99. Makakamit Ba ang Kaligayahan sa Paghahangad ng Perpektong Buhay May Asawa?

Ni Yiping, Tsina

Noong nag-aaral pa ako, mahilig akong makinig sa mga kanta at magbasa ng mga sinaunang tula. Karamihan sa mga akdang ito ay tungkol sa pag-ibig. Nahubog ako sa mga pananaw sa pag-ibig na tulad ng “Pag-ibig ang kataas-taasan” at “magkahawak kamay at tatanda nang magkasama.” Naakit ako sa ideya ng isang pag-aasawang may pangmatagalang romansa, at nanabik akong makatagpo ng isang taong mag-aalaga sa akin at makakasama kong tumanda. Matapos magsimulang magtrabaho, nakilala ko ang aking asawa. Pagkatapos naming ikasal, napakamaasikaso niya at inalagaan niya ako. Minsan, kahit simpleng sakit lang gaya ng sakit ng ulo o lagnat, pinipilit niya akong magpatingin sa ospital. Kapag naglalakad kami sa kalye, palagi niya akong pinaglalakad sa kanyang kanan dahil takot siyang mabangga ako ng sasakyan. Sa tuwing nagkakaroon kami ng kaunting hindi pagkakaunawaan sa aming buhay, pinagbibigyan niya ako at nagpapaubaya siya sa akin. Bukod pa riyan, napakaromantiko niya. Sa tuwing umuuwi siya mula sa isang business trip, at sa bawat okasyon, gaano man kaliit, binibilhan niya ako ng mga regalo. Nang makita ko kung gaano ako tinrato ng asawa ko nang may pag-aalaga, pakiramdam ko ay ako na ang pinakamasuwerteng babae sa buong mundo. Ipinagkatiwala ko sa kanya ang lahat ng kaligayahan ko sa buhay na ito.

Noong Hulyo 2013, nagsimula akong manampalataya sa Diyos. Mula sa mga salita ng Diyos, nalaman ko na ang Makapangyarihang Diyos ang Siyang lumikha ng mga kalangitan at lupa at lahat ng mga bagay at may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Siya ang Tagapagligtas ng sangkatauhan. Ako ay isang nilikha, at dapat na maayos na manampalataya sa Diyos, sumunod sa Diyos, at tuparin ang tungkulin ko. Noong panahong iyon, sa tuwing may libreng oras ako, nagbabasa ako ng mga salita ng Diyos at aktibong nangangaral ng ebanghelyo. Hindi tinutulan ng asawa ko ang aking pananampalataya sa Diyos. Pagsapit ng Hunyo 2014, narinig niya ang walang batayang mga tsismis ng CCP na naninira sa Ang Iglesia ng Makapangyarihang Diyos. Natakot siyang mapahiya dahil sa aking pananampalataya sa Makapangyarihang Diyos at sinimulan niyang hadlangan ang aking pananampalataya sa Diyos. Sinabi ko sa kanya ang katotohanan at hiniling na huwag siyang maniwala sa walang batayang mga tsismis. Nang makita niyang hindi ako sumunod sa kanya, mula noon ay patuloy na siyang nakipagtalo sa akin.

Noong Hunyo 2018, isang gabi, mga bandang alas-diyes, umuwing lasing ang asawa ko. Sinipa niya pabukas ang pinto ng kuwarto, sinabunutan niya ako at kinaladkad mula sa kama papunta sa sahig bago sinimulang paluin ang ulo ko. Napakalakas ng mga palo niya, at bawat sampal ay nagpatunog sa ulo ko. Pagkatapos, sinimulan niya akong sampalin sa mukha, at pagkatapos niyang gawin iyon, pumunta siya sa kusina para kumuha ng kutsilyo. Nagmumura siyang nagsabi, “Kapag nanampalataya ka ulit sa Diyos, papatayin kita tapos magpapakamatay din ako.” Habang nagsasalita, idiniin niya ang likod ng kutsilyo sa leeg ko. Sa puso ko, patuloy akong tumatawag sa Diyos. Hindi ako nangahas na manlaban. Pagkaraan ng tila walang katapusang sandali, ibinaba niya ang kutsilyo. Nang makita ko kung paanong ang dati kong maalaga at mapagmahal na asawa ay naging napakarahas, nadurog ang puso ko. Kinabukasan, humingi siya ng tawad sa akin at sinabing nagkamali siya. Hiniling niya ang kapatawaran ko. Naisip ko, “Maraming taon na kaming kasal at palagi siyang mabait sa akin. Sa pagkakataong ito, marahil ay dahil lang sa lasing siya at naging padalus-dalos.” Kaya pinatawad ko siya. Gayumpaman, mula noon, nagsimula akong makaramdam ng napipigilan kapag nagtitipon at ginagawa ang tungkulin ko. Sa tuwing umuuwi ako galing sa isang pagtitipon at nakikitang wala ang asawa ko, nakahihinga ako nang maluwag. Kung nasa bahay siya na nakasimangot, ako ang unang kumakausap sa kanya, o tinatanong ko siya kung ano ang gusto niyang kainin at nagmamadali akong pumunta sa kusina para ipagluto siya. Naging mas maalalahanin pa ako sa kanya kaysa dati.

Noong Hunyo 2019, nahalal ako bilang lider sa iglesia. Nang marinig ko ang balitang ito, natuwa ako nang husto, at naisip kong bilang isang lider, magkakaroon ako ng maraming pagkakataong magsanay at magkamit din ng maraming katotohanan. Gayumpaman, napuno rin ako ng mga pag-aalinlangan, “Dati, palagi akong tinitingnan nang masama ng asawa ko o nagrereklamo siya kapag pumupunta ako sa mga pagtitipon. Kung magiging lider ako, mas marami akong gagawin, at kakailanganin kong madalas na lumabas para sa mga pagtitipon. Mas lalo pa kaya niya akong hahadlangan? Kung mangyari iyon, hindi na kami magkakaroon ng maayos at masayang buhay.” Sa isang banda, ang tungkulin ko; sa kabila, ang aking buhay may asawa. Nagtatalo ang kalooban ko. Nanalangin ako sa Diyos para maghanap, at naisip ko ang mga salita ng Diyos: “Kung mahalaga ang ginagampanan mong papel sa pagpapalaganap ng ebanghelyo at tinalikuran mo ang iyong gampanin nang walang pahintulot mula sa Diyos, wala nang mas matindi pang pagsalangsang kaysa rito. Hindi ba’t ito ay maituturing na pagkakanulo sa Diyos?(Ang Salita, Vol. III. Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw. Ang Pangangaral sa Ebanghelyo ay ang Tungkuling Dapat Tuparin ng Lahat ng Mananampalataya). Kung tatanggihan ko ang tungkulin ko para lang mapanatili ang aming buhay may asawa, isa iyong malubhang pagsalangsang. Isa akong nilikha, at ang paggawa ng tungkulin ko ay aking responsabilidad at obligasyon. Hindi ko maaaring ihinto ang paggawa ng aking tungkulin para lang mamuhay ng tahimik. Kaya, tinanggap ko ang tungkulin bilang isang lider. Nagkataon na nakabakasyon ang asawa ko noong panahong iyon. Nakikita niya akong maagang umaalis at gabi nang umuuwi araw-araw, at nakikipag-away siya sa akin kada ilang araw. Maraming beses niya akong hinarangan sa pinto at hindi pinayagang pumunta sa mga pagtitipon. Sinabi pa niya na hindi ko na inaasikaso ang aming pamilya at hindi ko na siya inaasikaso, at kung magpapatuloy ako sa pananampalataya sa Diyos, didiborsiyuhin niya ako. Bagama’t nabuo sa bibig ko ang mga salitang, “Sige, diborsiyuhin mo ako!” Mahina ang puso ko. Natakot ako na baka talagang diborsiyuhin ako ng asawa ko. Ano na ang mangyayari sa buhay ko pagkatapos noon? Sa sandaling naisip ko ang tungkol sa diborsiyo, pakiramdam ko ay wala na akong kaligayahang maikukuwento pa pagkatapos. Sobrang sakit ng puso ko na parang sinasaksak ng kutsilyo. Ayaw ko nang lumabas araw-araw para gawin ang tungkulin ko. Gayumpaman, isa akong lider sa iglesia, at kailangan kong pasanin ang gawain ng iglesia. Kung iwawaksi ko ang tungkulin ko, talagang wala akong konsensiya. Kinailangan ko na lang lakasan ang loob ko at magpatuloy. Sa mga pagtitipon, pabasta-basta lang ako na kinukumusta ang kalagayan ng lahat at inaalam ang ilang tungkol sa gawain. Nagbabahagi lang ako nang simple, pero hindi ako naghahanap ng mga resulta. Minsan, hindi pa tapos isakatuparan ang gawain, pero sa sandaling makita kong oras na para tapusin ang pagtitipon, nagmamadali na akong umuwi. Dahil dito, hindi nalutas sa tamang oras ang mga kalagayan ng mga kapatid ko, at may ilang gawain na hindi naisakatuparan nang napapanahon.

Minsan, sinundan ako ng ate ko sa bahay ng isang sister para pigilan akong manampalataya sa Diyos. Para sa kaligtasan ng sister na ito, hiniling sa akin ng mga nakatataas na lider na manatili muna ako sa bahay at huwag makipag-ugnayan sa mga kapatid, at dapat kong gawin ang tungkulin ko sa abot ng aking makakaya ayon sa sitwasyon ko. Sa mga unang araw na nasa bahay ako, nakaramdam ako ng pagkalito at lungkot dahil hindi ko magawa ang aking mga tungkulin. Gayumpaman, nang makita kong araw-araw akong ipinagluluto ng asawa ko at abala siya sa pagsisikap na pasayahin ako, hindi nagtagal ay bumalik ako sa masayang buhay may asawa na hinahangad ko. Alam ko na ang sister na katrabaho ko ay kahahalal pa lang at hindi pa pamilyar sa gawain ng iglesia. Maraming aytem ng gawain ang kinakailangang agaran kaming magtulungang dalawa para maipatupad at masubaybayan. Bukod pa riyan, hindi naman ako binabantayan ng asawa ko sa bawat galaw ko. May mga pagkakataon akong lumabas at gawin ang tungkulin ko, pero natakot ako na baka magalit ang asawa ko kung malaman niya, at masisira na naman ang aming kakaayos lang na relasyon. Ayaw kong sirain ang masayang sitwasyong ito, kaya hindi ko ginawa ang aking tungkulin sa abot ng aking makakaya. Hindi ako nagtanong tungkol sa gawain ng iglesia sa loob ng dalawang buwan, gamit ang “pag-iingat sa kapaligiran” bilang dahilan. Dahil dito, naapektuhan sa iba’t ibang antas ang lahat ng aytem ng gawain. Nakita ng mga nakatataas na lider na lubos akong namumuhay sa laman at pamilya, at hindi ginagawa ang gawain ng iglesia, at tinanggal ako dahil sa aking pagganap. Noong oras na iyon, umiyak ako. Nagkaroon ako ng mga pagkakataong gawin ang tungkulin ko sa loob ng dalawang buwang ito, pero hindi ako nanatili sa aking tungkulin. Hindi ba’t nang-abandona ako? Nakaramdam ako ng paninisi sa sarili at pagkakonsensiya sa aking puso. Sa isang pagtitipon, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos, na tandang-tanda ko pa na parang kahapon lang. Sabi ng Makapangyarihang Diyos: “Kung maglalatag Ako ng kaunting pera sa harap ninyo ngayon mismo at bibigyan kayo ng kalayaang pumili—at hindi Ko kayo kokondenahin nang dahil sa pinili ninyo—pipiliin ng karamihan sa inyo ang pera at tatalikuran ang katotohanan. Ang mas mababait sa inyo ay tatalikuran ang pera at atubiling pipiliin ang katotohanan, habang yaong mga nag-aalangan ay susunggaban ang pera sa isang kamay at ang katotohanan sa kabilang kamay. Hindi ba kusang lalabas ang tunay ninyong kulay sa ganoon? Sa pagpili sa pagitan ng katotohanan at ng anumang bagay na matapat kayo, lahat kayo ay pipili sa ganitong paraan, at magiging pareho pa rin ang ugali ninyo. Hindi ba’t ganoon? Hindi ba marami sa inyo ang nag-alinlangan sa pagitan ng tama at mali? Sa lahat ng pakikibaka sa pagitan ng positibo at negatibo, ng itim at puti—sa pagitan ng pamilya at ng Diyos, ng mga anak at ng Diyos, ng pagkakasundo at pagkakawatak, ng kayamanan at kahirapan, ng katayuan at pagiging ordinaryo, ng masuportahan at ng maitakwil, at iba pa—tiyak na hindi kayo mangmang sa mga ginawa ninyong desisyon! Sa pagitan ng nagkakasundong pamilya at ng watak-watak na pamilya, pinili ninyo ang una, at ginawa ninyo iyon nang walang pag-aatubili; sa pagitan ng kayamanan at ng tungkulin, muli ninyong pinili ang una, at ayaw pa nga ninyong magbago ng isip; sa pagitan ng luho at ng kahirapan, pinili ninyo ang una; sa pagpili sa pagitan ng inyong mga anak at asawa, at sa Akin, pinili ninyo ang una; at sa pagitan ng kuru-kuro at ng katotohanan, pinili pa rin ninyo ang una. Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo, talagang namangha Ako. Hindi inaasahan na ang inyong puso ay walang kakayahan na maging malambot(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Kanino Ka Matapat?). Hinatulan ako ng mga salita ng Diyos, at hindi ko mapigilang umiyak. Isa ako sa mga taong nasa gitna, na inilantad ng Diyos. Sa isang kamay, mahigpit kong hinawakan ang aking buhay may asawa at pamilya, ayaw kong bitiwan; sa kabila, kumapit ako sa pagliligtas ng Diyos, ayaw kong abandonahin. Noong lider ako, sa panlabas ay lumalabas ako para gawin ang tungkulin ko araw-araw. Pero ayaw kong magalit ang asawa ko dahil sa pananampalataya ko sa Diyos at maapektuhan ang aming relasyon. Kapag lumalabas ako para gawin ang tungkulin ko, nagpapabasta-basta lang ako. Hindi ako namuhunan ng anumang pagsisikap sa pakikipagbahaginan at paglutas sa mga kalagayan ng mga kapatid ko at sa mga paghihirap at problemang kinakaharap nila sa kanilang gawain. Nang nasa bahay ako para ingatan ang kapaligiran, sinamantala ko na lang ang sitwasyon para isinantabi ang tungkulin ko habang tinatamasa ang tinatawag na masayang buhay na hinahangad ko. Sa loob ng dalawang buwan na naka-isolate ako sa bahay, alam na alam ko na ang sister na katrabaho ko ay kaluluklok lang bilang lider at hindi niya kayang asikasuhin ang lahat ng gawaing iyon nang mag-isa. Hindi naman ako binabantayan ng asawa ko araw-araw, kaya sana ay nakipagtulungan ako sa aking sister para gawin ang ilang gawain. Gayumpaman, natakot akong masira ang relasyon ko sa asawa ko at hindi ko man lang inalala ang gawain ng iglesia. Sa pagkaipit sa pagitan ng tungkulin ko at ng isang maayos na pamilya, pinili kong panatilihin ang pamilya ko at napakadali kong binitiwan ang aking mga tungkulin. Wala akong kahit katiting na katapatan sa Diyos, at sa loob ng dalawang buwang iyon na inaalagaan ko ang aking pamilya, ni hindi ako nakaramdam ng kahit katiting na paninisi sa sarili o pagkakonsensiya. Napakarami ko nang nabasang salita ng Diyos, pero nang dumating talaga sa akin ang isang sitwasyon, nakakagulat na ganito ang naging asal ko. Talagang binigo ko ang Diyos, at wala akong kahit katiting na konsensiya o katwiran! “Nahaharap sa lahat ng klase ng inyong masasamang gawa, talagang nawalan na Ako ng tiwala sa inyo, talagang namangha Ako. Hindi inaasahan na ang inyong puso ay walang kakayahan na maging malambot.” Bilang isang lider sa iglesia, mayroon akong mabigat na responsabilidad. Dapat sana ay inako ko ang responsabilidad para sa iba’t ibang aytem ng gawain sa iglesia para matiyak na normal ang pag-usad ng mga ito, at dapat sana ay tinulungan ko ang aking mga kapatid na maunawaan ang katotohanan at gawin nang maayos ang kanilang mga tungkulin. Pero sa halip, wala akong pakialam kung naapektuhan ang buhay pagpasok ng mga kapatid ko, o kung napinsala ang gawain ng iglesia. Ang inisip ko lang ay ang panatilihin ang sarili kong buhay may asawa at pamilya, at basta ko na lang tinalikuran ang tungkulin ko. Talagang napakamakasarili ko at ubod ng sama! Isa akong taong hindi mapagkakatiwalaan. Sarili ko lang ang dapat kong sisihin sa pagkatanggal sa akin. Labis akong nagsisi, at lihim na nagpasya na kung muling tatawag ang tungkulin, hindi ko ito tatalikuran para lang mapanatili ang aking buhay may asawa at pamilya. Kalaunan, nagsimula ulit akong gumawa ng mga tungkulin sa iglesia. Ginamitan ako ng asawa ko ng paghihikayat at pagbabanta para mapapayag akong tumigil. Nang makita niyang hindi ako nakikinig, palagi na niyang binabanggit ang tungkol sa diborsiyo araw-araw para takutin ako. Nanalangin ako sa Diyos at nagmakaawa sa Kanya na bigyan ako ng pananalig at lakas. Sa ganitong paraan, palagi akong nagpupumilit na pumunta sa mga pagtitipon at gawin ang tungkulin ko. Dahan-dahan, hindi na naging ganoon kahigpit ang pagkontrol sa akin ng asawa ko, hinihiling na lang niya na umuwi ako araw-araw.

Noong Hulyo 2023, isinaayos ng mga lider na gumawa ako ng isang tungkulin. Dahil maraming bagay ang sangkot sa gawain, makakauwi lang ako minsan kada dalawang linggo o higit pa. Medyo nakaramdam ako ng pagkapigil, “Kung minsan lang ako uuwi kada dalawang linggo o higit pa, hindi ba’t lalampas na ito sa hangganan ng pasensya ng asawa ko? Kung madalas akong wala sa bahay, at wala sa tabi niya para samahan at alagaan siya, dahan-dahan at tiyak na masisira ang aming pagsasama.” Gayumpaman, naalala ko ang dati kong karanasan ng pagkabigo sa paggawa ng tungkulin ko. Sa pagkakataong ito, ayaw ko nang may pagsisihan pa, at pumayag akong gawin ang tungkuling ito. Makalipas ang ilang panahon, medyo nag-alala ako, “Kung hindi ako uuwi araw-araw, lalong lalayo ang loob ng asawa ko sa akin. Kung maghanap siya ng iba, matatapos na ang pagsasama namin. Kung mawawala ang aking buhay may asawa, magiging masaya pa kaya ang buhay ko sa hinaharap?” Sa panlabas, abala ako sa gawain araw-araw, pero palaging nagugulo ang puso ko. Sa sandaling matapos ang gawain, binibilang ko na ang mga araw bago ako makauwi. Naisip ko pa ngang hilingin sa mga lider na ilipat ako sa isang tungkulin kung saan maaari akong manatili sa bahay. Sa ganitong paraan, magkakaroon ako ng oras para pangalagaan ang aking buhay may asawa. Gayumpaman, napagtanto kong namimili ako ng tungkulin. Hindi iyon makatwiran, kaya hindi ko ito sinabi. Dahil wala akong magawa, sinabi ko sa Diyos ang mga saloobin ko at nagmakaawa sa Kanya na bigyang-liwanag at gabayan ako.

Isang araw sa aking mga debosyonal, nabasa ko ang isang sipi ng mga salita ng Diyos na malaki ang naitulong sa akin. Sabi ng Diyos: “May ilang tao pa nga na, pagkatapos manampalataya sa Diyos, tinatanggap ang kanilang tungkulin at ang atas sa kanila ng sambahayan ng Diyos, subalit upang mapanatili ang kaligayahan at kasiyahan sa kanilang buhay may-asawa, nagkukulang sila sa paggampan sa kanilang tungkulin. Dapat sana ay pumunta sila sa malayong lugar upang ipangaral ang ebanghelyo, umuuwi sa kanilang tahanan nang isang beses kada linggo o kahit minsan lang sa loob ng mahabang panahon, o maaari nilang lisanin ang kanilang tahanan at gampanan ang kanilang tungkulin nang buong oras at nang ayon sa kanilang iba’t ibang kakayahan at kalagayan, ngunit natatakot silang hindi matutuwa ang kanilang asawa sa kanila, na hindi magiging masaya ang kanilang buhay may-asawa, o na tuluyan nang matatapos ang kanilang buhay may-asawa, at para sa ikasasaya ng kanilang buhay may-asawa, isinusuko nila ang maraming oras na dapat sana ay iginugugol sa paggampan ng kanilang tungkulin. Lalo na kapag naririnig nila ang kanilang kabiyak na nagrereklamo o umaangal, mas lalo silang nagiging maingat sa pagpapanatili ng kanilang buhay may-asawa. Ginagawa nila ang lahat para mapasaya ang kanilang kabiyak at nagsisikap sila nang husto upang gawing masaya ang kanilang buhay may-asawa, para hindi ito magwakas. Siyempre, ang mas malubha pa rito ay may ilang tumatanggi sa tawag ng sambahayan ng Diyos at tumatangging gampanan ang kanilang tungkulin upang mapanatili ang kaligayahan sa kanilang buhay may-asawa. Kapag dapat sana ay nililisan nila ang kanilang tahanan upang gampanan ang kanilang tungkulin, dahil hindi nila kayang mawalay sa kanilang asawa o dahil tutol ang mga magulang ng kanilang asawa sa kanilang pananampalataya sa Diyos at tutol ang mga ito na iwanan nila ang kanilang trabaho at lisanin nila ang tahanan para magampanan ang kanilang tungkulin, nakikipagkompromiso sila at tinatalikdan nila ang kanilang tungkulin, sa halip ay pinipili nilang panatilihin ang kaligayahan at integridad ng kanilang buhay may-asawa. Upang mapanatili ang kasiyahan at integridad ng kanilang buhay may-asawa, at upang maiwasan ang pagkasira at pagtatapos ng kanilang buhay may-asawa, pinipili na lang nilang tuparin ang kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa buhay may-asawa at tinatalikdan nila ang misyon ng isang nilikha. Hindi mo naiisip na, anuman ang iyong papel sa pamilya o sa lipunan—ito man ay bilang asawa, anak, magulang, empleyado, o ano pa man—at mahalaga man o hindi ang iyong papel sa buhay may-asawa, iisa lamang ang iyong pagkakakilanlan sa harap ng Diyos at iyon ay bilang isang nilikha. Wala kang pangalawang pagkakakilanlan sa harap ng Diyos. Kaya, kapag tinatawag ka ng sambahayan ng Diyos, iyon ang oras na dapat mong gampanan ang iyong tungkulin. Ibig sabihin, bilang isang nilikha, hindi mo dapat tuparin lang ang iyong tungkulin kapag natutupad na ang kondisyon ng pagpapanatili ng kaligayahan at integridad sa iyong buhay may-asawa, sa halip, hangga’t ikaw ay isang nilikha, ang misyon na ibinibigay sa iyo at ipinagkakatiwala sa iyo ng Diyos ay dapat na tuparin nang walang kondisyon; anuman ang sitwasyon, obligasyon mo na gawing priyoridad ang misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos, habang ang misyon at responsabilidad na ibinigay sa iyo ng pag-aasawa ay hindi priyoridad(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (10)). Pagkatapos kong basahin ang siping ito ng mga salita ng Diyos, parang isang sinag ng liwanag ang tumagos sa puso ko. Bigla akong naliwanagan at nabigyang-liwanag. Gaya ng sinabi ng Diyos, binibigyan ko ng napakalaking halaga ang pagiging buo at kaligayahan ng aking buhay may asawa. Gusto ko lang gawin ang tungkulin ko basta mapapanatili ko ang kaligayahan ng aking buhay may asawa. Sa sandaling maapektuhan ng tungkulin ko ang aking buhay may asawa, hindi ko na magawa ang tungkulin ko nang may kapayapaan sa puso, at ginusto ko pa ngang bitiwan ang tungkulin ko para mapanatili ang aking buhay may asawa. Hindi ko inuna ang mga tungkulin ng isang nilikha. Naalala ko noong nag-aaral pa ako, malaki ang naging epekto sa akin ng mga pananaw sa pag-aasawa tulad ng “magkahawak kamay at tatanda nang magkasama,” at “nagnanais na makuha ang puso ng isang tao at manatiling magkasama hanggang sa pumuti ang buhok.” Palagi kong gustong makilala ang aking kabiyak, na magtatrato sa akin nang totoo, magpapakita sa akin ng konsiderasyon, mag-aalaga sa akin, at sasamahan ako habambuhay. Dahil dito, itinuring kong pinakamahalagang bagay ang aking buhay may asawa, at palagi akong nagsisikap na mapanatili ito. Matapos akong manampalataya sa Diyos, naniwala ang asawa ko sa mga walang batayang tsismis at sinubukan niya akong pigilan. Nag-alala akong magkakaroon ng lamat ang aming pagsasama kaya naghanap ako ng mga paraan para sumipsip sa kanya. Kapag ginagawa ko ang mga tungkulin ng isang lider, pabaya ako at iniraraos lang ang mga gawain. Araw-araw, pumapasok at umuuwi ako sa tamang oras na para bang papasok sa trabaho. Ang pagpapatupad ng ilang gawain ay hindi natapos, pero kapag naiisip kong tapos na siguro sa trabaho ang asawa ko at pauwi na, nagmamadali kong tinatapos ang pagtitipon at umuuwi na. Habang pauwi, iniisip ko pa kung paano kukunin ang loob ng asawa ko at mapapanatili ang relasyon ko sa kanya. Sa loob ng dalawang buwan na nasa bahay ako para ingatan ang kapaligiran, maaari sana akong gumawa ng ilang tungkulin. Gayumpaman, para mapanatili ang relasyon ko sa asawa ko, lubos kong binalewala ang gawain ng iglesia. Hindi lamang nito naantala ang buhay pagpasok ng mga kapatid ko, kundi napinsala rin nito ang gawain ng iglesia. Bukod pa riyan, nang lumabas ako para gawin ang tungkulin ko sa pagkakataong ito, tinanggap ko lang ito sa panlabas; hindi ko ito ginawa nang buong puso. Sa sandaling magkaroon ako ng libreng oras, binibilang ko na kung kailan ako uuwi. Naisip ko pa ngang magpalipat ng tungkulin para makauwi ako araw-araw. Masyado kong pinahalagahan ang kaligayahan at pagiging buo ng aking buhay may asawa; para bang ang pagkawala ng aking buhay may asawa ay isang mahalagang pangyayari tulad ng pagguho ng langit. Isa akong nilikha. Ang Diyos ang nagbigay sa akin ng buhay at nagkaloob sa akin ng lahat. Misyon kong gawin nang maayos ang tungkulin ng isang nilikha. Pero para mapanatili ang kaligayahan ng aking buhay may asawa, palagi kong ginagawa ang tungkulin ko nang pabasta-basta. Sobrang nakakahiya sa harap ng Diyos! Wala akong kahit katiting na konsensiya at katwiran ng isang nilikha. Nang maunawaan ko ito, nakaramdam ako ng paninisi sa sarili at hindi ako mapalagay. Lihim akong nagpasya: Sa hinaharap, handa akong isagawa ang katotohanan at suklian ang pagmamahal ng Diyos, at gamitin ang lahat ng aking oras at isipan sa aking tungkulin.

Isang araw noong Setyembre 2023, umuwi ako. Umuwing lasing ang asawa ko isang gabi at agresibo akong tinanong, “Madalas kang wala sa bahay. Saan ka tumutuloy? Ano’ng ginagawa mo?” Sinabihan din niya akong tumigil na sa pananampalataya sa Diyos. Hindi ako pumayag, kaya sinimulan niya akong saktan. Sa sobrang galit, umalis ako ng bahay. Isang araw noong Nobyembre, pumunta ako sa bahay ng nanay ko. Sabi ng nanay ko, “Sabi ng asawa mo, hindi na raw niya kayang mamuhay nang ganito. Gusto niyang umuwi ka at ayusin na ang mga papeles para sa diborsiyo.” Nang marinig ko ito, nakahinga ako nang maluwag. Naisip ko, “Bagama’t nagpakita siya ng maraming kabaitan at pag-aalaga sa akin sa lahat ng taon na ito, inusig din niya ako nang husto at sinubukan akong pigilang manampalataya sa Diyos. Kung magdidiborsiyo kami, malaya na akong makapapanampalataya sa Diyos at hindi na niya ako mapipigilan.” Gayumpaman, nang lumabas ako ng pinto at nakita ang lahat ng mag-asawang namamasyal sa kalye, naisip ko kung paanong dalawampung taon na kaming kasal. Kung magdidiborsiyo kami, nangangahulugan iyon na mula noon, wala nang anumang relasyon sa pagitan naming dalawa. Kung magkakasakit ako, sino ang mag-aalaga sa akin? Kung wala ang kanyang pagsama, magiging aba at malumbay ba ang natitirang bahagi ng buhay ko? Talaga bang tatapusin ko na lang nang ganito ang dalawampung taon ng buhay may-asawa? Nang maisip ko ito, pakiramdam ko ay parang asido ang dumadaloy sa puso ko, at bumuhos ang mga luha mula sa mga mata ko. Nanalangin ako sa Diyos, “Mahal kong Diyos, alam kong hindi na kailangang panatilihin pa ang pagsasama namin ng asawa ko. Handa akong makipagdiborsiyo sa kanya, pero sa tuwing naiisip kong talagang magdidiborsiyo na kami, hindi ko matiis ang sakit sa puso ko. Mahal kong Diyos, nawa’y bigyan Mo ako ng pananalig at lakas para makagawa ako ng tamang desisyon.”

Pagkatapos, nabasa ko ang mga salita ng Diyos: “Inorden ng Diyos ang pag-aasawa para sa iyo at pinagkalooban ka Niya ng isang kabiyak. Pumapasok ka sa pag-aasawa ngunit hindi nagbabago ang iyong pagkakakilanlan at katayuan sa harap ng Diyos—ikaw pa rin iyan. Kung ikaw ay isang babae, babae ka pa rin sa harap ng Diyos; kung ikaw ay isang lalaki, lalaki ka pa rin sa harap ng Diyos. Ngunit may isang bagay na pareho sa inyo, at iyon ay, lalaki ka man o babae, kayong lahat ay nilikha sa harap ng Lumikha. Sa loob ng balangkas ng pag-aasawa, kayo ay nagpaparaya at nagmamahal sa isa’t isa, nagtutulungan at sumusuporta sa isa’t isa, at ito ay pagtupad sa inyong mga responsabilidad. Ngunit sa harap ng Diyos, ang mga responsabilidad na dapat mong tuparin at ang misyon na dapat mong isakatuparan ay hindi maaaring mapalitan ng mga responsabilidad na tinutupad mo para sa iyong kabiyak. Kaya, kapag hindi nagkakatugma ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak at ang tungkulin na dapat gampanan ng isang nilikha sa harap ng Diyos, ang dapat mong piliin ay ang gampanan ang tungkulin ng isang nilikha at hindi ang tuparin ang iyong mga responsabilidad sa iyong kabiyak. Ito ang direksiyon at layunin na dapat mong piliin at, siyempre, ito rin ang misyon na dapat mong isakatuparan. Gayunpaman, may ilang tao na nagkakamali dahil ginagawa nilang misyon ng kanilang buhay ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, o ang pagtupad ng kanilang mga responsabilidad sa kanilang kabiyak, at ang kanilang pagmamalasakit, pag-aalaga, at pagmamahal sa kanilang kabiyak, at itinuturing nila ang kanilang kabiyak bilang ang kanilang langit, ang kanilang tadhana—mali ito. … Pagdating sa pag-aasawa, ang magagawa lamang ng mga tao ay tanggapin ito mula sa Diyos at sundin ang depinisyon ng pag-aasawa na inorden ng Diyos para sa tao, kung saan ang parehong mag-asawa ay tumutupad sa kanilang mga responsabilidad at obligasyon sa isa’t isa. Ang hindi nila magagawa ay ang itakda ang tadhana, nakaraang buhay, kasalukuyang buhay, o ang susunod na buhay ng kanilang kabiyak, lalo na ang buhay na walang-hanggan. Ang iyong hantungan, ang iyong tadhana, at ang landas na iyong susundin ay maaari lamang itakda ng Lumikha. Kaya, bilang isang nilikha, ang iyong papel man ay bilang isang misis o mister, ang kasiyahan na dapat mong hangarin sa buhay na ito ay nagmumula sa paggampan mo ng tungkulin ng isang nilikha at pagsasakatuparan sa misyon ng isang nilikha. Hindi ito nagmumula sa pag-aasawa mismo, lalong hindi sa pagtupad mo ng mga responsabilidad ng isang asawa sa loob ng balangkas ng pag-aasawa. Siyempre, ang landas na iyong pinipiling sundin at ang pananaw sa buhay na iyong ginagamit ay hindi dapat nakabatay sa kaligayahan sa pag-aasawa, lalong hindi ito dapat nakatakda batay sa isa sa mag-asawa—ito ay isang bagay na dapat mong maunawaan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (11)). “Tungkol naman sa pag-aasawa, hangga’t hindi ito sumasalungat o kumokontra sa iyong paghahangad sa katotohanan, hindi magbabago ang mga obligasyon na dapat mong tuparin, ang misyon na dapat mong isakatuparan, at ang papel na dapat mong gampanan sa loob ng balangkas ng buhay may-asawa. Kaya, ang paghingi na bitiwan mo ang paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa ay hindi nangangahulugan ng paghingi sa iyo na talikuran ang pag-aasawa o na makipagdiborsiyo ka bilang isang pormalidad, sa halip, nangangahulugan ito ng paghingi sa iyo na tuparin mo ang iyong misyon bilang isang nilikha at gampanan nang tama ang tungkulin na dapat mong gampanan sa batayan ng pagtupad sa mga responsabilidad na dapat mong gampanan sa buhay may-asawa. Siyempre, kung ang iyong paghahangad sa kaligayahan sa pag-aasawa ay nakakaapekto, nakahahadlang, o nakakasira pa nga sa paggampan mo ng tungkulin bilang isang nilikha, kung gayon, dapat mong talikdan hindi lang ang iyong paghahangad ng kaligayahan sa pag-aasawa, kundi pati na ang iyong buong buhay may-asawa. … Kung nais mong maging isang taong naghahangad sa katotohanan, ang dapat mong pinaka-isipin ay ang kung paano bitiwan ang hinihingi sa iyo ng Diyos na bitiwan at kung paano isakatuparan ang hinihingi sa iyo ng Diyos na isakatuparan mo. Kung hindi ka mag-aasawa at wala kang kabiyak sa iyong tabi sa hinaharap, sa mga darating na araw, maaari ka pa ring mabuhay hanggang sa pagtanda at mamuhay nang maayos. Ngunit kung tatalikdan mo ang oportunidad na ito, iyon ay katumbas ng pagtalikod mo sa iyong tungkulin at sa misyon na ipinagkatiwala sa iyo ng Diyos. Para sa Diyos, hindi ka na isang taong naghahangad sa katotohanan, isang taong tunay na ninanais ang Diyos, o isang taong naghahangad sa kaligtasan. Kung aktibo mong ninanais na talikuran ang iyong oportunidad at karapatan na makamit ang kaligtasan at ang iyong misyon, at sa halip ay pinipili mo ang buhay may-asawa, pinipili mong manatiling kaisa ng iyong asawa, pinipili mong makasama at bigyang-kasiyahan ang iyong asawa, at pinipili mong panatilihing matibay ang iyong buhay may-asawa, kung gayon, sa huli ay makakamit mo ang ilang bagay at mawawala sa iyo ang ilang bagay. Nauunawaan mo naman kung ano ang mawawala sa iyo, hindi ba? Ang buhay may-asawa at ang kaligayahan sa buhay may-asawa ay hindi ang lahat-lahat para sa iyo—hindi ito ang magpapasya ng iyong kapalaran, hindi ito ang magpapasya ng iyong hinaharap, at mas lalong hindi ito ang magpapasya ng iyong hantungan(Ang Salita, Vol. VI. Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan. Paano Sikaping Matamo ang Katotohanan (10)). Pagkatapos kong basahin ang mga salita ng Diyos, naramdaman kong napakaliwanag at napakalinaw ng puso ko. Itinakda ng Diyos na para sa mga tao, ang kahulugan ng pag-aasawa ay para lang hayaan ang mga tao na samahan at alagaan ang isa’t isa. Pumasok ako sa pag-aasawa, at sa loob ng buhay may asawa, magagawa kong tuparin ang responsabilidad ko na samahan at alagaan ang aking kabiyak. Ngunit hindi maaaring palitan ng mga responsabilidad ng buhay may asawa ang misyon ng isang nilikha. Kapag tumawag ang tungkulin, dapat kong unahin ang paggawa nang maayos sa tungkulin ng isang nilikha. Kung tatalikuran ko ang tungkulin ko para hangarin ang isang masayang buhay may asawa, hindi ko makakamit ang katotohanan at matatanggap ang kaligtasan ng Diyos. Sa huli, mahuhulog ako sa malalaking kalamidad at malilipol. Noong nakaraan, ang paghahangad lang ng masayang pag-aasawa ang iniisip ko. Ginugol ko ang maraming oras at pagsisikap sa pagpapanatili ng relasyon ko sa aking asawa. Gusto kong hawakan ang buhay may asawa ko sa isang kamay, at ang katotohanan sa kabila. Gusto kong asikasuhin pareho. Sa huli, maraming taon akong naniwala sa Diyos pero hindi ko pa rin naunawaan ang katotohanan. Nag-aksaya ako ng maraming panahon. Para mapanatili ang tinatawag na kaligayahan ng aking pag-aasawa, nagpakapagod ako hanggang sa naging sukdulan ang pagod ko. Nasaan ang kaligayahan doon!? Naisip ko rin na ang pananampalataya sa Diyos ay ganap na likas at may katwiran. Hindi nananampalataya sa Diyos ang asawa ko at sinubukan pa niya akong pigilang manampalataya. Sa sandaling mabanggit ko ang anumang may kinalaman sa pananampalataya sa Diyos, nagagalit siya sa akin. Inaakusahan, binubugbog, at minumura pa nga niya ako, at madalas akong tinatakot na didiborsiyuhin niya. Sa diwa, isa siyang demonyo. Gaya ng sinabi ng Diyos, “Hindi magkatugma ang mga mananampalataya at ang mga walang pananampalataya; bagkus ay magkasalungat sila sa isa’t isa(Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Papasok sa Pahinga ang Diyos at ang Tao Nang Magkasama). Kami ay dalawang uri ng tao na hindi magkaayon, at tinatahak namin ang dalawang lubhang magkaibang landas. Talagang walang paraan para makasama kong tumanda ang isang demonyong lumalaban sa Diyos tulad ng asawa ko. Pero hinangad ko pa rin ang isang pangmatagalang buhay may asawa kasama siya, kung saan tatanda kaming magkasama. Hangal kong pinanatili nang masusi ang pagsasamang ito. Hindi ba’t ito ay bulag na pagsunod sa isang demonyo? Masyadong magulo ang isip ko! Masyadong hangal! Ang pagpapanatili ng aking relasyon sa isang demonyo ay maaari lamang magdulot sa akin na iwasan ang Diyos, ipagkanulo ang Diyos, at putulin ang sarili kong pagkakataong maligtas. Umaasa sa isang maling pananaw sa pag-ibig, itinuring kong misyon ang paghahangad ng isang masayang buhay may asawa, at binalot ng mga makalamang damdamin ang puso ko. Ayaw kong kilatisin ang asawa ko ayon sa kalikasang diwa niya. Kung hindi isinaayos ng Diyos ang kapaligiran, at kung wala ang kaliwanagan at gabay ng mga salita ng Diyos, hindi ko pa rin sana ito nakita nang malinaw; mananatili pa rin sana akong matigas ang ulo at hangal. Talagang bulag at mangmang ako! Hindi ko na kayang patuloy na mamuhay sa mga maling kaisipan at pananaw na ito. Kahit na gusto ng asawa kong makipagdiborsiyo sa akin, kailangan ko pa ring gawin ang tungkulin ng isang nilikha. Ito talaga ang aking misyon!

Sa aking mga debosyonal, narinig ko ang isang himno ng mga salita ng Diyos na talagang nakaantig sa akin.

Papasukin ang Diyos sa Puso Mo

Makapapasok lang sa iyong puso ang Diyos kung bubuksan mo ito sa Kanya. Makikita mo lang kung ano ang mayroon at kung ano ang Diyos, at makikita mo lang ang Kanyang mga layunin para sa iyo, kung nakapasok na Siya sa iyong puso.

1  Sa sandaling iyon, matutuklasan mo na napakahalaga ng lahat ng tungkol sa Diyos, na talagang karapat-dapat pakaingatan ang kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Kumpara doon, ang mga tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo, at maging ang iyong mga mahal sa buhay, ang iyong kapareha, at ang mga bagay na iyong minamahal, ay labis na hindi karapat-dapat na mabanggit, napakaliit, at napakababa sa iyo. Madarama mo na walang materyal na bagay ang muling makahahatak sa iyo, o makaaakit sa iyo na magbayad ng anumang halaga para dito. Sa pagpapakumbaba ng Diyos ay makikita mo ang Kanyang kadakilaan at ang Kanyang pangingibabaw. Higit pa rito, makikita mo ang walang hanggang karunungan ng Diyos at ang Kanyang pagpaparaya sa ilang gawa Niya na pinaniwalaan mo noon na masyadong maliit, pati na ang pagtitiyaga, pagtitimpi, at pag-unawa na ipinapakita Niya sa iyo. Magdudulot ito sa iyo ng pagsamba para sa Kanya.

2  Sa araw na iyon, mararamdaman mo na nabubuhay ang sangkatauhan sa isang maruming mundo, at na, ito man ay ang mga taong nasa tabi mo o ang mga bagay na nangyayari sa iyong paligid, o maging yaong iyong iniibig, at ang kanilang pag-ibig para sa iyo, at ang kanilang tinatawag na pag-iingat o ang kanilang malasakit para sa iyo, ay pawang hindi man lang karapat-dapat na banggitin—ang Diyos lang ang iyong pinakaminamahal, at ang pinakamahalaga mong yaman. Napakadakila ng pag-ibig ng Diyos, at napakabanal ng Kanyang diwa—sa Diyos ay walang panlilinlang, walang kasamaan, walang inggit, at walang alitan, kundi tanging pagiging matuwid at katapatan; ang lahat ng kung ano mga tinataglay ng Diyos at ang Kanyang pagiging Diyos ay dapat kasabikan ng mga tao, at dapat din itong hangarin at asamin ng mga tao.

—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo III

Talagang naantig ako nang marinig ko ang himnong ito ng mga salita ng Diyos. Ang pagmamahalan sa pagitan ng mga tao ay itinatag sa pundasyon ng pagpapalitan. Kapag sinasamahan ko ang asawa ko at inaalagaan siya at ang mga anak namin, mabuti ang pakikitungo niya sa akin; kapag wala akong oras para alagaan siya, nagsimula siyang magalit at gusto na niyang makipagdiborsiyo dahil wala siyang nakukuhang anumang pakinabang mula sa akin. Kapag nagawang tiwali na ni Satanas ang mga tao, inuuna na nilang lahat ang pakinabang. Walang tunay na pag-ibig sa pagitan ng mga tao. Kahit na mayroong katiting na tinatawag na pag-ibig, ito ay udyok pa rin ng pakinabang. Sa mga taong iyon, minsan ko nang isinantabi ang tungkulin ko at ipinagkanulo ang Diyos para mapanatili ang kaligayahan ng aking buhay may asawa. Gayumpaman, hindi ako tinrato ng Diyos ayon sa mga ikinilos ko. Nagpakita pa rin sa akin ng awa at biyaya ang Diyos, tunay na nagsaayos ng isang kapaligiran para iligtas ako at bigyan ako ng pagkakataong magsisi, at ginamit ang Kanyang mga salita para bigyang-liwanag ako upang makita ko ang mga pakana ni Satanas. Inilabas Niya ako sa aking mga maling pananaw sa pag-aasawa para hindi na ako muling mapinsala ni Satanas. Napagtanto kong ang Diyos lamang ang pinakamasidhing nagmamahal sa mga tao, at ang pag-ibig lamang ng Diyos ang tunay at banal.

Kalaunan, pumayag akong makipagdiborsiyo sa asawa ko, pero ayaw na niya. Sinabi pa niya na basta’t umuwi ako, tatratuhin niya ako nang mabuti tulad ng dati, at hindi na niya susubukang pigilan ang pananampalataya ko sa Diyos. Naisip ko kung paanong gumamit ang asawa ko ng mga pananakot, karahasan, at pagmumura para pilitin akong talikuran ang aking pananampalataya sa Diyos. Nang makita niyang hindi gumana ang mga taktikang iyon, gumamit siya ng matatamis na salita para lokohin ako. Kahit paano niya baguhin ang kanyang mga taktika, ang kanyang diwa ay diwa ng isang demonyo. Ang kanyang diwa ng pagiging kaaway ng Diyos ay hindi kailanman magbabago. Sampung taon na niya akong sinusubukang pigilan sa pananampalataya sa Diyos. Kung kaya niyang magbago, matagal na sana siyang nagbago. Kung maniniwala ulit ako sa sinabi niya, mahuhulog lang ako sa patibong at maloloko, at mawawala sa akin ang sarili kong pagkakataong maligtas ng Diyos. Kaya binalewala ko ang sinabi niya. Naisip ko, “Kahit hindi kami magdiborsiyo, hindi ko na siya hahayaang hadlangan ang aking pananampalataya sa Diyos at ang pagganap sa aking mga tungkulin.” Pagkatapos, palagi kong ginagawa ang aking mga tungkulin sa iglesia, at napanatag ang puso ko. Huminto na ako sa pag-iisip kung paano pananatilihin ang buhay may asawa at pamilya ko, at sa wakas ay nakalaya na ako sa pagkakagapos at pagpipigil ng aking asawa. Ngayon ay malaya na akong manampalataya sa Diyos at gawin ang tungkulin ko. Napakalaking tulong nito sa paglago ng buhay ko. Salamat sa Diyos sa Kanyang pagliligtas!

Sinundan:  97. Mga Pagninilay Matapos Kong Tanggihan ang Aking Tungkulin

Kaugnay na Nilalaman

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger