86. Ano ang mga Ikinababahala Ko Nang Umiwas Ako sa Aking Mga Tungkulin
Noong 2022, nahalal ako bilang miyembro ng grupo ng mga tagapagpasya ng distrito, na responsable sa gawain ng ilang iglesia. Dahil marunong akong magsalita ng Vietnamese at Chinese, madalas akong tumutulong sa mga kapatid na magsalin, kaya naman wala na akong gaanong oras para masubaybayan ang gawain ng iglesia. Hindi ako mapakali. Ang ilang lider ng iglesia ay nagsisimula pa lang magsanay at hindi pa marunong sa kanilang gawain. Kung hindi ko malilinang ang mga lider ng iglesia sa lalong madaling panahon, ako ang gagawa ng karamihan sa gawain, na magiging napakaabala at nakakapagod. Laban na laban ako sa ganitong kapaligiran. Kapag may nagpapasalin sa akin, kung hindi iyon kasama sa gawain ng mga iglesia na sakop ko, ayaw ko na silang pansinin.
Sa pagtatapos ng 2022, may halalan para sa lider at pangalawang lider ng grupo ng mga tagapagpasya ng distrito. Naisip ko, “Sapat na ang mga gawain ko sa mga iglesiang hawak ko. Kung mahahalal pa akong lider ng grupo, mas lalo pang lalaki ang sakop ng responsabilidad ko, at hindi ba’t mas magiging abala pa ang gawain ko? Mabuti pa kung hindi ako mahahalal. Sa ganoong paraan, hindi ko na kailangang masyadong mag-alala at hindi na gaanong mapapagod ang katawan ko.” Kaya, sinabi ko sa mga lider na ayaw kong tumakbo sa halalan. Gayumpaman, nang ianunsiyo ang mga boto, nahalal ako bilang lider ng grupo ng mga tagapagpasya ng distrito. Gumawa ako ng mga dahilan, sinasabing, “Isa akong taong walang pasanin. Tamad ako, at hindi ako gumagawa ng tunay na gawain. Medyo mapanlinlang din ako.” Nagbigay pa nga ako ng mga halimbawa kung paano ako naging mapanlinlang. Pagkatapos ay sinabi ko, “Bata pa ako at hindi matatag, at hindi ako angkop na maging lider ng grupo. Hayaan nating ibang kapatid ang gumawa nito.” Sabi ng isang sister, “Sumusuko ka na kahit hindi mo pa nasisimulan ang iyong tungkulin. Pinipigilan at ginagapos ka na ng laman.” Kumirot ang puso ko nang marinig ko ang sinabi ng sister. Pagkatapos ng pagtitipon, labis akong nabagabag. Alam kong ang pag-iwas sa tungkulin ay paghihimagsik laban sa Diyos, at kawalan ng pusong nagpapasakop sa Kanya. Pagkatapos noon, pinagnilayan ko ang aking sarili. Naisip ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos: “Ang pinakamahalagang pagpapamalas ng isang matapat na tao ay ang paghahanap at pagsasagawa ng katotohanan sa lahat ng bagay—ito ang pinakamahalaga. Sinasabi mong ikaw ay matapat, pero palagi mong iniiwasang isipin ang mga salita ng Diyos at ginagawa lang ang anumang gusto mo. Pagpapamalas ba iyon ng isang matapat na tao? Sinasabi mo, ‘Bagama’t mahina ang kakayahan ko, mayroon akong matapat na puso.’ Gayumpaman, kapag may tungkulin na itinalaga sa iyo, natatakot kang magdusa at magpasan ng responsabilidad kung hindi mo ito magagawa nang maayos, kaya nagpapalusot ka para iwasan ang tungkulin mo o nagmumungkahi ka na iba na lang ang gumawa nito. Pagpapamalas ba ito ng isang matapat na tao? Malinaw na hindi. Kung gayon, paano dapat umasal ang isang matapat na tao? Dapat siyang magpasakop sa mga pagsasaayos ng Diyos, maging deboto sa tungkulin na dapat niyang gampanan, at magsikap na matugunan ang mga layunin ng Diyos. Naipapamalas ito sa iba’t ibang paraan: Ang isa ay ang pagtanggap sa iyong tungkulin nang may matapat na puso, hindi isinasaalang-alang ang mga interes ng iyong laman, hindi kulang sa dedikasyon dito, at hindi nagpapakana para sa sarili mong pakinabang. Iyon ang mga pagpapamalas ng katapatan. Ang isa pa ay ang paggampan nang maayos sa iyong tungkulin nang buong puso at buong lakas mo, paggawa sa mga bagay-bagay nang tama, at pagsasapuso at pagmamahal sa iyong tungkulin para bigyang-kasiyahan ang Diyos. Ito ang mga pagpapamalas na dapat mayroon ang isang matapat na tao habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Kung nakakaunawa ka at alam mo kung ano ang gagawin, pero hindi mo ito ginagawa, kung gayon ay hindi mo ibinibigay sa tungkulin mo ang buong puso at lakas mo. Sa halip, ikaw ay tuso at nagpapakatamad. Matatapat ba ang mga taong gumagampan sa kanilang mga tungkulin sa ganitong paraan? Hinding-hindi. Walang silbi sa Diyos ang gayong mga tuso at mapanlinlang na tao; dapat silang itiwalag. Matatapat na tao lamang ang ginagamit ng Diyos para gumampan ng mga tungkulin. Kahit ang mga tapat na trabahador ay kailangang maging matapat. Ang mga taong palaging pabasta-basta at tuso at naghahanap ng paraan para magpakatamad ay pawang mapanlinlang, at mga demonyo silang lahat. Wala sa kanila ang tunay na nananampalataya sa Diyos, at ititiwalag silang lahat. Iniisip ng ibang tao, “Ang pagiging matapat na tao ay tungkol lamang sa pagsasabi ng totoo at hindi pagsisinungaling. Sa totoo lang, madali lang maging matapat na tao.” Ano ang palagay mo sa sentimyentong ito? Napakalimitado nga ba ng saklaw ng pagiging matapat na tao? Hinding-hindi. Dapat mong ilantad ang iyong puso at ibigay ito sa Diyos; ito ang saloobin na dapat mayroon ang isang matapat na tao. Iyon ang dahilan kung bakit napakahalaga ng isang matapat na puso. Ano ang implikasyon nito? Ito ay na kaya ng isang pusong tapat na kontrolin ang iyong asal at baguhin ang kalagayan mo. Magagabayan ka nitong gumawa ng mga tamang desisyon, at magpasakop sa Diyos at makamit ang Kanyang pagsang-ayon. Ang ganitong puso ay tunay na mahalaga. Kung mayroon kang matapat na pusong gaya nito, dapat kang mamuhay sa ganoong kalagayan, ganoon ka dapat umasal, at ganoon mo dapat igugol ang iyong sarili” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, nakita ko na anuman ang tungkuling iatang sa isang matapat na tao, kapaki-pakinabang man ito sa kanya o hindi, o gaano man kalaki ang pagdurusa ng kanyang laman, tatanggapin niya ito nang may matapat na puso. Pagkatapos, ibibigay niya ang lahat para gawin ang kanyang makakaya nang hindi isinasaalang-alang ang sariling interes, iniisip lamang kung paano mapalulugod ang Diyos. Ang ganitong uri lang ng tao ang matapat na taong minamahal ng Diyos. Gusto kong tumakas at umiwas sa halalan dahil ayaw kong magdusa o magbayad ng halaga. Matapos akong mahalal bilang lider ng grupo, ayaw ko itong gawin dahil alam kong napakahalaga ng tungkuling ito at magiging responsable ako sa maraming gampanin, at para magawa ito nang maayos, magdurusa nang husto ang katawan ko at marami akong kailangang alalahanin. Kaya nag-isip ako ng mga paraan para maiwasan ito. Ginamit ko pa ngang dahilan ang aking kabataan, kawalan ng katatagan, at mapanlinlang na disposisyon, sinasabi kong hindi ako angkop na maging lider ng grupo. Napakatagal na panahon akong nilinang ng sambahayan ng Diyos, pero sa kritikal na sandali, iniwasan ko ang aking tungkulin. Wala ako ni katiting na konsensiya o katwiran. Talagang napakamakasarili at napakamapanlinlang ko! Bilang isang nilikha, ayaw kong gawin kahit ang tungkuling dapat kong gampanan. Ano pa ang kabuluhan ng mabuhay nang ganoon? Noong mga sandaling iyon, may naalala akong ilang linya mula sa isang himno: “Hindi man lang binibigyan ng mga tao ang Diyos ng kahit katiting na kaginhawahan, at hindi pa rin nakatatanggap ang Diyos ng tunay na pagmamahal mula sa sangkatauhan hanggang sa araw na ito.” Dumaloy ang aking mga luha, at hinanap ko ang himno.
Ang Pag-ibig ng Diyos sa Sangkatauhan ay Tunay at Totoo
1 Ang pagmamahal ng Diyos para sa sangkatauhan ay pangunahing namamalas sa gawaing ginagawa Niya habang nasa katawang-tao, sa personal na pagliligtas sa mga tao, pakikipag-usap sa mga tao nang harapan, at pamumuhay sa piling nila nang harapan. Wala ni katiting na distansiya, at walang pagkukunwari; totoo ito. Sa Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, kaya Niyang magkatawang-tao at gumugol ng masasakit na taon kasama ng mga tao sa mundo, ang lahat ay dahil sa Kanyang pagmamahal at awa para sa sangkatauhan.
2 Walang kondisyon at hinihinging anuman ang pagmamahal ng Diyos sa sangkatauhan. Ano ang matatanggap Niyang kapalit mula sa kanila? Malamig ang mga tao sa Diyos. Sino ang makapagtuturing sa Diyos bilang Diyos? Hindi man lang binibigyan ng mga tao ang Diyos ng kahit katiting na kaginhawahan, at hindi pa rin nakatatanggap ang Diyos ng tunay na pagmamahal mula sa sangkatauhan hanggang sa araw na ito. Patuloy na nagbibigay at nagtutustos ang Diyos nang walang pag-iimbot.
—Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Alam Mo Ba ang Pagmamahal ng Diyos sa Sangkatauhan?
Pagkatapos pakinggan ang himno, labis akong naantig at medyo nakonsensiya. Hindi ko mapigilang umiyak. Napakatotoo at napakatunay ng pag-ibig ng Diyos. Napakataas, banal, at dakila ng Diyos, subalit para iligtas ang sangkatauhan, personal Siyang nagkatawang-tao para pumarito sa mundo ng mga tao, mamuhay kasama ng tiwaling sangkatauhan, magpahayag ng katotohanan para tustusan at akayin ang mga tao, at magsaayos ng iba’t ibang kapaligiran para pinuhin at dalisayin ang mga tao. Buong-puso ang Diyos para sa tao. Gayumpaman, ayaw kong dalhin ang mabigat na pasanin sa paggawa ng aking tungkulin, at ayaw kong magbayad kahit ng maliit na halaga o magdusa kahit katiting. Talagang napakalaki ng pagkakautang ko sa Diyos. Napakarami ng ibinigay sa akin ng Diyos, pero hindi ko isinaalang-alang ang Kanyang layunin, at ang sarili ko lang na mga interes ang inisip ko, iniiwasan ang aking tungkulin dahil sa takot na magdusa ang aking laman. Talagang wala akong kahit katiting na konsensiya!
Nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Anumang uri ng tungkulin ang ginagampanan mo at anumang uri ng atas ang tinatanggap mo mula sa Diyos, hindi nagbabago ang Kanyang hinihingi sa iyo. Sa sandaling maunawaan mo ang mga hinihingi ng Diyos, dapat mong isagawa, gampanan ang iyong tungkulin, at isakatuparan ang atas ng Diyos sa iyo alinsunod sa pagkaunawa mo sa Kanyang mga hinihingi, Siya man ay nasa tabi mo at sinusuri ka. Sa ganitong paraan lamang makatitiyak sa iyo ang Diyos na ikaw ay magiging tunay na pinuno ng lahat ng bagay, na pasok sa pamantayan, at karapat-dapat sa Kanyang atas. … Tumuon ka lang sa mga salita at mga hinihingi ng Diyos, at hangarin mo ang katotohanan, gawin nang maayos ang iyong tungkulin, at tugunan ang mga layunin ng Diyos, at iwasang biguin ang anim na libong taong paghihintay ng Diyos, at ang Kanyang anim na libong taon ng pananabik. Bigyan ng kaunting kapanatagan ang Diyos; hayaan Siyang makakita ng pag-asa sa iyo, at hayaang matupad ang Kanyang mga kahilingan sa iyo. Sabihin mo sa Akin, tatratuhin ka ba ng Diyos nang hindi makatarungan kung gagawin mo ito? Siyempre hindi!” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Bakit Dapat Hangarin ng Tao ang Katotohanan). Mula sa mga salita ng Diyos, masidhi kong nadama kung paanong ang layunin ng Diyos ay hangarin natin ang katotohanan, gawin nang maayos ang ating mga tungkulin, at magpasakop sa Diyos, maging mga tunay na nilikha at maipagkatiwala ang ating mga puso sa Diyos at maging kaisa Niya sa isipan. Ito ang pinakagustong makita ng Diyos. Nang mahalal ako bilang lider ng grupo ng mga tagapagpasya ng distrito, ang layunin ng Diyos ay hanapin ko ang katotohanan habang ginagawa ko ang aking tungkulin, at magsagawa ng pakikipagbahaginan ng katotohanan para lutasin ang mga problema. Bukod pa rito, matututuhan kong pagmalasakitan ang gawain at pasanin ang mga responsabilidad nito, at sa huli ay magagawa nang maayos ang aking tungkulin, matatamo ang katotohanan, at maliligtas ng Diyos. Nang maunawaan ko ito, labis kong sinisi ang aking sarili. Pinagsisihan ko na hindi ko pinahalagahan ang pagkakataong ibinigay sa akin ng Diyos at nabigo akong tanggapin ang aking tungkulin. Kung bibigyan lang sana ako ng Diyos ng isa pang pagkakataon! Nagpasya ako na kung magkakaroon ako ng isa pang pagkakataon, tiyak na magpapasakop ako, at hinding-hindi na muling maghihimagsik laban sa Diyos sa ganitong paraan. Kaya, nanalangin ako sa Diyos, “Mahal na Diyos, handa po akong magpasakop sa lahat ng Iyong pagsasaayos. Sa hinaharap, handa po akong tanggapin ang anumang tungkulin at gawin ito nang maayos.” Kalaunan, hindi pumayag ang mga nakatataas na lider sa aking pagbibitiw at pinagpatuloy nila ako bilang lider ng grupo. Nang makita ko ang resultang ito, tuwang-tuwa ako. Alam ng Diyos ang laman ng puso ko at binigyan Niya ako ng isa pang pagkakataon— kailangan ko itong pahalagahan! Pagkatapos, sinimulan kong aktibong subaybayan ang gawain, at gabi-gabi pagkatapos ng mga pagtitipon, binubuod ko ang mga problema sa gawain kasama ang aking mga kapatid sa grupo ng mga tagapagpasya. Bagama’t minsan ay maraming gawain, at medyo pagod ang katawan ko, hindi ko na iniiwasan ang aking tungkulin tulad ng dati.
Noong 2023, nagkaroon ng mga halalan para sa mga lider at diyakono dahil sa muling pag-oorganisa ng ilang iglesia, at dumami nang husto ang gawain ko. Kinailangan kong personal na asikasuhin ang lahat ng mga gampaning ito, at abala ako hanggang hatinggabi araw-araw. Noong panahong iyon, pakiramdam ko ay masyado itong maraming abala at sobrang nakakapagod. Hindi nagtagal, nagdaos ang iglesia ng bagong halalan, at gusto kong samantalahin ang pagkakataong ito para isuko ang posisyon ko sa grupo ng mga tagapagpasya ng distrito at gumawa na lang ng mas magaan na tungkulin. Noong mga sandaling iyon, napagtanto kong gusto ko na namang pagbigyan ang aking laman, at tumawag ako sa Diyos sa puso ko, “Mahal na Diyos, nawa ay akayin Mo ako para maisagawa ko ang katotohanan.” Noong oras na iyon, may dalawang himno ng mga salita ng Diyos na pumasok sa isip ko.
Pinahahalagahan ng Diyos Yaong Nakikinig at Sumusunod sa Kanya
Para sa Diyos, kung ang tao man ay dakila o hamak, basta’t makikinig sila sa Kanya, makapagpapasakop sa Kanyang mga tagubilin at sa Kanyang mga ipinagkakatiwala, at maaaring makipagtulungan sa Kanyang gawain, sa Kanyang kalooban, at sa Kanyang plano, upang matupad nang walang aberya ang Kanyang kalooban at ang Kanyang plano, Ang asal na iyon ay karapat-dapat sa Kanyang pag-alaala at sa pagtanggap ng Kanyang pagpapala. Pinahahalagahan ng Diyos ang mga gayong tao; minamahal Niya ang mga kilos nila, at minamahal Niya ang sinseridad at pusong ito na ipinapakita nila sa Kanya. Ito ang saloobin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Ang Pinahahalagahan ng Diyos ay ang Puso ng Tao
Kapag ang isang tao ay tumanggap ng mga ipinagkakatiwala sa kanila ng Diyos, may pamantayan ang Diyos sa paghusga kung ang mga pagkilos ng isang tao ay mabuti o masama at kung ang taong iyan ay nagpasakop, at kung ang taong iyan ay nakatutugon sa mga layunin ng Diyos at kung ang kanyang ginagawa ay pasok sa pamantayan. Ang mahalaga sa Diyos ay ang puso ng tao, hindi ang panlabas nilang mga ginagawa. Hindi ito isang kaso na dapat pagpalain ng Diyos ang isang tao basta gumagawa siya ng isang bagay, sa paanong paraan man nila ito ginawa. Ito ay isang maling pagkaunawa ng tao sa Diyos. Hindi lamang tumitingin ang Diyos sa huling resulta ng mga bagay, ngunit mas nagbibigay-diin sa kalagayan ng puso ng tao at sa saloobin ng tao habang nagaganap ang mga bagay, at tinitingnan Niya kung mayroong pagpapasakop, pagsasaalang-alang, at kagustuhang magbigay-saya sa Diyos sa kanilang puso.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Talagang naantig ako sa mga salita ng Diyos, lalo na nang mabasa ko: “Hindi lamang tumitingin ang Diyos sa huling resulta ng mga bagay, ngunit mas nagbibigay-diin sa kalagayan ng puso ng tao at sa saloobin ng tao habang nagaganap ang mga bagay, at tinitingnan Niya kung mayroong pagpapasakop, pagsasaalang-alang, at kagustuhang magbigay-saya sa Diyos sa kanilang puso.” Naunawaan ko na ang pinapahalagahan ng Diyos ay ang puso ng tao. Sa tuwing may nangyayari, ang gustong makita ng Diyos ay kung ang puso ba ng tao ay mapagpasakop at mapagsaalang-alang sa Kanyang kalooban, at kung kaya ba nilang bitiwan ang sarili nilang mga interes para matugunan ang Diyos. Sa tuwing may dumarating sa aking mahalagang gawain, o nahaharap ako sa mga halalan, hindi ko iniisip kung paano matutugunan ang mga layunin ng Diyos, kundi kung paano ito iiwasan, kung paano maiiwasan ang pagdurusa ng laman, at kung paano aakuin ang mas kaunting responsabilidad. Talagang wala akong konsensiya. Napakamakasarili at kasuklam-suklam ko! Ngayong nagdaraos ng mga bagong halalan ang iglesia, kailangan kong magkaroon man lang ng mapagpasakop na saloobin. Kung mahahalal ako, ito ay pagtataas sa akin ng Diyos. Kung hindi naman ako mahahalal, may mga aral akong dapat matutuhan. Sa anumang kaso, dapat akong magpasakop. Nang maisip ko ito, mas napanatag ang puso ko, at lumahok ako sa halalan. Sa huli, nahalal ako bilang miyembro ng grupo ng mga tagapagpasya ng distrito, at nagawa nang magpasakop ng puso ko.
Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, at naunawaan ko kung bakit palagi kong pinagbibigyan ang laman at iniiwasan ang aking tungkulin. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Pagdating sa laman, habang mas pinapaboran mo ito, mas lalo itong nagiging ganid. Nararapat itong makaranas ng kaunting pagdurusa. Ang mga taong dumaranas ng kaunting pagdurusa ay tatahak sa tamang landas at gagawa ng nararapat na gawain. Kung ang laman ay hindi nagtitiis ng pagdurusa, kung naghahanap ito ng ginhawa, at lumalaki ito sa pugad ng ginhawa, walang makakamit ang mga tao at imposible nilang makamtan ang katotohanan. Kapag naharap ang mga tao sa mga natural na sakuna at mga sakunang gawa ng tao, hindi sila magkakaroon ng katinuan at magiging di-makatwiran. Sa paglipas ng panahon, magiging mas lalo lang silang salaula. Marami bang halimbawa nito? Iyong mapapansin na sa mga walang pananampalataya, maraming mang-aawit at artista sa pelikula na talagang handang magtiis ng paghihirap at ialay ang kanilang sarili sa trabaho nila bago sila sumikat. Ngunit nang makamit na nila ang kasikatan at magsimula na silang kumita ng malaking pera, hindi na sila tumatahak sa tamang landas. Ang ilan sa kanila ay gumagamit ng droga, ang ilan ay nagpapatiwakal, at umiikli ang kanilang buhay. Ano ang sanhi nito? Sobra-sobra ang kanilang materyal na kasiyahan, masyado silang komportable, at hindi nila alam kung paano magkamit ng higit na kasiyahan o kasabikan. Ang ilan sa kanila ay gumagamit ng droga upang makahanap ng higit na kasabikan at kasiyahan, at paglipas ng panahon, hindi na nila ito kayang tigilan. Ang ilan ay namamatay dahil sa sobrang paggamit ng droga, at ang iba na hindi alam kung paano makaalpas dito ay nagpapatiwakal na lang sa bandang huli. Napakaraming halimbawa na ganito. Gaano man kaayos ang iyong pagkain, pananamit, pamumuhay, pagsasaya, o gaano man kaginhawa ang iyong buhay, at gaano kalubos mo mang natutugunan ang iyong mga pagnanais, sa bandang huli, puro kahungkagan sa ibabaw ng kahungkagan, at ang resulta ay pagkawasak. Ito bang kaligayahang hinahangad ng mga walang pananampalataya ay tunay na kaligayahan? Ang totoo, hindi ito kaligayahan. Ito ay imahinasyon ng tao, ito ay isang uri ng kasalaulaan, ito ay isang landas kung saan nagiging salaula ang mga tao. Ang diumano’y kaligayahang hinahangad ng mga tao ay huwad. Ang totoo, ito ay pagdurusa. Hindi iyon isang layong dapat hangarin ng mga tao, at wala rin doon ang halaga ng buhay. Ang ilan sa mga pamamaraan at metodong ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao ay paghangarin silang mapalugod ang laman at magpasasa sa kahalayan bilang layon. Sa ganitong paraan, ginagawang manhid ni Satanas ang mga tao, inaakit nito ang mga tao, at ginagawang tiwali ang mga tao, ipinaparamdam sa kanila na tila ba ito ang kaligayahan at inaakay silang habulin ang layong iyon. Naniniwala ang mga tao na ang makamtan ang mga bagay na iyon ay ang makamtan ang kaligayahan, kaya ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya para hangarin ang layong iyon. Ngunit pagkatapos nilang makamtan ito, hindi kaligayahan ang kanilang nararamdaman kundi kahungkagan at pagdurusa. Pinatutunayan nito na hindi iyon ang tamang landas; iyon ay daan patungo sa kamatayan” (Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ikatlong Bahagi). Mula sa mga salita ng Diyos, naunawaan ko na ang dahilan kung bakit palagi akong nagnanasa ng kaginhawahan ay dahil masyadong malubha ang aking mga tiwaling disposisyon. Malalim akong naimpluwensiyahan at nahubog ng lipunan at ng aking pamilya, at naniwalang ang paghahangad sa mga kaginhawahan ng laman ay pagtrato nang mabuti sa aking sarili. Madalas kong marinig na sinasabi ng mga tao, “Dapat mabuhay ang mga tao para sa kanilang sarili, para gawing komportable at maginhawa ang kanilang laman. Hindi sila dapat mabuhay para sa iba. Ganoon ang pagiging matalino.” Madalas ding sabihin ng mga magulang ko, “Anuman ang gawin natin, ito ay para tamasahin ang isang komportableng buhay na walang pagdurusa o pagod. Hindi ba’t ang layunin ng pamumuhay ay para magpakasaya sa buhay?” Dahan-dahan, tinanggap ko ang mga maling pananaw na ito. Naging mga prinsipyo ko ang mga ito sa pagkilos at mga layon ng aking paghahangad. Noong nag-aaral ako, gusto ko lang mag-aral ng mga simpleng bagay. Ayaw kong pag-aralan ang anumang nangangailangan ng lakas ng pag-iisip. Halimbawa, atubili akong pag-aralan ang mga asignaturang tulad ng matematika, na sa tingin ko ay mahirap para sa isip. Matapos akong magsimulang manampalataya sa Diyos, bagama’t ginagawa ko ang aking mga tungkulin sa iglesia, hinahangad ko pa rin ang mga kaginhawahan ng laman. Ayaw kong pasanin ang mabigat na pasanin sa paggawa ng aking tungkulin, at ayaw kong gumawa ng mga tungkuling nangangailangan ng pagsisikap ng isip o pagdurusa ng laman. Gusto ko lang gawin ang madadali at magagaang tungkulin. Sa sandaling iatang sa akin ang mahihirap na tungkulin o iyong mga may mabigat na gawain, gusto ko nang iwasan ang mga ito. Halimbawa, noong unang beses akong nahalal bilang lider ng grupo ng mga tagapagpasya ng distrito, naghanap ako ng maraming dahilan, at sinadya kong banggitin ang aking katiwalian at mga kakulangan para hindi ako mahalal bilang lider ng grupo, dahil natatakot ako na maraming gawain ang maging lider ng grupo at sa gayon ay magiging nakakapagod para sa aking laman. Sa sumunod na halalan, ang laman ko pa rin ang isinaalang-alang ko. Naisip ko na kung mahahalal akong muli bilang lider ng grupo, kakailanganin kong patuloy na maging responsable para sa pangkalahatang gawain ng distrito, at mas madaling maging miyembro na lang ng grupo ng mga tagapagpasya. Ang sarili ko lang na mga interes ng laman ang iniisip ko, at hindi kailanman nagpakita ng pagsasaalang-alang sa mga layunin ng Diyos, at palagi kong iniiwasan ang aking tungkulin para hindi magdusa ang aking laman. Ang ugaling ito ay paghihimagsik at pagkakanulo sa Diyos. Kung hindi ako magsisisi at patuloy na mamumuhay ayon sa mga satanikong kaisipan at ideyang ito, sa huli, hindi ko na nga makakamit ang katotohanan o mababago ang aking mga tiwaling disposisyon, mahuhulog pa ako sa kalamidad at mawawasak. Gaya ng sinabi ng Diyos: “Ang ilan sa mga pamamaraan at metodong ginagamit ni Satanas para gawing tiwali ang mga tao ay paghangarin silang mapalugod ang laman at magpasasa sa kahalayan bilang layon. Sa ganitong paraan, ginagawang manhid ni Satanas ang mga tao, inaakit nito ang mga tao, at ginagawang tiwali ang mga tao, ipinaparamdam sa kanila na tila ba ito ang kaligayahan at inaakay silang habulin ang layong iyon. Naniniwala ang mga tao na ang makamtan ang mga bagay na iyon ay ang makamtan ang kaligayahan, kaya ginagawa ng mga tao ang lahat ng kanilang makakaya para hangarin ang layong iyon. Ngunit pagkatapos nilang makamtan ito, hindi kaligayahan ang kanilang nararamdaman kundi kahungkagan at pagdurusa. Pinatutunayan nito na hindi iyon ang tamang landas; iyon ay daan patungo sa kamatayan.” Tinutukso at ginagawang tiwali ni Satanas ang mga tao sa pamamagitan ng paghahangad ng mga kaginhawahan ng laman, pinapaniwala sila na tanging ang pagbibigay-kasiyahan sa laman ang makapagdudulot ng kaligayahan. Sa katunayan, gaano man kaginhawa ang isang tao o paano man nagpapakasaya ang laman, ang kaibuturan ng kanilang mga puso ay hungkag at miserable pa rin. Palagi kong hinahangad ang mga kaginhawahan ng laman, at ayaw kong gumawa ng mga tungkuling may mabigat na gawain. Inakala kong sa ganitong paraan ay magiging mas maginhawa ang aking laman, at magkakaroon ako ng mas maraming oras para magpahinga o gawin ang mga bagay na gusto ko. Gayumpaman, matapos kong tanggihan ang tungkulin ng lider ng grupo, hindi napanatag ang puso ko, at sa halip, nahulog ako sa matinding paghihirap at paninisi sa sarili. Hindi mailarawan sa salita ang damdaming ito. Alam kong dahil naghimagsik ako laban sa Diyos, nawala sa akin ang Kanyang presensya. Naranasan ko na ang paghahangad sa mga kaginhawahan ng laman ay hindi tamang landas, at aakayin lang nito ang mga tao na mapasama nang mapasama, at labanan nang labanan ang Diyos.
Noong Abril 2024, dahil sa mga pangangailangan ng gawain, isang mangangaral sa sakop ng aking responsabilidad ang inilipat sa ibang lugar para gawin ang kanyang mga tungkulin. Kinailangan kong pansamantalang subaybayan ang gawaing responsabilidad niya, at medyo nag-alala ako. Napakaraming trabahong dapat gawin—sobrang nakakapagod naman nito! Sa sandaling iyon, napagtanto ko na gusto ko na namang pagbigyan ang aking laman, at tahimik akong nanalangin sa Diyos, na nawa ay akayin Niya ako para makapagpasakop. Kalaunan, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos at nakahanap ako ng landas ng pagsasagawa. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Ang bawat taong nasa hustong gulang ay kailangang magpasan ng mga responsabilidad ng isang taong nasa hustong gulang, gaano mang kagipitan ang harapin niya, gaya ng mga paghihirap, karamdaman, at maging ng iba’t ibang suliranin—ito ay mga bagay na dapat danasin at pasanin ng lahat ng tao. Ang mga ito ay bahagi ng buhay ng isang normal na tao. Kung hindi mo kayang magdala ng bigat ng pagkagipit o magtiis ng pagdurusa, nangangahulungan iyon na masyado kang marupok at walang silbi. Ang sinumang nabubuhay ay kailangang pasanin ang pagdurusang ito, at walang sinuman ang makaiiwas dito. Sa lipunan man o sa sambahayan ng Diyos, pare-pareho lang para sa lahat. Ito ang responsabilidad na dapat mong pasanin, ang mabigat na dalahing dapat ay buhat-buhat ng isang taong nasa hustong gulang, ang bagay na dapat niyang isabalikat, at hindi mo ito dapat iwasan. Kung palagi mong sinusubukang takasan o iwaksi ang lahat ng ito, lalabas ang iyong mga emosyon ng pagkapigil, at palagi kang magagapos ng mga iyon. Subalit, kung kaya mong maunawaan nang wasto at matanggap ang lahat ng ito, at makita ito bilang isang kinakailangang bahagi ng iyong buhay at pag-iral, hindi dapat maging dahilan ang mga isyung ito upang magkaroon ka ng mga negatibong emosyon. Sa isang aspekto, kailangan mong matutunang pasanin ang mga responsabilidad at obligasyon na dapat taglayin at isagawa ng mga taong nasa hustong gulang. Sa isa pang aspekto, dapat mong matutunang mamuhay nang nakakasundo ang iba sa iyong kapaligirang pinamumuhayan at pinagtatrabahuhan nang may normal na pagkatao. Huwag mong basta na lang gawin ang gusto mo. Ano ang layunin ng mamuhay nang nakakasundo ang iba? Ito ay para mas mabuting matapos ang gawain at mas mabuting matupad ang mga obligasyon at responsabilidad na dapat mong tapusin at tuparin bilang isang taong nasa hustong gulang, ang mabawasan ang mga kawalang idinudulot ng mga problemang kinakaharap mo sa iyong gawain, at ang labis na mapabuti ang mga resulta at mapabilis ang iyong gawain. Ito ang dapat mong matamo. Kung nagtataglay ka ng normal na pagkatao, dapat mo itong makamit kapag gumagawa ka sa gitna ng iba pang mga tao. Pagdating naman sa kagipitan sa trabaho, nanggagaling man ito sa Itaas o sa sambahayan ng Diyos, o kung kagipitan ito na iniaatang sa iyo ng iyong mga kapatid, isa itong bagay na dapat mong pasanin. Hindi mo maaaring sabihin na, ‘Sobra-sobra itong kagipitang ito, kaya hindi ko ito gagawin. Naghahanap lang ako ng kalibangan, kadalian, kaligayahan, at kaginhawahan sa paggawa ng aking tungkulin at paggawa sa sambahayan ng Diyos.’ Hindi ito uubra; hindi ito isang kaisipan na dapat taglayin ng isang normal na taong nasa hustong gulang, at ang sambahayan ng Diyos ay hindi isang lugar para magpakasasa ka sa kaginhawahan. Ang bawat tao ay nagpapasan ng kaunting kagipitan at pakikipagsapalaran sa kanyang buhay at gawain. Sa anumang trabaho, lalo na sa paggampan ng iyong tungkulin sa sambahayan ng Diyos, dapat mong pagsikapang makakuha ng pinakamagagandang resulta. Sa mas mataas na antas, ito ang itinuturo at hinihingi ng Diyos. Sa mas mababang antas, ito ang saloobin, pananaw, pamantayan, at prinsipyo na dapat taglayin ng bawat tao sa kanyang asal at mga kilos. Kapag gumagampan ka ng isang tungkulin sa sambahayan ng Diyos, kailangan mong matutunang sumunod sa mga patakaran at sistema ng sambahayan ng Diyos, kailangan mong matutunang sumunod, matutunan ang mga panuntunan, at umasal nang maayos. Isa itong mahalagang bahagi ng pag-asal ng isang tao” (Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (5)). Pagkatapos basahin ang mga salita ng Diyos, naunawaan ko na bilang mga nasa hustong gulang, lahat tayo ay may kanya-kanyang responsabilidad at obligasyon, sa sambahayan man ng Diyos o sa mundong walang pananampalataya. Ito ang dapat harapin ng isang normal na tao. Sa proseso ng paggawa ng tungkulin, bagama’t kailangang magdusa ng laman, magbayad ng halaga, at magtiis ng kaunting presyur, lahat ng ito ay mga responsabilidad na dapat pasanin ng mga nasa hustong gulang. Hindi ako puwedeng matakot na magdusa, ni hindi ko puwedeng iwasan ang mga tungkulin kapag nakikita kong mahirap ang mga ito. Ang paggawa niyon ay sobrang kawalan ng konsensiya at pagkatao. Kaya, sadya akong nanalangin sa Diyos na maghimagsik laban sa laman, at dahan-dahan akong nakapagpasakop sa kapaligirang ito.
Sa pamamagitan ng karanasang ito, naunawaan ko na bagama’t nagdurusa at napapagod ang aking laman kapag gumagawa ng gawain sa iglesia, marami akong nakakamit. Napagtanto ko na kapag may mga dumarating sa akin, dapat kong hanapin ang mga katotohanang prinsipyo, at mas lalo ring nahubog ang aking pagkatao, mula sa palaging pag-asa sa iba sa simula hanggang sa ngayon ay natuto na akong gumawa nang mag-isa. Kapag may mga paghihirap o kuru-kuro ang mga kapatid, nakakahanap din ako ng mga kaugnay na katotohanan para makipagbahaginan at malutas ang mga ito. Bagama’t mas mabigat ang gawain ko kaysa dati, mas marami rin naman akong natamo at nakamit. Lahat ng ito ay isang natatanging biyaya mula sa Diyos. Salamat sa Diyos!