Marami ang Tinawag, Datapuwa’t Kakaunti ang Nahirang

Marami na Akong nahanap sa lupa para maging Aking mga tagasunod. Sa lahat ng tagasunod na ito, mayroong naglilingkod bilang mga pari, mga namumuno, mga anak ng Diyos, mga tao ng Diyos, at mga nagseserbisyo. Iginugrupo Ko sila batay sa katapatang ipinakikita nila sa Akin. Kapag nabukud-bukod na ang lahat ayon sa kanilang uri, ibig sabihin, kapag ang kalikasan ng bawat uri ng tao ay nabunyag na, igugrupo Ko ang bawat isa sa kanila sa kanilang tamang kategorya at ilalagay ang bawat uri sa kanilang angkop na lugar, upang makamtan ang Aking layunin ng pagliligtas sa mga tao. Grupo-grupo Kong tinatawag ang mga nais Kong iligtas sa Aking sambahayan, at pagkatapos ay ipinatatanggap Ko sa kanilang lahat ang Aking gawain ng mga huling araw. Kasabay nito, ibinubukud-bukod Ko sila ayon sa uri, pagkatapos ay ginagantimpalaan o pinarurusahan ang bawat tao batay sa kanilang mga kilos. Ito ang mga hakbang na bumubuo sa Aking gawain.

Ngayon, naninirahan Ako sa lupa, at nabubuhay Ako sa piling ng mga tao. Dinaranas ng mga tao ang Aking gawain, at pinagmamasdan Akong magsalita, at kasabay nito ay ipinagkakaloob Ko ang lahat ng katotohanan sa bawat isa sa Aking mga tagasunod, upang matanggap nila ang buhay mula sa Akin at sa gayon ay magkamit ng landas na susundan. Sapagkat Ako ang Diyos, Tagapagkaloob ng buhay. Sa loob ng maraming taon Ko ng paggawa, maraming natamo ang mga tao, at maraming tinalikdan, subalit sinasabi Ko pa rin na hindi talaga sila nananampalataya sa Akin. Sapagkat kinikilala lamang ng mga tao na Ako ang Diyos gamit ang kanilang bibig, ngunit hindi sila sumasang-ayon sa mga katotohanang ipinapahayag Ko, at, dagdag pa riyan, hindi nila isinasagawa ang mga katotohanang hinihingi Ko sa kanila. Ibig sabihin, kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang pag-iral ng katotohanan; kinikilala lamang ng mga tao ang pag-iral ng Diyos, ngunit hindi ang pag-iral ng buhay; kinikilala lamang ng mga tao ang pangalan ng Diyos, ngunit hindi ang Kanyang diwa. Kinamumuhian Ko sila dahil sa kanilang kasigasigan, sapagkat gumagamit lamang sila ng mga salitang masarap pakinggan para linlangin Ako, at wala sa kanila ang sumasamba sa Akin nang may tunay na puso. Ang inyong mga salita ay naglalaman ng pang-aakit ng ahas; at sukdulan sa pagmamataas ang mga ito, isang tunay na pagpapahayag ng arkanghel. Higit pa riyan, ang inyong mga gawa ay nakakahiya dahil sira-sira at gutay-gutay, at ang inyong labis-labis na mga pagnanais at mapag-imbot na mga intensyon ay kasuklam-suklam pakinggan. Lahat kayo ay naging mga gamugamo sa Aking sambahayan, mga pakay na Aking itataboy. Sapagkat walang isa man sa inyo ang nagmamahal sa katotohanan; bagkus, nais ninyong mapagpala, makaakyat sa langit, mamasdan ang kagila-gilalas na pangitain ni Cristo na ginagamit ang Kanyang kapangyarihan sa lupa. Ngunit naisip ba ninyo kailanman kung paanong ang katulad ninyo, na napakatiwali, na walang ideya kung ano ang Diyos, ay maaaring maging karapat-dapat na sumunod sa Diyos? Paano kayo makakaakyat sa langit? Papaano kayo magiging karapat-dapat na mamasdan ang magandang tagpo ng hindi pa nararanasang maringal na pangitaing iyon? Ang inyong bibig ay puno ng mga salita na nanlilinlang sa Akin, mga salita ng karumihan, ng pagkakanulo sa Akin, at mga salita ng kayabangan. Kailanma’y hindi kayo nangusap ng mga salita ng sinseridad sa Akin, walang mga pinabanal na salita, walang mga salita ng pagdanas sa Aking salita at pagpapasakop sa Akin. Ano, sa huli, ang totoong kalikasan ng inyong pananalig? Walang anuman kundi pagnanasa at salapi ang nasa inyong puso, at wala kundi mga materyal na bagay ang nasa inyong isipan. Araw-araw, kinakalkula ninyo kung paano makakakuha ng isang bagay mula sa Akin. Araw-araw, binibilang ninyo kung gaano kalaking kayamanan at gaano karaming materyal na bagay ang natamo ninyo mula sa Akin. Araw-araw, hinihintay ninyong dumating sa inyo ang mas marami pang biyaya nang sa gayon ay matamasa ninyo ang mas marami, mas mataas na mga bagay na maaaring matamasa. Hindi Ako ang laman ng inyong isipan sa bawat isang sandali, ni ang katotohanang nagmumula sa Akin, kundi ang inyong asawa, inyong mga anak, at ang mga bagay na inyong kinakain at isinusuot. Iniisip ninyo kung paano kayo magtatamo ng mas mainam at mas mataas pang pagtatamasa. Ngunit kahit magpakabusog kayo nang husto, hindi ba’t isa pa rin kayong bangkay? Kahit magbihis kayo ng napakagandang damit, hindi ba’t isa pa rin kayong naglalakad na bangkay na walang kabuhay-buhay? Nagpapakahirap kayo alang-alang sa inyong sikmura, hanggang sa puntong tinutubuan na kayo ng uban, subalit walang sinuman sa inyo ang nagsasakripisyo ni isang hibla ng buhok para sa Aking gawain. Palagi kayong nagpaparoo’t parito, pinapagod ninyo ang inyong katawan at pinipiga ang inyong utak, para sa kapakanan ng inyong sariling laman, at para sa inyong mga anak—subalit wala ni isa sa inyo ang nagpapakita ng anumang pag-aalala o malasakit para sa Aking mga layunin. Ano pa ba ang inaasam ninyong matamo mula sa Akin?

Hindi Ako kailanman nagmamadali kapag gumagawa Ako. Paano man Ako sundin ng mga tao, ginagawa Ko ang Aking gawain alinsunod sa Aking sariling mga hakbang at sarili Kong plano. Samakatwid, kahit na labis kayong mapaghimagsik laban sa Akin, gumagawa pa rin Ako nang walang tigil, at patuloy Ko pa ring ipinapahayag ang mga salitang nilalayon Kong ipahayag. Tinatawag Ko sa Aking sambahayan ang Aking mga paunang itinadhana, upang maging mga tagapakinig sila sa Aking mga salita. Pagkatapos, lahat ng nagpapasakop sa Aking mga salita, na nananabik sa Aking mga salita, ay dinadala Ko sa harap ng Aking luklukan; lahat ng nagkakanulo sa Aking mga salita, na hindi sumusunod o nagpapasakop sa Akin, at hayagan Akong nilalabanan, ay isinasantabi Ko para hintayin ang huling parusa sa kanila. Lahat ng tao ay namumuhay sa gitna ng katiwalian at sa ilalim ng kamay ng masama, kaya nga hindi marami sa mga sumusunod sa Akin ang nananabik sa katotohanan. Ibig sabihin, karamihan ay hindi tunay na sumasamba sa Akin; hindi sila sumasamba sa Akin nang taglay ang katotohanan, kundi sinusubukan nilang makuha ang Aking tiwala sa pamamagitan ng katiwalian at paghihimagsik, sa mapanlinlang na mga kaparaanan. Dahil dito kaya Ko sinasabi: Marami ang tinawag, datapuwa’t kakaunti ang nahirang. Ang mga tinawag ay pawang labis na nagawang tiwali at namumuhay na lahat sa iisang kapanahunan—ngunit ang mga nahirang ay isang bahagi lang nila, sila ang mga naniniwala at kumikilala sa katotohanan, at nagsasagawa ng katotohanan. Ang mga taong ito ay napakaliit na bahagi lamang ng kabuuan, at mula sa kanila ay tatanggap Ako ng higit pang kaluwalhatian. Kung susukatin batay sa mga salitang ito, alam ba ninyo kung kabilang kayo sa mga nahirang? Ano ang kalalabasan ninyo?

Tulad ng Aking sinabi, marami ang sumusunod sa Akin ngunit kakaunti ang tunay na nagmamahal sa Akin. Marahil ay sasabihin ng ilan, “Magbabayad ba ako ng napakaraming halaga kung hindi Kita mahal? Susunod ba ako sa Iyo hanggang sa puntong ito kung hindi Kita mahal?” Oo, marami kang dahilan, at napakalaki ng iyong pagmamahal, ngunit nasaan ang diwa ng iyong pagmamahal para sa Akin? Ang “pagmamahal,” ayon sa tawag dito, ay tumutukoy sa isang damdaming dalisay at walang dungis, kung saan ginagamit mo ang iyong puso upang magmahal, makaramdam, at maging mapagsaalang-alang. Sa pagmamahal walang mga kondisyon, walang mga balakid, at walang distansiya. Sa pagmamahal walang paghihinala, walang panlilinlang, at walang katusuhan. Sa pagmamahal, walang mga transaksiyon, at walang anumang mga adulterasyon. Kung mayroon kang pagmamahal, hindi ka manlilinlang, magrereklamo, magkakanulo, maghihimagsik, manghihingi, o maghahangad na magkamit ng isang bagay o magkamit ng isang partikular na dami ng isang bagay. Kung mayroon kang pagmamahal, masaya mong ilalaan ang iyong sarili at kusang-loob mong titiisin ang hirap, makakaayon mo Ako, at tatalikdan mo ang lahat ng mayroon ka para sa Akin, tinatalikdan ang iyong pamilya, ang iyong kinabukasan, ang iyong kabataan, at ang iyong pag-aasawa. Kung hindi, ang iyong pagmamahal ay hindi talaga pagmamahal, kundi panlilinlang at pagkakanulo! Anong klaseng pagmamahal ang sa iyo? Tunay na pagmamahal ba iyon? O huwad? Gaano na ang natalikdan mo? Gaano na ang iyong naisakripisyo? Gaanong pagmamahal na ang natanggap Ko mula sa iyo? Alam mo ba? Ang inyong puso ay puno ng kasamaan, pagkakanulo, at panlilinlang—kaya gaano karami bang karumihan ang nasa pagmamahal ninyo? Iniisip ninyo na sapat na ang natalikdan ninyo para sa Akin; iniisip ninyo na sapat na ang pagmamahal ninyo sa Akin. Pero kung gayon ay bakit palaging nagtataglay ng paghihimagsik at panlilinlang ang inyong mga salita at kilos? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo kinikilala ang Aking salita. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit pagkatapos ay tinatanggihan naman ninyo Ako. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi kayo nagtitiwala sa Akin. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang Aking pag-iral. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit hindi ninyo Ako tinatrato nang naaayon sa Aking pagkakakilanlan, at pinahihirapan ninyo Ako palagi. Ito ba ay pagmamahal? Sumusunod kayo sa Akin, subalit sinusubukan ninyong lokohin at linlangin Ako sa lahat ng bagay. Ito ba ay pagmamahal? Pinaglilingkuran ninyo Ako, subalit hindi kayo nasisindak sa Akin. Ito ba ay pagmamahal? Sinasalungat ninyo Ako sa lahat ng aspeto at sa lahat ng bagay. Pagmamahal ba ang anuman sa mga ito? Totoo, malaki na ang naialay ninyo, subalit hindi ninyo naisagawa kailanman ang ipinagagawa Ko sa inyo. Maaari bang maging pagmamahal ito? Ang maingat na pagbubuod ay nagpapakita na wala kayong kahit katiting na pahiwatig ng pagmamahal sa Akin. Pagkaraan ng napakaraming taon ng gawain at lahat ng maraming salitang naibigay Ko, gaano karami ba talaga ang inyong natamo? Hindi ba ito karapat-dapat sa isang maingat na pagbabalik-tanaw? Pinapaalalahanan Ko kayo: Ang mga tinatawag Ko ay hindi ang mga hindi naging tiwali kailanman; bagkus, ang mga hinihirang Ko ay ang mga tunay na nagmamahal sa Akin. Samakatuwid, kailangan kayong maging maingat sa inyong mga salita at gawa, at suriin ang inyong mga intensyon at saloobin upang ang mga iyon ay hindi umabot sa paglabag. Sa panahon ng mga huling araw, gawin ang lahat ng inyong makakaya para ialay ang inyong pagmamahal sa Aking harapan, kung hindi ay hindi kailanman mawawala sa inyo ang poot Ko!

Sinundan:  Yaong mga Hindi Kaayon kay Cristo ay Tiyak na mga Kalaban ng Diyos

Sumunod:  Dapat Mong Hangarin ang Daan ng Pagiging Kaayon kay Cristo

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger