Kabanata 97
Ipakikita Ko sa bawat isang tao ang Aking mga kamangha-manghang gawa at iparirinig ang Aking matatalinong salita. Dapat na kasama rito ang bawat isang tao, at dapat itong mangyari sa bawat isang bagay. Ito ang Aking atas administratibo, at ito ang Aking poot. Isasama Ko ang bawat isang tao at bawat isang bagay upang makita ng mga tao sa sansinukob at sa kadulu-duluhan ng lupa gamit ang sarili nilang mga mata; hanggang sa mangyari iyon, hindi Ako susuko kailanman. Lubusan nang naibuhos ang Aking poot, na wala ni katiting na pinipigilan. Nakaukol ito sa bawat isang tao na tumatanggap sa pangalang ito (at malapit na itong ibaling sa lahat ng bansa sa mundo). At ano ang Aking poot? Gaano ito katindi? Sa anong uri ng tao sasapit ang Aking poot? Iniisip ng karamihan sa mga tao na ang poot ang pinakamatinding antas ng galit, pero hindi nito iyon lubusang naipaliliwanag. Ang Aking poot at ang Aking mga atas administratibo ay dalawang di-mapaghihiwalay na bahagi; kapag ipinatutupad Ko ang Aking mga atas administratibo, sumusunod dito ang poot. Kaya ano ba talaga ang poot? Ang poot ay isang antas ng paghatol na ipinapataw Ko sa mga tao, ibig sabihin, ito ang prinsipyo sa likod ng pagpapatupad ng alinman sa Aking mga atas administratibo. Kung may sinumang lumabag sa alinman sa Aking mga atas, ang Aking poot ay magkakaroon ng katumbas na tindi. Kung saan may poot, tiyak na may mga atas administratibo, at kung saan may mga atas administratibo, tiyak na may poot. Ang Aking mga atas administratibo at poot ay bumubuo ng isang di-mapaghihiwalay na kabuuan. Ito ang pinakamahigpit sa mga paghatol, na hindi maaaring labagin ng sinuman. Dapat itong sundin ng lahat ng tao, kung hindi ay mahihirapan silang makatakas sa paghampas ng Aking kamay. Sa paglipas ng mga kapanahunan at henerasyon, hindi ito batid ng mga tao (bagama’t may ilan na dumanas ng pasakit na dulot ng malalaking sakuna, hindi pa rin nila ito batid; gayunman, ang pagpapatupad ng atas administratibong ito ay pangunahing nagsisimula ngayon), ngunit ngayon ay ibinubunyag Ko ang lahat ng ito sa inyo, upang hindi ninyo ito labagin.
Dapat marinig ng lahat ng tao ang Aking tinig at maniwala sa Aking mga salita. Kung hindi, hindi Ako kikilos, ni gagawa ng anumang gawain. Ang Aking bawat salita at pagkilos ay ang mga halimbawang dapat ninyong sundin; ang mga ito ang inyong huwaran at ang mga ito ay isang modelo para inyong sundan. Ang dahilan kung bakit Ako naging tao ay upang makita ninyo kung ano Ako at kung ano ang taglay Ko sa Aking pagkatao. Sa hinaharap, hahayaan Ko kayong masaksihan kung ano Ako at kung ano ang taglay Ko sa Aking pagka-Diyos. Dapat na mangyari ang mga bagay-bagay nang paisa-isang hakbang sa ganitong paraan. Kung hindi, hindi makakapaniwala ang mga tao, at hindi nila Ako makikilala. Ang kanilang mga pangitain ay magiging malabo at hindi malinaw lamang, at hindi nila Ako makikita nang malinaw. Ipinakita ng Aking mga salita na ang Aking persona ay ganap na nagpakita sa inyo. At gayunman dahil lamang sa kanilang kahangalan at kamangmangan, hindi pa rin Ako nakikilala ng mga tao kahit na matapos marinig ang Aking mga salita. Kahit ngayon na Ako ay nagkatawang-tao, nilalabanan pa rin Ako ng mga tao, at samakatwid ay ginagamit Ko ang Aking poot at ang Aking mga atas administratibo upang parusahan ang masama at mahalay na lumang kapanahunang ito at upang lubusang ipahiya si Satanas at ang mga diyablo. Ito ang tanging paraan; ito rin ang hantungan para sa sangkatauhan, ang kalalabasan ng sangkatauhan. Nakatakda na ang lahat, at walang sinuman ang maaaring bumago rito, o bumago rito sa pamamagitan ng panghihikayat. Ako lang ang may huling salita; ito ang Aking pamamahala at ito ang Aking plano. Dapat ay maniwala ang lahat ng tao at makumbinsi sa puso at sa salita. Yaong mga nagtatamo ng mabuting kapalaran sa buhay na ito ay tiyak na magdurusa nang walang hanggan, habang yaong mga nagdurusa sa buhay na ito ay tiyak na pagpapalain nang walang hanggan—ito ay nauna Ko nang itinalaga at walang sinuman ang makababago nito. Walang sinumang maaaring bumago sa Aking puso, at walang sinuman ang magdadagdag ng kahit isang salita sa Aking sinabi, at lalong hindi ito pinahihintulutan na mag-alis ng isa mang salita nang ayon sa kagustuhan nito; kapag may sinumang lumabag dito, tiyak na kakastiguhin Ko sila.
Ibinubunyag sa inyo ang Aking mga hiwaga araw-araw—talaga bang nauunawaan ninyo ang mga ito? Talaga bang nakatitiyak kayo sa mga ito? Kapag inililigaw ka ni Satanas, nahahalata mo ba iyon? Ito ay natutukoy ayon sa inyong buhay at inyong tayog. Yamang sinasabi Ko na ang lahat ng bagay ay pauna Ko nang itinadhana, bakit kung gayon ay personal Akong nagkatawang-tao upang gawing perpekto ang Aking mga panganay na anak? At, sa paningin ng tao, bakit Ako gumawa ng napakaraming gawain na walang pakinabang? Iyon ba ay dahil nalilito ako? Tandaan ninyo ito! Ang lahat ng ginagawa Ko ay hindi lang ginagawa upang makamit ang Aking mga panganay na anak kundi, mas mahalaga pa, upang ipahiya si Satanas. Kahit kinakalaban Ako ni Satanas, may kapangyarihan Ako na paghimagsikin dito ang kanyang mga supling at pabalingin ang mga ito upang purihin Ako. Bukod pa riyan, ginagawa ko ito upang tumakbo nang maayos ang kasunod na hakbang ng gawain, upang ang buong lupa ay mag-ingay sa kagalakan at purihin Ako, at ang lahat ng humihingang bagay ay lumuhod sa Akin at lumuwalhati sa Akin; ang araw na iyon ay tunay na magiging araw ng kaluwalhatian. Tangan Ko ang lahat ng bagay sa Aking mga kamay at kapag pumutok ang pitong kulog, ang lahat ng bagay ay ganap na maisasakatuparan, hindi kailanman magbabago; naitakda na ang mga ito. Mula sa puntong iyon, mapapasok ang bagong buhay ng bagong langit at lupa, mapapasok ang bagung-bagong mga kalagayan, at magsisimula na ang buhay ng kaharian. Ngunit paano ilalarawan ang loob ng kaharian? Sadyang hindi ito malinaw na mawawari ng mga tao (dahil wala pang sinuman ang nakaranas na kailanman ng buhay ng kaharian, kung kaya’t naguni-guni pa lang ito sa mga isip ng tao at pinagmuni-munihan sa kanilang puso). Sa paglipat mula sa buhay ng iglesia patungo sa buhay ng kaharian—ibig sabihin, mula sa kasalukuyang kalagayan patungo sa kalagayan sa hinaharap—maraming bagay ang mangyayari na hindi pa kailanman naisip ng mga tao. Ang buhay ng iglesia ay isang paunang kondisyon para sa pagpasok sa buhay ng kaharian, kaya’t bago dumating ang buhay ng kaharian ay buong sikap Kong pagyayamanin ang buhay ng iglesia. Ano ba ang buhay ng iglesia? Ganito iyon: Ang lahat, kabilang na ang Aking mga panganay na anak, ay kumakain, umiinom, at tinatamasa ang Aking mga salita at nakikilala Ako, sa gayon ay tinatanggap ang Aking pagsusunog at pagdadalisay, upang maunawaan nila ang Aking mga atas administratibo, ang Aking paghatol, at ang Aking poot, at maiwasan nila ang pagkakasala sa buhay ng kaharian. At ano naman ang buhay ng kaharian? Ang buhay ng kaharian ay kung saan namumuno ang Aking mga panganay na anak bilang mga hari kasama Ko, namumuno sa di-mabilang na mga bayan at tao. (Tanging ang Aking mga panganay na anak at Ako ang nakatatamasa sa buhay ng kaharian.) Bagama’t pumapasok sa kaharian ang Aking mga anak at ang Aking mga tao mula sa di-mabilang na mga bayan at tao, hindi nila nagagawang matamasa ang buhay ng kaharian. Yaong mga pumapasok lang sa espirituwal na mundo ang makatatamasa ng buhay ng kaharian. Kaya’t tanging Ako at ang Aking mga panganay na anak ang kayang mabuhay sa katawan, habang ang Aking mga anak at ang Aking bayan ay nananatiling nabubuhay sa laman. (Pero hindi ito ang laman na nagawa nang tiwali ni Satanas. Ito ang kabuluhan ng pamumuno ng Aking mga panganay na anak kasama Ko bilang mga hari.) Ang mga espiritu, mga kaluluwa, at mga katawan ng ibang tao ay kukuhanin at itinatapon sa Hades. Ang ibig sabihin, ang mga taong ito ay lubusang mapapahamak at titigil sa pag-iral (ngunit dapat silang dumaan sa lahat ng gapos at kalupitan ni Satanas, tulad ng mga paghihirap at mga sakuna). Kapag tapos na ito, opisyal nang nasa kaayusan ang buhay ng kaharian, at sisimulan Ko nang opisyal na ihayag ang Aking mga gawa. (Ihahayag ang mga ito nang hayagan, at hindi patago). Mula noon, tiyak na hindi na magkakaroon ng pagbuntong-hininga at wala nang pagluha (dahil hindi na magkakaroon ng anumang magsasanhi sa mga tao na magdalamhati, tumangis, o magdusa, at gayundin ito para sa Aking mga anak at sa Aking bayan; ngunit mayroong isang punto na dapat bigyang-diin, na ang Aking mga anak at ang Aking mga tao ay magkakaroon ng katawang-laman magpakailanman), kundi kasiyahan lamang, mga nakatutuwang eksena lamang. Hindi ito magiging isang bagay na materyal, kundi isang bagay na hindi nakikita ng mga pisikal na mata. Yaong Aking mga panganay na anak ay makapagtatamasa rin nito; ito ang Aking kamangha-manghang gawa, at ito ang Aking dakilang kapangyarihan.
Sana ay mahanap ninyo ang Aking mga layunin at maging mapagsaalang-alang kayo sa Aking puso sa lahat ng panahon. Maaaring masira ng panandaliang kasiyahan ang iyong buong buhay, samantalang makapaghahatid ang panandaliang pagdurusa ng walang hanggang mga pagpapala. Huwag kayong malumbay; ito ang daan na dapat lakaran. Madalas Kong sabihin noon, “Kayong mga taos-pusong gumugugol para sa Akin, kayo ay tiyak na labis Kong pagpapalain.” At ano ang “mga pagpapala” na ito? Ang mga ito ay hindi lang ang mga natatanggap ngayon, kundi higit pa rito, ang mga ito ay ang mga matatamasa sa hinaharap—ang mga iyon lamang ang mga totoong pagpapala. Pagbalik ninyo sa Bundok ng Sion, magpapakita kayo ng walang-katapusang pasasalamat para sa inyong kasalukuyang pagdurusa, sapagkat ito ang Aking pagpapala. Ang pamumuhay ngayon sa laman ay pagiging nasa Bundok ng Sion (na nangangahulugang nabubuhay ka sa loob Ko), samantalang ang pamumuhay sa katawan bukas ay magiging ang araw ng kaluwalhatian, at ito, lalo pa, ay pagiging nasa Bundok ng Sion. Pagkatapos mapakinggan itong mga salitang sinasabi Ko, nauunawaan na ninyo kung ano ang kahulugan ng “Bundok ng Sion.” Ang Bundok ng Sion ay isang kasingkahulugan para sa kaharian, at ito rin ang espirituwal na mundo. Ang Bundok ng Sion ngayon ay, habang nasa isang katawang-laman, ang makatanggap ng kaaliwan at makatanggap ng Aking biyaya; ang Bundok ng Sion sa hinaharap ay, habang nasa katawan, ang matamasa ang pagpapala na mamuno bilang mga hari. Sa anumang sitwasyon ay hindi ito maaaring balewalain. At sa anumang paraan ay huwag ninyong hayaang lumipas ang panahon kung kailan maaaring makamit ang mga pagpapala; tutal, ang ngayon ay ngayon, at ito ay ibang-iba sa bukas. Kapag tinatamasa mo na ang mga pagpapalang iyon, mararamdaman mo na ang biyaya ngayon ay hindi na karapat-dapat pang banggitin. Ito ang ipinagkakatiwala Ko sa iyo, at ito ang Aking huling payo.