Sa Pagdanas Lamang ng Masasakit na Pagsubok Mo Malalaman ang Pagiging Kaibig-ibig ng Diyos

Gaano mo kamahal ang Diyos ngayon? At gaano ba karami ang iyong nalalaman tungkol sa lahat ng ginawa ng Diyos sa iyo? Ito ang mga aral na dapat mong matutunan. Kapag pumaparito ang Diyos sa lupa, ang lahat ng Kanyang ginagawa sa tao at itinutulot na makita ng tao ay para mahalin Siya ng tao at makilala Siya nang tunay. Na nagagawa ng tao na magdusa para sa Diyos at nagawang makarating nang ganito kalayo ay, sa isang banda, dahil sa pag-ibig ng Diyos, at sa kabilang banda, dahil sa pagliligtas ng Diyos; higit pa rito, dahil ito sa paghatol at gawain ng pagkastigo na isinagawa ng Diyos sa tao. Kung kayo ay walang paghatol, pagkastigo, at mga pagsubok ng Diyos, at kung hindi kayo pinagdusa ng Diyos, sa totoo lamang, hindi ninyo tunay na mamahalin ang Diyos. Habang lumalaki ang gawain ng Diyos sa tao, mas lumalala ang pagdurusa ng tao, mas lalo nitong naipakikita kung gaano kamakabuluhan ang gawain ng Diyos, at mas nagagawa ng puso ng tao na tunay na mahalin ang Diyos. Paano natatamo ang aral ng pagmamahal sa Diyos? Kung walang paghihirap at pagpipino, kung walang masasakit na pagsubok—at kung, bukod pa roon, ang tanging ipinagkaloob ng Diyos sa tao ay biyaya, mapagmahal na kabaitan, at awa—makakaabot ka ba sa punto ng tunay na pagmamahal sa Diyos? Sa isang banda, sa panahon ng mga pagsubok ng Diyos ay nalalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan at nakikita na siya ay hamak, kasuklam-suklam, at mababa, na siya ay walang anuman at walang halaga; sa kabilang banda, sa panahon ng mga pagsubok, naghahanda ang Diyos ng ilang kapaligiran para sa tao upang sa loob ng mga ito, mas nagagawang danasin ng tao ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos. Bagama’t ang pagdurusa ay matindi, at kung minsan ay hindi malagpasan—umaabot pa nga sa nakakadurog na pighati—pagkatapos itong maranasan, nakikita ng tao kung gaano kaibig-ibig ang gawain ng Diyos sa kanya, at sa pundasyong ito lamang umuusbong sa tao ang tunay na pagmamahal sa Diyos. Nakikita ngayon ng tao na kung may biyaya, mapagmahal na kabaitan, at awa lamang ng Diyos, wala siyang kakayahan na tunay na makilala ang sarili niya, at lalong hindi niya kayang makilala ang diwa ng tao, at sa pamamagitan lamang ng kapwa paghatol at pagpipino ng Diyos, at sa proseso ng pagpipino mismo, malalaman ng tao ang kanyang mga kakulangan, at malaman na wala siyang anuman. Kaya, ang pagmamahal ng tao sa Diyos ay itinatag sa pundasyon ng pagpipino at paghatol ng Diyos. Kung tinatamasa mo lamang ang biyaya ng Diyos, ang pagkakaroon ng isang mapayapang buhay-pamilya o mga materyal na pagpapala, hindi ito nangangahulugan na nakamit mo na ang Diyos, ni nangangahulugan na naging matagumpay ka sa iyong pananampalataya sa Diyos. Isinagawa na ng Diyos ang isang yugto ng gawain ng biyaya sa katawang-tao, at ipinagkaloob na nga ang mga materyal na pagpapala sa tao, ngunit ang tao ay hindi magagawang perpekto gamit lamang ang biyaya, mapagmahal na kabaitan, at awa. Sa mga karanasan ng tao, natitikman niya ang kaunting pag-ibig ng Diyos at nakikita ang mapagmahal na kabaitan at awa ng Diyos, ngunit pagkatapos makaranas sa loob ng ilang panahon, nakikita niya na ang biyaya ng Diyos at ang Kanyang mapagmahal na kabaitan at awa ay walang kapabilidad na gawing perpekto ang tao, walang kapabilidad na ilantad iyong tiwali sa kalooban ng tao, at walang kapabilidad na alisin sa tao ang kanyang tiwaling disposisyon, o gawing perpekto ang kanyang pagmamahal at pananalig. Ang gawain ng biyaya ng Diyos ay ang gawain ng isang panahon, at hindi makakaasa ang tao sa pagtatamasa sa biyaya ng Diyos upang makilala ang Diyos.

Sa anong mga kaparaanan isinasakatuparan ang paggawang perpekto ng Diyos sa tao? Isinasakatuparan ito sa pamamagitan ng Kanyang matuwid na disposisyon. Ang disposisyon ng Diyos ay pangunahing binubuo ng katuwiran, poot, pagiging maharlika, paghatol, at sumpa, at ginagawa Niyang perpekto ang tao pangunahin sa pamamagitan ng Kanyang paghatol. Hindi ito nauunawaan ng ilang tao, at itinatanong nila kung bakit nagagawa lamang perpekto ng Diyos ang tao sa pamamagitan ng paghatol at sumpa. Sinasabi nila, “Kung isusumpa ng Diyos ang tao, hindi ba’t mamamatay ang tao? Kung hahatulan ng Diyos ang tao, hindi ba’t makokondena ang tao? Kung gayon, paano pa magagawang perpekto ang tao?” Gayon ang mga salita ng mga taong hindi nakakakilala sa gawain ng Diyos. Ang isinusumpa ng Diyos ay ang paghihimagsik ng tao, at ang Kanyang hinahatulan ay ang mga kasalanan ng tao. Bagama’t mabagsik Siyang magsalita nang hindi man lang isinasaalang-alang ang damdamin ng tao, at inilalantad Niya ang lahat ng nasa kalooban ng tao, inilalantad sa pamamagitan ng ilang istriktong salita kung ano ang pinakadiwa sa loob ng tao, sa pamamagitan ng gayong paghatol, binibigyan Niya ang tao ng isang malalim na kaalaman tungkol sa diwa ng laman, at sa gayon ay nagpapasakop ang tao sa harap ng Diyos. Ang laman ng tao ay sa kasalanan at kay Satanas, ito ay mapaghimagsik, at ito ang layon ng pagkastigo ng Diyos. Sa gayon, upang tulutang makilala ng tao ang sarili niya, ang mga salita ng paghatol ng Diyos ay dapat sumapit sa kanya at kailangang gumamit ng lahat ng uri ng pagpipino; sa gayon lamang magiging epektibo ang gawain ng Diyos.

Maaaring makita mula sa mga salitang sinabi ng Diyos na kinondena na Niya ang laman ng tao. Ang mga salita bang ito, kung gayon, ay hindi mga salita ng pagsumpa? Inilalantad ng mga salitang sinabi ng Diyos ang tunay na kulay ng tao, at sa pamamagitan ng gayong paglalantad ay hinahatulan siya, at kapag nakikita niya na hindi niya natutugunan ang mga layunin ng Diyos, nadarama niya sa kanyang kalooban ang pighati at pagsisisi, nadarama niya na napakalaki ng kanyang pagkakautang sa Diyos, at hindi makaaabot sa mga layunin ng Diyos. May mga pagkakataon na dinidisiplina ka ng Banal na Espiritu mula sa iyong kalooban, at ang pagdidisiplinang ito ay nagmumula sa paghatol ng Diyos; may mga pagkakataon na sinasaway ka ng Diyos at itinatago ang Kanyang mukha sa iyo, na hindi ka Niya binibigyang-atensiyon at hindi ka Niya ginagawaan, tahimik kang kinakastigo upang pinuhin ka. Ang gawain ng Diyos sa tao ay pangunahing para ibunyag ang Kanyang matuwid na disposisyon. Anong patotoo ang ibinibigay ng tao sa Diyos sa bandang huli? Nagpapatotoo ang tao na ang Diyos ay ang matuwid na Diyos, na ang Kanyang disposisyon ay katuwiran, poot, pagkastigo, at paghatol; nagpapatotoo ang tao sa matuwid na disposisyon ng Diyos. Ginagamit ng Diyos ang Kanyang paghatol upang ang tao ay gawing perpekto, minahal na Niya ang tao, at iniligtas ang tao—ngunit gaano karami ang nakapaloob sa Kanyang pag-ibig? Mayroong paghatol, pagiging maharlika, poot, at sumpa. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao noong araw, hindi Niya ganap na itinapon ang tao sa walang hanggang hukay, kundi ginamit ang kaparaanang iyon upang pinuhin ang pananalig ng tao; hindi Niya inilagay ang tao sa nakamamatay na sitwasyon, kundi kumilos Siya upang gawing perpekto ang tao. Ang diwa ng laman ay iyong kay Satanas—tamang-tama ang pagkasabi rito ng Diyos—ngunit ang mga katunayang isinasagawa ng Diyos ay hindi isinasakatuparan ayon sa Kanyang mga salita. Isinusumpa ka Niya upang mahalin mo Siya, at upang makilala mo ang diwa ng laman; kinakastigo ka Niya upang ikaw ay magising, upang tulutan kang malaman ang mga kakulangan sa iyong kalooban, at upang malaman ang pagiging hamak at pagiging hindi karapat-dapat ng tao. Sa gayon, ang mga sumpa ng Diyos, ang Kanyang paghatol, at ang Kanyang pagiging maharlika at poot—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Lahat ng ginagawa ng Diyos sa ngayon, at ang matuwid na disposisyon na ibinubunyag Niya sa inyo—lahat ng ito ay upang gawing perpekto ang tao. Gayon ang pag-ibig ng Diyos.

Sa tradisyonal na mga kuru-kuro ng tao, naniniwala siya na ang pag-ibig ng Diyos ay ang Kanyang biyaya, awa, at pagmamalasakit para sa kahinaan ng tao. Bagama’t ang mga bagay na ito ay pag-ibig din ng Diyos, masyadong may isang panig lang ang mga ito, at hindi ang pangunahing kaparaanan na ginagawang perpekto ng Diyos ang tao. Ang ilang tao ay nagsisimulang manampalataya sa Diyos dahil sa karamdaman. Ang karamdamang ito ay ang biyaya ng Diyos para sa iyo; kung wala ito, hindi ka mananampalataya sa Diyos, at kung hindi ka nanampalataya sa Diyos ay hindi ka makararating nang ganito kalayo—at sa gayon ay pag-ibig ng Diyos maging ang biyayang ito. Sa panahon ng pananampalataya kay Jesus, maraming ginawa ang mga tao na hindi kasiya-siya sa Diyos dahil hindi nila naunawaan ang katotohanan, ngunit ang Diyos ay may awa at mapagmahal na kabaitan, at dinala na Niya ang tao nang ganito kalayo, at bagama’t walang nauunawaang anuman ang tao, hinahayaan pa rin ng Diyos ang tao na sumunod sa Kanya, at, bukod pa roon, inakay na Niya ang tao hanggang sa ngayon. Hindi ba ito ang pag-ibig ng Diyos? Iyong namamalas sa disposisyon ng Diyos ay ang pag-ibig ng Diyos—tama talaga ito! Nang nasa kasukdulan na ang pagtatayo ng iglesia, ginawa ng Diyos ang hakbang ng gawain ng mga tagapagserbisyo at itinapon ang tao sa walang hanggang hukay. Ang mga salita sa panahon ng mga tagapagserbisyo ay pawang mga sumpa: mga sumpa ng iyong laman, mga sumpa ng iyong satanikong tiwaling disposisyon, at mga sumpa ng mga bagay tungkol sa iyo na hindi nakakatugon sa mga layunin ng Diyos. Ang ipinahayag ng Diyos sa hakbang na iyon ng Kanyang gawain ay pagiging maharlika, at hindi nagtagal pagkatapos noon ay isinagawa Niya ang hakbang ng gawain ng pagkastigo, at sumapit ang pagsubok ng kamatayan. Sa gayong gawain, nakita ng tao ang poot, pagiging maharlika, paghatol, at pagkastigo ng Diyos, ngunit nakita rin niya ang biyaya ng Diyos, ang Kanyang mapagmahal na kabaitan, at Kanyang awa. Ang lahat ng ginawa ng Diyos, at ang disposisyong ipinamalas Niya, ay pag-ibig ng Diyos para sa tao, at lahat ng ginawa ng Diyos ay nagawang tugunan ang mga pangangailangan ng tao. Ginawa Niya ito upang gawing perpekto ang tao, at naglaan Siya para sa tao ayon sa tayog nito. Kung hindi ito nagawa ng Diyos, mananatiling walang kakayahan ang tao na lumapit sa harap ng Diyos at hindi ito magkakaroon ng paraan para malaman ang tunay na mukha ng Diyos. Mula nang unang simulan ng tao na manampalataya sa Diyos hanggang sa ngayon, unti-unti nang naglaan ang Diyos para sa tao alinsunod sa tayog ng tao, kaya nga, sa kalooban, unti-unti na Siyang nakilala ng tao. Sa pagdating lamang sa araw na ito napagtatanto ng tao kung gaano kahanga-hanga ang paghatol ng Diyos. Ang hakbang ng gawain ng mga tagapagserbisyo ay ang unang pangyayari ng gawain ng pagsumpa mula sa panahon ng paglikha hanggang sa ngayon. Isinumpa ng Diyos na itapon ang tao sa walang hanggang hukay. Kung hindi iyon nagawa ng Diyos, wala sanang tunay na pagkakilala ang tao tungkol sa Diyos ngayon; sa pamamagitan lamang ng pagsumpa ng Diyos opisyal na naranasan ng tao ang Kanyang disposisyon. Ibinunyag ang tao sa pamamagitan ng pagsubok sa mga tagapagserbisyo. Nakita niya na ang katapatan niya ay nagkukulang, na ang tayog niya ay napakaliit, na wala siyang kakayahang tugunan ang mga layunin ng Diyos, at na sinabi lang niya nang pasalita na dapat niyang mapalugod ang Diyos sa lahat ng oras. Bagama’t isinumpa ng Diyos ang tao sa hakbang ng gawain ng mga tagapagserbisyo, kung gugunitain ngayon, ang hakbang ng gawaing iyon ng Diyos ay kahanga-hanga: Nagdulot ito ng isang malaking punto ng pagbabago para sa tao, at nagsanhi ng isang malaking pagbabago sa kanyang buhay disposisyon. Bago ang panahon ng mga tagapagserbisyo, walang naunawaang anuman ang tao tungkol sa paghahangad sa buhay, kung ano ang kahulugan ng manampalataya sa Diyos, o ang karunungan ng gawain ng Diyos, ni hindi niya naunawaan na maaaring subukin ng Diyos ang tao sa Kanyang gawain. Mula sa panahon ng mga tagapagserbisyo hanggang sa ngayon, nakikita ng tao kung gaano kamangha-mangha ang gawain ng Diyos, nakikita na hindi ito maaarok, at nakikita ng tao na hindi niya kayang ilarawan sa isip gamit ang kanyang utak kung paano gumagawa ang Diyos. Nakikita rin niya kung gaano kababa ang kanyang tayog, at na napakarami ng kanyang paghihimagsik. Nang isumpa ng Diyos ang tao, ito ay upang matamo ang isang epekto, at hindi Niya kinitil ang buhay nito. Bagama’t isinumpa Niya ang tao, ginawa Niya iyon sa pamamagitan ng mga salita; wala talagang sumapit sa tao, sapagkat ang isinumpa ng Diyos ay ang paghihimagsik ng tao, kaya nga ang mga salita ng Kanyang mga sumpa ay sinambit din upang gawing perpekto ang tao. Hinahatulan man ng Diyos ang tao o isinusumpa siya, parehong ginagawa nitong perpekto ang tao: Parehong ginagawa ito upang gawing perpekto iyong hindi dalisay sa kalooban ng tao. Sa pamamagitan ng kaparaanang ito ang tao ay pinipino, at iyong kulang sa kalooban ng tao ay ginagawang perpekto sa pamamagitan ng Kanyang mga salita at gawain. Bawat hakbang ng gawain ng Diyos—masasakit na salita man ito, o paghatol, o pagkastigo—ay ginagawang perpekto ang tao, at talagang angkop. Hindi kailanman nakagawa ng ganitong gawain ang Diyos sa lahat ng kapanahunan at salinlahi; ngayon, gumagawa Siya sa inyo at ipinapaunawa sa inyo ang Kanyang karunungan. Bagama’t nagdusa kayo ng ilang pasakit sa loob ninyo, palaging matatag at payapa ang nararamdaman ng inyong puso; ang katunayang natatamasa ninyo ang yugtong ito ng gawain ng Diyos ay inyong mabuting kapalaran. Anuman ang magagawa ninyong makamit sa hinaharap, nakikita ninyo na ang lahat ng gawain ng Diyos sa inyo ngayon ay pag-ibig. Kung hindi nararanasan ng tao ang paghatol at pagpipino ng Diyos, gumagawa lang ng mga bagay-bagay sa panlabas at nagpapakita ng panlabas na kasigasigan, habang hindi kailanman nagbabago ang kanyang disposisyon, maituturing ba ito na nakamit ng Diyos ang tao? Sa ngayon, bagama’t matindi pa rin ang kahambugan sa kalooban ng tao, mas matatag na ang disposisyon ng tao kaysa rati. Pinupungusan ka ng Diyos upang iligtas ka, at bagama’t maaari kang makadama ng kaunting pasakit sa panahong iyon, pagdating ng araw na nagbago na ang iyong disposisyon, aalalahanin mo ang nakalipas at makikita mo kung gaano karunong ang gawain ng Diyos, at sa oras na iyon ay magagawa mong tunay na maunawaan ang layunin ng Diyos. Sa ngayon, may ilang taong nagsasabi na nauunawaan nila ang layunin ng Diyos, ngunit hindi iyon masyadong makatotohanan. Nagsasabi sila ng mga kasinungalingan. Ito ay dahil, sa kasalukuyan, hindi pa nila nauunawaan kung ang layunin ng Diyos ay upang iligtas ang tao o isumpa ang tao. Marahil ay hindi mo ito nakikita nang malinaw ngayon, ngunit pagdating ng araw na makita mong sumapit na ang araw na nagkakamit ng kaluwalhatian ang Diyos, at makita mo kung gaano kamakabuluhan ang mahalin ang Diyos—sapagkat tinutulutan ka nitong makilala ang buhay ng tao, at tinutulutan ang iyong laman na mamuhay sa mundo ng pagmamahal sa Diyos, kung saan nakasusumpong ng paglaya ang iyong espiritu, napupuno ng kagalakan ang iyong buhay, at palagi kang lumalapit sa Diyos at bumabaling sa Kanya—saka mo tunay na malalaman ang napakalaking halaga ng gawaing ginagawa ngayon ng Diyos.

Sa ngayon, karamihan sa mga tao ay walang ganoong pagkatanto. Naniniwala sila na ang pagdurusa ay walang halaga, at na itinatakwil sila ng mundo, magulo ang buhay nila sa tahanan, hindi nalulugod ang Diyos sa kanila, at madilim ang kinabukasan nila. Gusto pa nga ng ilang tao na mamatay kapag nagdurusa sila sa isang partikular na antas. Hindi ito tunay na pagmamahal sa Diyos; ang gayong mga tao ay mga duwag, wala silang pagtitiyaga, sila ay mahina ang loob at walang kakayahan! Inaasam ng Diyos na mahalin Siya ng tao, ngunit kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang pagdurusa ng tao, at kapag lalo Siyang minamahal ng tao, lalong tumitindi ang mga pagsubok sa tao. Kung minamahal mo Siya, bawat uri ng pagdurusa ay darating sa iyo—at kung hindi mo Siya mahal, marahil ay magiging maayos ang lahat para sa iyo at lahat ay magiging payapa sa paligid mo. Kapag minamahal mo ang Diyos, madarama mo palagi na marami sa paligid mo ang hindi mo makakayanan. At dahil ang iyong tayog ay napakababa, ikaw ay pipinuhin, at hindi mo makakayang palugurin ang Diyos—palagi mong madarama na napakatayog ng mga layunin ng Diyos, na hindi kayang abutin ng tao ang mga ito. Dahil sa lahat ng ito, ikaw ay pipinuhin—dahil maraming kahinaan sa loob mo, at sa maraming aspekto, hindi mo kayang tugunan ang mga layunin ng Diyos, pipinuhin ka nang panloob. Ngunit kailangan ninyong makita nang malinaw na ang pagdadalisay ay natatamo lamang sa pamamagitan ng pagpipino. Kaya, sa mga huling araw na ito ay kailangan ninyong magpatotoo para sa Diyos. Gaano man kalaki ang inyong pagdurusa, dapat kayong magpatuloy hanggang sa kahuli-hulihan, at maging sa inyong huling hininga, kailangan ninyong maging tapat sa Diyos at magpasailalim sa pamamatnugot ng Diyos; ito lamang ang tunay na pagmamahal sa Diyos, at ito lamang ang malakas at matunog na patotoo. Kapag ikaw ay tinutukso ni Satanas, dapat mong sabihin: “Ang aking puso ay pag-aari ng Diyos, at nakamit na ako ng Diyos. Hindi kita mapapalugod—kailangan kong mapalugod nang maayos ang Diyos.” Habang mas pinalulugdan mo ang Diyos, mas pagpapalain ka ng Diyos, at mas titindi ang iyong sigasig na mahalin ang Diyos; magkakaroon ka rin ng pananalig at determinasyon, at mararamdaman mo na ang buhay na ginugol sa pagmamahal sa Diyos ang pinakamahalaga at pinakamakabuluhang buhay. Masasabing sa sandaling mahalin mo ang Diyos, mawawalan ka ng kalungkutan. Bagama’t may mga pagkakataon na mahina ang iyong laman at marami kang tunay na paghihirap, kung sa mga panahong ito ay tunay kang aasa sa Diyos, makadarama ka ng kaginhawahan, kapanatagan, at suporta sa loob ng iyong espiritu. Sa ganitong paraan, mapagtatagumpayan mo ang maraming sitwasyon, at hindi ka magrereklamo tungkol sa Diyos dahil sa pagdurusang tinitiis mo. Sa halip, gugustuhin mong umawit ng mga himno, sumayaw, at manalangin, makipagtipon at makipagbahaginan, at isipin ang Diyos, at mararamdaman mo na ang lahat ng tao, pangyayari, at bagay sa paligid mo na isinaayos ng Diyos ay angkop. Kung hindi mo mahal ang Diyos, ang lahat ng titingnan mo ay hindi aayon sa iyong gusto at walang makapagpapalugod sa iyong mga mata; hindi ka magkakaroon ng pagpapalaya at masusupil ka sa loob ng iyong espiritu, at palagi kang magkikimkim ng mga reklamo tungkol sa Diyos, at palagi mong mararamdaman na ang pagdurusang tinitiis mo ay napakatindi, at na labis kang inapi. Kung hindi ka maghahangad alang-alang sa kaligayahan, kundi upang palugdan ang Diyos at upang hindi akusahan ni Satanas, kung gayon ang gayong paghahangad ay magbibigay sa iyo ng matinding sigasig na mahalin ang Diyos. Kapag nagagawa mong isagawa ang lahat ng sinasabi ng Diyos, at ang lahat ng ginagawa mo ay nakapagpapalugod sa Diyos, ito ay tinatawag na pagtataglay ng realidad. Ang paghahangad na mapalugdan ang Diyos ay ang paggamit ng iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso upang isagawa ang Kanyang mga salita. Kahit kailan, palagi kang mayroong mapagmahal-sa-Diyos na puso sa loob mo, kahit na ang iba ay walang lakas, at inaasam at iniisip mo ang Diyos mula sa kaibuturan ng iyong puso. Ito ay tunay na tayog. Ang laki ng iyong tayog ay nakasalalay sa laki ng tinataglay mong mapagmahal-sa-Diyos na puso, kung nagagawa mong maging matatag sa oras ng pagsubok, kung nanghihina ka kapag sumasapit sa iyo ang isang partikular na sitwasyon, at kung kaya mong manindigan kapag inayawan ka ng iyong mga kapatid; ang pagdating ng mga katunayan ay magpapakita kung anong uri ang iyong mapagmahal-sa-Diyos na puso. Makikita sa marami sa gawain ng Diyos na talagang labis na mahal ng Diyos ang tao. Iyon nga lang, hindi pa ganap na mulat ang mga espirituwal na mata ng tao at hindi niya malinaw na nakikita ang marami sa gawain ng Diyos at ang Kanyang mga layunin, ni ang maraming bagay na kaibig-ibig tungkol sa Diyos; napakaliit ng tunay na pagmamahal ng tao sa Diyos. Nanampalataya ka na sa Diyos sa buong panahong ito, at sa ngayon ay pinutol na ng Diyos ang lahat ng paraan ng pagtakas. Sa totoo lang, wala kang pagpipilian kundi tahakin ang tamang landas, at ang mabagsik na paghatol at malawak na pagliligtas ng Diyos ang umaakay sa iyo papunta sa tamang landas na ito. Pagkatapos lamang makaranas ng paghihirap at pagpipino nalalaman ng tao na ang Diyos ay kaibig-ibig. Pagkatapos dumanas hanggang sa ngayon, masasabi na nalaman na ng tao ang isang bahagi ng pagiging kaibig-ibig ng Diyos, ngunit hindi pa rin ito sapat, dahil malaki ang kulang sa tao. Kailangang maranasan ng tao ang higit pa sa kamangha-manghang gawain ng Diyos, at ang maraming matinding pagpipino na inihanda ng Diyos para sa kanya. Saka lamang mababago ang buhay disposisyon ng tao.

Sinundan:  Iyong mga Gagawing Perpekto ay Kailangang Sumailalim sa Pagpipino

Sumunod:  Ang Pagmamahal Lamang sa Diyos ang Tunay na Pananalig sa Diyos

Ang Pagpapakita at Gawain ng Diyos Ukol sa Pagkakilala sa Diyos Ang mga Diskurso ni Cristo ng mga Huling Araw Paglalantad sa mga Anticristo Ang mga Responsabilidad ng mga Lider at Manggagawa Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ukol sa Paghahangad sa Katotohanan Ang Paghatol ay Nagsisimula sa Tahanan ng Diyos Mahahalagang Salita Mula sa Makapangyarihang Diyos, ang Cristo ng mga Huling Araw Araw-araw na mga Salita ng Diyos Ang Mga Katotohanang Realidad na Dapat Pasukin ng mga Mananampalataya sa Diyos Sundan ang Kordero at Kumanta ng mga Bagong Awitin Mga Gabay para sa Pagpapalaganap ng Ebanghelyo ng Kaharian Naririnig ng mga Tupa ng Diyos ang Tinig ng Diyos Makinig sa Tinig ng Diyos  Masdan ang Pagpapakita ng Diyos Mahahalagang Tanong at Sagot tungkol sa Ebanghelyo ng Kaharian Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume I) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume II) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume III) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IV) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume V) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VI) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume VIII) Mga Patotoong Batay sa Karanasan sa Harap ng Luklukan ng Paghatol ni Cristo (Volume IX) Paano Ako Bumalik sa Makapangyarihang Diyos

Mga Setting

  • Teksto
  • Mga Tema

Mga Solidong Kulay

Mga Tema

Font

Font Size

Espasyo ng Linya

Espasyo ng Linya

Lapad ng pahina

Mga Nilalaman

Hanapin

  • Saliksikin ang Tekstong Ito
  • Saliksikin ang Aklat na Ito

Connect with us on Messenger