, hindi sila makapagkakamit ng kapahingahan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang talagang kailangan natin ay kaginhawahan at kaganapan sa ating mga puso. Kapag nahaharap tayo sa mga paghihirap at kalituhan, makakatanggap tayo ng kaliwanagan at gabay mula sa mga salita ng Diyos, mauunawaan natin ang katotohanan, at magkakaroon ng landas ng pagsasagawa, at makakaramdam ng kapayapaan at kasiyahan sa ating mga puso. Hindi ito isang bagay na kayang ibigay ng materyal na kasiyahan. Katulad noong gumamit ako ng pakana at panlilinlang para sa pansariling kapakinabangan, sinumbatan ako ng mga salita ng Diyos sa puso ko, at ipinaunawa sa akin na hindi ako puwedeng mamuhay ayon sa mga tiwaling disposisyon tulad ng isang walang pananampalataya. Nang isagawa ko ang mga salita ng Diyos at umasal bilang isang matapat na tao, nagkamit ako ng kapayapaan at kapanatagan sa aking puso. Tuwing Sabado’t Linggo at mga pista opisyal, ang mga kasama ko sa kuwarto ay lahat nagkukulong sa dorm, nagsasayang lang ng oras, habang ako naman ay lumalabas para dumalo sa mga pagtitipon. Bagama’t nabawasan ang oras ko sa pagpapakasasa sa mga kasiyahan ng laman, naunawaan ko ang ilang katotohanan pagkatapos, at naging payapa at panatag ang puso ko. Pero kapag lumalabas ako kasama ang boyfriend ko, gaano man kami kasaya o kasarap ang pagkain, pansamantalang pisikal na kasiyahan lang iyon, at hindi ko mahanap ang kagalakan o kapayapaan sa puso ko, wala rin akong nakamit na anumang tunay na pakinabang. Matapos maunawaan ang mga bagay na ito, mas lalo kong pinahalagahan ang oras ko sa pagtitipon at paggawa ng mga tungkulin, at nabawasan na ang oras ko sa pakikipag-usap sa boyfriend ko.
Sa pagtatapos ng 2014, umuwi ako para sa bakasyon sa taglamig. Lumapit sa akin ang mga lider ng iglesia, sinasabing kailangang-kailangan ng iglesia ng mga taong marunong mag-Ingles para gumawa ng mga tungkulin, at alam nilang mayroon akong ganitong kasanayan, kaya tinanong nila kung handa ba akong gawin ang tungkuling ito. Masayang-masaya ako nang marinig ko ang tungkol sa ganoong pagkakataon para gawin ang isang tungkulin. Mahilig na ako sa Ingles mula pa noong bata ako, at sa kolehiyo, pinili kong mag-major sa Ingles at palaging maganda ang mga grado ko. Ang kasanayan ko ay kaloob mula sa Diyos, at gusto kong gawin ang tungkuling ito, pero naisip ko na mayroon pa akong relasyon, at iniisip ko na magpakasal sa boyfriend ko at magsimula ng isang maliit na pamilya pagkatapos ng graduation, at napaisip ako, “Kung lalabas ako para gawin ang tungkulin ko, paano pa ako magkakaroon ng oras para makipag-date? Hindi kami puwedeng magkasama palagi, kaya papayag ba ang boyfriend ko rito? Hindi ba’t kailangan naming maghiwalay?” Ang isiping kailangan kong iwanan ang boyfriend ko ay nagpaalala sa akin ng lahat ng mabubuting bagay na ginawa niya, at talagang ayaw kong makipaghiwalay. Nakita ng mga lider na wala akong pusong gawin ito, kaya hindi na sila nagsalita pa. Bagama’t hindi ko na kailangang makipaghiwalay sa boyfriend ko, medyo malungkot pa rin ako sa loob-loob ko, dahil alam kong ang talento ko sa ibang wika ay kaloob mula sa Diyos, at gusto ko ring gamitin nang husto ang mga kasanayan ko para gugulin ang sarili ko para sa Diyos sa Kanyang sambahayan. Pero masyado akong mahina sa laman, at nang maharap sa isang pagpipilian, pinili ko pa rin ang laman. Nakaramdam ako ng malalim na pagkukulang at panunumbat ng budhi. Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Gising, mga lalaking kapatid! Gising, mga babaeng kapatid! Hindi maaantala ang Aking araw; ang oras ay buhay, at ang bawiin ang panahon ay pagliligtas sa buhay! Hindi na malayo ang oras! Kung hindi kayo makapasa sa pagsusulit sa pagpasok sa kolehiyo, maaari kang mag-aral para dito nang paulit-ulit. Gayumpaman, hindi na maaantala pa ang Aking araw. Tandaan! Tandaan! Ito ang mabubuting salita Ko ng panghihikayat. Nalantad na sa inyo ang katapusan ng mundo sa harap mismo ng inyong mga mata, at malapit nang dumating ang malalaking kalamidad. Ano ang mas mahalaga: ang buhay ninyo, o ang inyong pagtulog, ang inyong pagkain at inumin at kasuotan? Dumating na ang oras para timbangin ninyo ang mga bagay na ito! Huwag nang magduda pa! Masyado kayong natatakot na seryosohin ang mga bagay na ito, hindi ba?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 30). Sa mga huling araw, ang pagiging tao ng Diyos para gumawa at iligtas ang sangkatauhan ay isang napakapambihirang pagkakataon. Nagsisimula pa lang akong magsanay sa aking mga tungkulin, at hindi ko pa nauunawaan ang maraming katotohanan. Nasa simula pa lang ako ng aking landas ng pananalig, at ito ay isang mahalagang sandali para sa akin na hangarin ang katotohanan. Gusto kong manampalataya sa Diyos at tuparin nang maayos ang aking mga tungkulin, at maunawaan ang mas maraming katotohanan. Bukod dito, malapit nang matapos ang gawain ng pagliligtas ng Diyos, at malapit nang dumating ang malalaking kalamidad. Kung mag-aasawa ako at magsisimula ng pamilya ngayon, at gugugulin ko ang mga araw ko na nakatali sa maliliit na bagay ng buhay-pamilya, paano pa ako magkakaroon ng oras para maayos na dumalo sa mga pagtitipon at gawin ang aking mga tungkulin? Masasayang ko ang pinakamagandang panahon para hangarin ang katotohanan, at sisirain ko ang pagkakataon kong maligtas. Napakalubha ng mga kahihinatnan nito! Pero nang maisip ko, may relasyon pa rin ako, at kung hindi ako magpapakasal, hindi ba’t kailangan kong isuko ang relasyong ito na ilang taon ko nang binuo? Sa pag-iisip lang nito ay talagang ayaw kong isuko ito. Noong panahong iyon, gusto ko talagang mag-asawa at magsimula ng pamilya, pero alam kong napakahalaga ng desisyong ito at makakaapekto ito sa buong buhay ko, kaya hindi ako puwedeng magpadalos-dalos ng desisyon. Kung pipiliin kong mag-asawa batay sa sarili kong mga pagnanais ng laman, at sisirain ko ang pagkakataon kong maligtas, huli na ang lahat para magsisi. Pagkatapos, labis akong nag-alala, at hindi ako sigurado kung ano ang pipiliin, at pakiramdam ko ay may mabigat na bato na nakadagan sa puso ko.
Bago ang bakasyon sa taglamig, nakatanggap ako ng mensahe mula sa boyfriend ko, sinasabing gusto niyang makilala ang mga magulang ko para pag-usapan ang engagement sa Bagong Taon. Ilang taon na kaming magkarelasyon ng boyfriend ko, at malapit na kaming ikasal, at hindi ko maiwasang magpantasiya tungkol sa iba’t ibang sitwasyon kung paano kami mamumuhay nang magkasama. Pero sinabi ng Panginoong Jesus: “Datapuwa’t sa aba ng nangagdadalang-tao at nangagpapasuso sa mga araw na yaon!” Ang talatang ito ay patuloy na sumasagi sa isip ko. Ngayon, nagbalik na ang Panginoon, nagpapahayag ng maraming katotohanan at ginagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Sa napakahalagang sandaling ito, kung mag-aasawa ako at matatali sa mga usaping ukol sa pamilya, at kailangan kong alagaan ang aking asawa at magpalaki ng mga anak, malamang na masisira ko ang pagkakataon kong hangarin ang katotohanan at maligtas. Ayaw kong mawala ang pagkakataong ito! Pag-aasawa o pananalig sa Diyos? Pamumuhay o paggawa ng tungkulin ko? Patuloy na pumapasok sa isipan ko ang mga salitang ito. Ano ang dapat kong piliin? Sa isipin pa lang na ang buhay na pinangarap ko mula pagkabata ay maaaring hindi matupad, nalulungkot na ako, na para bang hinuhukay ko ang mga bagay na pinakamamahal ko mula sa aking puso, paisa-isa. Sobrang sakit at panghihinayang ang naramdaman ko. Nang banggitin ng boyfriend ko ang tungkol sa engagement, hindi ako nangahas na sumagot agad, dahil natatakot ako na kapag pumayag ako, wala nang atrasan. Dahil sa tindi ng pagdurusa, umiyak akong lumapit sa Diyos sa panalangin, “O Diyos ko, sa harap ng kinabukasan ng pag-aasawa, hindi ko alam kung ano ang pipiliin! Gusto kitang sundan at gawin ang aking mga tungkulin, pero gusto ko ring mag-asawa at magkaroon ng buhay-pamilya. O Diyos, namumuroblema ako at hindi ko alam kung ano ang pipiliin. Pakiusap, gabayan Mo ako at hayaan Mong maunawaan ko ang Iyong layunin.”
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Kung naniniwala ka sa Diyos, dapat mong mahalin ang Diyos. Kung naniniwala ka lamang sa Diyos ngunit hindi mo Siya minamahal at hindi mo pa nakamtan ang pagkilala sa Diyos, at hindi mo pa kailanman minahal ang Diyos nang tunay na pagmamahal na mula sa puso mo, ang paniniwala mo sa Diyos ay walang saysay; kung, sa iyong paniniwala sa Diyos, ay hindi mo mahal ang Diyos, nabubuhay ka nang walang kabuluhan, at ang buong buhay mo ang pinakamababa sa lahat ng buhay. Kung, sa buong buhay mo, hindi mo pa kailanman inibig o binigyang-kasiyahan ang Diyos, ano ang saysay ng iyong pamumuhay? At ano ang saysay ng iyong paniniwala sa Diyos? Hindi ba iyon pag-aaksaya lang ng pagsisikap? Na ang ibig sabihin, kung maniniwala at iibigin ng mga tao ang Diyos, dapat silang magbayad ng halaga. Sa halip na hangaring kumilos sa isang paraan sa panlabas, dapat silang maghanap ng tunay na kabatiran sa kaibuturan ng kanilang mga puso. Kung masigasig ka sa pag-awit at pagsayaw, ngunit hindi kayang isagawa ang katotohanan, masasabi bang iniibig mo ang Diyos? Ang pag-ibig sa Diyos ay nangangailangan ng paghahanap sa mga layunin ng Diyos sa lahat ng bagay, at na sumisid ka nang malalim kapag may anumang nangyayari sa iyo, sinusubukang maarok ang mga layunin ng Diyos, at sinusubukang makita kung ano ang mga layunin ng Diyos sa mga bagay na ito, kung ano ang hinihingi Niyang makamit mo, at kung paano mo dapat isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Halimbawa: May nangyari na kinakailangan kang magtiis ng hirap, kung kailan dapat mong maunawaan kung ano ang mga layunin ng Diyos at kung paano mo dapat isaalang-alang ang Kanyang mga layunin. Hindi mo dapat bigyang-kasiyahan ang iyong sarili: Pagkaitan mo muna ang iyong sarili. Wala nang mas kasuklam-suklam pa kaysa sa laman. Kailangan mong sikapin na mabigyan-kasiyahan ang Diyos, at dapat mong tuparin ang iyong tungkulin. Dahil sa gayong mga kaisipan, dadalhan ka ng Diyos ng natatanging kaliwanagan sa bagay na ito, at makakahanap din ng kaginhawahan ang puso mo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananampalataya sa Diyos). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, labis akong nakonsensiya. Bagama’t nananampalataya ako sa Diyos, nang maharap sa pagpili ng pag-aasawa, hindi ko hinanap ang layunin ng Diyos, sa halip ay umasa ako sa sarili kong mga imahinasyon, iniisip na ang pagsasama namin ng boyfriend ko ay magdudulot sa akin ng kaligayahan, at kung isusuko ko siya, hindi ko na kailanman maisasabuhay ang buhay na pinapangarap ko. Isinasaalang-alang ko lang ang sarili kong laman at mga plano sa hinaharap, at hindi ko kailanman isinaalang-alang kung ano ang layunin ng Diyos o kung paano ko Siya matutugunan. Hindi na ako puwedeng magpatuloy nang ganito! Napagtanto ko na ang aking kinabukasan ay ganap na nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos, at hindi isang bagay na kaya kong piliin nang mag-isa. Katulad noong bata pa ako, nangarap ako ng isang maayos at buong pamilya, pero biglang pumanaw ang tatay ko dahil sa isang sakit, at nawala ang lahat ng pag-asang ito, pero dahil sa gabay at proteksyon ng Diyos, lumaki pa rin akong masaya. Ang buhay ko sa hinaharap ay nasa mga kamay rin ng Diyos; ang sobrang pag-aalala ay magdaragdag lang ng mas maraming problema sa akin. Hindi kayang ibigay sa akin ng boyfriend ko ang tunay na kaligayahan, kaya hindi ko na puwedeng patuloy na isipin ang pagpapakasal sa kanya at pagsisimula ng pamilya. Ang pinakamahalaga ay alamin ko muna kung ano talaga ang gusto ko, at kung anong uri ng buhay ang magiging pinakakapaki-pakinabang para sa akin.
Pagbalik sa eskuwela, nakita ko ang dalawa kong kasama sa kuwarto na araw-araw na kausap ang kanilang mga boyfriend sa telepono. Kitang-kita sa mukha nila ang kaligayahan, at hindi ko maiwasang makaramdam ng kirot sa puso habang iniisip ko, “Lahat sila ay may mga kapareha na ngayon, at malapit na silang maging mag-asawa, pero kailangan kong isuko ang isang boyfriend na ilang taon ko nang kasama.” Nakaramdam ako ng pagdaramdam, at medyo nainggit pa nga ako sa kanila. Hindi ko maiwasang mapaisip, “Bakit kapag nakikita ko ang mga kaklase at kaibigan kong nasa mga relasyon, nakakaramdam pa rin ako ng lungkot at sama ng loob? Ano ba talaga ang tunay na dahilan kung bakit gusto kong pakasalan ang boyfriend ko? Bakit hindi ko ito mabitiwan?” Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang iyo bang hinahabol ay ang malupig pagkatapos ng pagkastigo at paghatol, o malinis, maingatan at makalinga matapos ang pagkastigo at paghatol? Alin sa mga ito ang mismong hinahangad mo? Makahulugan ba ang iyong buhay, o ito ay walang-layunin at walang-halaga? Gusto mo ba ang laman, o nais mo ang katotohanan? Gusto mo ba ng paghatol, o gusto mo ng kaginhawahan? Yamang napakalawak ng iyong karanasan sa gawain ng Diyos, at yamang namasdan mo ang kabanalan at pagkamatuwid ng Diyos, paano ka dapat naghahabol? Paano mismo mo dapat tahakin ang landas na ito? … Maaari bang tanging ang kapayapaan at kagalakan, tanging mga materyal na pagpapala at panandaliang kaginhawahan, ang kapaki-pakinabang sa buhay ng tao? Kung ang tao ay nabubuhay sa isang kapaligiran ng kagaanan at kaginhawahan, namumuhay ng isang buhay na walang paghatol, malilinis ba siya? Kung nais ng tao na siya ay mabago at malinis, paano niya tatanggapin ang pagiging nagawang perpekto? Alin ang landas na dapat mong piliin ngayon?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang totoo, gusto ko lang mamuhay nang kumportable. Mula pagkabata, pinangarap ko na ang isang mainit at maayos na buhay-pamilya. Naramdaman kong matured at matatag ang boyfriend ko, at mabuti ang pakikitungo niya sa akin, at naisip kong ang pagsasama namin ay tutupad sa aking mga pagnanais, kaya sa tuwing naiisip kong iwanan siya, nahihirapan akong tanggapin ang ideya ng pagpapakawala sa kanya. Pero magiging kapaki-pakinabang ba talaga sa akin ang ganitong buhay? Magiging kasing-saya ba talaga ito ng inaakala ko? Sa pagbabalik-tanaw sa panahong kasama ko ang boyfriend ko, karaniwan, kapag magkasama kami, kumakain lang kami, umiinom, nagsasaya, at nag-uusap tungkol sa mga bagay na panlabas, at bukod doon, wala naman kaming gaanong pagkakapareho. Kapag nahaharap ako sa mga problema, nagdarasal ako at umaasa sa Diyos para maranasan ang mga iyon, at kung minsan, kapag hindi ko alam kung paano maranasan ang mga bagay na ito, naghahanap ako at nakikipagbahaginan sa aking mga kapatid. Ang mga bagay tulad ng kung paano ko nararanasan ang mga salita ng Diyos sa tunay na buhay at ang mga pagkaunawa ko sa aking sarili at sa Diyos ay mga bagay na sa mga kapatid ko lang naibabahagi. Kapag kasama ko ang boyfriend ko, natutugunan ang mga pangangailangan ng laman ko at ang emosyonal na pangangailangan ko, pero hindi ko maibahagi sa kanya ang mga pinakapersonal kong saloobin, at wala kaming mga paksang pareho naming gustong pag-usapan, kaya paanong magdudulot ng tunay na kaligayahan ang ganitong buhay? Sinabi rin ng Diyos: “Kung ang tao ay nabubuhay sa isang kapaligiran ng kagaanan at kaginhawahan, namumuhay ng isang buhay na walang paghatol, malilinis ba siya?” Kahit na mamuhay ako nang kumportable sa laman, kung walang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, paano malilinis at mababago ang tiwali kong disposisyon, at paano ko maisasabuhay ang wangis ng isang tunay na tao? Katulad noon, gusto ko lang magsaya, at kapag umuuwi ako tuwing bakasyon, madalas akong manatili sa bahay, nagpapakasasa sa laman, at naglalaro sa aking telepono, nagpupuyat sa gabi at hindi makabangon sa umaga, namumuhay nang walang direksyon. Kapag kasama ko ang lola ko, hindi ko mapigilang ibunyag ang aking mapagmataas na disposisyon at hamakin siya, at kung minsan kapag pinagsasabihan ako ng nanay ko, nagdadabog ako. Kung minsan, nagsisinungaling din ako at nanlilinlang, at wala akong wangis ng isang normal na tao. Sa pamamagitan ng pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung ano ang normal na pagkatao at kung ano ang isang makabuluhang buhay. Nagsimula akong magkaroon ng normal na routine, madalas na nananalangin at kumakain at umiinom ng mga salita ng Diyos, at nang maharap ako sa mga isyu, natutuhan kong pagnilayan at unawain ang sarili ko ayon sa mga salita ng Diyos. Kapag gusto kong magbunyag ng mapagmataas na disposisyon, maliitin ang iba, o manlinlang at mandaya, sadya kong nilalabanan ang aking sarili at nagsasagawa ayon sa mga salita ng Diyos. Sa ganitong paraan, nagkaroon ako ng kaunting wangis ng tao. Gayumpaman, sa isang kumportableng buhay, kung walang gabay ng mga salita ng Diyos, hindi ko man lang maisasabuhay ang pinakapangunahing normal na pagkatao, at ang mas masama, patuloy pa akong kinukunsinti ng boyfriend ko. Hindi ko talaga alam kung gaano ako mapapariwara kung magpapatuloy ito. Bukod dito, ang pag-aasawa at buhay-pamilya ay hindi tulad ng pakikipag-date, kung saan dalawang tao lang ang magkasama; nariyan din ang mga pamilya ng magkabilang panig at ang buhay-pamilya na kailangang panatilihin. Marami ring maliliit na bagay sa buhay, at napakaraming pagkakaabalahan. Kung talagang mag-aasawa ako at magsisimula ng pamilya, tiyak na magiging pabigat sa akin ang pagpapalaki ng mga anak at ang maliliit na usaping pang-tahanan, at paano pa ako magkakaroon ng oras o lakas para hangarin ang katotohanan o gawin ang aking mga tungkulin? Hindi ba’t sinisira ko lang ang sarili ko?
Pagkatapos ay naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Ang mga salitang sinasambit Ko ngayon ay humihingi sa mga tao batay sa kanilang tunay na sitwasyon, at gumagawa Ako alinsunod sa kanilang mga pangangailangan at sa mga bagay na nasa loob nila. Ang praktikal na Diyos ay naparito sa lupa upang gumawa ng praktikal na gawain, upang gumawa ayon sa mga tunay na sitwasyon at pangangailangan ng mga tao. Hindi Siya di-makatwiran. Kapag kumikilos ang Diyos, hindi Niya pinipilit ang mga tao. Halimbawa, mag-asawa ka man o hindi, dapat ay batay iyan sa realidad ng iyong sitwasyon; malinaw nang nasabi sa iyo ang katotohanan, at hindi kita pinipigilan. May mga tao na inaapi ng kanilang mga pamilya kaya hindi nila magawang maniwala sa Diyos maliban kung mag-aasawa sila. Sa ganitong paraan, ang pag-aasawa, sa kabaligtaran, ay nakakatulong sa kanila. Para sa iba, walang pakinabang ang pag-aasawa, kundi ang kapalit nito ay kung anong mayroon sila dati. Ang sarili mong kaso ay dapat maalaman sa pamamagitan ng iyong aktuwal na sitwasyon at ng iyong sariling pasya. Hindi Ako narito upang mag-imbento ng mga tuntunin at regulasyon na magagamit Ko para humingi sa inyo” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagsasagawa (7)). Binigyan ako ng mga salita ng Diyos ng isang landas at direksyon ng pagsasagawa. Pagdating sa pag-aasawa, binibigyan ng Diyos ang lahat ng karapatang pumili para sa kanilang sarili, at bawat tao ay maaaring pumili batay sa kanilang aktuwal na mga sitwasyon, pinagmulan, at aktuwal na tayog. Napakalinaw kong naunawaan na sa sitwasyon ng pamilya ko, mas paborable para sa akin na manampalataya sa Diyos at gawin ang mga tungkulin ko. Ang buong pamilya ko ay nananampalataya sa Diyos, at hindi nila inaasahan na maghanap ako ng magandang trabaho o mamuhay nang maginhawa sa mundong ito, at basta’t kaya kong panatilihin ang isang normal na buhay, sapat na iyon. Kung magpapasya akong ilaan ang sarili ko sa pananalig at mga tungkulin ko nang full-time, lubos akong susuportahan ng pamilya ko. Pero iba na kung mag-aasawa ako; ang pamilya ng kapareha ko ay mga walang pananampalataya, at mayroon silang mga makamundong pananaw, at kailangan ko ring isaalang-alang ang pang-araw-araw na buhay. Kung ang pananalig at mga tungkulin ko lang ang tututukan ko, baka usigin pa nila ako. Isa pa, sentimental ako at naghahangad din ng kasiyahan ng laman, kaya kung talagang mag-aasawa ako, tiyak na magiging abala ako sa pagmamahal sa pamilya, at maaapektuhan ang pananalig ko at pagganap ko sa mga tungkulin ko. Sa nakalipas na dalawang taon, sa pamamagitan ng mga pagtitipon at pagkain at pag-inom ng mga salita ng Diyos, naunawaan ko ang ilang katotohanan, at napagtanto ko na lahat ay dumarating sa mundong ito na may sariling misyon. Ipinanganak ako sa mga huling araw, at sa isang pamilyang nananampalataya sa Diyos, at mayroon din akong ilang mga kaloob at kalakasan. Inihanda ng Diyos ang lahat nang napakaayos para sa akin, kaya dapat kong tuparin ang tungkulin ko bilang isang nilikha. Kung isusuko ko ang mga tungkulin ko para tamasahin ang isang kumportableng buhay sa laman, kung gayon, gaano man ako magpakasasa sa laman o gaano man ako mamuhay nang kumportable, hindi ko matutupad ang aking mga tungkulin bilang isang nilikha. Kung gayon, ano pa ang kabuluhan ng buhay ko? Nagawa ko nang tanggihan ang mga tungkulin ko alang-alang sa boyfriend ko, kung magsasama kami sa huli, maaaring igugol ko ang karamihan ng oras at lakas ko sa kanya, o muli kong tatanggihan ang mga tungkulin ko dahil sa mga pagmamahal ng laman. Ang mga pagmamahal ng laman ay talagang maaaring umakay sa akin na ipagkanulo ang Diyos at sirain ang pagkakataon kong maligtas!
Muli kong nabasa ang mga salita ng Diyos: “Ang pagdanas mo ng paghihirap na ito ngayong sumusunod ka kay Cristo ay isang pagpapala, dahil imposibleng makamit ng mga tao ang kaligtasan at mabuhay nang hindi tinitiis ang paghihirap na ito. Ito ay paunang inorden ng Diyos, kaya, isang pagpapala na mangyari sa iyo ang paghihirap na ito. Hindi mo ito dapat tingnan sa isang simplistikong paraan; hindi ito isang usapin kung saan pinahihirapan at pinaglalaruan ang mga tao, at iyon na iyon. Ang kahalagahan nito ay labis na malalim at malaki! Ang iukol ang iyong buong buhay sa paggugol ng iyong sarili para sa Diyos nang hindi naghahanap ng kapareha o umuuwi sa bahay ay makabuluhan. Kung tatahakin mo ang tamang landas at hahangarin ang mga tamang bagay, kung gayon ay tatanggap ka sa huli ng higit pa sa natanggap ng lahat ng mga santo sa lahat ng kapanahunan, at tatanggap ng mas malaki pang mga pangako” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pagpili ng Tamang Landas ang Pinakamahalagang Bahagi ng Paniniwala sa Diyos). “Ang kabataan ay hindi dapat mawalan ng mga adhikain, sigasig, at ng isang masiglang espiritung nagpupunyagi pataas; hindi sila dapat panghinaan ng loob tungkol sa kanilang mga kinabukasan, at ni hindi sila dapat mawalan ng pag-asa sa buhay o ng tiwala sa hinaharap; dapat silang magkaroon ng pagpupursiging magpatuloy sa daan ng katotohanan na pinili na nila ngayon—upang matanto ang kanilang naising gugulin ang kanilang buong buhay para sa Akin. … Dapat kayong magsagawa ayon sa Aking mga salita. Lalo na, hindi dapat mawalan ng paninindigan ang mga kabataan na malinaw na kilatisin ang mga takbo ng mga bagay at maghanap ng katarungan at katotohanan. Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong matamo ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Higit pa rito, dapat kayong maging responsable para sa inyong buhay, at hindi ninyo dapat ito ipagwalang-bahala. Pumaparito sa lupa ang mga tao at bihirang Ako ay matagpuan, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahalagahan ang magandang panahong ito bilang tamang landas na hahangarin sa buhay na ito?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita Para sa mga Kabataan at Matatanda). Ipinaunawa sa akin ng mga salita ng Diyos na bagama’t ang hindi pag-aasawa at pagsisimula ng pamilya ay maaaring magdulot ng ilang pagdurusa, ang hinahangad natin ay ang pagtupad sa ating mga tungkulin at ang pagkakamit ng katotohanan, isang makabuluhang buhay, at sa huli ay maligtas ng Diyos at manatili. Samakatuwid, ang pagdurusang tinitiis natin ay makabuluhan. Naisip ko kung paanong ang mga henerasyon ng mga walang pananampalataya ay nag-aanak lang, at nagtutustos ng mga pamilya nila, pero hindi nila nauunawaan ang katotohanan o ang halaga at kabuluhan ng buhay, at wala silang tamang direksyon o layon ng paghahangad, at ang kanilang mga buhay ay walang kabuluhan. Ngayon, ang Diyos ay nagkatawang-tao at pumarito sa lupa upang gumawa at iligtas ang sangkatauhan, at ang pagsunod sa Diyos at paggawa ng mga tungkulin ng isang nilikha ay isang napakapambihirang pagkakataon. Katulad ni Pedro— bago siya tinawag ng Panginoong Jesus, normal siyang nangingisda at namumuhay nang simple, pero nang magpakita at gumawa ang Panginoong Jesus at tinawag siya, nagawa niyang isuko ang lahat at sundan ang Panginoong Jesus para hangarin ang katotohanan, at sa huli, naabot niya ang sukdulang pagmamahal sa Diyos, ginawang perpekto ng Diyos, at namuhay nang makabuluhan. Ipinanganak ako sa mga huling araw at tinanggap ko ang gawain ng Diyos na paglilinis at pagliligtas sa mga tao, at ito ay pagtatakda at biyaya ng Diyos. Dapat kong pahalagahan ang napakabihirang pagkakataong ito, sumunod sa Diyos, at isakatuparan ang mga tungkulin ko bilang isang nilikha. Kung hahangarin ko ang pamilya at kasiyahan ng laman at sa huli ay mabibigo akong makamit ang katotohanan, masasayang ko lang ang aking oras at mamumuhay nang walang kabuluhan, at kapag dumating ang malalaking kalamidad, huli na ang lahat para magsisi. Bata pa ako, at mahaba pa ang daan sa hinaharap, at hindi ko maaaring gugulin ang pinakamagagandang taon ng buhay ko sa maliliit na usaping pampamilya. Pagkatapos niyon, madalas kong idulog sa Diyos sa pamamagitan ng panalangin ang pagpapasya ko, hinihiling sa Kanyang gabayan at tulungan akong gumawa ng tamang pagpili, anuman ang mangyari sa susunod.
Bago ang bakasyon, iminungkahi ng boyfriend ko na magkita kami para pag-usapan ang engagement, pero hindi ako tumugon. Habang papalapit ang graduation, nag-text siya at nagtanong, “Ano na ba talaga tayo ngayon?” Habang tinitingnan ko ang tanong niya, naisip ko kung paanong nasa isang relasyon kami na may layuning magpakasal, pero ngayon na dumating na ang oras para pag-usapan ang kasal, sumusuko na ako. Bigla kong naramdaman na binigo ko siya. Noong sandaling iyon, napagtanto kong nanghihina na naman ako, kaya mabilis akong lumapit sa Diyos sa panalangin, “O Diyos ko, nagpasya na po akong sundan Ka at gugulin ang sarili ko para sa Iyo, pero pagdating sa pag-aasawa, hindi ako makapagpasiya. Pakiramdam ko, kung makikipaghiwalay ako sa kanya ngayon, bibiguin ko siya. Hindi ko alam kung ano ang gagawin. Pakiusap, gabayan Mo ako.” Pagkatapos manalangin, naisip ko kung paanong gusto ng boyfriend ko na magsimula ng pamilya, at kung paanong gusto kong sundan ang Diyos at gawin ang aking mga tungkulin. Magkaiba kami ng landas na tinatahak. Naalala ko na sinasabi sa Bibliya: “Huwag kayong makipamatok ng kabilan sa mga di nagsisisampalataya” (2 Corinto 6:14). Ang pagpapatuloy ay hindi magdudulot ng anumang pakinabang sa sinuman sa amin. At saka, naalala ko ang ilang linya mula sa himnong “Dapat Ilagay Mo ang Paniniwala sa Diyos Nang Higit sa Lahat,” na madalas kantahin sa mga pagtitipon: “Kung nais mong maniwala sa Diyos, at kung nais mong matamo ang Diyos at ang Kanyang kasiyahan, maliban kung magtiis ka ng partikular na antas ng sakit at maglaan ng partikular na pagsisikap, hindi mo makakamtan ang mga bagay na ito.” “Dapat mong tratuhin ang pananampalataya sa Diyos bilang ang pinakamahalagang usapin sa buhay mo, mas mahalaga kaysa sa pagkain, pananamit, o iba pang bagay—sa ganitong paraan, aani ka ng mga resulta. Kung naniniwala ka lamang kapag may panahon ka, at hindi mo kayang ilaan ang buong pansin mo sa iyong pananampalataya, at kung palagi kang naguguluhan sa iyong pananampalataya, wala kang mapapala” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi X). Sa mga huling araw, ang Diyos na nagkatawang-tao ay nagpapahayag ng katotohanan upang linisin at iligtas ang mga tao, na nagpapahintulot sa mga tao na iwaksi ang kanilang mga tiwaling satanikong disposisyon, magkamit ng isang grupo ng mga taong kaisa sa puso at isipan ng Diyos, at sa huli ay dalhin ang mga taong ito sa kaharian ng Diyos. Umaasa ang Diyos na makita natin ang pananampalataya sa Kanya bilang pinakamahalagang bagay sa buhay. Kung mananampalataya ako sa Diyos at magkakamit ng katotohanan, dapat akong magkaroon ng determinasyong gugulin ang sarili ko at magdusa para sa Diyos. Saka lamang ako may makakamit. Kung susubukan kong bigyang-kasiyahan ang boyfriend ko at pagsisikapang punan ang pakiramdam ko ng pagkakaroon ng utang na loob sa kanya, kakailanganin kong ipagpalit ang aking kinabukasan para dito, at hindi ba’t sisirain ko lang ang sarili ko? Dahil pinili kong sundan ang landas ng pananampalataya sa Diyos, kailangan kong panindigan ito, at hindi ako puwedeng umatras sa napakahalagang sandaling ito. At saka, ang kapalaran ng mga tao ay nasa mga kamay ng Diyos. Ni hindi ko nga makontrol ang sarili kong hinaharap, paano ko pa masisiguro ang kinabukasan ng boyfriend ko? Nang maisip ko ito, wala na akong mga alalahanin, at nakipaghiwalay ako sa boyfriend ko. Pagkatapos ng hiwalayan, nakaramdam ako ng malaking ginhawa, na para bang may malaking pabigat na biglang naalis.
Pagkatapos ng graduation, sinimulan kong gawin ang aking mga tungkulin sa sambahayan ng Diyos. Doon, nakilala ko ang ilang kabataang kapatid na hindi pa nag-aasawa, at nakita kong walang mga sagabal sa kanila, na bawat isa sa kanila ay may kani-kaniyang kalakasan, at lahat ay ginagawa ang kanilang bahagi sa pagpapalaganap ng ebanghelyo ng kaharian ng Diyos. Naisip kong napakamakabuluhan nito. Gusto kong tuparin nang maayos ang mga tungkulin ko at gamitin nang husto ang aking mga kalakasan. Pagkatapos niyon, pinakalma ko ang puso ko at hindi na inisip ang tungkol sa pag-aasawa o pagsisimula ng pamilya. Naging handa akong samantalahin ang pagkakataong hangarin ang katotohanan sa limitadong oras na mayroon ako, na hanapin ang katotohanan para lutasin ang tiwaling disposisyon ko, tuparin nang maayos ang mga tungkulin ko, at mamuhay nang makabuluhan.