Pag-alam sa Tatlong Yugto ng Gawain ng Diyos ang Landas Tungo sa Pagkilala sa Diyos
Ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto, na nangangahulugang ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nahahati sa tatlong yugto. Hindi kabilang sa tatlong yugtong ito ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay ang tatlong yugto ng gawain ng Kapanahunan ng Kautusan, Kapanahunan ng Biyaya, at Kapanahunan ng Kaharian. Ang gawain ng paglikha ng mundo ay ang gawain ng paglikha sa buong sangkatauhan. Hindi ito ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at walang kinalaman sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, sapagkat nang likhain ang mundo, hindi pa nagawang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayo’y hindi kinailangang isagawa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay nagsimula lamang pagkatapos magawa nang tiwali ni Satanas ang sangkatauhan, at sa gayo’y nagsimula lang din ang pamamahala sa sangkatauhan pagkatapos magawa nang tiwali ang sangkatauhan. Sa madaling salita, nagsimula ang pamamahala ng Diyos sa pagsisimula ng Kanyang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at hindi sa Kanyang gawain ng paglikha ng mundo. Matapos magkaroon ng tiwaling disposisyon ang tao, saka lamang umiral ang gawain ng pamamahala, at sa gayo’y may tatlong bahagi ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, sa halip na apat na yugto, o apat na kapanahunan. Ito lamang ang wastong paraan ng pagtukoy sa pamamahala ng Diyos sa sangkatauhan. Kapag natapos ang huling kapanahunan, ganap nang matatapos ang gawain ng pamamahala. Ang pagtatapos ng gawain ng pamamahala ay nangangahulugan na ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan ay ganap nang natapos, at na natapos na kung gayon ang yugtong ito para sa sangkatauhan. Kung wala ang gawain ng pagliligtas sa buong sangkatauhan, ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ay hindi iiral, ni hindi rin magkakaroon ng tatlong yugto ng gawain. Dahil ito mismo sa kasamaan ng sangkatauhan, at dahil kailangang-kailangan ng sangkatauhan ng kaligtasan, kaya winakasan ni Jehova ang paglikha ng mundo at sinimulan ang gawain ng Kapanahunan ng Kautusan. Noon lamang nagsimula ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, na nangangahulugan na noon lamang nagsimula ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan. Ang “pamamahala sa sangkatauhan” ay hindi nangangahulugan ng paggabay sa pamumuhay ng sangkatauhan, na bagong-likha, sa lupa (ibig sabihin, ang sangkatauhang hindi pa nagagawang tiwali). Sa halip, ito ang pagliligtas ng isang sangkatauhang nagawa nang tiwali ni Satanas, ibig sabihin, ito ang pagpapabago sa tiwaling sangkatauhang ito. Ito ang kahulugan ng “pamamahala sa sangkatauhan.” Hindi kabilang sa gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ang paglikha ng mundo, kaya nga hindi kasama sa gawain ng pamamahala sa sangkatauhan ang gawain ng paglikha ng mundo, kundi sa halip ay kabilang lamang dito ang tatlong yugto ng gawaing hiwalay sa paglikha ng mundo. Para maunawaan ang gawain ng pamamahala sa sangkatauhan, kailangang malaman ang kasaysayan ng tatlong yugto ng gawain—ito ang kailangang malaman ng lahat ng maliligtas. Bilang isang nilikha, dapat ninyong malaman na ang tao ay nilikha ng Diyos, dapat ninyong malaman ang pinagmulan ng katiwalian ng tao, at higit pa rito ay dapat ninyong malaman ang proseso ng pagliligtas sa tao. Kung ang alam lamang ninyo ay sumunod sa ilang regulasyon para magtangkang maging kalugod-lugod sa Diyos, ngunit wala kayong ideya kung paano inililigtas ng Diyos ang sangkatauhan, o sa pinagmumulan ng katiwalian ng sangkatauhan, ito ang kulang sa inyo bilang isang nilikha. Hindi ka dapat makontento sa pag-unawa lamang sa ilang katotohanang maaaring isagawa, samantalang nananatili kang mangmang tungkol sa mas malawak na sakop ng gawaing pamamahala ng Diyos—kung magkagayon, masyado kang nakakapit sa doktrina. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang totoong kuwento ng pamamahala ng Diyos sa tao, ang pagdating ng ebanghelyo ng buong mundo, ang pinakamalaking hiwaga sa gitna ng buong sangkatauhan, at ang mga ito rin ang pundasyon ng malawak na pangangaral ng ebanghelyo. Kung hahangarin mo lang na maunawaan ang ilang simpleng katotohanang may kaugnayan sa buhay mo, at wala kang alam tungkol dito, ang pinakamalaki sa lahat ng hiwaga at pangitain, hindi ba katulad ng isang produktong may depekto ang buhay mo, walang silbi kundi ang pagmasdan lamang?
Kung pagsasagawa lamang ang pinagtutuunan ng tao, at pumapangalawa lamang sa kanya ang gawain ng Diyos at kung ano ang dapat malaman ng tao, hindi ba siya maingat sa maliliit na bagay pero pabaya sa malalaking bagay? Yaong kailangan mong malaman, kailangan mong malaman; yaong kailangan mong maisagawa, kailangan mong isagawa. Saka ka lamang magiging isang taong nakakaalam kung paano maghangad ng katotohanan. Ipagpalagay na, kapag dumating ang araw na mangaral ka ng ebanghelyo, ang tanging nasasabi mo ay na ang Diyos ay isang dakila at matuwid na Diyos, na Siya ang kataas-taasang Diyos, isang Diyos na hindi kayang pantayan ng sinumang dakilang tao, at na Siya ay isang Diyos na hindi mapapangibabawan ninuman. Nagagawa mo lang sabihin ang hindi mahahalaga, mabababaw na salitang ito samantalang lubos kang walang kakayahang sumambit ng mga salitang napakahalaga at nagpapaliwanag sa diwa. Wala kang masabi tungkol sa pagkilala sa Diyos o sa gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, hindi mo maipaliwanag ang katotohanan, o maibigay ang kulang sa tao. Ang isang tulad nito ay walang kakayahang gampanan nang maayos ang kanyang tungkulin. Ang pagpapatotoo sa Diyos at pangangaral ng ebanghelyo ng kaharian ay hindi simpleng bagay. Kailangan ka munang masangkapan ng katotohanan, at ng mga pangitaing kailangang maunawaan. Kapag malinaw sa iyo ang iba’t ibang pangitain at mga katotohanan ng gawain ng Diyos, at nalalaman mo sa iyong puso ang gawain ng Diyos, at anuman ang gawin ng Diyos—maging ito man ay matuwid na paghatol o pagpipino—taglay mo ang pinakadakilang pangitain bilang iyong pundasyon, at taglay mo ang tamang katotohanang isasagawa, magagawa mong sundin ang Diyos hanggang sa pinakahuli. Kailangan mong malaman na anuman ang gawaing Kanyang ginagawa, ang layon ng gawain ng Diyos ay hindi nagbabago, ang puso ng Kanyang gawain ay hindi nagbabago, at ang Kanyang mga layunin sa tao ay hindi nagbabago. Gaano man kahigpit ang Kanyang mga salita, gaano man kasama ang sitwasyon, ang mga prinsipyo ng Kanyang gawain ay hindi magbabago, at ang Kanyang layuning iligtas ang tao ay hindi magbabago. Basta’t hindi ito ang pagbubunyag ng kalalabasan o ng hantungan ng tao, at hindi ito ang gawain ng huling yugto, o ang gawain ng pagwawakas sa buong plano ng pamamahala ng Diyos, at basta’t ito ay sa panahong ginagawaan Niya ang tao, ang puso ng Kanyang gawain ay hindi magbabago. Palagi itong ang pagliligtas sa sangkatauhan. Ito dapat ang pundasyon ng inyong paniniwala sa Diyos. Ang layon ng tatlong yugto ng gawain ay ang kaligtasan ng buong sangkatauhan—nangangahulugan ito ng ganap na kaligtasan ng tao mula sa kapangyarihan ni Satanas. Bagama’t bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay may ibang layunin at kabuluhan, bawat isa ay bahagi ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat isa ay ibang gawain ng pagliligtas na isinasagawa ayon sa mga kinakailangan ng sangkatauhan. Kapag alam mo na ang layon ng tatlong yugtong ito ng gawain, malalaman mo kung paano arukin ang kabuluhan ng bawat yugto ng gawain, at malalaman mo kung paano magsagawa upang tuparin ang mga layunin ng Diyos. Kung makarating ka sa puntong ito, ito, na siyang pinakadakila sa lahat ng pangitain, ang magiging pundasyon ng iyong paniniwala sa Diyos. Hindi mo dapat hangarin lamang ang madadaling pagsasagawa o malalalim na katotohanan, kundi dapat mong samahan ng pagsasagawa ang mga pangitain, mayroon kapwa ng mga katotohanan tungkol sa pagsasagawa at kaalaman hinggil sa mga pangitain. Saka ka lamang magiging isang taong malawak na naghahangad na matamo ang katotohanan.
Ang tatlong yugto ng gawain ay nasa puso ng buong pamamahala ng Diyos, at sa mga ito ipinapahayag ang disposisyon ng Diyos at kung ano Siya. Yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay walang kakayahang matanto kung paano ipinapahayag ng Diyos ang Kanyang disposisyon, ni hindi nila alam ang karunungan ng gawain ng Diyos. Nananatili rin silang mangmang tungkol sa maraming paraan ng Kanyang pagliligtas sa sangkatauhan, at sa Kanyang mga layunin para sa buong sangkatauhan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang lubos na pagpapahayag ng gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan at yaong mga hindi nakakaalam sa tatlong yugto ng gawain ay magiging mangmang sa iba’t ibang mga pamamaraan at prinsipyo ng gawain ng Banal na Espiritu. Yaong mga kumakapit lamang nang mahigpit sa mga regulasyong natira mula sa isang yugto ng gawain ay mga taong inililimita ang Diyos sa mga regulasyon, at na ang pananampalataya sa Diyos ay malabo—ang gayong mga tao ay hindi tatanggap ng pagliligtas ng Diyos kailanman. Ang tatlong yugto lamang ng gawain ng Diyos ang maaaring magpahayag nang lubusan sa kabuuan ng disposisyon ng Diyos at ganap na magpahayag ng layunin ng Diyos na iligtas ang buong sangkatauhan, at ng buong proseso ng pagliligtas sa sangkatauhan. Patunay ito na natalo na Niya si Satanas at naangkin ang sangkatauhan; patunay ito ng tagumpay ng Diyos, at ito ang pagpapahayag ng buong disposisyon ng Diyos. Yaong mga nakakaunawa sa isang yugto lamang ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay bahagi lamang ang alam tungkol sa disposisyon ng Diyos. Ang mga regulasyon ay malamang na mabuo sa loob ng mga kuru-kuro ng tao batay sa iisang yugtong ito ng gawain, at malamang na lilimitahan ng tao ang Diyos at gagamitin ang iisang bahaging ito ng disposisyon ng Diyos bilang isang paglalarawan ng buong disposisyon ng Diyos. Bukod pa riyan, marami sa mga imahinasyon ng tao ang nakahalo sa loob, sa gayon ay mahigpit na pinipigilan ng tao ang disposisyon, katauhan, at karunungan ng Diyos, gayundin ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, sa loob ng limitadong mga hangganan, naniniwala na kung minsan nang naging ganito ang Diyos, mananatili Siyang ganito habang panahon at hindi magbabago magpasawalang hanggan. Yaong mga nakakaalam at nakakaarok lamang sa tatlong yugto ng gawain ang magkakaroon ng kompleto at tumpak na pagkakilala sa Diyos. Kahit paano, hindi nila ilalarawan ang Diyos bilang Diyos ng mga Israelita, o ng mga Hudyo, at hindi nila Siya ituturing na isang Diyos na nakapako sa krus magpakailanman alang-alang sa tao. Kung makikilala lamang ng isang tao ang Diyos mula sa isang yugto ng Kanyang gawain, ang kanyang pagkakilala ay napakakaunti, at kasinghalaga lamang ng isang patak na tubig sa karagatan. Kung hindi, bakit ipapako ng marami sa relihiyosong matandang bantay ang Diyos sa krus nang buhay? Hindi ba’t ito ay dahil nililimitahan ng tao ang Diyos sa loob ng mga partikular na hangganan? Hindi ba’t maraming tao ang lumalaban sa Diyos at humahadlang sa gawain ng Banal na Espiritu dahil hindi nila alam ang iba't iba at magkakaibang gawain ng Diyos, at, bukod pa riyan, dahil ginagamit nila ang kaunting kaalaman at doktrina na taglay nila upang sukatin ang gawain ng Banal na Espiritu? Bagama't ang mga taong ito ay nagkaroon lamang ng mabababaw na karanasan, ang kalikasan nila ay mapagmataas, matigas ang ulo at walang pagpipigil, hinahamak nila ang gawain ng Banal na Espiritu, binabalewala ang disiplinang inilalapat ng Banal na Espiritu at, bukod pa rito, ginagamit ang kanilang hindi mahahalagang lumang doktrina upang "kumpirmahin" ang gawain ng Banal na Espiritu. Sila rin ay mga mapagpanggap, at lubos na kumbinsido sa kanilang sariling kaalaman, naniniwalang malaya silang nakagagala sa buong mundo. Hindi ba’t ang gayong mga tao ay yaong mga itinataboy ng Banal na Espiritu, at yaong mga itinitiwalag ng bagong kapanahunan? Hindi ba’t yaong mga humaharap sa Diyos at hayagang lumalaban sa Kanya ay mga kasuklam-suklam na indibidwal na may mababaw at limitadong kaalaman na ipinagmamalaki ang kanilang sariling "katalinuhan"? Mayroon lamang silang napakakaunting kaalaman sa Bibliya, subalit nais nilang malayang makakilos sa lahat ng "mga sirkulong akademiko" ng mundo; mayroon lamang silang napakakaunting mababaw na doktrina upang ituro sa mga tao, subalit nais nilang baligtarin ang takbo ng gawain ng Banal na Espiritu at tinatangkang paikutin ito sa sarili nilang mga proseso ng pag-iisip. Sa pagiging makitid ng isip nila, nais nilang mamasdan ang karingalan ng 6,000 taon ng gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay walang anumang katwiran na masasabi! Sa katunayan, habang mas maraming pagkakilala ang mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila basta-basta hinuhusgahan ang Kanyang gawain—nagsasalita lamang sila nang kaunti tungkol sa kanilang kaalaman sa kasalukuyang gawain ng Diyos, ngunit hindi nila ito basta-bastang hinuhusgahan. Habang mas kakaunti ang pagkakilala ng mga tao tungkol sa Diyos, mas nagiging mapusok sila, mas nagiging masyadong mataas ang pagtingin nila sa kanilang sarili, at mas walang pakundangan nilang ipinoproklama kung ano ang Diyos, subalit ang ipinoproklama nila ay doktrina lamang at walang batayan sa katunayan. Ang mga ito ang mga taong pinakawalang halaga. Yaong mga nagtuturing sa gawain ng Banal na Espiritu bilang isang laro ay mga taong walang-ingat! Sa pagharap sa bagong gawain ng Banal na Espiritu, hindi nila ito hinaharap nang may pag-iingat, kundi sa halip ay nagsasalita sila nang walang pakundangan at mabilis humusga, binibigyang-laya ang sarili nilang kalooban upang itanggi ang pagiging tama ng gawain ng Banal na Espiritu, at iniinsulto o nilalapastangan pa nga ito—hindi ba’t ang mga walang-galang na indibidwal na ito ay mangmang sa gawain ng Banal na Espiritu, at, bukod pa riyan, mga taong may matinding pagmamataas na likas na hambog at walang pagpipigil? Kahit na dumating ang araw na tanggapin ng gayong mga tao ang bagong gawain ng Banal na Espiritu, hindi pa rin nila matatamo ang pagpapatawad ng Diyos. Hindi lamang nila minamaliit yaong mga gumagawa para sa Diyos, kundi nilalapastangan din nila ang Diyos Mismo. Ang gayong mga desperado ay hindi patatawarin, maging sa buhay na ito o sa mundong darating, at sila ay mamamatay magpakailanman sa impiyerno! Ang gayong mga walang-galang at nagpapasasa sa sariling mga tao ay nagdadala lamang ng tatak ng mga mananampalataya, at habang mas ganito ang mga ta , mas malamang na lumabag sila sa mga atas administratibo ng Diyos. Hindi ba’t ang lahat ng mapagmataas na indibidwal na iyon na likas na walang pigil, at hindi kailanman sumunod kaninuman, ay lumalakad sa landas na ito? Hindi ba’t, araw-araw, sa ganitong paraan ay nilalabanan nila ang Diyos na laging bago at hindi kailanman luma? Ngayon, dapat ninyong maunawaan kung bakit kailangan ninyong malaman ang kahalagahan ng tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Ang mga salitang sinasabi Ko ay may pakinabang sa inyo, at hindi lamang hungkag na pananalita. Kung babasahin lamang ninyo ang mga ito na parang humahanga kayo sa mga bulaklak habang nakasakay sa kabayo, hindi ba’t mawawalan ng kabuluhan ang dugo ng Aking puso? Dapat malaman ng bawat isa sa inyo ang sarili ninyong likas na pagkatao. Karamihan sa inyo ay mahuhusay na orador; ang mga sagot sa teoretikal na mga tanong ay lumalabas sa inyong dila, ngunit wala kayong maisagot sa mga tanong na may kabuluhan. Kahit ngayon, sumasali pa rin kayo sa mga walang-saysay na usapan, wala kayong kakayahang baguhin ang inyong dating mga disposisyon, at karamihan sa inyo ay walang hangaring baguhin ang paraan ng inyong paghahangad na magtamo ng mas mataas na katotohanan, kundi sa halip ay nabubuhay lamang kayo nang walang sigla. Paano makakaya ng gayong mga tao na sumunod sa Diyos hanggang sa pinakahuli? Kahit makasunod kayo sa dulo ng landas, ano ang pakinabang nito sa inyo? Mas mabuti pang baguhin ninyo ang inyong mga ideya bago mahuli ang lahat, na tunay na naghahangad, o dili kaya’y maagang umaatras. Habang lumilipas ang panahon magiging palaasang parasitiko lamang kayo—handa ba kayong gampanan ang ganito kababa at hamak na papel?
Ang tatlong yugto ng gawain ay isang talang batay sa katunayan ng buong gawain ng Diyos; ang mga ito ay isang talang batay sa katunayan ng pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan, at hindi kathang -isip ang mga ito. Kung nais ninyo talagang maghangad ng kaalaman tungkol sa buong disposisyon ng Diyos, kailangan ninyong malaman ang tatlong yugto ng gawaing isinakatuparan ng Diyos, at bukod pa riyan, hindi ninyo dapat laktawan ang anumang yugto. Ito ang pinakamababang kailangang makamit ng mga naghahangad ng pagkakilala sa Diyos. Ang tao, sa kanyang sarili, ay hindi kayang umimbento ng tunay na pagkakilala sa Diyos. Hindi ito isang bagay na kayang isipin ng tao sa kanyang sarili, at lalong hindi ito ang resulta ng espesyal na biyayang ipinagkaloob ng Banal na Espiritu sa iisang tao. Sa halip, ito ay isang kaalamang dumarating matapos maranasan ng tao ang gawain ng Diyos, at ito ay isang pagkakilala sa Diyos na dumarating lamang matapos maranasan ang mga katunayan ng gawain ng Diyos. Ang gayong kaalaman ay hindi makakamtan nang basta-basta, at ni hindi ito isang bagay na maaaring ituro. Lubos itong may kaugnayan sa personal na karanasan. Ang pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan ang sentro ng tatlong yugtong ito ng gawain, subalit kasama sa loob ng gawain ng pagliligtas ang ilang pamamaraan ng paggawa at ilang kaparaanan kung saan naipapahayag ang disposisyon ng Diyos. Ito ang pinakamahirap na matuklasan ng tao. Mahirap itong arukin para sa tao. Ang pagkakahati-hati ng mga kapanahunan, mga pagbabago sa gawain ng Diyos, mga pagbabago sa lokasyon ng gawain, mga pagbabago sa mga tatanggap ng gawaing ito, at iba pa—lahat ng ito ay kasama sa tatlong yugto ng gawain. Lalo na, ang pagkakaiba sa paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu, gayundin ang mga pagbabago sa disposisyon, wangis, pangalan, pagkakakilanlan, o ang iba pang mga pagbabago ng Diyos, ay kabilang lahat sa tatlong yugto ng gawain. Ang isang yugto ng gawain ay maaari lamang kumatawan sa isang bahagi, at limitado sa loob ng isang tiyak na saklaw. Hindi kasama rito ang pagkakahati-hati ng mga kapanahunan, o mga pagbabago sa gawain ng Diyos, lalo nang hindi kasama ang iba pang mga aspekto. Ito ay isang malinaw na halatang katunayan. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang kabuuan ng gawain ng Diyos sa pagliligtas sa sangkatauhan. Kailangang malaman ng tao ang gawain ng Diyos at ang disposisyon ng Diyos sa gawain ng pagliligtas; kung wala ang katunayang ito, ang iyong pagkakilala sa Diyos a ybinubuo lamang ng mga salitang walang batayah, walang iba kundi teoryang walang basehan. Ang gayong kaalaman ay hindi makakakumbinsi ni makakalupig sa tao; taliwas ito sa realidad, at hindi ito ang katotohanan. Maaaring napakarami nito at kaiga-igayang pakinggan, ngunit kung taliwas ito sa likas na disposisyon ng Diyos, hindi ka palalampasin ng Diyos. Hindi lamang Niya hindi sasang-ayunan ang iyong pagkakilala, kundi gagantihan ka rin Niya dahil sa iyong kasalanan ng paglapastangan. Ang mga salita ng pagkakilala sa Diyos ay hindi binibigkas nang basta-basta. Bagama’t maaaring mahusay kang magsalita ka at makata, at bagama’t napakatuso ng iyong mga salita kaya nakakaya mong mangumbinsi na ang itim ay puti at ang puti ay itim, nahihirapan ka pa ring makaunawa pagdating sa pagkakilala sa Diyos. Ang Diyos ay hindi isang taong maaari mong basta-bastang husgahan, purihin, o. Maaaring pinupuri mo ang kahit sino at lahat, subalit nahihirapan kang hanapin ang tamang mga salita upang ilarawan ang kataas-taasang biyaya ng Diyos—ito ang natatanto ng bawat talunan. Kahit maraming dalubhasa sa wika na naglalarwan sa Diyos, ang katumpakan ng kanilang paglalarawan ay ikasandaang bahagi lamang ng katotohanang sinasabi ng mga taong hinirang ng Diyos, mga taong kahit limitado lamang ang bokabularyo, ay maraming karanasang mapagpupulutan. Sa gayon ay makikita na ang pagkakilala sa Diyos ay nakasalalay sa katumpakan at praktikalidad, at hindi sa tusong paggamit ng mga salita o mayamang bokabularyo, at ang pagkatuto ng taong iyon at ang pagkakilala sa Diyos ay ganap na walang kaugnayan. Ang aral sa pagkilala sa Diyos ay mas mataas kaysa alinman sa mga sangay na siyensya ng sangkatauhan patungkol sa pisikal na mundo. Ito ay isang aral na matagumpay lamang na matututunan lamang ng lubhang kakaunting bilang ng mga taong naghahangad ng pagkakilala sa Diyos, at hindi ng kung sino lamang na may talento. Kaya, hindi ninyo dapat ituring ang pagkilala sa Diyos at paghahangad sa katotohanan na para bang mga bagay ang mga ito na maaaring makamtan ng isang bata lamang. Marahil ay ganap kang naging matagumpay sa iyong buhay-pamilya, o sa iyong propesyon, o sa iyong pag-aasawa, ngunit pagdating sa katotohanan at sa aral tungkol sa pagkilala sa Diyos, wala kang maipakita at wala kang natamo. Masasabi na ang pagsasagawa ng katotohanan ay napakahirap para sa inyo, at ang pagkilala sa Diyos ay mas malaki pang problema. Ito ang mahirap para sa inyo, at ito rin ang hirap na kinakaharap ng buong sangkatauhan. Sa mga nagkaroon na ng ilang pagtatagumpay sa pagkakilala sa Diyos, halos walang isa mang umaabot sa pamantayan. Hindi alam ng tao ang kahulugan ng pagkakilala sa Diyos, kung bakit kailangang makilala ang Diyos, o kung anong antas ang kailangang marating ng isang tao bago niya makilala ang Diyos. Ito ang lubhang nagpapalito sa sangkatauhan, at ito talaga ang pinakamalaking palaisipang kinakaharap ng sangkatauhan—walang mayroong kakayahang sagutin ang tanong na ito, ni sinumang handang sumagot sa tanong na ito, dahil, hanggang ngayon, walang isa man sa sangkatauhan ang nagtagumpay na sa pag-aaral sa gawaing ito. Marahil, kapag naipaalam na sa sangkatauhan ang palaisipan ng tatlong yugto ng gawain, sunud-sunod na lilitaw ang isang grupo ng mga taong may talento na nakakakilala sa Diyos. Siyempre pa, sana ay gayon nga, at, bukod pa riyan, nasa proseso Ako ng pagsasakatuparan ng gawaing ito. Inaasam Kong makita ang paglitaw ng mas maraming gayong tao na may talento sa nalalapit na hinaharap, at umaasa Ako na maging mga saksi sila sa katunayan ng tatlong yugtong ito ng gawain—na siyempre pa ay nangangahulugan na sila ang unang magpapatotoo sa tatlong yugtong ito ng gawain. Ngunit wala nang iba pang mas nakakabalisa at nakakahinayang kaysa kung hindi lumitaw ang gayong mga taong may talento sa araw ng pagtatapos ng gawain ng Diyos, o kung mayroon lamang isa o dalawang ganoong tao, at sila ang mga personal na tumanggap na magawang perpekto ng Diyos na nagkatawang-tao. Gayunman, ito lamang ang pinakamalalang mangyayari. Anuman ang mangyari, inaasam Ko pa rin na matamo ng mga tunay na naghahangad ang pagpapalang ito. Noon pa mang unang panahon, hindi pa nagkaroon ng gawaing tulad nito kailanman; ang gayong pagsasagawa ay hindi pa nangyari sa kasaysayan ng pag-unlad ng tao kailanman. Kung talagang maaari kang maging isa sa mga unang nakakakilala sa Diyos, hindi ba ito ang pinakamataas na karangalan sa lahat ng nilikha? May iba pa bang nilikha sa sangkatauhan na mas sasang-ayunan ng Diyos? Ang gayong gawain ay hindi madaling matamo, ngunit sa huli ay magbubunga pa rin ito ng mga resulta. Anuman ang kanilang kasarian o lahi, lahat ng may kakayahang magkamit ng pagkakilala sa Diyos ay magtataglay, sa huli, ng pinakamalaking parangal ng Diyos, at sila lamang ang magtataglay ng awtoridad ng Diyos. Ito ang gawain sa ngayon, at ito rin ang gawain sa hinaharap; ito ang huli at pinakamataas na gawaing isasagawa sa 6,000 taon ng gawain, at ito ay isang paraan ng paggawa na naghahayag sa bawat kategorya ng tao. Sa pamamagitan ng gawain ng pagsasanhing makilala ng tao ang Diyos, inihahayag ang mga ranggo ng lahat ng uri ng tao: Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at magmana ng Kanyang mga pangako, samantalang yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi karapat-dapat na tumanggap ng mga pagpapala ng Diyos at magmana ng Kanyang mga pangako. Yaong mga nakakakilala sa Diyos ay mga kaniig ng Diyos, at yaong mga hindi nakakakilala sa Diyos ay hindi matatawag na mga kaniig ng Diyos; ang mga kaniig ng Diyos ay maaaring tumanggap ng anuman sa mga pagpapala ng Diyos, ngunit yaong mga hindi Niya kaniig ay walang kakayahan sa anumang gawain. Mga kapighatian man ito, pagpipino, o paghatol, lahat ng bagay na ito ay para tulutan ang tao na makilala ang Diyos sa huli, at magpasakop sa Kanya. Ito ang tanging epektong makakamtan sa huli. Ang ganap na pagkaalam sa tatlong yugto ng gawain nakakabuti sa pagkakilala ng tao sa Diyos, at tinutulungan nito ang tao na magtamo ng mas ganap at lubos na pagkakilala sa Diyos. Lahat ng gawaing ito ay kapaki-pakinabang sa tao.
Ang gawain ng Diyos Mismo ay ang pangitaing kailangang malaman ng tao, sapagkat ang gawain ng Diyos ay hindi maaaring magawa ng tao, at hindi taglay ng tao. Ang tatlong yugto ng gawain ay ang kabuuan ng pamamahala ng Diyos, at wala nang mas dakilang pangitain na dapat malaman ng tao. Kung hindi alam ng tao ang pinakadakilang pangitaing ito, hindi madaling makilala ang Diyos, hindi madaling maunawaan ang mga layunin ng Diyos, at, bukod pa riyan, ang landas na tinatahak ng tao ay lalong magiging mahirap. Kung walang mga pangitain, hindi sana nakaya ng tao na makaabot nang ganito kalayo. Ang mga pangitain ang nagtustos sa tao hanggang ngayon, at ang naging pinakamalaking proteksyon ng tao. Sa hinaharap, kailangang lumalim ang inyong kaalaman. Kailangan ninyong malaman ang kabuuan ng Kanyang mga layunin at ang kakanyahan ng Kanyang matalinong gawain sa loob ng tatlong yugto ng gawain. Ito lamang ang inyong tunay na tayog. Ang huling yugto ng gawain ay hindi tumatayong mag-isa, kundi bahagi ng buo na magkasamang hinulma ng naunang dalawang yugto, na ibig sabihin ay imposibleng makumpleto ang buong gawain ng pagliligtas sa paggawa lamang ng isa sa tatlong yugto ng gawain. Kahit kayang lubos na iligtas ng huling yugto ng gawain ang tao, hindi nito ibig sabihin na kailangan lamang isagawa ang iisang yugtong ito nang mag-isa, at na hindi kinakailangan ang naunang dalawang yugto ng gawain para iligtas ang tao mula sa impluwensya ni Satanas. Walang kahit isa ng ng tatlong yugto ang maaaring ituring bilang tanging pangitaing kailangang malaman ng buong sangkatauhan nang ito lang, sapagkat ang kabuuan ng gawain ng pagliligtas ang tatlong yugto ng gawain, hindi ang iisang yugto nila. Basta’t hindi pa naisasakatuparan ang gawain ng pagliligtas hindi ganap na matatapos ang pamamahala ng Diyos. Ang katauhan ng Diyos, Kanyang disposisyon, at Kanyang karunungan ay ipinapahayag sa kabuuan ng gawain ng pagliligtas; hindi ipinapaalam ang mga ito sa tao sa pinakasimula, kundi unti-unting naipahayag sa gawain ng pagliligtas. Bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay nagpapahayag ng bahagi ng disposisyon ng Diyos, at bahagi ng Kanyang katauhan; walang isang yugto ng gawain ang maaaring tuwiran at ganap na magpahayag ng kabuuan ng katauhan ng Diyos. Dahil dito, yamang maaari lamang matapos nang lubusan ang gawain ng pagliligtas kapag natapos na ang tatlong yugto ng gawain, ang kaalaman ng tao tungkol sa kabuuan ng Diyos ay hindi maihihiwalay mula sa tatlong yugto ng gawain ng Diyos. Ang natatamo ng tao mula sa isang yugto ng gawain ay ang disposisyon lamang ng Diyos na ipinapahayag sa iisang bahagi ng Kanyang gawain. Hindi ito maaaring kumatawan sa disposisyon at katauhang ipinapahayag sa mga yugto bago o pagkatapos nito. Iyan ay dahil sa ang gawain ng pagliligtas sa sangkatauhan ay hindi natatapos kaagad sa isang panahon, o sa isang lugar, kundi unti-unting mas lumalalim ayon sa kalagayan ng pag-unlad ng tao sa magkakaibang panahon at lugar. Ito ay gawaing isinasagawa sa paisa-isang yugto, at hindi natatapos sa iisang yugto. Kaya, ang buong karunungan ng Diyos ay nabubuo sa tatlong yugto, sa halip na sa isang indibiduwal na yugto. Ang Kanyang buong katauhan at buong karunungan ay inilalaan sa gitna ng tatlong yugtong ito—ang bawat yugto ay naglalaman ng Kanyang katauhan, at bawat yugto ay isang tala ng karunungan ng Kanyang gawain. Dapat malaman ng tao ang buong disposisyon ng Diyos na ipinapahayag sa tatlong yugtong ito. Ang pagka-Diyos na ito ng Diyos ay napakahalaga sa buong sangkatauhan, at kung wala ang kaalamang ito sa mga tao kapag sumasamba sila sa Diyos, wala silang ipinagkaiba sa mga sumasamba kay Buddha. Ang gawain ng Diyos sa tao ay hindi itinatago sa tao, at dapat malaman ng lahat ng sumasamba sa Diyos. Dahil naisagawa ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas sa tao, dapat malaman ng tao ang pagpapahayag kung ano ang mayroon Siya at kung ano Siya sa panahon ng tatlong yugtong ito ng gawain. Ito ang kailangang gawin ng tao. Ang itinatago ng Diyos sa tao ay yaong hindi kayang magawa ng tao, at yaong hindi dapat malaman ng tao, samantalang yaong ipinapakita ng Diyos sa tao ay yaong dapat malaman ng tao, at yaong dapat taglayin ng tao. Bawat isa sa tatlong yugto ng gawain ay isinasagawa ayon sa pundasyon ng naunang yugto; hindi ito isinasagawa nang paisa-isa, na hiwalay sa gawain ng pagliligtas. Bagama’t may malalaking pagkakaiba sa kapanahunan at sa gawaing isinasagawa, nasa sentro pa rin nito ang pagliligtas sa sangkatauhan, at bawat yugto ng gawain ng pagliligtas ay mas malalim kaysa sa huli. Bawat yugto ng gawain ay nagpapatuloy mula sa pundasyon ng huli, nang hindi kailanman isinasantabi ang naunang yugto. Sa ganitong paraan, sa Kanyang gawain na laging bago at hindi kailanman luma, patuloy na ipinapahayag ng Diyos ang mga aspeto ng Kanyang disposisyon na hindi pa naipahayag sa tao kailanman, at palaging ipinapaalam sa tao ang Kanyang bagong gawain at Kanyang bagong pagka-Diyos. Kahit ginagawa ng matatagal nang miyembro ng relihiyon ang lahat para labanan ito, at hayagan itong kinokontra, gumagawa pa rin ang Diyos ng bagong gawain na nararapat Niyang gawin. Ang Kanyang gawain ay laging nagbabago, at dahil dito, lagi itong kinokontra ng tao. Kaya lagi ring nagbabago ang Kanyang disposisyon, gayundin ang kapanahunan at mga tumatanggap ng Kanyang gawain. Bukod pa riyan, lagi Siyang gumagawa ng gawaing hindi pa kailanman nagawa dati, nagsasagawa rin ng gawain na sa tingin ng tao ay mukhang salungat sa gawaing ginawa dati, na laban dito. Tinatanggap lamang ng tao ang isang uri ng gawain, o isang uri ng pagsasagawa, at mahirap para sa tao ang tanggapin ang gawain o mga pagsasagawa na taliwas, o mas mataas, kaysa sa mga ito. Ngunit ang Banal na Espiritu ay laging gumagawa ng bagong gawain, kaya nga may lumilitaw na sunud-sunod na grupo ng mga eksperto sa relihiyon na lumalaban sa bagong gawain ng Diyos. Ang mga taong ito ay naging mga “eksperto” dahil mismo wala silang kaalaman kung paanong ang Diyos ay laging bago at hindi kailanman luma, at walang kaalaman tungkol sa mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at, higit pa riyan, walang kaalaman sa maraming paraan kung paano inililigtas ng Diyos ang tao. Dahil dito, hindi lubos na masabi ng tao kung ito ay gawaing nagmumula sa Banal na Espiritu, at kung ito ang gawain ng Diyos Mismo. Maraming tao ang nakakapit sa isang pag-uugali na, kung ang isang bagay ay umaayon sa mga salitang nauna, tinatanggap nila ito, at kung may naiiba mula sa gawain noong araw, kinokontra at tinatanggihan nila ito. Ngayon, hindi ba kayo sumusunod na lahat sa gayong mga prinsipyo? Ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ay hindi pa nagkaroon ng malaking epekto sa inyo, at may mga naniniwala na ang naunang dalawang yugto ng gawain ay isang pasanin na talagang hindi nila kailangang malaman. Iniisip nila na ang mga yugtong ito ay hindi dapat ipahayag sa masa at dapat bawiin sa lalong madaling panahon, upang hindi malito ang mga tao sa naunang dalawang yugto ng tatlong yugto ng gawain. Naniniwala ang karamihan na hindi na kailangan pang ipaalam ang naunang dalawang yugto ng gawain, at hindi ito nakakatulong sa pagkilala sa Diyos—iyan ang akala ninyo. Ngayon, naniniwala kayong lahat na tamang kumilos sa ganitong paraan, ngunit darating ang araw na matatanto ninyo ang kahalagahan ng Aking gawain. Dapat ninyong malaman na wala Akong ginagawang anumang gawain na walang kabuluhan. Dahil ipinapahayag Ko ang tatlong yugto ng gawain sa inyo, kailangang maging kapaki-pakinabang ang mga ito sa inyo; dahil ang tatlong yugtong ito ng gawain ay nasa sentro ng buong pamamahala ng Diyos, kailangang magtuon dito ang lahat sa loob ng sansinukob. Balang araw, matatanto ninyong lahat ang kahalagahan ng gawaing ito. Dapat ninyong malaman na nilalabanan ninyo ang gawain ng Diyos, o ginagamit ninyo ang inyong sariling mga kuru-kuro upang sukatin ang gawain ngayon, dahil hindi ninyo alam ang mga prinsipyo ng gawain ng Diyos, at dahil sa inyong padalus-dalos na pagtrato sa gawain ng Banal na Espiritu. Ang inyong paglaban sa Diyos at paghadlang sa gawain ng Banal na Espiritu ay sanhi ng inyong mga kuru-kuro at likas na kayabangan. Hindi ito dahil mali ang gawain ng Diyos, kundi dahil masyado kayong likas na mapaghimagsik. Matapos masumpungan ang kanilang paniniwala sa Diyos, hindi man lamang masabi ng ilang tao nang may katiyakan kung saan nanggaling ang tao, subalit nangangahas silang magtalumpati sa publiko na humuhusga sa mga tama at mali sa gawain ng Banal na Espiritu. Sinesermunan pa nila ang mga apostol na mayroong bagong gawain ng Banal na Espiritu, na nagkokomento at gumagawa ng mga walang galang na pahayag; napakababa ng kanilang pagkatao, at wala ni katiting na katwiran sa kanila. Hindi ba’t darating ang araw na itataboy ng gawain ng Banal na Espiritu ang gayong mga tao, at susunugin ng mga apoy ng impiyerno? Hindi nila alam ang gawain ng Diyos, kundi sa halip ay hinuhusgahan ang Kanyang gawain, at sinusubukan ding turuan ang Diyos kung paano gumawa. Paano makikilala ng gayong mga taong walang katwiran ang Diyos? Nakikilala ng tao ang Diyos habang naghahanap at nagdaranas; ang kaalaman sa Diyos ay hindi nakakamit sa pamamagitan ng kaliwanagan ng Banal na Espiritu sa panahon ng paghusga ng tao nang pabasta-basta. Kapag mas tumpak ang kaalaman ng mga tao tungkol sa Diyos, mas hindi nila Siya nilalabanan. Sa kabilang dako, kapag mas kakaunti ang alam ng tao tungkol sa Diyos, mas malamang na labanan nila Siya. Ang iyong mga kuru-kuro, ang dati mong likas na pagkatao, at ang iyong pagkatao, karakter, at moral na pananaw ang puhunan na ipinanlalaban mo sa Diyos, at habang mas tiwali ang iyong moralidad, mas ubod ng sama ang iyong karakter, at mababa ang iyong pagkatao, mas kaaway ka ng Diyos. Yaong mga nagtataglay ng matitinding kuru-kuro at may mapagmagaling na disposisyon ay mas lalo pang kinapopootan ng Diyos na nagkatawang-tao; ang gayong mga tao ang mga anticristo. Kung hindi naitama ang iyong mga kuru-kuro, palaging magiging laban sa Diyos ang mga ito; hindi ka magiging kaayon ng Diyos kailanman, at lagi kang malalayo sa Kanya.
Kapag isinantabi mo ang iyong mga lumang kuru-kuro, saka ka lamang magkakamit ng bagong kaalaman, subalit ang lumang kaalaman ay hindi kinakailangang maging katumbas ng mga lumang kuru-kuro. Ang “mga kuru-kuro” ay tumutukoy sa mga bagay na nawari ng tao na taliwas sa realidad. Kung ang lumang kaalaman, sa paglipas ng mga kapanahunan, ay naging lipas na, dapat itong itapon. Ang lumang kaalaman ay bahagi ng mga kuru-kuro ng mga tao, at hinahadlangan sila nito sa pagpasok sa bagong gawain. Kung kaya ng isang tao na tratuhin nang tama ang lumang kaalamang ito, at nagagawa niyang pagsamahin ang luma at ang bago, ang lumang kaalaman ay aktuwal na nagiging tulong sa kanila, nagiging batayan ng kanilang pagpasok sa bagong kapanahunan. Sa aral sa pagkilala sa Diyos, kinakailangan mong magpakadalubhasa sa maraming prinsipyo: paano pumasok tungo sa landas ng pagkilala sa Diyos, aling mga katotohanan ang kailangan mong maunawaan upang makilala ang Diyos, at paano mo iwawaksi ang iyong mga kuru-kuro at dating mga disposisyon upang makapagpasakop ka sa lahat ng mga plano ng bagong gawain ng Diyos. Kung ginagamit mo ang mga prinsipyong ito bilang pundasyon para mapakasok sa aral ng pagkilala sa Diyos, mas lalalim nang lalalim ang iyong kaalaman. Kung malinaw ang iyong kaalaman tungkol sa tatlong yugto ng gawain—na ibig sabihin, sa plano ng pamamahala ng Diyos—at kung kaya mong lubusang iugnay ang naunang dalawang yugto ng gawain ng Diyos sa kasalukuyang yugto, at makikita na ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, magkakaroon ka ng pinakamalalim na pundasyon sa lahat. Ang tatlong yugto ng gawain ay ginagawa ng isang Diyos; ito ang pinakadakilang pangitain, at ito ang tanging daan upang makilala ang Diyos. Ang tatlong yugto ng gawain ay maaari lamang magawa ng Diyos Mismo. Walang taong makagagawa ng gayong gawain para sa Kanya. Ibig sabihin, ang Diyos lamang Mismo ang maaaring nakagawa ng Kanyang sariling gawain mula sa simula hanggang ngayon. Bagama’t ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos ay naisakatuparan sa magkaibang kapanahunan at lugar, at bagama’t ang gawain ng bawat isa ay magkaiba, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos. Sa lahat ng pangitaing dapat malaman ng tao, ito ang pinakadakila sa lahat, at kung ganap itong mauunawaan ng tao, magagawa niyang tumayo nang matatag. Ngayon, ang pinakamalaking problemang kinakaharap ng iba-ibang relihiyon at denominasyon ay na hindi nila alam ang gawain ng Banal na Espiritu, at hindi nila makita ang pagkakaiba sa pagitan ng gawain ng Banal na Espiritu at ng hindi gawain ng Banal na Espiritu—dahil dito, hindi nila masabi kung ang yugto ng gawaing ito, tulad ng huling dalawang yugto ng gawain, ay ginawa rin ng Diyos na Jehova. Bagama’t sinusunod ng mga tao ang Diyos, karamihan ay hindi pa rin masabi kung ito ang tamang daan. Nag-aalala ang tao kung ang daang ito ang daan na personal na pinangunahan ng Diyos Mismo, at kung ang pagkakatawang-tao ng Diyos ay totoo, at karamihan sa mga tao ay wala pa ring ideya kung paano mahihiwatigan ang gayong mga bagay. Yaong mga sumusunod sa Diyos ay hindi hindi sigurado sa daang ito, kaya nga ang mga sermong ipinapahayag ay babahagya lamang ang epekto sa mga taong ito, at hindi kayang maging lubos na epektibo, at pagkatapos ay nakakaapekto ito sa pagpasok sa buhay ng gayong mga tao. Kung nakikita ng tao sa tatlong yugto ng gawain na isinasagawa ng Diyos Mismo ang mga iyon sa magkaibang panahon, sa magkaibang lugar, at sa iba’t ibang tao; kung nakikita ng tao na bagama’t iba ang gawain, lahat ng iyon ay ginawa ng isang Diyos, at na dahil ito ay gawaing ginawa ng isang Diyos, tiyak na ito ay tama at walang mali, at na bagama’t taliwas ito sa mga kuru-kuro ng tao, hindi maikakaila na gawain ito ng isang Diyos—kung tiyakang masasabi ng tao na gawain ito ng isang Diyos, ang mga kuru-kuro ng tao ay magiging maliliit na bagay lamang, na hindi karapat-dapat na banggitin. Hindi malinaw sa tao ang tungkol sa mga pangitain, kilala lamang nila si Jehova bilang Diyos at si Jesus bilang ang Panginoon, at nagdadalawang-isip sila tungkol sa Diyos na nagkatawang-tao ng ngayon. Dahil dito, maraming tao ang nakakapit pa rin sa gawain nina Jehova at Jesus, at puno sila ng mga kuru-kuro tungkol sa gawain ng ngayon, at karamihan ng tao ay palaging hindi nakatitiyak, at hindi sineseryoso ang gawain ng ngayon. Walang mga kuru-kuro ang tao sa huling dalawang yugto ng gawain, na hindi nakikita. Iyan ay dahil hindi nauunawaan ng tao ang realidad ng huling dalawang yugto ng gawain, at hindi nasaksihan nang personal ang mga iyon. Ito ay dahil ang mga yugtong ito ng gawain ay hindi maaaring makita ayon sa iniisip ng tao ayon sa gusto niya; anuman ang maisip niya, walang mga katunayang magpapatunay sa gayong mga imahinasyon, at walang sinumang magtutuwid dito. Binibigyang-laya ng tao ang kanyang pag-uugali, nang hindi nag-iingat at hindi pinipigilan ang kanyang imahinasyon. Walang mga katunayang magpapatotoo sa kanyang mga imahinasyon, kaya nga ang mga imahinasyon ng tao ay nagiging “katunayan,” hindi mahalaga kung may batayan ba ang mga ito. Sa gayon ay naniniwala ang tao sa sarili niyang diyos na nabuo sa kanyang isipan, at hindi hinahangad ang Diyos ng realidad. Kung ang isang tao ay may isang uri ng paniniwala, sa isandaang tao ay may isandaang uri ng paniniwala. Ang tao ay nagtataglay ng gayong mga paniniwala dahil hindi pa niya nakita ang praktikal na gawain ng Diyos, dahil narinig lamang ito ng kanyang mga tainga at hindi nakita ng kanyang mga mata. Nakarinig na ang tao ng mga alamat at kuwento—ngunit bihira siyang makarinig ng kaalaman tungkol sa mga katunayan ng gawain ng Diyos. Sa gayon ang mga taong naging mga mananampalataya sa loob lamang ng isang taon ay naniniwala sa Diyos sa pamamagitan ng kanilang sariling mga kuru-kuro, at gayon din sa mga naniwala sa Diyos nang buong buhay nila. Yaong mga hindi nakakakita sa mga katunayan ay hindi makakatakas kailanman mula sa isang pananampalataya kung saan mayroon silang mga kuru-kuro tungkol sa Diyos. Naniniwala ang tao na napalaya na niya ang kanyang sarili mula sa pagkabihag ng kanyang mga lumang kuru-kuro, at nakapasok na sa bagong teritoryo. Hindi ba alam ng tao na ang kaalaman ng mga hindi makakita sa tunay na mukha ng Diyos ay walang-iba kundi mga kuru-kuro at sabi-sabi? Iniisip ng tao na ang kanyang mga kuru-kuro ay tama at walang mali, at iniisip niya na ang mga kuru-kuro na ito ay nagmumula sa Diyos. Ngayon, kapag nasasaksihan ng tao ang gawain ng Diyos, malaya niyang ginagamit ang mga kuru-kuro na nabuo sa maraming taong nagdaan. Ang mga imahinasyon at ideya ng nakaraan ay naging hadlang sa gawain ng yugtong ito, at naging mahirap para sa tao na bitawan ang gayong mga kuru-kuro at pabulaanan ang gayong mga ideya. Ang mga kuru-kuro ng marami na sumunod sa Diyos hanggang ngayon tungo sa bawat hakbang ng gawaing ito ay naging lalong mas malubha, at ang mga taong ito ay unti-unting nakabuo ng isang matinding pagkamuhi para sa Diyos na nagkatawang-tao. Ang pinagmulan ng pagkamuhing ito ay ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao. Hindi pinahihintulutan ng mga katunayan na bigyang-laya ng tao ang kanyang imahinasyon, lalong hindi nagpaparaya ang mga ito sa anumang kaswal na pagpapabulaan, at hindi matitiis ng mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ang pag-iral ng mga katunayan; bukod pa riyan, hindi pinag-iisipan ng tao ang pagiging tama at totoo ng mga katunayan, at patuloy lamang na pinakakawalan ang kanyang mga kuru-kuro at pinauunlad ang kanyang sariling mga imahinasyon. Dahil mismo rito kaya ang mga kuru-kuro at imahinasyon ng tao ay naging kaaway ng gawain ng ngayon, gawain na taliwas sa mga kuru-kuro ng tao. Masasabi lamang na kagagawan ito ng mga kuru-kuro ng tao, at hindi masasabing kagagawan ng gawain ng Diyos. Maaaring wariin ng tao ang anumang nais niya, ngunit hindi niya pabubulaanan ang anumang yugto ng gawain ng Diyos o anumang bahagi nito; ang katunayan ng gawain ng Diyos ay hindi masisira ng tao. Maaari mong bigyang-laya ang iyong imahinasyon, at ipunin pa ang magagandang kuwento tungkol sa gawain nina Jehova at Jesus, ngunit hindi mo maaaring pabulaanan ang katunayan ng bawat yugto ng gawain nina Jehova at Jesus; ito ay isang prinsipyo, at isa rin itong atas administratibo, at dapat ninyong maunawaan ang kahalagahan ng mga isyung ito. Naniniwala ang tao na ang yugtong ito ng gawain ay hindi kaayon ng mga kuru-kuro ng tao, at na hindi ganito ang naunang dalawang yugto ng gawain. Sa kanyang imahinasyon, naniniwala ang tao na ang gawain ng naunang dalawang yugto ay siguradong hindi katulad ng gawain ng ngayon—ngunit naisip na ba ninyo na lahat ng prinsipyo ng gawain ng Diyos ay pare-pareho, na ang Kanyang gawain ay laging praktikal, at na, anuman ang kapanahunan, laging dadagsa ang mga taong lumalaban at kumokontra sa katunayan ng Kanyang gawain? Lahat ng lumalaban at kumokontra ngayon sa yugtong ito ng gawain ay walang-dudang lumaban na rin sa Diyos noong araw, sapagkat ang gayong mga tao ay laging magiging mga kaaway ng Diyos. Ituturing ng mga taong nakakaalam sa katunayan ng gawain ng Diyos ang tatlong yugto ng gawain bilang gawain ng isang Diyos, at kalilimutan nila ang kanilang mga kuru-kuro. Ito ang mga taong kilala ang Diyos, at ang gayong mga tao ay yaong mga tunay na sumusunod sa Diyos. Kapag malapit nang magwakas ang buong pamamahala ng Diyos, mabukod-bukod ng Diyos ang lahat ng bagay ayon sa uri ng mga ito. Ang tao ay ginawa ng mga kamay ng Lumikha, at sa huli ay kailangan Niyang ganap na ibalik ang tao sa ilalim ng Kanyang kapamahalaan; ito ang katapusan ng tatlong yugto ng gawain. Ang yugto ng gawain sa mga huling araw, at ang naunang dalawang yugto sa Israel at Judea, ay plano ng pamamahala ng Diyos sa buong sansinukob. Walang sinumang makapagkakaila rito, at ito ang katunayan ng gawain ng Diyos. Bagama’t hindi pa naranasan o nasaksihan ng mga tao ang karamihan sa gawaing ito, ang mga katunayan ay mga katunayan pa rin, at hindi ito maikakaila ng sinumang tao. Ang mga taong naniniwala sa Diyos sa bawat lugar sa loob ng sansinukob ay tatanggaping lahat ang tatlong yugto ng gawain. Kung isang partikular na yugto lamang ng gawain ang alam mo, at hindi mo nauunawaan ang dalawa pang yugto ng gawain, hindi mo nauunawaan ang gawain ng Diyos noong nakalipas na mga panahon, hindi mo masasabi ang buong katotohanan ng buong plano ng pamamahala ng Diyos, at isang panig lamang ang iyong pagkakilala sa Diyos, sapagkat sa iyong paniniwala sa Diyos hindi mo Siya kilala o nauunawaan, at kaya hindi ka kalipikado na magpatotoo sa Diyos. Malalim man o mababaw ang iyong kasalukuyang kaalaman tungkol sa mga bagay na ito, sa huli, kailangan ninyong lahat na magkaroon ng kaalaman, at kailangang lubos kayong makumbinsi, at lahat ng tao ay makikita ang kabuuan ng gawain ng Diyos at magpapasakop sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Sa pagtatapos ng gawaing ito, lahat ng relihiyon ay magiging isa, lahat ng nilikha ay babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, lahat ng nilikha ay sasambahin ang isang tunay na Diyos, at lahat ng masamang relihiyon ay mauuwi sa wala, hindi na muling lilitaw kailanman.
Bakit patuloy ang pagtukoy na ito sa tatlong yugto ng gawain? Ang paglipas ng mga kapanahunan, pag-unlad ng lipunan, at pagpapalit ng anyo ng kalikasan ay sumusunod na lahat sa mga pagbabago sa tatlong yugto ng gawain. Nagbabago ang sangkatauhan sa paglipas ng panahon kasabay ng gawain ng Diyos, at hindi umuunlad mag-isa. Binabanggit ang tatlong yugto ng gawain ng Diyos upang dalhin ang lahat ng nilikha, at lahat ng tao ng bawat relihiyon at denominasyon, sa ilalim ng kapamahalaan ng isang Diyos. Saanmang relihiyon ka nabibilang, sa huli ay magpapasailalim kayong lahat sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos. Ang Diyos lamang Mismo ang maaaring magsagawa ng gawaing ito; hindi ito magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. May ilang pangunahing relihiyon sa mundo, at bawat isa ay may sariling pinuno, o lider, at ang mga alagad ay nagkalat sa iba’t ibang bansa at rehiyon sa buong mundo; halos bawat bansa, malaki man o maliit, ay may iba’t ibang relihiyon sa loob nito. Gayunman, gaano man karami ang mga relihiyon sa buong mundo, lahat ng tao sa loob ng sansinukob ay umiiral sa huli sa ilalim ng patnubay ng isang Diyos, hindi sa ilalim ng patnubay ng mga pinuno o lider ng mga relihiyon. Ibig sabihin, ang sangkatauhan ay hindi ginagabayan ng isang partikular na pinuno o lider ng relihiyon; sa halip, ang buong sangkatauhan ay pinamumunuan ng Lumikha, na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay, at lumikha rin sa sangkatauhan—at ito ay totoo. Bagama’t ang mundo ay may ilang pangunahing relihiyon, gaano man kalaki ang mga ito, lahat sila ay umiiral sa ilalim ng kapamahalaan ng Lumikha, at walang isa man sa kanila ang makalalampas sa saklaw ng kapamahalaang ito. Ang pag-unlad ng sangkatauhan, pagpapalit ng lipunan, pag-abante ng mga agham pangkalikasan —bawat isa ay hindi maihihiwalay mula sa mga plano ng Lumikha, at ang gawaing ito ay hindi isang bagay na magagawa ng sinumang pinuno ng relihiyon. Ang isang pinuno ng relihiyon ay pinuno lamang ng isang partikular na relihiyon, at hindi maaaring kumatawan sa Diyos, ni hindi nila maaaring katawanin ang Isa na lumikha ng kalangitan at lupa at lahat ng bagay. Ang isang pinuno ng relihiyon ay maaaring mamuno sa lahat ng nasa loob ng buong relihiyon, ngunit hindi nila mauutusan ang lahat ng nilikha sa silong ng kalangitan—tanggap ng buong sansinukob ang katunayang ito. Ang isang pinuno ng relihiyon ay isang lider lamang, at hindi maaaring maging kapantay ng Diyos (ang Lumikha). Lahat ng bagay ay nasa mga kamay ng Lumikha, at sa katapusan ay babalik silang lahat sa mga kamay ng Lumikha. Ang sangkatauhan ay ginawa ng Diyos, at ang bawat relihiyon ay mapapasailalim ng kapamahalaan ng Diyos—hindi ito maiiwasan. Diyos lamang ang Kataas-taasan sa lahat ng bagay, at ang pinakamataas na pinuno sa lahat ng nilikha ay kailangan ding magpasailalim ng Kanyang kapamahalaan. Gaano man kataas ang katayuan ng isang tao, hindi niya madadala ang sangkatauhan sa isang angkop na hantungan, at walang sinumang nagagawang pagbukud-bukurin ang lahat ng bagay ayon sa uri. Si Jehova Mismo ang lumikha sa sangkatauhan at ibinukod-bukod Niya ang bawat isa ayon sa uri nila, at pagdating ng mga huling araw ay gagawin pa rin Niya Mismo ang Kanyang sariling gawain, ipinagbubukod-bukod ang lahat ng bagay ayon sa uri ng mga ito—walang tao ang puwedeng umako sa lugar ng Diyos sa gawaing ito. Ang tatlong yugto ng gawaing isinagawa sa simula pa lamang hanggang ngayon ay pawang isinasagawang ng Diyos Mismo, at isinasagawa ng iisang Diyos. Ang katunayan ng tatlong yugto ng gawain ay ang katunayan ng pamumuno ng Diyos sa buong sangkatauhan, isang katunayang hindi maikakaila ng sinuman. Sa katapusan ng tatlong yugto ng gawain, lahat ng bagay ay mabukod-bukod ayon sa uri ng mga ito at babalik sa ilalim ng kapamahalaan ng Diyos, sapagkat sa taas ng sansinukob at sa kabuuan nito ay nag-iisa lamang ang umiiral na Diyos na ito, at wala nang iba pang mga relihiyon. Siya na walang kakayahang lumikha ng mundo ay walang kakayahang wakasan ito, samantalang Siya na lumikha ng mundo ay siguradong kayang wakasan ito. Samakatwid, kung ang isang tao ay walang kakayahang wakasan ang kapanahunan at nagagawa lamang na tulungan ang tao na linangin ang kanyang sarili at pinuhin ang kanyang karakter, siguradong hindi siya ang Diyos, siguradong hindi siya ang Panginoon ng sangkatauhan, at wala siyang kakayahang gawin ang gayon kadakilang gawain. Mayroon lamang iisa na maaaring magsagawa ng gayong gawain, at lahat ng hindi makakagawa ng gawaing ito ay siguradong iba't ibang masasamang espiritu at hindi ang Diyos, at lahat ng masamang espiritu ay mga kaaway ng Diyos. Hangga't ang isang bagay ay gawain ng masasamang espiritu na nanlilihis sa mga tao, isa itong masamang relihiyon, at ang masasamang relihiyon ay hindi kaayon ng Diyos, at ang hindi kaayon ng Diyos ay kaaway ng Diyos. Lahat ng gawain ay ginagawa ng iisang tunay na Diyos na ito, at ang buong sansinukob ay pinamumunuan ng iisang Diyos na ito. Gawain man Niya sa Israel o sa Tsina, sa Espiritu man o sa katawang-tao isinasagawa ang gawain, lahat ay ginagawa ng Diyos Mismo, at hindi magagawa ng sinupamang iba. Ito ay dahil mismo sa Siya ang Diyos ng buong sangkatauhan kaya malaya Siyang gumagawa, hindi pinipigilan ng anumang mga kundisyon. Ito ang pinakadakila sa lahat ng pangitain. Bilang isang nilikha, kung nais mong tuparin ang tungkulin ng isang nilikha ng Diyos at maunawaan ang mga layunin ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang gawain ng Diyos, kailangan mong maunawaan ang mga layunin ng Diyos para sa mga nilikha, kailangan mong maunawaan ang Kanyang plano ng pamamahala, at kailangan mong maunawaan ang buong kabuluhan ng gawaing Kanyang ginagawa. Yaong mga hindi nakakaunawa rito ay mga hindi pasok sa pamantayan bilang mga nilikha! Bilang isang nilikha, kung hindi mo nauunawaan kung saan ka nanggaling, hindi mo nauunawaan ang kasaysayan ng sangkatauhan at lahat ng gawaing ginawa ng Diyos, at, higit pa riyan, hindi mo nauunawaan kung paano umunlad ang tao hanggang sa ngayon, at hindi mo alam kung sino ang namumuno sa buong sangkatauhan, ang paggampan mo ng iyong tungkulin ay lalong hindi mo kaya. Pinamumunuan na ng Diyos ang sangkatauhan hanggang ngayon, at simula nang likhain Niya ang tao sa lupa hindi na Niya siya iniwan. Hindi tumigil kailanman ang Banal na Espiritu sa paggawa, hindi tumitigil kailanman sa paggabay sa sangkatauhan, at hindi iniwan kailanman ang sangkatauhan. Ngunit hindi natatanto ng sangkatauhan na may isang Diyos, lalo nang hindi niya kilala ang Diyos. Mayroon pa bang ibang mas nakakahiya kaysa rito para sa lahat ng nilikha? Personal na ginagabayan ng Diyos ang tao, ngunit hindi nauunawaan ng tao ang gawain ng Diyos. Ikaw ay isang nilikha, subalit hindi mo alam ang iyong sariling kasaysayan, hindi alam kung sino ang gumabay sa iyo sa iyong paglalakbay, at hindi alam ang mga gawaing ginagawa ng Diyos, kaya hindi mo makilala ang Diyos. Kung hindi mo pa rin alam ang mga bagay na ito, hindi ka magiging kalipikado kailanman na magpatotoo sa Diyos. Ngayon, minsan pang personal na ginagabayan ng Lumikha ang lahat ng tao, at hinahayaang mamasdan ng lahat ng tao ang Kanyang karunungan, pagiging makapangyarihan sa lahat, pagliligtas, at pagiging kamangha-mangha. Subalit hindi mo pa rin natatanto o nauunawaan—samakatuwid ay hindi ba ikaw ang hindi tatanggap ng kaligtasan? Yaong mga kay Satanas ay hindi nauunawaan ang mga salita ng Diyos, samantalang yaong mga hinirang ng Diyos ay naririnig ang tinig ng Diyos. Lahat ng nakakaalam at nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ang siyang maliligtas at makapagpapatotoo sa Diyos; lahat ng hindi nakakaunawa sa mga salitang Aking sinasambit ay hindi makapagpapatotoo sa Diyos, at sila yaong ititiwalag. Yaong mga hindi nauunawaan ang mga layunin ng Diyos at hindi natatanto ang gawain ng Diyos ay walang kakayahang magkamit ng pagkakilala sa Diyos, at ang gayong mga tao ay hindi makapagpapatotoo sa Diyos. Kung nais mong magpatotoo sa Diyos, kailangan mong makilala ang Diyos; ang pagkakilala sa Diyos ay natutupad sa pamamagitan ng gawain ng Diyos. Sa huli, kung nais mong makilala ang Diyos, kailangan mong malaman ang gawain ng Diyos: Ang pag-alam sa gawain ng Diyos ang pinakamahalaga. Kapag nagwakas na ang tatlong yugto ng gawain, magkakaroon ng isang grupo ng mga nagpapatotoo sa Diyos, isang grupo ng mga nakakakilala sa Diyos. Makikilala ng lahat ng taong ito ang Diyos. Maisasagawa nila ang katotohanan, at magtataglay sila ng pagkatao at katwiran. Malalaman nilang lahat ang tatlong yugto ng gawain ng pagliligtas ng Diyos. Ito ang gawaing matutupad sa huli, at ang mga taong ito ang nabuo ng gawain ng 6,000 taon ng pamamahala, at ang pinakamakapangyarihang patotoo sa sukdulang pagkatalo ni Satanas. Yaong mga makapagpapatotoo sa Diyos ay makatatanggap ng pangako at pagpapala ng Diyos, at magiging grupong mananatiling buhay sa pinakahuli, ang grupong nagtataglay ng awtoridad ng Diyos at nagpapatotoo sa Diyos. Marahil ay maaaring maging miyembrong lahat ng grupong ito yaong mga kasama ninyo, o marahil ay kalahati lamang, o ilan lamang—depende iyon sa determinasyon ninyo at hinahangad ninyo.