49. Ang Pagtukoy sa mga Problema ay Hindi Katulad ng Pagpuna sa mga Pagkukulang

Ni Florence, Italya

Sabi sa akin ng nanay ko noong bata pa ako na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” at “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.” Sinabi niya sa akin na kapag may napansin akong problema sa ibang tao, huwag na huwag ko raw itong babanggitin sa kanila nang harapan dahil magdudulot ito ng hindi magandang reaksyon, at kailangan kong magbulag-bulagan sa lahat ng bagay para mapanatili ang magandang pakikipag-ugnayan sa iba. Mula noon, isinapuso ko ang mga sinabi ng nanay ko. Kahit sa eskuwela, o sa piling ng mga kamag-anak at kaibigan, hindi ako kailanman nagsalita tungkol sa mga problema ng ibang tao kapag napapansin ko ang mga ito.

Naalala ko noong nasa middle school ako, sinabi sa akin ng katabi ko sa mesa na iniisip daw ng iba na medyo sutil at dominante siya, at ayaw ng mga itong makasama siya. Tinanong niya ako kung totoo bang ganoon siya. Sa totoo lang, alam kong mayroon siyang ganoong mga problema, at gusto ko sanang sabihin sa kanya ang totoo, pero naisip ko, “Kung sasabihin ko sa kanya ang totoo, mapapahiya kaya siya at aayaw nang makasama pa ako?” Kaya, salungat sa iniisip ko, sinabi ko, “Sa tingin ko, hindi naman. Huwag kang makinig sa sabi-sabi ng iba.” Pagkarinig nito, masayang sinabi ng katabi ko sa mesa, “Sabi ko na nga ba, mas mabuti ka talaga kaysa sa kanila. Palagi akong inaayawan ng iba. Ikaw lang ang nakakaunawa sa akin.” Pagkatapos niyon, mas lalo pang gumanda ang relasyon namin. Inisip ko na iyon ang mabuting paraan ng pag-asal.

Kalaunan, tinanggap ko ang gawain ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw at nagsimulang gumawa ng tungkulin image production sa iglesia. Medyo mahina ang teknikal na kasanayan ni Sister Chloe. Kapag pinag-uusapan namin ang mga ideya sa disenyo, palagi namin siyang tinatanong kung may mga problema siya, at matiyaga naming sinasagot ang mga tanong niya. Akala ko, sa ganoong paraan ay mabilis siyang uunlad, pero kalaunan, natuklasan ko na pagkatapos naming pag-usapan ang mga ideya, hindi agad nagsisimulang gumawa si Chloe. Sa halip, makikinig muna siya ng mga himno sandali, at pagkatapos ay gumugugol ng oras sa pagba-browse sa internet ng mga balitang walang kinalaman sa tungkulin niya. Sa huli, hindi pulido ang mga imaheng ginawa niya. Nakita kong pabasta-basta siya sa paggawa ng tungkulin niya, at gusto ko sanang ituro ang mga problema niya. Sa isang pagtitipon, tinanong ko si Chloe kung bakit napakabagal niyang gumawa ng mga imahe. Sabi niya, dahil daw nahihirapan siya. Sabi ko, “Kung nahihirapan ka, dapat kaagad kang makipag-usap sa amin. Sa ganoong paraan, malulutas kaagad ang mga problema at hindi maaantala ang gawain.” Noong una, gusto ko sanang ilantad kung gaano siya naging pabasta-basta sa paggawa ng tungkulin niya sa mga panahong iyon. Pero, napansin kong nawawalan na siya ng pasensya, kaya nilunok ko na lang ang mga sasabihin ko sana. Kinausap din ng ibang mga sister si Chloe para makipagbahaginan. Pero sinabi niyang hindi ko raw iniintindi ang mga hirap niya at masyado akong maraming hinihingi sa kanya, pero tinanggap daw niya ito mula sa Diyos at babaguhin niya ang kanyang saloobin sa paggawa ng tungkulin. Medyo nag-alala ako pagkarinig nito, at naisip ko, “Ngayong may masamang palagay na sa akin si Chloe, paano na kami magkakasundo sa hinaharap? Iisipin kaya ng ibang mga sister na masama ang pagkatao ko at wala akong malasakit?” Pagkatapos, napansin kong bumilis ang paggawa ni Chloe ng mga imahe kaysa dati, at inakala kong medyo nagbago na siya. Pero makalipas ang ilang araw, natuklasan kong wala pa rin siyang pagpapahalaga sa kagyat na pagtupad ng mga tungkulin niya, at nanonood pa nga siya ng mga video ng mundong walang pananampalataya. Madalas din siyang magreklamo, nagsasabi ng mga bagay tulad ng, “Laging sinasabi ng superbisor na maging malikhain tayo, pero hindi naman ganoon kadali iyon! Kapapasok lang nating lahat sa tungkuling ito. Hindi ba’t ang sobrang dami ng hinihingi sa atin ay pagpilit lang sa ating gawin ang mga bagay na higit sa kapabilidad natin?” at “Sa tuwing gagawa ako ng isang larawan, palaging napakaraming problema ang napupuna. Masyado naman siyang nakatuon sa mga detalye!” Bagama’t madalas namin siyang pinipigilan ng isa pang sister sa pagsasabi ng mga bagay na ito, hindi pa rin siya gaanong nagpipigil. Alam kong dapat kong himayin ang kalikasan at mga kahihinatnan ng mga kilos niya, kung hindi, makakaapekto pa siya sa ibang mga sister sa paggawa ng mga tungkulin nila. Pero sa tuwing naiisip ko ang masamang palagay na nabuo niya laban sa akin noong huli kaming mag-usap, at kung paano pa niya sinabi sa harap ng ibang mga sister na pinipilit ko siyang gawin ang mga bagay na hindi niya kaya, nag-alinlangan ako. Naisip ko, “Paano kung ipagpatuloy kong ilantad at himayin ang mga problema niya at masira ang relasyon namin? Siguro dapat iulat ko na lang ang sitwasyon niya sa superbisor. Pero kung malalaman ito ni Chloe, iisipin ba niyang sinasaksak ko siya sa likod at sasabihing masama ang pagkatao ko?” Matapos itong pag-isipan, wala pa rin akong lakas ng loob na ituro ang mga problema niya, at hindi rin ako nangahas na iulat ang mga problema niya.

Hindi nagtagal, nalaman ng superbisor na matagal nang pabasta-basta sa paggawa ng tungkulin si Chloe kaya inilipat niya ito sa ibang tungkulin. Pinungusan din ako ng superbisor, sabi niya, “Nakita mong matagal nang pabasta-basta sa paggawa ng tungkulin si Chloe at nagkakalat pa ng pagkanegatibo, pero hindi mo siya inilantad o iniulat. Isa kang mapagpalugod ng tao, at hindi mo man lang pinrotektahan ang gawain ng iglesia. Masyado kang makasarili! Dapat mo itong pagnilayan nang mabuti.” Ang mga salita ng superbisor ay parang sunod-sunod na sampal sa mukha ko. Noong sandaling iyon, sa sobrang pagkadesperado ko, gusto ko na sanang lamunin na lang ako ng lupa. Kalaunan, sa tuwing naiisip ko ang sinabi ng superbisor, hindi ako mapalagay. Paulit-ulit kong tinatanong sa isip ko, “Bakit wala akong lakas ng loob na ilantad o iulat ang mga problema ni Chloe?” Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Karamihan sa mga tao ay nais hangarin at isagawa ang katotohanan, ngunit kadalasan ay may pagpapasya at pagnanais lamang sila na gawin iyon; hindi nila naging buhay ang katotohanan. Dahil dito, kapag nakahaharap sila ng masasamang puwersa o ng masasamang tao na gumagawa ng masasamang gawa, o ng mga huwad na lider at anticristo na gumagawa ng mga bagay sa isang paraang lumalabag sa mga prinsipyo—sa gayon ay nagugulo ang gawain ng iglesia at napapahamak ang mga hinirang ng Diyos—nawawalan sila ng lakas ng loob na manindigan at magsalita. Ano ang ibig sabihin kapag wala kang lakas ng loob? Ibig bang sabihin niyan ay kimi ka o hindi makapagsalita? O hindi mo ito lubos na nauunawaan, at sa gayon ay wala kang kumpiyansang magsalita? Walang isa man dito; ito ang pangunahing ibinubunga ng mapigilan ng mga tiwaling disposisyon. Ang isa sa mga tiwaling disposisyong ito na inilalantad mo ay ang mapanlinlang na disposisyon; kapag may nangyayari sa iyo, ang una mong iniisip ay ang sarili mong mga interes, ang una mong isinasaalang-alang ay ang mga ibubunga, kung ito ba ay kapaki-pakinabang sa iyo. Ito ay isang mapanlinlang na disposisyon, hindi ba? Ang isa pa ay makasarili at mababang-uri na disposisyon. Iniisip mo, ‘Ano ang kinalaman sa akin ng kawalan sa mga interes ng sambahayan ng Diyos? Hindi ako isang lider, kaya bakit ako mag-aalala? Wala itong kinalaman sa akin. Hindi ko responsabilidad ito.’ Ang gayong mga saloobin at salita ay hindi mga bagay na sadya mong iniisip, kundi inilalabas ng iyong isip nang hindi mo namamalayan—na siyang tiwaling disposisyong nabubunyag kapag ang mga tao ay nahaharap sa isyu. Pinamamahalaan ng mga tiwaling disposisyon na tulad nito ang paraan ng iyong pag-iisip, itinatali ng mga ito ang iyong mga kamay at paa, at kinokontrol kung ano ang sinasabi mo. Sa puso mo, gusto mong tumayo at magsalita, ngunit mayroon kang mga pag-aalinlangan, at kahit na magsalita ka pa, nagpapaliguy-ligoy ka, at nag-iiwan ka ng puwang upang makakambiyo, o kaya naman ay nagsisinungaling ka at hindi nagsasabi ng katotohanan. Nakikita ito ng mga taong malinaw ang mga mata; ang katotohanan, alam mo sa puso mo na hindi mo sinabi ang lahat ng dapat mong sabihin, na ang sinabi mo ay walang bisa, na iniraraos mo lamang ang lahat, at na hindi nalutas ang problema. Hindi mo natupad ang iyong responsabilidad, ngunit lantaran mong sinasabi na natupad mo ang iyong responsabilidad, o hindi sa iyo malinaw ang nangyayari. Totoo ba ito? At ito ba talaga ang iniisip mo? Hindi ba’t ganap ka nang kontrolado ng iyong satanikong disposisyon? … Wala kang kapangyarihan sa mga sinasabi at ginagawa mo. Gustuhin mo man, hindi mo masabi ang katotohanan o masabi kung ano talaga ang iniisip mo; gustuhin mo man, hindi mo maisagawa ang katotohanan; gustuhin mo man, hindi mo matupad ang iyong mga responsabilidad. Kasinungalingan ang lahat ng sinasabi, ginagawa, at isinasabuhay mo, at pabasta-basta ka lang. Ganap kang bihag at nakokontrol ng sataniko mong disposisyon. Maaaring gusto mong tanggapin at isagawa ang katotohanan, ngunit hindi ikaw ang magpapasya nito. Kapag kinokontrol ka ng iyong mga satanikong disposisyon, sinasabi at ginagawa mo ang anumang ipagawa sa iyo ng iyong satanikong disposisyon. Isa ka lamang tau-tauhan ng tiwaling laman, naging kasangkapan ka ni Satanas(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, parang sinaksak ang puso ko. Ako pala ang uri ng taong inilantad ng Diyos. Alam ko ang mga problema ni Chloe pero hindi ako nangahas na ilantad o himayin ang mga iyon. Kahit may sinasabi ako, wala akong sinasabing may katuturan: kalahati lang ang sinasabi ko at itinatago ko na ang iba sa loob ko, takot na salungatin si Chloe. Para maprotektahan ang sarili ko at mapanatili ang relasyon ko sa kanya, hindi ko sinabi ang mga bagay na nakita ko. Napakamakasarili at napakamapanlinlang ko! Palaging pabasta-basta sa paggawa ng kanyang tungkulin si Chloe nang walang anumang palatandaan ng pagsisisi. Nagkakalat din siya ng pagkanegatibo sa mga kapatid; ginagampanan niya ang papel ni Satanas. Bukod sa hindi ko siya pinigilan, pinagtakpan ko pa siya at hindi ko iniulat ang mga problema niya sa mga lider. Hindi ba’t kumikilos ako bilang kasabwat at tagapagtanggol ni Satanas? Tinatamasa ko ang lahat ng bagay na galing sa Diyos, pero kinakagat ko ang kamay na nagpapakain sa akin, at hindi ko man lang natupad ang anumang responsabilidad ko. Talagang hindi ako karapat-dapat na mabuhay sa harap ng Diyos! Nang maisip ko ito, nakonsensiya ako athindi mapalagay, at talagang pinagsisihan ko ang aking mga ginawa.

Kalaunan, nagsimula akong mangasiwa sa gawain ng disenyong pansining. Natuklasan ko na si Sister Emily ay medyo mayabang at mapagmagaling, at ayaw niyang tumanggap ng mga mungkahi ng iba. Naaapektuhan nito ang mga resulta ng paggawa ng mga larawan. Alam kong dapat kong ituro ang mga problema ni Emily at tulungan siyang baguhin ang kalagayang ito sa lalong madaling panahon, pero naisip ko, “Hindi kaya masyadong masakit kung sasabihin ko sa kanya nang harapan ang mga problema niya? Paano kung hindi niya ito matanggap at magkaroon siya ng masamang palagay sa akin? Pero kung hindi ko naman sasabihin, makakaapekto ito sa gawain. Hindi ba’t pagbabalik lang ito sa dati kong gawi?” Nanalangin ako sa Diyos na sana’y bigyan Niya ako ng lakas para maisagawa ang katotohanan. Pagkatapos, nakahanap ako ng isang sipi ng mga salita ng Diyos na partikular para sa kalagayan ko: “Kung taglay mo ang mga intensiyon at pananaw ng isang mapagpalugod ng mga tao, kung gayon, sa lahat ng bagay, hindi mo isasagawa ang katotohanan o itataguyod ang prinsipyo, at lagi kang mabibigo at matutumba. Kung hindi ka mapupukaw at hindi mo hahanapin ang katotohanan kailanman, isa kang hindi mananampalataya, at hindi mo kailanman makakamit ang katotohanan at ang buhay. Ano, kung gayon, ang dapat mong gawin? Kapag naharap ka sa ganitong mga bagay, dapat kang manalangin sa Diyos at tumawag sa Kanya, magmakaawa para sa pagliligtas Niya, at hilingin na bigyan ka Niya ng pananalig at lakas at bigyan ka ng kakayahang itaguyod ang mga prinsipyo, magawa ang dapat mong gawin, mapangasiwaan ang mga bagay-bagay ayon sa mga prinsipyo, matatag na manindigan sa posisyong kinatatayuan mo, protektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at pigilan na magdusa ng anumang mga kawalan ang gawain ng sambahayan ng Diyos. Kung kaya mong maghimagsik laban sa sarili mong mga interes, pride, at pananaw ng isang mapagpalugod ng tao, at kung ginagawa mo ang dapat mong gawin nang may matapat at buong puso, kung gayon, matatalo mo na si Satanas at matatamo ang aspektong ito ng katotohanan(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Luminaw ang isip ko dahil sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na kung gusto kong iwanan ang mga kaisipan at ideya ng isang mapagpalugod ng mga tao, kailangan kong unahin ang mga interes ng iglesia. Anuman ang isipin ng iba o kung masalungat ko sila, kailangan kong tuparin ang aking mga responsabilidad at hindi hayaang maapektuhan ang gawain ng iglesia. Isinaayos ng iglesia na maging superbisor ako dahil umaasa silang magiging responsable ako sa mga kapatid, at mapoprotektahan ang mga interes ng iglesia. Kung magpapatuloy akong maging mapagpalugod ng mga tao, at hindi ko ituturo ang mga problema ni Emily, kung gayon ay maipapahamak ko siya at maipapahamak ko rin ang gawain ng iglesia. Pagkatapos, tinugunan ko ang mga problema ni Emily, hinimay ang kalikasan at mga kahihinatnan ng mga kilos niya batay sa mga salita ng Diyos. Tinalakay ko rin ang pinsalang idinulot ng dati kong mapagmataas na disposisyon sa gawain ng iglesia at sa sarili ko. Ang hindi ko inaasahan, pagkarinig nito, hindi lang sa hindi nagkaroon ng masamang palagay sa akin si Emily, kundi naunawaan pa niya ang kanyang mga problema ayon sa mga salita ng Diyos at handa siyang magbago. Hindi rin lumayo sa akin si Emily dahil dito. Nagiging bukas siya sa pakikipagbahaginan sa akin tungkol sa katiwaliang ibinubunyag niya sa paggawa ng tungkulin o sa mga hirap na nararanasan niya. Sa karanasang ito, natikman ko ang tamis ng pagsasagawa ng katotohanan, at lalo kong naramdaman ang kapanatagan sa puso ko.

Akala ko ay medyo nagbago na ako, pero nang magsaayos muli ang Diyos ng ibang kapaligiran, saka ko lang napagtanto kung gaano kalalim ang pagkatiwali sa akin ni Satanas. Noong 2024, nahalal ako bilang lider ng pangkat, at naging responsable ako sa mga pagtitipon ng grupo. Sa mga pagtitipon, natuklasan kong madalas lumihis sa paksa ang pagbabahagi ni Sister Alice, at madalas niyang gamitin ang kanyang pagbabahagi para husgahan ang iba. Minsan, pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, hindi ginamit ni Alice ang mga iyon para unawain ang sarili niya. Sa halip, sinabi niyang may mapagmataas na disposisyon si Olivia, at ilang beses na raw siyang nagbigay ng mungkahi kay Olivia noon, pero lumaban nang husto si Olivia at nagsalita nang masakit, na pumigil at puminsala sa kanya. Pagkatapos, ikinuwento niya kung paano niya tinulungan si Olivia dahil sa pagmamahal. Nang marinig ko siyang sabihin ito, naisip ko, “Hindi ba’t minamaliit niya ang iba para itaas ang sarili niya sa pagsasabi nito? Kung talagang may ganitong mga problema si Olivia, puwede naman niyang kausapin si Olivia nang sarilinan para ituro ang mga iyon at tulungan siya. Hindi niya dapat gamitin ang pagtitipon para ibulalas ang sarili niyang sama ng loob. At saka, lumihis na ang pagbabahagi niya sa paksa ng pagtitipon. Kailangan ko siyang pigilan kaagad.” Pero naisip ko, “Kung diretso akong sasabat sa kanya, hindi kaya siya mapahiya at magkaroon ng masamang palagay sa akin? Hayaan mo na. Hintayin ko na lang matapos ang pagtitipon at saka ko siya kakausapin nang sarilinan.” Kaya, hindi ko siya pinigilan. Sinabi ko na lang nang maikli, “Bantayan na lang po natin ang oras ng ating pagbabahagi, para hindi maubusan ng oras ang iba na makapagbahagi.” Gusto ko sanang kausapin si Alice tungkol sa problema niya pagkatapos ng pagtitipon, pero narinig ko ang dalawang sister na nag-uusap tungkol sa kung paano sinalungat ng isang sister si Alice dati, at dahil doon, sinimulan ni Alice na siraan ang sister na iyon sa likod nito. Tinitingnan pa nga siya nang masama ni Alice, na naglalagay sa kanya sa alanganing sitwasyon. Nagsikip ang dibdib ko, at naisip ko, “Kung ituturo ko ang problema niya at sasalungatin siya, gagawin din kaya niya iyon sa akin? Masyadong nakakailang iyon kung kinakailangan pa naming madalas na magkasama sa hinaharap! Siguro dapat iulat ko na lang ang sitwasyon niya sa mga lider.” Gayumpaman, naisip ko, “Magkasundong-magkasundo naman kami ni Alice. Medyo inaalagaan din niya ako sa pang-araw-araw. Kung iuulat ko ang mga problema niya nang hindi niya alam, masyadong patraydor iyon. Hindi ba’t katumbas iyon ng pagsaksak sa likod? Kung malaman niyang ako ang nag-ulat ng mga problema niya, magtatanim kaya siya ng sama ng loob sa akin at huhusgahan ako sa likod ko? Hayaan mo na, huwag na nating sirain ang relasyon namin ngayon.” Nang maisip ko ito, isinuko ko na ang ideya na tukuyin kay Alice ang mga problema niya.

Hindi nagtagal, may dalawang sister na nag-ulat sa akin tungkol sa sitwasyon ni Alice. Sabi ng isang sister, laging lumilihis sa paksa si Alice kapag nagbabahagi ng mga salita ng Diyos, na kumakain ng maraming oras sa mga pagtitipon nang walang anumang pakinabang o pagpapatibay sa sinuman. Sabi naman ng isa pang sister, laging hinuhusgahan ni Alice ang iba at ikinukuwento ang mga problema nila sa mga pagtitipon. Hinihila niya ang mga tao sa mabababaw na pagtatalo tungkol sa tama at mali, at medyo nakakagulo sa buhay iglesia. Nang marinig ko ang sinabi ng mga sister, medyo nakonsensiya ako. Alam na alam ko ang mga problema ni Alice pero hindi ko itinuro o iniulat ang mga iyon. Lahat ng ito ay bunga ng pagiging iresponsable ko. Sa aking mga debosyonal, pinanood ko ang isang video ng patotoong batay sa karanasan. Naantig ang puso ko sa dalawang sipi ng mga salita ng Diyos na binanggit doon. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Lahat kayo ay nagsasabi na isinasaalang-alang ninyo ang pasanin ng Diyos at ipagtatanggol ang patotoo ng iglesia, ngunit sino ba sa inyo ang talagang nagsaalang-alang sa pasanin ng Diyos? Itanong sa iyong sarili: Ikaw ba ay isang tao na nagpakita ng pagsasaalang-alang para sa pasanin Niya? Maisasagawa mo ba ang pagiging matuwid para sa Kanya? Makakapanindigan ka ba at makakapagsalita para sa Akin? Maisasagawa mo ba nang matatag ang katotohanan? Ikaw ba ay may sapat na lakas ng loob na labanan ang lahat ng gawa ni Satanas? Makakaya mo bang isantabi ang iyong mga damdamin at ilantad si Satanas para sa kapakanan ng Aking katotohanan? Mapahihintulutan mo ba ang Aking mga layunin na matugunan sa iyo? Naihandog mo na ba ang iyong puso sa pinakamahahalagang sandali? Ikaw ba ay taong sumusunod sa Aking kalooban? Itanong mo sa iyong sarili ang mga katanungang ito at madalas mong isipin ang mga ito(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 13). “Kapag naging buhay na ang katotohanan sa iyo, kapag inobserbahan mo ang isang taong lapastangan sa Diyos, walang takot sa Diyos, at pabasta-basta habang ginagampanan ang kanyang tungkulin, o ginagambala at ginugulo ang gawain ng iglesia, tutugon ka ayon sa mga katotohanang prinsipyo, at matutukoy at mailalantad mo sila ayon sa kinakailangan. Kung hindi mo naging buhay ang katotohanan, at nabubuhay ka pa rin sa loob ng iyong satanikong disposisyon, kapag nakatuklas ka ng masasamang tao at mga diyablong nagdudulot ng mga pagkagambala at kaguluhan sa gawain ng iglesia, magbubulag-bulagan at magbibingi-bingihan ka; isasantabi mo sila, nang walang paninisi mula sa iyong konsensiya. Iisipin mo pa nga na ang sinumang nagdudulot ng mga kaguluhan sa gawain ng iglesia ay walang kinalaman sa iyo. Gaano man nagdurusa ang gawain ng iglesia at ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, wala kang pakialam, hindi ka nakikialam, o nakokonsiyensiya—ginagawa ka nitong isang taong walang konsensiya o katwiran, isang hindi mananampalataya, isang trabahador. Kinakain mo ang sa Diyos, iniinom ang sa Diyos, at tinatamasa ang lahat ng nagmumula sa Diyos, ngunit pakiramdam mo ay walang kinalaman sa iyo ang anumang pinsala sa mga interes ng sambahayan ng Diyos—ginagawa ka nitong isang traydor na kumakagat sa kamay na nagpapakain sa iyo. Tao ka ba kung hindi mo pinoprotektahan ang mga interes ng sambahayan ng Diyos? Isa itong demonyo na isiniksik ang sarili sa iglesia. Nagpapanggap kang nananampalataya sa Diyos, nagkukunwaring isang hinirang na tao, at nais mong samantalahin ang sambahayan ng Diyos. Hindi mo isinasabuhay ang buhay ng isang tao, mas para kang halimaw kaysa tao, at malinaw na isa ka sa mga hindi mananampalataya. Kung isa kang taong tunay na nananampalataya sa Diyos, kahit na hindi mo pa nakakamit ang katotohanan at buhay, kahit papaano ay magsasalita at kikilos ka na nasa panig ng Diyos; kahit papaano, hindi ka tatayo lang nang walang ginagawa kapag nakikita mong nakokompromiso ang mga interes ng sambahayan ng Diyos; kapag nauudyok kang magbulag-bulagan, makokonsensiya ka, at hindi mapapalagay, at sasabihin mo sa iyong sarili, ‘Hindi ako puwedeng maupo lang dito at walang gawin, kailangan kong tumayo at magsalita, kailangan kong umako ng responsabilidad, kailangan kong ilantad ang masamang pag-uugaling ito, kailangan kong pigilan ito, upang hindi mapinsala ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, at hindi maabala ang buhay iglesia.’ Kung naging buhay mo na ang katotohanan, hindi ka lamang magkakaroon ng ganitong tapang at pagpapasya, at magagawa mong maunawaan nang lubusan ang pangyayari, kundi matutupad mo rin ang responsabilidad na dapat mong pasanin para sa gawain ng Diyos at para sa mga kapakinabangan ng Kanyang sambahayan, at ang iyong tungkulin ay matutupad. Kung puwede mong ituring ang iyong tungkulin bilang responsabilidad at obligasyon mo at bilang atas ng Diyos, at nadarama mo na kailangan ito upang makaharap ka sa Diyos at sa iyong konsiyensiya, hindi ba isinasabuhay mo ang integridad at dignidad ng normal na pagkatao? Ang iyong mga gawa at pag-uugali ang magiging ‘pagkatakot sa Diyos at pag-iwas sa kasamaan’ na sinasabi Niya. Isinasagawa mo ang diwa ng mga salitang ito at isinasabuhay ang realidad ng mga ito. Kapag naging buhay ng tao ang katotohanan, nagagawa nilang isabuhay ang realidad na ito(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, nakonsensiya ako at nabagabag. Bilang mga mananampalataya sa Diyos, kapag nakikita nating ginagambala at ginugulo ng mga tao ang buhay iglesia, dapat nating isaalang-alang ang layunin ng Diyos at manindigan para pigilan ito, para makapagbasa at makapagnilay sa mga salita ng Diyos ang mga kapatid at makapagbahaginan ng katotohanan sa isang mapayapang kapaligiran. Pinagnilayan ko ang sarili ko. Alam na alam kong madalas lumihis sa paksa si Alice sa mga pagtitipon at palagi niyang hinuhusgahan at minamaliit ang iba nang patalikod, at lahat ng ito ay panggagambala at panggugulo sa buhay iglesia. Gayumpaman, para maiwasang salungatin siya, para akong pagong na pumasok sa loob ng kalasag ko, kumikilos nang may takot, at hindi ako nangahas na pigilan ang ginagawa niya. Ni hindi rin ako nangahas na ilantad o himayin ang kalikasan ng kanyang mga kilos. Sobrang kahabag-habag ng buhay ko! Makasarili ako at kasuklam-suklam, at ang alam ko lang ay protektahan ang sarili ko. Kumakain at umiinom ako ng mga salita ng Diyos, pero hindi ko maisagawa ang mga ito. Naupo lang ako sa isang tabi habang ginugulo ni Alice ang buhay iglesia. Sa paanong paraan ako naging isang mananampalataya ng Diyos? Kinagat ko ang kamay na nagpakain sa akin. Hindi ako karapat-dapat na mabuhay sa harap ng Diyos! Lubha akong nakonsensiya at nabagabag, at nagtago ako sa banyo, sinasampal ang sarili ko. Paulit-ulit kong tinanong ang sarili ko: “Bakit napakahirap para sa akin na magsabi kahit isang salita lang ng katotohanan? Bakit napakamakasarili ko?” Pagbalik sa kuwarto, nanalangin ako sa Diyos. “Mahal kong Diyos, nagkamali po ako. Ayoko na pong mabuhay nang ganito. Gusto kong isagawa ang katotohanan at maging isang taong may pagpapahalaga sa katarungan. Nawa’y akayin Mo po ako na magkamit ng tunay na pagkaunawa sa aking sarili.”

Pagkatapos, nabasa ko ang isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “May isang doktrina sa mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan.’ Nangangahulugan ito na para mapanatili ang mabuting pagkakaibigang ito, dapat manahimik ang isang tao tungkol sa mga problema ng kanyang kaibigan, kahit malinaw niyang nakikita ang mga iyon. Sumusunod siya sa mga prinsipyo ng hindi paghampas sa mga tao sa mukha o pagpuna sa kanilang mga pagkukulang. Nililinlang nila ang isa’t isa, pinagtataguan ang isa’t isa, at iniintriga ang isa’t isa. Bagama’t alam na alam nila kung anong klaseng tao ang isa’t isa, hindi nila iyon sinasabi nang tahasan, kundi gumagamit sila ng mga tusong pamamaraan para mapanatili ang kanilang ugnayan. Bakit nanaisin ng isang tao na ingatan ang gayong mga relasyon? Tungkol iyon sa hindi pagnanais na magkaroon ng mga kaaway sa lipunang ito, sa loob ng grupo ng isang tao, na mangangahulugan na madalas na malalagay ang sarili sa mapanganib na mga sitwasyon. Dahil alam mong magiging kaaway mo ang isang tao at pipinsalain ka niya matapos mong punahin ang kanyang mga pagkukulang o matapos mo siyang saktan, at dahil ayaw mong ilagay ang sarili mo sa gayong sitwasyon, ginagamit mo ang doktrina ng mga pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo na nagsasabing, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Batay rito, kung ganoon ang relasyon ng dalawang tao, maituturing ba silang tunay na magkaibigan? (Hindi.) Hindi sila tunay na magkaibigan, lalong hindi sila magkatapatang-loob. Kaya, ano ba talagang klaseng relasyon ito? Hindi ba’t isa itong pangunahing ugnayang panlipunan? (Oo.) Sa gayong mga ugnayang panlipunan, hindi puwedeng makipag-usap ang mga tao nang taos-puso, ni magkaroon ng malalalim na koneksyon, ni magsabi ng anumang gusto nila. Hindi nila masabi nang malakas ang nasa puso nila, o ang mga problemang nakikita nila sa ibang tao, o ang mga salitang makakatulong sa ibang tao. Sa halip, pumipili sila ng magagandang bagay na sasabihin, para patuloy silang magustuhan ng iba. Hindi sila nangangahas na sabihin ang totoo o itaguyod ang mga prinsipyo, kaya napipigilan ang iba na makabuo ng mga mapanlabang kaisipan tungkol sa kanila. Kapag walang sinumang nagiging banta sa isang tao, hindi ba’t mamumuhay ang taong iyon nang medyo maginhawa at mapayapa? Hindi ba’t ito ang layon ng mga tao sa pagtataguyod sa kasabihang, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? (Oo.) Malinaw na ito ay isang baluktot at mapanlinlang na paraan para manatiling buhay, na may elemento ng pagiging mapagbantay, na ang layon ay pangalagaan ang sarili. Sa pamumuhay nang ganito, ang mga tao ay walang mga katapatang-loob, walang matatalik na kaibigan na mapagsasabihan nila ng kahit anong gusto nila. Sa pagitan ng mga tao, mayroon lang pagbabantay laban sa isa’t isa, pagsasamantala sa isa’t isa, at pagpapakana laban sa isa’t isa, kung saan ang bawat tao ay kinukuha ang kailangan nila mula sa ugnayan. Hindi ba’t ganoon iyon? Sa ugat nito, ang layon ng ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay para hindi mapasama ang loob ng iba at hindi magkaroon ng mga kaaway, para protektahan ang sarili sa pamamagitan ng hindi pananakit sa sinuman. Isa itong diskarte at pamamaraan na ginagamit ng isang tao para hindi siya masaktan. Kung titingnan ang ilang aspektong ito ng diwa nito, marangal ba na igiit sa wastong asal ng mga tao na, ‘Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’? Positibo ba ito? (Hindi.) Kung gayon, ano ang itinuturo nito sa mga tao? Na kailangan ay hindi mo mapasama ang loob o masaktan ang sinuman, kung hindi, sa huli ay ikaw ang masasaktan; at gayundin, na hindi ka dapat magtiwala kaninuman. Kung sasaktan mo ang sinuman sa iyong mabubuting kaibigan, unti-unting magbabago ang inyong pagkakaibigan: Mula sa pagiging mabuti at matalik mong kaibigan ay magiging estranghero siya o isang kaaway. Anong mga problema ang malulutas ng pagtuturo sa mga tao na kumilos nang ganito? Kahit na, sa pamamagitan ng pagkilos sa ganitong paraan, hindi ka nagkakaroon ng mga kaaway at nawawalan pa nga ng iilan, dahil ba dito ay hahangaan at sasang-ayunan ka ng mga tao, at palagi kang ituturing na kaibigan? Ganap ba nitong nakakamit ang pamantayan para sa wastong asal? Sa pinakamainam, hindi na ito hihigit pa sa isa lamang pilosopiya para sa mga makamundong pakikitungo(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). Habang pinagninilayan ko ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung bakit hindi ko maisagawa ang katotohanan at hindi ako nangahas na ituro ang mga problema ng ibang tao. Lahat ng ito ay dahil malalim na nag-ugat sa puso ko ang mga satanikong pilosopiya at batas. Tinuruan ako ng mga magulang ko noong bata pa ako na “Kung hahampasin mo ang iba, huwag mo silang hampasin sa mukha; kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila,” “Tumatagal at gumaganda ang pagkakaibigan sa pananahimik sa mga kasalanan ng mabubuting kaibigan,” at “Sumambit ng mabubuting salita na umaayon sa mga damdamin at katwiran ng iba, dahil naiinis ang iba sa pagiging prangka.” Tinuruan nila akong maging maingat at maselan sa pakikipag-ugnayan sa iba at huwag na huwag ilalantad ang mga problema ng ibang tao sa mga ito nang harapan para maiwasang salungatin sila at gantihan at saktan nila ako. Palagi akong namumuhay ayon sa mga kaisipan at ideyang ito. Noong nag-aaral ako, nakita kong dominante at mapang-api ang katabi ko sa mesa, at iniiwasan siya ng mga kaklase namin, pero, dahil takot akong salungatin siya, hindi ko kailanman tinukoy ang mga problema niya. Nilinlang ko pa nga siya, nagsabi ng mga bagay na laban sa puso ko. Matapos akong manampalataya sa Diyos, sabay kaming gumawa ng tungkulin ni Chloe. Alam na alam kong pabasta-basta siya sa paggawa ng tungkulin at nagkakalat din siya ng pagkanegatibo, na nanggugulo sa iba sa paggawa ng kanilang mga tungkulin, pero para maprotektahan ang sarili ko, hindi ko kailanman ginustong ilantad o himayin ang mga problema niya. Napansin kong madalas lumihis sa paksa si Alice sa kanyang pagbabahagi sa mga pagtitipon, at hinuhusgahan pa niya ang iba. Gayumpaman, hindi ko kailanman ginustong makipagbahaginan o himayin ang mga problema niya dahil natatakot akong paghigantihan niya ako at husgahan, kaya tumayo ako sa isang tabi at nanood lang ako habang ginugulo niya ang buhay iglesia. Sa pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya at batas na ito, naging tuso at mapanlinlang ako, at wala akong anumang sinseridad sa pakikisalamuha sa iba. Sa panlabas, mabait akong tao, at maayos ang pakikitungo ko kina Chloe at Alice. Pero, nang makita ko ang mga problema nila, hindi ko sila binigyan ng anumang tunay na tulong, at hindi ako nagpakita ng anumang tunay na pagmamahal sa kanila. Ang kabaitan ko sa kanila ay pawang huwad at mapagpaimbabaw, na naglalayong ituring nila akong mabuting kaibigan at maging maayos ang pakikitungo sa akin. Talagang napatuso at napakamapanlinlang ko! Napagtanto kong matagal ko nang nawala ang aking konsensiya at katwiran sa pamumuhay ayon sa mga satanikong pilosopiya at batas; naging napakamakasarili at napakaduwag ko; naging kasabwat at tagapagtanggol ako ni Satanas nang hindi ko namamalayan; at napinsala ko ang gawain ng iglesia. Kung magpapatuloy ako nang ganito nang hindi nagbabago, tiyak na kasusuklaman at ititiwalag ako ng Diyos!

Kalaunan, nagbasa pa ako ng mga salita ng Diyos: “Ang salita bang ‘punahin’ sa kasabihang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ ay mabuti o masama? Ang salita bang ‘punahin’ ay may antas kung saan tumutukoy ito sa pagkahayag o pagkalantad ng mga tao sa mga salita ng Diyos? (Wala.) Mula sa Aking pagkaunawa sa salitang ‘punahin’ batay sa pag-iral nito sa wika ng tao, wala itong gayong kahulugan. Ang diwa nito ay isang medyo mapaminsalang uri ng paglalantad; nangangahulugan ito na ilantad ang mga problema at pagkukulang ng mga tao, o ang ilang bagay at pag-uugali na lingid sa kaalaman ng iba, o ilang intriga, ideya, o pananaw na nasa likod. Ito ang kahulugan ng salitang ‘punahin’ sa kasabihang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila.’ Kung ang dalawang tao ay magkasundo at magkatapatang-loob, na walang mga hadlang sa pagitan nila, at kapwa sila umaasa na maging pakinabang at tulong sa isa’t isa, magiging pinakamainam para sa kanila na umupo nang magkatabi at ilantad ang mga problema ng isa’t isa nang bukas at taos-puso. Ito ay nararapat, at hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Kapag natuklasan mo ang mga problema ng ibang tao ngunit nakita mong hindi pa niya kayang tanggapin ang payo mo, huwag ka na lang magsalita ng kahit ano, para maiwasan ang away o alitan. Kung gusto mo siyang tulungan, maaari mong hingin ang kanyang opinyon at tanungin muna siya, ‘Nakikita kong medyo may problema ka, at nais kong bigyan ka ng kaunting payo. Hindi ko alam kung makakaya mo itong tanggapin. Kung makakaya mo, sasabihin ko sa iyo. Kung hindi mo makakaya, sasarilinin ko muna ito sa ngayon at hindi ako magsasalita.’ Kapag sinabi niyang ‘Pinagkakatiwalaan kita. Anuman ang sasabihin mo ay magiging katanggap-tanggap; kaya ko itong tanggapin,’ ang ibig sabihin niyon ay nabigyan ka ng pahintulot, at maaari mo nang isa-isang ipaalam sa kanya ang kanyang mga problema. Hindi lamang niya lubusang tatanggapin ang sasabihin mo, kundi makikinabang din siya mula rito, at maaari pa ring mapanatili ninyong dalawa ang isang normal na relasyon. Hindi ba iyan pagtrato sa isa’t isa nang may sinseridad? (Oo.) Ito ang tamang pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba; hindi ito pagpuna sa mga pagkukulang ng iba. Ano ang ibig sabihin ng huwag ‘punahin ang mga pagkukulang ng iba,’ gaya ng sabi ng kasabihang pinag-uusapan? Nangangahulugan ito na huwag magsalita tungkol sa mga kakulangan ng iba, na huwag magsalita tungkol sa mga pinakamaselan nilang problema, na huwag ilantad ang diwa ng kanilang problema, at na huwag masyadong maging lantaran sa pagpuna. Nangangahulugan ito na magbigay lang ng ilang mabababaw na komento, sabihin ang mga bagay na karaniwang sinasabi ng lahat, sabihin ang mga bagay na naiintindihan na ng tao mismo, at huwag maglantad ng mga pagkakamaling nagawa ng tao dati o mga sensitibong isyu. Anong magiging pakinabang nito sa tao kung kikilos ka nang ganito? Marahil ay hindi mo sila nainsulto o naging kaaway, pero ang nagawa mo ay hindi nakakatulong o nakakabuti sa kanila. Kaya, ang mismong pariralang ‘huwag mong punahin ang mga pagkukulang ng iba’ ay hindi tuwiran at isang uri ng panlilinlang na hindi hinahayaan na tratuhin ng mga tao ang isa’t isa nang may sinseridad. Maaaring sabihin ng isang tao na ang pagkilos sa ganitong paraan ay pagkimkim ng masasamang layunin; hindi ito ang tamang paraan ng pakikipag-ugnayan sa iba. Itinuturing pa nga ng mga walang pananampalataya ang ‘kung pupunahin mo ang iba, huwag mong punahin ang mga pagkukulang nila’ bilang isang bagay na dapat gawin ng isang taong may marangal na moralidad. Malinaw na isa itong mapanlinlang na pamamaraan ng pakikipag-ugnayan sa iba, na ginagamit ng mga tao para protektahan ang kanilang sarili; hindi talaga ito isang tamang sistema ng pakikipag-ugnayan. Ang mismong hindi pagpuna sa mga pagkukulang ng iba ay kawalan ng sinseridad, at marahil ay may lihim na intensyon sa pagpuna sa mga pagkukulang ng iba(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Ang Kahulugan ng Paghahangad sa Katotohanan (8)). “Kahit papaano, ang hinirang na mga tao ng Diyos ay dapat magtaglay ng konsensiya at katwiran, at makisalamuha, makihalubilo, at makipagtulungan sa iba ayon sa mga prinsipyo at pamantayang hinihingi ng Diyos sa mga tao. Ito ang pinakamainam na pamamaraan. Nakapagpapalugod ito sa Diyos. Kaya, ano ang mga katotohanang prinsipyo na hinihingi ng Diyos? Na maging maunawain ang mga tao sa iba kapag ang iba ay mahina at negatibo, maging mapagsaalang-alang sa pasakit at mga paghihirap, at pagkatapos ay mag-usisa sa mga bagay na ito, mag-alok ng tulong at suporta, at basahan sila ng mga salita ng Diyos para tulungan silang malutas ang kanilang mga problema, binibigyang-daan silang makaunawa sa mga layunin ng Diyos at huminto sa pagiging mahina, at dinadala sila sa harap ng Diyos. Hindi ba’t naaayon sa mga prinsipyo ang ganitong paraan ng pagsasagawa? Ang pagsasagawa sa ganitong paraan ay naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Natural na ang ganitong mga uri ng ugnayan ay mas lalo pang naaayon sa mga katotohanang prinsipyo. Kapag ang mga tao ay sadyang nagsasanhi ng mga panggugulo at paggambala, o sadyang ginagawa nang pabasta-basta ang kanilang tungkulin, kung nakikita mo ito at nagagawa mong ipaalam ang mga bagay na ito sa kanila, sawayin sila, at tulungan sila ayon sa mga prinsipyo, naaayon ito sa mga katotohanang prinsipyo. Kung magbubulag-bulagan ka, o kukunsintihin mo ang pag-uugali nila at pagtatakpan sila, at kung aabot ka pa nga sa pagsasabi ng magagandang bagay para purihin at hangaan sila, ang ganitong mga paraan ng pakikisalamuha sa mga tao, pagharap sa mga isyu, at pangangasiwa sa mga problema ay malinaw na salungat sa mga katotohanang prinsipyo, at walang batayan sa mga salita ng Diyos. Kaya, ang mga paraang ito ng pakikisalamuha sa mga tao at pagharap sa mga isyu ay malinaw na di-wasto, at talagang hindi ito madaling matuklasan kung hindi hihimayin at kikilatisin ang mga ito ayon sa mga salita ng Diyos(Ang Salita, Vol. V. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa. Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa (14)). Kinalag ng mga salita ng Diyos ang buhol sa puso ko. Dati, akala ko na ang pagtukoy sa mga problema at kakulangan ng ibang tao ay pagpuna sa kanila, at makakasakit ito sa kanila. Ngayon, naunawaan ko na kung matuklasan nating may sinumang gumagawa ng tungkulin nang pabasta-basta o gumagambala at nanggugulo sa buhay iglesia, dapat tayong kumilos ayon sa mga prinsipyo at tukuyin ang mga problema nila sa tamang panahon; kung kinakailangan, maaari natin silang pungusan. Kahit na magsalita tayo nang masakit, hangga’t ang sinasabi natin ay naaayon sa mga katunayan, at ang layunin natin ay tulungan sila at protektahan ang gawain ng iglesia, lehitimo ang lahat ng ito. Kung, pagkatapos pungusan, hindi nila ito tanggapin o hindi sila magsisi, maaari din natin silang iulat sa mga nakatataas na lider. Ang paggawa nito ay hindi pagpuna sa kanila o pagsaksak sa likod. Ito ay pagprotekta sa gawain ng iglesia. Ang pagpuna sa isang tao ay ginagawa nang may lihim na motibo, na may masamang palagay at pagkamapanlaban sa kanila. Ito ay pagtutuon sa kanilang maliliit na problema at paggawa ng malaking isyu mula sa mga ito; ito ay panunuya, pagmamaliit, at pangungutya sa kanila; ito ay sadyang pananakit sa kanila. Hindi ito makapagdudulot sa kanila ng anumang pagpapatibay o pakinabang, at magdudulot lamang ito sa kanila ng pagkanegatibo at paghihirap. Ito ang tinatawag na pagpuna sa ibang tao. Mayroon din akong maling pananaw sa loob ko, naniniwalang ang pag-uulat ng mga problema ng ibang tao sa mga lider ay paggawa ng mga mapaminsalang akusasyon o pagsaksak sa likod. Sa katunayan, ang agarang pag-uulat ng mga problema kapag natuklasan ang mga ito ay pagprotekta sa gawain ng iglesia. Ito ay isang responsabilidad na dapat tuparin ng mga tao. Ang pagsaksak sa likod o paggawa ng mga mapaminsalang akusasyon ay pagbaluktot sa mga katunayan at pagkakalat ng walang batayang mga tsismis para siraan ang taong iyon nang patalikod. Ito ay naglalayong pahirapan ang iba para makamit ang sarili mong kasuklam-suklam na mga layunin. Sa pagkakataong ito, natuklasan kong wala sa paksa ang pagbabahagi ni Alice sa mga pagtitipon at madalas niyang hinuhusgahan ang iba. Sinabi rin ng ibang mga sister na ito ang palagiang pag-uugali ni Alice, at kahit na maraming beses na siyang pinagbahaginan tungkol dito, hindi pa rin siya nagbabago. Dapat ay itinuro ko ang mga problema niya, at dapat iniulat ko ang mga ito sa mga lider sa lalong madaling panahon para maunawaan nila kaagad ang kanyang sitwasyon at makagawa ng angkop na mga pagsasaayos batay sa kanyang pag-uugali. Ito ang tanging paraan para matiyak na hindi magugulo ang buhay iglesia.

Kalaunan, pagkatapos ng isang pagtitipon, itinuro ko ang mga problema ni Alice ayon sa mga salita ng Diyos, inilantad ko na ang paraan niya ng paghusga sa iba sa mga pagtitipon ay nakakagulo sa buhay iglesia. Noong una, hindi ito tinanggap ni Alice, pero hindi na siya tumutol matapos sumali ang ibang mga kapatid na babae sa pakikipagbahaginan at pagtukoy sa mga problema niya. Umiyak pa nga siya at sinabing ito nga talaga ang problema niya. Pero hindi nagtagal, nalaman kong hinuhusgahan na naman niya ang iba sa harap ng isa sa mga kapatid na babae, kaya iniulat ko ang sitwasyon niya sa mga lider ng iglesia. Inilantad at hinimay ng mga lider ang mga problema niya, at mula noon, hindi ko na siya nakitang umasal nang mapanghusga ulit. Nagpapasalamat ako sa Diyos sa pag-akay sa akin na makapagsagawa ng ilang katotohanan. Napakapanatag ng puso ko. Ang mga salita ng Diyos ang umakay sa akin sa mga pagbabagong ito.

Sinundan:  48. Hindi Ko Na Inirereklamo ang Masamang Kapalaran Ko

Sumunod:  52. Ano ang Dapat Hangarin ng mga Tao sa Buhay?

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger