44. Tinitiyak Ba ng Paghahangad ng Kaalaman ang Magandang Kinabukasan?
Mula pagkabata, sinasabi sa akin ng pamilya at mga guro ko na dapat akong mag-aral nang mabuti, at sa pagpasok lang sa unibersidad ako magkakaroon ng magandang buhay; kung hindi, habambuhay akong magdurusa at magiging mahirap. Mahirap ang pamilya ko, at minamaliit kami ng mga tao sa nayon, kaya naisip ko na kung makakapasok ako sa unibersidad, makakahanap ako ng magandang trabaho, at hindi na mangangahas ang mga tao sa nayon na maliitin kami. Naalala ko ang isang parirala sa aking aklat noong elementarya, “Sa pamamagitan ng pagbabasa makakamit ng isang tao ang pag-ibig at kayamanan.” Naisip ko na kung mag-aaral akong mabuti, makakakuha ako ng maraming kaalaman mula sa mga aklat, at na mas marami akong kaalaman at may mas magandang edukasyon, mas yayaman ako, at na ito lang ang paraan para mabago ko ang kapalaran ko at para hindi ako maliitin. Noong kinausap ako ng pamilya ko tungkol sa pananampalataya sa Diyos, pumayag ako sa salita, pero sa puso ko, naisip ko: “Gusto kong manampalataya, pero sa ngayon, pag-aaral muna. Mananampalataya ako nang maayos kapag nakapasok na ako sa unibersidad at may magandang trabaho na.” Kaya, hindi ako kailanman dumalo sa mga pagtitipon. Paminsan-minsan, ipinapakita sa akin ng pamilya ko ang mga salita ng Diyos, pero binabasa ko lang ang mga iyon na parang aklat ng mga kuwento, habang ang puso ko ay nakatuon sa pagbuo ng magandang kinabukasan sa pamamagitan ng pagpasok sa unibersidad.
Medyo maganda naman noon, at pinupuri ako ng mga tao sa nayon dahil sa magagandang grado at pagiging maunawain ko, sinasabing tiyak na magtatagumpay ako. Madalas din akong hinihikayat ng mga kamag-anak ko na mag-aral nang mabuti, sinasabing tiyak na magkakaroon ng isang magtatapos sa unibersidad ang pamilya namin. Nang marinig ito, masaya ako at kasabay nito’y nagulat. Dahil mahirap ang pamilya ko, at minamaliit kami ng iba, naramdaman kong talagang napakababa ko sa iba, na para bang nasa ilalim ako ng lahat. Hindi ko inaasahan na magiging mataas ang tingin sa akin ng mga tao dahil sa magagandang grado ko, kaya para sa akin, mukhang ang pagiging may alam ay talagang makakakuha ng paggalang at mataas na pagtingin ng iba. Pero naisip ko noon na hindi pa ganoon kaganda ang mga grado ko, kaya kailangan kong pagsikapan pa ang pag-aaral para makamit ang mas magagandang resulta. Kalaunan, nakapasok ako sa pinakaprestihiyosong high school sa aming bayan, at naramdaman kong malaki ang pagkakataon kong makapasok sa unibersidad, at sa panahong iyon, tiyak na mag-iiba na ang tingin sa akin ng mga nakakakilala sa akin. Pagdating ko ng senior year sa high school, madalas sabihin ng mga guro ko, “Ang entrance exam sa kolehiyo ang nagtatakda ng taas ng mararating mo sa buhay,” “Sa lipunan ngayon, mahigpit ang kumpetisyon, at tanging ang pinakamahusay lang ang makaliligtas,” at “Kung hindi ka magsisikap habang bata ka, magsisisi ka pagtanda mo.” Napagtanto ko na sa pamamagitan lamang ng pagkuha ng diploma mula sa isang nangungunang unibersidad ako magkakaroon ng magandang kinabukasan, at para makamit ang layuning ito, lalo pa akong nagsikap sa pag-aaral. Madalas, hindi ako nagpapahinga sa tanghali para lang magawang sagutin ang mga problema sa silid-aralan; kahit ang pagpunta sa cafeteria ay parang pag-aaksaya ng oras. Pagkatapos ng bawat pagsusulit, masyado kong pinahahalagahan ang iskor at ranggo ko. Kapag tumataas ang ranggo ko, tuwang-tuwa ako, pero kapag hindi ito tumaas o kaya ay bumaba pa, sobrang nanlulumo at nababalisa ako. Kahit na nag-aaral akong mabuti, madalas, nasa pang-labindalawa o pang-labintatlo lang ang ranggo ko, at sobrang nahihirapan ako noon at nakakaramdam ng matinding presyur. Pero patuloy kong iniisip na kung makakapasok ako sa unibersidad, magkakaroon ako ng magandang buhay at hindi ako mamaliitin, kaya patuloy akong nag-aral nang mabuti, hindi nangangahas na maghinay-hinay kahit kaunti.
Tatlong buwan bago ang entrance exam sa kolehiyo, may nangyaring lubos na nakaapekto sa akin. Nagkaroon ng mock exam ang paaralan, at isang estudyanteng umulit ng taon ang hindi umabot ang iskor sa cutoff para sa isang pangunahing unibersidad dahil sa ilang puntos lang, at nauwi sa pagtalon sa kanyang kamatayan. Nang marinig ko ito, labis akong nabahala. Mas mataas nang di-hamak ang iskor niya kaysa sa akin, pero dahil lang sa ilang puntos, tinapos niya ang buhay niya. Nakaupo ako sa classroom noon, at tumingin ako sa paligid, sa mga mesang may mataas na tambak ng mga libro at sa mga kaklase kong masisipag na nagsisipag-aral, at bigla akong nakaramdam ng labis na pagkalito. Hindi ko maiwasang isipin: “Isang buhay ng kabataan ang nagwakas dahil lang sa ilang puntos, sulit ba ito? Nabubuhay lang ba tayong mga estudyante para sa mga iskor? Mas mahalaga pa ba ang mga iskor kaysa sa buhay? Talaga bang kayang itakda ng ranggo sa pagsusulit ang kapalaran ng isang tao? Bakit hindi niya ito nagawang lampasan?” Pero nang isipin ko kung ano ang pagkakaiba namin ng estudyanteng iyon na umulit ng taon sa eskuwela, nakita ko na ang tanging pagkakaiba ay hindi pa ako umabot sa puntong piliin ang magpakamatay. Katulad niya, puspusan din akong nagsusumikap para sa matataas na iskor para makapasok sa isang magandang unibersidad. Tinanong ko ang sarili ko, “Ang unibersidad lang ba ang paraan para makaahon ako? Ano naman kung hindi ako makapasok sa unibersidad? Talaga bang kayang baguhin ng kaalaman ang tadhana ng isang tao?” Napakaraming tanong na hindi ko masagot ang pumasok sa isip ko. Naisip ko ang lolo ko. Mataas ang pinag-aralan niya at marami siyang nabasang libro, pero habambuhay siyang naging magsasaka. Hindi binago ng kaalaman ang kanyang kapalaran. Nariyan din ang pinsan ko. Pagkatapos niyang magtapos sa unibersidad, nagtrabaho siya sa isang malaking lungsod, at hinangaan at pinuri siya ng mga tao sa nayon, pero nagrereklamo pa rin siya na hindi sapat ang ganda ng trabaho. Hindi ko alam kung pagkatapos ng lahat ng pagsisikap ko, matutulad ako sa lolo ko, na nawalan ng saysay ang kaalaman, o tulad sa pinsan ko, na hinahangaan ng iba pero hindi kailanman nakukuntento. Paano kung nakapasok nga ako sa isang magandang unibersidad, nagtapos, at nakakuha ng magandang trabaho, at nakuha ko ang paghanga ng iba, at pagkatapos ay nag-asawa at nagkapamilya—pag-aaralin ko rin ba nang mabuti ang mga anak ko tulad ko, na nagsusumikap para makapasok sa unibersidad? Bawat henerasyon ay inuulit ang ganitong takbo ng buhay, pero ito ba talaga ang tanging paraan para mabuhay? Wala na bang ibang landas? Nakaramdam ako ng pagkalito na hindi ko pa naramdaman dati tungkol sa landas na tatahakin ko sa buhay, at hindi ko alam kung bakit ako nabubuhay o kung ano ang dapat kong hangarin na magiging makabuluhan.
Kalaunan, nabasa ko ang mga salita ng Makapangyarihang Diyos, at nasagot ang mga pagdududa ko. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa kalakhan ng sansinukob at ng kalangitan, di-mabilang na mga nilikha ang naninirahan at nagpaparami, sumusunod sa batas ng walang katapusang siklo ng buhay, at sumusunod sa isang tuntuning hindi nagbabago. Yaong mga namamatay ay tinatangay ang mga kuwento ng mga buhay, at yaong mga buhay ay inuulit ang parehong kalunus-lunos na kasaysayan ng mga pumanaw na. Kaya nga, hindi maiwasan ng sangkatauhan na tanungin ang sarili: Bakit tayo nabubuhay? At bakit kailangan nating mamatay? Sino ang nag-uutos sa mundong ito? At sino ang lumikha sa sangkatauhang ito? Tunay bang nilikha ng kalikasan ang sangkatauhan? Tunay bang nasa kontrol ng sangkatauhan ang kanyang sariling kapalaran?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 3: Maaari Lamang Maligtas ang Tao sa Gitna ng Pamamahala ng Diyos). Hindi ba’t eksaktong tinutukoy ng mga salita ng Diyos ang mga pagdududa ko ngayon? Pero hindi ko kailanman ibinahagi sa sinuman ang mga pinakaloob-loobang iniisip ko, kaya paanong nalaman ng Diyos? Mukhang nauunawaan ng Diyos ang mga iniisip ko, at higit pa, alam Niya ang kasalukuyang kalagayan ng buhay ng buong sangkatauhan. Sa sandaling iyon, naramdaman ko sa puso ko ang pagkamakapangyarihan-sa-lahat ng Diyos, at kasabay nito, hinikayat ako ng mga salita ng Diyos na magpatuloy sa pagbabasa. Nagpatuloy ako sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos: “Mula nang unang magkaroon ang tao ng agham panlipunan, ang isip ng tao ay naging abala sa agham at kaalaman. Ang agham at kaalaman ay naging mga kagamitan para sa pamumuno ng sangkatauhan, at doon ay wala nang sapat na puwang para sa tao upang sambahin ang Diyos, at walang kanais-nais na mga kondisyon para sa pagsamba sa Diyos. Ang posisyon ng Diyos ay lumubog nang lalo pang mas mababa sa puso ng tao. Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag. Dahil dito, lumitaw ang maraming panlipunang siyentipiko, mananalaysay, at mga pulitiko upang magpahayag ng mga teorya ng agham panlipunan, teorya ng ebolusyon ng tao, at iba pang mga teorya na sumasalungat sa katotohanan na nilikha ng Diyos ang tao upang punuin ang puso at isip ng tao. At sa ganitong paraan, ang mga naniniwala na ang Diyos ang lumikha ng lahat ng bagay ay lalo pang nangaunti, at ang mga naniniwala sa teorya ng ebolusyon ay lalo pang dumami ang bilang. Parami nang parami ang mga tao na itinuturing ang mga talaan ng gawain ng Diyos at Kanyang mga salita sa kapanahunan ng Lumang Tipan bilang mga alamat at mga kathang-isip. Sa kanilang mga puso, ang mga tao ay nagwalang-bahala sa karangalan at kadakilaan ng Diyos, sa pag-iral ng Diyos, at sa doktrina na ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay. Ang pagpapanatili ng sangkatauhan at ang kapalaran ng mga bayan at mga bansa ay hindi na mahalaga sa kanila. Nakatira ang tao sa isang walang kabuluhang mundo na ang iniintindi lamang ay pagkain, pag-inom, at ang paghahangad ng kasiyahan. … Ang agham, kaalaman, kalayaan, demokrasya, kasiyahan, at kaginhawahan ay nagdadala lamang ng pansamantalang konsuwelo sa tao. Kahit na mayroong ganitong mga bagay, hindi pa rin maiwasan ng tao na magkasala at dumaing sa pagiging hindi patas ng lipunan. Hindi mahahadlangan ng pagkakaroon ng mga bagay na ito ang pangungulila at pagnanais ng tao na tumuklas. Sapagkat ang tao ay nilalang ng Diyos at ang kanyang walang katuturang mga sakripisyo at mga pagtuklas ay maaari lamang magdulot ng higit na pagkabagabag sa kanya, at magdulot na ang tao ay umiral sa palagiang kalagayan ng pagkabalisa, hindi nalalaman kung paano haharapin ang kinabukasan ng sangkatauhan o kung paano haharapin ang landas sa hinaharap, hanggang sa puntong ang tao ay matakot sa agham at kaalaman, at lalong matakot sa damdamin ng kahungkagan. Sa mundong ito, ikaw man ay nakatira sa isang malayang bansa o sa isang bansa na walang mga karapatang pantao, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang kapalaran ng sangkatauhan. Ikaw man ang pinuno o ang pinamumunuan, ikaw ay ganap na walang kakayahang takasan ang pagnanais na galugarin ang kapalaran, mga hiwaga, at hantungan ng sangkatauhan, lalong wala kang kakayahang takasan ang nakalilitong damdamin ng kahungkagan. Ang gayong penomeno, na karaniwan sa buong sangkatauhan, ay tinatawag ng mga sosyologo na mga panlipunang penomeno, ngunit walang dakilang taong lumilitaw upang lutasin ang mga gayong problema. Kung tutuusin, ang tao ay tao, at ang katayuan at buhay ng Diyos ay hindi mapapalitan ng sinumang tao. Ang kailangan ng sangkatauhan ay hindi lang ang isang patas na lipunan kung saan ang lahat ng tao ay kumakain nang sapat, pantay-pantay, at malaya; ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa kanila. Kapag natatanggap ng tao ang itinutustos na buhay ng Diyos at ang Kanyang kaligtasan, saka lamang malulutas ang kanyang mga pangangailangan, pagnanais na tumuklas, at ang kahungkagan sa puso niya” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang mga tao ay nilikha ng Diyos, at ang ugat ng ating kahungkagan at kawalang-magawa ay dahil wala nang lugar ang Diyos sa ating mga puso. Sa pagbabalik-tanaw, naniwala ako sa pag-iral ng Diyos noong bata pa ako, pero pagkatapos pumasok sa eskuwela, walang anumang pagbanggit sa Diyos sa mga aklat. Sinasabi nilang nagmula ang mga tao sa mga unggoy sa pamamagitan ng ebolusyon, at saka “Kayang baguhin ng kaalaman ang iyong tadhana,” “Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito,” at “Siyensiya ang pinakamataas.” Ang mga ganitong ideya at pahayag ay mula kay Satanas, na umaakay sa mga tao na sambahin ang kaalaman at siyensiya. Hindi ko alam kung kailan, pero tinanggap ko rin ang mga pahayag na ito, labis kong pinahalagahan ang kaalaman at itinuring itong napakahalaga, at sa paghahangad ng kaalaman, itinuring kong pangalawa lang ang pananalig. Puno na ako ngayon ng pagkalito tungkol sa buhay, at maraming beses, nakaramdam ako ng di-maipaliwanag na kahungkagan. Sa katunayan, ito ay dahil masyado na akong napalayo sa Diyos. Bagama’t pinalawak ng pag-aaral ang aking kaalaman at mga pananaw, at nakatanggap ako ng papuri at mataas na pagtingin mula sa iba, hindi masagot ng kaalaman ang kalituhan ko tungkol sa buhay, ni hindi nito maituro sa akin ang tamang landas sa buhay. Ang puso ko ay nanatiling nalilito, walang magawa, at nasasaktan. Nabasa ko na sinasabi ng Diyos: “Kung wala ang Diyos sa kanyang puso, ang panloob na mundo ng tao ay madilim, walang pag-asa, at hungkag.” “Ang kailangan ng sangkatauhan ay hindi lang ang isang patas na lipunan kung saan ang lahat ng tao ay kumakain nang sapat, pantay-pantay, at malaya; ang kailangan ng sangkatauhan ay ang kaligtasan ng Diyos at ang Kanyang pagtutustos ng buhay sa kanila.” Naunawaan ko na sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa Diyos at pagtanggap sa Kanyang pagliligtas makakalaya ang isang tao mula sa lahat ng kahungkagan at pasakit. Mula noon, alam kong kailangan kong taimtim na manampalataya sa Diyos at basahin ang Kanyang mga salita, at hindi ko na maaaring pabayaan pa ang aking pananalig. Mula noon, nagsimula akong dumalo sa mga pagtitipon isang beses sa isang linggo, at ang pagbabasa ng mga salita ng Diyos ay nagbigay sa akin ng kapanatagan.
Pagkatapos ng entrance exam sa kolehiyo, nagkaroon ako ng mas maraming oras para basahin ang mga salita ng Diyos, at madalas akong nakakasama ng mga kapatid sa pamumuhay ng buhay iglesia. Nakita ko na sa iglesia, ang katotohanan ang naghahari, at walang pagkakaiba sa yaman o katayuan sa lipunan, o sa katagalan sa pananampalataya o edad sa mga kapatid. Lahat ay maaaring magtapat, makipagbahaginan, at tulungan ang isa’t isa kapag nagbubunyag kami ng katiwalian, at hindi kami nangmamaliit o nakikipagkumpetensiya sa isa’t isa. Talagang nasiyahan ako sa ganitong uri ng buhay. Pero hindi nagtagal, dumating ang sulat ng pagtanggap mula sa unibersidad, at nagsimula akong mag-alinlangan kung dapat pa ba akong pumasok sa unibersidad. Sa totoo lang, gustung-gusto kong pumasok sa unibersidad, dahil pagkatapos ng maraming taon ng pag-aaral, ang layunin ko talaga ay makapasok sa unibersidad, at para makahanap ng disenteng trabaho na may magandang sahod at mga benepisyo para hindi ako maliitin, at para hindi ako magdusa sa kahirapan. Pero nag-aalala rin ako na hindi na ako magkakaroon ng sapat na oras para makipagtipon at magbasa ng mga salita ng Diyos. Sa aking pag-aalinlangan, tinanong ko ang aking pamilya, at sabi nila, “Dapat kang manalangin nang taimtim sa Diyos bago ka magdesisyon para hindi ka magsisi sa huli.” Pagkatapos ay ipinanalangin ko sa Diyos ang aking paghihirap, “Diyos ko, hindi ko po alam kung dapat ba akong pumasok sa unibersidad. Pakiramdam ko po, napakahirap makapasok, at gusto ko po talagang pumasok, pero natatakot po ako na kung papasok ako, ang pagiging abala sa pag-aaral ay pipigil sa akin na makadalo nang regular sa mga pagtitipon. Diyos ko, nawa’y gabayan Mo po ako na makagawa ng tamang desisyon.”
Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Ang kaalaman ba ay itinuturing ng lahat na isang positibong bagay? Kahit paano, iniisip ng mga tao na ang salitang ‘kaalaman’ ay nagpapahiwatig ng positibo kaysa negatibo. Kaya bakit natin binabanggit dito na gumagamit si Satanas ng kaalaman upang gawing tiwali ang tao? Ang teorya ng ebolusyon ba ay isang aspeto ng kaalaman? Hindi ba’t ang mga batas ng siyensya ni Newton ay bahagi ng kaalaman? Ang paghila ng grabidad ng daigdig ay bahagi ng kaalaman, hindi ba? (Oo.) Kung gayon, bakit inililista ang kaalaman na kasama sa mga bagay na ginagamit ni Satanas upang gawing tiwali ang sangkatauhan? Ano ang pananaw ninyo dito? Mayroon bang kahit katiting na katotohanan sa kaalaman? (Wala.) Kung gayon, ano ang diwa ng kaalaman? Sa anong basehan natututuhan ng tao ang lahat ng kaalamang kanyang napag-aaralan? Ito ba ay batay sa teorya ng ebolusyon? Hindi ba’t nakabatay sa ateismo ang kaalaman na natamo ng tao sa pamamagitan ng pagsisiyasat at pagbubuod? Mayroon bang kaugnayan sa Diyos ang alinman sa kaalamang ito? May kaugnayan ba ito sa pagsamba sa Diyos? Ito ba ay konektado sa katotohanan? (Hindi.) Kung gayon, paano ginagamit ni Satanas ang kaalaman upang gawing tiwali ang tao? Kasasabi Ko lang na walang anuman sa kaalamang ito ang kaugnay ng pagsamba sa Diyos o katotohanan. Ganito ito iniisip ng ilang tao: ‘Maaaring walang kinalaman sa katotohanan ang kaalaman, ngunit hindi pa rin nito ginagawang tiwali ang mga tao.’ Ano ang inyong pananaw rito? Tinuruan ka ba ng kaalaman na ang kaligayahan ng tao ay nakadepende sa malilikha gamit ang kanyang sariling mga kamay? Tinuruan ka ba ng kaalaman na ang kapalaran ng tao ay nasa kanyang sariling mga kamay? (Oo.) Anong uri ng pagsasalita ito? (Ito ay mala-diyablong pagsasalita.) Tumpak na tumpak! Ito ay mala-diyablong pagsasalita! Kumplikadong paksa ang kaalaman kung tatalakayin. Maaari mong ipalagay na ang isang larangan ng kaalaman ay walang iba kundi kaalaman lamang. Iyon ay isang larangan ng kaalaman na natututuhan batay sa hindi pagsamba sa Diyos at kakulangan ng pagkaunawa na nilikha ng Diyos ang lahat ng bagay. Kapag pinag-aaralan ng mga tao ang ganitong uri ng kaalaman, hindi nila nakikita ang pagkakaroon ng Diyos ng kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay; hindi nila nakikita ang Diyos na namumuno o namamahala sa lahat ng bagay. Sa halip, ang tangi nilang ginagawa ay walang humpay na pananaliksik at pagsisiyasat sa larangang iyon ng kaalaman, at paghahanap ng mga kasagutan batay sa kaalaman. Gayunpaman, hindi ba’t kung hindi naniniwala ang mga tao sa Diyos at sa halip ay nagpapatuloy lamang sa pananaliksik, hindi sila kailanman makakahanap ng mga totoong kasagutan? Ang tanging maibibigay sa iyo ng kaalaman ay kabuhayan, trabaho, at kita upang hindi ka magutom; ngunit hindi ka nito kailanman pasasambahin sa Diyos, at hindi ka nito kailanman ilalayo sa kasamaan. Habang lalong pinag-aaralan ng mga tao ang kaalaman, lalo nilang nanaising magrebelde sa Diyos, upang isailalim ang Diyos sa kanilang pagsasaliksik, upang tuksuhin ang Diyos, at kalabanin ang Diyos. Kaya ngayon, ano ang ating nakikita na itinuturo ng kaalaman sa mga tao? Ang lahat ng ito ay pilosopiya ni Satanas. Mayroon bang kaugnayan sa katotohanan ang mga pilosopiya at mga panuntunan para patuloy na mabuhay na ikinakalat ni Satanas sa mga tiwaling tao? Walang kinalaman ang mga ito sa katotohanan at, sa katunayan, ito ay mga kabaligtaran ng katotohanan” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi V). Inilalantad ng Diyos kung paano ginagamit ni Satanas ang kaalaman bilang panlalansi para gawing tiwali ang mga tao. Nakita ko na tinutulungan lang tayo ng kaalaman na maunawaan ang mga pangunahing katunayan o sentido komun, at na makakatulong ito sa atin sa trabaho at buhay, pero nagsasama si Satanas ng mga karagdagang elemento sa ating pag-aaral, ikinikintal sa atin ang ateismo, ebolusyonismo, Marxismo, at iba pang mga ideolohiyang ateistiko. Inaakay tayo ng mga ito na lalong itanggi ang Diyos at lalong mapalayo sa Kanya. Naalala ko ang sinabi sa akin ng isang sister na naniniwala sa pag-iral ng Diyos ang kanyang anak na babae noong bata pa ito at sumunod pa nga ito sa kanya sa pananalig, pero nang maglaon, pagkatapos niyang pumasok sa unibersidad, nang kausapin ng sister ang kanyang anak tungkol sa pananampalataya sa Diyos, hindi na kinilala ng kanyang anak ang pag-iral ng Diyos. Sa katunayan, ganoon din ako. Noong bata pa ako, naniniwala ako sa pag-iral ng Diyos, pero sa mga aklat at sa kaalamang itinuturo sa paaralan, hindi kailanman nabanggit ang salitang “Diyos,” at puro materyalismo at teorya ng ebolusyon ang laman ng lahat, sinasabing natural na nabuo ang lahat ng bagay sa mundo at na nagmula ang mga tao sa mga unggoy sa pamamagitan ng ebolusyon, na naging dahilan para magsimula akong pagdudahan ang pag-iral ng Diyos. Napagtanto ko na talagang ginagamit ni Satanas ang kaalaman para gawing tiwali ang mga tao. Pero noong panahong iyon, wala akong kamalay-malay rito, at hinahangad ko pa rin ang kaalaman, gusto kong magpatuloy sa paglangoy sa karagatan ng kaalaman. Habang mas marami akong natututunang kaalaman, mas lumalalim ang pagkalason sa akin. Kung sa huli, maging isa akong taong nagtatatwa sa Diyos dahil sa sobrang daming kaalaman, magiging huli na ang lahat. Hindi ba’t sinisira ko lang ang sarili ko niyan? Nakakatakot ang mga kahihinatnan nito.
Isang araw, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Mula sa sandaling isilang kang umiiyak sa mundong ito, sinisimulan mo nang gampanan ang iyong mga responsabilidad. Alang-alang sa plano ng Diyos at sa Kanyang ordinasyon, ginagampanan mo ang iyong papel at sinisimulan ang iyong paglalakbay sa buhay. Anuman ang iyong maaaring pinagmulan, at anumang paglalakbay ang maaaring nasa iyong harapan, walang makakatakas sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Langit, at walang sinumang makakakontrol sa sarili nilang kapalaran, dahil Siya lamang na may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay ang may kakayahan sa gayong gawain” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Diyos ang Pinagmulan ng Buhay ng Tao). Naunawaan ko na ang kapalaran ng isang tao ay nasa mga kamay ng Diyos, at walang abilidad ang mga taong baguhin ang kanilang kapalaran. Kung paano mabubuo ang aking kapalaran, kung anong uri ng trabaho ang gagawin ko, kung anong uri ng buhay ang magkakaroon ako, at kung ako man ay magiging mahirap o mayaman—lahat ng ito ay nasa ilalim ng paunang pagtatakda at kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi ko kayang baguhin ang mga ito, lalong hindi mababago ang mga ito sa pamamagitan lang ng kaalaman o isang diploma. Tulad ng lolo ko; pauna na siyang itinakda ng Diyos na maging isang magsasaka, at bagama’t marami siyang nabasang libro, at maraming natutuhan, hindi nito kinayang baguhin ang kanyang kapalaran. Nariyan din ang tatay ko. Nakatapos siya ng high school at nagsilbi pa nga sa militar, pero isa lang siyang ordinaryong manggagawa. Pagkatapos ng ilang taon, nagsara ang pabrikang pinagtatrabahuhan niya, at sa huli, umuwi siya para magtrabaho sa bukid. Mula sa mga halimbawang ito, napagtanto ko na ang kapalaran ng isang tao ay talagang wala sa kanyang sariling mga kamay, at na ang pagkakaroon ng mas mataas na pinag-aralan ay hindi nangangahulugang magkakaroon ng magandang trabaho o kinabukasan. Gusto kong baguhin ang aking kapalaran sa pamamagitan ng pag-aaral, pero ang ideyang iyon ay talagang kahangalan at kamangmangan. Nang mapagtanto ko ito, naging handa akong ipagkatiwala ang aking kinabukasan sa pamamahala ng Diyos, at naging handa akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos.
Noong panahong iyon, nagbasa rin ako ng iba pang mga salita ng Diyos, at may isang sipi na partikular na nag-iwan ng malalim na impresyon sa akin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang kabataan ay hindi dapat mawalan ng mga adhikain, sigasig, at ng isang masiglang espiritung nagpupunyagi pataas; hindi sila dapat panghinaan ng loob tungkol sa kanilang mga kinabukasan, at ni hindi sila dapat mawalan ng pag-asa sa buhay o ng tiwala sa hinaharap; dapat silang magtiyagang magpatuloy sa daan ng katotohanan na pinili na nila ngayon—upang matanto ang kanilang naising gugulin ang kanilang buong buhay para sa Akin. Hindi sila dapat mawalan ng katotohanan, ni hindi sila dapat magkimkim ng pagiging mapagpaimbabaw at kawalan ng katarungan—dapat silang maging matatag sa kanilang wastong paninindigan. Hindi sila dapat magpatangay, kundi dapat silang magkaroon ng espiritung may tapang na magsakripisyo at makibaka para sa katarungan at katotohanan. Ang mga kabataan ay dapat magkaroon ng katapangang huwag sumuko sa pang-aapi ng mga puwersa ng kadiliman at baguhin ang kabuluhan ng kanilang pag-iral. Hindi dapat isuko ng mga kabataan ang kanilang sarili sa paghihirap, kundi dapat silang maging bukas at prangka, at mapagpatawad sa kanilang mga kapatid. Siyempre, ito ang mga hinihingi Ko sa lahat, at ang Aking payo sa lahat. Ngunit higit pa riyan, ito ang Aking mga salitang magpapaginhawa sa lahat ng kabataan. Dapat kayong magsagawa ayon sa Aking mga salita. Lalo na, hindi dapat mawalan ng paninindigan ang mga kabataan na malinaw na kilatisin ang mga takbo ng mga bagay at maghanap ng katarungan at katotohanan. Dapat ninyong hangarin ang lahat ng bagay na maganda at mabuti, at dapat ninyong matamo ang realidad ng lahat ng positibong bagay. Higit pa rito, dapat kayong maging responsable sa inyong buhay, at hindi ninyo dapat ito ipagwalang-bahala. Pumaparito sa lupa ang mga tao at bihirang Ako ay matagpuan, at bihira ding magkaroon ng oportunidad na hanapin at matamo ang katotohanan. Bakit hindi ninyo pahalagahan ang magandang pagkakataong ito bilang tamang landas na tatahakin sa buhay na ito? At bakit ninyo binabalewala palagi ang katotohanan at katarungan? … Dapat mapuno ng katarungan, katotohanan, at kabanalan ang inyong buhay; hindi dapat maging ubod ng sama ang inyong buhay sa napakamurang edad, na maghahantong sa inyo na masadlak sa Hades. Hindi ba ninyo nadarama na ito ay magiging isang kakila-kilabot na kasawian? Hindi ba ninyo nadarama na magiging lubha itong hindi makatarungan para sa inyo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita para sa mga Kabataan at Matatanda). Tinulungan ako ng mga salitang ito ng Diyos na mahanap ang tamang direksyon sa buhay. Ang Diyos ang pinagmumulan ng lahat ng kagandahan at kabutihan. Naniniwala ako sa Diyos at binabasa ko ang Kanyang mga salita, at mula sa mga ito, makikilala ko ang pagkakaiba ng mga positibo at negatibong bagay, at makikilatis ang iba’t ibang masasamang kalakaran, at alam ko rin kung paano isabuhay ang normal na pagkatao, at iba pa. Lahat ng ito ay mga bagay na kailangan ko. Kung hindi ko hinangad ang katotohanan at pinili kong ipagpatuloy ang paghahangad ng kaalaman, maiimpluwensyahan lang ako ng lahat ng uri ng mga satanikong pilosopiya at lason, at lalo lang akong magiging tiwali. Katulad noong nag-aaral ako, malinaw kong alam na hanggang doon na lang ang kaya ko pagdating sa mga grado ko, pero hindi ko matanggap ito at nag-aral akong mabuti para makapasok sa isang magandang unibersidad. Dahil dito, pinahirapan ko ang sarili ko at lalo pang napalayo sa Diyos. Nilikha tayo ng Diyos sa simula, at dapat tayong maniwala sa Kanya at hangarin ang katotohanan, pero dahil sa pang-aakit at paglilihis ni Satanas sa akin, ang alam ko lang ay pumasok sa eskuwela at mag-aral, at hindi ko naunawaan na dapat akong manampalataya sa Diyos at sumamba sa Kanya, at hindi ko naunawaan na ang buhay ay dapat tungkol sa paghahangad ng katotohanan at kaligtasan. Lubos akong nakatutok sa pag-aaral, at nag-aksaya ako ng napakaraming panahon. Nakita ko na napakaraming katotohanan na ang ipinahayag ng Diyos at na napakarami pa rin akong hindi nauunawaan, at napuno ako ng pagsisisi. Kung dumalo lang sana ako nang maayos sa mga pagtitipon ilang taon na ang nakalipas, hindi ba’t mas marami pa sana akong naunawaang katotohanan? Kung magpapatuloy pa ako sa unibersidad ng ilang taon pa, baka natapos na ang gawain ng Diyos, hindi hihintayin ng Diyos na makapagtapos ako para ipagpatuloy ang Kanyang gawain, at dahil doon, tiyak na mawawala sa akin ang pagkakataong maligtas. Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naramdaman ko ang apurahang hangarin ng Diyos. Naghihintay ang Diyos na bumalik ang sangkatauhan sa harap Niya at tanggapin ang Kanyang pagliligtas upang hindi na sila magdusa sa pinsala ni Satanas. Hindi ko na maaaring palampasin ang pagkakataong ito.
Nabasa ko pa ang mga salita ng Diyos: “Kung ikaw ay may mataas na katayuan, may marangal na reputasyon, may saganang kaalaman, nagmamay-ari ng napakaraming ari-arian, at suportado ng maraming tao, subalit hindi ka napipigilan ng mga bagay na ito na lumapit sa Diyos upang tanggapin ang Kanyang pagtawag at ang Kanyang atas, at na gawin kung ano ang hinihingi ng Diyos sa iyo, ang lahat ng iyong ginagawa ay magiging pinakamakabuluhan sa lupa at pinakamakatarungan na gawain ng sangkatauhan. Kung tatanggihan mo ang tawag ng Diyos para sa kapakanan ng katayuan at sarili mong mga layon, lahat ng iyong gagawin ay susumpain at kamumuhian pa nga ng Diyos” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Apendise 2: Ang Diyos ang May Kataas-taasang Kapangyarihan sa Kapalaran ng Buong Sangkatauhan). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko nang mas malinaw ang layunin ng Diyos, at talagang napalakas ang loob ko, dahil malinaw na ipinapahayag ng Diyos kung anong uri ng mga tao ang tatanggap ng Kanyang pagsang-ayon at mga pagpapala, at kung anong uri ng mga tao ang isusumpa at kasusuklaman Niya. Iyong mga lumalapit sa Diyos anuman ang mga hadlang at iniaalay ang kanilang sarili sa Diyos sa katawan at isipan ay ang mga tatanggap ng pagsang-ayon at mga pagpapala ng Diyos. Kung tatanggihan ng isang tao ang tawag at atas ng Diyos para sa kapakanan ng paghahangad ng mga personal na interes, ito ay paghihimagsik laban sa Diyos, at ang gayong tao ay itinataboy ng Diyos. Naisip ko kung paano bilang isang nilikha, kung kaalaman lang ang hahangarin ko at hindi ang katotohanan, kung gayon ay sasayangin ko lang nang walang kabuluhan ang hiningang ibinigay sa akin ng Diyos. Kung magagamit ko ang mga taong ito para gawin ang tungkulin ko bilang isang nilikha sa halip na maghangad na makapag-aral sa unibersidad—sinasabi sa mas maraming tao ang mabuting balita ng pagdating ng Diyos para gawin ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at tulungan ang mas maraming naliligaw na tao na tulad ko na bumalik sa harap ng Diyos—kung gayon, ito ang magiging pinakamakabuluhang bagay na gagawin. Naalala ko si Pedro. Mahusay siya sa pag-aaral at pag-asal mula pa noong bata, at umasa ang kanyang mga magulang na magtatagumpay siya sa pag-aaral at mamumukod-tangi sa mundo, pero huminto si Pedro sa pag-aaral pagkatapos ng hayskul sa edad na 17. Hindi niya hinangad ang karagdagang kaalaman o mas mataas na edukasyon para makamit ang kasikatan, pakinabang, at katayuan, at sa kabila ng pagsalungat ng kanyang mga magulang, pinili niyang manampalataya sa Diyos at mangaral. Bagama’t nabubuhay siya sa pangingisda at namumuhay nang ordinaryo, dahil sa kanyang pananabik sa Diyos, patuloy niyang hinangad na makilala at mahalin ang Diyos, at sa huli, natanggap niya ang pagsang-ayon ng Diyos. Hinangaan ko ang paghahangad ni Pedro, at kasabay nito, nagbigay ito sa akin ng inspirasyon, binigyan ako ng determinasyon na isuko ang unibersidad.
Bago ko namalayan, dumating na ang araw ng pagpaparehistro sa unibersidad. Tumawag ang isang kaklase para yayain akong magparehistro nang sabay, pero sinabi ko sa kanya na hindi ako papasok sa unibersidad. Pagkatapos niyon, isa-isang dumating ang mga kaklase, kaibigan, at mga di-nananampalatayang kapamilya para subukang hikayatin ako. Ang ilan ay nagbigay ng “mabuting payo,” na sinasabi, “Kung walang diploma, hindi ka makakahanap ng magandang trabaho sa mundo.” Sinubukan naman akong galitin ng iba sa pagsasabing, “May mga taong gustong makapasok sa unibersidad pero hindi kaya. Pero tingnan mo sarili mo, nakapasok ka pero pinili mong hindi pumasok? Sira na ba ang ulo mo?” Sinabi rin ng kuya ko na bibigyan niya ako ng tatlong libong yuan kung papasok ako sa unibersidad, at bibilhan niya ako ng ganito’t ganoong klase ng cellphone…. Medyo nalungkot ako at nanghina, dahil pakiramdam ko, dati akong isang masunurin at rasonableng bata sa kanilang paningin, isang nangungunang estudyante na may magagandang grado, at isang kabataang may maaasahang magandang kinabukasan, pero ngayon, itinuturing na akong isang taong sira ang ulo at masuwayin. Medyo nakaramdam ako ng pagiging hindi kumportable. Pero kapag naiisip ko na nasa tamang landas ako sa buhay, na pinipili ang pinakamakatarungang dahilan, muli akong napupuno ng pananampalataya. Bahala na sila kung ano ang isipin at sabihin nila; magpapatuloy pa rin ako sa pakikipagtipon at paggawa ng tungkulin ko gaya ng dati. Noong panahong iyon, gustung-gusto kong kantahin ang isang himno ng mga salita ng Diyos na tinatawag na “Dapat Mong Talikuran ang Lahat para sa Katotohanan”:
1 Dapat kang magdusa ng paghihirap para sa katotohanan, dapat mong isakripisyo ang iyong sarili para sa katotohanan, dapat kang magtiis ng kahihiyan para sa katotohanan, at dapat kang sumailalim sa higit pang pagdurusa para magkamit ng higit pang katotohanan. Ito ang dapat mong gawin. Hindi mo dapat itapon ang katotohanan alang-alang sa pagtatamasa ng pamilya, katiwasayan, at hindi mo dapat iwala ang dangal at integridad ng buong buhay mo alang-alang sa pansamantalang kasiyahan.
2 Dapat mong hangarin ang lahat ng maganda at mabuti, at dapat mong hangarin ang isang landas sa buhay na higit na makabuluhan. Kung namumuhay ka ng gayong isang di-mahalaga at makamundong buhay, at wala kang anumang layong hahangarin, hindi ba’t pag-aaksaya ito sa iyong buhay? Ano ba ang iyong makakamtan mula sa ganitong paraan ng pamumuhay? Dapat mong talikuran ang lahat ng kasiyahan ng laman alang-alang sa isang katotohanan, at hindi mo dapat itapon ang lahat ng katotohanan alang-alang sa isang munting kasiyahan. Ang mga ganitong tao ay walang integridad o dangal; walang kabuluhan ang kanilang pag-iral!
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang mga Karanasan ni Pedro: Ang Kanyang Kaalaman sa Pagkastigo at Paghatol
Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na umaasa ang Diyos na mabuhay tayo para sa paghahangad ng katotohanan at para sa kung ano ang makatarungan, at kung isusuko natin ang katotohanan para sa pansamantalang kasiyahan, kung gayon ay mawawala sa atin ang ating dignidad, at higit sa lahat, ang halaga at kahulugan ng buhay. Dati, hindi ko alam kung ano ang isang makabuluhang buhay. Inakala kong ang pag-aaral ng kaalaman sa eskuwela, ang pagpasok sa isang magandang unibersidad at pagkakaroon ng magandang kinabukasan ay makakakuha ng paghanga ng iba, at na mangangahulugan itong may mararating ako sa buhay. Pero sa hindi inaasahan, pagkatapos ng maraming taon ng pag-aaral, hindi lang sa wala itong naituro sa akin kung paano umasal, naligaw pa ako ng landas. Nakalimutan ko pa nga na galing ako sa Diyos, at na ang hininga ng buhay na ito ay ibinigay sa akin ng Diyos, at pininsala at niloko pa ako ni Satanas. Sa huli, halos naging katulad na ako ni Satanas, nilalabanan at itinatatwa ang Diyos, at namumuhay nang walang anumang halaga o dignidad. Ngayon, pinipili kong tahakin ang landas ng pananampalataya sa Diyos at paghahangad ng katotohanan. Kahit hindi ako nauunawaan at sinisiraan ako ng pamilya at mga kaibigan ko, at sa hinaharap, baka hindi ako mamuhay nang mayaman o makuha ang mataas na paghanga ng mga tao, sa pamamagitan ng pananampalataya sa Diyos at paggawa ng aking tungkulin, mauunawaan ko ang katotohanan at magkakamit ng buhay. Ito ang pinakamakabuluhang bagay, at hindi mawawalan ng saysay ang pagdurusang ito. Kaya gaano man nila ako sinubukang hikayatin, hindi ako natinag, at alam kong ang lakas na ito ay ibinigay sa akin ng Diyos.
Pagkatapos niyon, hindi ako pumasok sa unibersidad, at sa halip, ginawa ko ang aking tungkulin sa iglesia. Sa pamamagitan ng pagbabahaginan at paglalantad ng Diyos, nagkaroon ako ng mas malalim na pagkaunawa sa aking paghahangad ng kaalaman. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Sa proseso ng pagkatuto ng tao ng kaalaman, ginagamit ni Satanas ang lahat ng paraan, maging ito man ay pagkukuwento, simpleng pagbibigay sa kanila ng ilang indibidwal na piraso ng kaalaman, o pagpapahintulot sa kanila na masapatan ang kanilang mga pagnanais o ambisyon. Sa anong daan ka nais akayin ni Satanas? Iniisip ng mga tao na walang mali sa pagkatuto ng kaalaman, na ito ay ganap na natural. Upang ilagay ito sa paraang nakakaakit pakinggan, ang magtaguyod ng matatayog na mithiin o ang magkaroon ng mga ambisyon ay pagkakaroon ng mga hangarin, at ito dapat ang tamang landas sa buhay. Hindi ba mas maluwalhating paraan para sa mga tao na mabuhay kung matutupad nila ang kanilang sariling mga mithiin o matagumpay na makapagtatag ng isang karera sa kanilang buhay? Sa paggawa ng mga bagay na ito, hindi lamang mapararangalan ng isang tao ang sariling mga ninuno bagkus ay maaari ring mag-iwan ng isang tatak sa kasaysayan—hindi ba ito isang mabuting bagay? Ito ay isang mabuting bagay sa mga mata ng mga taong makamundo, at sa kanila ay dapat itong maging angkop at positibo. Si Satanas ba, gayumpaman, kasama ang masasamang motibo nito, ay dinadala lang ang mga tao sa ganitong uri ng daan at pagkatapos ay ganoon na lamang? Siyempre hindi. Sa katunayan, gaano man katayog ang mga mithiin ng tao, gaano man kamakatotohanan ang mga pagnanais ng tao o gaano man maaaring kaangkop ang mga ito, ang lahat ng ninanais matamo ng tao, ang lahat ng hinahanap ng tao, ay pawang nauugnay sa dalawang salita. Ang dalawang salitang ito ay lubhang mahalaga sa buhay ng bawat tao, at ang mga ito ay mga bagay na binabalak na ikintal ni Satanas sa tao. Ano ang dalawang salitang ito? Ang mga ito ay ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Gumagamit si Satanas ng isang napakabanayad na paraan, isang paraan na lubos na naaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, at na hindi masyadong agresibo, para magdulot sa mga tao na tanggapin nila nang hindi nila namamalayan ang mga gawi at batas nito upang manatiling buhay, makagawa ng mga layon sa buhay at direksyon sa buhay, at magtaglay ng mga adhikain sa buhay. Gaano man tila kataas pakinggan ang mga salitang ginagamit ng mga tao para pag-usapan ang mga adhikain nila sa buhay, ang mga adhikain na ito ay mahigpit na nauugnay sa ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Ang lahat ng hinahabol ng sinumang dakila o sikat na tao—o, sa katunayan, ng sinumang tao—sa buong buhay niya ay nauugnay lang sa dalawang salitang ito: ‘kasikatan’ at ‘pakinabang.’ Iniisip ng mga tao na sa sandaling magkaroon sila ng kasikatan at pakinabang, may kapital sila na magagamit nila para magtamasa ng mataas na katayuan at malaking kayamanan, at upang magsaya sa buhay. Iniisip nila na sa sandaling mayroon na silang kasikatan at pakinabang, may kapital na silang magagamit para maghangad ng kasiyahan at makibahagi sa walang-pakundangang pagtatamasa ng laman. Alang-alang sa kasikatan at pakinabang na ito na ninanais nila, ang mga tao ay kusang-loob, hindi man namamalayan, na ibinibigay ang kanilang mga katawan, puso, at maging ang lahat ng mayroon sila, kasama na ang kanilang kinabukasan at kapalaran, kay Satanas. Ginagawa nila ito nang walang pag-aatubili, ni wala ni isang sandali ng pagdududa, at hindi kailanman natutunan na bawiin ang lahat ng minsang mayroon sila. Mapapanatili ba ng mga tao ang anumang kontrol sa kanilang mga sarili sa sandaling isuko na nila ang kanilang sarili kay Satanas at maging tapat dito sa ganitong paraan? Tiyak na hindi. Sila ay ganap at lubos na kontrolado ni Satanas. Sila ay ganap at lubos na nalugmok sa isang putikan, at hindi magawang mapalaya ang kanilang mga sarili” (Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi VI). Sa wakas ay napagtanto ko na inakit pala ako ni Satanas sa maling landas ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang. Talagang tuso at buktot si Satanas: Gumagamit muna ito ng isang bagay na tila lehitimo, para hikayatin ang mga tao na mag-aral at matuto ng kaalaman, pero sa proseso ng pag-aaral, nang hindi natin namamalayan, ikinikintal nito ang iba’t ibang satanikong kaisipan at pahayag sa ating mga puso, tulad ng “Kayang baguhin ng kaalaman ang iyong tadhana,” “Maliliit ang ibang paghahangad, ang mga libro ang nakahihigit sa lahat ng ito,” “Mamukod-tangi at magbigay karangalan sa iyong mga ninuno,” at “Ang mga nagpapagal gamit ang kanilang isipan ay namamahala sa iba, at ang mga nagpapagal gamit ang kanilang mga kamay ay pinamamahalaan ng iba.” Ang mga ideyang ito ay nag-udyok sa akin na sambahin ang kaalaman at hangarin ang kasikatan at pakinabang, iniisip na ang pagkakamit ng kasikatan at pakinabang ay magbibigay-karangalan sa aking mga ninuno, at magbibigay-daan sa akin na makatakas sa buhay ng paghihirap. Naisip ko na sa pamamagitan ng pagpasok sa unibersidad, mababago ko ang aking kapalaran, at makakamit ang tinatawag na magandang buhay. Nagsimula akong magtuon sa mga iskor at ranggo sa pagsusulit, at madalas akong nadidismaya at nanlulumo kapag hindi nagbubunga ng magagandang grado ang mga pagsisikap ko. Kahit na maraming beses kong naramdaman na ang buhay bilang estudyante ay hungkag at nakakabagot, o nakaramdam ako ng sakit dahil sa pakikipagkompetensiya sa iba para sa mga ranggo, handa pa rin akong magdusa at magpagal para sa layuning ito, hindi alam kung paano kumawala at lumaban. Naisip ko ang aking katabi. Madalas siyang magsunog ng kilay sa kanyang pagtatangkang makapasok sa isang magandang unibersidad, pero nagkaroon siya ng isang di-pangkaraniwang sakit dahil sa sobrang pagkabalisa. Gumagaling ang sakit kapag umuuwi siya, pero bumabalik kapag pumapasok na sa eskuwela. Paulit-ulit itong nangyari, at sa huli, kinailangan niyang huminto sa pag-aaral para magpagaling. Nariyan din iyong estudyanteng umulit ng taon na tumalon sa kanyang kamatayan. Sa iba, tila ilang puntos lang ang pagkakaiba, pero mas pinahalagahan niya ang iskor na iyon kaysa sa kanyang buhay. Ito rin ay sanhi ng paghahangad ng kasikatan at pakinabang. Mula sa mga katotohanang ito, nakita ko ang masamang intensyon ni Satanas na hikayatin ang mga taong hangarin ang kasikatan at pakinabang. Hindi lang tayo inilalayo ni Satanas sa Diyos, kundi pinahihirapan at pinaglalaruan din tayo nito kung kailan niya gusto, hanggang sa huli ay nilalamon tayo nito. Kung hindi ito inilantad ng Diyos, hindi ko kailanman makikita nang malinaw na ang kasikatan at pakinabang ay mga panalalansi na ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao, at magpapatuloy sana ako sa pagdurusa ng lahat ng uri ng hindi kinakailangang paghihirap para sa kasikatan at pakinabang, at higit pa, mapapalayo sana ako sa Diyos at isasara ang pinto sa Kanyang kaligtasan. Nag-aral akong mabuti nang mahigit sampung taon para makuha ang paghanga ng iba, at napabayaan ko at nakalimutan pa nga ang tungkol sa pananampalataya sa Diyos. Kung hindi dahil sa pag-ibig ng Diyos, sa Kanyang pagsasaayos na tulungan ako ng mga kapatid at dalhin ako sa buhay iglesia, hindi ko alam kung gaano katagal akong magpapagala-gala sa pagkalito.
Sa mga nakalipas na taon, sa pamamagitan ng paggawa ng aking tungkulin at pagbabasa ng mga salita ng Diyos, lalo kong nakikita na ang landas ng pananampalataya sa Diyos ang tamang landas sa buhay. Ibinunyag sa atin ng Diyos ang lahat ng hiwaga ng katotohanan, halimbawa, kung paano umunlad ang sangkatauhan hanggang sa kung nasaan tayo ngayon, kung saan nagmula ang mga tao at kung saan sila patungo, ang katotohanan kung paano ginawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, kung paano lutasin ang mga tiwaling disposisyon at isabuhay ang isang tunay na wangis ng tao, kung paano makilala at sumamba sa Diyos, kung paano maging isang nilikhang pasok sa pamantayan, at iba pa. Sa mga katotohanang ipinahayag ng Diyos, nakita ko ang direksyon ng buhay, at natagpuan ko ang halaga ng aking buhay. Talagang nagpapasalamat ako na dumating sa akin ang kaligtasan ng Diyos, na nagbigay-daan sa akin na makabalik sa harap Niya. Salamat sa Diyos!