84. Hindi Na Ako Nag-aalala Tungkol sa Sakit ng Aking Asawa
Noong tagsibol ng 2005, pinalad kami ng asawa kong si Huijuan na matanggap ang ebanghelyo ng Makapangyarihang Diyos sa mga huling araw, at kalaunan, pareho naming ginampanan ang aming mga tungkulin sa iglesia. Kapag nakakaranas kami ng mga paghihirap at pagsubok sa aming mga tungkulin, magkasama kaming nananalangin, naghahanap, at nagbabasa ng mga salita ng Diyos, at nagtutulungan at nakikipagbahaginan kami sa isa’t isa. Sa patnubay ng mga salita ng Diyos, nakaunawa kami ng ilang katotohanan. Hindi namin namalayan, mahigit sampung taon na ang lumipas, at pareho na kaming aanimnapuin. Sa pagtanda namin, humina ang aming kalusugan, lalo na ang asawa ko, na nagkaroon ng high blood pressure at kailangang uminom ng gamot palagi. Kung minsan, kapag lumalala ang kondisyon niya, nahihilo siya at hindi makagalaw. May problema rin siya sa puso at tiyan. Sa aming pang-araw-araw na buhay, inaalagaan, pinagbabahaginan, at tinutulungan namin ang isa’t isa, at panatag ako at kontento.
Isang araw noong Setyembre 2023, nakatanggap ako ng liham mula sa mga nakatataas na lider, hinihiling na pangasiwaan ko ang gawain ng ebanghelyo ng iglesia. Tuwang-tuwa ako nang makita ko ito, at alam kong ito ay biyaya at pagtataas sa akin ng Diyos. Bagama’t nauunawaan ko ang ilang prinsipyo at may kaunting karanasan ako sa pangangaral ng ebanghelyo, kulang pa rin ako sa pakikipagbahaginan sa katotohanan, at kung pupunta ako sa ibang lugar para gawin ang tungkulin ko, magkakaroon ako ng mas maraming pagkakataong magsanay, madalas kong makakausap ang mga kapatid, at mabilis akong uunlad. Bukod dito, ang gawain ng ebanghelyo ay ang pangunahing gawain ng sambahayan ng Diyos, at ang pinakaagarang layunin ng Diyos ay iyong mas maraming tao ang lumapit sa Kanya at tanggapin ang Kanyang pagliligtas, kaya dapat kong isaalang-alang ang layunin ng Diyos at makipagtulungan sa gawain ng ebanghelyo. Nang maisip ko ito, bumaling ako para tingnan ang asawa ko, iniisip na, “Ano ang mangyayari sa kanya kung aalis ako? Maiiwan siyang mag-isa rito sa bahay. May high blood pressure na nga siya, nasa mga 160 hanggang 180 mmHg ang systolic pressure niya at 120 hanggang 130 mmHg naman ang diastolic, at kapag nagkakasakit siya, pakiramdam niya ay tumataob ang kama at gumuguho ang kuwarto, at nahihiga lang siya sa kama, takot na takot kahit na sa paggalaw. Kakayanin ba niya kung wala ako sa tabi niya para mag-alaga sa kanya?” Hindi ko maiwasang malugmok sa mga paghihirap at pag-aalalang ito. Nakita kong may luha sa mga mata ng asawa ko, at tinanong ko siya, “Ano ang problema?” Huminto siya sandali at pagkatapos ay sinabi, “Kung aalis ka, wala na akong mapagsasabihan ng niloloob ko. Tumatanda na ako, at may sakit pa ang katawan ko, at kapag nandiyan ka sa tabi ko, mayroon akong masasandalan at may mag-aalaga sa akin.” Sinabi ng asawa ko ang iniisip ko sa kalooban ko: “Masasaktan ba siya at malulungkot kung aalis ako? Paano kung sumama ang kalagayan niya at biglang tumaas ang presyon ng dugo niya? Gumagawa ng tungkulin ang anak naming lalaki sa ibang lugar at hindi namin siya makasama, pero kaya ko pa ring alagaan ang asawa ko kung nasa tabi niya ako. Madalas sabihin ng mga tao, ‘sa kabataan ay magkasama, sa katandaan ay magkaramay,’ at habang tumatanda tayo, dapat tayong magkasama, inaalagaan ang isa’t isa.” Nang maisip ko ito, hindi ko malaman ang gagawin. Paulit-ulit kong pinag-isipan ang bagay na ito, pero hindi talaga ako makapagdesisyon. Bagama’t binibisita siya ng mga sister na nakatira sa malapit, nag-aalala pa rin ako, iniisip na, “Paano kung magkasakit siya at may mangyaring masama? Kakayanin ba niya kung wala ako? Sino ang mag-aalaga sa kanya? Siguro dapat padalhan ko ng liham ang mga lider, ipaliwanag ang aming tunay na mga paghihirap at hilingin sa kanila na humanap na lang ng iba.” Pero naisip ko naman, “Ang pamamahala sa gawain ng ebanghelyo ay isang mabigat na responsabilidad, at dahil dumating sa akin ang tungkuling ito, ito ang layunin ng Diyos. Kung hindi ako pupunta para gawin ito, pagsuway iyon, pero ano ang mangyayari sa asawa ko kung pupunta ako? Hindi ko rin naman siya puwedeng basta na lang pabayaan.” Kaya nanalangin ako sa Diyos, “O Diyos, gusto ko pong gawin ang tungkuling ito, pero ang sakit ng asawa ko ay isang tunay na paghihirap. O Diyos, hindi ko po alam ang gagawin. Pakiusap, gabayan N’yo po ako.” Noong sandaling iyon, naalala ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “At pagsasaalang-alang muna sa mga interes ng pamilya ng Diyos sa lahat ng bagay” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kumusta ang Kaugnayan Mo sa Diyos?). Naunawaan ko sa puso ko na isa akong nilikha, at kailangan kong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at unahin ang gawain ng iglesia. Ang pangangaral ng ebanghelyo at paggawa ng aking mga tungkulin ay isang responsabilidad na hindi matatakasan, at kailangan kong magpasakop.
Kinaumagahan, nakita ko ang asawa kong nakahiga sa kama. Tumaas na naman ang presyon ng dugo niya, hilong-hilo siya para bumangon, at hapis at namumutla ang mukha niya. Hindi na naman ako mapakali, at naisip ko, “Kahit anong oras ay puwede siyang magkasakit—paano kung bumangon siya para kumuha ng tubig para inumin ang gamot niya at himatayin siya, at magdulot pa iyon ng ibang mga sakit o kaya ay paralisis? Sa kalagayan niyang ito, hindi ako makakaalis nang may malinis na konsensiya! Lalo na habang tumatanda siya, mas tataas ang posibilidad na lumala ang pagsumpong ng mga kondisyon niya, at mas kakailanganin niya ang pag-aalaga ko. Puwede akong sumulat sa mga lider para itanong kung puwede bang sumama ang asawa ko para sabay kaming gumawa ng mga tungkulin, at puwede siyang gumawa ng tungkulin ng pagpapatuloy. Sa ganitong paraan, hindi ko na kailangang mag-alala sa kanya.” Kalaunan, sumulat ako ng liham, pero habang tinitingnan ko ang liham na isinulat ko, hindi ako mapakali. Tinanong ko ang sarili ko, “Bakit ako nagsusulat ng liham na ito? Hindi ba’t nagtatakda lang ako ng mga kondisyon? Isa akong mananampalataya, pero kapag nahaharap sa isang tungkuling hindi naaayon sa mga gusto ko, nagdadahilan ako para tumanggi. Sa paanong paraan ako nagpapasakop sa paggawa nito? Hindi ba’t hinihiling ko lang sa Diyos na gawin ang mga bagay ayon sa kalooban ko? May pagpapahalaga ba ako sa katwiran kahit kaunti?” Tiningnan kong muli kung gaanong nahihirapan ang asawa ko, at gulung-gulo ang isip ko. Sa isang banda, naroon ang tungkulin kong mangaral ng ebanghelyo, at sa kabila naman ay ang sakit ng aking asawa. Palagi akong nag-aalala para sa kanya, pero ayaw ko ring talikuran ang tungkulin ko. Umabot na sa puntong ito ang gawain ng Diyos, kung magdadahilan pa ako para tumanggi ngayon, may konsensiya pa ba ako? Noong sandaling iyon, medyo nabawasan ang pagkahilo ng asawa ko, at pareho kaming lumuhod para manalangin sa Diyos. Sabi ko, “O Diyos, nais ko pong malampasan ang paghihirap na ito at tanggapin ang aking tungkulin, pero napakaliit po ng aking tayog para isantabi ang asawa ko. Pakiusap, gabayan N’yo po ako.”
Sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi kailanman nilayon ng Diyos na puwersahin, igapos, o manipulahin ang mga tao. Hindi kailanman pinipigilan o pinipilit ng Diyos ang mga tao, at lalong hindi Niya pinupuwersa ang mga tao. Ang ibinibigay ng Diyos sa mga tao ay masaganang kalayaan—tinutulutan Niya ang mga tao na piliin ang landas na dapat nilang tahakin. Kahit na nasa sambahayan ka ng Diyos, at kahit na pauna ka nang itinadhana at hinirang ng Diyos, malaya ka pa rin. Maaari mong piliing tanggihan ang iba’t ibang hinihingi at pagsasaayos ng Diyos, o maaari mong piliing tanggapin ang mga ito; binibigyan ka ng Diyos ng pagkakataon na pumili nang malaya. Pero anuman ang piliin mo, o paano ka man kumilos, o anuman ang pananaw mo sa pangangasiwa ng isang usapin na nakakaharap mo, o anuman ang mga gawi at pamamaraan na ginagamit mo sa huli para lutasin ito, dapat mong panagutan ang mga kilos mo. Ang iyong huling kalalabasan ay hindi nakabatay sa iyong mga personal na paghusga at depinisyon, at sa halip ay nag-iingat ng isang talaan ang Diyos tungkol sa iyo. Pagkatapos makapagpahayag ng Diyos ng napakaraming katotohanan, at pagkatapos marinig ng mga tao ang napakaraming katotohanang ito, mahigpit na susukatin ng Diyos ang mga tama at mali ng bawat tao at tutukuyin ang huling kalalabasan ng bawat tao batay sa Kanyang sinabi, sa kung ano ang Kanyang hinihingi, at sa mga prinsipyong binuo Niya para sa mga tao. Sa usaping ito, ang pagsisiyasat ng Diyos, at ang mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos ay hindi pagmamanipula ng Diyos sa mga tao, o paggapos Niya sa mga tao—ikaw ay malaya. Hindi mo kailangang maging mapagbantay laban sa Diyos, ni hindi mo kailangang matakot o mabagabag. Isa kang malayang tao mula simula hanggang dulo. Binibigyan ka ng Diyos ng isang malayang kapaligiran, ng kalooban na gumawa ng mga malayang pagpili, at ng espasyo na makapili nang malaya, tinutulutan ka na pumili para sa iyong sarili, at anuman ang kalalabasan mo sa huli ay ganap na tinutukoy ng landas na tinatahak mo. Patas ito, hindi ba? (Oo.) Kung, sa huli, maliligtas ka, at isa kang taong nagpapasakop sa Diyos at tugma sa Diyos, at isa kang taong tinatanggap ng Diyos, iyon ang makukuha mo dahil sa iyong mga tamang pagpili; kung, sa huli, hindi ka maliligtas, at hindi mo magagawang maging tugma sa Diyos, at hindi ka makakamit ng Diyos, at hindi ka isang taong tinatanggap ng Diyos, iyon ay dahil din sa iyong sariling mga pagpili. Samakatwid, sa Kanyang gawain, binibigyan ng Diyos ang mga tao ng maraming espasyo para pumili, at binibigyan Niya rin ang mga tao ng ganap na kalayaan” (Ang Salita, Vol. VII. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (2)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, sa wakas ay nagkaroon ako ng pagkatanto. “Binigyan ako ng Diyos ng kalayaang pumili, at sa mga sitwasyong tulad nito, pinanonood ng Diyos ang mga pinipili ko at ang landas na tinatahak ko—kung pinipili ko bang magpasakop sa Diyos at gawin ang tungkulin ko bilang isang nilikha, o pinipili kong isantabi ang tungkulin ko at manatili sa bahay para alagaan ang asawa ko. Hiniling sa akin ng mga lider na pangasiwaan ang gawain ng ebanghelyo. Bibigyan ako nito ng pagkakataong magsanay sa aking tungkulin, at nasa likod nito ang layunin ng Diyos. Palala nang palala ang mga sakuna ngayon, at marami pa ring tao ang hindi pa nakakarinig sa tinig ng Diyos, at nagdurusa pa rin sa ilalim ng pagpapahirap at pamiminsala ni Satanas. Ayaw ng Diyos na makita silang masadlak sa sakuna, at umaasa Siyang mas maraming tao ang mangangaral ng ebanghelyo at magpapatotoo sa Kanyang gawain sa mga huling araw.” Pero kahit na alam kong kailangang-kailangan ng gawain ng ebanghelyo ang pakikipagtulungan ko, nag-alala ako na baka magkasakit ang asawa ko, kaya gusto kong manatili sa bahay at alagaan siya, mas pinipiling tanggihan at iwasan ang tungkulin ko. Para hindi siya magdusa, gusto ko pa nga siyang isama para gumawa ng tungkulin ng pagpapatuloy, kahit na alam kong hindi niya magagawa ang tungkuling ito dahil sa kanyang mga kondisyon. Ang pag-uugali ko ay talagang nagpakita ng ganap na kawalan ng pagpapasakop sa Diyos. Kung hindi ko magagawa ang tungkulin ko dahil gusto kong alagaan ang asawa ko, hindi ko lang mabibigong suklian ang dugo ng pusong ipinuhunan ng Diyos sa akin, kundi mawawala rin sa akin ang pagkakataong magsanay sa paggawa ng aking tungkulin at magkamit ng katotohanan, at mapipinsala ang aking buhay pagpasok. Wala akong magiging katapatan o pagpapasakop sa Diyos, at hindi Niya ako tatanggapin. Kailangan kong unahin ang gawain ng iglesia at aktibong tanggapin ang aking tungkulin, dahil ito ang dapat gawin ng isang nilikha.
Kalaunan, naisip ko, “Bakit hindi ko mabitiwan sa puso ko ang asawa ko? Natatakot akong malungkot siya o magkasakit, at naisip ko pa ngang magdahilan para iwasan ang tungkulin ko para lang maalagaan siya.” Sa pagninilay-nilay, napagtanto kong ito ay impluwensiya ng mga damdamin. Nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Hindi Ko binibigyan ng pagkakataon ang mga tao na magpahayag ng kanilang mga damdamin, sapagkat wala Akong mga damdamin ng laman, at natutuhan Kong kamuhian nang sukdulan ang mga damdamin ng mga tao. Dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako naitaboy sa isang tabi, at sa gayon ay naging ‘iba’ Ako sa kanilang paningin; dahil sa mga damdamin sa pagitan ng mga tao kaya Ako nakalimutan; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya sinasamantala ang pagkakataong kunin ang kanyang ‘konsensya’; dahil sa mga damdamin ng tao kaya siya laging tumututol sa Aking pagkastigo; dahil sa mga damdamin ng tao kaya niya Ako tinatawag na hindi patas at hindi makatarungan, at sinasabing hindi Ko iniintindi ang mga damdamin ng tao sa Aking pamamahala sa mga bagay-bagay. May kamag-anak din ba Ako sa ibabaw ng lupa? Sino, katulad Ko, ang nakapagtrabaho na araw at gabi, na hindi iniisip ang pagkain o pagtulog, para sa kapakanan ng buong plano ng Aking pamamahala? Paanong maikukumpara ang tao sa Diyos? Paanong magiging kaayon ng Diyos ang tao? Paano maaaring maging kauri ng tao, na nilikha, ang Diyos, na lumilikha? Paano Ako maaaring manahan at kumilos na kasama ng tao sa lupa? Sino ang nagmamalasakit sa Aking puso?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Salita ng Diyos sa Buong Sansinukob, Kabanata 28). “Lubhang sentimental ang ilang tao. Araw-araw, sa lahat ng kanilang sinasabi, at sa lahat ng paraan ng asal nila sa iba, namumuhay sila ayon sa kanilang mga damdamin. Nakararamdam sila ng mga bagay-bagay para sa taong ito at sa taong iyon, at ginugugol nila ang kanilang mga araw sa pag-aasikaso ng mga usapin ng mga ugnayan at damdamin. Sa lahat ng kanilang kinakaharap, nabubuhay sila sa mundo ng mga damdamin. … masyadong matindi ang kanyang mga damdamin. Masasabi na ang mga damdamin ang nakamamatay na kapintasan ng taong ito. Pinipigilan siya ng kanyang mga emosyon sa lahat ng bagay, wala siyang kakayahang magsagawa ng katotohanan o kumilos ayon sa prinsipyo, at madalas na siya ay malamang na magrebelde laban sa Diyos. Ang mga damdamin ang pinakamatindi niyang kahinaan, ang kanyang nakamamatay na kapintasan, at ganap na kaya siyang sirain at ipahamak ng kanyang mga damdamin. Ang mga taong sobrang sentimental ay walang kakayahang isagawa ang katotohanan o magpasakop sa Diyos. Sila ay abala sa laman at sila ay hangal at magulo ang pag-iisip. Kalikasan ng gayong klase ng tao ang maging labis na sentimental, at namumuhay siya ayon sa kanyang mga damdamin” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Paano Malalaman ang Kalikasan ng Tao). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko kung bakit kinasusuklaman ng Diyos ang mga damdaming umiiral sa pagitan ng mga tao. Dahil sa mga damdamin ko para sa aking asawa kaya handa akong iwasan ang aking tungkulin. Kapag nahaharap sa isang sitwasyon, inuuna ko ang mga damdamin, at sinisimulan kong isaalang-alang ang kapakanan ng aking asawa, at hindi ko isinasaalang-alang ang layunin ng Diyos o ang tungkuling dapat kong gawin. Ngayon, lumalaganap ang gawain ng ebanghelyo ng Diyos sa lahat ng bansa, at aktibong nangangaral ng ebanghelyo ang mga kapatid at nagpapatotoo sa gawain ng Diyos. May kaunti akong pagkaunawa sa mga katotohanan at mga prinsipyong may kaugnayan sa pangangaral ng ebanghelyo, at nagkaroon ako ng ilang resulta sa gawain ko sa ebanghelyo, kaya kinailangan kong gawin ang tungkulin ko. Pero hindi ko isinasaalang-alang ang layunin ng Diyos, at sa halip ay nag-aalala ako sa kalusugan ng aking asawa. Nag-alala ako na malulungkot siyang mag-isa sa bahay at walang mag-aalaga sa kanya kung magkakasakit siya. Kinokontrol ako ng aking mga damdamin at hindi ko man lang isinaalang-alang ang gawain ng ebanghelyo. Gusto kong gumawa ng mga dahilan at tumanggi sa tungkulin ko para manatili sa bahay at maalagaan ang asawa ko. Bagama’t alam kong kailangang unahin ang mga interes ng sambahayan ng Diyos, kinabukasan, nang makita kong may sakit ang asawa ko at hindi makagalaw sa kama, natagpuan ko ang sarili kong namumuhay sa gitna ng aking mga damdamin, iniisip na kailangan ng asawa ko ang aking pag-aalaga, at sumulat pa nga ako sa mga lider na nagsasabing hindi na ako lalabas para gawin ang tungkulin ko, o kaya naman ay dapat kasama ko ang asawa ko para gumawa ng tungkulin ng pagpapatuloy nang sa gayon ay maalagaan ko siya. Kung iisipin, dahil napakahina ng kalusugan ng asawa ko at hindi niya kayang alagaan ang sarili niya kapag may sakit, paano niya kakayaning pangasiwaan ang tungkulin ng pagpapatuloy? Ang paggawa niya ng tungkulin ng pagpapatuloy ay ganap na laban sa mga prinsipyo, pero dahil sa mga damdamin ko bilang asawa, hindi ko isinaalang-alang ang mga prinsipyo kung paano ginagamit ang mga tao sa sambahayan ng Diyos. Isinaalang-alang ko lang na kung magkakasama kami ng aking asawa, at kung maaalagaan ko siya, sapat na iyon. Napagtanto ko na masyadong matindi ang mga damdamin ko para sa aking asawa, at itinuring kong pasanin ang aking tungkulin. Sa puso ko, mas matimbang ang mga damdamin ko para sa aking asawa kaysa sa mga interes ng sambahayan ng Diyos at sa aking tungkulin. Kung ganoon, sa paanong paraan pa nagkaroon ng puwang ang Diyos sa puso ko? Namuhay ako ayon sa aking mga damdamin, at napigilan ako ng mga ito sa lahat ng paraan. Hindi ko magawa ang aking mga tungkulin, lalo na ang isagawa ang katotohanan at magpasakop sa Diyos. Ang ganitong pag-uugali ay kasuklam-suklam sa Diyos. Mabilis akong nanalangin sa Diyos, “O Diyos, ang mga damdamin ko ay naging aking nakamamatay na kapintasan, at dahil sa aking mga damdamin, hindi ako tunay na makapagpasakop sa Iyo, at ginusto ko pa ngang iwasan ang aking tungkulin. Wala akong pagkatao o konsensiya! O Diyos, nais ko pong magsisi, at hinihiling ko na gabayan N’yo ako na makalaya sa mga pagpigil ng aking mga damdamin at tuparin ang aking mga tungkulin para matugunan ang Iyong layunin.”
Kalaunan, nagbasa ako ng higit pang mga salita ng Diyos, at mas sumigla ang puso ko. Sabi ng Diyos: “Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at pinagkalooban ka Niya ng isang kabiyak. Pumapasok ka sa pag-aasawa ngunit hindi nagbabago ang iyong pagkakakilanlan at katayuan sa harap ng Diyos—ikaw pa rin iyan. Kung ikaw ay isang babae, babae ka pa rin sa harap ng Diyos; kung ikaw ay isang lalaki, lalaki ka pa rin sa harap ng Diyos. Ngunit may isang bagay na pareho sa inyo, at iyon ay, lalaki ka man o babae, kayong lahat ay nilikha sa harap ng Lumikha. Sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, kayo ay nagpaparaya at nagmamahal sa isa’t isa, nagtutulungan at sumusuporta sa isa’t isa, at ito ay pagtupad sa inyong mga responsabilidad. Ngunit sa harap ng Diyos, ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin at ang misyon na dapat mong isakatuparan ay hindi maaaring mapalitan ng mga responsabilidad na tinutupad mo para sa iyong kabiyak. Kaya, kapag hindi nagkakatugma ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak at ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha sa harap ng Diyos, ang dapat mong piliin ay ang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha at hindi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak. Ito ang direksiyon at layunin na dapat mong piliin at, siyempre, ito rin ang misyon na dapat mong isakatuparan. Gayunpaman, may ilang tao na nagkakamali dahil ginagawa nilang misyon ng kanilang buhay ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, o ang pagtupad ng kanilang mga responsabilidad sa kanilang kabiyak, at ang kanilang pagmamalasakit, pag-aalaga, at pagmamahal sa kanilang kabiyak, at itinuturing nila ang kanilang kabiyak bilang ang kanilang langit, ang kanilang tadhana—mali ito. … Kaya, ang mga ikinikilos ng sinumang kabiyak sa loob ng balangkas ng pag-aasawa na pursigido sa paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa o gumagawa ng anumang sakripisyo ay hindi gugunitain ng Diyos. Gaano man kahusay o kaperpekto ang pagtupad mo sa iyong mga obligasyon at responsabilidad mo sa iyong kabiyak, o gaano mo man natutugunan ang mga ekspektasyon ng iyong kabiyak—sa madaling salita, gaano mo man kahusay o kaperpekto na napapanatili ang iyong kaligayahan sa pag-aasawa, o gaano man ito kakahanga-hanga—hindi ito nangangahulugan na natupad mo na ang misyon ng isang nilikha, hindi rin ito nagpapatunay na ikaw ay isang nilikha na pasok sa pamantayan. Marahil, ikaw ay isang perpektong asawa, ngunit nasa loob pa rin ito ng balangkas ng pag-aasawa. Sinusukat ng Lumikha kung anong uri ka ng tao batay sa kung paano mo ginagampanan ang tungkulin ng isang nilikha sa Kanyang harapan, kung anong uri ng landas ang iyong tinatahak, kung ano ang iyong pananaw sa buhay, kung ano ang iyong hinahangad sa buhay, at kung paano mo isinasakatuparan ang misyon ng isang nilikha. Gamit ang mga bagay na ito, sinusukat ng Diyos ang landas na sinusunod mo bilang isang nilikha at ang iyong patutunguhan sa hinaharap. Hindi Niya sinusukat ang mga bagay na ito batay sa kung paano mo tinutupad ang iyong mga responsabilidad at obligasyon bilang asawa, o batay sa kung ang pag-ibig mo sa iyong kabiyak ay nakalulugod sa iyong kabiyak” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). Malinaw na ibinabahagi ng mga salita ng Diyos ang mga responsabilidad na dapat tuparin ng mag-asawa sa isa’t isa. Kapag maiiwasan ang pagkaantala ng mga tungkulin, maaaring isaalang-alang, alagaan, tulungan, at suportahan ng mag-asawa ang isa’t isa. Ito ang responsabilidad na dapat tuparin ng mag-asawa. Katulad noon na hindi ko inaantala ang aking mga tungkulin, kapag mahina ang kalusugan ng asawa ko, nagagawa ko siyang samahan at alagaan, at dito, tinutupad ko ang aking mga responsabilidad at obligasyon bilang isang asawa. Gayumpaman, hindi ito nangangahulugang ginagawa ko ang mga tungkulin at responsabilidad ng isang nilikha. Kapag kinakailangan ako ng iglesia upang isagawa ang gawain nito, kailangan kong unahin ang gawain ng iglesia bilang isang tungkuling hindi maiiwasan, at tuparin ang mga responsabilidad ng isang nilikha. Ibig sabihin, kapag nakagugulo sa aking mga tungkulin ang pag-aalaga ko sa aking asawa, dapat kong piliing gawin ang aking mga tungkulin. Ito ang tamang pagpili at ang tungkulin at responsabilidad na dapat kong tuparin. Sa ngayon, kailangang-kailangan ng gawain ng ebanghelyo ang pakikipagtulungan ng mga tao, at ang pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos ay aking responsabilidad at misyon. Dapat akong magpasya nang walang pag-aalinlangan na gawin ang aking mga tungkulin, dahil ito ang dapat kong isagawa. Pero nalugmok ako sa mga satanikong ideya ng “dapat magmahalan nang lubos ang mag-asawa” at “sa kabataan ay magkasama, sa katandaan ay magkaramay,” at inilagay ko ang ugnayang emosyonal ng mag-asawa nang nakahihigit sa lahat, iniisip na habang kami ay tumatanda, kaming mag-asawa ay dapat na manatiling magkasama, samahan ang isa’t isa, alagaan, tulungan, at suportahan ang isa’t isa, at magkasama dapat kami palagi. Lalo na ngayong mahina ang kalusugan ng asawa ko, inakala kong sa pag-aalaga sa kanya, tinutupad ko ang aking responsabilidad bilang isang asawa, at na kapag nasa tabi niya lang ako saka siya mapapanatag, at magiging maligaya kami sa aming katandaan. Puno ang isip ko ng tungkol sa sakit ng aking asawa at sa kanyang buhay sa hinaharap, at hindi ko man lang isinaalang-alang ang gawain ng ebanghelyo ng sambahayan ng Diyos, ni hindi ko isinaalang-alang kung paano tatapusin ang misyon ng pangangaral ng ebanghelyo at pagpapatotoo sa Diyos. Sumulat pa nga ako ng liham na gustong tumanggi sa aking mga tungkulin, o kaya naman ay isama ang asawa ko para gawin ang aking mga tungkulin, iniisip na makatwiran ito. Itinuring kong pagsasagawa ng katotohanan ang pagtupad sa mga responsabilidad ng mag-asawa, at itinuring kong nag-iisang layunin ko sa buhay ang pag-aalaga at pagsama sa aking asawa. Kahit na binigyang-liwanag ako ng mga salita ng Diyos para maunawaan ang Kanyang layunin, pinili ko pa ring manatili sa bahay sa tabi ng aking asawa para alagaan siya. Sa puso ko, inilagay ko ang aking asawa na nakahihigit sa lahat, kahit sa Diyos. Tunay na mapaghimagsik ako! Tiningnan ko ang mga bagay ayon sa satanikong pananaw na “sa kabataan ay magkasama, sa katandaan ay magkaramay,” at itinuring kong mga karagdagan lamang ang mga hinihingi at tungkulin ng Diyos. Mas pinili ko pang labanan ang Diyos at iwasan ang aking mga tungkulin para manatili sa bahay at maalagaan ang asawa ko, at isinantabi ko ang aking mga tungkulin. Nakita ko kung gaano ako kamakasarili! Napagtanto ko rin na gaano ko man alagaan ang aking asawa, ito ay responsabilidad at obligasyon lamang ng isang asawa, hindi pagsasagawa ng katotohanan, ngunit ang pagtupad sa aking mga tungkulin bilang isang nilikha, ang pagtupad sa aking mga responsabilidad sa gawain ng ebanghelyo at pagkompleto sa aking misyon ang siyang nagbibigay ng halaga at kahulugan sa aking buhay, at ito ang mga layuning dapat kong hangarin. Naisip ko kung paanong binigyan ako ng Diyos ng pagkakataong manampalataya sa Kanya at maligtas, at ng pagkakataong magsanay sa aking mga tungkulin at magkamit ng katotohanan, pero hindi ko pa rin nagawa nang maayos ang aking mga tungkulin para suklian ang pagmamahal ng Diyos. Kumapit pa nga ako sa mga satanikong pananaw, at wala akong katapatan o pagpapasakop sa Diyos. Talagang wala akong konsensiya o pagkatao. Hindi lang ito magiging dahilan para kamuhian ako ng Diyos, kundi ako mismo ang magpapahamak sa aking sarili sa huli.
Kalaunan, napagtanto ko rin na ang kawalan ko ng kakayahang bitiwan ang asawa ko, at ang pag-iisip ko na tanging sa pamamagitan lang ng pananatili ko sa tabi niya, doon ko siya maaalagaan nang mabuti, ay nagpakita ng kawalan ng pananalig sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Naalala ko ang mga salita ng Diyos: “Ang kapalaran ng tao ay nasa kontrol ng mga kamay ng Diyos. Ikaw ay walang kakayahang kontrolin ang iyong sarili: Kahit na parating nagmamadali at nagpapakaabala ang tao para sa kanyang sarili, nananatili siyang walang kakayahan na kontrolin ang kanyang sarili. Kung kaya mong malaman ang iyong mga sariling kinabukasan, kung makokontrol mo ang iyong sariling kapalaran, matatawag ka pa rin bang isang nilikha?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Pagpapanumbalik ng Normal na Buhay ng Tao at Pagdadala sa Kanya sa Isang Kamangha-manghang Hantungan). “Sino ang tunay at ganap na makagugugol ng kanilang sarili para sa Akin at makapaghahandog ng lahat-lahat nila para sa Akin? Lahat kayo ay walang gana; nagpapaikot-ikot ang inyong mga kaisipan, iniisip ang tahanan, ang mundo sa labas, ang pagkain at damit. Sa kabila ng katotohanang ikaw ay nasa harap Ko, gumagawa ng mga bagay-bagay para sa Akin, sa puso mo ay iniisip mo pa rin ang iyong asawa, mga anak, at mga magulang na nasa bahay. Lahat ba ng ito ay pag-aari mo? Bakit hindi mo ipinagkakatiwala ang mga ito sa Aking mga kamay? Wala ka bang tiwala sa Akin? O ito ba ay dahil natatakot ka na gagawa Ako ng mga hindi angkop na pagsasaayos para sa iyo? Bakit ka laging nag-aalala sa pamilya ng iyong laman at nabahahala para sa iyong mga mahal sa buhay? Mayroon ba Akong puwang sa puso mo?” (Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 59). Ipinatanto sa akin ng mga salita ng Diyos na ang aking kapalaran ay nasa mga kamay ng Diyos, na ang kapalaran ng aking asawa ay nasa mga kamay rin ng Diyos, at na hindi ko makokontrol ang kanyang kapalaran. Ang kanyang pisikal na kondisyon, kung magkakasakit man siya o hindi, o kung lalala man ang kanyang sakit ay pawang nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, at hindi naman dahil nasa tabi niya ako at inaalagaan siya ay hindi na siya magkakasakit. Sa puntong ito, araw-araw akong nasa tabi niya para alagaan siya, pero may high blood pressure pa rin siya, pagkahilo, at hirap sa paggalaw, hindi ba? Napagtanto kong hindi ko talaga nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos, ni hindi rin ako tunay na naniniwala o nagpapasakop, at pagdating sa sakit ng aking asawa, palagi kong gustong subukang kontrolin ko ito at makawala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Talaga nga namang wala akong katwiran! Karaniwan, mangungusap lang ako ng mga salita at doktrina, sinasabing ang Diyos ay may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat ng bagay, pero walang puwang ang Diyos sa puso ko, at hindi ko tunay na nauunawaan ang kataas-taasang kapangyarihan o awtoridad ng Diyos, at kapag may mga totoong sitwasyong nangyayari, wala akong patotoo kahit kaunti. Hindi ako naniwala na ang sakit ng aking asawa ay nasa mga kamay ng Diyos at hindi ako nangahas na ipagkatiwala siya sa Diyos. Sa paanong paraan ako nagkaroon ng anumang tunay na pananalig sa Diyos? May kontrol at kataas-taasang kapangyarihan ang Diyos sa lahat ng bagay, at kung gaano karaming pagdurusa ang titiisin ng aking asawa, kung ano ang kanyang mararanasan, kung gaano karaming pagkabigo ang kanyang haharapin, kung lalala man ang kanyang sakit, o kung mapaparalisa man siya, lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Kung itinakda ng Diyos na lalala ang kanyang sakit o na mapaparalisa siya, kahit na manatili ako sa tabi niya, wala akong magagawa. Kung nakatadhana siyang maparalisa, mapaparalisa siya. Kung hindi itinakda ng Diyos na lalala ang kanyang sakit o magdudulot ng paralisis, kahit na wala ako roon para alagaan siya, hindi lalala ang kanyang kondisyon. Naisip ko ang isang direktor ng ospital na dati kong kilala. Maayos na maayos pa ang kanyang asawa isang araw, pero kinabukasan, sumama ang pakiramdam nito at ipinasok sa ospital, at pagkatapos ng pagsusuri, natuklasan na mayroon itong malalang kanser. Eksperto sa medisina ang direktor na ito, at kahit na nanatili siya sa tabi ng kanyang asawa, wala siyang nagawa, at sa huli ay namatay ito matapos mabigo ang paggamot. Mayroon ding isang brother na nakatrabaho ko. Siya ay 70 taong gulang. Namatay na ang kanyang asawa, at nagtatrabaho sa ibang lugar ang kanyang mga anak. Kung minsan kapag may sakit siya, walang sinuman sa kanyang tabi, ngunit umasa siya sa Diyos para matuto ng mga aral, ginawa niya nang normal ang kanyang mga tungkulin, at nanatiling mabuti ang kanyang kalusugan. Mula rito, nakita kong hindi kayang kontrolin ng mga tao ang sarili nilang mga kapalaran, lalong hindi nila kayang kontrolin ang mga kapalaran ng iba. Ang kapalaran ng lahat ay nasa mga kamay ng Diyos. Naisip ko uli kung paanong nananampalataya ang asawa ko sa Diyos, na nangangahulugang kapag masama ang kanyang kalagayan o kapag may sakit siya, maaari siyang manalangin sa Diyos at maghanap ng katotohanan, at sa pamamagitan lamang ng patnubay at kaliwanagan ng mga salita ng Diyos makasusumpong ng kapayapaan at kapanatagan ang kanyang puso, at gaano ko man siya alagaan, kapag may sakit siya, wala akong magagawang tulong. Kinailangan kong ipagkatiwala sa Diyos ang sakit ng aking asawa at umasa sa Kanya. Sa patnubay ng mga salita ng Diyos, huminto na ako sa pag-aalala at pagkabahala tungkol sa sakit ng aking asawa, at gumaan at lumaya ang puso ko. Bumuti rin nang husto ng kondisyon ng asawa ko, at handa siyang manalangin sa Diyos at umasa sa Diyos para maranasan ito sa pagsasagawa, at ipinahayag niya ang kanyang suporta sa akin para lumabas at gumawa ng aking tungkulin. Kaya sumulat ako sa mga lider, ipinapahayag ang aking kahandaang pumunta at gumawa ng aking tungkulin.
Kalaunan, medyo bumuti ang kalusugan ng aking asawa, at napagtanto niyang wala siyang puwang para sa Diyos sa kanyang puso at na hindi siya naniwala sa kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos. Ayaw niya akong umalis dahil panatag lang siya sa akin na nakasuporta sa kanya. Ang madalas niyang pagkakasakit noong mga araw na iyon ang naging dahilan para pagnilayan niya ang kanyang sarili, at handa siyang magpasakop sa mga pamamatnugot at pagsasaayos ng Diyos, at na saanman ako pumunta para gawin ang aking tungkulin, susuportahan niya ako, at ayaw niyang mag-alala ako para sa kanya. Sinabi niyang mananalangin siya sa Diyos, aasa sa Kanya para maranasan ang Kanyang mga salita, at pagtutuunan ang kanyang buhay pagpasok. Kalaunan, pumunta na ako para mamahala sa gawain ng ebanghelyo, at hindi nagtagal, nabalitaan ko na bumuti nang husto ang kondisyon ng asawa ko, at ginagawa na niya ang kanyang tungkulin sa abot ng kanyang makakaya.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, napagtanto ko na masyado kong pinahalagahan ang aking mga damdamin, at dahil sa mga damdamin ko, kaya ko pa ngang tumanggi sa tungkulin ko at ipagkanulo ang Diyos, na nagpakitang wala akong katapatan o pagpapasakop sa Diyos. Naunawaan ko na rin kung paano ko dapat tingnan ang sakit ng asawa ko, at naging handa na akong magpasakop sa kataas-taasang kapangyarihan at mga pagsasaayos ng Diyos at unahin ang tungkulin kong mangaral ng ebanghelyo. Salamat sa Diyos para sa Kanyang pagmamahal at pagliligtas sa akin!