Kabanata 19
Habang patuloy na sumusulong ang gawain ng Banal na Espiritu, muli tayong inihatid ng Diyos sa isang bagong paraan ng paggawa ng Banal na Espiritu. Bilang resulta, hindi maiiwasan na magkamali ng pagkaunawa sa Akin ang ilang tao at magreklamo sila laban sa Akin, habang ang iba ay tumututol at lumalaban sa Akin at sumisiyasat sa Akin. Gayumpaman, mayroon pa rin Akong mahabaging puso, naghihintay na magsisi kayo at baguhin ang inyong sarili. Ang pagbabago sa pamamaraan ng gawain ng Banal na Espiritu ay ang hayagang pagpapakita ng Diyos Mismo. Mananatiling hindi nagbabago ang Aking salita! Dahil inililigtas kita, hindi Ko talaga nais na abandonahin ka sa kalagitnaan ng daan. Iyon nga lang, nagkikimkim kayo ng mga pagdududa at gusto ninyong bumalik nang walang dala. Ang ilan sa inyo ay huminto na sa pagsulong, habang ang iba naman ay naghihintay at nagmamasid. Ang iba pa ay pasibong humaharap sa sitwasyon, habang ang ilan ay gumagaya sa iba. Talagang matigas ang inyong mga puso! Kinuha mo ang mga salitang ibinigay Ko sa inyo at ginawa mo ang mga ito na isang bagay na ipinagmamalaki mo, o isang bagay na ipinagmamayabang mo. Magbulay-bulay kang muli nang mabuti. Ito ay walang iba kundi mga salita ng habag at paghatol na sumasapit sa iyo. Ang Banal na Espiritu, na nakikitang talagang mapaghimagsik kayo, ay tuwirang nagsasalita at naghihimay. Dapat kayong matakot. Huwag maging mapangahas, walang ingat o padalos-dalos, at huwag maging palalo, walang galang, o mapagmatuwid! Dapat kayong higit na magtuon sa pagsasagawa ng Aking mga salita, at isabuhay ang mga ito nasaan man kayo upang talagang mabago ka ng mga ito mula sa iyong kalooban at mapasaiyo ang Aking disposisyon. Ganitong mga resulta lamang ang totoo.
Upang maitayo ang iglesia, kailangan ay mayroon kang partikular na tayog at maghangad ka nang may buong pagsisikap, hindi na nananatili kung nasaan ka. Bukod pa riyan, kailangan mong tanggapin ang pagsusunog at paglilinis ng Banal na Espiritu upang maging isang napanibagong tao. Sa ilalim lamang ng ganitong mga kalagayan maaaring itayo ang iglesia. Dinala na kayo ngayon ng gawain ng Banal na Espiritu sa pagtatayo ng iglesia. Kung patuloy kayong kikilos sa nalilito at makupad na paraan tulad ng dati, wala na kayong pag-asa. Kailangan ninyong sangkapan ang inyong sarili ng lahat ng katotohanan, kailangan ninyong magkaroon ng espirituwal na pagkilatis, at kailangan ninyong sumunod sa perpektong daan sa pamamagitan ng pag-asa sa Aking karunungan. Upang maitayo ang iglesia, dapat itong maitayo sa espiritu at sa buhay, hindi lang sa pamamagitan ng panlabas na panggagaya. Ang proseso ng paglago sa iyong buhay ay ang mismong proseso kung saan ka naitatayo. Gayumpaman, tandaan na ang mga umaasa sa mga kaloob ay hindi maitatayo; ang mga walang espirituwal na pang-unawa at realidad ay hindi maitatayo; ang mga walang kakayahang palaging lumapit sa Akin at makipagbahaginan sa Akin ay hindi maitatayo; ang mga namumuhay sa sarili nilang pag-iisip at mga kuru-kuro at umaasa sa mga regulasyon ay hindi maitatayo; ang mga pinangungunahan ng kanilang mga damdamin ay hindi maitatayo; paano ka man tratuhin ng Diyos, dapat kang ganap na magpasakop sa Kanya, kung hindi ay hindi ka maitatayo; ang mga labis na nagpapahalaga sa sarili, nag-aakalang mas matuwid kaysa sa iba, mapagmalaki, at kampante, at mahilig kumuha ng mas mataas na posisyon kaysa sa iba at magpasikat, ay hindi maitatayo; ang mga hindi kayang makipagtulungan sa iba sa paglilingkod ay hindi maitatayo; ang mga walang espirituwal na pagkilatis at pikit-matang sumusunod sa sinumang nangunguna sa kanila ay hindi maitatayo; ang mga hindi makaarok sa Aking mga layunin at namumuhay sa isang lumang kalagayan ay hindi maitatayo; ang mga hindi makasabay sa bagong liwanag at walang anumang pangitain bilang pundasyon nila ay hindi maitatayo.
Dapat maitayo ang iglesia nang walang pagkaantala; ito rin ang apurahan Kong layunin sa kasalukuyan. Dapat kang magsimula mula sa positibong aspekto, ibigay ang buo mong lakas, ihandog ang iyong sarili, at sumali sa daloy ng pagtatayo. Kung hindi, aabandonahin ka. Dapat mong ganap na talikuran ang dapat talikuran, at kumain at uminom nang maayos ng dapat kainin at inumin. Dapat mong isabuhay ang realidad ng Aking salita, at hindi ka dapat tumuon sa mga panlabas at di-mahalagang bagay. Itanong mo ito sa iyong sarili: Gaano karami sa Aking salita ang nasa loob mo ngayon? Gaano mo ito isinasabuhay? Dapat maging malinaw ang iyong isipan, at umiwas sa paggawa ng anumang bagay nang padalus-dalos; kung hindi, hindi makakatulong ang gayong pag-uugali sa iyong paglago sa buhay, kundi sa totoo ay makapipinsala lamang ito sa iyong paglago. Dapat magkaroon ka ng malinaw na pagkaunawa sa katotohanan at ng isang landas ng pagsasagawa, at hayaang tunay na maging buhay mo ang Aking salita. Ito ang pinakabuod ng bagay na ito!
Dahil ang pagtatayo ng iglesia ay umabot na ngayon sa isang kritikal na sandali, sinusubukan din ni Satanas ang lahat ng posibleng paraan at ginagawa ang buong makakaya nito upang isakatuparan ang gawain nito na wasakin ang iglesia. Hindi kayo dapat maging pabaya, kundi magpatuloy nang may pag-iingat at magkaroon ng pagkilatis sa inyong mga espiritu. Kung wala ang gayong pagkilatis, magdurusa kayo ng malalaking kawalan. Hindi ito isang maliit na usapin; dapat ninyo itong ituring bilang isang napakahalagang isyu. Gumagawa rin si Satanas ng mga huwad na anyo at naglalako ng mga peke, ngunit iba ang likas na kalidad ng mga bagay na ito. Napakahangal at napakapabaya ng mga tao, at hindi nila makita ang pagkakaiba. Nangangahulugan ito na hindi nila palaging kayang magkaroon ng malinaw na puso at ng isang mapayapa at matatag na puso. Hindi mahagilap ang inyong mga puso. Ang paglilingkod, sa isang banda, ay isang usapin ng kaluwalhatian, habang sa kabilang banda, ay isang usapin kung saan ang isang tao ay maaaring magdusa ng kawalan. Maaari itong humantong sa mga pagpapala o mga kapahamakan. Manatiling tahimik sa Aking presensya at mamuhay ayon sa Aking salita, at natural ninyong mapapanatili ang pagiging mapagbantay at maisasagawa ang pagkilatis sa inyong espiritu. Kapag dumating si Satanas, agad ninyong magagawang maging mapagbantay laban dito at mararamdaman ninyo ito nang maaga; makakaramdam kayo ng tunay na pagkabagabag sa inyong espiritu. Sumusunod din sa kalakaran ang kasalukuyang gawain ni Satanas. Kapag kumikilos ang mga tao sa nalilitong paraan at kulang sila sa pagiging mapagbantay, mabibihag sila. Dapat kang maging mapagbantay sa lahat ng oras, at panatilihing dilat ang iyong mga mata. Huwag kang makipagtalo tungkol sa sarili mong mga pakinabang at kawalan o magkalkula para sa sarili mong kapakanan; sa halip, hangarin mo ang katuparan ng Aking kalooban.
Maaaring magmukhang magkakapareho ang mga bagay-bagay, ngunit maaaring magkaiba ang kalidad ng mga ito. Dahil dito, dapat mong kilalanin ang mga tao gayundin ang mga espiritu. Dapat kang magsagawa ng pagkilatis at manatiling espirituwal na malinaw ang iyong isipan. Kapag lumitaw ang lason ni Satanas, dapat mo itong makilala kaagad; hindi nito matatakasan ang liwanag ng paghatol ng Diyos. Dapat kang mas tumuon sa matamang pakikinig sa tinig ng Banal na Espiritu sa iyong espiritu; huwag bulag na sumunod sa iba. Kung mapagkakamalan mong totoo ang huwad at susunod ka lang sa sinumang nangunguna, magdurusa ka ng malalaking kawalan. Ano ang lasa nito sa loob? Nalasahan ba ninyong lahat ito? Hindi ka dapat basta-bastang makialam sa paglilingkod o hindi mo dapat isingit ang sarili mong mga opinyon dito, kung hindi ay hahampasin kita. Ang mas malala pa, kung hindi ka magpapasakop nang maayos at magsasalita at kikilos ka nang walang pakundangan, puputulin kita! Ang iglesia ay hindi tungkol sa pagpaparami ng bilang nito sa pamamagitan ng mas maraming tao; gusto lang nito ang mga taos-pusong nagmamahal sa Diyos at aktuwal na namumuhay alinsunod sa Aking salita. Dapat mong malaman ang sarili mong aktuwal na kalagayan. Hindi ba’t panlilinlang sa sarili na ikaw ay mahirap ngunit iniisip mong mayaman ka? Upang maitayo ang iglesia, dapat kang sumunod sa Espiritu; huwag magpatuloy sa pamamagitan ng bulag na pagkilos. Sa halip, manatili sa iyong lugar, at tuparin ang sarili mong mga gampanin. Hindi ka dapat lumampas sa iyong mga tamang hangganan. Anuman ang gampanin mo, dapat mong ibigay ang buo mong lakas sa pagtupad nito. Sa ganitong paraan, masisiyahan ang Aking puso. Hindi sa dapat gampanan ninyong lahat ang iisang gampanin. Sa halip, ang bawat isa sa inyo ay dapat gumampan ng sarili ninyong papel, at makipagtulungan sa paglilingkod kasama ng iba sa iglesia. Ang inyong paglilingkod ay hindi dapat lumihis sa alinmang direksyon.