Kabanata 109
Ako ay araw-araw na gumagawa ng mga pagbigkas, nagsasalita, at nagbubunyag ng Aking malalaking tanda at kababalaghan. Ang lahat ng bagay na ito ay gawain ng Aking Espiritu. Sa mga mata ng mga tao, Ako ay isang tao lamang, ngunit mismong sa taong ito Ko nagagawang ibunyag ang Aking lahat-lahat, pati na ang Aking matinding kapangyarihan.
Dahil hindi Ako pinapansin ng mga tao bilang tao at binabalewala nila ang Aking mga pagkilos, iniisip nila na ang mga bagay na ito ay ginagawa ng isang tao. Gayunman, bakit hindi ka humihinto para isipin kung kayang magawa ng isang tao ang ginagawa Ko? Nananatiling walang alam tungkol sa Akin ang mga tao sa ganitong paraan; hindi nila nauunawaan ang Aking mga salita, at hindi rin nila naaarok ang Aking mga gawa. Masasama at tiwaling mga tao! Kailan kita lululunin? Kailan kita ibabaon sa lawa ng apoy at asupre? Napakaraming beses na Akong itinaboy mula sa inyong grupo, napakaraming beses na Akong ininsulto, tinuya, at siniraang-puri ng mga tao, at napakaraming beses na Akong lantarang hinusgahan at nilabanan ng mga tao. Bulag na mga tao! Hindi ba ninyo alam na kayo ay isang dakot na putik lamang sa Aking palad? Hindi ba ninyo alam na kayo ay mga nilikha lamang? Ang Aking poot ay pinakakawalan ngayon, at walang sinumang makakapagtanggol laban dito. Maaari lamang na paulit-ulit na magmakaawa ang mga tao. Gayumpaman, dahil ang Aking gawain ay nakasulong na hanggang sa antas na ito, walang sinumang makakapagbago nito. Ang mga nilikha ay dapat bumalik sa putik. Hindi sa Ako ay hindi matuwid, kundi sa kayo ay masyadong tiwali at walang pakundangan, at ito ay dahil sa kayo ay nabihag na ni Satanas at naging mga kasangkapan nito. Ako ang banal na Diyos Mismo; hindi Ako maaaring marumihan, at hindi rin Ako maaaring mag-angkin ng maruming templo. Mula ngayon, ang Aking matinding galit (na mas matindi kaysa sa poot) ay magsisimulang bumuhos sa bawat bansa at bawat tao, at kastiguhin ang lahat ng salanggapang na nagmumula sa Akin ngunit hindi nakakakilala sa Akin. Sukdulan Kong kinamumuhian ang mga tao, at hindi Ko na sila palalampasin; sa halip, magpapaulan Ako ng lahat ng Aking sumpa. Talagang wala nang magiging awa at mapagmahal na kabaitan, at lahat ay susunugin hanggang mawala, upang ang kaharian Ko lamang ang matitira, at pupurihin Ako ng Aking mga tao sa Aking sambahayan, luluwalhatiin nila Ako, at magdiriwang sila para sa Akin magpakailanman (ito ang papel ng Aking mga tao). Magsisimula ang Aking kamay na opisyal na kastiguhin ang mga kapwa nasa loob at nasa labas ng Aking sambahayan. Walang mga gumagawa ng masama ang makakatakas sa Aking kamay at paghatol; ang lahat ay dapat sumailalim dito at sambahin Ako. Ito ang Aking pagiging maharlika, at higit pa roon ay isa itong atas administratibo na Aking ipinoproklama sa mga gumagawa ng masama. Walang sinumang makakapagligtas sa iba. Maaari lamang lingapin ng mga tao ang mga sarili nila mismo, ngunit anuman ang gawin nila, hindi nila magagawang takasan ang Aking kamay ng pagkastigo. Ang dahilan kaya nasabing ang Aking mga atas administratibo ay marahas ay ibinubunyag dito; ito ay isang katunayan na makikita ng lahat ng tao gamit ang kanilang sariling mga mata.
Kapag nagsimula Akong magalit, ang lahat ng demonyo, malalaki at maliliit, ay lalayas na natataranta, takot na takot na hahampasin sila ng Aking kamay—ngunit walang sinumang makakatakas mula sa Aking kamay. Hawak Ko sa Aking kamay ang lahat ng gamit sa pagpapahirap; kinokontrol ng kamay Ko ang lahat ng bagay, ang lahat ay abot-kamay Ko, at walang makakawala. Ito ang Aking karunungan. Nang dumating Ako sa mundo ng mga tao, natapos Ko na ang lahat ng uri ng gawain sa paghahanda, inilalatag ang pundasyon para sa pagsisimula ng Aking gawain sa gitna ng mga tao (ito ay dahil Ako ang marunong na Diyos, at hinaharap Ko nang wasto kung ano ang dapat na gawin at ano ang hindi dapat na gawin). Pagkatapos na maayos nang wasto ang lahat, Ako ay naging katawang-tao at pumarito sa mundo ng mga tao. Gayunman, walang nakakilala sa Akin. Bukod sa mga niliwanagan Ko, ang lahat ng anak ng paghihimagsik ay lumalaban sa Akin, tinatangka Akong ipahiya, at malamig ang pakikitungo sa Akin. Ngunit sa katapusan, gagawin Ko silang may mabuting pag-uugali at masunurin. Bagaman para sa mga tao ay parang wala Akong gaanong ginagawa, ang Aking malaking gawain ay natupad na. (Ang lahat ng tao ay ganap na nakumbinsi ng tao na Ako, kapwa sa salita at sa puso. Ito ay isang tanda.) Ngayon, bumabangon Ako at kinakastigo ang lahat ng uri ng masasamang espiritu na lumalaban sa Akin. Gaano man katagal nila Akong sinundan, kailangan nilang umalis sa Aking tabi. Hindi Ko gusto ang sinuman na laban sa Akin (sila ay ang mga walang espirituwal na pang-unawa, ang mga pansamantalang sinapian ng masasamang espiritu, at ang mga hindi nakakakilala sa Akin). Hindi Ko gusto ang isa man sa kanila! Lahat ay aalisin, at magiging mga anak ng perdisyon! Pagkatapos magserbisyo para sa Akin ngayon, silang lahat ay dapat na umalis! Huwag kayong manatili sa Aking sambahayan; itigil na ninyo ang patuloy ninyong pagpapalibre nang walang kahihiyan! Ang lahat ng taong kay Satanas ay mga anak ng diyablo, at mamamatay magpakailanman. Ang lahat ng lumalaban sa Akin ay tahimik na lilisanin ang Aking tabi, kung kaya’t ang tulin ng Aking gawain ay lalo nang magiging maayos at hindi nahahadlangan, na wala nang panggugulo. Ang lahat ng bagay ay gagawin kapag ipinag-utos Ko, nang walang anumang mga balakid o paghadlang. Ang lahat ay babagsak sa harap ng Aking tingin at mawawasak sa Aking pagsunog. Sapat na ito para ipakita ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat at ang Aking perpektong karunungan (kung ano ang ginawa Ko sa Aking mga panganay na anak). Lalo nitong luluwalhatiin ang Aking pangalan, at magdaragdag pa ito ng maluwalhating liwanag sa Akin. Mula sa Aking ginagawa at mula sa tono ng Aking tinig, makikita ninyong lahat na natapos Ko na ang lahat ng Aking gawain sa Aking sambahayan, na nagsimula na Akong bumaling sa mga Hentil na bansa at na sinisimulan Ko na ang Aking gawain doon, at ipinatutupad Ko ang susunod na hakbang ng Aking gawain.
Karamihan sa Aking mga salita ay hindi tumutugma sa inyong mga kuru-kuro—ngunit Aking mga anak, huwag kayong umalis. Ang hindi pagtutugma ng mga ito sa mga kuru-kuro ng tao ay hindi nangangahulugan na hindi Ko pagbigkas ang mga ito. Mismong ito ang nagpapatunay na talagang binigkas Ko ang mga ito. Kung ang Aking mga salita ay nakaayon sa mga kuru-kuro ng mga tao, iyon ay magiging ang gawain ng masasamang espiritu. Kaya, dapat ninyong pagsikapan pa ang Aking mga salita, gawin ang Aking ipinapagawa sa ninyo, at mahalin ang Aking minamahal. Ang huling kapanahunang ito ay ang kapanahunan din kung kailan ang lahat ng sakuna ay dumarating muli, at higit pa roon, ito ang kapanahunan kung kailan Aking ibinubunyag ang lahat ng Aking disposisyon. Kapag ang lahat ng Aking banal na trumpeta ay nagsimulang tumunog, ang mga tao ay tunay na matatakot; sa panahong iyon, walang sinumang mangangahas na gumawa ng masama, kundi sa halip ay magpapatirapa sila sa Aking harapan, nagpapahalaga sa Aking karunungan at pagiging makapangyarihan sa lahat. Ako nga, pagkatapos ng lahat, ang marunong na Diyos Mismo! Sino ang makakapagpabulaanan sa Akin? At sino ang nangangahas na tumayo laban sa Akin? At sino ang nangangahas na hindi kilalanin ang Aking karunungan? Sino ang nangangahas na hindi alamin ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat? Kapag ang Aking Espiritu ay gumagawa ng dakilang gawain sa lahat ng dako, nalalaman ng lahat ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat, ngunit ang Aking nilalayon ay hindi pa rin naabot. Nais Ko na bilang bunga ng Aking poot ay makita ng mga tao ang Aking pagiging makapangyarihan sa lahat, ang Aking karunungan, at ang kaluwalhatian ng Aking persona. (Ang lahat ng ito ay naipapamalas sa mga panganay na anak; ito ay lubos na totoo. Bukod sa kanila, walang sinuman ang maaaring maging bahagi ng Aking persona; ito ay Akin nang inorden.) Sa Aking sambahayan, mayroong mga walang-katapusang hiwaga na hindi kayang maarok ng mga tao. Kapag Ako ay nagsasalita, sinasabi ng mga tao na Ako ay masyadong walang-awa. Sinasabi nila na napakaraming tao na ang nagmamahal sa Akin hanggang sa isang antas, at tinatanong nila kung bakit Ko sinasabi na ang mga iyon ay ang mga inapo ng malaking pulang dragon, at kung bakit Ko sila isa-isang aabandonahin, sinasabi na tiyak na mas mabuti na magkaroon ng mas maraming tao sa Aking sambahayan. Gayunman, patuloy Akong kumikilos sa ganitong paraan. Hindi maaaring humigit nang isa ni magkulang nang isa ang bilang na Aking paunang itinadhana. (Ito ang Aking atas administratibo. Hindi lamang ito hindi maaaring mabago ng sinumang tao, kundi kahit Ako Mismo ay hindi makakapagbago nito, dahil hindi Ako maaaring sumuko sa harap ni Satanas. Ito ay sapat na upang ipakita nang malinaw ang Aking karunungan at pagiging maharlika. Ako ang nag-iisang Diyos Mismo. Ang mga tao lamang ang lumuluhod sa harap Ko. Hindi Ako sumusuko sa harap ng mga tao.) Ito ang mismong punto na pinakanagpapahiya kay Satanas. Ang lahat ng taong Aking pinili ay mapagpakumbaba, mapagpasakop, masunurin, at matapat, at makapaglilingkod sila sa Akin nang may kababaang-loob at nang hindi hayagan. (Inasam ni Satanas na gamitin ang katunayang ito para ipahiya Ako, ngunit bilang ganti ay tinalo Ko si Satanas.) Ang Aking disposisyon ay makikita sa mga taong ito. Kapag Ako ay nakabalik na pagkatapos ng tagumpay sa labanan, Aking papahiran ng langis ang Aking mga panganay na anak upang maging mga hari sa Aking kaharian, at saka lamang Ako magsisimulang magpahinga, dahil sila ay mamumuno bilang mga hari kasama Ko. Ang Aking mga panganay na anak ay kumakatawan sa Akin, at ipinapahayag nila Ako. Sa kanilang mapagpakumbaba at hindi hayagang pagseserbisyo ay nagpapasakop sila sa Akin; sa kanilang katapatan ay ipinatutupad nila ang Aking mga salita; sa kanilang katapatan ay sinasabi nila ang Aking sinasabi; at sa kanilang kababaang-loob ay nagdadala sila ng kaluwalhatian sa Aking pangalan (nang walang kabastusan o kabagsikan, kundi nang may pagiging maharlika at poot). Aking mga panganay na anak! Panahon na upang hatulan ang mundo ng sansinukob! Ipinagkakaloob Ko sa inyo ang pagpapala, binibigyan Ko kayo ng awtoridad, at ginagantimpalaan Ko kayo ng mga pagpapala! Ang lahat ay natupad na, at ang lahat ng ito ay kinokontrol at isinasaayos ninyo, dahil Ako ang inyong Ama; Ako ang inyong matibay na tore, Ako ang inyong kanlungan, at Ako ang inyong suporta, at higit pa roon, Ako ang inyong Siyang Makapangyarihan sa lahat; Ako ang inyong lahat-lahat! Ang lahat ng bagay ay nasa Aking mga kamay, at ang lahat ay nasa inyo ring mga kamay. Kabilang dito hindi lamang ang ngayon, kundi pati ang kahapon, at maging ang bukas! Hindi ba’t karapat-dapat itong ipagdiwang? Hindi ba’t karapat-dapat ito sa inyong pagbubunyi? Kayong lahat, tanggapin ninyo mula sa Akin ang bahaging karapat-dapat sa inyo! Ibinibigay Ko sa inyo ang Aking lahat-lahat, nang hindi nagtatabi ng kahit katiting para sa Aking sarili, dahil ang lahat ng Aking pag-aari ay sa inyo, at ang Aking mga kayamanan ay nasa inyo. Ito ang dahilan kung bakit Ko sinabing “napakabuti nito” pagkatapos Ko kayong likhain.
Alam ba ninyo kung sino ang nagpapatnubay sa inyong ginagawa, iniisip, at sinasabi ngayon? Ano ang layon na nasa likod ng lahat ng inyong pagkilos? Tinatanong Ko kayo, paano kayo dumadalo sa piging sa kasal ng Kordero? Ito ba ay ngayon? O ito ba ay sa hinaharap? Ano ba ang piging sa kasal ng Kordero? Hindi ninyo alam, hindi ba? Kung gayon ay ipaliliwanag Ko ito para sa inyo: Nang dumating Ako sa mundo ng mga tao, isinaayos Ko ang lahat ng uri ng mga tao, pangyayari, at bagay para pagserbisyuhan ang tao na Ako ngayon. Ngayon na ang lahat ay natapos na, Aking isinasantabi ang mga tagapagserbisyo. Ano ang kinalaman nito sa piging sa kasal? Kapag ang mga taong ito ay nagseserbisyo sa Akin—na ibig sabihin, nang Ako ay ginawang Kordero—nalalasap Ko ang piging sa kasal. Sa ibang salita, lahat ng sakit na pinagdusahan Ko, lahat ng bagay na ginawa Ko, lahat ng sinabi Ko, lahat ng nakatagpo Ko, at lahat ng nagawa Ko sa buong buhay Ko ay ang bumubuo sa piging sa kasal. Pagkatapos pahiran ng langis ang tao na Ako, nagsimula na Kayong sumunod sa Akin (sa panahong ito, Ako ay naging ang Kordero); kaya, sa ilalim ng Aking pamumuno, naranasan ninyo ang lahat ng uri ng pasakit at sakuna, tinanggihan at siniraan kayo ng mundo, tinanggihan kayo ng pamilya, at namuhay kayo sa ilalim ng Aking pagpapala. Ang lahat ng ito ay mga bahagi ng piging sa kasal ng Kordero. Ginagamit Ko “ang piging sa kasal” dahil ang lahat ng ginagawa Ko sa pamumuno sa inyo ay para makamit kayo. Gayunman, ang lahat ng ito ay bahagi ng piging. Sa hinaharap—o, masasabi na, sa ngayon—ang lahat ng inyong tinatamasa, ang lahat ng inyong natatamo, at ang inyong pamumuno bilang mga hari kasama Ko ay bahagi ng piging. Ang Aking pag-ibig ay dumarating sa lahat ng umiibig sa Akin. Ang Aking mga iniibig ay mananatili magpakailanman, hindi kailanman aalisin, at magpakailanmang mananatili sa loob ng Aking pag-ibig. Ito ay magpakailanman!