d. Bakit lilipulin ng Diyos ang masasamang tao na lumalaban sa Kanya
Mga Salita ng Makapangyarihang Diyos ng mga Huling Araw
Nilikha ng Diyos ang mga tao, inilagay Niya sila sa lupa at inaakay sila magmula noon, kalaunan, iniligtas Niya sila at nagsilbi Siya bilang isang handog para sa kasalanan para sa sangkatauhan, at sa katapusan, dapat pa rin Niyang lupigin ang sangkatauhan, ganap na iligtas ang sangkatauhan, at ibalik ang tao sa kanyang orihinal na wangis. Ito ang gawaing isinasagawa Niya mula sa simula hanggang sa wakas—ang pagpapanumbalik sa tao sa orihinal nitong imahe at wangis. Itatatag ng Diyos ang kaharian Niya at ipapanumbalik ang orihinal na wangis ng tao, na nangangahulugang ipapanumbalik ng Diyos ang awtoridad Niya sa lupa at sa gitna ng lahat ng nilikha. Matapos gawing tiwali ni Satanas, nawala sa mga tao ang may-takot-sa-Diyos nilang puso gayundin ang papel na nararapat na mayroon ang mga nilikha. Lahat sila ay naging mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Diyos, nabuhay sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas, at napailalim sa pagmamanipula ni Satanas; sa gayon, walang paraan ang Diyos upang gumawa sa gitna ng mga nilikha Niya, at lalong hindi Niya makamit ang takot ng mga ito. Ang tao ay nilikha ng Diyos, at dapat sumamba sa Diyos, ngunit ang totoo ay tinalikuran niya ang Diyos at sa halip ay sumamba siya kay Satanas. Naging diyos-diyosan si Satanas sa kanyang puso. Sa gayon, nawalan ang Diyos ng lugar sa kanyang puso, na ang ibig sabihin ay nawala ang kahulugan sa likod ng paglikha ng Diyos sa tao. Samakatwid, upang mapanumbalik ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa tao, dapat Niyang maipanumbalik ang orihinal niyang wangis at tanggalin sa tao ang kanyang mga tiwaling disposisyon. Upang mabawi ang tao mula kay Satanas, dapat siyang iligtas ng Diyos mula sa kasalanan. Tanging sa ganitong paraan unti-unting maipapanumbalik ng Diyos ang orihinal niyang wangis at papel, at sa wakas, ay mapapanumbalik ang kaharian ng Diyos. Ang ganap na pagkalipol ng yaong mga anak ng paghihimagsik sa huli ay magiging para din sa kapakanan ng pagtutulot sa tao na sambahin nang mas mabuti ang Diyos at mabuhay sa lupa nang mas maayos. Yamang nilikha ng Diyos ang mga tao, idudulot Niya na sumamba sila sa Kanya; yamang ninanais Niyang mapanumbalik ang orihinal na papel ng tao, ganap Niya itong panunumbalikin, at nang walang anumang halo. Ang pagpapanumbalik ng awtoridad Niya ay nangangahulugan ng pagdulot na sumamba at magpasakop ang tao sa Kanya; nangangahulugan ito na gagawin ng Diyos na mabuhay ang tao nang dahil sa Kanya at magdulot na malipol ang mga kaaway Niya bilang bunga ng Kanyang awtoridad. Nangangahulugan ito na idudulot ng Diyos na mamalagi sa gitna ng mga tao ang lahat ng tungkol sa Kanya nang walang paglaban mula kahit kanino. Ang kahariang ninanais itatag ng Diyos ay ang sarili Niyang kaharian. Ang sangkatauhang ninanais Niya ay yaong sumasamba sa Kanya, yaong ganap na nagpapasakop sa Kanya at nagtataglay ng kaluwalhatian Niya. Kung hindi ililigtas ng Diyos ang tiwaling sangkatauhan, mawawala ang kahulugan sa likod ng paglikha Niya sa tao; mawawalan na Siya ng awtoridad sa mga tao, at hindi na magagawang umiral sa lupa ang kaharian Niya. Kung hindi lilipulin ng Diyos yaong mga kaaway na mapaghimagsik laban sa Kanya, hindi Niya magagawang makamit ang ganap Niyang kaluwalhatian, at hindi rin Niya magagawang itatag ang kaharian Niya sa lupa. Ang ganap na lipulin iyong mga kabilang sa sangkatauhan na mapaghimagsik laban sa Kanya, at dalhin sa pamamahinga yaong mga nagawa nang ganap—ang mga ito ang magiging mga tanda ng pagtatapos ng gawain Niya at ng dakilang tagumpay Niya. Kapag napanumbalik na ang mga tao sa orihinal nilang wangis, at kapag kaya na nilang tuparin ang kani-kanilang mga tungkulin, manatili sa sarili nilang mga wastong kinalalagyan, at magpasakop sa lahat ng pagsasaayos ng Diyos, nakamit na ng Diyos ang isang grupo ng mga tao sa lupa na sumasamba sa Kanya, at naitatag na rin Niya ang isang kaharian sa lupa na sumasamba sa Kanya. Magkakaroon Siya ng walang hanggang tagumpay sa lupa, at ang lahat ng sumasalungat sa Kanya ay masasawi magpasawalang hanggan. Panunumbalikin nito ang orihinal Niyang layunin sa paglikha sa tao; panunumbalikin nito ang layunin Niya sa paglikha ng lahat ng bagay, at panunumbalikin din nito ang awtoridad Niya sa lupa, sa gitna ng lahat ng bagay, at sa gitna ng mga kaaway Niya. Ang mga ito ang magiging mga tanda ng ganap Niyang tagumpay. Magmula sa oras na iyon, papasok ang sangkatauhan sa pamamahinga at sisimulan ang buhay na nasa tamang landas. Papasok din sa walang hanggang pamamahinga ang Diyos kasama ang sangkatauhan, at magsisimula ng isang walang hanggang buhay na kapwa pagsasaluhan Niya at ng mga tao. Naglaho na ang dumi at paghihimagsik sa lupa, at humupa na ang lahat ng pagtangis, at tumigil na sa pag-iral ang lahat ng nasa daigdig na ito na sumasalungat sa Diyos. Tanging ang Diyos at yaong mga taong hinatiran Niya ng kaligtasan ang mananatili; tanging ang nilikha Niya ang mananatili.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Diyos at ang Tao ay Magkasamang Papasok sa Pamamahinga
Masasama at tiwaling mga tao! Kailan kita lululunin? Kailan kita ibabaon sa lawa ng apoy at asupre? Napakaraming beses na Akong itinaboy mula sa inyong grupo, napakaraming beses na Akong ininsulto, tinuya, at siniraang-puri ng mga tao, at napakaraming beses na Akong lantarang hinusgahan at nilabanan ng mga tao. Bulag na mga tao! Hindi ba ninyo alam na kayo ay isang dakot na putik lamang sa Aking palad? Hindi ba ninyo alam na kayo ay mga nilikha lamang? Ang Aking poot ay pinakakawalan ngayon, at walang sinuman ang makakayanan ito. Ang tanging magagawa ng mga tao ay paulit-ulit na magmakaawa. Gayumpaman, dahil ang Aking gawain ay nakasulong na hanggang sa antas na ito, walang sinumang makakapagbago nito. Ang mga nilikha ay dapat bumalik sa putik. Hindi sa Ako ay hindi matuwid, kundi sa kayo ay masyadong tiwali at walang pakundangan, at ito ay dahil sa kayo ay nabihag na ni Satanas at naging mga kasangkapan nito. Ako ang banal na Diyos Mismo; hindi Ako maaaring marumihan, ni hindi rin Ako maaaring mag-angkin ng maruming templo. Mula ngayon, ang Aking matinding galit (na mas matindi kaysa sa poot) ay magsisimulang bumuhos sa bawat bansa at bawat bayan, at kumastigo sa lahat ng salanggapang na nagmumula sa Akin ngunit hindi nakakakilala sa Akin. Sukdulan Kong kinamumuhian ang mga tao, at hindi Ko na sila pakikitaan ng higit na pagpaparaya; sa halip, magpapaulan Ako ng lahat ng Aking sumpa. Talagang wala nang magiging awa at mapagmahal na kabaitan, at lahat ay susunugin hanggang mawala, upang ang kaharian Ko lamang ang matira, at pupurihin Ako ng Aking mga tao sa Aking sambahayan, luluwalhatiin nila Ako, at magbubunyi sila para sa Akin magpakailanman (na tumutukoy sa papel ng Aking mga tao). Magsisimula ang Aking kamay na kapwa opisyal na kastiguhin ang mga nasa loob at nasa labas ng Aking sambahayan. Walang gumagawa ng masama ang makakatakas sa Aking kamay at paghatol; ang lahat ay dapat sumailalim dito at sumamba sa Akin. Ito ang Aking pagiging maharlika, at higit pa roon ay isa itong atas administratibo na Aking ipinoproklama sa mga gumagawa ng masama. Walang sinumang makakapagligtas sa iba. Ang maaasikaso lamang ng mga tao ay ang mga sarili nila mismo, ngunit anuman ang gawin nila, hindi nila magagawang takasan ang Aking kamay ng pagkastigo. Ang dahilan kaya nasabing ang Aking mga atas administratibo ay mahigpit ay ibinubunyag dito; ito ay isang katunayan na makikita ng lahat ng tao gamit ang kanilang sariling mga mata.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Mga Pagbigkas ni Cristo sa Pasimula, Kabanata 109
Ang mga tao ay walang iba kundi ang Aking mga kaaway. Ang mga tao ang masasama na sumasalungat at naghihimagsik laban sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga anak ng masama na Aking isinumpa. Ang mga tao ay walang iba kundi ang mga inapo ng arkanghel na nagkanulo sa Akin. Ang mga tao ay walang iba kundi ang pamana ng masamang diyablo na noon pa man ay itinaboy Ko na at direktang kaaway Ko. Sapagkat ang kalangitan sa itaas ng buong sangkatauhan ay malabo at madilim, wala ni katiting na impresyon ng kalinawan, at ang mundo ng tao ay nalubog sa sukdulang kadiliman, kaya ni hindi makita ng isang nabubuhay rito ang kanyang nakaunat na kamay na nasa kanyang harapan o ang araw kapag siya ay nakatingala. Ang daan na kanyang tinatapakan, na maputik at puro lubak, ay paliku-liko; nagkalat ang mga bangkay sa buong lupain. Ang madidilim na sulok ay puno ng mga labi ng patay, at sa malalamig at nasa lilim na sulok ay naninirahan ang mga pulutong ng mga demonyo. Sa lahat ng dako, kawan-kawan na pumaparoo’t parito ang mga demonyo sa gitna ng mga tao. Ang mga inapo ng lahat ng klase ng mga halimaw, na natatakpan ng dumi, ay subsob sa matinding labanan, na ang ingay ay nakasisindak sa puso. Sa gayong mga panahon, sa gayong mundo, sa gayong “paraiso sa lupa,” saan tutungo ang isang tao upang maghanap ng mga kagalakan sa buhay? Saan makakapunta ang isang tao upang mahanap ang kanyang hantungan sa buhay? Ang sangkatauhan, na matagal nang tinatapakan ni Satanas, ay isang tagapagtanghal na gumaganap sa imahe ni Satanas—higit pa riyan, ang sangkatauhan ang pagsasakatawan ni Satanas, at nagsisilbing katibayan na “matunog na nagpapatotoo” kay Satanas. Paano makakapagpatotoo sa Diyos ang gayong lahi ng tao, ang gayong pangkat ng masamang latak, ang gayong supling ng isang tiwaling pamilya ng tao? Saan galing ang Aking kaluwalhatian? Mayroon bang anumang patotoo sa Akin na mababanggit? Sapagkat ang kaaway na kumakalaban sa Akin, at na ginawang tiwali ang sangkatauhan, ay naangkin na ang sangkatauhan—ang sangkatauhang nilikha Ko noong unang panahon at pinuspos ng Aking kaluwalhatian at Aking pagsasabuhay—at dinungisan sila. Naagaw nito ang Aking kaluwalhatian, at ang tanging itinanim nito sa tao ay lason na lubhang nahaluan ng kapangitan ni Satanas, at katas mula sa bunga ng puno ng kaalaman tungkol sa mabuti at masama. Sa simula, nilikha Ko ang sangkatauhan; ibig sabihin, nilikha Ko ang ninuno ng sangkatauhan, si Adan. Pinagkalooban siya ng anyo at wangis, nag-uumapaw sa sigla, nag-uumapaw sa lakas, at higit pa riyan, kapiling siya ng Aking kaluwalhatian. Iyan ang maluwalhating araw nang likhain Ko ang tao. Pagkatapos niyan, ginawa si Eba mula sa katawan ni Adan, at siya man ay ninuno ng tao. Kaya, ang mga taong nilikha Ko ay puno ng Aking hininga at nag-uumapaw sa Aking kaluwalhatian. Si Adan ay orihinal na “isinilang” mula sa Aking kamay at siyang kumakatawan sa Aking wangis. Sa gayon, ang likas na kahulugan ng “Adan” ay isang nilalang na Aking nilikha na puspos ng Aking masiglang lakas, puspos ng Aking kaluwalhatian, may anyo at wangis, may isang espiritu at hininga. Siya lamang ang nilikha na may angking espiritu na may kapabilidad na kumatawan sa Akin at taglayin ang Aking wangis, at nakatanggap ng Aking hininga. Sa simula, si Eba ang ikalawang taong pinagkalooban ng hininga na ang paglikha ay Aking inorden, kaya ang likas na kahulugan ng “Eba” ay isang nilikha na magpapatuloy ng Aking kaluwalhatian, at puno ng Aking sigla at higit na pinagkalooban ng Aking kaluwalhatian. Si Eba ay nagmula kay Adan, kaya taglay rin niya ang Aking wangis, sapagkat siya ang ikalawang taong nilikha sa Aking wangis. Ang likas na kahulugan ng “Eba” ay isang buhay na tao na may espiritu, laman, at buto. Siya ang ikalawang patotoo Ko at Aking ikalawang wangis sa gitna ng sangkatauhan. Sila ang mga ninuno ng sangkatauhan, ang mga mahalaga at dalisay sa sangkatauhan, at sila ay orihinal na mga buhay na nilalang na pinagkalooban ng mga espiritu. Gayunman, tinapakan at binihag ng masama ang mga inapo ng mga ninuno ng sangkatauhan, at isinadlak ang mundo ng tao sa ganap na kadiliman, at idinulot ito upang hindi na maniwala ang mga inapo sa Aking pag-iral. Mas karumal-dumal pa ay na, habang ginagawang tiwali ng masama ang mga tao at tinatapakan sila, malupit nitong inagaw ang Aking kaluwalhatian, ang Aking patotoo, ang siglang ipinagkaloob Ko sa kanila, ang hininga at ang buhay na inihip Ko sa kanila, ang Aking buong kaluwalhatian sa mundo ng tao, at lahat ng dugo ng puso na Aking ginugol sa sangkatauhan. Wala na sa liwanag ang sangkatauhan, naiwala na nila ang lahat ng Aking ipinagkaloob sa kanila, at itinapon na nila ang kaluwalhatiang Aking ipinagkaloob sa kanila. Paano nila maaaring kilalanin na Ako ang Panginoon ng buong sangnilikha? Paano sila maniniwala sa Aking pag-iral sa langit? Paano nila matutuklasan ang mga pagpapamalas ng Aking kaluwalhatian sa ibabaw ng lupa? Paano ituturing ng mga apong lalaki at babaeng ito ang Diyos na kinatakutan ng sarili nilang mga ninuno bilang Panginoon na lumikha sa kanila? Ang kaawa-awang mga apong ito ay aktuwal na “inialay” nang may malaking pagkabukas-palad sa masama ang kaluwalhatian, ang wangis, at ang patotoong ipinagkaloob Ko kina Adan at Eba, gayundin ang buhay na ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan at kung saan sila umaasa para manatiling buhay; at hindi nila binibigyang-pansin kahit kaunti ang presensiya ng masama, at ibinibigay nila ang Aking buong kaluwalhatian dito. Hindi ba’t ito mismo ang pinagmulan ng terminong “masamang latak”? Paano tataglayin ng gayong sangkatauhan, gayong masasamang demonyo, gayong mga bangkay na naglalakad, gayong mga Satanas, gayong mga kaaway Ko ang Aking kaluwalhatian? Babawiin Ko ang Aking kaluwalhatian, babawiin Ko ang Aking patotoo sa gitna ng tao, at lahat ng orihinal na Akin at ang ipinagkaloob Ko sa sangkatauhan noong unang panahon—ganap Kong lulupigin ang tao. Gayunman, dapat mong malaman na ang mga taong Aking nilikha ay mga dalisay na tao na taglay ang Aking wangis at Aking kaluwalhatian. Hindi sila pag-aari ni Satanas, ni hindi sila natapakan nito, kundi purong pagpapamalas Ko lamang, malaya sa pinakakaunting bahid ng lason ni Satanas. Kaya naman, ipinapaalam Ko sa lahat ng tao: ang tanging nais Ko ay ang mga dalisay na nilikha ng Aking kamay, at ang minamahal Ko at hindi nabibilang sa anupamang ibang nilalang, at masisiyahan Ako sa kanila at ituturing Ko silang Aking kaluwalhatian, gayunman, ang nais Ko ay hindi ang sangkatauhang nagawang tiwali ni Satanas, na pag-aari ni Satanas ngayon, at hindi na ang Aking orihinal na likha. Dahil layon Kong bawiin ang Aking kaluwalhatian sa mundo ng tao, ganap Kong lulupigin ang nanatiling buhay sa sangkatauhan, bilang katunayan ng Aking kaluwalhatian sa pagtalo kay Satanas. Ang Aking patotoo lamang ang tinatanggap Ko bilang Aking kristalisasyon, bilang layon ng Aking kasiyahan. Ito ang Aking layunin.
Umunlad ang sangkatauhan sa loob ng sampu-sampung libong taon hanggang sa ngayon. Subalit ang sangkatauhang nilikha Ko sa simula ay matagal nang nabaon sa pagkabulok, at ang sangkatauhan ay hindi na ang sangkatauhang hangad Ko, at sa gayon, sa Aking paningin, ang tao ay matagal nang humintong matawag na sangkatauhan. Sa halip, siya ang masamang latak ng sangkatauhan na nabihag ni Satanas, isang bulok na naglalakad na bangkay na pinamamahayan ni Satanas at ibinibihis ni Satanas sa sarili nito. Sadyang hindi naniniwala ang tao sa Aking pag-iral, at hindi rin ito sumasalubong sa Aking pagparito. Ang sangkatauhan ay nag-aatubiling humaharap lamang sa Aking mga hinihingi sa pabasta-bastang pamamaraan, pansamantalang sumasang-ayon sa mga iyon, at hindi taos-pusong nakikibahagi sa Akin sa mabubuti at masasamang panahon. Dahil ang tingin ng tao sa Akin ay imposible Akong maunawaan, napipilitan lang itong ngumiti sa Akin, na nagbubunyag ng asal ng paninipsip sa may kapangyarihan, sapagkat walang alam ang tao tungkol sa Aking gawain, lalo na sa Aking mga layunin sa kasalukuyan. Magtatapat Ako sa inyo: Pagdating ng araw, ang paghihirap ng sinumang sumasamba sa Akin ay magiging mas madaling tiisin kaysa sa inyo. Ang laki ng inyong pananalig sa Akin, sa totoo lang, ay hindi nakahihigit kaysa kay Job—kahit ang pananalig ng mga Pariseong Hudyo ay nakahihigit sa inyo—kaya naman, kung dumating ang araw ng apoy, magiging mas malubha ang inyong mga araw kaysa sa pagsasaway na natanggap ng mga Pariseo mula kay Jesus, kaysa sa pagdurusa na dinanas ng 250 pinunong kumontra kay Moises, at kaysa sa paglalagablab ng mga apoy na dinanas ng Sodoma sa panahon ng pagkawasak nito.
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Ang Kahulugan ng Maging Isang Tunay na Tao
Ang sangkatauhang ito ay naging tiwali nang sukdulan. Hindi nila kilala kung sino ang Diyos o kung saan sila mismo nagmula. Kapag binanggit mo ang Diyos, sila ay mang-aatake, maninirang-puri, at manlalapastangan. Kahit noong dumating ang mga lingkod ng Diyos upang iparating ang Kanyang babala, ang mga tiwaling taong ito ay hindi lamang nagpakita ng kawalan ng mga tanda ng pagsisisi at hindi tinalikuran ang kanilang masamang gawa, bagkus, walang habas nilang sinaktan ang mga lingkod ng Diyos. Ang kanilang ipinahayag at ibinunyag ay ang kanilang kalikasang diwa ng masidhing pagkamuhi sa Diyos. Makikita natin na ang paglaban ng mga tiwaling taong ito sa Diyos ay higit pa sa isang pagbubunyag ng kanilang mga tiwaling disposisyon, gaya ng pagiging higit pa nito sa isang pagkakataon ng paninirang-puri o panunuya na umusbong mula sa kakulangan ng pag-unawa sa mga katunayan. Hindi kahangalan at kamangmangan ang nagdulot ng kanilang masasamang gawa; hindi ito dahil sa sila ay nalinlang, at tiyak na hindi ito dahil sa sila ay nailihis. Ang kanilang asal ay umabot na sa antas ng pagiging antagonistiko at tutol sa Diyos, at pagpoprotesta laban sa Kanya, sa isang paraan na lantaran at walang habas. Walang dudang ang ganitong uri ng pag-uugali ng tao ay ikagagalit ng Diyos, at ikagagalit ng Kanyang disposisyon—isang disposisyon na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala. Samakatwid, tuwiran at lantarang pinakawalan ng Diyos ang Kanyang poot at ang Kanyang pagiging kapita-pitagan; isa itong tunay na pagbubunyag ng Kanyang matuwid na disposisyon. Nahaharap sa isang lungsod na nag-uumapaw sa kasalanan, nagnais ang Diyos na wasakin ito sa pinakamabilis na paraang maaari, upang lipulin ang mga mamamayan sa loob nito at ang lahat ng kanilang mga kasalanan sa pinakaganap na paraan, upang mapatigil sa pag-iral ang mga mamamayan ng lungsod na ito at upang mapigilang lumitaw ang kasalanan sa lugar na ito. Ang pinakamabilis at pinakaganap na paraan ng pagsasagawa nito ay ang tupukin ito ng apoy. Ang saloobin ng Diyos sa mga taga-Sodoma ay hindi pag-abandona o pagsasawalang-bahala. Sa halip, ninais Niyang gamitin ang Kanyang poot, pagiging kapita-pitagan at awtoridad upang parusahan, hampasin, at lubos na lipulin ang mga taong ito. Sa Kanyang saloobin sa kanila, ninais ng Diyos na hindi lamang wasakin ang kanilang laman, kundi higit pa rito ay wasakin ang kanilang mga kaluluwa, puksain sila nang walang hanggan. Ito ang ibig sabihin ng “tumigil sa pag-iral” sa paningin ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Ang pakikitungo ng Diyos sa buong sangkatauhan, hangal at mangmang man ito, ay pangunahing nakabatay sa awa at pagtitimpi. Sa kabilang banda, ang Kanyang poot ay nananatiling nakatago at hindi nalalaman ng tao sa malaking mayorya ng panahon at sa malaking mayorya ng mga kaganapan. Bilang resulta, mahirap para sa tao na makita ang pagpapahayag ng poot ng Diyos, at mahirap ding maunawaan ang Kanyang poot. Dahil dito, minamaliit ng tao ang poot ng Diyos. Kapag nahaharap ang mga tao sa huling gawain at hakbang ng Diyos ng pagpapakita ng pagtitimpi at pagpapalampas sa tao—ibig sabihin, kapag ang huling pagkakataon ng awa ng Diyos at ang Kanyang huling babala ay dumating sa mga tao—kung gagamitin pa rin ng mga tao ang parehong mga pamamaraan upang labanan ang Diyos at hindi sila magsisisi, magbabalik-loob, o hindi nila tatanggapin ang Kanyang awa kahit kaunti, kung gayon, hindi na ipagkakaloob ng Diyos ang Kanyang pagtitimpi at pagpapasensiya sa kanila. Bagkus, babawiin ng Diyos ang Kanyang awa sa panahong ito. Kasunod nito, ibubuhos na lamang Niya ang Kanyang poot. Maaari Niyang ipahayag ang Kanyang poot sa iba’t ibang mga paraan, gaya ng kung paanong maaari Siyang gumamit ng iba’t ibang mga pamamaraan upang parusahan at wasakin ang mga tao.
Ginamit ng Diyos ang apoy upang wasakin ang lungsod ng Sodoma. Sa mga mata ng Diyos, ito ang pinakamabilis na paraan upang lubos na lipulin ang isang sangkatauhan o ano pa mang bagay. Ang pagsusunog sa mga mamamayan ng Sodoma ay hindi lang para wasakin ang kanilang mga pisikal na katawan, higit pa rito, ito ay para wasakin ang kabuuan ng kanilang mga espiritu, ang kanilang mga kaluluwa, at ang kanilang mga katawan, tinitiyak na ang mga tao sa loob ng lungsod na ito ay titigil sa pag-iral sa kapwa materyal na mundo at mundong hindi nakikita ng tao. Ito ay isang paraan kung paano ibinubunyag ng Diyos at ipinahahayag ang Kanyang poot. Ang ganitong paraan ng pagbubunyag at pagpapahayag ay isang aspekto ng diwa ng poot ng Diyos, kung paano ring ito ay likas na pagbubunyag ng diwa ng matuwid na disposisyon ng Diyos. Kapag ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang poot, tumitigil Siya sa pagbubunyag ng anumang awa o mapagmahal na kabaitan, ni hindi na Siya naglalabas pa ng Kanyang pagpaparaya o pagpapasensya; walang tao, bagay o dahilan na makahihimok sa Kanya upang patuloy na maging mapagpasensya, na muling ipagkaloob ang Kanyang awa, minsan pang ipagkaloob ang Kanyang pagpaparaya. Kapalit ng mga bagay na ito, nang walang pagkaantala kahit isang sandali, ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang poot at pagiging kapita-pitagan, at ginagawa kung ano ang Kanyang nilalayon, ginagawa ito sa isang mabilis at malinis na paraan, at tinitiyak na makakamit nito ang Kanyang ninanais na kinalabasan. Ito ang paraan ng pagpapahayag ng Diyos ng Kanyang poot at pagiging kapita-pitagan, na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala, at isa rin itong pagpapamalas ng Kanyang matuwid na disposisyon. Kapag nakikita ng mga tao na nagpapakita ng pag-aalala at pagmamahal ang Diyos sa tao, hindi nila napapansin ang Kanyang poot, hindi nakikita ang Kanyang pagiging maharlika o hindi nadarama ang Kanyang di-pagkunsinti sa anumang pagkakasala. Ang mga bagay na ito ang palaging maling nagpapapaniwala sa mga tao na ang matuwid na disposisyon ng Diyos ay yaong awa, pagpaparaya at pagmamahal lamang. Gayumpaman, kapag nakita ng isang tao na winasak ng Diyos ang isang lungsod o nakita ang Kanyang pagkamuhi sa isang sangkatauhan, ang Kanyang galit sa paglipol sa sangkatauhan at ang Kanyang pagiging kapita-pitagan ay nagbibigay-daan sa mga tao na makita ang kabilang panig ng matuwid Niyang disposisyon, na siyang di-pagkunsinti ng Diyos sa anumang pagkakasala. Ang disposisyon ng Diyos na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala ay lumalampas sa imahinasyon ng anumang nilikha, at sa mga di-nilikha, walang may kakayahang panghimasukan ito o maapektuhan ito; lalong hindi ito kayang pekein o tularan. Sa gayon, ang aspektong ito ng disposisyon ng Diyos ang siyang pinakadapat makilala ng sangkatauhan. Tanging ang Diyos Mismo ang may ganitong uri ng disposisyon, at tanging ang Diyos Mismo ang nagtataglay ng ganitong uri ng disposisyon. Nagtataglay ang Diyos ng ganitong uri ng matuwid na disposisyon dahil namumuhi Siya sa kabuktutan, kadiliman, paghihimagsik, at iba’t ibang masamang gawa na ginawa ni Satanas sa pagtitiwali at paglamon sa sangkatauhan, sapagkat kinamumuhian Niya ang lahat ng makasalanang gawa na salungat sa Kanya, at dahil sa Kanyang banal at walang-dungis na diwa. Ito ang dahilan kaya hindi Niya hahayaan ang sinumang nilikha o di-nilikha na hayagang kumontra o makipagtunggali sa Kanya. Kahit ang isang indibidwal na pinagpakitaan Niyang minsan ng awa o Kanyang pinili, ay kailangan lamang galitin ang Kanyang disposisyon at sumalungat sa Kanyang mga prinsipyo ng pagpapasensya at pagpaparaya, at pakakawalan Niya at ibubunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon na hindi kumukunsinti sa anumang pagkakasala nang walang kahit katiting na awa o pag-aalinlangan.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Sa mata ng Diyos, may hangganan ang Kanyang pasensya sa katiwalian ng sangkatauhan, sa karumihan, karahasan, at paghihimagsik ng lahat ng laman. Ano ang Kanyang hangganan? Tulad ng sinabi ng Diyos: “Tiningnan ng Diyos ang lupa, at, narito, ito ay tiwali; sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa.” Ano ang ibig sabihin ng pariralang “sapagkat pinasama ng lahat ng laman ang kanilang paglakad sa ibabaw ng lupa”? Ito ay nangangahulugan na anumang nabubuhay na nilalang, kasama na ang mga sumunod sa Diyos, ang mga tumawag sa pangalan ng Diyos, ang mga minsan ay naghandog ng mga sinunog na alay sa Diyos, ang mga nagsalita ng pagkilala sa Diyos at nagpuri pa sa Diyos—sa sandaling ang kanilang mga asal ay mapuno ng katiwalian at makaabot sa mga mata ng Diyos, kailangan Niyang lipulin sila. Iyan ang hangganan ng Diyos. Kaya hanggang sa anong antas nanatiling mapagpasensya ang Diyos sa sangkatauhan at sa katiwalian ng lahat ng laman? Hanggang sa lahat ng tao, maging mga sumusunod sa Diyos o mga walang pananampalataya, ay hindi lumalakad sa tamang landas. Hanggang sa antas na ang sangkatauhan ay hindi lang moral na tiwali at puno ng kasamaan, kundi walang naniniwala sa pag-iral ng Diyos, lalo nang walang naniniwala na ang mundo ay nasa ilalim ng kataas-taasang kapangyarihan ng Diyos at makapagdadala ang Diyos ng liwanag at tamang landas sa mga tao. Hanggang sa antas na ang sangkatauhan ay namuhi sa pag-iral ng Diyos at hindi nagpahintulot na umiral ang Diyos. Sa sandaling umabot sa puntong ito ang katiwalian ng sangkatauhan, hindi na mapanatili ng Diyos ang Kanyang pasensiya. Ano ang papalit rito? Ang pagdating ng galit ng Diyos at kaparusahan ng Diyos.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I
Ibinubuhos ng Diyos ang Kanyang poot dahil ang mga hindi makatarungan, negatibo at masamang bagay ay humahadlang, nanggugulo o sumisira sa normal na gawain at pagsulong ng makatarungan at positibong mga bagay. Ang layon ng galit ng Diyos ay hindi ang pangalagaan ang Kanyang sariling katayuan at pagkakakilanlan, kundi pangalagaan ang pag-iral ng makatarungan, positibo, magaganda at mabubuting mga bagay, pangalagaan ang mga batas at tuntunin ng normal na pag-iral ng sangkatauhan. Ito ang pinag-uugatan ng poot ng Diyos. Ang galit ng Diyos ay talagang isang nararapat, likas at tunay na pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Walang mga lihim na motibo sa Kanyang galit, at ni pagkatuso o pagbabalak, o lalo na ng mga pagnanasa, katusuhan, pamiminsala, karahasan, kabuktutan o alinman sa mga katangiang taglay ng tiwaling sangkatauhan. Bago ibuhos ng Diyos ang Kanyang poot, natalos na Niya ang diwa ng bawat bagay nang lubhang malinaw, at nakapagbuo na Siya ng tumpak at malinaw na mga pagtukoy at mga kongklusyon tungkol sa bawat usapin. Sa gayon, ang layon ng Diyos sa bawat bagay na Kanyang ginagawa ay sinlinaw ng kristal, tulad din ng Kanyang saloobin. Hindi magulo ang Kanyang pag-iisip, hindi Siya bulag, mapusok, o arbitraryo, at tiyak na hindi Siya walang prinsipyo. Ito ang praktikal na aspekto ng poot ng Diyos, at dahil sa praktikal na aspektong ito ng poot ng Diyos kaya nakakapamuhay nang normal ang sangkatauhan. Kung wala ang poot ng Diyos, malulugmok ang sangkatauhan sa mga delikadong kalagayan ng pamumuhay at ang lahat ng bagay na makatarungan, maganda at mabuti ay mawawasak at hihinto sa pag-iral. Kung wala ang poot ng Diyos, ang mga batas at mga alituntunin ng pag-iral para sa mga nilikha ay masisira o tuluyang mawawasak pa nga. Mula sa paglikha ng sangkatauhan, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang pangalagaan at panatilihin ang normal na pag-iral ng sangkatauhan. Sapagkat ang Kanyang matuwid na disposisyon ay naglalaman ng poot at pagiging kapita-pitagan, ang lahat ng masamang tao, bagay at pangyayari, at lahat ng bagay na gumugulo at sumisira sa normal na pag-iral ng sangkatauhan ay naparurusahan, nakokontrol, at nawawasak bilang resulta ng Kanyang poot. Sa mga nakalipas na libu-libong taon, patuloy na ginagamit ng Diyos ang Kanyang matuwid na disposisyon upang hampasin at wasakin ang lahat ng uri ng maruruming espiritu at masasamang espiritu na kumakalaban sa Diyos at kumikilos bilang mga kasabwat at alipin ni Satanas sa gawain ng Diyos na pamamahala sa sangkatauhan. Sa gayon, ang gawain ng Diyos ng pagliligtas sa sangkatauhan ay laging sumusulong ayon sa Kanyang plano. Ibig sabihin, dahil sa pag-iral ng poot ng Diyos, ang pinakamakatarungang layon sa gitna ng sangkatauhan ay hindi kailanman nawasak.
—Ang Salita, Vol. II. Ukol sa Pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos Mismo, ang Natatangi II
Ang Aking gawain ay tatagal lamang ng anim na libong taon, at pinahintulutan Ko lang din ang kontrol sa buong sangkatauhan ng masama na magtagal lamang nang anim na libong taon. Kaya, ubos na ang oras ngayon. Hindi Ko na ninanais na magpatuloy o magpaliban pa: Sa panahon ng mga huling araw Aking gagapiin si Satanas, babawiin Ko ang lahat ng Aking kaluwalhatian, at babawiin Ko ang lahat ng kaluluwa sa lupa na nasa Aking panig upang itong mga kaluluwang naghihinagpis ay makawala sa dagat ng pagdurusa, at sa gayon matatapos na ang Aking buong gawain sa lupa. Simula sa araw na ito, hindi na Ako kailanman magkakatawang-tao sa lupa, at hindi na muling gagawa pa sa lupa ang Aking Espiritu, na siyang may kataas-taasang kapangyarihan sa lahat. Lilikhain Ko lang muli ang sangkatauhan sa lupa, isang sangkatauhan na ginawang banal at siyang Aking tapat na lungsod sa lupa. Ngunit alamin ninyo na hindi Ko wawasakin ang buong mundo, hindi Ko rin lilipulin ang buong sangkatauhan. Pananatilihin Ko iyong natitirang ikatlong bahagi—ang ikatlong bahaging lubusan Kong nalupig at nagmamahal sa Akin, at sila ay Aking gagawing mabunga at pararamihin sa lupa kagaya ng ginawa ng mga Israelita sa ilalim ng kautusan; matatanggap nila ang masaganang tupa at baka na Aking tinutustos sa kanila, pati na ang lahat ng kasaganaan sa lupa. Ang sangkatauhang ito ay makakapiling Ko magpakailanman, ngunit hindi ito ang magiging di-mabatang maruming sangkatauhan sa ngayon, kundi isang sangkatauhan na katipunan ng lahat ng Aking nakamit. Ang sangkatauhang iyon ay hindi mapipinsala, magugulo, o makukubkob ni Satanas, at magiging ang tanging sangkatauhan na patuloy na iiral sa mundo pagkatapos Kong matalo si Satanas. Ito ang sangkatauhan na nalupig Ko na ngayon at nagtamo ng Aking pangako. At sa gayon, ang sangkatauhan na nalupig sa panahon ng mga huling araw ay siya ring sangkatauhan na mananatili at magkakamit ng Aking walang-hanggang mga pagpapala. Ang mga ito ang tanging magiging patunay ng Aking tagumpay laban kay Satanas, at ang tanging mga nasamsam sa Aking pakikipagdigma kay Satanas. Itong mga nasamsam sa digmaan ay Aking nailigtas mula sa kapangyarihan ni Satanas, at ang tanging kristalisasyon at bunga ng Aking anim na libong taong plano ng pamamahala. Sila ay nagmula sa bawat nasyon at denominasyon, mula sa bawat lugar at bansa sa loob ng buong sansinukob. Sila ay galing sa iba’t ibang lahi, may iba’t ibang wika, kaugalian at mga kulay ng balat, at sila ay nakakalat sa lahat ng bansa at denominasyon sa buong mundo, at maging sa bawat sulok ng mundo. Sa huli, sila ay magsasama-sama upang buuin ang isang ganap na sangkatauhan, isang pagtitipon ng mga tao na hindi kayang abutin ng mga puwersa ni Satanas. Iyong mga nasa gitna ng sangkatauhan na hindi Ko nailigtas at nalupig ay tahimik na lulubog sa kailaliman ng dagat, at masusunog ng Aking tumutupok na apoy nang walang-hanggan. Lilipulin Ko itong luma at sukdulang maruming sangkatauhan, kagaya ng paglipol Ko sa mga panganay na anak, mga baka, at tupa ng Ehipto, itinira lamang ang mga Israelita, na kumain ng karne ng tupa, uminom ng dugo ng tupa, at nagtatak ng dugo ng tupa sa hamba ng kanilang mga pinto. Hindi ba’t ang mga taong Aking nalupig at mula sa Aking pamilya ay siya ring mga taong kumakain ng laman ng Kordero na Ako at umiinom ng dugo ng Kordero na Ako, at Aking natubos at sumasamba sa Akin? Hindi ba sila ang mga uri ng tao na laging sinasamahan ng Aking kaluwalhatian? Hindi ba iyong mga wala ng laman ng Kordero na Ako ay matagal nang tahimik na nakalubog sa kailaliman ng dagat?
—Ang Salita, Vol. I. Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos. Walang Sinumang sa Laman ang Makakatakas sa Araw ng Galit
Kaugnay na mga Himno
Ipapanumbalik ng Diyos ang Kahulugan ng Kanyang Paglikha ng Tao
Mga Tanda ng Tagumpay ng Diyos
Ang Sangkatauhan ay Hindi na ang Sangkatauhang Nais ng Diyos
Pinananatili ng Diyos ang Pag-iral ng Sangkatauhan Gamit ang Kanyang Matuwid na Disposisyon