Kaalaman sa Kasalukuyang Gawain ng Diyos

Ang malaman ang gawain ng Diyos sa mga panahong ito, sa pangunahin, ay ang malaman kung ano ang pangunahing ministeryo ng nagkatawang-taong Diyos sa mga huling araw, at kung ano ang pinarito Niya upang gawin sa lupa. Nabanggit Ko na dati sa Aking mga salita na naparito ang Diyos sa lupa (sa mga huling araw) para magtakda ng isang huwaran bago lumisan. Paano itinatakda ng Diyos ang huwarang ito? Ginagawa Niya ito sa pamamagitan ng pagpapahayag ng mga salita, at sa paggawa at pagsasalita sa buong lupain. Ito ang gawain ng Diyos sa mga huling araw; nagsasalita lamang Siya, nang sa gayon ang lupa ay maging isang mundo ng mga salita, at upang ang bawat tao ay matustusan at maliwanagan ng Kanyang mga salita, at nang sa gayon makita ang liwanag sa loob ng kanilang espiritu at magkamit ng kalinawan tungkol sa mga pangitain. Sa mga huling araw, pangunahing nagkatawang-tao ang Diyos at pumarito sa lupa upang magpahayag ng mga salita. Nang pumarito si Jesus, ipinangaral Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit, at isinakatuparan Niya ang gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Winakasan Niya ang Kapanahunan ng Kautusan at tinanggal ang lahat ng luma. Winakasan ng pagdating ni Jesus ang Kapanahunan ng Kautusan at pinasimulan ang Kapanahunan ng Biyaya; winakasan ng pagdating ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ang Kapanahunan ng Biyaya. Pumarito Siya pangunahin upang ipahayag ang Kanyang mga salita—gamit ang mga salita para gawing perpekto ang tao, tanglawan at bigyang-liwanag ang tao—at sa gayon ay inaalis ang puwang ng malabong Diyos sa puso ng tao. Nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang yugtong ito ng gawain. Nang pumarito Siya, nagsagawa Siya ng maraming himala, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ginawa Niya ang gawain ng pagtubos sa pamamagitan ng pagpapako sa krus. Bunga nito, sa mga kuru-kuro ng mga tao, naniniwala sila na ganito dapat ang Diyos. Sapagkat nang pumarito si Jesus, hindi Niya ginawa ang gawaing tanggalin ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao; nang pumarito Siya, ipinako Siya sa krus, pinagaling Niya ang mga maysakit at pinalayas ang mga demonyo, at ipinangaral Niya ang ebanghelyo ng kaharian ng langit. Sa isang banda, inaalis ng pagkakatawang-tao ng Diyos sa mga huling araw ang puwang na hawak ng malabong Diyos sa mga kuru-kuro ng tao, kaya wala na ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa pamamagitan ng Kanyang mga praktikal na salita at gawain, ng mga pagbisita Niya sa iba’t ibang lugar, at ng natatanging praktikal at normal na gawaing ginagawa Niya sa gitna ng tao, ipinapaalam Niya sa tao ang pagiging praktikal ng Diyos, at inaalis ang puwang ng malabong Diyos sa puso ng tao. Sa isa pang banda, ginagamit ng Diyos ang mga salitang ipinahayag ng Kanyang katawang-tao para gawing ganap ang tao, at maisakatuparan ang lahat ng bagay. Ito ang gawaing isasakatuparan ng Diyos sa mga huling araw.

Ang kailangan ninyong malaman:

1. Ang gawain ng Diyos ay hindi higit sa karaniwan, at hindi kayo dapat magkaroon ng mga kuru-kuro tungkol doon.

2. Kailangan ninyong maunawaan ang pangunahing gawaing gagawin ng Diyos na nagkatawang-tao kaya Siya naparito.

Hindi Siya naparito para pagalingin ang mga maysakit, o palayasin ang mga demonyo, o magsagawa ng mga himala, at hindi Siya naparito para ipangaral ang ebanghelyo ng pagsisisi, o tubusin ang tao. Iyon ay dahil nagawa na ni Jesus ang gawaing ito, at hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Ngayon, naparito ang Diyos para wakasan ang Kapanahunan ng Biyaya at buwagin ang lahat ng pagsasagawa ng Kapanahunan ng Biyaya. Pangunahing naparito ang praktikal na Diyos para ibunyag ang Kanyang pagiging praktikal. Nang pumarito si Jesus, hindi Siya labis na nagsalita; nagpakita Siya, sa pangunahin, ng mga himala, nagsagawa ng mga tanda at kababalaghan, at nagpagaling ng mga maysakit at nagpalayas ng mga demonyo, o kung hindi man ay nagpahayag Siya ng mga propesiya, lahat upang mapaniwala ang mga tao sa Kanya nang may lubos na paninindigan at maipakita sa kanila na talagang Siya ang Diyos at wala Siyang mga damdamin ng laman. Sa huli, tinapos Niya ang gawaing pagpapapako sa krus. Ang Diyos ng ngayon ay hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, ni hindi Siya nagpapagaling ng mga maysakit at nagpapalayas ng mga demonyo. Nang pumarito si Jesus, ang gawaing Kanyang ginawa ay kumatawan sa isang bahagi ng Diyos, ngunit sa pagkakataong ito ay naparito ang Diyos para gawin ang yugto ng gawaing kinakailangan. Hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain, Siya ang Diyos na palaging bago at hindi kailanman naluluma, kaya naman lahat ng nakikita mo ngayon ay ang mga salita at gawain ng praktikal na Diyos.

Sa mga huling araw, pangunahing nagkatawang-tao ang Diyos upang ipahayag ang Kanyang mga salita, upang ipaliwanag ang lahat ng kinakailangan para sa buhay ng tao, ituro ang dapat pasukin ng tao, ipakita sa tao ang mga gawa ng Diyos, at ipakita sa tao ang karunungan, pagkamakapangyarihan-sa-lahat, at pagiging kamangha-mangha ng Diyos. Sa pamamagitan ng maraming paraan ng pagsasalita ng Diyos, namamasdan ng tao ang pangingibabaw ng Diyos, ang kadakilaan ng Diyos, at, higit pa rito, ang pagpapakumbaba at pagiging tago ng Diyos. Nakikita ng tao na ang Diyos ay kataas-taasan, ngunit na Siya ay mapagpakumbaba at tago, at kayang maging pinakaaba sa lahat. Ang ilan sa Kanyang mga salita ay direktang sinasalita mula sa perspektiba ng Espiritu, ang ilan ay direktang mula sa perspektiba ng tao, at ang ilan ay mula sa perspektiba ng pangatlong tao. Dito, makikita na ang paraan ng gawain ng Diyos ay nagkakaiba-iba nang husto, at sa pamamagitan ng mga salita ay tinutulutan Niyang makita ito ng tao. Ang gawain ng Diyos sa mga huling araw ay kapwa normal at praktikal, at dahil dito ay isinasailalim ang grupo ng mga tao sa mga huling araw sa pinakamatindi sa lahat ng pagsubok. Dahil sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos, lahat ng tao ay nakapasok sa gitna ng mga pagsubok; nasadlak ang tao sa mga pagsubok ng Diyos dahil sa pagiging normal at pagiging praktikal ng Diyos. Noong kapanahunan ni Jesus, walang mga kuru-kuro o pagsubok. Dahil karamihan sa gawaing ginawa ni Jesus ay umayon sa mga kuru-kuro ng tao, sinundan Siya ng mga tao, at wala silang mga kuru-kuro tungkol sa Kanya. Ang mga pagsubok sa ngayon ang pinakamatinding nakaharap ng tao, at kapag sinabi na ang mga taong ito ay nakalabas mula sa malaking kapighatian, ito ang kapighatiang tinutukoy. Ngayon, nagsasalita ang Diyos para palakasin ang pananalig, pagmamahal, pagtanggap ng pagdurusa, at pagpapasakop sa mga taong ito. Ang mga salitang ipinahayag ng Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw ay ipinahayag alinsunod sa kalikasang diwa ng tao, sa pag-uugali at mga pagpapamalas ng tao, at sa dapat pasukin ng tao sa kasalukuyan. Ang Kanyang mga salita ay kapwa praktikal at normal: Hindi Siya nagsasalita tungkol sa kinabukasan, ni hindi Siya lumilingon sa kahapon; nagsasalita lamang Siya tungkol sa dapat pasukin, isagawa, at unawain ngayon. Kung, sa panahon ngayon, may lumitaw na isang tao na kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, magpalayas ng mga demonyo, magpagaling ng maysakit, at magsagawa ng maraming himala, at kung sinasabi ng taong ito na siya si Jesus na naparito, kung gayon, ito ay isang impersonasyon ng isang masamang espiritu, ang akto ng isang masamang espiritung gumagaya kay Jesus. Tandaan ito! Hindi inuulit ng Diyos ang parehong gawain. Nakompleto na ang yugto ng gawain ni Jesus, at hindi na muling isasagawa ng Diyos ang yugtong iyon ng gawain. Ang gawain ng Diyos ay hindi umaayon sa mga kuru-kuro ng tao; halimbawa, ipinropesiya sa Lumang Tipan ang pagparito ng isang Mesiyas, at lumabas na si Jesus ang dumating. Sa gayon ay magiging mali na pumarito ang isa pang Mesiyas. Pumarito nang minsan si Jesus, at magiging mali kung pumaritong muli si “Jesus” sa pagkakataong ito. Mayroong isang pangalan para sa bawat kapanahunan, at bawat pangalan ay may paglalarawan ng kapanahunang iyon. Sa mga kuru-kuro ng tao, kailangang laging magpakita ang Diyos ng mga tanda at kababalaghan, kailangang laging magpagaling ng maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at kailangang laging maging katulad lamang ni Jesus. Subalit sa pagkakataong ito, hindi talaga ganoon ang Diyos. Kung, sa mga huling araw, nagpakita pa rin ang Diyos ng mga tanda at mga kababalaghan, at nagpalayas pa rin ng mga demonyo at nagpagaling ng maysakit—kung ginawa Niya ang ginawa mismo ni Jesus—uulitin ng Diyos ang parehong gawain, at mawawalan ng kabuluhan o halaga ang gawain ni Jesus. Sa gayon, isinasagawa ng Diyos ang isang yugto ng gawain sa bawat kapanahunan. Kapag natapos na ang bawat yugto ng Kanyang gawain, agad itong sinusubukang gayahin ng masasamang espiritu, at matapos simulang mahigpit na buntutan ni Satanas ang Diyos, nag-iiba ng pamamaraan ang Diyos. Kapag natapos na ng Diyos ang isang yugto ng Kanyang gawain, sinusubukan itong gayahin ng masasamang espiritu. Kailangang maging malinaw sa inyo ang tungkol dito. Bakit iba ang gawain ng Diyos ngayon sa gawain ni Jesus? Bakit hindi nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi nagpapalayas ng mga demonyo, at hindi nagpapagaling ng mga maysakit ang Diyos ngayon? Kung naging pareho ang gawain ni Jesus sa gawaing ginawa noong Kapanahunan ng Kautusan, maaari kayang kinatawan Niya ang Diyos ng Kapanahunan ng Biyaya? Maaari kayang natapos Niya ang gawain ng pagpapapako sa krus? Kung umanib si Jesus sa templo at sinunod ang Sabbath gaya noong Kapanahunan ng Kautusan, nang hindi inuusig ng sinuman at tinatanggap ng lahat, maaari kayang naipako Siya sa krus? Natapos kaya Niya ang gawain ng pagtubos? Ano ang magiging punto kung magpapakita ng mga tanda at kababalaghan ang Diyos na nagkatawang-tao sa mga huling araw, tulad ng ginawa ni Jesus? Tanging kung ginagawa ng Diyos ang isa pang bahagi ng Kanyang gawain sa mga huling araw, isang kumakatawan sa bahagi ng Kanyang plano ng pamamahala, saka lamang magkakaroon ang tao ng mas malalim na pagkakilala sa Diyos, at matatapos ang plano ng pamamahala ng Diyos.

Sa mga huling araw, naparito ang Diyos pangunahin upang ipahayag ang Kanyang mga salita. Nagpapahayag Siya mula sa perspektiba ng Espiritu, mula sa perspektiba ng tao, at mula sa perspektiba ng pangatlong tao; nagsasalita Siya sa iba’t ibang paraan, gamit ang isang paraan sa loob ng isang panahon, at ginagamit Niya ang mga paraang ito ng pagsasalita para baguhin ang mga kuru-kuro ng tao at tanggalin ang wangis ng malabong Diyos sa puso ng tao. Ito ang pangunahing gawaing ginagawa ng Diyos. Dahil naniniwala ang tao na kapag pumarito ang Diyos, pagagalingin Niya ang mga maysakit, palalayasin ang mga demonyo, gagawa Siya ng mga himala, at magkakaloob ng materyal na mga pagpapala sa tao, isinasagawa ng Diyos ang yugtong ito ng gawain—ang gawain ng pagkastigo at paghatol—upang alisin ang gayong mga bagay sa mga kuru-kuro ng tao, idulot na makilala ng tao ang pagiging praktikal at normal ng Diyos, at alisin ang kasalukuyang wangis ni Jesus sa puso ng tao, sa halip ay binibigyang-daan ang panibagong wangis ng Diyos na umokupa sa puso ng tao. Sa sandaling maluma ang wangis ng Diyos sa loob ng tao, nagiging isang diyos-diyosan ito. Nang pumarito si Jesus at isagawa ang yugtong iyon ng gawain, hindi Niya kinatawan ang kabuuan ng Diyos. Nagsagawa Siya ng ilang tanda at kababalaghan, nagpahayag ng ilang salita, at sa huli ay ipinako sa krus. Kinatawan Niya ang isang bahagi ng Diyos. Hindi Niya maaaring katawanin ang lahat ng sa Diyos, kundi sa halip ay kinatawan Niya ang Diyos sa paggawa ng isang bahagi ng gawain ng Diyos. Iyon ay dahil napakadakila ng Diyos, at lubhang kamangha-mangha, at hindi Siya maarok, at dahil isang bahagi lamang ng Kanyang gawain ang ginagawa ng Diyos sa bawat kapanahunan. Ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kapanahunang ito ay pangunahing ang pagtutustos ng mga salita ng buhay para sa tao; ang paglalantad sa kalikasang diwa ng tao at sa kanyang tiwaling disposisyon; at ang pag-aalis ng kanyang mga kuru-kurong panrelihiyon, piyudal na pag-iisip, lipas na pag-iisip, at kaalaman at kultura. Ang lahat ng bagay na ito ay dapat linisin sa pamamagitan ng paglalantad gamit ang mga salita ng Diyos. Sa mga huling araw, gumagamit ang Diyos ng mga salita, hindi ng mga tanda at kababalaghan, para gawing perpekto ang tao. Ginagamit Niya ang Kanyang mga salita para ibunyag ang tao, hatulan ang tao, kastiguhin ang tao, at gawing perpekto ang tao, upang sa mga salita ng Diyos, makita ng tao ang karunungan at pagiging kaibig-ibig ng Diyos, at maunawaan ang disposisyon ng Diyos, at upang sa pamamagitan ng mga salita ng Diyos, makita ng tao ang mga gawa ng Diyos. Sa Kapanahunan ng Kautusan, inakay ni Jehova si Moises palabas ng Ehipto gamit ang Kanyang mga salita, at nagpahayag ng ilang salita sa mga Israelita; noon, bahagi ng mga gawa ng Diyos ay nabunyag, ngunit dahil limitado ang kakayahan ng tao at walang maaaring kumumpleto sa kanyang kaalaman, patuloy na nagsalita at gumawa ang Diyos. Sa Kapanahunan ng Biyaya, nakitang muli ng tao ang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Nagawang magpakita ni Jesus ng mga tanda at kababalaghan, magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, at magpapako sa krus, at pagkaraan ng tatlong araw ay nabuhay Siyang mag-uli at nagpakita sa katawang-tao sa harap ng tao. Tungkol sa Diyos, wala nang ibang alam ang tao na higit pa rito. Ang nalalaman ng tao ay kasindami lamang ng ibinubunyag ng Diyos sa kanya, at kung wala nang ibang ibinubunyag ang Diyos sa tao, iyon ang magiging lawak ng paglilimita ng tao sa Diyos. Sa gayon, patuloy na gumagawa ang Diyos, upang mas lumalim ang pagkakilala ng tao sa Kanya, at upang unti-unting makilala ng tao ang diwa ng Diyos. Sa mga huling araw, ginagamit ng Diyos ang Kanyang mga salita upang gawing perpekto ang tao. Ang iyong tiwaling disposisyon ay inilalantad ng mga salita ng Diyos, at ang iyong mga kuru-kurong pangrelihiyon ay pinapalitan ng pagiging praktikal ng Diyos. Sa mga huling araw, nagkatawang-tao ang Diyos, pangunahin, para tuparin ang mga salitang “ang Salita ay nagkatawang-tao, ang Salita ay dumating sa loob ng katawang-tao, at ang Salita ay nagpapakita sa katawang-tao,” at kung wala kang masusing kaalaman tungkol dito, hindi ka magiging matatag. Sa mga huling araw, pangunahing layon ng Diyos na magsakatuparan ng isang yugto ng gawain kung saan nagpapakita ang Salita sa katawang-tao, at ito ay isang bahagi ng gawain ng plano ng pamamahala ng Diyos. Sa gayon, kailangang maging lubos ang inyong kaalaman; paano man gumagawa ang Diyos, hindi pinahihintulutan ng Diyos na limitahan Siya ng tao. Kung hindi ginawa ng Diyos ang gawaing ito sa mga huling araw, hindi na lalago pa ang pagkakilala ng tao sa Kanya. Malalaman mo lamang na ang Diyos ay kayang ipako sa krus at kayang wasakin ang Sodoma, at na si Jesus ay kayang bumangon mula sa mga patay at magpakita kay Pedro…. Ngunit hindi mo sasabihin kailanman na ang mga salita ng Diyos ay kayang isakatuparan ang lahat, at kayang lupigin ang tao. Maaari mo lamang ipahayag ang gayong kaalaman sa pamamagitan ng pagdanas ng mga salita ng Diyos. Habang mas maraming gawain ng Diyos ang nararanasan mo, mas magiging lubos ang iyong pagkakilala sa Kanya, at saka mo lamang hindi lilimitahan ang Diyos sa loob ng sarili mong mga kuru-kuro. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamagitan ng pagdanas ng Kanyang gawain; wala nang ibang tamang paraan para makilala ang Diyos. Ngayon, maraming tao ang walang ginagawa kundi maghintay na makita ang mga tanda at kababalaghan at ang panahon ng malalaking sakuna. Nananampalataya ka ba sa Diyos, o nananampalataya ka sa malalaking sakuna? Kapag dumating ang malalaking sakuna, magiging huli na ang lahat, at kung hindi magbubuhos ang Diyos ng malalaking sakuna, hindi ba Siya Diyos kung gayon? Nananampalataya ka ba sa mga tanda at kababalaghan, o nananampalataya ka sa Diyos Mismo? Hindi nagpakita si Jesus ng mga tanda at kababalaghan nang kutyain Siya ng iba, ngunit hindi ba Siya Diyos? Naniniwala ka ba sa mga tanda at kababalaghan, o naniniwala ka ba sa diwa ng Diyos? Mali ang mga pananaw ng tao tungkol sa pananampalataya sa Diyos! Nagpahayag si Jehova ng maraming salita sa Kapanahunan ng Kautusan, ngunit kahit ngayon ay hindi pa natutupad ang ilan sa mga iyon. Masasabi mo ba na hindi Diyos si Jehova?

Ngayon, dapat ay maging malinaw sa inyong lahat na, sa mga huling araw, pangunahing ang katunayan na “ang Salita ay nagkatawang-tao” ang isinasakatuparan ng Diyos. Sa pamamagitan ng Kanyang praktikal na gawain sa lupa, ginagawa Niyang makilala Siya ng tao at makipag-ugnayan sa Kanya ang tao, at makita ng tao ang Kanyang praktikal na mga gawa. Binibigyang-daan Niya na malinaw na makita ng tao na kaya Niyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan at na mayroon ding mga pagkakataon na hindi Niya magawa iyon; nakadepende ito sa kapanahunan. Mula rito, makikita mo na hindi walang kakayahan ang Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit sa halip ay binabago Niya ang Kanyang paraan ng paggawa ayon sa gawaing gagawin at ayon sa kapanahunan. Sa kasalukuyang yugto ng gawain, hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan; nagpakita Siya ng ilang tanda at kababalaghan sa kapanahunan ni Jesus dahil iba ang Kanyang gawain sa kapanahunang iyon. Hindi ginagawa ng Diyos ang gawaing iyon ngayon, at naniniwala ang ilang tao na hindi Niya kayang magpakita ng mga tanda at kababalaghan, o iniisip nila na sapagkat hindi Siya nagpapakita ng mga tanda at kababalaghan, hindi Siya Diyos. Hindi ba’t maling kaisipan iyan? Kaya ng Diyos na magpakita ng mga tanda at kababalaghan, ngunit gumagawa Siya sa ibang kapanahunan, kaya hindi Siya gumagawa ng gayong gawain. Sa iba’t ibang kapanahunan at ayon sa iba’t ibang yugto ng Kanyang gawain, nagpapamalas ang Diyos ng iba’t ibang gawa. Ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay hindi pananampalataya sa mga tanda at kababalaghan, ni hindi pananampalataya sa mga himala, kundi pananampalataya sa Kanyang praktikal na gawain sa bagong kapanahunan. Nakikilala ng tao ang Diyos sa pamamaraan ng paggawa ng Diyos, at ang kaalamang ito ay nagbubunga sa tao ng pananampalataya sa Diyos, na ibig sabihin, pananampalataya sa gawain at mga gawa ng Diyos. Sa yugtong ito ng gawain, pangunahing nagsasalita ang Diyos. Huwag hintaying makakita ng mga tanda at kababalaghan; wala kang makikitang anuman! Ito ay dahil hindi ka isinilang sa Kapanahunan ng Biyaya. Kung isinilang ka noon, maaaring nakita mo ang mga tanda at kababalaghan, ngunit isinilang ka sa mga huling araw, kaya nga ang nakikita mo lamang ay ang pagiging praktikal at normal ng Diyos. Huwag mong asahang makita ang higit sa karaniwan na Jesus sa mga huling araw. Nagagawa mo lamang makita ang praktikal na Diyos na nagkatawang-tao, na hindi naiiba sa sinumang normal na tao. Sa bawat kapanahunan, nagpapamalas ang Diyos ng iba’t ibang gawa. Sa bawat kapanahunan, nagpapamalas Siya ng bahagi ng Kanyang mga gawa, at ang gawain ng bawat kapanahunan ay kumakatawan sa isang bahagi ng disposisyon ng Diyos, at isang bahagi ng mga gawa ng Diyos. Ang mga gawang ipinapamalas Niya ay nag-iiba ayon sa kapanahunan kung saan Siya gumagawa, ngunit binibigyang-daan ng lahat ng ito na lumalim ang pagkilala ng tao sa Diyos, at binibigyang-daan nito na magkaroon ng mas totoo at mas matatag na pananampalataya sa Diyos ang tao. Nananampalataya ang tao sa Diyos dahil sa lahat ng gawa ng Diyos, dahil ang Diyos ay lubhang kamangha-mangha, napakadakila, at makapangyarihan sa lahat, at dahil Siya ay hindi maarok—kaya nananampalataya sa Diyos ang tao. Kung nananampalataya ka sa Diyos dahil kaya Niyang magsagawa ng mga tanda at kababalaghan at magpagaling ng mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo, mali ang pananaw mo, at sasabihin sa iyo ng ilang tao, “Hindi ba nagagawa rin ng masasamang espiritu ang gayong mga bagay?” Hindi ba’t napagpapalit nito ang wangis ng Diyos sa wangis ni Satanas? Ngayon, ang pananampalataya ng tao sa Diyos ay dahil sa Kanyang maraming gawa at sa napakaraming gawaing ginagawa Niya at sa maraming paraan ng Kanyang pagsasalita. Nilulupig ng Diyos ang tao at ginagawa itong perpekto sa pamamagitan ng Kanyang mga salita. Nananampalataya ang tao sa Diyos dahil sa Kanyang maraming gawa, hindi dahil sa nakakaya Niyang magpakita ng mga tanda at kababalaghan; nakikilala lamang ng mga tao ang Diyos sa pagsaksi sa Kanyang mga gawa. Sa pag-alam lamang sa mga praktikal na gawa ng Diyos, kung paano Siya gumagawa, anong matatalinong pamamaraan ang ginagamit Niya, paano Siya nagsasalita, at paano Niya ginagawang perpekto ang tao—sa pag-alam lamang sa mga aspektong ito—kaya mong maintindihan ang pagiging praktikal ng Diyos at maunawaan ang Kanyang disposisyon, na nababatid kung ano ang Kanyang gusto, ano ang Kanyang kinasusuklaman, at paano Siya gumagawa sa tao. Sa pag-unawa sa kung ano ang gusto ng Diyos at kung ano ang kinasusuklaman Niya, maaari mong malaman ang pagkakaiba sa pagitan ng positibo at negatibo, at sa pamamagitan ng iyong pagkakilala sa Diyos ay may pag-unlad sa buhay mo. Sa madaling salita, kailangang magtamo ka ng pagkakilala sa gawain ng Diyos, at kailangang ituwid mo ang iyong mga pananaw tungkol sa pananampalataya sa Diyos.

Sinundan:  Tanging ang Pagsasagawa ng Katotohanan ang Matatawag na Pagtataglay ng Realidad

Sumunod:  Simple ba ang Gawain ng Diyos na Tulad ng Inaakala ng Tao?

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger